Martes, Enero 10, 2023

Diary ng Beki Chapter IV - Gerald

 


Diary ng Beki

Chapter IV - Gerald

 

September 24, 2001 Monday 7:30 pm

Dear Diary,

 

Nakita pala kami nina Trish at Aimee, mga kaklase at kaibigan ko, na magkasama ni Vincent noong Sabado. Panay ang tukso, panay ang tanong kung kami na daw. Panay din naman ang tanggi ko hehe. Ang totoo, gusto ko sumayaw doon sa saya at aminin na kami na nga. Kilig na kilig nga ako eh, kaso usapan namin na lihim lang muna.

“Ang kaso, itong si Vincent, nadinig yata ang usapan namin umamin na kami raw. Hindi naman ako nag-confirm sa kanila.

Tapos, napahiya ako sa aming klase kanina. Kasi ba naman ay nag-iisip ako tungkol sa aming relasyon ni Vincent, hindi ko alam na tinatanong ako ni titser, naka tanga pa rin ako at hindi sumasagot, kaya hayun… pinagtawanan ako. Tapos ba naman yung isa kong kaklase ay sinabing in-love daw ako. Kung sabagay, totoo naman.

Ang sabi ba naman ni titser ay kung sinong maswerteng babae ang napusuan ko tapos may sumagot naman na lalaki raw ang gusto ko dahil bading ako.

Totoo naman talaga na bading ako, pero ginawa nilang katatawanan eh. Pati si Vincent at ang dalawa kong besi ay nakitawa rin. Nainis talaga ako.

Pero masaya pa rin, kasi eh…hihihi, inamin ni Vincent na kami na haayyyy hindi siya nahiya sa mga besi ko.

-----o0o-----

Dramatization:

Lunes na naman, gaya ng dati ay naghintay na sa labas ng bahay si Dennis sa pagdaan ng mga kaibigan. Pagkakita pa lang ng dalawa niyang kaibigang babae ay kinuyog na siya kaagad at kung ano-anong tanong at panunukso ang narinig da dalawa.

“Besi, magtapat ka nga sa amin, kayo na ba ni Vincent?” tanong ni Trish.

“Huwag kang magsisinungaling, nakita ka namin sa mall na lumabas ng sinehan!” wika ni Aimee.

“Anong ginawa ninyo sa loob ng sinehan, hinalikan ka ba niya sa lips?” tanong uli ni Trish.

“Magkaakbay pa kayo na naglalakad ha, sweet na seet,” komento ni Aimee.

“Anong pakiramdam ng mahalikan ha. Kwento mo naman, kakainis ka namn eh.” Si Trish na naman. “Bakit hindi ka sumagot?”

“Hala! Ano ba kayo? Paano ako sasagot eh hindi ako makasingit sa inyo. Ano bang sinasabi ninyo ha?”

“Huwag ka nang mag maang-maangan pa, caught in the act ka na. First date ba ninyo? Kailan mo sinagot? Nag-kiss na ba kayo?” sunod sunod na tanong na naman ni Trish.

“Uy ha, wala namang ganun. Aaminin ko na nanood kami ng sine, nagkataon lang naman na naroon ako dahil may bibilhin ako eh nakita niya ako. Inaya akong manood dahil libre daw niya ako. Kung kayo ba, tatanggi sa libre?” sagot ni Dennis.

“Liar! Sinungaling. At anong binili mo aber?” si Aimee.

Hindi makasagot si Dennis, nasusukol na sila ng dalawa. Nang biglang sumulpot si Vincent. “Bakit hindi mo pa aminin na tayo na. Ano namang masama?”

Nanlaki ang mata ni Aimee, namilog naman ang bibig ni Trish, parang hindi makapaniwala. Pero sandali lang naman ang pagkabigla at naghiyawan na.

“Ahaaaaayyyyyyyyy sinasabi ko na nga ba eh, iba kasi ang ikinikilos nitong si Vincent. Hindi naman dating malapit sa atin ah. Hoy besi, pahingi naman ng ginamit mong gayuma hehehe.” Si Trish.

“Hoy! Tumahimik ng kayo, nakakahiya. Vincent! Ano ka ba? Hindi oy, nagbibiro lang si Vincent.” Wika ni Dennis. Hindi niya malaman ang sasabihin, blangko ang isipan, hindi siya handa sa kaganapan.

“Ano pang magagawa natin, buking na tayo. Totoo mga friends, kami na ni Dennis, pero usapan namin, kung hindi ninyo nabisto na ilihim muna. Alam naman ninyo sa school natin, maraming… hmmm alam nyo na.  Isa na kayo roon hehehe. Joke lang. Atin-atin na lang muna ha, basta kaibigan lang muna. Ayaw kong mabu-bully ang honey ko hehehe,” wika ni Vincent.

