Hilot – Part 4 (Finale)
Mandy’s POV
May natuklasan si
Cedric sa aming lihim ng kanyang Kuya Karlo.
Gustong masiguro ni Kuya Karlo na manatili munang lihim iyon kaya pinababantayan
niya sa akin ang kanyang kapatid. Kung
maari daw ay suyuin ko sa pamamgitan ng pagsuhol ng pagkain, chocolate o kahit
na ano pa para hindi dumaldal. Pumayag
naman ako. Kaya lang ay nagkaproblema kaagad,
hindi ko pa man nasisimulan ang panunuyo.
Naglalakad ako habang
nagbabasa ng text ng masagi ko si Cedric.
Magsosorry sana ako pero naunahan ako sa pagdada at kung ano anong
sinabi. May sinabi pa siyang ibubulgar
na masamang ginawa ko. Natigilan ako
pero dahil nagalit na rin ako sa sobrang inis sa pagiging madada ay hinamon ko
pa na ibulgar kung ano mang iyon.
Agad kong tinawagan
ang kapatid niya para ma-update sa nangyari.
Nabahala rin siya at sinabing gawin ko ang plano.
Inabangan ko siya sa
kanto at nang magdaan na nga ay hinawakan ko ang braso niya at sinabing
“Mag-usap nga muna tayo. Magkaliwanagan
na nga tayo.”
Parang natakot
siya. Mahigpit kasi ang pagkakahawak ko
sa kamay niya. Alerto naman ako dahil
baka biglang manuntok. Mag-sing tangkad
lang kami at maaring talunin niya ako.
“Namumuro ka na
Mandy, kanina ka pa nangaasar. Ano bang
paguusapan natin. Bitiwan mo nga ako,
para kang sanggano.”
Iba talaga ang
lalaking ito. Pero yun ang gusto ko sa
mamahalin ko, marunong lumaban. Pinilit
kong magpakalumanay. “Gusto ko lang kasi
na magkalinawan tayo. Gusto ko malaman
ang ipinagpuputok mo ng butse at nagalit ka sa akin. Basta ka na lang hindi kumibo at hindi ako
kinausap. Iniiwasan mo pa ako. Ano ba talaga. Nahihirapan na ako alam mo ba?
“Aba! At bakit ka
naman nagpapakahirap, kung iniiwasan ka eh di huwag kang magpakita. Problema ba yun. Saka ayaw kong makigulo, ayaw kong madawit
kung ano mang ang meron sa inyo. Umiiwas
na nga ako eh ikaw itong parang walang alam.
Ikaw naman ang nakakaalam kung ano yun di ba.”
“Yun na nga. Makikiusap nga ako sa iyo. Kung ano man ang nalalaman mo ay sana
manahimik ka muna. Wala pa lang sa
tamang panahon. Aaminin din naman namin
pareho eh. Ayaw kasi naming mabigla si
Lolo, please naman Cedric.”
“Ano ako hanggang
please lang ay okay na.”
“Ano bang gusto
mo. Sige basta kaya ko ay ibibigay ko sa
iyo. Gawin mo akong alipin, kahit ano ay
gagawin ko.”
“Talaga! Kahit
ano! Tumalon ka doon sa tulay.”
“Wala namang
ganun. Baka nga gawin ko yun ay umiyak
ka diyan”
“Ano kamo!”
“Wala. Sabi ko walang ganun, yung talon talon sa
tulay.”
“Sige na, sige
na. Tatahimik na ako. Pwede na ba akong umuwi?”
“Sige, sabay na
tayo.” Medyo gumaan ng konti ang aking
pakiramdam
---------------oo00oo---------------
Cedric’s POV
Grrrrrrrrrrrr. Ngitngit na ngitngit talaga ako. Umamin din.
Mga walanghiya. Ano na ba ang
nangyari kay Kuya. Anong mangyayari kay
Nanay kapag nalaman ang katotohanan na bakla ang anak niyang panganay. Bakit ba kasi natuklasan ko pa eh.
Tumahimik nga
ako. Yun din naman ang gusto ni kuya
kaya sinunod ko ang gusto niya.
Nagtataka naman ako dito sa kupal na Mandy na ito. Parang nanliligaw. Aba! May pabigay bigay pa ng chocolate at
idinadaan pa kay Jenny. Tuloy ay
naghihinala ang tao na nililigawan ako.
Pero paborito ko talaga ang chocolate.
Kahit nga choc-nut lang ang ibigay sa akin eh happy na ako.
---------------oo00oo---------------
Sabado ng umaga ay
inutusan ako ni Nanay na pumunta ng palengeke para bumili ng manok, baboy at
gulay na pangsahog sa sinigang. Paborito
kasi ni Kuya ng sinigang na liempo.
Pabalik na ako na
makita ko si Mang Enteng na humahangos at may dalang gulok at sa tingin ko ay
sa bahay namin ang tungo. Tila galit
dahil kasunod niya si Mandy at pigil pigil ang kanyang Lolo.
Nagmadali ako sa
paglalakad at baka nga sa amin ang tungo.
Nauna silang nakarating at malakas ang sigaw ni Mang Enteng na tinawag
ang aking Nanay.
"Sonia,
Sonia. Ilabas mo ang anak mo at
magtutuos kami.” Galit na wika ni Mang Enteng.
“Lo naman. Kalma lang kayo. Napaguusapan naman yan ng maayos eh. Konting hinahon.” Sansala ni Mandy sa kanyang
Lolo.
Hindi na ako nakatiis
at nagtanong na kay Mang Enteng. “Mang
Enteng, ano bang ikinagagalit ninyo.
Kung ano man po iyon ay konting hinahon lang. Bitiwan nga ninyo ang gulok na iyan at baka
makasugat kayo. Kulungan ang aabutin
ninyo niyan eh. Pigilan mo nga yang Lolo
mo Mandy.”
“Panong hindi ako
mag-aamok eh yang kuya mo ay minolestiya ang apo ko. Napakabata pa at hindi pa tapos magaral. Karlo!
Lumabas ka diyan!!!” malakas na sigaw ni Mang Enteng. Ang mga usi ay nangagdungawan na, ang iba pa
ay talagang lumapit pa sa amin para makasagap ng tsismis.
Patay, nabisto
na. Napatingin ako kay Mandy. Balisa ang kanyang itsura. Siguradong mapapahiya ito. Nakakaawa naman. At si Kuya.
“Eh Mang Enteng. Hinay hinay lang naman. Ang mabuti pa ho ay bitawan ninyo muna ang
gulok at tayo’y mag-usap ng mahinahon.
Hindi naman nagtatago sa inyo ang anak ko. Natatakot lang lumabas dahil diyan sa gulok
mo. Ano naman ang gagawin niya eh kung
lumaban sa inyo iyon at pareho kayong masaktan eh di laking problema lalo.”
“Lo, akina na muna
yung gulok. Kausapin na lang natin sila
ng maayos. Ayan o, pinagkakaguluhan na
tayo. Siguradong tsismis tayo sa buong
bayan.”
Ibinaba naman ni Lolo
ang gulok at minabuti ko namang kuhanin at itago. Gusto kong gulatin ang mga usi kaya ang
ginawa ko ay iwinasiwas ang gulok saka nagsisigaw ng. “Ano, sinong matapang
diyan, sinong mga usi ang may gusto nito.
Lapit.” Sabay taga sa malapit na puno.
Bagsak ang sanga. Napatakbo sa
loob si Mang Enteng, nagulat at maging ang mga naguusyosong kapitbahay. Ang lakas ng tawa ko. Halakhakan pati na ang mga usi. Isang batok naman ang dumapo sa akin mula kay
Mandy.
“Sira ulo talaga
nito. Nagkakagulo na nga eh.”
“Ano ka ba! Bakit ka nambabatok. Nagbibiro lang ah.”
“Pumasok ka na
nga. Akina na nga yang gulok at baka sa
iyo ko ito gamitin.” Inis na wika ni Mandy.
“Karlo, baba ka na
dito at harapin mo itong si Mang Enteng.
Bakit kasi sobrang pupusok.” Si
Nanay.
Bumaba na si Kuya. Ang loko at nagmano na. Inabot naman ni Mang Enteng ang kanyang
kamay.
“Lolo, pinaalam ko na
po kay nanay ang nangyari kaya nga mamaya ay pupunta kami sa inyo para
mamanhikan na. Pakakasalan ko naman ang
apo ninyo at mahal na mahal ko siya.” wika ni kuya.
Nanlaki ang aking
mata na napatingin pa kay Mandy. Tila
naman may pagtataka siya sa aking reaksyon.
“Bakit ganyan ang
reaksyon mo. Ano naman ang masama sa
sinabi ng Kuya mo.” – si Mandy.
“Wala! Wala! Masama ba.”
“May gusto kang
sabihin eh. Parang hindi ka
makapaniwala. Bakit ayaw mo ba sa amin?”
Hindi ko na lang
sinagot si Mandy. Patuloy naman ang
usapan nina Nanay ng dumating si Aling Selya at anak nito na si Lagring. May hawak na panyo at panay ang pahid sa
mata. Umiiyak ito. Agad nilapitan ni kuya si Lagring at niyakap.
Nanlaki na naman ang
aking mga mata at napatingin na naman kay Mandy.
