Kababata (Part 3)
Alaala ng Kabataan 3
John Mark
Sa bahay nina Jonas
ako natulog sa huling gabi niya sa isla. Matagal kaming nagkwentuhan, may
tawanan din dahil sabi ko ay wala nang iyakan.
Maaga kaming
gumising ni Jonas kinabukasan. Dinalhan kami ni Nanay ng almusal dahil sa wala
naman kaming kakainin dito. Handa na siya bago pa man dumating ang sundo niya.
Nang makita ko ang kotseng paparating ay palihim na akong umalis, hindi na ako
nagpakita pa kay Jonas. Alam kong hinahanap niya ako, pero hindi ako nagpakita.
Naroon lang naman ako sa hindi kalayuan, sinisilip ko siya. Nang hindi na
talaga ako makita ay yumakap na lang siya kay Nanay ay alam kong may sinabi
siya rito.
Malayo na ang
sasakyan ng bumalik ako, hindi na hlos kita pa ang sasakyan nila.
“Babay Jonas, huwag
mo akong kalilimutan, magpakabait ka diyan babay!” Sigaw ko sa pag-aakalang
madididnig pa niya ang sinasabi ko, iyak ako ng iyak. Hanggang sa pagdating sa
bahay ay hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak.
Inalo naman ako ni
Nanay at sinabing magkikita pa kami. Naniwala naman ako sa sinabing iyon ni
Nanay.
-----o0o-----
Iyon ang huli
naming pagkikita at pag-uusap. Simula ng umalis siya ay wala na akong
nabalitaan pa sa kanya.
Matuling lumipas
ang mga araw buwan at taon. Nagkaroon ako ng kapatid na babae tapos ay lalaki.
Palagi ko sa kanilang ikinukwento ang pagkakaibigan namin ni Jonas. Sayang at
wala man lang akong larawan na maipakita sa kanila.
“Kuya, ano na
kayang itsura ng kaibigan mong iyon ano. Gwapo din kaya siya na kagaya mo?”
wika ni Tintin ang kapatid kong babae habang nililinis namin ang puntod ng
Nanay at Tatay ni Jonas, malapit na kasi ang undas.
Tinupad ko ang
pangako ko sa kanya, palagi kong nililinisan at dinadalaw ang puntod ng
magulang niya kapag dinadalaw ko ang puntod ni lolo.
Ang kanilang dampa
ay maayos at malinis pa rin, pati halaman sa paligid ay naalagaan. Napagawa na
iyon ni tatay dahil sa kalumaan at sa bagyo ay talagang nasisira din.
Ang pulseras na
bigay niya sa akin ay hindi na magkasya sa aking pulsuhan, masyado ng maliit at
hindi na talaga kasya. Nakakatuwa naman na noong bata ako ay talagang hindi ako
sakitin, siguro ay may bisa talaga ang pulseras na iyon.
Napaisip talaga ako
Kung anong itsura niya ngayon. Ang naalala ko sa kanya ay ang itsura niya noong
bata pa. Parang pogi naman siya noon, pero ewan ko lang kung ano na ang
ipinagbago ng kanyang itsura. Tumangkad ba siya, gumandang lalaki, haaay ang
hirap ilarawan sa ngayon. Malamang ay hindi ko na siya makilala kapag nagkita
kami. Sana lang ay makilala niya ako.
“Tintin, gwapo ba
talaga ako, ‘yung walang biro ha, ‘yung totoo lang,”
“Gwapo ka talaga
kuya. Ang dami ngang nagkakagusto sa iyo eh. Wala bang nagpaparinig sa mga
kaklase mong babae sa iyo?”
“Meron naman, kaya
lang ay parang ayaw kong maniwala eh. Bakit walang kumukuha sa aking mag-escort
kapag may santa cruzan.”
“Wahhhh si kuya.
Bakit… gusto mo ba? Ayaw mo naman eh, saka suplado ka raw, hindi namamansin.
Iniisip nga nila kuya na baka bading ka eh hahaha.”
“Gagi, sinong
nagsasabing bading ako at hahalikan ko.”
“Talaga lang ha,
torpe ka naman. Tayo na, malinis na naman eh, uwi na tayo at papadilim na,” aya
ni Tintin.
Habang naglalakad
kami ay tanong pa rin ako ng tanong sa kapatid ko. “Halimbawa Tin, magsing edad
tayo, tapos hindi nagkita ng higit 12 years, makikila mo pa ba ako?”
“Depende siguro
kuya, kasi may mga taong halos hindi nagbago ang itsura ng lumaki, pero ikaw,
sabi ni Tatay ay patpatin, uhugin, tapos ang itim-itim pa. Pero ngayon moreno
ka na, hindi ka na negro. Baka hindi ka na nga makilala pa.”