Hindi malaman ni Dennis kung paano magre-react, mabuti na lang at nakarating na sila ng eskwelahan kaya natigil ang kanilang usapan. Hindi naman maikakaila na blooming itong si Dennis.

-----o0o-----

Sa loob ng klase ay lutang na lutang ang isipan ni Dennis. Hindi kasi siya makapamiwala na aaminin ni Vincent ang kanilang relasyon. Usapan naman nila na lihim lang  muna.

“Mr. Andres! Answer the question?” wika ng guro.

Pero naglalakbay pa rin ang isipan ng ating bida. Nagde-day dream na namamasyal sa isang lugar silang dalawa ni Vincent, holding hands at may pa sway sway pa.

“Huy Dennis, tinatanong ka ni Titser!” wika ni Aimee na hinatak na ang manggas ng polo nito.

“Mam… sorry po. Ano nga po pala tanong?” hiyang hiyang wika ni Dennis.

“Dennis… may problema ka ba?” tanong ng guro.

“Naku… wala po mam. Medyo may iniisip lang po ako. Para po kasing naiwan kong nasaksak ang plantsa, pero huwag po kayong mag-alala, sigurado po akong nahugot ko hehehe. Pasensya na po,” alibay ni Dennis. Kaagad nakaisip ng palusot.

“Mam, huwag po kayong maniwala, ang ganyang kilos at galawan kasi ay pihadong in-love lang si Dennis,” wika ng isang estudyante.

“At sino naman kayang maswerteng babae ang napupusuan mo Dennis?” tanong uli ng guro.

“Mam, hindi po babae, lalake po, bading po si Dennis hahaha,” komente ng isang lalaking estudyante. Hagalpakan ang buong klase, may hampas pa sa mesa at padyak sa sahig. Pati si Vincent ay nakita niyang nakitawa. Pahiyang pahiya siya, mangiyak-ngiyak na siya sa pagkapahiya.

“Stop it. Tumigil kayo. Bakit kung bading, wala na bang karapatang mag-mahal ang bading? Hindi ko gusto ang ganyang ugali.” Galit na sabi ng guro, natahimik tuloy ang klase. Inulit na lang ng guro ang tanong at nasagot naman niya iyon.

“Very good Dennis. Kung nag-aaral ba kayo kagaya ni Dennis eh mabe-very good pa kayo sa akin,” papuri ng guro. Kahit papano ay nabawasan ang pagkapahiya niya.

-----o0o-----

Lunch break, walang baon si Vincent kaya hindi na siya kasabay nina Dennis. Samantala ay tahimik lang itong si Dennis, walang kibo, hindi umiimik. Alam naman ng mga kaibigan na nagtampo sa kanila ito dahil maging sila ay nakitawa.

“Sorry na besi, alam ko nagtampo ka, nakakatawa naman kasi eh.” Sabi ni Aimee.

“Ano kayang nakakatawa roon, nilait na nga ako eh nakitawa pa kayo,” may higing na tampo sa salita ni Dennis.

“Asussss. Eh di sana inamin mo na lang. Ano ba talaga ang iniisip mo kanina. Ang layo na yata ng narating mo.” Usisa ni Aimee.

“Wala… kain na lang tayo. Tama na muna ang tanong, baka me makarinig pa sa inyo. Saka wala naman akong aaminin. Ewan ko sa lokong iyon, napag-tripan na naman ako,” wika ni Dennis.

“Ibig mo bang sabihin ay hindi totoo ang sinabi ni Vincent?” tanong ni Trish.

“Hindi. Sa tingin ba ninyo ay magkakagusto siya sa isang katulad ko? Tingnan nyo na lang ang kalagayan namin, ang ganda niyang lalaki, mayaman pa. Ako ano?” himutok ni Dennis.

“Sireyna hihihi. Joke lang. Ang ganda mo kaya. Marami ngang nanghihinayang sa iyo eh. Kung naging tunay kang lalaki ay ang damimg magkakagusto sa iyo, mabait na matalino pa. Pati ako ay baka mahumaling sa iyo hahaha,” si Trish, nagbiro pa.

-----o0o-----

Last subject na, hinihintay na lang nila ang bell para maguwian na. Hayun na nga, nag bell na. Mabilis na tumayo si Vincent, nauna nang lumabas.

Pagalabas nina Dennis ay nagpalinga linga pa siya, hinahanap si Vincent. Dati ay hinihintay sila. Kung hindi naman sasabay sa pag-lalakad pauwi ay nagsasabi ito, pero ngayon ay hindi.

