Linggo, Pebrero 12, 2023

Diary ng Beki Chapter V – Away Sa Basketball

 


Diary ng Beki

Chapter V – Away Sa Basketball

 

October 19, 2001 Friday 8:00 pm

 

Dear Diary,

 

Ngayon lang uli ako nakapag-tala Dear Diary. Wala naman kasing masyadong ganap nitong mga nakaraang araw. Normal lang ang takbo ng pang araw-araw kong buhay, bahay-eskwela, eskwela-bahay. Ang kaibahan lang ay palagi na naming nakaksabay sa pag-pasok at pag-uwi ang bago naming kaklase na si Gerald.

Si Vincent? Wala na yun, manloloko kasi, paasa. Pero kanina nilapitan kami kami nina Gil, Ron at Mon at gustong makipag-kilala at makipag-kaibigan kay Gerald. Inaya pa nga ng basketball sa covered clurt ng barangay namin. Pumayag naman siya at para suportahan ay nanood ako, Sabado naman at wala naman akong ginagawa. Nanalo naman sila at si Gerald ang nagpapanalo. Wala naman pusta iyon, friendly game lang.

Alam mo Dear Diary, isinama ako ni Gerald sa kanilang bahay at ipinakilala ako sa kanyang mother. Haaayyyy… para akong BF niya na pinakilala sa magiging biyenan ahayyyyy kinikilig talaga ako.

-----o0o-----

Dramatization:

Simula ng puntahan ni Vincent si Dennis sa bahay nila ay hindi na sila muling nagkausap pa ng matagal. Ganun pa man ay kay Dennis pa rin ito umaasa sa pag-gawa ng assignment.

Sadyang umiiwas na si Dennis, ayaw kasi niyang palagi na lang nasasaktan dahil sa laging magkasama sa tuwing break si Vinent at si Roxanne. Habang tumatagal naman ay unti-unti nang nawawala ang sakit na nararamdaman. Laking pasalamat niya at dumating si Gerald na siya namang nilang kasa-kasama.

Dahil sa magkapit-bahay lang pala ang dalawa ay palagi na rin silang sabay na pumasok, kasama sina Trish at Aimee. May baon na palagi si Gerald kaya kasabay na rin nila ito palagi sa pagkain. Palagi pang marami siyang mag-baon ng ulam kaya naka-share sila sa ulam nito.

Magaling din sa klase si Gerald. Yung unang quiz niya ay pumangalawa na kaagad siya kay Dennis kaya binati siya ng kanilang guro.

“Dennis, may bago kang ka kompitensya ngayon ha. Hindi ko kayo pinaglalaban, pero mas maganda naman na may makalaban ka paminsan-minsan para hindi ka maging kampante sa rank mo ngayon hehehe. Good job Gerald.”

“Ma’am! Hindi naman po ako nakikipag-kompitensya kay Deniis, wala po sa akin kung pangalawa lang ako o pangatlo. Kahit nga po wala akong rank eh basta pasado hehehe,” wika ni Gerald

“Oo nga po Ma’am… hindi po kami naglalaban, magkaibigan po kami at magkapit-bahay pa,” segunda ni Dennis.

“Oh eh wala naman iyon, pinapaalala ko lang na huwag kayong magpapabaya sa pag-aaral, kayong lahat, lalo ka na Vincent,” sabi ng guro.

-----o0o-----

Labasan na, sabay-sabay kaming naglalakad palabas ng paaralan ng may nagsalita sa aming likoran.

“Ma’am. Hindi naman ako nakikipag-kompitensya kay Dennis. Oo nga po Ma’am, hindi po kami naglalaban, magkaibigan po kami at magkapit-bahay. Yes! Palakpak kayo diyan hahaha,” si Vincent, nang-aasar.

Sasagutin na sana ni Gerald pero napigilan lang ni Dennis. “Huwag mo na lang pansinin yan, ganyan talaga iyan, bully kaya matanda na ay first year pa lang. Hayaan mo na lang siya, pag naasar ka ay ikaw ang talo.”

“Pero, ano ba ang ikinagagalit niya, wala naman akong ginagawa sa kanya ah,” nagtatakang wika ni Gerald.

“Dati kasing sumasama yan sa amin sa pag-pasok, sa pag-uwi at minsan, pati sa pagkain. Kaya lang ay tila mas matimbang sa kanya ang mga tropa niya at girlfriend yatang si Roxanne, kaya hindi na sumama sa amin,” wika ni Aimee.

“Ganun ba! Eh anong koneksyon at tila inis sa akin? Sa akin lang naman naiinis eh. Komo ba at bago lang ako dito? Kasisimula lang naman ng klase ah.” – si Gerald.

