Biyernes, Disyembre 16, 2022

Diary ng Beki Chapter I – Vincent

 


Diary ng Beki

Chapter I – Vincent

 

Isang gabi, ay late na akong nakauwi galing ng trabaho dahil nag overtime kami.  Maraming backlog na kelangan na ma-update.  Pagbaba ko ng jeep papunta sa amin ay wala na akong masakyang tricycle kaya napilitan akong maglakad.  Malayo layo din ang papasok sa aming village at medyo madilim pa dahil mga pundido ang ilaw ng poste.

Mabilis ang aking paglalakad dahil gusto ko na talagang magpahinga at maaga pa ang pasok ko kinabukasan ng may matisod akong isang bagay na halos ikadapa ko.  Nang tingnan ko ay plastic bag ito na may lamang libro na na may magandang cover pero walang pamagat.  Binuklat ko ito at ang unang pahina ay nakasulat na malaki ang mga letra ang “My Dear Diary” at sa bandang ibaba ay ang panglang “Dennis Andres” (Hindi po ito ang tunay na pangalan). 

Isa pala itong Diary.  Dahil personal na bagay ito ay hindi ko na tinignan pa kung anong nilalaman o nakasulat roon.  Gusto ko sanang isoli sa may-ari kaya lang ay wala namang nakasulat na address o numero ng telepono.  Pagating ko sa bahay ay ibinaba ko lang ito sa ibabaw ng aking computer table.

Nawala na sa aking isipan ang napulot na diary. Mahigit isang lingo na ang nakaraan na hindi man lang sumagi sa aking isipan ang napulot kong diary.  Muli ko lang naalala ang diary ng aksidente itong nahulog ng minsan na gumamit ako ng aking computer.

Naisip ko kung bakit wala man lang naghahanap ng diary na ito lalo na at maaring sa village din nakatira ang may ari nito.  Minabuti ko nang magtanong sa gwardya kung may nakatira sa aming village na nagngangalang Dennis Andres subalit wala raw ganung apelyido ng tingnan niya ang kanilang record.

“Wala Sir Eh.  Marahil ay bisita lang nang isang residente dito.  Bakit po ba?”

“May napulot kasi akong diary.  Mahigit isang linggo na sa akin ito, may pangalan, wala namang address o telepono man lang.  Gusto ko sanang isoli kaya lang ay hindi ko alam kung papano.” Sagot ko sa gwardya.

“Mabuti pa siguro Sir ay maglagay na lang ako dito sa lost and found natin, baka sakaling may makabasang kakilala ng may-ari ay mapa-alam sa kanya.  Ano nga uli ang pangalan?” suhestyon ng gwardya.

“Mabuti pa nga.  Dennis Andres.  Sakaling may mag-claim ay sa bahay mo na lang ipakuha.  Personal na bagay kasi ito kaya hindi dapat na nakadisplay diyan sa board.  Sige, ikaw na ang bahala ha.  Salamat.”

Pagbalik ko ng bahay ay muli kong tinunghayan ang nasabing diary, binuklat ko ang ilang pahina at nagbabakasakaling may makuha akong iba pang info tungkol sa may ari.  Wala talaga maliban sa pangalan.  Ipinagwalang bahala ko na lang at inilagay sa aking bookshelves.

Buwan na ang lumipas ay wala pa ring nagke-claim.  Nanatili pa rin ang announcement sa gwardya, sa pakiusap ko pa rin.  Ang dahilan ko ay baka magawi uli ang may ari dito sa aming village at mabasa ang announcement.

-----o0o-----

Long weekend dahil sa holiday nitong biyernes.  Naglaba, naglinis at nagluto ako ng aking pananghalian at pagkaluto ay naligo na ako saka pa lang kumain.  Wala na akong maisip gawin sa araw na ito, tamad naman akong manood ng TV.  Naisipan ko na lang magbasa ng pocket book at sakaling antukin ay matutulog na lang muna ako.  Namili ako ng hindi ko pa nababasang nobela ng makita ko na naman ang diary.  Naenganyo akong tingnan at magbasa, tutal naman ay wala na sigurong naghahanap nito.

Nahiga na ko at binasa ko ang ilang post. Napag-alaman ko na isa pa lang bading ang may-ari.  Binasa ko pa ang ibang post at-random at naaliw ako sa mga kwento niya. 

“Hmmm.  Ano kaya kung gawan ko ito ng kwento.  Ilan pa lang pahina ang nababasa ko ay aliw na aliw na ako.  Tipikal na teen-ager at nakakarelate ako sa mga ibang kwento niya.  Isa rin kasi akong beki hehehe.” Ang sabi ko sa aking sarili.

Kaagad akong bumangon at binuksan ang aking computer.  Noon kasi ay gusto kong maging writer kaya lang ay hindi ako magaling mag-compose ng sentece lalo na kung english.  Nahirapan nga ako sa tuwing may essay na gagawin sa english subject namin noong nasa high school pa ako.  Sa ngayon, kahit papano ay nakakasulat na ako.  Nasanay ako kahit papano dahil sa aking trabaho bilang Auditor.  Kelangan kasi naming magsubmit ng report sa mga findings at ibang resulta ng aming audit pati na rin recommendations.

Sisimulan kong magpraktis ng pagsusulat ng kwento gamit ang ideya na nakatala sa diary na ito at papamagatan kong “Diary ng Beki”. Idadramatize ko na tila isang nobela pero iibahin ko po ang mga lugar, pangalan ng mga sangkot at iba pang may kaugnayan sa may-ari para protektahan ang pagkatao nito.

Ako po si Lito, ang narrator o tagapag-salaysay. Simulan na natin.

 

August 13, 2001 Monday 7:30 pm

 

Dear Diary,

 

Nagpunta ako ng bookstore at nakita kong naka sale ang journal na ito.  Maganda at mura kaya binili ko.  Naisipan kong gawing diary para maitala ko ang mga importanteng bagay at pangyayari tungkol sa aking buhay.

Simula ngayon ay lagi na tayong magkukwentuhan. 

Paalam.  Hanggang sa muli.

-----o0o-----

August 16, 2001 Thursday 8:00 pm

 

Dear Diary,

 

Masayang masaya ako ngayon Dear Diary, kasi magkasama kami kanina ng aking crush na si Vincent sa pag-uwi. Kasabay namin sina Trish at Aimee, mga best friends ko.  Ang pogi pogi talaga niya Dear Diary.  Fifteen years old na siya.  Bulakbol kasi siya noong elementary pa kaya laging bagsak dahil sa dami ng absent, kaya ngayon ay first year pa lang at kaklase namin.  Ipinasa na lang siguro ng kanyang guro dahil bukod sa bulakbol ay napakapilyo pa niya.

Pero kanina ay ang bait bait niya sa akin.  Tuwang tuwa nga ang aming titser dahil behave siya kanina.

Pinagtatangol niya pa ako sa mga nambubully sa akin kaya.  Ewan ko kung bakit mabait siya sa akin.  Sana lang ay magkagusto din siya sa akin at sasagutin ko siya kaagad. 

Charing lang Dear Diary kasi ay hindi naman mangyayari iyon.  Babay na muna.

-----o0o-----

Dramatization:

Pa thirteen pa lang si Dennis, bunso sa limang magkakapatid.  Siya ang nag-iisang lalaki kaya lang ay lumaking malamya at may pilantik ang mga daliri.  Siguro ay dahil puro babae ang nakalaro at nakasama niya noong bata pa siya.

Hinayang na hinayang ang kanyang ama dahil napakagwapo niya at siya sanang magpaparami ng lahing Andres.  Palagi siyang nakakagalitan ng kanyang ama dahil nga sa pagiging malamya.  Pinipilit naman talaga niyang umasta na parang tunay na lalaki, kaya lang ay talagang may kalambutan siya.  To the rescue naman palagi ang kanyang Nanay.