“Bagalan naman nating ang paglalakad, hintayin natin si Vincent, baka nag CR lang,” wika ni Dennis.

“Silipin mo na kasi, bilis na at magsasaing pa ako,” wika ni Trish.

Patakbong tinungo ni Dennis ang kobeta, pero wala roon si Vincent. “Tara na, hindi siguro sasabay sa atin. Wala naman naglalaro ng basketball sa gym, tahimik eh. Saka hayun ang mga kasama niya palagi, naglalakad na palabas.” Wika ni Dennis.

-----o0o-----

October 8, 2001 Monday 7:30 pm

 

Dear Diary,

 

Hindi ko maintindihan Dear Diary, kung anong nangyari. Hindi ko alam. Matapos na pumayag akong kami na at aminin pa niya sa mga BFF ko ay bigla na lang nagbago si Vincent. Hindi na nasabay sa pag-pasok at pag-uwi. Hindi rin kami nag-uusap maliban kung may ipagagawa siyang assignment o mangongopya ng lesson. Haaayyy ewan ko sa kanya. Inis na ako kaya hinayaan ko na lang. Wala naman akong magagawa kung niloloko lang niya ako.

Pero may bago kaming kaklase, transferee galing Maynila. Ang pogi niya at sa likoran ko nakaupo. Kaagad na nagpakilala sa amin . Gerald ang pangalan niya. Kinilig talaga ako sa kanya. Ang landi ko hihihi.

 

Dramatization:

Nitong nakaraang araw ay may napapansin si Dennis sa kaibigan o kasintahan na si Vincent. Kung kelan sila nagkaroon ng kaugnayan ay parang may biglang nabago. Hindi na siya sumasabay kina Dennis sa papasok at pag-uwi. Maging sa pagkain sa eskwelahan ay hindi na rin siya nagbaon para sabayan sila sa pagkain.

Sa loob ng room ay bihira din silang magkausap. Nagkakausap lang sila para magpagawa o mangopya ng assignment. Maging ang kaibigang si Trish at Aimee ay napapansin iyon kaya panay ang tanong nila sa kanya.

“Besi. Napapansin ko lang ha, sana huwag mong masamain. May LQ ba kayo ni Vincent?” usisa ni Trish.

“Hala… anong LQ. Bakit kami magkaka-LQ?” tugon ni Dennis.

“Hindi ba kayo na?” sabad ni Aimee.

“Kelan ba naging kame. Siya lang. Ang dali naman kasi ninyong maniwala eh. Hindi na kayo nasanay sa taong iyon,” wika ni Dennis.

“Eh bakit parang inis ka?” sabi ni Aimee.

“Kayo kasi, pilit ninyong tinutukso sa akin eh. Kilala ko na siya. Pasalamat na lang ako at hindi na niya ako binubully ngayon. Tara na nga.”

Paglabas nila ng gate ay nakita pa nila si Vincent na may kausap na isang babae, si Roxanne, 2nd year student. Nagtama pa ang paningin nila ni Dennis pero hindi naman siya pinansin. Manapa’y inakbayan na ang babae at naglakad papalayo.

Parang sinaksak ng kung ilang beses si Dennis sa nakita. Gusto niyang habulin ang dalawa, pagsalitaan ng masasakit lalo na si Vincent. Maiiyak na siya kaya binilisan na niya ang lakad para hindi makita ng dalawa ang pagpatak ng kanyang luha.

“Bilisan na ninyong dalawa, ang bagal kasi. Matatae na ako,” wika ni Dennis.

“Ano kaya yun? Nakita mo lang na may ibang kasama na si Vincent ay bigla ka na lang nagmadali. Sandali, hintay naman,” wika ni Aimee na hatak si Trish.

-----o0o-----

Pagdating sa bahay ay agad na nagtungo sa kanyang silid si Dennis at doon ibinuhos ang sama ng loob. Nagiiyak siya sa nadaramang sakit ng kalooban.

“Manloloko! Paasa! Mabuti na lang at hindi ako nagyabang sa mga kaibigan ko,” hinagpis ni Dennis. Iniyakan talaga niya ang unang sakit na naranasan ng dahil sa pagmamahal.

“Kahit kelan ay hindi na ako maniniwala sa iyo Vincent. Mas masakit ang ginawa mong ito sa akin kaysa sa pambubully mo. Mabuti pa nga na binully mo na lang ako dahil sa pwede kitang labanan, kahit na salita lang.”

Lumipas pa ang mga araw. Lalapitan lang ni Vincent si Dennis para magpagawa ng assignment. Sa kanila pa rin naman siya sumasali sa mga group assignment o project pero hindi kaylan man sumama para mag-participate.