Natahimik ako.
“Kuya… kapag nasa
Maynila ka na, huwag mo kaming kalilimutan ha? Baka naman kapag nagkita uli
tayo hindi mo na ako kilala.”
“Ano ka ba, nasa
puso na kita at nasa aking utak, naka-drawing ka na kaya kahit wala akong
larawan mo ay makikilala pa rin kita. Sino ba namang makakalimot sa itsurang
iyan, pangit hahaha,” biro ko kay Tintin. Pinagkukurot niya ako.
Pagdating namin sa
bahay ay nagsumbong kaagad kay Nanay. “Nanay, si Kuya, pangit daw ako.”
“Sinabi mo nga ba
iyon Mark? Ibig sabihin ay pangit ako, kasi ay kamukha ko siya.”
“Joke lang iyon
Nay. Ikaw ang pinaka-magandang Nanay dito sa isla at si Tatay naman ang
pika-pogi.”
“Kasi kahawig mo si
Tatay, wehhhhhhh. Si Bunso ang kahawig ni Tatay, pogi, di ba bunso.”
“Tama ka ate.”
“Tumigil na kayo,
baka magkapikunan pa kayo. Maligo nga kayong dalawa at amoy sementeryo kayo.”
-----o0o-----
Sa aking pag-iisa
ay nasa isip ko pa rin si Jonas, ang kanyang itsura sa ngayon at kung
magkakakilala pa kami matapos ang mahabang panahong hindi namin pagkikita.
Nasasabik pa rin ako sa kanya hanggang ngayon. May posibilidad na magkita kami
sa Maynia dahil doon na ako magpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo, hinihintay
ko lang ang aming graduation.
Sinwerto ako dahil
yung kaisa-isahang kapatid ni Nanay ay nangakong papag-aaralin daw ako ng
minsang dumalaw sa amin sa isla.
Hindi naman biro
ang ginawa kong pagsisikap para makatapos man lang ng high school. Kapos kami
sa pera kaya para matustusan ang pangangailangan ko ay sumasama ako minsan kay
tatay sa pangingisda. Kahit na naman libre at walang bayad dahil sa public
school lang ako nag-aral ay marami pa ring gastos dahil sa mga project na
pinapagawa sa amin, tapos ay tatlo na kaming nag-aaral. Kawawa naman sina Tatay
at Nanay sa pagtataguyod sa aming mga anak nila.
Nagpapaupa ako sa
ibang nagsasaka, kung minsan ay sa palengke rin kung saan nagtitinda ng isda si
Nanay. Awa ng Diyos at nakakaraos din kami.
Maipagmamalaki ko
naman, pati sina nanay dahil consistent honor ako at naging salutatorian pa ng
mag-graduate ng junior high at umaasa rin ako na sa pagtatapos ko ng senior
high ay magkaroon ako ng honor.
Aaminin kong
excited ako at nasasabik na makarating ng Maynila, una ay para talaga
makapag-aral, panglawa, gusto ko ring makitang muli ang aking bestfriend.
Pero sa isang banda
ay nalulungkot din ako dahil sa malalayo ako sa aking mga magulang at kapatid,
kung nalungkot ako ng umalis si Jonas, higit siguro akong malulungkot sa
paghiwalay ko sa aking pamilya. Inisip ko na lang na may goal akong gustong
abutin, ang mabigyan ng maginhawang buhay ang aking magulang sa kanilang
pagtanda ay mapag-aral ko ang mga kapatid ko sa kolehiyo, iyon ang nagsisilbing
lakas ko para sa katuparan ng aking pangarap.
Natigil lang ang
aking pagmumuni-muni ng abutin na ako ng antok. Matagal pa ang byahe namin,
baka abutin pa kami ng isang buong maghapon bukas.
-----o0o-----
Sa wakas narito na
kami sa pantalan ng Maynila. Nagready na ako sa pagbaba. Kinausap ko ang
kababayan ko sa isla at nagpaalam na. May susundo daw sa akin. Ibinigay kasi ng
aking tiya ang number niya at i-text ko raw siya pag dating ko ng pier.
Binigyan ako ng CP
ni Tiya Rosy pati na rin sina Nanay na si Tintin ang gumagamit dahil sa hindi
raw marunong gumamit si Nanay. Nag text na ako bago pa lang kami dumaong sa
pier, maging kay Nanay ay sinabi kong malapit na ako.
Pagbaba ko ay
nanibago ako sa paligid, ang daming tao at nakakakalito kung saan ako
maglalakad. May nakita akong pangalan ko. Siguro ay ang sundo ko dahil ang sabi
ni Tiya ay ipinasundo na raw ako sa kaniyang driver. Nilapitan ko na ang may
hawak ng papel na may pangalan ko.
