Kababata (Part 5)
Caught in The Act
John Mark
Magkapit-bahay lang
pala kami ni Jonas. Mabait naman pala ang loko at isinakay pa ako sa kanyang
kotse nang makita akong naglalakad. Sa konting sandali na nagkausap kami ay
parang close na kami kaagad.
Ngayon nga ay
magkasabay pa kaming pumasok dahil sa isinabay niya uli ako. Pagpasok namin ng
room ay pinagtinginan kami ng mga kaklase namin, nahawa na yata ako sa
kasikatan nitong si Jonas. Ang loko, bumati pa.
“Good morning
classmates!” bati ni Jonas na nakangiti. Nag good morning din naman ang mga
kaklase namin, pati mga lalaki. “Pa good vibes lang guys hahaha.” Sabi pa niya.
Dumiretso na ako sa
dati kong inupuan, naroon na si Allysa. Sa tabi ko naupo si Jonas.
“Allysa, wala pang
umookopa sa katabing upuan ko ano, gusto raw ni Jonas na dito na rin sa likod
maupo,” sabi ko kay Allysa.
“Wala, wala pa
naman tayong permanent seat arrangement eh. Magkaibigan na kayo? Nice naman,
parehong gwapo ang magiging seatmate ko hehehe,” wika ni Allysa.
“Siya lang ang gwapo,
hindi ako kasale. Hindi ba magkakaibigan tayo? Tapos, alam mo ba na
magkapit-bahay pala kami. Doon din pala siya nakatira sa village na tinitirhan
ko.” Wika ko.
“Talaga? Tingnan mo
nga naman ano? Ngayon mo lang nalaman?”
“Hindi naman ako
taga-roon, sa isla nga ako hindi ba. Yung sponsor ko ang doon nakatira.”
“Alam mo Allysa,
nagpapanggap lang taga-isla yang kaibigan natin. Actually, ang ganda-ganda ng
bahay nila ang laki-laki pa, parang mansion.”
“Haay nako, huwag
kang maniwala diyan. Patingin nga ng kamay mo,” sabi ko kay Jonas na pinakita
naman. “Allysa, haplosin mo ang kamay ko at kamay niya, kaninong kamay ang sa
mayaman?”
“Ito naman,
nagbibiro lang, baka mag-away tayo kaagad eh kapagkakaibigan lang natin,” wika
ni Jonas.
“Ssshhhh, nariyan
na si Sir.” Sabi ni Allysa.
-----o0o-----
Naging magkaibigan
kaming tatlo, masasabi ko nang close friend kami dahil kami palagi ang
magkakasama, sa pagkain, sa gimikan. Palagi rin kami ang magka-grupo sa tuwing
may group assignment o project kami. Pero mas close na kami ni Jonas dahil sa
palagi kaming magkasabay na pumasok sa klase, pati na pag-uwi ng bahay.
Hindi ko na inisip
na siya din si Jonas na aking kababata kahit na pa may konti silang similarity
kahit na sa pag-uugali. Unang-una, iba ang apelyido niya, pangalawa, kwento
niya ay sa Manila siya ipinanganak at lumaki, kaya walang posibilidad na siya
nga si Jonas.
Naging masaya ang
mga sumunod na araw sa aming tatlo. Minsan ay isinasama kami ni Jonas para
panoorin siya kapag may sinalihan siyang fashion show. Maging sa mga shoot niya
para sa kanyang social media account ay isinasama kami. Very supportive na
kaibigan niya kami.
Mabilis na nagdaan
ang mga araw, second sem na namin. Dito na nagsimula ang medyo pagdalang ng
aming pagsasama. Naging busy siya lately sa pagmo-model at pag-gawa ng
commercial Ad, bukod pa sa pag-gawa ng content para sa kanyang social media
account.
Isa pang
kina-bisihan niya ay may nililigawan na siyang isang babae sa ibang department.
Sa pagkain ay
palagi na sila nung babae ang magkasabay, kaya naman kami na lang ni Allysa ang
palaging magkasabay. Kung dati-rati ay sinasabay pa niya ako sa kanyang kotse
pag-pasok at pag-uwi, ngayon ay madalang na. Iyon ay kung hindi niya
makakasabay ang babae na ipinakilala niya sa amin na si Estella.
Maganda si Estella,
hindi kataka-takang maraming magkagusto rito at ligawan, wala pa namang inaamin
sa amin si Jonas na sila nang dalawa kahit na pa, palagi silang magkasama.