“Huwag mo na lang pansinin, baka mapa-away ka pa,” wika ni Dennis.

“Hindi ko naman siya uurungan eh, siya lang ba ang marunong makipag-away?”

“Haay naku Gerald, tumigil ka sa ganyang attitude. Hindi maganda ang nakikipag-away,” – si Dennis.

“Hindi naman ako makikipag-away kung hindi ako aawayin.”

Patuloy lang silang naglalakad ng may tumawag kay Dennis. “Dennis, sandali lang, pakilala mo naman kami sa bago ninyong kaklase.”

“Kayo pala yan Gil, Ron, Mon. Yun lang pala eh, basta walang away, kaibigan lang ha?” sagot ni Dennis. “Siya si Gerald, galing manila. Anak siya ng bagong Doctor natin sa bayan,” pagpapakilala ni Dennis. Isa-isa ring silang pinakilala ni Dennis kay Gerald. Nagkamayan pa sila.

“Marunong ka bang mag-basketball Gerald. Ang tangkad mo kasi. Laro ka naman sa amin minsan,” yaya ni Gil.

“Marunong naman, pero hindi ako magaling, bano nga ako eh.” Sagot naman ni Gerald.

“Wala namang magaling sa amin, hilig lang talaga naming mag-basket. Sige na, bukas ng  hapon sa covered court ng baranggay natin, practice tayo, wala namang pasok bukas dahil Sabado.” Sabi pa ni Gil.

“Sige, pero basta naroon si Dennis, alam mo na, wala pa akong masyadong kakilala doon. Kayo rin Trish, Aime, punta kayo,” wika ni Gerald.

“Okay, punta kami para suportahan si Gerald, hindi ba Dennis?” wika ni Trish.

“Hala!”

“Wala nang hala hala pa. Sige Gerald, asahan mo kami,” sabi uli ni Trish.

“Teka, saan ba ang bahay ninyo?” tanong ni Ron.

“Malapit lang, malapit kami kina Dennis,” Sagot ni Gerald.

“Iisa lang pala ang barangay natin eh, kaya lang ang amin ay bandang dulo na ng barangay. Basta ha,sunduin ka namin.”

-----o0o-----

Dumating ang Sabado, nakipaglaro sila sa ibang naroon, isang friendly game lang, walang pusta, isang court lang at tatluhan lang ang maglalaro. Nagpakitang gilas naman si Gerald kaya humanga kaagad sa kanya sina Gil. Sila kasi ang nanalo at siya ang nagpanalo sa grupo nila.

“Napaka-humble mo pala talaga Gerald, ang galing-galing mo pala eh. Pwede ka pala naming pantapat kay Vincent eh. Pareho kayong point guard na matangkad hehehe.” Wika ni Mon.

“Hindi naman, swerte lang kanina.”

“Kita tayo sa school sa Lunes ha. Dennis, salamat ha.” Sabi ni Gil na nagpaalam na para umuwi na rin.

“Salamat Dennis ha, akala ko walang sasama sa akin eh. Hindi tayo sinipot ng dalawa.”

“Alam mo, marami kasi silang ginagawa kapag Sabado, naglalaba, naglilinis. Siguro napagod.”

“Ganon ba?”

“Ganon nga. Pero ang galing-galing mo talaga kanina. Hindi ka lang shooter, ang galing mo pa sa assist. Fan mo na ako mula ngayon.”

“Talaga lang ha. Halika, daan ka muna at makainom ng kahit ano, juice o tubig. Papakilala rin kita kay Mommy.”

“Nakakahiya yata Gerald.”

“Bakit ka mahihiya, hubo ka ba?”

“Sira hehehe, sige ikaw ang bahala.”

-----o0o-----

Nadatnan nina Dennis ang Mama ni Gerald na nanood lang ng TV.

“Ma, may kasama akong kaklase at kaibigan,” wika ni Gerald. “Ma si Dennis po. Siya po ang una kong nakilala at naging kaibigan sa bago kong paaralan. Siya po ang top student sa buong first year,” pakilala ni Gerald.

“Magandang hapon po Dra. Kumusta po kayo?” magalang na bati ni Dennis. Inabot ang kamay para makipag shake hands. “Masyado naman pong exaggerated itong si Gerald, sa klase lang po namin. At ibabalita ko na rin po na pangalawa na siya sa akin at baka sa susunod na exam namin ay siya na ang mag top.”