“Pangalan ko yang
nasa papel, ako yan, ikaw ba ang susundo sa akin?”
Tumango ang lalaki
at kaagad na kinuha ang aking dala-dalahan at pinasunod na ako sa kanya.
Naka-park daw sa may labasan ang kanyang dalang sasakyan. Nakahinga na ako ng
maluwag, totoo na ito, nasa Maynila na ako. Kaagad akong nag-text kay Tintin na
sinaabing nasa kotse na ako ni Tiya.
Sandali lang naman
at nasa bahay na ako ni Tiya Rosy. Hangang-hanga ako sa bahay niya, ang laki,
parang mansion na nakikita ko sa video. Ang laki ng bakuran at maraming
halaman. May swimming pool pa. Sayang lang at hindi nagkaanak, hindi rin
nag-ampon. Matagal na naman niyang kinukuha si Nanay pero si Nanay ang aayaw,
noon iyon noong nabubuhay pa ang asawa ni Tiya. Para daw kasing mahigpit itong
kanyang bayaw.
Kwentuhan muna kami
ng konti. “Tita, wala naman akong pasalubong sa inyo, alam naman ninyo ang
buhay namin doon. Pero nagpadala naman sa inyo ng daing na pusit. Gusto raw
ninyo iyon,” Wika ko.
“Okay lang, yung
nanay mo kasi, ayaw pang dito manirahan eh ang laki-laki nitong bahay. Mabuti
na lang at napilit kong dito ka papag-aralin.”
“Hindi kasi niya
maiwanan ang aming isla. Saka si Tatay, hindi rin daw kayang manirahan dito.”
“Ang taas kasi ng
pride niyang tatay mo. Tinutulungan ko na ngang bigyan ng puhunan eh ayaw.
Hayaan ko nga. Halika, magpahinga ka muna. Ituro ko sa iyo ang kwarto mo.”
Umakyat na kami sa
itaas. Ang daming silid. Isang napakagandang silid ako pinatuloy ni Tiya Rosy,
ang laki, may TV pa at aircon. Hindi lang iyon, may sarili pang banyo, grabe,
para akong hari nito. Mas malaki pa yata sa bahay namin ang silid ko ngayon.
At ang kama, ang
laki, pwede kaming tatlong magkakapatid maluwag pa. Ang kutson ang lambot
hayyyyy ang sarap pala ng buhay dito.”
“Mamaya Mark ay
ipatatawag kita sa kasambahay para kumain. Mag-ayos ka na muna ng gamit mo at
magpahinga, alam kong halos hindi ka naman nakatulog sa barko.”
“Opo tiya, salamat
po.”
-----o0o-----
Nakatulog ako ng
matagal-tagal, nagising lang ako sa katok sa pintuan. Tinawag ako para kumain
na raw. Ipinakilala ako sa kanilang mga kasambahay, tatlo pala silang
nagtatrabaho dito, pang-apat ang driver. Sa pagkain ay kasabay naming kumakain
ang mga kasambahay at driver. Mabait naman pala talaga si Tiya, ewan ko lang
kung bakit hindi nakasundo ni Tatay. Ay hindi pala si Tiya ang hindi kasundo ni
Tatay kundi ang asawa niya.
“Bukas ay sasamahan
kita, wala naman opisina bukas. Ipamimili kita ng mga gamit mo. Tapos sa lunes
ay sasamahan kita para mag-inquire sa papasukan mong kolehiyo. Ano ba ang
talagang gusto mong kurso.” Wika ni Tiya.
“Nakakahiya po eh,
masyado pong magastos ang pangarap kong kuhanin.”
“Ano ba iyon, bakit
hindi mo sabihin.”
“Gusto ko pong
maging doctor.”
“Oh eh di
magdoctor. Kung nagkaanak ako ay pagdodoctor din ang ipakukuha kong kurso. Syempre,
mag-pre-med muna hindi kaagad doctor, ipakukuha so sa iyo ay ‘Occupational o
Speech Theraphist’. May nagsabi sa aking magaling daw itong pre-med course na
ito. Pwede ka nang magtrabaho kapag nakatapos ka ng ganito at malaking kita ha.
Apat na taon lang ang bubunuin mo at kailangan din maipasa mo ang board exam.
Kayang kaya mo yun dahil sa matalingo ka naman.
Pagkatapos kumain
ay gusto ko sanang tumulong sa paghuhugas man lang ng kinanan, pero pinigilan
naman ako ng mga kasambahay. Nag-usap pa kami ni Tiya sa sala, at pagkatapos ay
umakyat na rin siya. Naiwan ako dahil sa kagigising ko lang din at hindi ako
makakatulog kaagad. Nakipagkwentuhan pa ako sa driver at sa ibang kasambahay.