Nalungkot din naman
kami ni Allysa dahil sa nabawasan ng magulo sa aming grupo. Meron namang kaming
bagong naka-grupo, si Kent, si Eduard at si Alma, mga bagong kaklase namin
nitong second sem, block section pa rin naman kami. Kami na ngayon ang madalas
na magkasama sa pagkain, sa pag-aaral at sa pag-malling at ibang lakad.
Sa loob ng klase ay
kasama pa rin naman namin siya, pero paglabas ay hindi na.
Habang kumakain
kami sa school canteen, ay nakasabay naming kumakain sina Jonas at Estella,
sweet na sweet sila. Ano pang aking iisipin, sila na talaga siguro. Kaya lang
ay may iba akong naramdaman, para bang nagseselos ako. Syempre, hindi ko naman
ipinahahalata iyon sa mga kaibigan ko, pero napansin naman nila ang madalas na
pagtingin ko sa dalawa.
“Hoy Mark, bakit
panay ang tingin mo sa dalawang iyon, naiinggit ka ba dahil sa may girlfriend
na ang kaibigan natin?” tanong ni Allysa.
“Hoy Marites,
napatingin lang, naiinggit na! Na miss ko lang yung tao, dati naman na kasama
natin siya palagi. Alam mo naman na dati rin na magkasabay kami na pumapasok at
umuuwi. Hayun tuloy, ang laki ng nababawas sa aking allowance,” dahilan ko.
“Hayun, na-miss pa
kuno, yun pala ay nanghihinayang sa natitipid sa pasahe. Bilisan mo na nga ang
pagkain.”
“Mark, ikaw, wala
ka bang nagugustuhan? Halimbawa, hindi mo ba type kaming dalawa ni Allysa?
Hahaha, joke lang. Hindi Mark. Seryoso, wala ka bang napupusuan sa ating mga
kaklase o kahit sino dito sa campus? Ang dami kayang maganda at sexy rito.
Gwapo ka naman di hamak sa Jonas na ‘yun.” Wika ni Alma.
“Oo nga, kung kami
nitong si Eduard ay kasing-gwapo mo, marahil ay siguro, nagbilang na kami ng
mga chicks hehehe,” sabad ni Kent.
“Hoy, kayong dalawa
ha, pag-aaral ang ipinunta natin dito, hindi pag-aasawa ha. Alalahanin ninyo na
gumagastos ng malaki ang mga magulang ninyo para makapagtapos kayo sa pag-aaral
kaya umayos kayo,” sabi ko.
“Opo Father!” sabay
na wika nina Kent at Eduard, sabay tawa
na nakaka-asar.
“Alam nyo, mahirap
lang kami, mangignisda lang ang aking ama at nagtitinda lang si Nanay sa
palengke ng mga huling isad ni Tatay. May dalawa pa akong kapatid na umaasa sa
akin na balang araw ay makatapos ako ng pag-aaral at mapag-aral ko din sila.
Kaya wala muna sa akin ang ligaw-ligaw na iyan. Kumain na nga lang kayo.”
-----o0o-----
Hindi ko pwedeng
aminin sa mga kaibigan ko na parang nainggit talaga ako sa babaeng kasama ni
Jonas, tila selos na ngang masasabi. Naramdaman ko rin iyon noong bata pa kami
ng aking kababata, ayoko na mas may malapit pang kaibigan si Jonas kesa sa
akin. Kapag nakita kong nakipaglaro siyang una sa ibang bata ay hindi ko siya
binabate. Susuyuin naman niya ako. Gustong gusto ko na sinusuyo ako kapag
nagalit o nagtampo ako sa kanya.
Pero hindi naman
siya si Jonas na kababata ko. Marahil ay sa kadahilanang matagal din naman
kaming nagkasama kahit papano.
Isang araw ng
Friday ay pinuntahan niya ako sa bahay, wala kaming pasok Friday to Sunday.
Natuwa ako dahil sa baka aayain niya ako mag-malling o manood ng sine, pero
nagkamali ako, Nakiusap siya sa akin na kung pwede raw na ako na lang daw ang gumawa
ng part niya sa aming group assignment dahil sa may date daw sila ni Estella.
Dismayado ako, pero dahil kaibigan ko siya ay pinagbigyan ko na siya. Medyo
nagalit pa nga sa akin si Allysa dahil sa bakit daw ako pumayag.
“Eh ngayon lang daw
naman, saka babawi daw siya sa susunod. Yaan mo na, ngayon lang naman,” sabi ko
kay Allysa.
“Bahala ka nga.
Kung sabagay, apektado din grades natin kapag hindi natin na-submit on time ang
ating assignment. Sa susuod, kapag ganyan na naman,sabihin natin sa prof natin na
ibahin na lang ang grouping natin, si Alma o si Kent o si Eduard na lang ang
ka-group natin,” naiinis na sabi ni Allysa.