Higit limang piye pa lang siya at may kapayatan.  Sexy ang tawag niya doon.  Makinis ang balat at may kaputian kahit na malapit lang ang tirahan nila sa dagat.  Kung naging tunay na babae lang siya ay siguradong talbog sa kanya ang apat niyang kapatid na babae.  Gwapo kasi siya at may magandang tubo ng ngipin kaya pang closeup ang kanyang ngiti.

First year high school siya sa isang public school dito nga sa Puerto Galera, may angking talino rin at masipag mag-aral kaya lagi siyang honor noong elemtarya at ngayong high school ay nakakasama siya sa top 10 ng kanilang section.

Best friend niya ang mga kaklaseng sina Trish at Aimee.  Crush naman niya ang may kapilyuhang si Vincent na labing limang taong gulang na.  Gwapo, maganda na ang pangangatawan at matangkad.  5”9’ na ang kanyang height kaya lang ay may kaitiman ang balat dahil palagi sa dagat.  Hilig niyang magswimming kaya gumanda ang kanyang katawan.  Pambato rin siya ng kanilang eskwelahan pagdating sa paglangoy at laging kasali sa kompetisyon at kung maqualify ay isasali na siya sa palarong pambansa.

Dahil nga sa pagiging malambot ni Dennis ay laging may nambubully sa kanya na taga ibang section at ibang year.  Minsan nga ay mga babae pa ang bumubully sa kanya.  Ipinagtatanggol naman siya ni Vincent.  Marami kasing takot kay Vincent, bukod sa tangkad ay sadyang may katapangan ito at pala-away.  Ilang beses na nga siyang nasuspende noong elementary pa siya dahil sa away.  Katwiran niya ay siya lang ang bubully kay Dennis.

Kahit na matagal nang may crush si Dennis sa binatilyo ay hindi naman niya ito pinahahalata sa kanya. 

Minsan ay niloloko siya ni Vincent at kapag galit na si Dennis ay aamuin naman niya kaagad at sinasabing nagbibiro lang naman.  Kinikilig tuloy siya sa ganong sitwasyon.

“Tumigil ka na nga Vincent!  Naiinis naiinis na talaga ako sa iyo.  Isusumbong kita kay Titser at sa papa ko. Pulis kaya iyon.” Wika ni Dennis na may halong pananakot pa.

“Ito naman, hindi na mabiro.  Ang cute cute mo kasi kapag nagagalit ka eh.  Ang gandang tingnan ng nguso mo.” Tugon ni Vincent sabay pisil sa magkabila niyang pisngi.

“Aray ko naman.  Ang sakit non ah.” Sigaw niya sabay akmang kukurutin ito na mabilis namang nakatakbo.

“Hahaha.  Habulin mo ako hahaha.  Nye nye nye nye nye.” Pang-aasar ni Vincent.

Hindi inabutan ni Dennis si Vincent at huminto na rin naman siya sa paghabol dahil tapos na ang kanilang recess.

Oras na ng uwian, mabagal na naglalakad sina Dennis, Trish at Aimee.

“Sabay na ako sa inyo, baka kasi may mambully pa sa syota ko ahayy hihihi.” Pang-asar na naman ni Vincent.

“Huwag na ano!  Ikaw nga ang palaging nambubully sa akin eh.  Nagsimula ka na naman.”

“Uyyyyyy, ang haba ng hair mo besi, sayad na sa karsada o hehehe.  Kainggit ka talaga.” Biro ni Trish.

“Oo nga!  Nakakinggit ka na.  Sagutin mo na kasi.” Segundang biro ni Aimee.

“Tumigil nga kayo!  Kaasar.” Nakasimangot na sagot ni Dennis sabay binilisan ang lakad.  Sinundan naman siya kaagad ni Vincent at inakbayan pa.  Itinutulak pa niya palayo ang kaklaseng binatilyo pero dahil sa mas matangkad ito at malakas ay wala naman nangyari ang pagiwas niya.

Ang totoo naman talaga ay kilig na kilig na si Dennis.  Gusto na niyang himatayin sa sobrang tuwa, na kahit biro lang ay totoong nagpabilis ng tibok sa kanyang puso.

Hindi na inalis pa ni Vincent ang pagkaka-akbay kay Dennis hanggang sapitin na nila ang bahay ng huli.  Mauuna kasing sapitin ang bahay nila Dennis, kaya pagtapat sa kanilang bahay ay nagpaalam na siya sa mga kaibigan.

 “Trish! Aimee! Dito na ako, ingat kayo” paalam ni Dennis na may pakaway kaway pa.  Nagbabay din naman sa kanya ang mga kaibigan.

“Sa akin, hindi ka magpapaalam?” nakasimangot pang wika ni Vincent.

“Bye Vincent, ingat ka rin.” Paalam naman ni Dennis.  Napangiti naman ang kaklase na nag flying kiss pa sa kanya.  Nakita naman iyon ng kanyang nanay na noon ay nagwawalis ng kanilang bakuran,

“Uy! Ihinatid ka pala ng manliligaw mo ah.  Susunduin ka ba niya bukas?” Pagbibiro ng kanyang Nanay na nasa may gate na kawayan ng kanilang bahay.

“Nanay naman eh, puro biro.  Iisa lang naman ang dadaanan namin at mauuna lang akong darating kaya sabay sabay na kaming nauwi.” Katwiran ni Dennis.

“Eh bakit ka kinilig?”

“Nanay talaga!  Pasok na po ako at magpalit na ako ng damit.”

-----o0o-----

August 17, 2001 Friday 7:00 pm

Dear Diary,

 

Inis na inis ako Dear Diary.  Kasi pinagtripan na naman ako ni Vincent, yung crush kong kaklase.  Grabe ang ginawa niya kanina.  Itinago ang baon ko kaya wala akong nakain sa tanghalian.  Mabuti na lang at mababait ang mga kaibigan ko at kahit papano ay nakakain ako.

Humihingi naman ng sorry, pero talagang galit ako kaya itinapon ko na lang ang aking baunan at tumakbo na pauwi sa amin.

Hindi ko na siya crush simula ngayon.  Ayaw ko na sa kanya.  Hindi ko na siya babatiin at kakausapin kahit kailan.  Hindi ko na rin siya pakokopyahin ng assignmnt.

 

Dramatization:

Halos araw araw ay sabay sabay na silang pumapasok at umuuwi.  Tinutukso na tuloy si Vincent kung sino sa tatlo ang kanyang pinopormahan. 

“Kayo talaga, kasabay lang ay pinopormahan na.  Iisa lang kasi ang daanan papunta sa school kaya nagkakasabay sabay na kami.  Masaya naman na may kausap ka habang naglalakad.” Depensa ni Vincent.

“Baka naman si Dennis.  Ang alam namin ay may crush sa iyo si Dennis.  Hindi mo ba nahahalata?  Wika ni Roy, isa sa kanilang kaklase at kasasamahan sa swimming team ng school.”

“Ows! Talaga?  Hindi naman.  Sabagay, pogi kasi ako eh hahaha.  Joke lang mga pare.  Mabuti na rin yung may kaibigan tayong matalino, may nakokopyahan tayo ng assignment.  Kaya kayo kaibiganin ninyo ang ibang matalino dito.  Waes ito ano hahahaha.” Pagrarason pa ni Vincent.

“Sa Sabado, may practice tayo.  Puntahan kita sa inyo ha!”  Paalala ni Roy habang naglalakad sila pabalik ng silid matapos mag-lunch sa school canteen.

Sina Dennis, Trish at Aimee ay sa room na kumakain dahil nagbabaon sila.  Mahal din kasi ang pagkain sa canteen.

-----o0o-----

Kahit na bumabait na ng konti si Vincent ay minsan lumalabas pa rin ang pagkapilyo at pagbibiro nito.  Isang araw ay naisipan niyang itago ang baon ni Dennis, kaya noong lunch break nila ay saka lang nalaman ni Dennis na wala ang baon niya.  Nag-iisip siya kung naiwan niya sa bahay.  Pero tandang tanda niya na dala niya sa bag at pagdating sa school ay inilagay sa ilalim ng upuan niya.

“Paano iyan, wala naman akong maraming pera pambili ng pagkain.  Wala naman akong mapagtanungan kung may kumuha at nagbibiro lang.” Mangiyak ngiyak niyang sabi sa mga kaibigan.

“Salo ka na lang sa amin.  Kahit konti lang.  Kakasya na ito sa atin.” Wika ni Aimee.

“Pero kasya lang sa inyo yan.”

“Bili na lang tayo biscuit mamayang recess.” Si Trish.

Ganun na nga ang nangyari.  Nakisalo na lang siya sa dalawang kaibigan.  Hindi na siya nagtanong sa mga kaklase pagsimula ng afternoon class.  Ayaw niyang may makagalit at baka isiping nagbibintang pa sya.

-----o0o-----

Oras na ng uwian.  Hindi mapalagay si Vincent. 

“Ano ka ba Vincent, para kang pusang namamali.  Ano bang problema mo” pansin ni Trish.

“May kasalanan kasi ako eh.  Gusto ko sanang mag-sorry.” Wika niya saka inakbayan si Dennis. “Dennis, may ibibigay ako sa iyo, pero sana ay hindi mo itatapon at hindi ka magagalit sa akin.” Dugtong pa niya.

“Ano naman iyon.”

Inabot niya ang isang plastic na nakilala kaagad ni Dennis na ang pinaglagyan ng kanyang baong pagkain.  Pakamot kamot pa sa ulo.

“Akin yan ah.  Ikaw pala ang kumuha, tapos ibabalik mo matapos mo akong gutumin.  Napaka-sama mo.  Alam mo naman na hindi ako kasing yaman ninyo, na todo tipid kaya nagbabaon na lang kahit tuyo ang ulam dahil hindi ko kayang bumili sa canteen, tapos kukunin mo lang.  Ano pang gagawin ko diyan.  Siguro ang tingin mo sa akin ay isang baboy na kumakain ng panis.” Galit na sabi ni Dennis sabay tapon ng plastic bag saka mabilis na tumakbo.  Umiiyak.

“Bakit mo naman ginawa iyon Vincent.  Hindi maganda iyon.  Baon niya iyon at wala siyang makakain dahil kinuha mo pala.” Si Aimee.

“Nawala na sa isip ko, kanina ko lang naalala papauwi tayo.  Bibiruin ko lang naman.  Akala ko kasi ay malalaman niya kaagad eh.” Paliwanag niya.

“Bahala ka nga.  Ikaw ang magsoli niyan sa kanila.  Ikaw naman ang kumuha eh.” Padabog na inabot muli ni Trish ang plastic bag kay Vincent saka nagpatuloy ng paglalakad.

Pagtapat nila sa bahay nina Dennis ay tinatanaw nila ang kaklase.  Wala ring nakitang tao kaya lumagpas na sila.

-----o0o-----

August 20, 2001 Monday 8:00 pm

 

Dear Diary,

 

Kinilig ako kanina my dear diary hihihi. Kasi naman itong si Vincent hihi. Pagdating ko sa school ay may nakita ko ang baunan ko sa ilalim ng aking mesa. Nang tingnan ko ay may laman na mainit pang kanin at ulam, Fried chicken ba naman na paborito ko.

Nang kakain na kami ay sumabay pa sa amin si Vincent. Hindi ko ginagalaw ang dala niyang baon para sa akin. Hala nagalit kaya hayun kinain ko rin. Ubos nga eh hehehe.

-----o0o-----

Dramatization

Lunes, tulad ng dati ay dinaanan nina Trish at Aimee si Dennis sa bahay nila.  Wala si Vincent at hindi nila kasabay.  Magtatanong sana siya sa mga kaibigan kung bakit wala ito pero nagbago ang isip.  May lungkot siyang naramdaman kahit papano.

Pagdating sa school ay naroon na si Vincent.  Binati sila nito pero hindi niya pinansin.  Binati naman din siya nina Trish at Aimee.  Ilalagay niya sana ang kanyang baon sa ilalim ng kanyang upuan ng may makita siyang isang plastic bag.  Kinuha niya ito at tinignan.  Lalagyan   niya ito ng baon na itinapon niya noong Friday.  Mainit init pa ang lalagyan.  Nang buksan niya ay mainit na kanin at fried chicken.  Nilingon niya si Vincent na nag-thumbs up.  Naintindihan niya ang ibig sabihin ng lalaki, ipinagbaon siya nito.

Nakasimangot pa rin si Dennis kahit na tila ginutom sa amoy ng fried chicken na suhol sa kanya ng binatilyo para makipagbati.  Hindi siya nagpahalata na kinikilig siya lalo na sa mga kaibigan.

Lunch break.  Naglabasan na ang ibang mga kaklase para kumain.  Ang ibang may baon ay sa canteen na din kumakain dahil minsan ay sa canteen na lang sila bumibili ng kanin.

Patakaran kasi ng school na hindi na pauwiin ang mga estudyante tuwing tanghali para daw maiwasan ang ano mang pwedeng mangyari habang papauwi ang mga ito.  Pinagbabaon na lang sila o di kaya ay sa canteen na lang bumili ng pagkain.  Ang ibang magulang ay hinahatiran na lang ng pagkain ang mga anak para daw hindi malamig ang kanilang pagkain.

Napansin ng tatlo na hindi lumabas si Vincent at may inilabas sa kanyang bag saka lumapit sa kanila na naghahanda na ng pagkain.

“Pasabay naman ako sa pagkain.  Nagbaon na rin ako.  Ipinagbaon na rin kita Dennis.  Kainin mo yun ha!  Pinaluto ko talaga iyan para sa iyo, para makabawi sa biro ko.  Sorry na ha.  Bati na tayo.” Pang-aamo ni Vincent.

Hindi kumibo si Dennis.  Hindi binuksan ang dalang pagkain ni Vincent kaya ito na lang ang kumuha at binuksan iyon at inilagay sa tapat niya.

“Kapag hindi mo kinain yan ay malilintikan ka sa akin.  Huwag mo akong galitin.  Inaamo ka na nga eh.  Sige ka baka hindi ako makapagpigil sa iyo ay kung anong magawa ko sa iyo.” Pagbabanta ni Vincent.

Kinabahan si Dennis.  Natakot.  Alam niyang kayang gawin iyon ng kaklase kaya kinuha na rin ang fried chicken at siya nitong inulam.  Tamang tama at may ketsup pang nasa plastic ng ice candy.  Masarap ang pagkaluto kaya naubos niya na hindi binigyan ang dalawang babaeing kaibigan.  Paborito naman niya kasi ang chicken lalo na at prito.

Pinakain naman niya sa mga kaibigan ang baon niya na pritong itlog naman. 

Pagkatapos kumain ay nilinis na nila ang pinagkainan.  “Bati na tayo ha!  Hindi ka na galit sa akin ha!  Pakokopyahin mo na uli ako ng assignment ha!  Alam ko inisip mo na hindi na ako pakopyahin hehehe.” Si Vincent

Balik uli ang kanilang samahan.  Kahit na tuwing papasok at uuwi lang naman sila nagkakasabay ay okay na rin kay Dennis.  Crush na niya uli ang binatilyo.

 

 

Itutuloy……………………

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...