Puring-puri nila si Tiya, pero hindi ang namatay nitong asawa, masyado raw
masungit. Simula daw nang mamatay ang asawa ni Tiya ay kasabay na sila sa
pagkain at hindi raw katulong ang trato sa kanila. May pinag-aaral din pala
siyang anak ng driver sa college, kaya naman tapat silang lahat kay Tiya.
-----o0o-----
Hiyang-hiya ako kay
Tiya Rosy, ang dami niyang binili para sa kin, sapatos, pantalon, polo, tshirt,
brief. Binilhan din niya ako ng bagong cellphone. Ang laki ng binayaran niya sa
credid card niya. Puro pa namang mamahalin ang pinagbibili niya sa akin. Ayaw
ko sana, pero siya ang may gusto. Ipinatatapon na sa akin ang dala kong mga
damit dahil sa hindi raw bagay sa kapogian ko. Natawa ako, nadinig ko na naman
ang salitan Pogi.
Monday ay sa eskwelahan
sa may ExpaƱa street niya ako sinamahan para mag-inquire naman para sa kukuning
kong Kurso. Nang makita naman ang aking grade ay hindi na ako pinag-take ng
entrance exam, enroll kaagad. Kaagad kong ibinalita kina Tatay ang lagay ko sa
poder ni Tiya. Tuwang-tuwa naman sila.
Isang buwan pa bago
ang pasukan. Sinabihan ni Tiya ang driver na ipasyal daw ako sa mga lugar dito
sa Maynila para masanay daw ako, ma-familiarize sa paligid, kung saan sasakay
kung magko commute, kung saan ang pasyalan. Basta ipasyal daw ako, halos isang
lingo naming ginawa iyon, tuwang-tuwa naman ang driver dahil pati siya ay
nakakapasyal. Bukod sa driver sa bahay ay may driver din pala siya sa opisina
nila na siya ngayon ang nagpapatakbo.
Nang sumunod na
linggo ay sinabi ko kay Tiya na dito na lang ako sa bahay. Tumulong ako sa
pagdidilig ng halaman, sanay naman ako sa gawaing ganon, mas higit pa. Palagi
din akong lumalangoy sa pool nila. Na miss ko kasi ang paglangoy sa dagat.
-----o0o----
Pasukan na, first
day ng klase namin at pinahatid pa ako ni tiya sa Driver. Para tuloy akong anak
ng mayaman hehehe. Excited na kinakabahan ako sa aking first day of class.
Panibagong pakikisama na naman, paghahanap ng kaibigan. Mahirap para sa akin
dahil sa galing akong malayong probinsya at sa isla pa. Promdi kung tawagin
dito sa kamaynilaan.
Madali ko namang
nahanap ang aking room assignment. Marami ng tao, may mga nagkukuwentuhan na.
Sa dulo ako naupo, sa bandang huling row.
Doon ako
pansamantalang pumuwesto sa wala pang nakaupo. Isa isa nang nagdaratingan ang
mga kaklase ko, syempre iisa ang room namin at naka block section pa kami. May
isang babae ang tumabi sa akin. Wow, maganda siya, maputi at sexy. Kaya lang ay
likas akong mahiyain, torpe nga daw, sabi ni Tintin. Hindi ko ito pinansin,
pero siya ay pinansin ako, una siyang nagpakilala, Para tuloy napahiya ako.
“Hi,” bati ng
babae. “Ako si Allysa, bakante pa ba itong silya? Pwede bang dito na rin ako
maupo?” sabi niya sa salitang english. Medyo natameme ako dahil sa hindi pa
talaga ako ganon kagaling magsalita ng english, pero ang magsulat ay pwede
akong ipanglaban sa essay wrting contest sa english hehehe.
“John Mark, Wala pa
naman nakaupo diyan, saka hindi pa naman permanente ang seating arrangement
natin,” wika ko in english din kaya lang pautal-utal hehehe. Nakipagkamay din ako
sa kanya.
Wow! Ang lambot ng
kamay, yayamanin hehehe hindi tulad ng sa akin na magaspang, kaya nga lalo
akong nahiya ng makipagkamay sa kanya. Hindi naman siya suplada.
Wala pang professor
na dumarating kaya maingay pa sa silid, kwentuhan pakilalahan. Isang lalaki ang
nakakuha ng pansin sa aking, Matangkad din niya, halos sing tangkad ko, gwapo,
maputi. Pinagmasdan ko siyang mabuti, kasi ay parang may similarity kay Jonas.
Pero para ding hindi dahil maitim si Jonas eh ito ay maputi. Naputol ang
pag-iisip ko ng dumating na ang una naming professor.
Itutuloy…………