“Oy! Bakit ganyang na
naman ang mukha mo. Ano at para kang
natulala.” Si Mandy na wala na yatang pinagmasdan kundi ako.
Nagusap na ang
matatanda. Napag-alaman na buntis itong
si Lagring at si Kuya ang nakabuntis.
Nalaman ito ng kanyang ina dahil sa pregnancy test kit na nakita sa
silid ng anak. Kinumpronta ito ng ina at
hindi na nakatangi. Galit na galit ang
ina dahil ayaw sabihin kung sino ang nakabuntis sa kanya, tuloy ay nasampal ang
dalaga. Nagtatakbo naman itong si
Lagring sa bahay ng kanyang Lolo at doon ay sinabi ang lahat.
Naghinala si Mang
Enteng na si Kuya ang nakabuntis dahil lagi daw naguusap ang dalawa sa kanilang
kubo kasama si Mandy. Hindi siya
naghinala na may relasyon na ang dalawa dahil naroon din si Mandy. May tiwala naman daw si Mang Enteng kay kuya.
Alam na rin pala ni
Kuya ang kalagayan ni Lagring at sinabi kaagad sa aming Nanay. Kaya pala nagpabili ng manok at baboy at gulay
ay para lutuin at dadalhin sa bahay nina Lagring para mamanhikan na. Dahil nagkapaliwanagan na ay nagkasundo sundo
na rin ang lahat. Napagkasunduan na
itutuloy ang pamamanhikan mamayang gabi para formal na pag-usapan ang kasal.
Umalis na rin sila
matapos na magkasundo. Ihinatid pa ni
Kuya si Lagring sa kanilang bahay.
Papasok na ako ng silid ng pigilan ako ni Mandy.
“Oy oy oy oy! May kailangan kang ipaliwanag. Kahinahinala kasi ang reaksyon mo kanina at
patingin tingin ka pa sa akin. Ano ba
ang nasa isipan mo kanina ha?”
“Wala! Bakit ba!
Sa ganun ang reaksyon ko eh.”
“May malisya eh. Ano ba talaga ang akala mo?”
“May gagawin pa ako
sa kusina.”
“Sige ka, umarte arte
ka ng ganyan at sasapakin talaga kita.”
“Nay! Si Mandy o!
Sasapakin daw ako.”
“Naku bahala na nga
kayong magsapakan. Sige lang, wala lang
iyakan.” Sagot ni Nanay.
“Belat, pahiya.”
“Halika at doon tayo
sa kubo magusap.” Halos kaladkarin ako ni Mandy sa labas patungo sa kanilang
kubo.
“Tamang tama at tayo
lang dalawa dito. Walang makakakita
sakaling magpambuno tayo. Paniguradong
mamaya pa uuwi si Lolo dito.” Wika ni Mandy.
Kinabahan din ako
kahit konti. Alam ko naman na hindi ako
kayang saktan ng kupal na ito dahil kaibigan ko pa rin naman siya. Napahiya lang talaga ako sa inisip ko sa
kanila ni Kuya.
“Ano ba talaga ang
ikinagagalit mo sa akin? May kaugnayan
ba ito sa amin ng kuya mo?” tanong ni Mandy.
Gusto ko rin namang
magkaayos na kami, lalo na at malinaw na sa akin ang lahat. Nahihiya lang
talaga ako umamin sa kanya. Pero para
matapos na lang ay sinabi ko ang lahat.
“Akala ko kasi ay may
relasyon kayo ni Kuya. Kasi naman ay
nakita ko kayo na naghahalikan noong gabi na naginom tayo matapos ang
parangal.”
“Naghalikan? Bakit kami maghahalikan. Siguro kung ikaw yun ay hahalikan kita. Ahhhh! Alam ko na. Siguro ay ang nakita mo ay nang hipan ni Kuya
Karlo ang mata ko dahil napuwing ako.
Huwag ko raw kusutin at hihipan niya.
Bakit mo naman naisip na naghalikan kami. Nakita mo ba na naglapat ang labi namin.”
“Hindi. Likod lang ni kuya pero tingin ko kasi ay
hinalikan ka ni kuya eh. Nakahawak sa
pisngi mo tapos nilapit ang mukha sa iyo.
Ano bang iisipin mo doon.”
“Ahhhhhhh kaya pala
simula noon ay hindi mo na ako pinansin.
Bakit nagseselos ka ba?
“Manigas ka! Bakit naman ako magseselos. Ano ba kita?”
“Hindi lang iyon ang
dahilan kung bakit hindi mo na talaga ako kinibo. Sige, tapatan na tayo.”
Dahil na sukol na ako
ay sinabi ko na lahat lahat. Ang
paglabas labas nila ni Kuya kapag umuwi siya, ang palaging pagpunta sa kubo ni
kuya para lang makipagkwentuhan at inuman at higit sa lahat ay ang nasaksihan
ko noon. Akala ko ay sila ni kuya ang
naglalambingan. Hindi pala, at si
Lagring pala iyon.
Sinabi ko rin ang
tungkol kay Mjay na nasa CP ni Kuya. Ang
akala ko ay Mandy Jacinto ang ibig sabihin ng Mjay. MJ daw kung tawagin si Lagring ng mga
kakalase nito dahil ang panagalan niya ay Milagros Jacinto. Mjay lang na isinulat ni Kuya.
“Ngayon malinaw na
ang lahat. Bakit hindi mo ako kinakausap
noon. Ano ba kung maging kami ng Kuya
mo. Sapat na dahilan na ba iyon para
isnabin mo ako? Nagseselos ka ano. Aminin na kasi.”
“Oo na, Oo na! Seloso talaga ako kahit na sa kaibigan
ko. Gusto ko kasi ay importante ako sa
aking mga kaibigan. Eh napansin ko na
kayo na palagi ni kuya ang naguusap.”
“Ilang araw lang
naman. Pwede nga tayo magusap maya’t
maya kung hindi ka naginarte. Mahal mo
ba ako?”
“Uy ha. Iba na yan.
Hindi ako bakla. Bakit ako
magmamahal ng lalaki.”
“Sinabi ko bang bakla
ka. Uulitin ko ha, mahal mo ba ako.”
“Hindi ko masasagot
iyan. Kaibigan kita at lahat ng kaibigan
ko ay mahal ko. Oo mahal kita. Okay ka na ba?”
“Last na tanong na
ito ha. Mahal mo ba ako. Oo o hindi lang. Pag hindi ay ibabaling ko na sa iba ang
pagmamahal ko. Mapa babae o lalaki basta
ba magugustuhan ako ay papatusin ko na.
Sagot?”
“Hindi ko alam. Naguguluhan pa ako. Ang alam ko lang ay
nagseselos ako kapag may ibang lumalapit sa iyo.”
“Huli na talaga. Mahal mo ba ako?”
“Oo na, oo na. Mahal
kita.” Halos pasigaw kong sagot.
Napangiti na naman na parang nakakaloko ang kupal na ito. Nakakainis.
Pero ang ikanibigla ko ay nang lapitan niya ako saka niyakap ng mahigpit
saka inilapit ang bibig sa aking tenga at pabulong na sinabing “I Love you
more.”
Iiiiyyyyyyy, kung
maririnig lang ng iba ang tibok ng puso ko at kung mararamdaman din ng iba ang
kasiyahan ko pagkarinig ng mga katagang iyon, siguro pati sila ay kikiligin at
mapapatalon sa tuwa.
Hindi na niya ako
binitiwan kaya napayakap na rin ako sa kanya.
Ang tagal tagal kong inasam. Oo
at nalilito pa rin ako, pero alam ko na mahal ko talaga siya. Nakita ko na papalapit ang kanyang mga labi
sa akin kaya napapikit ako. Ang
inaasahan ko na maglalanding na labi sa aking labi ay hindi nangyari bagkus ay
sa aking noo bumagsak. Magkaganon pa man
ay sapat na rin iyon sa akin. Ayaw ko pa
rin naman na magkaroon kami na sobrang intimacy. Hinay hinay lang.
Alam kong marami pa
kaming pagsubok na dadaanan. Pinagusapan
naman namin na paghahandaan namin lahat ng iyon para lalong tumibay ang aming
samahan, ang aming pagmamahalan.
Bata pa naman
kami. Hindi naman namin alam kung anong
bukas ang darating sa amin. Ang mahalaga
sa ngayon ay mahal namin ang isa’t isa at may mga pangarap pa kami sa aming
sarili, sa aming pamilya at syempre sa amin.
Sa ngayon ay kami pa
lang ang nakakaalam sa pagmamahalan namin.
Nagtitiwala naman kami sa isa’t isa.
Ihahanda namin ang mga mahal namin sa buhay na matanggap ang ganitong
relasyon. Alam ko naman na matatanggap
kami dahil maging ang lipunan ay unti unti nang natatanggap na nageexist ang
nasa third sex.
Matuling lumipas ang
mga buwan. May anak na sina Kuya. Naka higit ng isang taon ang kanilang
pagsasama at masaya sila kasama ng kanilang baby.
Higit na ring isang
taon ang aming pagmamahalan ni Mandy.
Pareho pa rin kaming nag-aaral, ako ay kumukuha ng business management
at si Mandy ay Engineering ang kurso.
Wakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento