Caregiver (Part 8)
Sherwin
Dinaanan ko si Eman sa kanilang eskwelahan para humingi ng
dispensa. Nakita ko pang kasabay niya si Mylene at kumain sa isang burger house.
Pumasok din ako pero hindi ako nakipagkita sa kanila. Nadinig kong sa sakayan
lang ihahatid ni Eman ang kanyang GF kaya inabangan ko na lang ang pagsakay
niya ng jeep. Tinigilan ko siya sa tapat at pinasakay na.
Habang daan ay humingi na ako ng paumanhin. Habang nag-uusap
kami at nahinto dahil sa red light, May may nakita kaming couple na parehong
lalaki, sweet na naglalakad at holding hands pa talaga.
“Ang sweet nila ano. Parehong lalaki pero alam mong
nagmamahalan. Pwede palang magmahalan ang dalawang lalaki,” wika ko.
“Ikaw ba, pwede ka bang magmahal sa kapwa mo lalake?” tanong ni
Eman.
“Siguro. Hindi ako magsasabi ng never dahil sa hindi ko alam
kung ano ang mangyayari sa future. Hind pa naman ako sigurado na kami na nga ni
Bea. Saka pwede naman ah, uso na ngayon ang same sex marriage, babae sa babae,
lalake sa lakae.”
“Ibig bang sabihin, sakaling may magkagustong lalake sa iyo at
magustuhan mo rin ay makikipag-relasyon ka sa kanya? Paano ka magkakaroon ng
sariling pamilya, hindi kayo pwedeng magkaanak.”
“Bakit hindi, basta ba mahal din niya ako eh. Saka hindi na
problema ang anak. Pwedeng mag-ampon o humanap ng papayag na maging surrogate
mother.”
“Kung sabagay, basta may pera, hindi na problema ano. Ang problema na lang ay si Bea hehehe.”
“At bakit mo naman naisip na problema si Bea eh wala namang
akong karelasyon na lalake. Ikaw talaga Eman, sobrang advance kung mag-isip.”
Natapos lang kaming mag-usap dahil nakarating na kami sa aming
bahay.
-----o0o-----
Hindi ako dalawin ng antok. Iniisip ko pa ang napag-usapan namin
kanina. Mahal ko na talaga si Eman, Nagselos nga ako pagkakita kong magkasama
sila ni Mylene. Alam kong may pagtingin din siya sa akin, nararamdaman ko iyon.
Iisa lang naman ang pumipigil sa akin na magtapat sa kanya, at marahil ay
maging siya, Iyon ay ang pagiging pareho naming lalake.
Ang hirap pala ng kalagayan ng isang lalaking umibig sa kapwa
lalake, ang daming problemang kahaharapin. Una ay sa Diyos dahil bipinagbabawal
ang pagsasama ng parehong kasarian, ikalawa ay ay ang pamilya, ikatlo ay mga
kaibigan at pati na ang lipunan.
Naisip ko ang sinabi ni Eman, paano bubuo ng isang pamilya ang
parehong lalaking magkarelasyon eh hindi naman kaylanman magbubuntis ang isang
lalake. Pero sa nagmamahalan, importante pa ba ang anak?Ewan ko. (Kayo mga readers, importante ba ang anak
sa isang relasyon?)
Tinigilan ko na ang mag-isip, sumasakit lang ang aking ulo.
-----o0o-----
Eman
May pag-asa pala ako kay Sherwin. Okay din pala siya sa same sex
relationship. Parang nabuhay ang aking dugo ng malaman kong hindi siya against
a m2m relation. Ang problema, mahalin din kaya niya ako gayong babae ang
kanyang gusto.
Siguro hindi ko naman dapat bigyan ng kahulugan ang pagiging
mabait niya sa akin Maging si Mam ay napakabait din sa akin, pero syempre,
walang malisya iyon. Ang hirap naman ng ganito, may nobya nga pero iba naman
ang itinitibok na tunay ng aking puso. Paano ko kaya iwawaksi ang aking
damdamin sa kanya, ayoko namang makagulo sa relasyon nila ng kanyang nobya.
Sana makatapos na ako ng pag-aaral. Pipilitin kong makahanap ng
trabaho sa ibang bansa para makalayo sa kanya. Siguro kung malayo na ako sa
kanya ay mawawala rin ang kalokohang ito sa aking puso at isip. Haayyyyyy
Sherwin, bakit ba minahal kita.
-----o0o-----
Mabilis ang paglipas ng panhon, Isang taon kaagad ang lumipas,
fourth year na ako at pipilitin kong makagraduate sa taong ito. Makakalaya rin
siguro ako sa itinatago kong pagmamahal sa aking boss. Parang hindi na ako
makapaghintay pa.
Isang gabi, pagkagaling ko ng eskwelahan ay nadatnan kong naroon
si Bea at kausap si Mam. Naroon din si Sherwin at dinig ko ang pinag-uusapan
nila. Tila nabingi ako sa huling sinabi ni Bea. “Tita Hilda, buntis po ako at
si Sherwin ang ama. Galing po akong doctor para magpa-check up dahil sa palagi
akong nahihilo. Kaya pala ay buntis ako, dalawang buwan na raw kaya dito ako
kaagad na nagpunta para ipaalam kay Sherwin ang kalagayan ko. Natatakot po ako
kapag nalaman ito nina Mama at Papa.”
Napatingin ako kay Sherwin, tingin na nagtatanong kung totoo ang
aking nadinig, tingin na may lungkot. Hindi ko na nakayanan ang aking sarili at
tila sasabog na ang aking dibdib. Mapapabunghalit ako ng iyak at ayaw kong
gumawa ng eksena dahil sa wala naman dapat akong ikagulat sakaling totoo ang
sinasabi ni Bea. Magkasintahan sila, nagmamahalan. Siguradong matutuwa pa si
Mam dahil sa matutupad na ang pangarap nitong magka-apo, ang maging lola na
siya. Minabuti kong pumasok na sa aking silid. Alam kong nakasunod ang tingin
sa akin ni Sherwin na parang gustong magpaliwanag.
Hindi ko na alam kung ano pang pinag-usapan nila. Umiyak lang
ako ng umiyak sa aking silid. Ang sakit pala ng mabigo. Pero dapatba akong
masaktan? Wala akong karapatan at hindi ako dapat na umiyak. Pinahid ko ang
aking luha. Siya namang pagrawag ni Aling Inday at pinatatawag daw ako para kumain
na.
“Sige po, susunod na po ako.”
Nadatnan kong nasa hapag na sila, pati na rin si Bea. Kung alam
ko lang na naroon pa ang bruhang iyon ay nagdahilan na lang sana ako na nakakain
na. Pinag-uuapan pa rin nila ang tungkol sa pagbubuntis ni Bea. Ayaw ko sanang
madinig, pero wala na akong magagawa pa, hindi na ako maka-aatras pa.
“Kelan mo ba gustong mamanhikan kami Bea, para mapag-usapan na
ang tungkol sa inyong kasal,” tanong ni Mam kay Bea.
“Itatawag ko na lang po sa inyo Tita, gusto ko po munang ihanda
sina Mama at Papa para hindi sila mabigla.”
“Bilisan mo lang. Kung ikaw ang tatanungin, kelan mo gustong
magpakasal iho.” Tanong ni Mam kay Sherwin, nagkatitigan pa kami bago siya
nakasagot.
“Kayo na po ang bahala, sa akin, basta mairaos na lang,” tugon ni
Sherwin.
“Ano ba namang sagot iyan? Ikaw ang ikakasal at dapat ay ikaw
ang nagpaplano. Sige Bea, doon na lang natin pag-usapan sa inyo kapag
namanhikan na kami.” Sabi ni Mam Hilda.
Ayaw ko talagang makarining ng tungkol sa kasal kasal na iyon.
Saktong tumunog ang aking cellphone dahil tumawag si Mylene. Nag-excuse ako at
sinabing sasagutin lang ang tawag at ang idinahilan ko ay si Nanay ang nasa
linya.
Sa aking silid ko na sinagot ang tawag. Hindi naman masyadong
importante ang sasabihin ni Mylene, may itinanong lang. Sandali lang kaming
nag-usap pero hindi ako kaagad na bumalik sa hapag. Tiniyempo ko talagang
matatapos na sila.
“Sorry po Mam, natagalan ako, si Nanay kasi, gusto akong pauwiin
sa Sabado, importante daw po,” pagdadahilan ko.
“Ah okay, siguro ay dalawin mo na nga, miss ka na siguro ng
Nanay mo. Siya sige, tapusin mo na ang pagkain mo at doon na kami sa sala,”
wika ni Mam.
Tumayo na sila, pagdaan ni Sherwin sa aking likuran ay pinisil
pa niya ang aking balikat, ewan ko kung bakit niya ginawa iyon.
Tinulungan ko na si Aling Inday na magligpit ng kinanan namin,
ayaw sana niya dahil kaya na raw niya, pero nagpumilit pa rin ako. Nang matapos
kami ay nadinig kong nagpapaalam na si Bea.
“Ihatid mo na si Bea sa bahay nila Sherwin. May sasakyan ka bang
dala Bea?” wika ni Mam.
“Wala po Tita.”
Sabay na lumabas ng bahay ang dalawa. Ihinatid na ni Sherwin si
Bea.
“Nadinig mo na siguro Eman ano, magkaka-apo na ako sa wakas
hehehe.” Tuwang tuwa si Mam sa pagbabalita sa akin.
“Opo Mam. Naku, siguradong maging si Sherwin ay tuwang-tuwa.
Magiging tatay na siya.”
“Hmmm, ewan ko ba roon, para namang hindi excited eh, Pero ako
ay excited hehehe. Iwan na kita ha at magpapahinga na ako.”
Papasok na sana ako sa aking silid ng tawagin pa ako ni Aling
Inday. “Nadinig kong buntis daw yung syota ni Sherwin, para namang hindi eh.
Baka gusto lang talagang pikutin si Sherwin, alam mo na, mayaman at baka
makawala pa.”
“Aling Inday naman, ang hilig na mag ‘marites; hahaha. Bakit mo
ba nasabi na hindi buntis si Bea?”
“Aba ay ilang beses ba akong nabuntis. Kapag buntis ay medyo
lumalaki ang suso, saka ang balakang. Mukha namang dalaga pa siya at walang
pinagbago ang suso.”
“Dalawang buwan pa lang daw, kaya siguro hindi pa halata ang
pagbabago.”
“Ewan ko lang ha, basta ako, kapag buntis ay medyo malusog ang
suso.”
“Huwag kayong maguusap ng ganyang ha kapag narito sina Mam at
Sherwin, alam naman ninyong ayaw non ng tsismis.”
“Asus naman, eh bakit tila kumislap pa ang mata mo ng sabihin
kong parang hindi buntis. Hala, maging sa inyo ay ako’y may napapansin.”
“Hala Aling Inday, ano naman iyon? Ikaw ha, ibang lebel na ang
napapansin ninyo.”
“Na kayong dalawa ay talagang mag-bestfriend. Ano gang masama
roon?”
-----o0o-----
Sa aking silid ay napaisip na naman ako. Paano kung talagang
hindi buntis si Bea at nakasal na sila. Ano ngayon ang pwedeng mangyari?
At ano naman kaya ang intensyon ni Bea para magpganggap na
buntis? Tama kaya si Aling Inday na dahil sa kayamanan ng mga Delgado?
Pero baka naman gusto lang talagang mag-asawa na ni Bea, nasa
tamang edad na naman sila. Siguro ay mabuti na rin talagang lumagay na sa
tahimik si Sherwin para ako man ay matahimik na. Siguro, kapag may asawa at
anak na siya ay mawawala na rin ang kalokohan ko sa buhay.
-----o0o-----
Sherwin
Naitakda na ang kasal namin ni Bea sa susunod na buwan.
Nagmamadali na ang mga magulang ni Bea, ayaw nilang may makaalam na iba na
buntis na ito at nakakahiya raw sa kanilang angkan at kaibigan.
Hindi ko pa gustong magpakasal, subalit wala na akong magagawa
pa, gumawa ako ng mali kaya dapat kong panagutan. Nagtatalo ang aking isipan
kung dapat ba akong maging masaya o malungkot. Masaya dahil sa magkaakroon na
ako ng anak na pinapangarap ng sino mang lalaki at mabibigyan ko rin ng
kalaigayahan ang aking Mama.
Malungkot dahil nasasaktan ako. Napatunayan ko nang si Eman ang
mas mahal ko at hindi si Bea. Simula kasi nang itakda na ang kasal namin ay
nakita ko siyang laging malungkot, sa bahay, sa trabaho at siguro maging sa
kanilang unibersidad. Minsan nga ay napansin kong namumula ang mata. Alam kong
umiiyak siya at nararamdaman kong ang aking pagpapakasal ang siyang dahilan.
Pilit man niyang itago sa akin ay damang dama ko rin ang paghihirap ng kanyang
kalooban.
Kung ipinagtapat ko sana sa kanya ang tunay kong nararamdaman ay
sana hindi ako magdudusa. Alam kong dusa ang kasasapitan ko kapag nakasal na
ako kay Bea. Alam ko rin na ganon din si Eman. Mahal namin ang isa’t isa pero
walang lakas ng loob ang sinuman sa amin ang magtapat ng kanyang damdamin.
Siguro ay hindi talaga kami itinadhana.
Bukas na ang aming kasal, si Eman pa ang aking bestman. Inaya ko
siyang mag-inom bilang pamamaalam sa aking pagkabinata. Hindi siya tumanggi,
Siya pa ang naglabas ng isang boteng alak mula sa taguan namin, dalawang baso
at malamig na tubig. Doon kami sa aking silid nag-inom.
Nang malaman ni Mama na nagiinuman kami ni Eman ay kinatok niya
kami at pinagsabihan na huwag magpapakalasing dahil sa bukas na nga ang aking
kasal.
Tahimik lang kami, halos hindi nag-uusap at pandalas ang tagay.
Gusto kong magpakalasing, ganon din si Eman.
Muling pumasok sa silid ko si Mama. Siguro ay narinig niyang
nagkakaingay na kami. Umiiyak na kasi ako.
“Sherwin, tama na iyan, lasing ka na. Eman, itago mo na yang
alak at pati ikaw ay lasing na rin,” wika ni Mama.
“’Ma… ayaw ko pang mag-asawa, ayaw ko pang pakasal. Hindi ko
mahal si Bea. May iba akong mahal huhuhu,“ wika ko na umiiyak at nakayakap sa
bewang ni Mama.
“Ano bang nangyayari sa iyo Sherwin! Nakatakda na ang kasal
ninyo bukas, hindi na tayo pwedeng umatras, madedemanda tayo. Bakit ngayon ka
lang nagsalita?”
“Ma… baka pwedeng hindi ako sumipot. Maaaaa huhuhu.”
“At paano ang bata, ang anak mo. Gusto mo bang tawaging bastardo
ang anak mo?”
“Kukunin nating ang bata, tayo ang magpapalaki, mamahalin ko ang
anak ko huwag lang matuloy ang kasal.”
“Huli na ang lahat, kung sinabi mo iyon bago pa lang tayo
mamanhikan ay sana baka napag-usapan pa ang tungkol doon. Matulog na kayo.
Eman, ihiga mo na si Sherwin, at pati ikaw rin, matulog ka na at maaga pa tayo
bukas. Kung bakit ngayon pa kayo nag-inom.”
Lumabas na si Mama, naiwan kami ni Eman na inaalalayan akong
mahiga sa aking kama. Nakakapit ako sa kanyang braso habang inaalalayan ako.
Hindi ako bumitiw hanggang sa matangay ko siya at nadaganan niya ako. Ewan ko
kung ano ang pumasok sa aking utak at hinalikan ko siya sa kanyang mga labi.
Sa paglapat ng aking labi sa kanyang labi ay sumilakbo na ang
matagal kong itinatago sa aking sarili. Dagliang naginit ang aking katawan
dahil sa aking pananabik sa kanya na mahalikan siya kahit minsan lang. Pilit
siyang kumakawala, inilalayo niya ang kanyang sarili sa akin hanggang sa
magtagumpay siya.
“Ikaw ang mahal ko Eman, matagal na, simula pa noong ako ay
inaalagaan mo. Nahulog na ang loob ko sa iyo. Hindi ko lang alam kung paano
aaminin sa iyo dahil hindi ako sigurado kung ano ang magiging reaksyon mo. Ikaw
ang mahal ko Eman.
Hindi makapagsalita si Eman sa ipinagtapat ko, pero hindi siya
kababakasan ng pagkabigla. Marahil ay matagal na niyang alam, marahil ay
nararamdaman niya rin.
Naupo ako sa gilid ng kama at yumakap sa kanyang baywang,
patuloy ang pagtulo ng aking luha. Naramdaman ko rin na humapit ang kanyang
braso sa aking ulo, kinabig iyon at sinabing… “Mahal din kita Sherwin, minahal
na kita noon pa. Pero alam kong hindi dapat kaya inilihim ko iyon. Nag
girlfriend ko para mawala ka sa aking isipan at puso pero kahit na may GF na
ako ay ikaw pa rin ang itinitibok nito. Mali kahit saang anggulo na mahalin
kita kaya umiwas na ako. Hindi ko alam kung dapat pa bang aminin ko sa iyo pero
gusto ko ring malaman mo na mamahalin kita kahit hindi tayo.”
“Bakit ngayon mo lang sinabi, hindi mo ba nadarama ang
pagmamahal ko sa iyo?”
“Alam kong may pagtingin ka rin sa akin, pero hindi ba tama lang
na iwasan kita.”
“Bakit inamin mo pa, sana lang ay hindi mo na inamin, lalo lang
akong maguguluhan.”
“Hindi ko na kasi kaya pang ilihim, marahil ay dahil sa nakainom
tayo pareho. Gaya mo, bakit sinabi mo pa sa akin?
“Umalis tayo rito, magtanan tayo!” yaya ko kay Eman.
Itutuoy………
Bitin na naman..haiisst!
TumugonBurahin