Porn Star – Part 1
Ako si Oliver Smith, labing siyam na taong gulang, tubong Angles
Pampanga. Isa akong Ameresian dahil amerkano ang aking ama na hindi ko
na nakilala o nakita man lang simula ng ako’y isilang. Isang dating entertainer sa club ang aking
ina at doon raw niya nakilala ang aking ama, niligawan, nagbuntis at tulad ng
iba pa nating kapwa Filipino ay iniwan din at nawalan na ng balita.
Lumaki ako sa hirap dahil hindi na nakabalik pa ng club ang aking ina
pagkapanganak sa akin. Nagtinda na lang
siya ng gulay sa palengke na siya naming ikinabuhay magpahanggang sa ngayon.
Narito ako sa Manila at kasalukuyang nag-aaral ng kursong Marine
Engineer. Unang semester ko pa lang at
mahaba haba pa ang aking bubunuin para makatapos. Pinangako ko sa aking sarili
na magaaral akong mabuti, magsisikap ng husto para pagdating ng araw ay mahango
ko sa kahirapan ang aking ina, hindi na siya gigising ng maaga para humango ng
mga panindang gulay para ibenta.
Malaking sakripisyo na ang ginawa ni Nanay para sa akin at kelangan
kong tumbasan iyon ng higit pa sa doble o triple ng kaginhawahan. Nagkakaedad na rin si Nanay. Sa edad na kwarenta y kwatro (44) at sa hirap
ng trabaho ay marami na rin siyang nararamdaman sa katawan. May iniinom na rin siyang gamot para sa
hypertension.
Marami akong pangarap para sa aming mag-ina, ang makabili ng malaking
bahay, magkaroon ng sariling sasakayan, makapamasyal sa iba ibang parte sa
Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Noong bata pa ako ay bibong bibo raw ako. Magaling daw akong sumayaw at kumanta at
hindi mahiyain. Kapag kasama ako ni
Nanay sa palengke ay maraming natutuwa sa akin.
Kumakanta at sumasayaw kasi ako habang nagtitinda si Nanay
Nang mag eskwela na ako ay lagi akong kasali sa mga school program
hanggang sa high school. Nakasama pa ako
sa stage play at ako ang bida, tuloy ay pinangarap ko rin na maging
artista. Artistahin daw naman ako sabi
ng aking mga kaklase at kaibigan at syempre sabi rin ni Nanay. Matangkad, katamtamang pangangatawan, hindi
payat, hindi mataba. Sakto lang. Maputi ako na namana ko sa aking ama.
---------------o0o---------------
Kasalakuyan akong nagbabasa ng tabloid habang naghihintay sa aming
professor nang makita ko ang isang adverisement, isang star search nang isang
TV station, na naghahanap ng mga bagong talent.
Nakalagay din ang schedule ng audition.
Nabasa rin pala ng isa kong kaklase at katabi sa upuan.
“Pwede ka rito bro, bakit hindi mo subukan. Malay mo isa ka sa makuha at siguradong
artista ka na.” sulsol ng aking classmate.
“Naku ‘tol, sa dami ng sasali dyan na gustong magartista, at siguradong
magagandang lalaki at babae ay baka hindi man lang ako mapansin. Mahirap ding makasali sa ganyang contest,
siguradong lahat ng nasali diyan ay talagang talentado. May palakasan din daw sa ganyan at ang iba ay
may mga manager pa na naghahandle,” sagot ko sa classmate ko.
“May talent ka naman ah. Ang
galing galing mong kumanta, tumugtog ng gitara at magsayaw. Di ba nakasama ka pa sa isang stage play
noong high school.” Pangungulit pa ng aking classmate.
“Wala rin naman akong hilig na mag-artista. Mag-aral na lang muna ako.” Wika ko para
matigil na lang. Sa totoo lang ay gustong
gusto kong sumali, kaya lang ay wala akong maraming pera para panggastos man
lang sa pagkain habang napila.
Tiningnan ko muli ang schedule ng audition. Wala kaming pasok sa date na iyon dahil
pumatak ng Sabado at Linggo ang schedule sa Manila at malapit lang ang
venue. Nagtatalo ang aking isipan kung
sasali ako sa audition.
---------------o0o---------------
Dumating ang araw ng audition, napagpasyahan kong magbakasakali. Napakahaba ng pila at nasa karsada na ang iba
at bilad sa init. Naroon na rin lang ako
ay nagtiyaga na rin ako. Inabot na ako
ng hanggang hapon bago napasalang.
Swerete na nakasama ako sa pinabalik kinabukasan kaya lang ay hindi na
rin napabilang sa makakasama sa final na pagpipilian. Masaya na rin ako dahil nagkaroon ako ng
experience kahit papano.
Dahil sa nakaranas na akong sumali sa mga ganoong patimpalak ay
nagkaroon na ako ng lakas na sumali sa iba pang mga contest. Sumali ako sa ibat ibang singing at dance
contest sa iba-ibang istasyon at programa sa TV kaya lang ay talagang walang
swerte. Sa mga contest na iyon ko
nakilala si Nathan Gonzales, sing edad ko at magandang lalaki, matangkad din at
moreno, matangos ang ilong, maganda ang mga mata at magaling kumanta, kaya lang
ay pareho lang kaming walang swerte.
Napakaraming magagandang umawit na mga Filipino.
“Wala talaga tayong swerte Oliver, hindi man lang tayo mabigyan ng
tsansa, audition pa lang ay bagsak na.” Himutok ni Nathan.
“Hindi pa lang natin oras Nathan.
Siguro ay kelangan pa natin na mag praktis pa o di kaya ay mag-enroll ng
voice lesson. Ang problema ko lang naman
ay wala akong pangbayad hahaha. Ikaw,
may kaya naman siguro ang pamilya mo.”
Tugon ko.
“Pareho lang tayong nakikipagsapalaran para kumita. Tayo na ngang umuwi. Saan ka ba nauwi Oliver.” – Si Nathan na
tumayo na para umuwi.
“Diyan lang. Isang sakay lang sa
jeep. Nagbo-board lang ako. Ikaw ba?”
“Pasig pa ako eh. Mura lang ba
ang renta sa tinitirhan mo?”
“Normal lang, hindi naman kamahalan, kasi ay bahay lang ito at hindi
talaga boarding house. Nagsosolo pa lang
ako sa kwarto, naghahanap pa sila ng isa pa, baka gusto mo. Saan ka ba nag-aaral.”
“Diyan sa may Katipunan, malapit
sa LRT station. Isang sakay lang sana,
kaya lang ay mahirap sumakay kaya kadalasan ay nagdadalawang sakay pa ako. Saan ba ang boarding house mo?”
“Sa Kamuning, malapit sa EDSA.
Malapit lang din sa paaralan ninyo, isang sakay lang at hindi mahirap
sumakay.”
---------------o0o---------------
Lumipat na nga si Nathan sa aking tinitirhan. Masaya ako dahil may bago akong kaibigan at
kabarkada at kasama pa sa bahay.
Nakatipid pa ako ng renta dahil napakiusapan ko ang may ari na bawasan
na ang renta dahil dalawa na kaming titira.
Okay naman ang kwarto namin dahil nakahiwalay ito sa pinakabahay ng
may-ari. Nasa may likuran ito ng bahay
na dati nilang bodega noon dahil sa nagnegosyo sila dati ng bigas. Pinaayos at
siya naming inuupahan. May sarili kaming
kobeta at banyo at dalawa ang kama sa magkabilang giiid ng kwarto. May kalang de gaas na rin na hindi ko naman
nagamit dahil hindi ako nagluluto at bumibili na lang ng luto o di kaya ay sa
karinderya na lang kumakain. May ilang
pinggan, tasa at kubyertos naman ako at pinahiram na lang kami ng may-ari ng
maliit na kaldero, kawali at kaserola.
Sa aming kwentuhan ay palaging ang mga pagsali sa contest ang aming
topic. Ngayon ay may palagian na akong
kasama sa mga audition. Marami pa kaming
sinalihang contest. Maging sa mga
amateur contest sa tuwing may fiesta sa isang baryo ay sinalihan namin. Madalas kaming nagkakalaban, minsan ay ako
ang champion at si Nathan ang second place.
Minsan naman ay si Nathan at ako ang second place. Sa mga ganoong amateur singing contest ay
lagi kaming may place ni Nathan. Sa
premyo ay napagusapan naming hati na lang kami palagi. Kahit papano ay may additional kaming
allowance bukod sa bigay ng aming magulang.
Masarap kasama si Nathan, cowboy at maasahan talaga bilang
kaibigan. Minsan na naglalakad kami sa
loob ng isang mall ay may lumapit sa aming isang bading at tinanong kung gusto
raw naming maging model. Hindi muna kami
nagpakita ng interes dahil baka scam lang at gusto lang makapanloko. Si Nathan na ang nakipagusap dahil mas
magaling siya sa bagay na ganon. Medyo
mahiyain pa kasi ako.
“Wala po kaming alam sa pagmomodel model. Baka po hindi namin kaya.” Rason ni Nathan.
“Wala namang problema roon.
Sasabak naman kayo sa maraming training bago kayo isabak talaga. May acting training, dancing, fashion
modeling at kung ano-ano pang training ang pagdadaanan ninyo. Anong malay ninyo, baka makuha kayong
commercial model at madiskubre bilang artista.
Marami na kaming model na naging artista.” Pangeengganyo ng bading.
“Nag-aaral pa po kami at baka hindi kami maka attend kung may training
pa. Pagisipan po muna namin.”
“In case na makapagdesisyon na kayo ay puntahan ninyo ako sa opisina o
di kaya ay tawagan.” Sabi ng bading.
Inabot kay Nathan ang dalawang calling card, tig-isa daw kami. “Nariyan ang address ng aking office at CP
number. Sige, isipin ninyong mabuti.”
Tumalikod na ang bading pagkabigay ng calling card.
Binasa namin ang nasa calling card.
“Sunrise Modeling Agency, Danilo Mendez, Manager, ang address at CP
Number”, saka itinago sa aming wallet.
Sa bahay ay iyon ang naging topic namin sa kwentuhan.
“Anong malay mo nga naman, sumikat tayong commercial model at kuning
artista sa telebisyon at pelikula.” Sabi ko kay Nathan na naglalakbay na ang
isipan sakaling magkatotoo nga. Hanggang
sa pagtulog ay napapanaginipan ko ang bagay na iyon.
Lumipas ang mga araw, nawala na sa isipan namin ang tungkol sa offer na
iyon hanggang isang gabi ay malungkot na umuwi si Nathan at tila problemado.
“Anong problema at hindi na yata maipinta ang mukha mo. May dinaramdam ka ba?” bati kong tanong kay
Nathan.
Mabigat ang katawan na naupo sa gilid ng kama. Yuko ang ulo bago nakasagot. “Sumulat sa akin
si Nanay, baka raw hindi na makapagpadala ng aking pangmatrikula at
panggastos. Nagsara daw ang kompanya na
pinagtatrabahuhan ni Tatay kaya pinahihinto na ako sa pag-aaral.” Mabigat ang kalooban na kwento sa akin.
“Sayang naman ang semestreng ito, isang buwan na lang ay matatapos na,
ngayon ka pa ba hihinto? Saka kahit na
mag drop ka ay babayaran mo pa rin ang matrikula mo?
“Yun nga ang problema ko eh. May
naitatabi pa naman akong konting pera, sapat sa aking pangmatrikula, eh paano
naman ang aking kakainin, pamasahe at renta dito sa bahay.” Himutok ni Nathan.
“Huwag mo nang alalahanin iyon, ako na muna ang bahala, may naitabi rin
naman akong pera, hindi ko naman nauubos ang mga kinita natin sa pagsali sa
amateur at regular naman ang padala ni Nanay.
Tapusin mo na lang ang semestreng ito.”
“Maraming salamat Oliver, swerte ko talaga na nakilala kita.”
Maiyak-iyak pang sabi ni Nathan na yumakap sa akin.
“Baka may masalihan pa tayong amateur singing contest at sa sem break
ay maghanap tayo ng part-time job. Sa
mga fast food bilang waiter, sa grocery bilang bagger at kahit ano basta may
kitain tayo.” Pampalakas loob kong sinabi kay Nathan.
“Salamat talaga Oliver, salamat, salamat.”
“Tama na nga yung drama, Hindi
naman magtatagal ay makahahanap din ng trabaho ang Tatay mo. Sandali, naalala mo pa ba yung nag-alok sa atin
na magmodel?” Excited kong wika kay Nathan.
Biglang nagningning ang mga mata ni Nathan, nagkaroon ng pag-asa. Agad kinuha ang wallet at hinanap ang calling
card na binigay sa kanila. Hinalikan pa
ito at saka nagwika ng “baka ikaw ang maging solusyon sa aking problema, bukas
na bukas din ay tatawagan kita.”
---------------o0o---------------
“Hello Mr. Mendez, ako po si Nathan, kung natatandaan pa po ninyo. Inalok po ninyo kami na mag model. Open pa po ba ang offer ninyo, kelangan ko po
kasi ng trabaho.” May paawa epek pa ang pagkasabi ni Nathan.
“Out of town pa ako sa ngayon.
Ang mabuti pa ay puntahan na lang ninyo ako sa opisina bandang hapon sa
Sabado, doon na lang tayo mag-usap.
Dalawa kayo hindi ba. Sige see
you.” Sagot sa kabilang linya.
“Yes” napatalon pa si Nathan sa labis na katuwaan. “Nadinig mo ha, natandaan pa na dalawa tayong
inalok. Puntahan natin ha!”
---------------o0o---------------
Maaga pa ay masiglang naghahanda na kami para puntahan ang talent
manager sa opisina nito. Nagpagupit pa
muna ng buhok si Nathan dahil may kahabaan na ang kanyang buhok. Ako naman ay sadyang maigsi dahil hindi pwede
sa kurso ko ang mahaba ang buhok. Alas
kwatro pa ng hapon ang usapan pero alas dos pa lang ay lumakad na kami. Sa Marikina ang address at malapit lang ito
sa SM kaya naglakad lakad muna kami sa loob ng mall para magpalamig.
Bago mag alas kwatro ay nasa tapat na kami ng nasabing address. Isa
itong apartment na may apat na pinto at unang pinto ang hanap namin. Nag-doorbell si Nathan. Agad naman may nagbukas ng pinto, isang
teenager na lalaki.
“Dito ba ang opisina ni Mr. Mendez?” bungad na tanong ni Nathan.
“Ah! Kayo siguro ang hinihintay
ni Ate. Sabi sa akin ay papasukin kung yung dalawang gwapo ang dumating. Kayo na siguro iyon ang guguwapo kasi ninyo
eh.” Ang may pagkamalanding wika ng teenager na isa rin palang bading at Ate pa
ang tawag kay Mr. Mendez.
Isinama na kami sa loob ng bahay at pinapasok sa loob ng isang
silid. Naroon na si Mr. Mendez at isa
pang lalaki na may hawak na camera.
“Magandang hapon po.” Sabay pa naming bati ni Nathan.
“Maupo muna kayo diyan.” Sabi sa amin.
“Siya ang sinasabi ko sa iyong bago kong prospek Leo, di ba may sinabi
naman.” Dinig naming sinabi sa lalaki.
“Sandali lang ha at kausapin ko muna.”
Maraming sinabi sa amin si Mr. Mendez, Una ay kung papayag daw kami sa
mga polisiya ng kanyang ahensya, pangalawa ay kung handa kaming pumirma ng
kontrata kung saan nakasaad ang mga kondisyon na mapagkakasunduan. Marami pa sisyang mga paalala na sinangayunan
naman namin kaagad.
“Mag-iinvest pa lang ako sa inyo tulad ng pagbabayad ng inyong training
at workshop, mga kasuotan at lahat ng iyon ay nakalista at babawasin
pakonti-konti kapag may proyekto na kayo.
Sa ngayon ay sasabak muna kayo sa isang photoshoot.” Wika ni Mr. Mendez.
Pinakilala kami kay Leo na isa palang photographer. Dinala kami sa isang silid kung saan kami
kinuhanan ng mga larawan. Iba ibang pose
ang ipinagawa sa amin. May iba ibang
damit na pinasuot sa amin at sa huli ay isang bikini brief na halos ang aming
maselang bahagi na lang ang natatakpan.
Hindi naman kami nagreklamo pa.
“Hintayin ninyo ang aking mensahe o tawag. At dahil nag-aaral pa kayo ay sisiguraduhing
kong ang workshop ay araw ng Sabado o Lingo, okay! Ang kontrata ay sa susunod na nating
pagkikita.” Wika ni Mr. Mendez.
Tuwang tuwa kami pareho lalo na si Nathan na nagkaroon ng malaking
pag-asa.
---------------o0o---------------
Nang mga sumunod na linggo ay nagsimula na kaming pa-attending ng mga
training at workshop. May acting,
modelling, hosting. Nag attend din kami
ng voice lessons at dancing. May
potential daw kaming maging singer.
Dahil wala pa naman kaming project ay binibigyan lang kami ng konting
allowance ni Mr. Mendez.
Hindi na rin nag-enroll pa si Nathan ng sumunod na semester, ako naman
ay nagpatuloy pa rin sa pag-aaral at pinayagan naman ako ng tumatayo naming
manager na si Mr. Mendez.
Marami palang hinahawakang talent si Mr. Mendez. Ipinakilala kami sa ilan sa kanila nang
mag-abot kami sa opisina. At sa una
naming project ay may nakilala pa kaming iba.
Mag model lang kami ng isang brand ng kasuotan at kakanta kami ni
Nathan.
Maliit lang pala ang bayad kapag ganoon lang dahil hinahati hati pa sa
mga kasali sa event. Binayaran naman
kami kaagad ni Mr. Mendez, hindi raw muna kami babawasan ng mga inabono sa
amin. Unang sabak ay nakatanggap lang
kami ng tig 1.5K ni Nathan. Sabi namin
ay simula pa lang naman. Malaki laki
naman ng kami ay makasama sa show sa isang pista sa probinsya.
Dahil maganda ang aming katawan at may looks din naman ay naisali kami
sa isang malaking underwear fashion show ng isang sikat na brand ng underwear.
May commercial din akong nasalihan, sa background nga lang at hindi ako
ang main charcter samantalang si Nathan ay may sasalihan daw isang pelikula.
“Matutupad na yata ang pangarap mo Nathan, sa pelikula na ikaw
mapapasabak.
Ano raw ang magiging role mo dito?”
“Wala pang sinasabi si Ate.” (Si Mr. Mendez ang tinutukoy na Ate dahil
gusto niyang Ate ang itawag sa kanya.)
Wala namang script na pinababasa sa akin pa, baka daw pag nagsimula na
ang shooting.
Hindi naman kami palaging magkasama ni Nathan sa bawat project. Madalas pa nga na magkahiwalay kami dahil daw
limitado pa ang naa-assign na project sa akin dahil sa nag-aaral pa ako at kadalasan
ay dito lang ako sa Metro Manila.
Ang mahirap lang sa ganitong trabaho ay hindi sigurado ang kita. Kapag walang proyekto ay wala ka ring kita
kaya madalas ay kinakapos pa rin si Nathan lalo na kapag nanghihingi na sa
kanya ng sustento ang mga magulang sa probinsya.
---------------o0o---------------
Isang gabi ay masayang ibinalita ni Nathan na magsu-shooting na siya sa
pelikula kinabukasan. “May call slip ako
para bukas doon sa pelikulang tinanggap ni Ate para sa akin. Isang araw lang daw ang shooting ko. Baka nga daw hindi abutin ng maghapon. Malaki daw ang bayad sa akin sabi ni
Ate. Sana nga para makapagpadala ako sa
probinsya ng malaki-laki.” Ang tuwang tuwa na ibinalita kaagad sa akin ni
Nathan.
“Alam mo na ba ang magiging role mo?” hirit ko.
“Doon ko na raw malalaman, dalawang eksena lang naman daw eh at madali
lang naman daw sabi ni Ate. Iyan daw ang
sabi ng director.”
“Ganun ba. Good luck. Kumain ka na ba?”
“Hindi pa nga eh. Halika kain na
lang tayo diyan sa karinderya sa kanto.
Alam ko namang wala tayong lulutuin eh hahaha.” Nagtawanan na lang kami
Kinabukasan ay sabay kaming umalis ng bahay ni Nathan, ako papasok ng
klase at siya ay sa location ng shooting.
Nauna akong nakauwi kay Nathan kinahapunan. Pagdating niya ay agad kong
kinumusta ang first time na makapagshooting siya sa pelikula. Masayang masaya naman siya sa pagbibida kung
paano kuhanan ang eksena.
“Ganun pala ang shooting Oliver, isang eksena lang na tatagal ng ilang
minuto ay napakatagal ng preparasyon.
Basta mararanasan mo rin naman iyon kapag ikaw naman ang masasali sa
pelikula.” Wika ni Nathan.
“Ano ba ang role mo” May
dialogue ka na ba kaagad? Naka ilang take ka?” ang sunod sunod kong
tanong. Hindi agad nakasagot si Nathan,
nag-aalangan kung sasagutin o hindi ang aking mga tanong.
“Nahihiya ako eh, panorin mo na lang kapag pinalabas na. Hindi naman pala sa mga sinehan ipapalabas
eh. Sa isang channel lang sa youtube
yata ipapalabas.” Pagtangi ni Nathan na magkwento.
“Bakit ka naman mahihiya. Sige
na, ikwento mo sa akin. Ako lang naman
ang pagkukuwentuhan mo eh.” Pangungulit ko pa.
“Naka ilang take kasi ako eh, saka hindi ako sanay sa ganon.” Sagot ni
Nathan, nagaalangan pa rin.
“Ano nga ba iyon?”
“Ganito kasi ang eksena.”
Itutuloy……
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento