Idol
Ko Si Sir – Book 2 (Part 6)
By:
Mikejuha
(From:
Pinoy Gay Love Story)
Isang napakasakit na
katotohanan ang aking nabatid buhat sa magkapatid na Dodong at Antot, ang
kanilang kapatid na si Maritess ay buntis at si Sir James ang ama. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa nalamang
iyon. Sobrang sakit pala. Hindi ko namalayan na naglakad ko palayo at narating
ang kubo na ginawa ni Anton malapit sa Batis.
Sinundan pala ako ni Anton at siya ang dumamay sa oras ng aking pagdurusa.
Hindi ko akalain na sa murang edad niya ay mabigyan niya ako ng payo na tumimo
sa aking puso at damdamin.
Napabuntong-hininga ako ng malalim. Nag-isip. “Tama ka, ’tol. Tama ka.”
“At kung gusto mo, Carl, umiyak ka ng umiyak. Nandito lang ang mga balikat
ko, ibuhos mo ang lahat ng nararamdamang sakit na siyang nagpapahirap sa iyo.”
Niyakap ko si Anton at humahagulgol, tinatapik-tapik niya ang likod ko. Nung
lumuwag na ang pakiramdam, nabuo sa isip ang isang desisyon. Hintayin ko ang
pagdating ni Sir James, magpaalam ako ng maayos, at magpakalayo-layo na.
-----o0o-----
Sa gabing iyon hindi
pa rin dumating si Sir James. Nung maghapunan kaming lahat, nag-expect ako na
buksan nila ang issue tungkol kay Maritess at sabihin sa akin kung ano ba
talaga ang nangyari. Ngunit walang isa man lang sa kanila ang nagbanggit. Hindi
na ako kumibo pa. Parang meron ding namumuong hinanakit sa loob ko na tila
inilihim pa nila sa akin ang nangyari. Ngunit hinayaan ko na lang. “Baka nahiya lang silang sabihin sa akin,” s'abi
ko sa sarili.
“A, e... ’Tay, bukas ho babalik na akong syudad.” ang sabi kong hindi
nagpahalata na masama ang loob.
“Ay, bakit naman
Carl? Ambilis naman. Naka-dalawang araw ka pa lang dito at bukas na kaagad kamo
ikaw uuwi?” ang sagot ni Tatay Nando.
“May asikasuhin lang
po ako, ’Tay. At sa palagay ko, hinahanap na ako ng mommy. Wala kasi siyang
katuwang sa pagaasikaso sa negosyo.”
“Sana naman Carl,
nandito ka hanggang kahit isang linggo pa. May mahalagang okasyon kasi ang
pamilya at gusto naming nanjan ka, kasama sa pagdiriwang,” ang sabi naman ni
Nanay Narsing.
“Ano po ba iyon,
Nay?” Nagtinginan sina Tatay Nando at Nanay Narsing at tila nag-uusap ang
kanilang mga mata.
“E... Si James na
ang magsabi sa iyo, Carl. Bilin niya kasi, siya na ang magsabi e. Baka kasi isipin niya na
pinangunahan namin siya. Pero basta, matutuwa ka sa sasabihin niya,” ang
masayang sabi ni Nanay Narsing.
“A, ganun po ba? E, titingnan ko po bukas. Pero, malamang na tuloy na ang
alis ko. Pero ganun pa man, baka ho babalik na lang ako kung sakali.”
“Sana naman, Carl.”
Natapos ang hapunan na ibang topic na ang pinag-usapan. Hindi na rin ako
nagsalita pa tungkol doon. Nung magpagpahinga na sina Tatay Nando at Nanay
Narsing, nag-isa na naman ako sa kwarto. Sina Anton at Dodong kasi ay dumeretso
na sa sayawan, schedule kasi ng kabilang baranggay sa gabi na iyon at sasamahan
nila sa pagdayo ang mga kadalagahan ng baranggay nila. Hindi na ako sumama gawa
ng gusto ko ring magmumuni-muni.
Nakababagot ang buong magdamag, parang unti-unting dinudurog ang puso sa kaiisip
na sa kabila ng matinding hinanakit, parang wala man lang dumamay o kumampi sa
akin. Inayos ko na lang lahat ng mga gamit upang pagdating na pagdating kaagad
ni Sir James at pagkatapos naming mag-usap ay handa na ang lahat sa pag-alis
ko. Litong-lito pa ang isipan ko kung saan patungo pagkatapos ng lahat o kung
anong gagawin upang makalimutan si Sir James.
Ngunit ang isinisiksik ko rin sa utak ko ay kapag kaharap ko na siya,
maging mahinahon ako, maging malawak ang pag-unawa, at mapagparaya. Hinding-hindi
ako magagalit, o ni magtanim ng galit sa kaniya. At wala akong taong sisisihin.
Mag-aalas-onse ng
tanghali kinabukasan dumating si Sir James, may dalang pasalubong at pagkain
para sa lahat. Pagkakita ko
palang sa kaniya, mejo napansin ko ang parang pamumutla niya at ang tila
pagpayat. Parang napakalungkot at matamlay ang aura niya.
“A, siguro dahil kulang sa tulog sa piling ni Maritess,” ang bulong ng isip ko.
Ramdam kong sumikip ang dibdib ko, may namuong selos at pagkaawa sa sarili.
Tumalikod kaagad ako nung makita siyang nakatingin sa akin.
Dali-dali akong
pumasok ng kwarto, naupo sa papag, nakasandal sa dingding na kahoy. Pagkatapos niyang
i-abot ang mga pasalubong sa pamilya kina Tatay Nando at Nanay Narsing,
agad-agad naman siyang pumasok sa kwarto, sinundan ako at naupo sa tabi.
“Hi Carl! Musta ka na? Sensiya ka na, natagalan ako,”
ang sambit niya habang iniabot sa akin ang pasalubong niyang, siopao. Alam niya kasing na-miss ko na ito sa dati kong
kinakainan nung nag-aaral pa lang. “Importanteng-importante lang talaga. Sorry.”
“Ok lang iyon, James, wag kang mag-alala, ok lang ako.,” ang sagot ko na
lang kahit na sa loob-loob ko, parang sasabog na ito sa pagdaramdam. “Nandito
naman sina Anton at Dodong, may sayawan nga nung isang gabi, sumama ako sa
kanila. Ikaw? Parang namumutla ka ata?”
”Hindi, ok lang ako. Ikaw, kwento ka naman kung anong nangyari sa sayawan?”
ang paglihis niya sa usapan.
“Yun, natuto na si Anton na sumayaw at mayron na ring kaibigang babaeng
nagkakagusto sa kaniya at sa tingin ko, type din niya.”
“Talaga? Hahaha! Akalain mo! Ikaw? Nag-enjoy naman sa
lakad mo?”
“Nag-enjoy naman,”
ang halatang malungkot kong pagkasabi.
“Ey! May problema
ba? Ba’t ganiyan ang mukha mo?”
“Wala. Ikaw naman o. Ok lang ako. Ikaw, baka meron?”
Bigla siyang natahimik at lumungkot ang mukha. Binitiwan ang makahulugang
titig. Noon ko pa lang nakita ang ganung klaseng titig sa kaniya. Pakiwari ko’y mayron siyang pinapasang sobra-sobrang bigat na
suliranin. Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa mga mata niya, yumuko at
pinakawalan ang malalim na buntong-hininga.
“James, may problema ba?” tanong ko sa kaniya, kuniyari wala akong
kaalam-alam.
“Wala naman, Carl.
Mamaya, mag-usap tayo. Mananghalian muna tayo.”
“Aalis na ako James,
babalik ng syudad.”
“Ha? Bakit?” Ang
tanong niyang halatang nabigla. “Carl, please wag ka munang umalis”
pagmamakaawa niya.
“Kailangan ko nang
umalis, James.”
“Pero bakit nga? May
nagawa ba ako?”
Hindi ako kumibo. Hindi na rin siya kumibo. Yumuko siya, at nakita ko na
lang ang luhang umaagos na sa pisngi niya. Tiningnan ko lang siya, hindi
maintindihan kung maaawa o ibubuhos ang lahat ng sama ng loob ko sa kaniya.
“Kung ayaw mong
magsalita tungkol sa problema mo, ok, fine.”
“Carl, naramdamn
kong may alam ka na. Oo,
nagkasala ako sa iyo.” at tuluyan na siyang humagulgul. “Hindi
ko sinadya ang nangyari, Carl, maniwala ka. Alam mong si Maritess ay kapatid
ang turing ko. Ngunit nung may isang beses na naglasing ako dahil sa sobrang
lungkot na wala ka, si Maritess ang umaalalay sa akin. Maniwala ka, Carl,
please.”
Hindi ako nagpakita
ng emosyon, pinigilan ang sariling umiyak o magalit. “E, ano ang plano mo
ngayon?”
“Paninindigan ko ang
nangyari. Magpakasal kami ni Maritess sa darating na linggo. Naplano na namin ang lahat Sana nandito ka sa araw na
iyon, Carl.”
Parang sinaksak ng
ilang beses ang dibdib ko sa narinig. Ngunit hindi pa rin ako nagpahalata sa sobrang sakit na naramdaman.
“Hindi ko alam, James, pag-isipan ko pa. Basta, titingnan ko.”
Tumayo ako upang lumabas na sana ng kwarto. Ngunit nung
tumayo din si Sir James upang sabayan ako, bigla na lang itong nabuwal.
Inaalalayan ko kaagad. “Ok ka lang ba talaga?”
“Ok lang ako, Carl. Hihiga na lang muna ako. Napagod at nahilo lang ako sa
biyahe.”
Naglatag na lang ako ng banig at pinahiga siya, nung ipinikit niya ang mga
mata, napansin kong animoy pagod na pagod siya o nahihirapan. Pero, hindi ko na
binigyan-pansin pa. “Sige, pahinga ka muna at magpaalam lang ako kina Tatay at
Nanay bago umalis.”
Nasa pintuan na ako nung pahabol niyang sinabi. “Carl,
ano man ang mangyari, wag mong kalimutan ang pagmamahalan natin. At tandaan mo,
mahal na mahal kita. Hinding-hindi magbabago yan.”
Lumabas ako ng bahay
upang magpaalam na kina Tatay Nando at sa buong pamilya. Ngunit hindi nila ako
pinayagang umalis agad. Sa kinahapunan na lang daw at magkakatay sina Tatay
Nando at Anton ng manok at mag-iihaw at konting inuman, yun daw sana kasi ang
plano nila para sa akin at dahil hindi ako nagpapigil sa pag-alis, sa oras na
iyon na lang nila gawin. At kaagad ngang nagkatay ng apat na manok. Ang isa ay
ginawang tinola, ang isa ay inadobo, at ang dalawa ay inihaw. Naglabas naman ng
tuba si Dodong at si Anton ay kinuha ang gitara.
“Tay, hindi po ako
pweding iinom ng marami at baka di ako makapagbiyahe.” sabi ko.
“’Wag kang mag-alala, konti lang. Ihahatid ka nina Anton at Dodong sa may
sakayan sa lungsod,” sagot naman niya.
“Tawagin nyo si James para sumali na rin sa atin,” ang pag-utos ni Tatay
Nando kina Dodong at Anton.
Pinuntahan ni Dodong si Sir James sa kwarto ngunit masama daw ang
pakiramdam at nahhihilo pa. Magpahinga na lang daw muna.
“Hmmm, umatake na naman siguro ang pagkahilo,” wika ni Nanay Narsing.
“Hmmm, pagod lang
iyon sa biyahe at sa magdamagan nilang pagniniig ni Maritess,” sabi ng utak
kong inalipin ng matinding pagseselos.
Nag-inuman na nga lang kami na hindi kasali si Sir James. Naggigitara si
Anton, kantahan naman sina Dodong, Tatay, pati si Nanay at ang bunsong si
Letecia ay nakisali na rin. Habang masayang-masaya sila,
animoy tinutusok naman ang puso ko. Pakiwari ko’y napakabagal ng takbo ng oras.
Alas tres na ng hapon nung matapos kami. Nung kinuha ko na ang mga gamit ko sa
kwarto, himbing na himbing pa rin si Sir James. Napansin kong suot-suot niya
ang bracelet at ang wrist watch na bigay ko nung pagdating ko pa lang,
kinumpara ang suot-suot kong kapareha din ng mga iyon.
Ibinaling ko ang
paningin sa kaya. Nakahigang nakatihaya, ang isang kamay ay nakapatong sa noo.
Nandun pa rin ang angking kakisigan, ganda ng porma ng katawan sa kabila ng
mejo pagpayat niya. Pinagmasdan ko siyang maigi, tinatandaan ang mga maliliit
na detalye sa lahat ng angulo ng mukha, ng anyo, sa pangambang baka iyon na ang
huling sandaling masulyapan at masilayan siya. Hinipo ko ang mukha niya, ang
buhok. Sumikip ang dibdib ko sakit na nadarama ngunit pinilit ko pa ring
lakasan ang loob at ‘wag umiyak.
Nung hindi na ako
makatiis, yumuko ako at idinampi ang mga labi sa mga labi niya. ‘Di ko rin napigilan ang pagpatak ng luha ko sa pisngi niya.
Pinahid ko ito. Hindi pa rin siya nagising. Binulungan ko siya, “Bye, James.
Oo, hindi ko kalilimutan ang pagmamahalan natin, saan man ako mapadpad. Babaunin
ko ang mga matatamis at magagandang alaala. Salamat sa pagmamahal, salamat sa
mga oras na iginugul mo upang madama ko ang pagmamahal mo. Salamat
sa lahat ng magagandang bagay na ginawa mo upang mabago ang takbo ng buhay ko.
Sana, liligaya ka sa desisyong ginawa mo. Good luck sa iyo at sa bagong buhay
na tatahakin.”
“Sa parte ko, ‘wag
mong intindihin dahil ipagpatuloy ko pa rin ang buhay kahit na wala ka. Wala
akong pinagsisisihan. Bagkus, nagpapasalamat ako dahil ang isang taong katulad
mo ay naging malaking bahagi ng buhay ko. Wag kang mag-alala; wala akong galit
na kinikimkim at tanggap ko ang lahat ng maluwag sa dibdib. At mas naintindihan ko na ngayon ang dati mo pang
sinasabi sa akin na pangarap. Lalo akong humahanga sa katatagan mo, sa
paninindigang ipinamalas mo. Gagawin kong patnubay ang mga itinuturo mo sa
akin. Ikaw pa rin ang inspirasyon ko. Kahit saan naman, talagang idol kita, e.”
”Ang hiling ko lang ay sana ’wag mo ring kalimutan na may isang taong hindi
lang humahanga sa iyo, kungdi nagmahal ng lubos; isang taong handang gawin ang
lahat, handang magparaya at magbigay, kahit ito’y nangangahulugang mapalayo ka sa akin, para sa
ikaliligaya at katuparan ng pangarap mo. Masakit... ngunit
handa ako. At kaya kong magtiis gaano man kalalim ang sugat na dulot nito. Ganiyan kita kamahal... Alagaan mo palagi ang sarili mo,
James.”
At idinampi ko muli ang mga labi ko sa mga labi niya. Hindi pa rin siya
gumalaw. Akmang tatalikod na sana ako nung mapansin ang mga namumuong luha sa
gilid ng mga mata niya. Dumaloy ito sa tenga at bumagsak sa unan. Hindi ko alam
kung nagtutulog-tulugan lang siya at narinig ang mga ibinubulong ko. Ngunit
hindi ko na alintana. Dinampot ko ang knapsack at tuluyan ng lumisan.
Mag aalas-12 na ng hating gabi nung makarating ako ng bahay. Laking
gulat ng mom nung makita ako. “O, akala ko ba dalawang linggo ka dun?” ang
tanong niya kaagad.
“Mejo nababagot din
ako dun, ma. Pahinga na lang muna ako dito at baka lalabas ng bansa, mag-tour, ‘di
ko alam e.”
“Hmmm. Carl, may
problema ka, alam ko. Nag-away ba kayo ni James?”
“Wala ma, ok lang kami. Ano kaya ma, kung tayong dalawa
ang mag-tour, sa Europe, o kahit dito lang sa Asian countries?” paglihis ko sa
usapan.
“Hahahaha! May
problema nga ang anak ko. Ok, whatever you say. Mag tour tayo. At bukas na
bukas din ipapa-set ko sa secretary ang schedule. Kahit 1 week lang, mahirap
din kung pasobrahan natin, may mga appointments pa ako. Ano pwedi na ba ang 1
week?”
“Kayo po ang
bahala.”
“Kumain ka na ba hijo?”
“Wala po akong gana mom, magpahinga na lang muna ako.”
Dumeretso na ako ng kwarto. Pagpasok na pagpasok kaagad, inihagis ang
dala-dalang knapsack sa gilid ng kwarto, bagsak ang katawan sa kama, ni hindi
man lang nagpalit ng damit, naligo, o naghubad ng sapatos. Lupaypay ang katawan
at pagod na pagod ang isipan, hindi pa rin halos makapaniwala sa bilis ng pangyayari
sa araw na iyon. Pilit kong ipinikit ang mata. Pabaling-baling sa higaan.
Mag-aalas kwatro na ng madaling araw ay hindi pa rin ako dinalaw ng antok. Nabigla
na lang ako nung sa hindi malamang dahilan, bumagsak at nabasag ang larawan ni
Sir James na idinikit ko sa dingding ng kwarto.
‘Di ko maintindihan
ang biglang paglakas ng kabog ng dibdib. Tumayo ako at nung simulang pulutin
ang mga basag na salamin, nahiwa ang ang balat ko at umagos ang dugo. Umupo
ulit ako sa gilid ng kama habang pinapahid ng alkohol ang sugat at pinapahinto
ang pagtagos ng dugo. Patuloy pa rin ang ‘di maipaliwanang na pagkabog ng
dibdib. Nasa ganung ayos ako nung mabaling ang paningin sa dalang knapsack na
nakalatag sa gilid ng dingding. Napansin ko ang tila puting papel na naka-usli sa isang side ng bulsa nito.
Hinugot ko at binuksan.
Sulat kamay ni Sir James. Sa anyo ng mga letra, halatang minamadali ang
paggawa at hirap na hirap sa pagsusulat at bakat dito ang tila natutuyong mga
patak ng luha.
Dear
Carl,
Ginawa
ko ang sulat na to habang nag-uumpukan kayo nina Tatay Nando. Nahirapan akong
gawin ang simpleng bagay na to ngunit ito lang ang tanging paraang naisip bago
pa man maging huli ang lahat. Baka kasi hindi mo na ako maabutan pa. Una sa lahat,
salamat sa pag-unawa mo sa nangyari sa amin ni Maritess, at sa desisyon ko na
ring pakasalan siya. Ngayong darating na Sabado na ang kasal. Pasensiya na kung
hindi ko nasabi kaagad sa iyo ang mga pangyayari habang wala ka. Tila wala
akong lakas na sabihin sa iyo ang bagay na ito. Ayokong masaktan ka, ayokong
lumayo ka. Takot ang nag udyok sa akin na ’wag munang magsalita, hanggang sa
kinapos na ako sa panahon dahil sa kailangang kailangan kong pumunta ng
Maynila. At sa iba mo pa tuloy nalaman ito. Patawarin mo ako, Carl, hindi ko
intensyon ang saktan ka.
May isa pa akong lihim na
walang ni isa man ang nakakaalam sa pamilya nina Tatay Nando, at sa iyo ko lang
sasabihin ito. Hindi ko rin sinabi kaagad sa iyo ito gawa ng ayokong mag-alala
ka at pati na rin ang lahat. Ngunit wala na akong choice. Nung nagmadali akong
pumunta ng syudad at iniwan kita dito sa baranggay, iyon ay dahil sa kalagayan
ko. May brain
cancer ako, Carl. Nung taon na magkalayo tayo bigla na lang akong nag-collapse
habang nagka-klase. Halos sunod-sunod iyon. Nagpatingin ako sa isang espesiyalista
at nakita sa CT-scan at MRI ang malaking tumor sa utak ko. Nasa terminal stage
na ito at wala ng silbi pa ang operasyon. Simula nun, may mga oras na bigla na
lang akong nanghihina, nahihilo, o bumabagsak sa kalagitnaan ng ginagawa.
Bilang na ang mga araw ko. Sa pag alis mo, ramdam kong hindi na ako magtatagal.
Nakakatuwang isipin na bago ko malaman ang sakit ko na to, napakadami ko pang
mga plano sa buhay, kampanteng-kampante na sa pagdating ng bukas, ok pa rin ang
lahat, malayang nagagawa ang mga dapat gawin. Minsan nga, yung ibang gawain ko
ay ipagpaliban muna, dahil sa may bukas pa naman at nakatatak na sa isipan na
buhay pa ako at malakas pa ang katawan sa bukas na darating.
Ni
minsan hindi pumasok sa isip na sa isang iglap pala ay pweding magbago ang
lahat. At pag ganito palang nasa bingit na ng kamatayan, at oras na lang ang
binibilang, tsaka ko pa ma-realize na sana, dinoblehan ko ang effort para
natapos man lang ang kung anu man ang mga dapat na sanang natapos, o kaya’y
nagawa ang mga bagay na maipadama sa mga taong nanjan para sa akin, na mahal na
mahal ko sila. Pero sa kabilang banda, maganda na rin ang ganito; at least alam
ko na hindi na ako magtatagal at makapag-paalam ako ng maayos, lalo na sa iyo. Kung
hahabaan pa ang buhay at nanjan pa ako hanggang nitong Sabado, matutuloy ang
kasal namin ni Maritess. Ngunit kung hindi naman, bahala na ang nasa itaas.
Lahat naman ng bagay, siya
lang ang nakakaalam. Ngunit hihilingin ko sa iyo na kung sakaling matapos bigla
na ang buhay ko at hindi na matuloy pa ang kasal, alagaan mo si Maritess at ang
magiging anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang
mga pangangailangan. Mamaya, pag nakayanan kong tumayo, ilalagay ko sa isang
box ang mga alaala mo sa akin, yung mga regalo mo sa akin dati na
pinakaingat-ingatan ko kagaya ng iilang t-shirts, souvenir items, pictures, mga
sulat, at itong white gold bracelet at wrist watch na pasalubong mo. Kung natatandaan mo, may
dalawang beses kitang pinasuot ng shorts ko nung malasing ka sa flat. Iniingat-ingatan ko ang mga iyon, lingid sa kaalaman mo. Kasali ang mga
iyon sa ilalagay ko sa box. Sa harap ng bahay nina Tatay Nando, magtanim ako ng
isang puno ng mangga at sa ilalim ng lupang tatamnan ko nito ibabaon ko ang box
na naglalaman ng mga alaala natin sa isa’t-isa. Para sa iyo ang punong mangga
na ito.
Hihinto man ang pintig ng
puso ko, dito sa punong ito ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Alagaan mo
ito, kagaya ng pag-alaga mo sa pagmamahalan natin. Nawala man ako, mayroon kang
buhay na alaalang makikita galing sa akin. Palaguin
mo siya hanggang sa magbigay ito ng lilim at bunga. At kapag may mga panahon na
nahihirapan ka sa mga dagok at pagsubok at kailangan mo ng masandalan,
bisitahin mo lang ang puno na iyan, kausapin mo, isipin na nanjan pa rin ako
makikinig sa mga daing mo, palaging dumadamay sa sakit na iyong maramdaman.
Sa
pagbalik mo, ilagay mo rin sa isang box ang mga alaala mo sa akin at ibaon mo
din ito sa ilalim ng lupa kung saan ko itinanim ang puno na iyon upang kahit sa
paraang ito man lang mabigyang katuparan ang minimithi ng mga puso nating
magsama, magkaisa, at hindi na maaaring
maghiwalay pa. Paalam sa iyo, Carl. Sana magkita pa tayong pumipintig pa ang
puso ko. Subalit kung hindi na ito mangyari pa, nais kong malaman
mo na mahal na mahal kita. Maging matatag ka, magpakabait palagi, at ingatan
ang sarili.
Ngmamahal sa iyo ng lubos –
James Cruz
Para akong biglang nawalan ng lakas pagkatapos kong basahin ang sulat niya.
At
imbis na bumalik ulit sa higaan, dinampot ko ang knapsack, dali-daling tinungo
ang cabinet, at kumuha ng mga malilinis na damit. Kinolekta ko na rin ang mga
ala-alang itinatago at dali-daling naligo. Hindi ko na nagawang magpaalam sa
mommy, at parang kidlat na dumeretso na ng terminal pabalik sa lugar nina Tatay
Nando, umaasang magkita pa kami ni Sir James.
Itutuloy……