Maging ang iba
naming assignment ay kinokopya na lang sa akin ni Jonas. Dumadalas din ang
pag-liban niya sa iba naming subject dahil sasamahan daw niya si Estelle, o di
kaya ay magkikita sila sa isang lugar o magde-date.
Mabait naman si
Estela, pero ang hindi niya alam na dahil sa kapritso niya ay nawawalan na ng
time si Jonas na mag-aral.
Minsan ay nagpagawa
na naman siya sa aking ng assignment. Para bigyan siya ng leksyon ay hindi ko
ginawa at nagdahilan na lang ako ng nakalimutan ko dahil sa maraming akong
ginawa.
“Pambihira ka naman
JM, parang hindi mo ako kaibigan. Para iyon lang ay kinalimutan mo pa. Paano
ako ngayon niyan?” paninisi ni Jonas sa akin.
“Eh, nalimutan ko
naman talaga. Marami din akong ginagwa sa bahay, kelangan ko ring mag-aral na
mabuti. Alam mo naman pinag-aaral lang ako ng aking sponsor, kelangan ko na
maganda ang grades ko. Napapansin ko, hindi ka na gumagawa ng assignment natin,
inaasa mo na lang sa akin, at kapag nakalimutan ko ay magagalit ka. Bawasan mo
naman ang palaging pag-sundo kay Estella.” Tuloy, ay napagsabihan ko siya na
lalo lang niyang ikinagagalit.
“Ano naman ang
pakialam mo sa pagbuntot ko kay Estella, personal kong kagustuhan iyon!”
“Nagpapaalala lang
ako dahil kaibigan kita, kung ayaw mo mapa-alalahanan eh ikaw ang bahala, buhay
mo iyan at wala talaga akong pakialam.”
Nagalit na talaga
ako at tinalikuran ko na lang siya.
“Oo, simula ngayon
ay huwag mo na akong ituring na kaibigan. Mayabang ka kasi,” wika niya ng
malakas na nakakuha ng atensyon sa ibang estudyante. Padabog din siyang umalis
na.
-----o0o-----
Simula nga noon ay
hindi na niya ako kinibo pa, nadamay pati si Allysa at iba naming kaibigan.
Pinaghinalaan pa niya na sila ang nagsusulsol sa akin na huwag nang gawing ang
mga assignment niya.
Medyo nagdamdam din
talaga ako. Nasayang ang maganda naming pagkakaibigan dahil lang sa isang babae
na ewan ko kung syota na niya. Kasi, minsan ay nakita ko siya sa mall na may
ibang kasama, at sweet na sweet din sila, magkaholding hands pa habang
naglalakad. Nagkasalubong pa kami ni Estella, babatiin ko sana siya ng lumihis
siya ng landas, biglang umiba ng direksyon sa paglalakad.
Sinundan ko sila ng
tingin. Malayo-layo na ang nilalakad nila ng makita kong sumulpot si Jonas sa
dinadaanan nila. Hindi na ako nakakilos dahil parang nagkaroon ng komosyon.
Nadinig ko ang malakas na sigaw ni Jonas ng… “Two timer! Cheater! Mag-ingat ka
lalaki ka, dahil kung nagawa niya akong pagtaksilan, kaya din niyang gawin sa
iyo iyan!” Mabilis na umalis sa lugar na iyon si Jonas.
Nanatili pa rin ako
sa aking kinatatayuan, nagulat na lang ako na parang nag-aaway na si Estella at
ang kasama niyang lalaki. Maya-maya lang ay iniwan na siya ng lalaki. Sinundan
pa ni Estella ang lalaki at hinawakan sa kamay, iwinaksi lang nung lalaki ito
at saka naglakag ng mabilis palayo rito dahil pinagtitinginan na sila ng mga
tao.
Ewan ko kung bakit
nakaramdam ako ng tuwa. Totoong natuwa ako dahil sa baka bumalik siya sa aming
grupo at kalimitan na ang taksil na babaeng iyon.
Sa eskwelahan pag
pasok ko nung Monday ay balak ko na talagang ikwento kay Allysa ang aking
nasaksihan, pero hindi ko ginawa. Nag-alala pa ako na baka isipin niya akong isang
lalaking tsismoso, na tama lang sabihin na pakialamero.
Mabuti na lang pala
at hindi ko nasabi dahil nung lunch time ay sabay na naman sila at sweet na
sweet na naman, parang nagkabati na. Hindi ko alam kung paano sila nagkabati
gayong napatunayan na niyang niloloko lang siya ni Estella. Paano kaya naatim
ni Jonas na loko-lokohin lang siya ng isang babae.
-----o0o-----
Matindi yata ang
galit talaga sa akin ni Jonas, dahil minsan nagkasalubong kami sa CR, palabas
ako, papasok naman siya, ay halos banggain niya ako, napaatras talaga ako ng
konti habang papalabas at nakita iyon nina Eduard at Kent. Ang siste, hindi man
lang siya nagsorry.
“Gago yun ah, bakit
hindi ka umalma?” tanong ni Kent at Eduard.
“Hayaan mo na,
hindi naman siguro sinasadya ng tao, saka ayaw ko ng away,” sabi ko sa dalawa.
“Hindi siyasadya eh
hindi nga nanghingi ng paumanhin. Talagang sinadya niyang banggain ka,” sabi pa
nila.
“Tara na, huwag na
lang natin intindihin iyon, madamay pa kayo kung galit siya sa akin.
-----o0o-----
Jonas
Huling-huli ko sa
akto ang panloloko sa akin ni Estella, nakita ko sila ng kanyang lalaki na
magkaholding hands pa at masayang naglalakad. Sinita ko siya. Itinanggi pa ni
Estella na magkasintahan kami gayon sinagot na niya ako dalawang buwan na ang
nakaraan.
“Ikaw ha, komo’t
binasted kita ay gusto mo pa kaming paghiwalayin ng nobyo ko. Umalis ka nga
diyan! Bwisit na to,” pasigaw niyang wika sa akin, tahimik lang ang lalaki at
walang sinabi. Pinagtitinginan na kami ng mga tao
Galit na galit
talaga ako sa babaeng iyon. “Two timer! Cheater! Mag-ingat ka lalaki ka, dahil
kung nagawa niya akong pagtaksilan, kaya din niyang gawin sa iyo iyan!” Ang
aking nasabi bago ako mabilis na umalis sa lugar na iyon.
Hindi na ako
nakipagtalo pa sa dalawang taksil na iyon dahil sa nakita ko si JM na
nakatingin sa lugar namin, hindi naman kalayuan ang agwat namin kung saan siya
naroroon at alam kong alam niya ang kaganapan at nadinig pa ang pagtatalo namin
ni Estella. Napahiya ako sa kanya kaya umalis na lang ako at magkukunwari na
hindi ko siya nakita.
Nung gabing iyon ay
gusto kong puntahan na si JM para mag-apologize. Papunta na sana ako sa bahay
nila ng mag-ring ang aking CP. Tumatawag sa messenger sa akin si Estella.
“Pwede bang
mag-usap tayo?” wika niya.
“Bakit hindi mo pa
sabihin sa akin dito ang sasabihin mo!” tugon ko.
“Ayokong dito tayo
sa phone nag-uusap, gusto kong kaharap ka. Please, magkita tayo dito,
hihintayin kita.” Wika niya na sinabi kung saan siya naroroon.
Nakipagkita naman
ako sa babaeng iyon. Humihingi siya ng tawag at sinabing kami ra raw uli.
Nakipag-break na raw siya sa lalaking iyon. Itinanggi lang daw niya ang aming
relasyon sa akin dahil sa baka magwala raw ang lalaki at masaktan ako. Iniwas
lang daw ko sa away.
Hindi naman ako
naniniwala sa sinabi niya, pero pumayag naman ako. Gusto ko lang malaman ang
reaksyon ni JM kapag nakita nito na magkasama kami uli ni Estella, gusto ko
siyang pikunin, asarin. Naiinis kasi ako sa kanya, hindi man lang niya ako
sinundan para aluin sa aking pagdaramdam dahil nasaktan ako ng isang babae.
Hindi naman kasi
ako lumayo kaagad, sinilip ko pa siya, hinihintay na sundan ako, pero bigo ako.
Nakita ko siyang umalis na. Nainis ako sa aking sarili, inis din ako kay JM.
Kasi tila wala siyang pakialam sa nangyari gayong nasaksihan at narinig niya
ang nangyari.
Sana man lang ay
dinamayan ako kung itinuturing pa niyang kaibigan ako. Gusto ko nang
makipagbati kay JM, nami-miss ko na siya. Kapag bati na kami ay saka ko naman
ibe-break ang babaeng ito.
Sigurado akong
magkukuwento si JM sa mga kaibigan namin sa nangyari, kapag namangha siya,
maiinis iyon, kakausapin ako at pagsasabihan. Alam kong may care pa rin ito sa
akin bilang bestfriend nito.
Itutuloy………………