Ang Waiter
(Part 2)
Mula sa mall ay naisipan kong sunduin si Ryan sa
kanilang eskwelahan. Malapit na naman matapos ang kanyang klase. Wala akong
mapag-parkingang na malapit sa gate, kaya sa isang gilid ng karsada lang ako
pansamantalang nag-park at naglakad na lang para sunduin siya. Saktong oras na
ng tapos ng kanyang klase ay nag-aabang na ako. Hindi naman ako sa may gate
tumambay, malayo-layo naman.
Panay ang tanaw ko dahil baka makalagpas sa aking
paningin, Malayo pa sa gate ay tanaw ko na siya, may kasabay na isang babae.
Pinagmasdan ko ang babae, naka uniporme itong puti kaya sa aking palagay ay
nursing ang kurso nito. Paglabas nila ng gate ay medyo kumubli ako. Parang may
kung anong tumusok sa aking dibdib ng paglabas nila ay kaagad na inakbayan ni
Ryan ang babae. Sa klase ng tinginan nila at pag-uusap na tila nagbubulungan at
syempre, dahil sa pumayag ang babae na akbayan ito ay napagtanto ko na may
relasyon na ang dalawa. Maganda ang babae, makinis, yayamanin.
Gusto ko sanang sundan para malaman kung saan
pupunta, pero hindi ko na lang itinuloy. Hindi ko naman sigurado kung may
relasyon sila. Saka wala naman akong dahilan na magselos dahil sa wala naman
kaming relasyon. Pero nasaktan pa rin ako, sobrang sakit. Nagpasya na lang
akong umuwi.
-----o0o-----
Mabigat ang kalooban ko na binalikan ang aking
sasakyan. Nagdiretso na ako sa condo, sa aking silid. Parang napakarami kong
ginawa dahil sa pagod na pagod ang pakiramdam ko. Tinamad akong kumilos. Maging
ang magpalit ng bihisan ay hindi ko kaagad na nagawa. Nagisip-isip ako tungkol
sa amin ni Ryan.
Sobra akong umasa na magiging kami, matiyaga ko
iyong hinintay. Umasa ako sa wala. Nag-isip ako kung ano ang aking gagawin.
Kokomprontahin ko ba siya at susumbatan? Sisingilin ko ba siya sa mga kabutihan
kong ginawa sa kanya? Mumurahin ko ba siya at sasabihan ng walang utang na
loob?
Ahhhhhhhh. Ang hirap magpasya. Tinimbang-timbang
ko ang ang aking gagawin. Hahayaan ko na lang ba kung anong gusto niya, tutal
naman ay ako ang nag-offer na walang hinihintay na kapalit kundi ang pag-asang
baka maging kami. Hahayaan ko na lang bang masira ang kanyang pangarap sa
kanyang mga magulang?
Ang tagal kong nag-isip, at ang aking pasya ay
una, ipagpatuloy ko lang sustentuhan ang kanyang pag-aaral hanggang sa siya ay matapos,
nangako kasi ako sa kanya. Pangalawa ay simulan ko na ang kalimutan siya. Babae
ang nararapat sa kanya. Hindi na ako aasa pa. Naging magkaibigan naman kami.
Pangatlo, maghanap ako ng taong magmamahal sa
akin, kung lalaki ay yung hindi mapagsamantala at totoong mamahalin ako. At
kung babae ay yung mauunawaan ako dahil sa gusto kong ipagtapat ang tunay kong
pagkatao. Hindi pa naman ako naglaladlad, napanatili kong sikereto ang aking
pagkatao.
Nakatulugan ko na ang mga isiping iyon, hindi ko
na namalayan kung anong oras umuwi si Ryan. Nagising ako nang maramdaman kong
may tumatapik sa akin. Parmulat ko ng mata ay si Ryan pala.
“Ryan? Ba-bakit?” tanong ko na parang
nagugulumihanan.
“Pasensya ka na kung pumasok na lang ako basta at
nagising kita. Kumakatok ako, pero hindi ka tumutugon kaya pumasok na lang ako.
May dinaramdam ka ba? Bakit natulog ka na hindi nagpapalit ng damit?” usisa
niya.
“Ha ah wala! Wala, Napagod lang ako sa trabaho
kanina. Kaya pag-uwi ko ay nahiga ako kagad. Anog oras ka dumating? Anong oras
na ba?” tanong ko.
“Kadarating ko lang, may ginawa kasi ako sa
library, nag research ako sa isa naming project. Kumain ka na ba? Palagay ko ay
hindi ka pa kumakain. Anong gusto mong kainin, ipagluluto kita,” wika ni Ryan
na may pag-aalala.
“Ikaw, kumain ka na ba?”
“Oo eh, inabot ako ng gutom at kumain na sa
school canteen. Ano, ipag-order na lang kita ng pizza o burger,” suhestyon
niya.
“Noodles na lang siguro, hindi naman ako talaga
gutom. Ako na lang, magpapalit lang ako ng damit,” wika ko.
“Ako na lang, tawagin kita kapag luto na. Lagyan
ko ng egg ano?”
Tumango na lang ako. Pag-alis niya ay nasabi kong
mahina na, “sinungaling!”
Hindi na ako nag-usisa pa. Bagaman at mahirap, ay
sisimulan ko na siyang iwaglit sa aking puso at isipan. Hindi magiging kami.
Mabuti na lang at nagpapakita pa siya sa akin ng concern. Kung sabagay, likas
naman sa kanya iyon.
Unti-unti ay binabago ko ang aking pakikisama sa
kanya, bawas ako ng konting atensyon sa kanya, hindi tulad dati. Hindi naman
niya nahahalata dahil busy siya sa pag-aaral at pagtatrabaho.
-----o0o-----
Nagkadiprensya ang aking sasakyan, kinailangan
kong magpunta ng talyer para patingnan. Araw iyon ng Sabado, iyon lang naman
ang araw na pwede kong gawin ang ganong bagay. Mabuti nga at hindi ako itinirik
sa karsada.
Hindi naman agarang magagawa sa casa ang aking
sasakyan, iniwan muna doon at tatawagan na lang daw ako kapag naayos na.
Kinailangan kong mag-commute ngayon. Naglalakad ako sa bangketa ng may
makabungguan ako, alam kong hindi ko naman kasalanan dahil hindi naman ako ang
bumungo. Bale wala lang naman sa akin dahil sa hindi naman ako nasaktan, kaya
lang ay naisip kong baka mandurukot at sadya akong binunggo para madukutan ako.
Ang naging reaksyon ko tuloy ay kapkapan ang aking bulsa sa harap at sa likod
at baka natangay na ang aking CP.
“Sorry po, hindi ko po sinasadya. Saka hindi po
ako mandurukot, sadya lang pong nagmamadali ako,” wika ng lalaking nakabundol
sa akin.
“Hindi, hindi naman sa ganon. Sorry kung
na-offend kita, sadya lang talagang iyon ang una kong naging reaksyon,”
paliwanag ko naman.
“Alam mo, pamilyar ka sa akin. Parang nakita ko
na ikaw,” wika ng lalaki.
Pinagmasdan ko rin siya, tiningnan kong mabuti at
baka nga nagkita na kami. Wala naman akong matandaan.
“Ewan ko kung kayo iyon, nag-check-in na kayo sa
inn na pinagtatrbahuhan ko. Noon iyong may bagyo. Ako po ang naghatid sa inyo
sa inyong room.”
Pinagmasdan ko uli siya dahil may inn nga akong
tinuluyan minsan inabot ako na bagyo sa daan. Parang siya nga iyon, lalo na
nang banggitin niya ang pangalan ng inn. “Tama, ikaw nga iyon hahaha. Ang lakas
naman ng memorya mo.” wika ko.
“Kasi po ay gwapo kayo hehehe. Saan po ang punta
ninyo?” tanong ng lalaki. “Rom po ako,” sabi pa niya na inaabot ang kamay para
makipag-kamay sa akin.
“Tawagin mo na lang ako sa pangalan kong Tyrone,
wala ng Sir at Po. Pauwi na ako. Dinala ko diyan ang aking sasakyan sa casa.
May pinapaayos kasi ako, kaya heto, magko-commute muna ako. Halika, mag-snack
muna tayo at baka nakakaabala tayo sa naglalakad dito. Hayun may malabit palang
McBee dito.”
“Naku, hindi na po sir, ah Tyrone pala.”
“Halika na, gusto kong makipagkwentuhan muna.”
Nang tanungin ko si Rom kung ano ang gusto ay
burger lang daw, pero ang inorder ko sa kanya ay spaghetti at burger. Nang
kumakain siya ay ang bilis niyang naubos ang pagkain niya, parang hindi kumain
ng maghapon.
“Magsabi ka nga sa akin ng totoo, hindi ka pa
nanananghalian ano. Sana sinabi mo para kanin at chicken ang inorder ko. Heto
ang pera, umorder ka ng kaya mong kainin,” sabi ko.
“Pasansya ka na Tyrone, ang totoo ay hindi pa nga
ako kumakain, kaya gutom na gutom ako. Kakapalan ko na ang mukha ko kasi, wala
na akong perang ipambibili ng pagkain,” wika niya.
So ganun na nga. Nalaman ko sa kwento niya na
nawalan pala siya ng trabaho at lumuwas ng Maynila at nagbabakasakaling
makahanap ng maganda-gandang kita. Nakituloy siya sa isang malayong kamag-anak
habang naghahanap pa ng trabaho, kaya lang ay minamalas at hindi makakita. Nagpaparinig
na raw ang kamag-anak dahil sa wala siyang maibigay na pera. Nagpasya siyang
umuwi na, kaso ay wala naman siyang pamasahe dahil naubos na. Ibinigay daw ang
ibang pera sa kamag-anak parang bayad sa pagkain at pagtira niya doon.
“Kaya pala ang laki ng dala-dala mong bag. Saan
ka ngayon pupunta?”
“Gusto ko nang umuwi, kaya lang wala akong
pamasahe.”
“Hindi ka na maghahanap ng trabaho? Susuko ka na
ba?”
“Wala naman akong magagawa na eh, wala na akong
matutuluyan, wala pang perang panggastos.”
“Doon ka muna sa bahay. Alam mo bang kasama ko sa
bahay si Ryan? Kilala mo siya ‘di ba?”
“Si Ryan, yung gwapo? Kilala ko po.”
“Sa bahay ko siya nakatira at nagtatrabaho bilang
waiter at nag-aaral sa gabi. Ipinsok ko siya sa kompanyang pinagtatrabahuhan
ko. Kaya mo bang mag-waiter?” tanong ko.
“Kayang-kaya ko, trabaho ko dati yun eh. Basta
kahit ano, basta trabahong marangal,” wika pa ni Rom.
“Saan mo gusto, housekeeping o waitering?” tanong
ko.
“Kahit anong bakante. Sana maipasok mo ako.
Maraming salamat ha.”
“Walang anuman. Sakaling maipasok kita, ang
pakilala ko ay inaanak kita ha. Saka huwag ka nang mag-aakit pa ng iba hehehe.”
Isinama ko na siya sa bahay. Wala pa si Ryan.
Kung sabagay ay hindi ko na siya masyado pang iniintindi. Kasahog pa rin naman
siya sa niluluto kong hapunan, pero hindi na gaya ng dati na palagi kong
hinihintay. Ngayon ay hindi na gaano. Gusto ko nang alisin talaga siya sa aking
puso.
Itinuro ko ang silid na tinutulugan ni Ryan. At
doon ko naman siya pinag-stay sa guest room. “Ito yung guest room. Ikaw na muna
ang mag-okupa dahil wala naman akong masyadong guest. Walang aircon iyan ha,
electric fan lang.”
“Walang problema, ang swerte ko nga at may room
pa ako, sa bahay nga namin ay siksikan kami, pati na sa tinuluyan ko dati dito.
Salamat talaga, makagaganti rin ako sa iyo ng utang na loob dahil sadyang
malaki na ang utang na loob ko sa iyo,” sabi ni Rom.
“Alam mo Rom, hindi binabayaran ang utang na
loob, tinatanaw iyon. Sige na, magpahinga ka muna at magluluto ako ng ating
hapunan.”
“Hindi pa ba hapunan yung kanina hehehe, ang dami
ko nang nakain eh, sobrang gutom ko kasi,” wika niya.
“Miryenda lang naman ang kinain ko kanina, saka
baka dito maghapunan si Ryan,” sabi ko.
“Tulungan na kita, magpalit lang ako ng damit.”
-----o0o-----
Kumakain na kami ng dumating si Ryan. “Tyrone!
Narito na ako,” bungad ni Ryan. Ganon naman palagi ang sinasabi niya kapag
dumadating na.
“Ryan, halika na, kumain na kami, akala ko kasi
ay mamaya ka pa darating. Halika at may sorpresa ako sa iyo,” yaya ko kay Ryan.
Narinig ko na ang yabag niya papalapit sa hapag.
“Rom? Ikaw nga ba iyan Rom?” hindi makapaniwalang sabi niya pagkakita kay Rom.
Mamaya na ang batian at kumustahan, maupo ka na
at kumain,” wika ko kay Ryan.
Habang nakain ay hindi rin naiwasang magtanong ni
Ryan. Ikinuwento naman niya ang lahat ng ikinuwento niya sa akin.
“Ang swerte mo Rom at si Tyrone ang nakabungguan
mo, hayan may matitirhan ka na, magkakatrabaho ka pa.,” wika ni Ryan.
“Sobra! Para na akong tumama ng jackpot sa bingo.
Pero mas swerte ka, biruin mo ngayon ay hindi lang trabaho ang napasukan mo,
pati pag-aaral na din. Sana lang all hehehe. Joke lang Tyrone hehehe.” Wika ni
Rom.
“Aba, gayahin mo si Ryan, nagsisikap. Kung kinaya
niyang pagsabayin ang pagta-trabaho at pag-aaral, siguro naman ay kakayanin mo rin,”
wika ko naman.
“Kaya ko rin naman. Working student din ako noong
high-school. Kaso, kung mag-aaral pa ako ay wala akong maipapadalang sweldo
kina Nanay. Mahal po ang matrikula at ibang gastusin sa pag-aaral.
“Wala ka naman gaghastusin dito, hindi naman kita
sisingilin ng pagtira dito at pagkain mo, ang iintindihin mo lang ay yung iyong
pag-aaral, gaya ni Ryan.” Sabi ko.
“Pag-iisipan ko muna. Napakabait mo. Yung
kamag-anak ko ay pinatira nga ako, pero, nang wala na akong maibigay na pera ay
iba na ang trato sa akin. Hayaan mo Tyrone, ako na ang bahala dito sa bahay,
maglinis, magluto, magplantsa at maglaba ng damit mo. Yun man lang ay maiganti
ko sa iyo. Maraming salamat,” maiyak-iyak na wika ni Rom.
-----o0o-----
Nagtulong na ang dalawa na maglinis ng kusina at
maghugas ng aming kinanan. Pagkatapos ay maliligo lang daw si Rom dahil
nanglalagkit na ang katawan.
Lihim kong kinausap si Ryan na huwag na lang
sabihin pa kay Rom na ako nag nagbabayad ng kanyang tuition fee dahil sa ayaw
kong maiinggit at kung ano pang isipin. Tumango lang naman siya.
May napansin lang ako kay Ryan. Parang tahimik
siya at tila may problema. Naisip ko tuloy na baka nabuntis niya yung babaeng
nakita kong akbay niya at nahihiya lang magsabi sa akin.
“Maiwan na kita rito Tyrone, pasok na ako sa
kwarto at may-gagawin pa ako. Gusto kong tapusin na muna ang aking mga
assignment para bukas ay magawa ko na ang dapat kong gawin dito sa bahay.”
“Goodnight!” wika ko.
“Goodnight din!,” tugon naman niya.
Pagpasok ni Ryan sa kanyang silid ay siya namang
labas ni Rom. Tapos na palang maligo at nakabihis na. Fresh looking na ang
binata. Gwapo rin pala siya, hindi pahuhuli kay Ryan. Matangos din ang ilong,
medyo may kalakihan ang mata, pero bumagay naman sa hugis ng kanyang mukha,
moreno at ang ganda ng pagkakaguhit ng kilay, parang idinrowing at halos
magsalubong na ang dalawang kilay. Maganda rin ang katawan, flat ang tiyan na
tila hindi kumakain sa sobrang flat.
“Halika dito Rom, nanonood pa ako palabas. May
gusto ka bang panooring sine. May Nerflix, pwedeng mamili,” sabi ko. Pagkasabi
ko niyon ay napalingon ako sa may silid ni Ryan, nakasilip siya. Sinara lang
kaagad. Ewan ko kung bakit. May problema talaga siguro.
“Kahit na ano lang, yung pinapanood mo, yung
gusto mo,” sabi niya.
“Korean movie ang pinapanood ko eh, mas maganda
at hindi sigawan ng sigawan lang,” wika ko.
“Okay lang sa akin,” sabi naman niya.
Halos hindi naman namin naintindihan ang palabas
dahil nag-uusap kami. Hindi ko tuloy nababasa ng mabuti ang subtitle.
“Ilang taon ka nga nga Rom?”
“ 20 na ako.”
“Graduate ka naman ng high school. Kung
magka-college ka, anong kurso ang napili mo?”
“Education. Gusto kong magturo kaya pagti-teacher
lang ang gusto kong pag-aralan. Mag-iipon na muna ako ng pangmatrikula bago ko
isipin ang aking pag-aaral. Trabaho muna. Nangako kasi ako na ako ang sasagot
sa pag-aaral ng aking kapatid. High school pa naman lang siya, graduating. Kaya
siguro ay siya muna ang pag-aaralin ko.”
“Ang bait mo naman. Paano ka naman. Hindi mo ba
iniisip ang sarili mo?”
“Hindi muna, ang mahalaga ay makatulong ako sa
pamilya namin.”
“Eh paano kung magkaasawa ka na at magkapamilya
na. Mag girlfriend ka na ba?”
“Kaya nga hindi ako nanliligaw eh, hindi ko na
muna inisip ang manligaw, Kapag siguro napag-aral ko na ang kapatid ko at may
trabaho na, siya naman ang tutulong sa amin. Ganun na lang ang inisip ko.”
Nakita ko na namang sumilip si Ryan, hindi ako
nagpapahalata na nakita ko siya. Marahil ay nakikinig sa aming pinag-uusapan at
hinihintay na matapos ang pag-uusap namin.
May iba pa kaming napag-usapan, bago ako
nag-ayang matulog na.
-----o0o-----
Kinabukasan ay maaga akong gumising. Naabutan
kong nagluluto si Ryan. “ Good Morning Rye, anong niluluto mo?”
“Nagsangag ako ng bahaw at eto, itlog lang at
hotdog. May mainit ng tubig diyan sa thermos, baka gusto mo nang magkape.”
“Wow ha! Gusto ko iyan.”
“Good morning sa inyo,” bati naman ni Rom na
kalalabas lang ng kanyang room. “Napasarap ako ng tulog. Ang sarap palang
matulog na walang katabi hehehe. Sa bahay kasi ay tabi-tabi kami sa higaan,
wala naman kaming kwarto hehehe,” sabi ni Rom.
Napansin ko na nag-iba ang mood ni Ryan. Parang
napasimangot. Ano kayang nangyayari sa lalaking ito?
“Halika Rom, magkape ka na,” yaya ko. Napatingin
naman sa akin si Ryan. “Luto na yata iyan Rye, halika na rito, sabay-sabay na
tayong kumain.”
“Magbanyo lang muna ako Tyrone,” sabi naman ni
Rom.
Naglagay na ng pinggan sa mesa si Ryan. Kumukuha
siya ng kubyertos at tasa para sa kape ng lumabas ng banyo si Rom at kaagad na
naupo sa aking tabi. Marahan naman inilapag sa aking tapat ang kubyertos at
tasa na para sa akin at tila padabog naman ang pag-abot kay Rom.
“Ipagtimpla kita ng kape Tyrone, masarap akong
magtimpla ng kape,” prisinta ni Rom. Napaismid naman si Ryan.
Tahimik lang kaming kumakain ni Rom samantalang
ang ingay naman ni Ryan. Ang lakas ng tunog sa kanyang pinggan.
“Rom. Mamayang pagkakain ay samahan mo ako sa
palengke ha. Wala na yatang laman ang ating ref,” sabi ko kay Rom.
“Ako na lang ang sasama sa iyo.” Sabi naman ni
Ryan.
“Si Rom na lang, baka may gagawin ka pa para sa
iyong klase. Gawin mo muna. Ilabas mo na lang yung lalabhan mo at tulong na
lang kami ni Rom na maglaba pagbalik namin. Marami raw maruming damit itong si
Rom.”
Ewan ko kung anong sinabi ni Ryan, parang
bumubulong eh. Ano kaya ang problema talaga nito. Mamaya ay kakausapin ko nga.
-----o0o-----
Pagbalik namin ay napansin kong maayos na ang
sala, parang umaliwalas. Paglabas ay naabutan namin na naglalagay ng liquid
soap sa washing machine itong si Ryan. “Nakapaglinis ka na ba sa sala?” tanong
ko.
“Oo, nilinis ko na rin ang kawrto mo at pati na sa
akin. Nilalabhan ko na ngayon ang mga damit mo. Pasensya ka na Rom, hindi ko
nasama sa paglilinis ang guest room. Saka hindi ko alam kung ano ang damit mong
lalabhan,” wika ni Ryan.
“Ay ako nang bahala don. Sabi ko naman kay Tyrone
na ako na ngayon ang gagawa ng mga gawaing bahay. Sana hinintay mo na lang
ako,” wika naman ni Rom. “Saan ba pwedeng maglinis nitong isda Tyrone? Saka
itong karne. Dapat kasi ay nahugasan na bago i-freezer,” – si Rom.
“Diyan lang din sa iang side, yung malalim ang
sink. Marunong ka bang maglinis ng isda?” tanong ko.
“Sipsip!,” mahinang sabi ni Ryan, halos bulong na
hindi maririnig ni Rom, pero narinig ko.
May problema talaga itong si Ryan.
May
Karugtong……