Isang araw ng lunes ay may bagong estudyante na ipinakilala ang kanilang adviser. Isang gwapo, matangkad, at astigin ang dating.

“Hello! Ako si Gerald Enriquez. Galing akong Manila, at bagong lipat lang kami dito dahil sa dito na maninirahan ang aming pamilya. Siya kasi ang bagong doctor sa bayang ito. Sana ay maging kaibigan ko kayong lahat,” pagpapakilala ni Gerald.

“Let’s welcome Gerald. Dun ka na maupo sa bakanteng silya, yan na ang permanente mong upuan,” wika ng guro.

Sa likod ng upuan ni Dennis ang bakanteng silya, kaagad namang nagpakilala pa rin ito.

“Hi!  Gerald here, ikaw si…”

“Dennis.” Nakipagkmay sa kanya si Gerald at ipinakilala naman ang kanyang katabi na si Aimee at Trish.

“Nice meeting you,” wika ni Gerald.

“Mamayang break, sama ka sa amin para maipakilala ka namin sa iba nating kaklase,” wika naman ni Trish.

Masama ang tingin ni Vincent sa kanila at nakita iyon ni Dennis.

-----o0o-----

October 9, 2001 Tuesday 8:30 pm

 

Dear diary,

 

May good news ako at bad news dear diary. Good news muna. Nakasabay namin sa pagkain si Gerald at kasabay pa namin sa paglalakad papauwi. Kapit-bahay pala namin sila, ilang bahay lang ang pagitan sa bahay namin.

Masaya din siyang kausap, tingin ko mabait. Gusto ko siyang makilala pang mabuti.

Yung bad news… kinausap ako ni Vincent, nanghihingi ng sorry. Siguro na feel niya na pinabayaan n’ya ang pakikipagkaibigan sa amin. Tapos, kung nakipagrelasyon ako sa kanya ay break na rin kami.

Hindi ako masyadong nasaktan, dear diary. Kasi napaghandaan ko na naman. Meron na kasi akong bagong crush hehehe. Joke lang naman. Masakit din hindi lang masyado.

Dramatization:

Lunch break na. Naglabasan na ang mga estudyante para kumain. “Mga besi, wala akong baon, binigyan na lang ako ni Tatay ng pera pangkain ko. Doon na rin kayo kumain para may kasabay ako, dalhin na lang ninyo ang baon n’yo,” wika ni Dennis.

“Sabay na rin ako sa inyo Dennis, Trish. Kung alam kong nagbabaon kayo ay sana nagbaon na lang din ako. Siguro bukas ay magbaon na lang ako para lagi tayong magkakasabay,” sabad naman ni Gerald.

Pumayag naman ang dalawa. Nang malapit na sila sa canteen ay kaagad na nakita ni Dennis si Vincent, kasabay si Roxanne at ibang kaibigang lalake. Para na namang tinusok ng karayom ang dibdib ni Dennis sa nakita, kaagad na lang niyang ibinaling sa iba ang tingin, umiiwas na siyang makita pa ng matagal.

Pumila na sila ni Gerald habang ang dalawa nina Trish at Aimee ay naghanap nang bakanteng mesa.

“Bakit naman ang daming soft-drinks yan Gerald. Sa amin ba ang iba?” tanong ni Trish.

“Oo, libre ko sa inyo. Magkaibigan na tayo ha!” sagot naman ni Gerald.

“Nakita ko na sabay-sabay kayong dumating kanina, magkalapit lang ba ang tinitirhan ninyo kaya nagkakasabay kayo?” tanong ni Gerald habang kumakain.

“Hindi… dinadaanan lang namin si Dennis, mas malayo ang bahay namin sa kanya. Mamaya sabay kang umuwi sa amin. Naglalakad ka lang ba o may susundo sa iyo.” Sabi ni Trish.

“Kahapon ay hinatid ako at sundo, hindi ko pa kasi alam ang pag-uwi. Malapit lang naman pala dahil isang diretso lang ang sa amin. Kanina naglakad na lang ako at mamaya rin maglalakad na lang ako pauwi. Sabay ako sa inyo ha,” sabi ni Gerald.

“Sandali, kuha lang ako ng tubig, gusto mo ba ng tubig Gerald? Yung dalawa ay may dala na rin kasing tubig.”

“Thanks Dennis, pero may dala rin akong tubig, naiwan ko lang sa room. Doon na lang ako iinom,” Sagot ni Gerald.

Habang nakuha siya ng tubig ay dumating din si Vincent para kumuha ng tubig.

“Mukhang nagkakamabutihan na kayo nung kupal na yun ah,” sabi ni Vincent na nasa likuran lang ni Dennis. Gulat pa ni Dennis nang magsalita ito. Tiningnan lang niya ang binatilyo saka tumalikod na hindi din ito kinausap. Napatanga na lang si Vincent.

-----o0o-----

Sumabay nga sa paglalakad sa magkakaibigan si Gerald. “Naninibago ka ba rito Gerald? Hindi ka siguro sanay sa ganitong lugar ano, probinsya kasi ito. Developed na naman, may mall na rin naman sa kapitolyo na pwedeng pasyalan. Ganito talaga dito, simple living hehehe,” sabi ni Dennis habang naglalakad papauwi.

“Okay nga dito, tahimik, sariwa ang hangin, malapit pa sa beach hehehe. Gusto ko talaga ang ganitong lugar,” tugon naman ni Gerald.

Tila nabilisan pa si Dennis sa paglalakad gayong para na nga silang namamasyal, malapit na kasi siya sa bahay nila.

“Dito lang ang amin Gerald. Mauna ako sa inyo na darating. Saan ba ang sa inyo?” tanong ni Dennis.

“Dito ka lang ba, doon lang ako sa pangatlong bahay, magkapitbahay lang pala tayo.” Sagot ni Gerald.

“Kayo ba yung bagong lipat sa malaking bahay hahaha. Kayo pala yun. Sige, ingat kayo. Trish, Aimee, Gerald… ingat.” Paalam ni Dennis.

Umakyat kaagad sa kanyang silid si Dennis. Nagpalit na siya ng pambahay at napasalampak ng higa sa kama.

“Haayyy. Malapit lang pala sila,” wika sa sarili ni Dennis na nakangiti. “Sana talagang mabait itong si Gerald at hindi pakitang tao lang. Sana hindi siya kagaya ni Vincent na manloloko.

Nasa ganong pagmumuni-muni si Dennis ng tawagin siya ng kanyang nanay. “Anak… Dennis, may naghahanap sa iyo, si Vincent daw.”

“Hala… anong nakain ng taong iyon at bigla na lang pupunta rito. Wala naman kaming assignment ah,” bulong ni Dennis sa sarili. “Bababa na ako Nay.”

Nasa may pintuan lang si Vincent, hindi na pumasok dahil sa sandali lang daw. Doon na lang sila nagusap sa labas.

“Vincent, wala naman tayong assignment ah, anong sadya?” sarkastikong bati ni Dennis.

“Ikaw naman, gusto lang kitang kausapin.”

“Tungkol saan.”

Naglakad sa bandang gilid ng bahay si Vincent kasunod si Dennis. “Sorry nga pala at hindi na ako nakakasabay ng paglalakad sa inyo at pati na rin sa pagkain. Alam mo na, nagtatampo na ang iba kong tropa.”

“Okay lang yun, wala ka namang obligasyon na sabayan kami. Saka syempre, sino ba kami kumpara kina Roy at Roxanne. Kayo na ba?”

“Hala… bakit ganyan kang magtanong? Wala kami nun, kaibigan ko lang yun.”

“Ay ako, ano mo ako?” tanong ni Dennis.

Hindi makasagot si Vincent, alanganin. “Tayo hindi ba?”

“Anong tayo?

“Couple.”

“Nagpapatawa ka ba? Hindi mo nga ako kayang kausapin sa school eh couple pa. Couple ka dyan.”

“Secret nga eh, Hindi ba nagkasundo tayo na secret lang ang realsyon natin?”

“Kung sayo ay may relasyon tayo, sa akin ay wala, kaibigan lang tayo hindi ba. Hindi ko pa nga masabing close friend eh, kasi bigla ka na lang nagbago. Bakit ba. Dahil ba kay Roxanne. Pinagbabawalan ka ba niyang makipagkaibigan sa amin?”

“Bakit naman ba niya ako pagbabawalan?”

“Malay! Kung sa tingin mo ay nagkarelasyon tayo siguro ay tapusin na natin. Hindi ko naman inisip o tinanggap na magiging tayo. Kahit kina Trish ay hindi ko inamin. Dun ka na lang kay Roxanne. Sige na, pasok na ako.”

Tumalikod na si Dennis at tinungo ang pintuan saka isinara. Naiwan nakatanga si Vincent.

 

 

 

Itutuloy……………………

 

1 komento:

Sa Babuyan at Manukan (Part 13)

  Sa Babuyan at Manukan (Part 13)   Kuya Zaldy’s POV Hindi ako dalawin ng antok, naisip ko si Mikel. Ngayon lang parang luminaw ang ak...