“Mabuti naman at may kaibigan na itong anak ko. O eh pagmiryendahin mo muna Gerald, juice, softdrinks o kape. May cookies naman diyan. Ikaw na ang mag-asikaso ha. Maupo ka muna rito Dennis, hintayin mo na lang dito si Gerald para makapag-usap pa tayo.

Naging maganda naman ang pakikiharap ni Dra. Kay Dennis. Tuwang-tuwa nga ito dahil sa madaling nagkaroon ng kaibigan ang anak. Isa pa ay magkapit bahay lang sila.

Hindi rin naman nagtagal si Dennis at nagpaalam na. Bineso-beso pa siya ni Dra.

Magaan naman ang pakiramdam ni Dennis habang naglalakad sa kanila. Masayang masaya siya at parang kinikilig pa. Pagdating niya ng bahay ay halos hindi napansin ang ina na nagwawalis sa kanilang bakuran.

-----o0o-----

October 25, 2001 Thursday 7:30 PM

 

Dear Diary,

 

Tulad ng nakaraang lingo ay normal lang ang takbo ng pang araw-araw sa aking buhay. Araw-araw ay kasabay namin na pumapasok si Gerald at umuuwi sa aming mga bahay. Maging sa pagkain ay kasabay na namin siya.

Wala pa rin kaming kibuan ni Vincent. Aaminin ko naman na na miss ko rin siya. Siguro ay may pitak pa rin siya sa aking puso. Siya naman ang una kong crush.

Miyerkules habang naglalakad kaming pauwi ng mga kaibigan ko ay nakasabay naming sa paglalakad ang grupo nina Gil at Mon at inaya nila na naman si Gerald na maglaro ng basketball. Nakipagpustahan daw ang grupo nina Vincent sa kanila bukas pagkatapos ng klase. Pumayag naman si Gerald.

Hayun, natuloy ang laro at ang resulta ay nagkainitan sina Gerald at Vincent. Ang resulta ay pareho silang may pasa sa mukha. Naawat na sila ay nagtatalo pa rin at nadawit pa ako sa kanilang pagtatalo.

Matapang din pala itong si Gerald, hindi niya inatrasan si Vincent. Kung sabagay, mas bata lang si Gerald, pero magsing-tangkad na sila ni Vincent.

Malamang ay ma-suspende sila, dahil sa malalaman iyon ng aming principal

Haaay naku.     

 

Dramatization:

 

“Gerald! Sandali lang,” hiyaw ni Gil at habol ang grupo nina Dennis habang naglalakad papauwi. Nahinto naman sila sa paglalakad at nilingon ang tumawag.

“Oh Gil! May kailangan ka ba?”

“Kasi ano, hinamon kami ng grupo ni Vincent nang pustahan sa basketball bukas pagkatapos ng klase. Sali ka naman sa amin.Isang court lang din at tatluhan tulad ng laro natin sa baranggay. Sige na, gusto ko talagang talunin namin ang mayabang na si Vincent at grupo nila eh,” Yaya ni Gil.

Agad naman pumayag si Gerald. Tuwang-tuwa naman sina Gil at nagtatakbong bumalik uli sa kanilang grupo.

Pinaalalahanan naman nina Dennis at Trish si Gerald na mag-iingat kay Vincent dahil sa mainit ang dugo nito sa kanya at baka pagsimulan pa ng kanilang away.

“Hindi naman ako pagsisimulan ng away. Saka hindi ako basag-ulero. Pero hindi naman ako aatras sa away lalo na at hindi ako ang nagsimula,” salag ni Gerald.

“Kaya nga umiwas ka na lang at huwag ding iinit ang ulo. Sige, manonood kami paro suportahan ka,” sabi nina Dennis, Trish at Aimee.

-----o0o-----

Natuloy ang game, hindi mawawala ang kantyawan sa ganong larong may pustahan. Minsan ay talagang mapipikon ka sa mga sinasabi ng bawat grupo. Hindi naman nagpapa-apekto ang grupo nina Gerald dahil sa pinagsabihan sila nina Dennis na huwag mapipikon.

Sinimulan na ang game. Maayos naman ang laro. Una ngang naka buslo si Vincent kaya hiyawan ang kakampi nila. May tingin pa kay Dennis na tila nang-iinis.

Nagpapalitan lang sila ng pag-shoot, wala pang lumalamang ng malaki, parang seesaw, lalamang minsan ang grupo nina Gerald at minsan naman ay ang team nina Vincent. Maganda ang laro.

Nang nasa kalagitnaan na ng laro ay lumamang na ng malaki ang team nina Gerald. Kitang-kita ang pagi-init ng ulo ni Vincent na ang bantay ay si Gerald kaya hindi maka shoot. May walong puntos na ang lamang nina Gerald at ilang minuto na lang ang nalalabi.

Nasa kina Vincent ang bola, hindi siya makagawa ng play. Lalo siyang uminit ang ulo nang maagaw ni Gerald sa kanya ang bola at kaagad nai-shoot kaya lalong lumaki ang lamang nina Gerald. Doon na nagsimula ang iringan ng dalawa hanggang sa nag pang-abot na sila at nagkasuntukan na. Hindi sila maawat dahil ni isa sa kanila ay ayaw talagang paawat. Nahinto lang sila ng may lumapit nang gwardya na tinawag ng isang nanonood.

“Ano bang problema mo, basketball lang ito. Ayaw mo bang natatalo? Huwag kang maglaro kung ayaw mong natatalo!” Sigaw ni Gerald.

“Mayabang ka kasi, sampid ka lang dito ay akala mo kung sino ka na. Mang-aagaw ka kasi ng kaibigan?”

“Sinong inagaw kong kaibigan, hindi ba lahat ay dapat magkakaibigan? Ikaw nga ang mayabang eh,” sagot ni Gerald.

“Huwag ka nang sumagot pa, hayaan mo lang siya. Lalo ka lang niyang iinisin. Kapag hindi mo siya pinansin, siya ang talo,” sansala ni Dennis.

“Isa ka pa Dennis bading. Bakit? Kayo na ba ng Gerald na iyan. Siya ba ang ipinagmamalaki mo sa akin?” nanlilisik ang mata ni Vincent na nakatingin kay Dennis.

Pinamulahan ng mukha si Dennis, parang napahiya siya ng tawagin siyang bading sa harap ng maraming estudyante. Hindi na rin siya nakapag-timpi at sumagot na rin.

“Oo bading ako, pero masama ba? Lalaki ka lang pero masahol ka pa sa bading kung makapang-lait ng kapwa. Huwag na huwag kang makalapit-lapit sa akin,” galit na wika ni Dennis. “Tayo na Gerald at nang magamot natin ang pasa mo. Halina kayo Aimee, iwan na nating yang LOSER  na yan.

Hindi pa kami nakakalabas ng gate ng harangin kami ng gwardya at pinapupunta sa Principal’s Office. Ang verdict sa kanila ay isama ang parents o guardian kinabukasan.

-----o0o-----

Kinausap ng Principal ang mga magulang nina Vincent at Gerald. Pinagbati sila at pinangakong hindi na muling mag-aaway. Grounder muna ang mga grupo nina Vincent at Gerald na maglaro sa Gym ng paaralan ng isang buwan at suspended ang dalawa ng isang linggo.

Bilang suporta nina Dennis ay updated din si Gerald sa mga lessons sa school dahil sa pinapahiram at pinapakopya siya ni Dennis ng lesson kaya wala rin ito halos na nakaligtaan sa pinag-aralan. Para lang itong nag on-line study.

“Kumusta ka naman dito,” tanong ni Dennis minsang dalawin nila nina Trish si Gerald.

“Heto na miss ko na ang araw-araw nating paglalakad at pagkain ng sabay-sabay. Heto ako ngayon, taga-linis ng bakuran, taga-dilig ng halaman ni Mama, bawas pa ang allowance hehehe.

Ilang araw na lang naman, Miyerkules na kaya matatapos na ang suspension sa iyo.

-----o0o-----

October 31, 2001 Wednesday 6:30 PM

 

Dear Diary,

 

Kauuwi ko lang Dear Diary, dinalaw kasi namin si Gerald at para na rin mapakopya ng aming lesson ngayong araw na ito. Araw-araw kasi ay pinakokopya ko siya ng lesson namin kaya para rin siyang pumapasok sa eskwelahan at wala siyang nakaligtaang lesson. Kasama ko nga palang dumalaw sina Trish at Aimee.

Alam mo Dear Diary, nakaka miss din pala na hindi mo nakakasabay at nakikita ng medyo matagal ang isang kaibigan. Kahit na naman si Vincent ay na miss ko. Kumusta na kaya siya ano. Gusto ko man siyang puntahan sa bahay nila ay hindi ko ginawa, galit kasi ako sa kanya dahil sa sinabi niya sa akin noong nag-away sila  ni Gerald. Ininsulto niya ako kaya pangako ko ay wala na siyang aasahan pa sa akin. Hindi ko na siya ipag-gagawa ng assignment.

 

 

Itutuloy……………………

 

1 komento:

  1. Ang cute talaga ng story nito, sana wag magbago at maging smooth lang until the end.

    TumugonBurahin

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...