Idol
Ko Si Sir – Book 2 (Part 5)
By:
Mikejuha
(From:
Pinoy Gay Love Story)
“Oo nga pala ‘tol,
may sinabi si Dodong na sayawan mamaya sa may baranggay hall. Gusto mo, punta tayo para makahanap ka na ng babae? Ano...?”
Ramdam ko ang
malaming niyang reaksyon. “Parang ayaw ko Carl. ‘Di naman ako marunong sumayaw e. Tsaka, nahihiya ako...”
“A, basta! Pupunta tayo mamaya sa sayawan. ’Di ba sabi ko sa iyo, dapat
buksan mo ang sarili para sa ibang bagay o possibilities? Makipagkaibigan
ka lang naman e, for you to get out from your shell, kumbaga. At kung kaya mo
na, manligaw ka. Ito na yung chance mo.”
“E... sige, bahala ka. Basta samahan lang kita dun.”
-----o0o-----
Walang nagawa si Anton. Pumunta nga kami at isinama na rin namin si Dodong.
Alas
10 ng gabi nung dumating kami sa lugar mismong kung saan idinaos ang sayawan.
May mga sumasayaw na sa gitna. Kitang-kita ang kasayahan sa mukha ng mga
dalaga’t binata habang umiindayog sa tugtog. Benefit dance daw yun upang makalikom
ng pondo ang baranggay para sa nalalapit na fiesta. First time ko ring
maka-attend ng ganung klaseng sayawan. Parang gusto kong matawa sa mga hitsura
nila, ibang-iba kasi kaysa ambiance ng disco-han sa malalaking syudad na puno
ng naggagandahang ilaw, madilim-dilim ang dance hall, at walang pakialaman ang
mga sumasayaw kung may kapartner ba o wala, basta tatayo lang sa platform at
iindayog, solved na.
Ngunit iba ang sa
kanila. Malapad ang lugar na may kasing-lawak ng basketball court, alikabukin
pa ang lupang hindi sementado. Kitang-kita ang mga bituin sa langit kapag
ibaling mo ang mata sa itaas dahil sa walang bubong ang sayawan. Kahit walang
koryente, 6 na petromax naman ang nagsilbing ilaw na nakasabit sa mga poste sa
gitna pa ng sayawan mismo. Center of attraction ka kapag sumayaw, sa tindi ba
naman ng liwanag na galing sa petromax, pati ulo ng mga sumasayaw nakakasilaw
na rin. At kapag ba naman imbes shampoo ang panlinis ng buhok o ordinaryong
panlabang baretang sabon at preskong gata ng niyog ang conditioner, lalo
talagang sisilaw ang ulo nila, amoy-gata pa.
Ikaw ba naman kaya
ang nakatira sa gitna ng napakalawak na n’yogan kung hindi ka rin mangangamoy
gata. Sa pakiwari ko, iyon na ang kanilang trade scent. Kumbaga, kapag ‘di sila
nangangamoy gata, ‘di sila “in”. Ewan, hindi lang ako sigurado.
At heto pa, kapag
sasayaw ang isang lalaki, dapat ay may kaparehang babae na siyang pipiliin niya
galing sa mga nakahilerang dilag sa gilid ng sayawan. Kumbaga, para kang nasa palengke ng isdaan at mamimili ng
talakitok. Kaya kapag may type ang isang binata, dapat maliksi upang hindi
mauungusan ng ibang mga kalalakihan ang napipisil na talakitok, este, dilag.
Hindi pa man nakapagsimula ang tugtug, ayun, takbuhan na. Kaya ang ginagawa ng
ibang lalaki para hindi maungusan, nagbabayad sila ng exclusive na sayaw. Yun
nga lang, may kamahalan. At ang kawawa lang din ay ang dalagang nakahelera na
mejo nangungulubot na ang mukha, o yung may tinatawag na nilang unprescribed
face, o kaya’y kinukulang sa fresh gata-conditioner ang buhok, at mag-iinit
talaga ang pwet niya sa kauupo, hehehe.
Ang hinahangaan ko lang sa sistema nila ay ang tulungan ng mga dalaga’t
binata. Ang mga binata sa lugar nila Anton ang siyang sumusundo sa mga dalaga’t
binata naman sa karatig-baranggay. At kapag ang
karatig-baranggay ang may ganung sayawan, ang mga binata’t dalaga naman sa
baranggay nina Anton ang sinusundo. Walang kumpetensiyahan. May coordination
ang mga schedule ng kaniya-kaniyang sayawan.
Bumili kaagad ako ng ribbon, tig-iisa kami ni Anton at Dodong. Nung
mapansin kaagad ng announcer na nandun ako, umaalingawngaw kaagad ang
mikropono, “Ang sunod na pyesang ito ay exclusive para lamang sa ating espesiyal
na bisita na galing pa sa malaking syudad na walang iba kundi si Sir Carl
Miller at mga kasama niyang sina Anton at Dodong! Walang hahalo sa kanila
please!” pakiusap pa ng announcer na siyang taga-anunsyo kung anong kulay na
ribbon na nabili ang pweding sumayaw sa kada tugtug.
Napansin ko na lang na nagsitabihan na ang ibang mga kalalakihan, ang lahat
ng mata ay nakatutuk sa amin. Para bang isa akong dignitary o artista na
pinoprotektahan at pinagkaisahang pagbigyang daan. Parang may kumikiliti sa
puso ko sa eksenang iyon, kinabahan na natutuwang di maintindihan. Tiningnan
ko agad ang mga dalagang nakahelera sa gilid ng ticketing table. Yung iba nagingiting nahihiya,
ang iba’y nagsiyukuan na parang nininerbyos. Ngunit dama ko din ang
nararamdaman nilang excitement na baka sila ang pipiliin ko, o ng mga kasamahan
ko.
“Anton hali ka na!” Ang pag encourage ko sa kaniya.
Ngunit sa kabila ng pagtawag ko, ayaw pa ring sumunod ni Anton sa gitna ng
sayawan. Hinila ko na siya. Para kaming nag tug-of-war habang si Dodong naman
ay tila sanay at mangiti-ngiti lang sa likod namin, tinitingnan-tingnan si
Anton at tinutulak-tulak na rin. Pakiramdam ko’y malulusaw na sa hiya ni Anton.
At dahil sa kahihila ko at katutulak ni Dodong, nakapasok din kami ng bahagya
sa loob ng sayawan. Palakpakan.
“Tingnan mo, tayo lang ang tinitingnan-tingnan ng mga tao, halika na at
nakakahiya!”
Walang magawa si Anton kundi ang sumunod. Sumunod na rin si Dodong na sa
tingin ko’y sanay sa
ganung mga sosiyalan na kabaligtaran naman sa mahiyaing kuya niyang si Anton.
Pumili ako ng kapareha, yung pinakamaganda at pinakamabenta. Bata, matangkad,
chinita, sexy, mahaba ang buhok at syempre, gumagamit ng fresh gata-conditioner
(hehe). Nilingon ko sina Anton at Dodong. Si Dodong, nakapili na ng babae at
walang ka-kyemekyemeng hinawakan ito sa beywang at sumayaw na, habang si Anton
ay pumili-pumipili pa lang, parang nininerbyos. Maya-maya lang at dumeretso na
sa gitna, naka-sunod sa kaniya ang isang babaeng, maputi, maganda ang katawan,
makinis, at mejo singkit ang mga mata.
“Magaling din namang pumili ang loko” sabi ko sa sarili. Pumuwesto sila sa
gitna, tabi namin. At dahil sa mahiyain, hindi magkamayaw kung paano simulan.
Nakita ko na lang na hinawakan ng babae ang mga kamay ni Anton at inilagay ang
mga ito sa magkabilang beywang niya. May pagka-outgoing
ang babae sa tingin ko at napansin kong habang parang matitisod si Anton sa
paggalaw, si babae naman itong nagtuturo at tila nag-iinstruct.
“Hmm, mukhang type ni babae si lalake” sabi ko sa sarili. Nakakatuwang
pagmasdan sina Anton. Ang babae, tanong ng tanong ng kung anu-ano, halatang
kinikilig, habang si lalake naman ay halatang nanginginig at pinapawisan na di
mapakali. Natapos ang tugtog at tila tulala pa rin si Anton, hindi
makapaniwalang nakumpleto ang buong tugtog na hindi natapilok o nag-collapse.
“Ey! Tulala ka pa
yata. Anong feeling ng naka-yakap ng babae?”
“Eh, pinapawisan ako eh, hehe!”
“Pansin ko nga. At nanginginig ka, ’tol. Magandang senyales
‘yan. At type ka pa yata nung babae na yun. Type mo ba siya?”
Ngingiti-ngiti lang si Anton, parang nahiyang umamin.
“May hitsura,
makinis, madaldal, at sweet. Tinuruan nga niya ako kung paano igalaw ang mga paa, e. Kung hindi lang siya
marunong magdala, natapakan ko na siya o kaya’y natapilok na ako”
“Hahaha! Mukhang natamaan ka, ha? O sige, isayaw mo pa siya.”
“Nahiya pa rin ako, Carl.”
“Ok, palamig ka muna at maya-maya, sayaw ulit tayo.”
Sikreto kung
pinapuntahan kay Dodong ang announcer at nagbayad sa ticketing table ng 500 pesos
para sa isang espesiyal na tugtug. Maya-maya, umaalingawngaw muli ang
mikropono,
“Ang susunod na
pyesa na ito ay exclusive, para sa isang tao lamang na walang iba kungdi si
Anton!” Walang hahalo
please!”
Lumaki ang mata ni Anton nung marinig ang pangalan niya, ’di makapaniwala.
Kilala ng lahat si Anton na napakamahiyain, ngunit matulungin at mabait.
Pinakawalan ko ang masigabong palakpak at nagsunurang magpalakpakan na rin ang
lahat. Hiyawan, tawanan pag-encourage kay Anton na pumasok na sa loob ng
sayawan at pumili ng babae. Ang ibang mga kalalakihan ay ginabayan pa siya at
pilit na hinihila patungo sa mga nakahelerang dalaga. Wala na namang nagawa si
Anton kungdi ang tunguhin ang helera ng mga babae at pumili. At hindi nga ako
nagkamali, yung unang babae pa rin niyang nakapareha ang pinili.
At sinundan pa iyon ng ilang mga exclusive na sayaw pa, requests at bayad
kong lahat either exclusive para kay Anton lang, o minsan sa aming tatlo,
hanggang sa napansin ko na lang na mejo ginanahan na si Anton sa pagsasayaw na
kahit hindi na exclusive ay nakikipag-unahan na rin. At naging suki niya ang
maputing singkit na babae. Kitang-kita ko sa mga mata ni Anton na na-eenjoy na niya
ang pagsasayaw. Kahit modern dance ay sumabak na rin
kahit na ang tugtug ay walang katurya-turya.
Mag aalas 2 na ng
madaling araw nung matapos ang sayawan. Lumapit na sa akin si Anton, bakas sa
mukha ang ibayong sayang naramdaman sa sayawang iyon. “O, nag-eenjoy ka ba?”
tanong ko.
“Sobra, garabe! Huh!
Ngayon ko lang naeenjoy ang ganito!” ang excited na sagot niya.
“Sabi ko nga sa iyo e! O, nasaan na pala si Ester?” ang
tanong ko, tukoy sa babaeng naging suki niyang partner sa sayawan.
“Pauwi na sila, e. Nasa kabilang baranggay pala iyon nakatira, kaya pala
parang ngayon ko lang siya nakita.”
“Hmmm, mukhang nagkakakilala na kayo ha.” sabi ko sabay kindat at pabirong
tinampal ang likuran niya.
“O, e... bakit hindi ka sumama sa paghatid sa kanila para malaman mo kung
saan ang bahay at hindi ka mahirapan kung sakaling maisipan mong dalawin? Tutal
marami naman kayong kalalakihang maghahatid, ’di ba?”
“E, paano ikaw?”
“Ano ka? Ang lapit-lapit ng bahay natin eh. Dideretso na ako. ’Wag mo na
tong palampasin, ok?”
Nilapitan ko ang mga kalalakihan at kababaihang handa nang umalis patungong
kalapit-baranggay. “Ey, sasama si Anton sa grupo ninyo, kayo na ang bahala dito
ha? Alam nyong ngayon lang yan sumasama sa ganito.”
“Huwag po kayong
mag-alala, Sir Carl. Kami na po
ang bahala sa kaniya!” sagot ng mga kalalakihan.
Nilapitan ko si Anton. “O, panu tol. Tutuloy na ako. Ingat
ka at enjoy!”
“Salamat Carl! Ikaw
din, ingat!”
Umuwi akong mag-isa
dahil si Dodong ay meron ding nililigawan at inihatid din. Pagdating ng bahay,
hindi kaagad ako nakatulog. Naglalaro pa rin sa isipan ang mga nangyayari sa
sayawan, at ang matagumpay kong pag expose kay Anton sa pakikipag kaibigan sa babae.
Nakikinita ko, na iyon na ang magiging simula para tuluyan niya nang malimutan
ang sinasabi niyang pagmamahal para sa akin at mabuksan ang pintuan para kay
Ester. Ramdam ko ang saya para sa kaniya, ang saya ng pagbibigay at
pagpaparaya, ang saya ng pagsasakripisyo ng ilang bagay upang maging maligaya,
o mabago ang takbo ng buhay ng isang mahal na kaibigan. Ngunit sa likod ng
isipan ko, parang mayroon ding konting kirot na nararamdaman. Siguro iyon ang
kirot para sa nakaambang pagbabago ng aming pagiging close sa isa’t-isa, o yung
sinasabi nilang “letting go” ng closeness ng isang mahal na kaibigan.
Siguro, masiyado
lang advanced akong mag-isip, nangangamba na baka tuluyan ng mag-iba si Anton
kapag nagka-girlfriend na. Kung dati sa akin lang umiikot ang mundo niya, baka
mawalan na siya ng oras para sa akin, o magbago ng tuluyan ang dati naming
masasayang samahan. Binitawan ko ang malalim na buntong-hininga. “Ganiyan
talaga ang buhay, walang permanenteng takbo, o kasiguruhan. Minsan, darating na
lang ang mga taong ‘di natin inaasahan sa buhay, mamahalin at hanap-hanapin.
Ngunit hindi ito magtatagal; aalis din sila dahil hahanapin din nila ang mga
sarili, o ang mga pagbabago na dapat gawin, o ang mga posibilidad na magbibigay
kahulugan sa mga buhay nila. At dahil mahal, hahayaan natin silang lumipad at
makalaya kumbaga, magtagumpay, lumigaya, sa kabila ng sakit na maaaring
idudulot nito at ng pagbabago.”
Halos mag aalas
kwatro na ng madaling araw nung maidlip ako. Mag-aalas onse na rin ng tanghali kinabukasan nung
magising. Gising na rin sina Anton at Dodong, masayang
nagkukuwentuhan tungkol sa mga nangyayari sa sayawan, at syempre, sa
kani-kanilang mga kaibigang babae.
“Kuya, kumusta kayo ni Ester? Naka first base ka
ba kagabi?” ang tanong ni Dodong kay Anton.
“Anong first base?”
sagot naman ni Anton.
“E... yung kahit
papano, naiparamdam mo sa kaniya na may gusto ka sa kaniya.”
“Hindi ko alam”
“Ibig mong sabihin,
wala kang ginawa?”
“Paano ako makapoporma
e, ako itong pinopormahan eh!” sabay tawanan ang dalawa.
“E, hindi ka nga
naka-first base kuya, homerun pa. Hahahaha! Alam mo kuya, kitang-kita naman sa mga kilos ni Ester na type na
type ka niya eh. Halos hahalikan ka na nga lang sa labi kung makikipagusap sa
iyo. Hayup ka talaga sa appeal kuya!”
“Hindi naman. Pero, maganda si Ester, di ba? Balingkinitan, makinis.”
“Ibig mong sabihin kuya, liligawan mo na siya?”
“Hmmm. Siguro.”
“Good morning!” ang
pag-greet ko sa kanilang dalawa.
“Good morning din
po!” sagot naman nila.
“Mukhang memorable
ang sayawan na yon kagabi ah!”
“Opo Kuya Carl! Lalo na kay Kuya Anton! In-love na yata, hehehehe!”
“Heh! Lokoloko! Ikaw nga jan e!” ang sagot naman ni Anton na nahiyang
umamin.
“OK lang yan. Habang nasa ganiyang edad pa kayo, i-enjoy n’yo dahil pag
dumating na kayo sa mga 20 and above, dapat seryosohan na,” sabi kong pabiro.
Nung may bigla kong naalaala, “Oo nga pala, di pa rin ba dumating si Kuya James
ninyo?”
“Malamang mamayang
hapon pa po yun kuya Carl, mga 4pm pa siguro. At kapag ’di siya nakarating
mamaya, malamang na dun na rin po siya matutulog dahil mahirap tahakin ang daan
patungo rito kapag gabi na e.” ang sagot ni Dodong.
“A ganun ba. Ba’t
saan pa ba daw ang punta niya at posibleng hindi siya makarating sa araw na
ito? Di ba dapat ngayon na ang uwi niya?
“Minsan po
natatagalan siya. Nasa syudad din kasi si Ate Maritess, dalawang buwan na. Dadaanan pa niya yata.”
“Hah? Bakit ano’ng
nangyari sa Ate Maritess mo?”
Biglang nautal si
Dodong. Napansin ko rin
sa mga mata ni Anton na tila ayaw niyang magsalita pa si Dodong.
“Ah... eh... Wala naman po. Eh...
Nagpapacheck-up lang po at sinasamahan siya ni Kuya James.”
Bigla ring lumakas ang kabog ng dibdib ko sa narinig. “Bakit? Ano bang
nangyari kay Ate Maritess mo?”
Tuluyan nang namutla si Dodong, hindi halos makapagsalita. “E... Buntis po siya!”
Nung marining ko ang
sinabi ni Dodong, parang puputok ang tenga ko. “Ha? Sino ang nakabuntis?”
“A... Carl, pwedi ba
tayo na lang ang mag-usap.” pag interrupt ni Anton sabay akbay sa akin at
action kay Dodong na umalis. Umalis si Dodong, pa-iling iling sa di
maintindihang reaksyon ko at ni Anton sa nangyari.
“May itinatago ba
kayo na di ko alam, ‘tol?”
“Hindi naman sa
ganung itinatago, Carl. Si Kuya James kasi, alam kong sasabihin niya iyon sa
iyo. Ngunit nagmamadali kasi siyang pumuntang syudad. Hindi ko nga rin alam
kung bakit nagmamadali siya gayung alam naman niyang kararating mo lang e. Pero
alam mo naman siguro ang ugali ni Kuya, di ba? Pag may nagawa, pinapandigan.
Pag may problema, hinahanapan ng solusyon. Pag may nasaktan, nagbibigay ng
explanasyon o paumanhin. Hindi siya yung taong gumagawa ng bagay na patalikod.
Kung may nagawa man siya, sigurado ako, may dahilan. At yan ang dapat nating
pakinggan at alamin.”
“Bakit, ano ba ang
role ni James dito? Siya ba ang nakabuntis kay Ate mo?”
Hindi siya umimik.
“Carl, pwedi ba, si
Kuya na lang ang mag-explain sa iyo?”
Pakiwari ko ay
guguho ang mundo ko. Ramdam ko na si Sir James talaga ang nakabuntis kay
Maritess. Tumalikod ako na
hindi alam kung saan patungo. Masama ang loob. Namalayan ko na lang na
nakarating na ako sa tabi ng ilog kung saan nakatayo ang kubo na ginawa ni
Anton. Umupo ako sa damuhang gilid ng pampang, sa lilim ng malaking puno,
nababalot ng matinding pagkalito, naglalaro sa isip kung paano tanggapin ang
pangyayari at kung ano ang gagawin sa nakaambang pagbabago. Bumabalik-balik sa
isipan ang mga katagang binitawan ni Sir James sa akin,
“Kapag nagmahal ka, dapat hindi lang puso ang pinaiiral, kungdi pati na rin
ang isipan; dapat may direksyon, may pangarap.”
“Carl!” Sigaw ni Anton na nasa likuran ko pala, sinundan ako.
“Alam ko ang nararamdaman mo. Dadamayan kita.” sabay upo sa tabi.
“Salamat Anton. Isa kang kaibigan.”
“Basta ikaw Carl,
nandito lang ako.”
Tahimik. Pinakiramdaman ko ang bugso ng tubig sa ilog, pinagmasdan ang agos
nito, ang mga napopormang animo’y ipo-ipo sa gilid ng malalaking bato. “Mabuti
pa ang ilog, kahit anong bagay ang humahadlang nito, hindi ito alintana,
patuloy at patuloy pa rin ang takbo, ang walang humpay na pagdaloy, hanggang sa
tuluyang marating ang kaniyang patutunguhan, ang dagat.”
Hindi kumibo agad si Anton, nag-isip ng malalim, pinagmasdan ang ilog.
“Tama ka. Kahit ano pa man ang hahadlang jan, susuung at susuung pa rin yan,
tuloy-tuloy hanggang sa marating ang dagat kung saan natatapos ang kaniyang
paglalakbay.”
Tumingin siya sa akin. “’Di ba dapat ang tao ay ganun din? Dapat ganiyan
kalakas ang determinasyon. Gaano man kalaki o kahirap ang
hadlang, susuung at susuung ka pa rin at lalaban, marating lang ang
inaasam-asam na direksyon at patutunguhan sa buhay?”
Hindi ako kumibo.
“Carl, Ikaw na rin ang nagsabi sa akin na kapag totoo kang nagmahal, ito ay
iyong ipaglaban.”
“Oo nga. Ngunit napakahirap pala, ’tol, lalo na kapag may mga taong nasa
gitna, masasaktan o kaya’y masisira ang buhay..”
“Ngunit hindi rin
lahat na pweding ipaglaban ay ang pansariling kapakanan lang, diba? Pwedi ring
ang kapakanan ng kapatid mo, ng nanay mo, o ng taong mahal mo. Yung iba nga,
ginagawa ang lahat kahit magdusa, liligaya lang ang mga mahal nila. Yung iba
naman, buhay ang itinataya.”
Para akong nasamid
sa narinig, hindi makapaniwalang sa bibig mismo ng napaka-inosente at mahiyaing
si Anton manggagaling ang salitang iyon. Tiningnan ko siya.
“Alam mo, Carl, nung
sinabi mo sa akin na siguraduhin ko at suriing mabuti ang naramdaman ko para sa
iyo, nasaktan ako. Ngunit nanaig din sa isip ko ang pagbibigay, ang
pagpaparaya. Nasabi ko sa
sarili na siguro, kapag nagmahal ka, dapat mo ring kalimutan minsan ang sarili
at isipin ang kapakanan ng taong minamahal. Hindi ba pweding imbes na pansariling
kaligayahan mo ang ipaglaban, ang damdamin, ang pangarap, at ang kaligayahan niya
ang isipin mo? Maraming tao ang nagmahal; ngunit ang klaseng pagmamahal ng
karamihan ay pansarili, yung may kapalit o katumbas. Sa pananaw ko, ang sukatan
ng tunay na pagmamahal ay kung sa kabila ng tindi ng paghihirap at sakit na
naranasan, nagmahal ka pa rin. Yan ang natatanging pagmamahal,
Carl. Ganiyan ba katibay ang pagmamahal mo para kay Kuya James?”
Napabuntong-hininga ako ng malalim. Nag-isip. “Tama ka, ’tol. Tama ka.”
“At kung gusto mo,
Carl, umiyak ka ng umiyak. Nandito lang ang mga balikat ko, ibuhos mo ang lahat ng nararamdamang sakit
na siyang nagpapahirap sa iyo.”
Niyakap ko si Anton at humahagulgol, tinatapik-tapik niya ang likod ko. Nung
lumuwag na ang pakiramdam, nabuo sa isip ang isang desisyon. Hintayin ko ang
pagdating ni Sir James, magpaalam ako ng maayos, at magpakalayo-layo na.
Itutuloy…..
Sa gabing iyon hindi
pa rin dumating si Sir James. Nung maghapunan kaming lahat, nag-expect ako na
buksan nila ang issue tungkol kay Maritess at sabihin sa akin kung ano ba
talaga ang nangyari. Ngunit walang isa man lang sa kanila ang nagbanggit. Hindi
na ako kumibo pa. Parang meron ding namumuong hinanakit sa loob ko na tila
inilihim pa nila sa akin ang nangyari. Ngunit hinayaan ko na lang. “Baka nahiya lang silang sabihin sa akin...”
sabi ko sa sarili. “A, e... Tay, bukas ho babalik na akong syudad bukas.” ang
sabi kong hindi nagpahalata na masama ang loob. “Ay... bakit naman Carl?
Ambilis naman. Nakadalawang araw ka lang dito at bukas na kaagad kamo ikaw
uuwi?” ang sagot ni Tatay Nando. “May asikasuhin lang po ako, Tay. At sa
palagay ko, hinahanap na ako ng mommy. Wala kasi siyang katuwang sa pagaasikaso
sa negosyo.” “Sana naman Carl, nandito ka hanggang kahit isang
linggo pa. May mahalagang okasyon kasi ang pamilya at gusto naming nanjan ka,
kasama sa pagdiriwang.” ang sabi naman ni Nanay Narsing. “Ano po ba iyon, Nay?”
Nagtinginan sina Tatay Nando at Nanay Narsing at tila nag-uusap ang kanilang
mga mata. “E... Si James na ang magsabi sa iyo, Carl. Bilin niya kasi, siya na
ang magsabi e. Baka kasi isipin niya na pinangunahan namin siya. Pero basta,
matutuwa ka sa sasabihin niya.” ang masayang sabi ni Nanay Narsing. “A, ganun po ba? E, titingnan ko po bukas. Pero, malamang
na tuloy na ang alis ko. Pero ganun pa man, baka ho babalik na lang ako kung
sakali...” “Sana naman, Carl...” Natapos ang hapunan na ibang topic na ang
pinag-usapan. Hindi na rin ako nagsalita pa tungkol doon. Nung magpagpahinga na
sina Tatay Nando at Nanay Narsing, nag-isa na naman ako sa kwarto. Sina Anton
at Dodong kasi ay dumeretso na sa sayawan, schedule kasi ng kabilang baranggay
sa gabi na iyon at sasamahan nila sa pagdayo ang mga kadalagahan ng baranggay
nila. Hindi na ako sumama gawa ng gusto ko ring magmumuni-muni. Nakakabagot ang
buong magdamag, parang unti-unting dinudurog ang puso sa kakaisip na sa kabila
ng matinding hinanakit, parang wala man lang dumamay o kumampi sa akin. Inayos
ko na lang lahat ng mga gamit upang pagdating na pagdating kaagad ni Sir James
at pagkatapos naming mag-usap ay handa na ang lahat sa pag-alis ko. Litong-lito
pa ang isipan kung saan patungo pagkatapos ng lahat o kung anong gagawin upang
makalimutan si Sir James. Ngunit ang isinisiksik ko rin sa utak ay kapag
kaharap ko na siya, maging mahinahon ako, maging malawak ang pag-unawa, at
mapagparaya. Hinding-hindi ako magagalit, o ni magtanim ng
galit sa kaniya. At wala akong taong sisisihin. Mag-aalas-onse ng tanghali
kinabukasan dumating si Sir James, may dalang pasalubong at pagkain para sa
lahat. Pagkakita ko
palang sa kaniya, mejo napansin ko ang parang pamumutla niya at ang tila
pagpayat. Parang napakalungkot at matamlay ang aura niya.
“A, siguro dahil kulang sa tulog sa piling ni Maritess” ang bulong ng isip ko.
Ramdam kong sumikip ang dibdib, may namuong selos at pagkaawa sa sarili.
Tumalikod kaagad ako nung makita siyang nakatinging sa akin. Dali-dali akong
pumasok ng kwarto, naupo sa papag, nakasandal sa dingding na kahoy. Pagkatapos niyang
i-abot ang mga pasalubong sa pamilya kina Tatay Nando at Nanay Narsing,
agad-agad naman siyang pumasok sa kwarto, sinundan ako at naupo sa tabi. “Hi
Carl! Musta ka na? Sensiya ka na, natagalan ako” ang sambit niya habang iniabot
sa akin ang pasalubong niyang, siopao. Alam niya kasing na-miss ko na ito sa dati kong kinakainan nung nag-aaral
pa lang. “Importanteng-importante lang talaga. Sorry...” “Ok lang iyon, James,
wag kang mag-alala, ok lang ako.” ang sagot ko na lang kahit na sa loob-loob
ko, paang sasabog na ito sa pagdaramdam. “Nandito naman sina Anton at Dodong,
may sayawan nga nung isang gabi, sumama ako sa kanila. Ikaw? Parang namumutla
ka ata?” “Hindi, ok lang ako... Ikaw, kwento ka naman kung anong nangyari sa
sayawan?” ang paglihis niya sa usapan. “Yun... natuto na si Antong sumayaw at
mayron na ring kaibigang babaeng nagkakagusto sa kaniya at sa tingin ko, type
din niya.” “Talaga? Hahaha! Akalain mo... Ikaw? Nag-enjoy naman sa lakad mo?” “Nag-enjoy
naman...” ang halatang malungkot kong pagkasabi. “Ey... may problema ba? Ba’t
ganiyan ang mukha mo?” “Wala. Ikaw naman o... Ok lang ako. Ikaw, baka meron?”
Bigla siyang natahimik at lumungkot ang mukha. Binitiwan ang makahulugang
titig. Noon ko pa lang
nakita ang ganung klaseng titig sa kaniya. Pakiwari ko’y mayron siyang pinapasang sobra-sobrang bigat na
suliranin. Nakita ko ang pamumuo ng mga luha sa mga mata niya, yumuko at
pinakawalan ang malalim na buntong-hininga. “James, may problema ba?” tanong ko
sa kaniya, kuniyari wala akong kaalam-alam. “Wala naman, Carl.
Mamaya, mag-usap tayo. Mananghalian muna tayo.” “Aalis na ako James, babalik ng
syudad.” “Ha? Bakit?” Ang tanong niyang halatang nabigla. “Carl, please wag ka
munang umalis” pagmamakaawa niya. “Kailangan ko nang umalis, James...” “Pero bakit nga? May nagawa ba ako?” Hindi ako kumibo.
Hindi na rin siya kumibo. Yumuko siya, at nakita ko na lang ang luhang umaagos
na sa pisngi niya. Tiningnan ko lang siya, hindi maintindihan kung maaawa o
ibubuhos ang lahat ng sama ng loob ko sa kaniya. “Kung ayaw
mong magsalita tungkol sa problema mo, ok, fine...” “Carl, naramdamn kong may
alam ka na. Oo, nagkasala ako sa iyo...” at tuluyan na siyang humagulgul. “Hindi
ko sinadya ang nangyari, Carl, maniwala ka. Alam mong si Maritess ay kapatid
ang turing ko. Ngunit nung may isang beses na naglasing ako dahil sa sobrang
lungkot na wala ka, si Maritess ang umaalalay sa akin. Maniwala ka, Carl,
please...” Hindi ako nagpakita ng emosyon, pinigilan ang sariling umiyak o
magalit. “E, ano ang plano mo ngayon?” “Paninindigan ko ang nangyari.
Magpakasal kami ni Maritess sa darating na linggo. Naplano na namin ang lahat
Sana nandito ka sa araw na iyon, Carl.” Parang sinaksak ng ilang beses ang
dibdib ko sa narinig. Ngunit
hindi pa rin ako nagpahalata sa sobrang sakit na naramdaman. “Hindi ko alam,
James, pag-isipan ko pa. Basta, titingnan ko.” Tumayo ako upang lumabas na sana
ng kwarto. Ngunit nung tumayo din si Sir James upang sabayan ako, bigla na lang
itong nabuwal. Inaalalayan ko kaagad. “Ok ka lang ba talaga?” “Ok lang ako,
Carl. Hihiga na lang muna ako. Napagod at nahilo lang ako sa biyahe.” Naglatag
na lang ako ng banig at pinahiga siya, nung ipinikit niya ang mga mata,
napansin kong animoy pagod na pagod siya o nahihirapan. Pero, hindi ko na
binigyan-pansin pa. “Sige, pahinga ka muna at magpaalam lang ako kina Tatay at
Nanay bago umalis...” Nasa pintuan na ako nung pahabol niyang sinabi. “Carl,
ano man ang mangyari, wag mong kalimutan ang pagmamahalan natin. At
tandaan mo, mahal na mahal kita. Hinding-hindi magbabago yan.” Lumabas ako ng
bahay upang magpaalam na kina Tatay Nando at sa buong pamilya. Ngunit hindi
nila ako pinayagang umalis agad. Sa kinahapunan na lang daw at magkakatay sina
Tatay Nando at Anton ng manok at mag-iihaw at konting inuman, yun daw sana kasi
ang plano nila para sa akin at dahil hindi ako nagpapigil sa pag-alis, sa oras
na iyon na lang nila gawin. At kaagad ngang nagkatay ng apat na manok. Ang isa
ay ginawang tinola, ang isa ay inadobo, at ang dalawa ay inihaw. Naglabas naman
ng tuba si Dodong at si Anton ay kinuha ang gitara. “Tay, hindi po ako pweding
iinom ng marami at baka di ako makapagbiyahe.” sabi ko. “Wag kang mag-alala,
konti lang. Ihahatid ka nina Anton at Dodong sa may sakayan sa lungsod.” sagot
naman niya. “Tawagin nyo si
James para sumali na rin sa atin.” ang pag-utos ni Tatay Nando kina Dodong at
Anton. Pinuntahan ni Dodong si Sir James sa kwarto ngunit masama daw ang
pakiramdam at nahhihilo pa. Magpahinga na lang daw muna. “Hmmm, umatake na
naman siguro ang pagkahilo…” “Hmmm… pagod lang iyon sa biyahe
at sa magdamagan nilang pagniniig ni Maritess” sabi ng utak kong inalipin ng
matinding pagseselos. Nag-inuman
na nga lang kami na hindi kasali si Sir James. Naggigitara si Anton, kantahan
naman sina Dodong, Tatay, pati si Nanay at ang bunsong si Letecia ay nakisali
na rin. Habang
masayang-masaya sila, animoy tinutusok naman ang puso ko. Pakiwari ko’y
napakabagal ng takbo ng oras. Alas tres na ng hapon nung matapos kami. Nung
kinuha ko na ang mga gamit ko sa kwarto, himbing na himbing pa rin si Sir
James. Napansin kong suot-suot niya ang bracelet at ang wrist watch na bigay ko
nung pagdating ko pa lang, kinumpara ang suot-suot kong kapareha din ng mga
iyon. Ibinaling ko ang paningin sa kaya. Nakahigang nakatihaya, ang isang kamay
ay nakapatong sa noo. Nandun pa rin ang angking kakisigan, ganda ng porma ng
katawan sa kabila ng mejo pagpayat niya. Pinagmasdan ko siyang maigi,
tinatandaan ang mga maililiit na detalye sa lahat ng angulo ng mukha, ng anyo,
sa pangambang baka iyon na ang huling sandaling masulyapan at masilayan siya.
Hinipo ko ang mukha niya, ang buhok. Sumikip ang dibdib ko sakit na nadarama
ngunit pinilit ko pa ring lakasan ang loob at wag umiyak. Nung hindi na ako
makatiis, yumuko ako at idinampi ang mga labi sa mga labi niya. Di ko rin napigilan ang pagpatak ng luha ko sa pisngi niya.
Pinahid ko ito. Hindi pa rin siya nagising. Binulungan ko siya, “Bye, James...
Oo, hindi ko kakalimutan ang pagmamahalan natin, saan man ako mapadpad...
Babaunin ko ang mga matatamis at magagandang alaala. Salamat sa pagmamahal;
salamat sa mga oras na iginugul mo upang madama ko ang pagmamahal mo. Salamat
sa lahat ng magagandang bagay na ginawa mo upang mabago ang takbo ng buhay ko.
Sana, liligaya ka sa desisyong ginawa mo. Good luck sa iyo at sa bagong buhay
na tatahakin. Sa parte ko, wag mong intindihin dahil ipagpatuloy ko pa rin ang
buhay kahit na wala ka. Wala akong pinagsisisihan. Bagkus, nagpapasalamat ako
dahil ang isang taong katulad mo ay naging malaking bahagi ng buhay ko. Wag
kang mag-alala; wala akong galit na kinikimkim at tanggap ko ang lahat ng
maluwag sa dibdib. At mas
naintindihan ko na ngayon ang dati mo pang sinasabi sa akin na pangarap. Lalo
akong humahanga sa katatagan mo, sa paninindigang ipinamalas mo. Gagawin kong
patnubay ang mga itinuturo mo sa akin. Ikaw pa rin ang inspirasyon ko. Kahit
saan naman, talagang idol kita, e. Ang hiling ko lang ay sana wag mo ring
kalimutan na may isang taong hindi lang humahanga sa iyo, kungdi nagmahal ng
lubos; isang taong handang gawin ang lahat; handang magparaya at magbigay,
kahit ito’y
nangangahulugang mapalayo ka sa akin, para sa ikaliligaya at katuparan ng
pangarap mo. Masakit... ngunit handa ako. At kaya kong magtiis
gaano man kalalim ang sugat na dulot nito. Ganiyan kita kamahal... Alagaan mo palagi ang sarili mo,
James.” At idinampi ko muli ang mga labi ko sa mga labi niya. Hindi pa rin siya
gumalaw. Akmang tatalikod na sana ako nung mapansin ang mga namumuong luha sa
gilid ng mga mata niya. Dumaloy ito sa tenga at bumagsak sa unan. Hindi ko alam
kung nagtutulog-tulugan lang siya at narinig ang mga ibinubulong ko. Ngunit
hindi ko na alintana. Dinampot ko ang knapsack at tuluyan ng lumisan...
Mag aalas-12 na ng hating gabi nung makarating ako ng bahay. Laking
gulat ng mom nung makita ako. “O, akala ko ba dalawang linggo ka dun?” ang
tanong niya kaagad. “Mejo nababagot din ako dun, ma. Pahinga na lang muna ako
dito at baka lalabas ng bansa, mag-tour... di ko alam e.” “Hmmm. Carl, may
problema ka, alam ko. Nag-away ba kayo ni James?” “Wala ma, ok lang kami. Ano
kaya ma, kung tayong dalawa ang mag-tour; sa Europe, o kahit dito lang sa Asian
countries?” paglihis ko sa usapan. “Hahahaha! May problema nga ang anak ko. Ok,
whatever you say. Mag tour tayo. At bukas na bukas din ipapa-set ko sa
secretary ang schedule. Kahit 1 week lang, mahirap din kung pasobrahan natin,
may mga appointments pa ako... Ano pwedi na ba ang 1 week?” “Kayo po ang
bahala.” “Kumain ka na ba hijo?” “Wala po akong gana mom, magpahinga na lang
muna ako” Dumeretso na ako ng kwarto. Pagpasok na pagpasok kaagad, inihagis ang
dala-dalang knapsack sa gilid ng kwarto, bagsak ang katawan sa kama, ni hindi
man lang nagpalit ng damit, naligo, o naghubad ng sapatos. Lupaypay ang katawan
at pagod na pagod ang isipan, hindi pa rin halos makapaniwala sa bilis ng
pangyayari sa araw na iyon. Pilit kong ipinikit ang mata. Pabaling-baling sa
higaan. Mag-aalas kwatro na ng madaling araw at hindi pa rin ako dinalaw ng
antok. At nabigla na lang ako nung sa hindi malamang dahilan, bumagsak at
nabasag ang larawan ni Sir James na idinikit ko sa dingding ng kwarto. Di ko
maintindihan ang biglang paglakas ng kabog ng dibdib. Tumayo ako at nung
simulang pulutin ang mga basag na salamin, nahiwa ang ang balat ko at umagos
ang dugo. Umupo ulit ako sa gilid ng kama habang pinapahid ng alkohol ang sugat
at pinapahinto ang pagtagos ng dugo. Patuloy pa rin ang di maipaliwanang na
pagkabog ng dibdib. Nasa ganung ayos ako nung mabaling ang paningin sa dalang
knapsack na nakalatag sa gilid ng dingding. Napansin ko ang tila puting papel na naka-usli sa isang
side ng bulsa nito. Hinugot ko at binuksan. Sulat kamay ni Sir James. Sa anyo
ng mga letra, halatang minamadali ang paggawa at hirap na hirap sa pagsusulat
at bakat dito ang tila natutuyong mga patak ng luha. “Dear
Carl, ginawa ko ang sulat na to habang nag-uumpukan kayo nina Tatay Nando.
Nahirapan akong gawin ang simpleng bagay na to ngunit ito lang ang tanging
paraang naisip bago pa man maging huli ang lahat. Baka kasi hindi mo na ako maabutan pa... Una sa lahat,
salamat sa pag-unawa mo sa nangyari sa amin ni Maritess, at sa desisyon ko na
ring pakasalan siya. Ngayong darating na Sabado na ang kasal. Pasensiya na kung
hindi ko nasabi kaagad sa iyo ang mga pangyayari habang wala ka. Tila wala
akong lakas na sabihin sa iyo ang bagay na ito. Ayokong masaktan ka, ayokong
lumayo ka. Takot ang nag udyok sa akin na wag munang magsalita... hanggang sa
kinapos na ako sa panahon dahil sa kailangang kailangan kong pumunta ng
Maynila. At sa iba mo pa tuloy nalaman ito. Patawarin mo ako, Carl, hindi ko
intensyon ang saktan ka... May isa pa akong lihim na walang ni isa man ang
nakakaalam sa pamilya nina Tatay Nando, at sa iyo ko lang sasabihin ito. Hindi
ko rin sinabi kaagad sa iyo ito gawa ng ayokong mag-alala ka at pati na rin ang
lahat. Ngunit wala na akong choice. Nung nagmadali akong pumunta ng syudad at
iniwan kita dito sa baranggay, iyon ay dahil sa kalagayan ko. May
brain cancer ako, Carl. Nung taon na magkalayo tayo bigla nalang akong
nag-collapse habang nagka-klase. Halos sunod-sunod iyon. Nagpatingin ako sa
isang espesiyalista at nakita sa CT-scan at MRI ang malaking tumor sa utak ko.
Nasa terminal stage na ito at wala ng silbi pa ang operasyon... Simula nun, may
mga oras na bigla na lang akong nanghihina, nahihilo, o bumabagsak sa
kalagitnaan ng ginagawa. Bilang na ang mga araw ko. Sa pag alis mo, ramdam kong
hindi na ako magtatagal... Nakakatuwang isipin na bago ko malaman ang sakit ko
na to, napakadami ko pang mga plano sa buhay, kampanteng-kampante na sa
pagdating ng bukas, ok pa rin ang lahat, malayang nagagawa ang mga dapat gawin.
Minsan nga, yung ibang gawain ko ay ipagpaliban muna, dahil sa may bukas pa
naman at nakatatak na sa isipan na buhay pa ako at malakas pa ang katawan sa
bukas na darating. Ni minsan hindi pumasok sa isip na sa isang iglap pala ay
pweding magbago ang lahat. At pag ganito palang nasa bingit na ng kamatayan, at
oras na lang ang binibilang, tsaka ko pa ma-realize na sana, dinoblehan ko ang
effort para natapos man lang ang kung anu man ang mga dapat na sanang natapos,
o kaya’y nagawa ang mga bagay na maipadama sa mga taong nanjan para sa akin, na
mahal na mahal ko sila... Pero sa kabilang banda, maganda na rin ang ganito; at
least alam ko na hindi na ako magtatagal at makapag-paalam ako ng maayos, lalo
na sa iyo... Kung hahabaan pa ang buhay at nanjan pa ako hanggang nitong
Sabado, matutuloy ang kasal namin ni Maritess. Ngunit kung hindi naman, bahala na ang nasa itaas. Lahat
naman ng bagay, siya lang ang nakakaalam. Ngunit hihilingin ko sa iyo na kung
sakaling matapos bigla na ang buhay ko at hindi na matuloy pa ang kasal,
alagaan mo si Maritess at ang magiging anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa
tabi nila, aalalay sa kanilang mga pangangailangan... Mamaya, pag nakayanan
kong tumayo, ilalagay ko sa isang box ang mga alaala mo sa akin, yung mga
regalo mo sa akin dati na pinakaingat-ingatan ko kagaya ng iilang t-shirts,
souvenir items, pictures, mga sulat, at itong white gold bracelet at wrist
watch na pasalubong mo. Kung natatandaan mo, may dalawang
beses kitang pinasuot ng shorts ko nung malasing ka sa flat. Iniingat-ingatan ko ang mga iyon, lingid sa kaalaman mo.
Kasali ang mga iyon sa ilalagay ko sa box. Sa harap ng bahay nina Tatay Nando,
magtanim ako ng isang puno ng mangga at sa ilalim ng lupang tatamnan ko nito
ibabaon ko ang box na naglalaman ng mga alaala natin sa isa’t-isa. Para sa iyo
ang punong mangga na ito. Hihinto man ang pintig ng puso ko, dito sa punong ito
ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Alagaan mo ito, kagaya ng pag-alaga mo sa
pagmamahalan natin. Nawala man ako, mayroon kang buhay na alaalang makikita
galing sa akin. Palaguin mo siya hanggang sa magbigay
ito ng lilim at bunga. At kapag may mga panahon na nahihirapan ka sa mga dagok
at pagsubok at kailangan mo ng masandalan, bisitahin mo lang ang puno na iyan,
kausapin mo, isipin na nanjan pa rin ako makikinig sa mga daing mo, palaging
dumadamay sa sakit na iyong maramdaman... Sa pagbalik mo, ilagay mo rin sa
isang box ang mga alaala mo sa akin at ibaon mo din ito sa ilalim ng lupa kung
saan ko itinanim ang puno na iyon upang kahit sa paraang ito man lang mabigyang
katuparan ang minimithi ng mga puso nating magsama, magkaisa, at hindi na na
maaaring maghiwalay pa... Paalam sa iyo, Carl. Sana magkita pa tayong
pumipintig pa ang puso ko. Subalit kung hindi na ito mangyari pa, nais kong malaman mo na mahal na
mahal kita. Maging matatag ka, magpakabait palagi, at ingatan ang sarili...
Ngmamahal sa iyo ng lubos -James Cruz-” Para akong biglang nawalan ng lakas
pagkatapos kong basahin ang sulat niya. At imbis na bumalik
ulit sa higaan, dinampot ko ang knapsack, dali-daling tinungo ang cabinet, at
kumuha ng mga malilinis na damit. Kinolekta ko na rin ang mga ala-alang
itinatago at dali-daling naligo. Hindi ko na nagawang maggpaalam sa mommy, at
parang kidlat na dumeretso na ng terminal pabalik sa lugar nina Tatay Nando,
umaasang magkita pa kami ni Sir James. Mag-aalas onse na ng tanghali nung makarating ako sa lugar. Sumalubong
kaagad sa akin si Anton at hindi magkamayaw sa kasisigaw “Carl! Carl! Wala na
si Kuya, iniwanan na niya tayo!” Pakiwari ko’y huminto ang takbo ng mundo,
natulala, hindi makakilos sa kinatatayuan. Nabitiwan ko bigla
ang dala-dalang bag at animoy puputok ang dibdib sa sobrang sakit na
naramdaman. Biglang nagblackout ang paningin. Inalalayan na lang ako ni Anton
at at tinapik-tapik ang likod, pinaupo at pinainom ng tubig. Nung tiningnan ko
na ang bangkay ni Sir James, hindi ko na napigilan ang humagulgol. Parang ako
lang ang nag-iisang tao sa paligid, sumisigaw, niyayakap-yakap ang bangkay, at
tila sinisisi. “James, ba’t di mo sinabi? Bakit di mo sinabi James? Wala naman
akong nagawang kasalanan sa iyo ah? Bakitttttttt?!!!” Nung mahimasmasan,
kinausap ako ni Tatay Nando at nalaman kong mag-aalas 6 na ng umaga sa araw
ding iyon nila nalamang patay na si Sir James. “Nagtaka nga kami dahil hindi na
ito naghapunan kahapon lang, nung araw na umalis ka, at may mga inihahabilin na
kay Anton na kung anu-ano. Akala namin, nagbibiro kaya hindi na namin binigyan pansin. Ngunit nung
hindi na rin kumain ng agahan kanina, iyon na pala...” Parang
dinurog ang puso ko sa narining at hindi maiwasang sisihin ang sarili.
“Marahil, kung hindi lang ako umalis, nagsama pa kami, at nanjan sana ako sa
tabi niya hanggang sa kaniyang huling hininga. Sana, naipadama ko pa na mahal na mahal ko siya...” sabi
ko sa sariling punong-puno ng panghihinayang. Naalaala ko ang mga luhang
nakitang tumulo sa mga mata niya nung umalis na ako. At napagtanto ko na
narinig niya nga ang mga binubulong ko sa kaniya, ngunit marahil ayaw niyang
makita akong masaktan kapag dinamayan ko siya, pinabayaan na lang niya akong
umalis... “Bakit Tay, di nyo po ba alam ang kalagayan niya?” ang tanong kong
halatang may hinanakit. “Napansin namin yung pananamlay niya, ang pagpapayat,
pamumutla at ang pag-atake ng pagkahilo at minsan, pagsusuka. May
mga panahon din na bigla na lang yan nawawalan ng malay o babagsak. Ngunit ang
sabi naman niya kasi sa amin ay wag mag-alala at ordinaryong hilo lang daw yun,
at may mga gamot naman siya. Hindi naman namin akalain na malala na pala ang kalagayan niya.” Maya-maya,
dumating na rin si Maritess. Pinasundo pala siya ni Tatay Nando. Halos dalawang
taon ding hindi kami nagkita ni Maritess. Simula kasi nung makapagtapos ng
kursong Education, nakapagturo kaagad siya sa syudad. Malaki rin ang ipinagbago
niya. marahil dahil sa klase na rin ng trabaho, kuminis ang balat, marunong
nang magdala ng damit at at tumingkad ang ganda. Hindi pa halata ang dinadala niya
sa sinapupunan, siguro nasa 3 – 4 months lang. Naka-shades
at halatang nag-iiyak. Sinalubong ko siya at niyakap. Nung hinahaplos-haplos ko
ang likod niya, lalong humahagulgol na tila humugot ng lakas sa akin.
Inaamo-amo ko at pinayuhan na buksan ang isipan at tanggapin ng maluwag ang mga
pangyayari. Hinatid ko siya sa harap ng bangkay at iniwanang mapag-isa doon. Sa
hapon din na iyon inilibing na namin si Sir James. May habilin daw kasi kay
Anton na kung may mangyari man sa kaniya, ay kaagad siyang ilibing. Gusto ko
mang magprotesta dahil sa marami din namang nagmamahal sa kaniyang mga
estudyante, kapwa guro sa dating tinuturuan, mga sponsors ng project niya sa
malaking syudad kasama na dito ang mommy, na sana ay gusto pa siyang makita.
Ngunit wala na rin akong magawa kung yun ang habilin niya. Kung gaano kabilis
ang pagpanaw ni Sir James, halos ganun din kabilis ang paghatid sa kaniya sa
huling himlayan. Nung inilagay na ang bangkay sa kabaong, napansin kong hindi
nila dinamitan ng pang-itaas. Tinanong ko si Anton kung bakit. “Isa ito sa mga
nabanggit niya sa akin Carl nung huli ko siyang makausap sa kwarto niya, na
kung sakaling ililibing daw siya, wag siyang bihisan ng pang-itaas. Akala ko
nga biro lang e. Sundin nalang natin.” and paliwanag ni Anton. Biglang pumasok
sa isip ko ang mga katagang binitiwan niya nung maghiwalay kami ng isang buong
taon na walang komuniklasyon at tinanong ko siya, “Paano mo ipaparamdam sa akin
na mahal mo pa rin ako; na wala pa ring nagbago sa iyo sa sunod nating
pagkikita?” “Huhubarin ko ang pang-itaas kong damit!” “Kahit sa gitna ng
maraming tao?” pag-follow up ko. “Oo, kahit sa gitna ng maraming tao!”
“Promise?” “Promise!” Tinupad nga niya iyon nung magkita kami ulit sa harap pa
ng klase niya. Akala ko nga, hindi niya na gagawin iyon dahil nagka-klase siya
e. Ngunit sadyang pursigido siyang panindigan ang sinabi. Gusto niya kasing
ipakita din ang marka sa dibdib niya gawa ng pagkudlit nun bago kami
magdesisyong maghiwalay pansamantala ng isang taon. At nakuha ko na ang ibig niyang
sabihin, kung bakit ayaw niyang damitan siya ng pang-itaas sa burol niya.
Kaming dalawa lang ang nakakaalam. Alas singko ng hapon sa araw ding iyon
inihatid si Sir James sa huling hantungan niya. Halos buong baranggay ang di
magkamayaw sa pagtulong sa lahat ng preparasyon sa burol. Kahit ang mga tao sa
mga karatig baranggay ay nandun din, naki dalamhati. Pati na ang mga estudyante
niya at ilang mga madre sa dating tinuturuan na nakaalam ay walang
pag-aatubiling umakyat sa bulubundoking lugar, makiramay lang at makihatid. May
mga nag-abuloy ng pera, kung anu-ano gaya ng mga alagang manok, baboy, pananim
na gulay, prutas. Lahat ng tao sa baranggay ay nakiramay at nagluksa. Halos
kulang na lang na gawan nila ng rebolto si Sir James. Ako, si Anton, Dodong, at
ilang mga matatalik na kaibigan ang naka-assign na bumuhat sa kabaong. Handa na
ang lahat na buhatin ang kabaong nung hinubad ko ang t-shirt at isinaksak ang
dulo nito sa likurang bulsa ng jeans at hinayaang nakalaylay iyon. Nagtaka ang
iba pa naming mga pallbearers. Tila naintindihan ni Anton ang dahilan ng
paghubad ko ng damit at hinubad na rin niya ang t-shirt niya. At sumunod na rin
si Dodong, at lahat na ng mga pallbearers. Nung makita ng iba pang mga
kalalakihan ang ginawa namin at sa maaring pagintindi nila sa kaugnayan nun sa
hubad na pang-itaas ni James, nagsihubaran na rin sila ng mga t-shirts. Habang
buhat-buhat namin ang kabaong niya at naglalakad patungong sementeryo, patuloy
naman ang pag-agos ng luha ko. Halos hindi pa rin matanggap ng isipan na wala
na siya; na buhat-buhat ko pa ang kabaong niya. Nung sa wakas ay inilatag na
ang kabaong sa hukay, hindi na nakayanan ng katawan ko ang sobrang tension,
lungkot, pagod, at kakulangan ng tulog. Nawalan na ako ng malay. Inagapan
kaagad ako nina Anton, Tatay Nando at Dodong. Gabi na nung makauwi kami ng
bahay. Mabigat pa rin ang kalooban at tila disoriented sa panibagong set-up na
biglang naglaho ang mahal sa buhay. Dumeretso ako sa kwarto ni James. Nahiga sa
banig at unan na huli niyang ginamit at kung saan nakita kong dumaloy ang mga
luha niya nung huli ko siyang iniwan. Tila nawalan ng kulay ang mundo. Ang
dating kwarto na kung saan ilang ulit naming ipinadama sa isa’t-isa ang wagas
ng pag-iibigan ay mistulang nagluluksa din. Hinagod ng mga kamay ko ang papag
sa paligid ng hinigaan ko. Hinanap-hanap ng mga paa ko ang init ng mga paang
dati ay nakahanda lang sa mga dantay ko. Ngunit wala na ang mga ito. Walang
humpay ang pagtagos ng aking luha...
Nasa ganung ayos ako nung biglang pumasok si Anton. “Carl, may ipapakita
ako sa iyo!” “Ano yun, Anton?” Ang tanong ko. “Halika, samahan mo ako.” Kinuha
muna ni Anton ang flashlight at dinala niya na ako sa may harapan ng bahay, may
mga 60 metro ang layo galing sa bungad nito. “Heto, kagabi itinanim ni Kuya
James tong mangga at ang sabi niya, ipakita ko daw sa iyo. Tinulungan ko nga siyang
maghukay jan dahil groggy na siya nun e, halos hindi na makayanan ang sarili.
Sinabihan ko nga na magpahinga na lang muna dahil naduduwal, at nagsusuka pa
nga. Kaso, ayaw paawat. Dapat daw niyang magawa muna ito saka na siya magpahinga.
Kaya, tinulungan ko na para matapos kaagad. Awang-awa nga ako sa kaniya, e.
Pagkatapos naming maghukay, may inilagay siyang box atsaka itinanim na yang
mangga. Ipakita
ko lang daw sa iyo to at alam mo na ang gagawin...” “Salamat Anton, salamat at
kahit papanu, nanjan ka, umalalay kay Kuya James mo” Pinakawalan ni Anton sa
akin ang isang titig na animoy nagpapahiwatig ng pagdamay, ng pang-unawa.
“Mahal na mahal ka ni Kuya James Carl. Hanggang sa huling sandali ng kaniyang
buhay, ikaw pa rin ang nasa isip niya...” Sinuklian ko lang siya ng tango at
pilit na ngiti. Nung makaalis na si Anton, dali-dali akong naghanap ng karton
kung saan ko inilagay ang mga alaala namin ni Sir James, kasama na ang white
gold bracelet na kahawig na kahawig ng ibinigay ko sa kaniya at yung
wristwatch. Inilagay ko rin ang damit at pantalon na sinuot ko nung gabing
nagkudlit kami ng aming mga balat. Bago ko isinara ang box, gumawa ako ng
sulat. “Dear James.... pangako ko sa iyo, susundin ko ang mga bilin at mga
inihahabilin mo sa akin. Habang may buhay pa ako, aalagaan ko ang pagmamahalan
natin. Susundin ko ang lahat ng mga payo mo. At dito sa itinanim mong puno,
dito ako huhugot ng lakas, dito kita hahanap-hanapin sa mga oras na kailangan
ko ng masasandalan, o kaya kung kailangan kong i-share ang mga tagumapay. Dito,
ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Salamat sa pagdating mo sa buhay ko.
Salamat sa mga masasayang ala-ala. Pinaghiwalay man tayo ngayon ng tadhana,
saksi ang punong itinanim mo sa nararamdaman ko para sa iyo: mahal na mahal
kita. Habang pumipintig pa itong puso, ikaw palagi ang hahanap-hanapin nito...
Hintayin mo ako, James. Sa kabilang buhay, hindi na tayo paghihiwalayin pa.” at
idinampi ko ang sulat sa mga labi ko bago ito inilagay na sa box. Binalikan ko
ang punong itinanim ni James at hinukay ulit iyon. Pinatay ko ang flashlight na
bigay ni Anton at hinayaang ang sinag na galing ng bahay ang siyang magsilbing
ilaw. Gamit-gamit ang pala, hinukay ko ng marahan ang puno ng seedling ng
mangga at inilipat pansamantala. Pagkatapos, hinukay ko naman ang box na siyang
ibinaon ni Sir James. Nung makapa na ng mga kamay, hinugot ko iyon. Umupo ako
sa gilid ng pinaghukayan, inilagay sa kandungan ang box, pinagmasdan,
niyakap-yakap at idinadampi-dampi sa mga labi. May ilang minuto din ako sa
ganung ayos. Bago ko ibinalik muli ang box, sinulatan ko ang labas nito, “James
Loves Carl”. Tapos, kinuha ko ang box ko at sinulatan ko din, “Carl Loves
James”. Hinubad ko ang t-shirt, kinuha ang swiss knife sa bulsa at kinudlitan
ang upper part ng chest kung saan nandun ang marka nung dati naming pagkudlit.
Ipinapatak ang dugong dumadaloy sa dalawang boxes. Masakit, mahapdi, ngunit
tiniis ko. Pagkatapos, pinagdikit ko na ang dalawang boxes gamit ang masking
tape bago ibinalik muli sa hukay, tinakpan ng lupa at sa ibabaw nun ibinalik na
rin sa pagtanim ang mangga. Sa buong gabi na iyon, sa dating kwarto namin ni
James ako nagmu-mukmok. Pakiwari ko napakabagal ng oras, napakalamig ng
gabi. Kung ang dating ingay ng mga nocturnal na mga hayop at ang mga
nagkikiskisang dahon gawa ng pagbugso ng hangin ay naririning ko, sa gabing
iyon tila nakakabingi ang katahimikan. Nakakabagot, di malaman ang gagawin, at
ang larawang nasa isip ay ang maamong mukha ni Sir James, tila nanjan lang siya,
abot-kamay, napakalapit. Ngunit, sa loob lang ng isipan ko... Maya-maya at
marahil ay bunga na rin ng sobrang lungkot sa di matanggap-tanggap na bilis ng
pangyayari, bigla na lang akong bumangon at tinungo ang sementeryo, di alintana
ang nakakapanindig-balahibong lamig ng simoy ng hangin at ang nakakapangilabot
na ungol ng mga aso. Naupo ako sa gilid ng puntod niya, parang baliw na
nakikipag-usap, ibinubuhos ang lahat ng hinagpis at sama ng loob. Hanggang sa doon na rin ako nakatulog. Sa panaginip ko
nagpakita si Sir James. Animoy napakasaya niya, napakapayapa at tila nababalot
ang buong katawan ng kaayaayang liwanag. Inakbayan niya ako at pinayuhan na wag
nang malungkot dahil ang paglisan niya ay may dahilan. Pagkatapos ay itinuro niya
sa akin ang dalawang batang lalaking masayang naglalaro sa ilalim ng puno ng
mangga; ang isa ay kahawig na kahawig niya at ang isa naman ay kahawig na
kahawig ko. “Sila ay tayong dalawa, Carl. Masaya ako, dapat ay ganun ka rin...”
Yun ang eksenang tila buhay na buhay na naiwan sa aking isipan. Nagising ako
nung tumama na sa mga mata ko ang sikat ng araw. “Umaga na pala... Akala ko ay
totoo ang lahat...” bulong ko sa sarili nung matanto na panaginip lang pala ang
tagpong iyon. “Marahil, yung puno ng mangga ay yun ang itinanim niya at lumaki
na. Ngunit bakit naging bata ulit kami?” Nabalot man ng matinding kalituhan ang
isip sa di maintindihang kahulugan nun, tila nahimasmasan na rin ako na nakita siyang
masaya at mapayapa. Nagpaalam ako sa kaniya; idinampi ang mga labi sa tuktok ng
krus sa may uluhan ng kaniyang puntod at dumeretso na ng bahay kung saan ang
buong pamilya nina Tatay Nando ay nasa harap na ng hapag kainan, maliban lang
kay Anton na naghahanap sa akin. Bakas pa rin sa mukha nila ang tindi ng lungkot
at hinagpis na nadarama. Kung dati nakikita ko ang saya nila at ang pagbibiruan
kapag nagkakasamasama sa hapag-kainan, sa umagang iyon, halos lahat ay tulala,
hindi makapaniwalang wala na ang isa sa itinuturing nilang haligi ng kanilang
pamilaya, ang tumatayong panganay at kuya, o halos pangalawang tatay na. “Saan
ka ba nagpunta, Carl? Hanap kami ng hanap sa iyo. Ayon si Anton, pinuntahan ang
kubo niya sa may tabi ng ilog nagbabakasakali na nandun ka...” “Pasensiya na
po, Tay... Hindi ho ako makatulog kaya naisipan kong lumabas...” “Saan ka naman
nagpunta?” “Sa puntod po ni Sir James. Doon na rin po ako nakatulog.”
“Susmaryosep!” Sambit ni Nanay Narsing. “Mabuti na lang at walang masamang naniyari
sa iyo. Mag-ingat ka rito Carl baka mapahamak ka, magagalit ang Mommy mo sa
amin. Atsaka... tibayan mo ang loob mo. Lahat tayo naapektuhan sa pagkawala ni
James. Masakit ngunit wala na tayong magagawa pa. Sadyang ang nasa taas lang
ang nakakaalam kung bakit niya kinuha si James ng ganiyan kaaga. Kagaya
mo mahal na mahal din naming lahat ang batang iyon. Ngunit ipaubaya na lang
natin ang lahat ng nasa taas...” “Pasensiya na po, Nay. Di na po mauulit...” at
namuo na naman ang mga luha ko at dumaloy sa pisngi. “Naisip ko lang kasing
samahan si Sir James... parang di ko kasi mapatawad ang sarili nung pumanaw siya
na di ko man lang nadamayan hanggang sa huli niyang hininga. Nasa tabi niya na sana ako noon, ngunit umalis pa’t umuwi
ng syudad. Kaya naisip ko na kahit sa paraang iyon, maipadama ko sa kaniya ang
labis kong pagsisisi.” Hindi na rin napigilan ng lahat ang tumulo ang mga luha
nila, at pilit na pinigilan ang paghagulgol. “O, e, nandito na pala si Anton.
Anton! Halika na, nandito na si Carl!” ang pasigaw na tawag ni Tatay Nando,
pagputol na rin sa napakalungkot na tagpo. “A, nandito na nga si Carl!” sagot
naman ni Anton “May nakakakita kasi sa kaniya na patungo na raw dito, kaya
dumeretso na ako. Saan ka ba nanggaling Carl?” tanong ni Anton sa akin. “Jan
lang...” ang matamlay kong sagot. Naupo si Anton sa hapag. Matamlay, halos ayaw
nang maglagay ng pagkain sa plato. Tinikman ko lang ang tuyo at sumubo ng
dalawang kutsarang kanin, nanatiling nakaupo, nakiramdam, at naghintay na
matapos silang lahat sa halos hindi magalawgalaw rin nilang pagkain. “Kumain ka
ng marami, Carl para ka lumakas.” payo ni Tatay Nando. “Tama na po iyon, Tay,
wala pa po akong gana.” ang sagot ko naman Tahimik ang lahat nung biglang
sumingit si Dodong. “Paanu yan, Nay e di na matutuloy ang
kasal nina Ate Maritess at Kuya James?” Nagtinginan ang lahat kay Maritess.
Nung tiningnan ko siya. Nakita ko sa mga mata ang sobrang paghihinagpis.
“Magre-resign na lang po ako sa tinuturuan ko, Nay, Tay...” ang malungkot niyang
sabi. “Bakit naman?” ang tanong ni Nanay Narsing. “Syempre...” hindi kaagad
naituloy ni Maritess ang sasabihin, nasamid sa sobrang pagpigil sa pag-iyak.
“Tatanggalin din naman nila ako dahil bawal ang mabuntisan.” At tuluyan na siyang
humagulgol. “Atsaka, hindi ko na po kaya ang mga tsismis ng mga tao, ng mga
kasamahan ko sa trabaho” dagdag niya. Parang tinusok ang puso ko sa
nararamdamang paghihirap ng kalooban ni Maritess. Naalala ko bigla ang habilin ni Sir James sa akin. “...hihilingin
ko sa iyo na kung sakaling matapos bigla na ang buhay ko, alagaan mo si
Maritess at ang magiging anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang mga
pangangailangan...” Hindi ko maintindihan ang sarili nung biglang pumasok iyon
sa isip, at tila may nag-udyok sa akin na magsalita. “A,
e... Tay, Nay, ituloy na lang po natin kaya ang kasal... Kung papayag po kayo
at si Maritess, ako po ang tatayong groom ni Maritess” Nagtinginan silang lahat
sa akin sa pagkabigla, nagtataka kung bakit nasabi ko ang ganun. Ako man ay
halos di makapaniwalang lumabas sa mga bibig ko ang mga katagang iyon. Nilingon
nina Tatay Nando at Nanay Narsing ang isa’t-isa, nag-salubong ang kanilang mga
titig, bakas ang pagkalito ngunit tila nag-uusap, habang si Maritess ay biglang
tumayo at tumakbo papuntang kwarto niya. Hindi kaagad nakapagsalita nina Tatay
Nando at Nanay Narsing. “A... e... Carl, sigurado ka ba jan sa sinasabi mo?
Napakamaselang bagay ang sinabi mo at ang pagpapakasal ay hindi isang pagkaing
pwedi mong isubo at iluwa pag inaayawan mo na. Isa pa, ang nagpapakasal ay
dapat nagmahalan.” Sabi ni Tatay Nando at tumango-tango naman si Nanay Narsing.
“Tay, hindi lahat ng nagpapakasal ay nagsimula sa pag-iibigan. Marami ring mga
kasong nagsimula sa pangangailangan, yung iba ay sa kaugalian o kultura. Yung iba ay sa paniniwala. Hindi mahirap mahalin si
Maritess, Nay, Tay. Maganda, matalino, at higit sa lahat, napakabait...
Napakarami na pong dumaang babae sa mga kamay ko nung estudyante palang sa syudad
at nakita ko na ibang-iba si Maritess sa kanila. Alam ko yan dahil
sinusubaybayan ko ang pagpapaaral ng mommy sa kaniya, sa mga natamong honors niya
sa school, sa mga activities na ini-initiate niya... Hangang-hanga
ako sa kaniya. Pati nga ang mommy ay hangang-hanga sa kasipagan at
determinsayon niya e.” “Kahit na buntis siya...? Paano na lang ang mommy mo?
Papayag kaya siya?” “Hindi po kasalanan ni Maritess ang mabuntis, Tay. At hindi
po niya kasalanan ang mamatay ang taong nakabuntis sa kaniya. At tungkol sa mommy, kilalang-kilala ko siya. Lahat
handang ibigay nun sa akin. Lalo na kung mag-aasawa na ako at kay Maritess pa.
Biniro pa nga niya ako isang beses na ligawan daw si Maritess eh. Tsaka,
gustong-gusto na nun ang magkaapo. Magtiwala po kayo.” “Kung ganun, bakit di
natin itanong kay Maritess?” Sinundan ni Nanay Narsing si Maritess sa kwarto niya.
Maya-maya, lumabas si Nanay. Umiiling-iling. “Ano po ba ang
sabi ni Maritess, Nay?” “Ayaw niya. Nahihiya, sobra-sobra na daw ang pagtulong
mo sa amin, Carl.” “Ok, ako na
ang kakausap sa kaniya” Pinuntahan ko siya sa kwarto. Nung mag-usap na kami,
pakiwari ko, bumabalik ang pagka-chickboy nung estudyante pa lang ako; nung
pakawala pa sa buhay at kahit sinu-sino ang nililigawan, kahit na guro. Ngunit
sa sitwasyon na iyon kay Maritess, animoy naging seryoso akong nanligaw,
kumbaga, ang mga sinasabi ay galing sa puso, kinumbinse si Maritess sa
kahalagahan ng pagsilang at pagpalaki niya ng baby nila ni James na may tatay
na nakikita. Ginawa kong batayan ang sarili, sa paglaki kong walang ama dahil
namatay din ito nung maliit pa ako, ang hirap na naranasan ko nung lumaki na
walang amang gumagabay; ang sakit ng paghahanap ng pagmamahal ng isang ama, ang
pag-iyak ko sa tuwing nakikita ang mga kalaro na sinusundo ng mga daddy nila, o
kasama nila sa pamamasiyal. “Kung ayaw mong magpakasal sa akin dahil hindi mo
ako mahal, kahit para sa baby mo na lang, sa baby nyo ni James… Maawa ka sa kaniya.”
ang sabi ko. “Bakit mo ginawa ito, Carl? Para ba sa akin o para kay James?”
“Pareho, at para na rin sa bata... Bakit, hindi mo ba ako kayang mahalin?”
Hindi siya kumibo. “Hindi sa ganun, Carl. Lahat ng babae ay nangangarap na
makapag-asawa ng lalaking kagaya mo. Nasa iyo na ang lahat - hitsura, yaman,
talino, sipag, at higit sa lahat, kabaitan.” “So...?”
“Hindi ko alam. Hindi ako bagay sa iyo. At... kamamatay lang ni James” “Tess,
Sabado ang gustong kasal ni James. At sigurado ako, na pag itinuloy natin iyon,
matutuwa siya. I swear.” “Sinabi ba niya yan sa iyo?” “Sinabi niya na alagaan
ko kayo, na alalayan ko kayong mag-ina sa mga pangangailangan ninyo. At alam
mo, kagabi, nanaginip ako kay Sir James. Masaya siya, mapayapa. At sinabi niyang
may dahilan daw ang lahat. Ayaw niyang sa pagpanaw niya ay malungkot tayo,
Tess...” Hindi na siya
kumibo, at tumulo na lang ang luha. Niyakap ko siya. Tuluyan na siyang
humagulgol sa mga braso ko. Lumabas kaming dalawa ng kwarto.
“Tay, Nay, tuloy po ang kasal sa Sabado!” Tila nabuhayan ng loob ang lahat sa
di inaasahang narinig. Ang napakalungkot na tagpo ay biglang tila nabigyang
buhay at nakapagbigay ng ngiti sa mga labi ng bawat isa sa pamilya. Nagpalakpakan
sa tuwa ang mgakakapatid na sina Anton, Dodong, Clara, at Letecia. Agad naming
tinungo ni Maritess ang puntod ni James at ipinaalam ang desisyon. Bumulong
ako, “James... alam kong ikaw ang nagtulak na gawin ko ang desisyon na ito.
Nandito kami upang hingiin ang iyong basbas. Sana, masaya ka sa desisyon naming
ito ni Maritess. Bigyan mo kami ng palatandaang wala kang pagtutol sa gagawin
namin...” Pagkatapos na pagkatapos kong sabihin iyon, naramdaman kong animoy
may malamig na hihip ng hanging marahang humampas sa kinatatayuan namin.
“Naramdaman mo iyon?” Tanong ko kay Maritess. “Ang ano?” sagot niya. “Malamig na hangin na tila biglang umihip!” “Oo Carl,
naramdaman ko!” Tila biglang tumalon-talon ang puso ko sa galak. “Nararamdaman
kong payag si James na magpakasal tayo Maritess! Payag siya!”
ang masaya kong sigaw habang yakap-yakap na si Maritess. Dumating ang araw ng
kasal. Dahil sa hindi pa natapos ang 9 na araw na padasal para kay James,
napagdesisyonan ang pamilya na gawing simple lang ang okasyon at sa kapilya ng
baranggay na lang idaos pagbigay respeto kay Sir James. Walang mga espesiyal na
taong imbitado, maliban na lang sa mga piling-pili kong kaibigan. Wala ring
magagarang damit pangkasal, o mga groom’s men at bride’s maids. Casual lang ang
lahat. Kumbaga, tila isang ordinaryong okasyon lang. Ang kapitan ng baranggay
ang Ninong sampu ng mga kagawad. Ngunit dahil sa nalaman din ng buong
baranggay, marami pa rin ang nag-attend. Marahil iyon ay dahil ang pagdiriwang
ay may kinalaman sa akin, na anak ng main donor at siyang nagpapatayo ng school
nila sa baranggay, at sa kagustuhan na rin nilang makibahagi sa importanteng
bagong yugto na iyon sa buhay namin ni Maritess. Sinadya kong hindi ipaalam kay
mommy ang okasyon. Nais ko kasing sorpresahin siya at upang hindi na rin siya
makaka-reklamo pa. Ang mommy kasi, kapag ganiyang may okasyon, gusto lahat
naka-plano at perpekto. Ayaw niya yang mga last-minute o rush na activities. Ganiyan
siya ka-organize. At ina anticipate ko na hindi siya papayag sa ganung
napaka-rush na kasalan. Kaya, nung pinasundo ko siya, pinasabihan ko na lang na
may importanteng urgent na nangyari sa baranggay at sa school. Nasa loob na ang
lahat ng kapilya at tinatanong na ng pari kong may hahadlang. Siya namang
pagpasok ng mommy, na rugged na rugged ang dating, naka-faded maong, t-shirt at
sneakers. At sa kalituhan sa nakitang tagpo, sumigaw “Hintay!” at tumakbo
diretso sa harap ng altar at ng pari, hinawakan niya ako sa balikat at tila
hindi pansin ang maraming taong nakatingin sa kaniya, “Carl, ano ito? Huhuhuhu!
Ano ba itong ginawa mo sa buhay mo, Carl! Ano itong ginawa mo sa akin?
Huhuhuhu!” “A... ehem! Mrs. Miller, ituloy pa po ba natin ang kasal?” pag
interrupt ng pari. “HINDI!!” ang mabagsik at umalingawngaw na bulyaw ng mommy,
tila hindi pa rin pansin ang mga taong nakatingin. Nag-react ang mga tao sa
pagkabigla. Bulungan, at tila may commotion sa loob ng simbahan. Nung biglang
mapansin na ng mommy ang ingay nga mga tao at ang mga mata nilang lahat na
nakatutuk sa kaniya, tila bigla ding nahimasmasan at binuhusan ng malaming na
tubig. “HINDI! HINDI po
ako hahadlang… Ituloy nyo na po padre! Paki-dalian nyo lang! Huhuhu!” ang
sabing tila nahihiya, sabay talikod patungo sa upuang inireserba para sa kaniya.
Tawanan ang mga tao. At nung binigkas na namin ni Maritess ang salitang “Oo” sa
isa’t-isa, palakpakan ang mga tao. Ngunit lalong
lumakas ang tila pagrerebeldeng iyak ng mommy. “CARL! HUHUHUHUHU!!!” Hanggang
sa natapos ang kasal at binati na kaming dalawa ni Maritess ng mga tao. Binati
din ako ni Ricky, ang best friend ko sa College na inimbitahan ko. “Bro, bakit
ka ba nagbago?” ang pasimple niyang bulong. “Anong bakit ako nagbago?” Bulong ko rin. “Kasi... e... wala na akong kakampi
ngayon.” “Anong walang kakampi, di ko maintindihan?” “Kasi... lalaki na ang
hinahanap ko ngayon, tol!” “Wag kang magbibiro ng ganiyan, tado ka!” “Totoo,
tol. Nagkatuluyan kami nung sekyu ng skul. Heto nga o, may kissmark pa siyang
pabaon sa akin” at pasekretong itinuro niya ang kaniyang leeg. “Gago ka pa rin
talaga hanggang ngayon!” sabay batok sa kaniya. Tawanan na lang kaming dalawa.
Hindi pa rin kumibo ang mommy. Nung kainan na, bigla na lang siyang tumayo at
nagsimulang magsalita. “Excuse me everyone! Nandito po ako
ngayon sa inaakalang may problema dito sa baranggay at kailangan ang tulong ko.
Ngunit ito pala ang nadatnan ko, ang ikasal ang kaisa-isa
kong anak, at sigurado ako na pakana na naman niya ito. Simula nung maliit pa
yan, palagi na lang akong nauutakan niyan. Palagi akong halos aatakehin sa
puso, lalo na kapag ipinatatawag sa school dahil sa pambobugbog niyan ng
kaklase, o paglalagay ng thumb tax o pandikit sa upuan ng teacher, o kung
anu-ano pang mga kalokohan. Ngayong nagbago na, heto, muntik na naman akong
mamatay sa atake. Hindi ako tutol sa kasal. Ang gusto ko lang sana ay... hindi
man lang niya ako tenyembrehan para naman makapag-makeover ako! Huhuhu! Ni
wala akong dalang extra na damit, amoy pawis ako, ni wala man lang make up o
kahit na lipstick. Ni wala akong dalang videocam! Imagine kasal ng kaisa-isa
kong anak at... hindi ako maganda! Huhuhu!” Tawanan ang lahat. “Nung umuwi yan
ng bahay, nagsuggest sa akin yan na mag-tour kami... Tapos, bigla na lang
naglaho di man lang nagpaalam? At dito pala napunta at heto kasal na, ni ho, ni
ha, wala? Palagi nalang
akong naiisahan niyan.” Tiningnan niya ako na may pagbabanta sa kaniyang mga
mata. “Naka-book
na ang tour natin sa Europe at ako ang dapat na masusunod ngayon. Itutuloy
natin ang scheduled tour natin...” Napakamot ako ng ulo. “Mommy naman,
kakakasal ko lang... mag-honeymoon pa kami ni Maritess.” “At bakit? Hindi ba
pweding doon na kayo mag-honeymoon sa Europe?” Tawanan, palakpakan ang lahat.
Pagkatapos ng celebrasyon, nagpunta ulit kaming lahat sa puntod ni Sir James
kasama ang mga bisita, at nagbaon ng kaunting pagkain, alay sa kaniya. Kung
dati nababalot sa sobrang lungkot at pighati ang tagpo sa libingan niya, sa
pagkakataong iyon ay tila tanggap na ng lahat ang pangyayari ng maluwag sa
dibdib. Ikini-kwento ko rin sa mga tao ang panaginip ko kay Sir James; na
nakita kong masaya siya, at na ayaw niyang makitang malungkot ang lahat.
Maluha-luha pa rin yung iba, lalo na ang mommy na nanghinayang sa sobrang
galing ni Sir James. Inilatag namin ang pagkain sa ibabaw ng puntod, at
nag-alay na rin ng dasal. Naki-cooperate din ang panahon. Ang mainit na sinag
ng araw ay bahagyang tinatakpan ng ulap, may pabugso-bugsong katamtamang hangin
na siyang nagbigay ng preskong pakiramdam. Napapansin ko na rin ang awit ng mga
ibon, ang mga berdeng dahon ng puno at halaman na nakapaligid, tila
nagpapahiwatig ng kasayahan nila sa tagpong iyon, at ang mga ngiti sa mga mukha
ng bawat taong dumalo. “James,
salamat sa lahat. Alam kong masaya at mapayapa ka sa kinaroroonan mo ngayon.”
ang bulong ko. Nag honeymoon nga kaming mag-asawa sa Europe; ang pag-alaga ng
itinanim ni Sir James na puno ay inihahabilin ko pansamantala kay Anton. Habang
nasa honeymoon kami ni Maritess, hindi naman magkamayaw ang mommy sa
pagsa-shopping ng kung anu-ano para sa magiging apo niya, at sa plano niyang
pag-iischedule uli ng kasal namin ni Maritess pagbalik ng Pilipinas; isang
engrandeng kasal na base sa plano at pangarap ng mommy ko para sa akin. Natuloy
din iyon, at sa pagkakataong iyon, natupad din ang gusto niya: na mapaghandaang
maigi at makita siyang maganda sa kasal ko. Sampung taon ang nakalipas at
marami na ring nagbago. Kung ang baranggay nina Tatay Nando na dati ay
napakahirap tahakin, walang koryente at tubig ay may sementadong kalsada na nagdugtung
nito sa kabihasnan, at madali na siyang puntahan. may koryente na rin, tubig at
naabot na ng signal ng mobile phones. Ang dating bahay
nina Tatay Nando ay pinagawa ko; konkreto, may second floor, at ginawan ko pa
ng extension para sa amin ni Maritess. Doon na rin kami nanirahan. Sa pamilya
nina Tatay Nando, si Anton ay isa nang negosiyante, nagkatuluyan din at
napangasawa niya si Ester, ang unang naging kaibigan niyang babae at biniyayaan
sila ng dalawang anak; si Dodong ay nakapagtrabaho sa abroad bilang isang
engineer; si Clara ay nagtuturo na rin sa Baranggay School na dating pinamunuan
ni Sir James, samantalang ang bunsong si Letecia ay magtatapos na sa kursong
komersyo sa darating na graduation. At dahil sa pagpapakasal namin ni Maritess,
masayang-masaya sina Tatay Nando at Nanay Narsing. Nawalan man sila ng isang
James sa pamilya, may kapalit naman ito, sa pagkatao ko. Dahil sa isang guro,
si Maritess na ang namumuno sa eskwelahang sinimulan ni Sir James. Kung nuon ay
nagsimula lang ito sa non-formal classes, naging isang private non-stock,
non-profit elementary/high school na ito na sinusuportahan pa rin ng mga
non-government organizations, na syempre kinabibilangan ng mommy ko. Malaki na
rin ang puno ng manggang itinanim ni Sir James. Namumunga na, at napakatamis ng
mga bunga nito. At batay sa nais ni Sir James, ito ang nagsilbing
pinaghuhugutan ko ng lakas, ang nilalapitan ko sa mga panahon ng kalituhan,
kalungkutan at kagipitan. Kadalasan din, sa ilalim ng lilim nito ko dinadala
ang pamilya ko at doon nagpi-piknik, nag-iihaw, o nakikipaglaro sa mga bata...
Alam ko na habang may buhay pa ako, hinding-hindi ko na pweding malimutan pa si
Sir James. Hindi lang dahil sa puno ng mangga na itinanim niya para sa akin,
kungdi dahil na rin sa dalawang supling namin ni Maritess na siyang nagbibigay
kulay sa aming pagsasama at nagbuo ng buhay at pagkatao ko: ang 10 taong gulang
na si James Miller na kahawig na kahawig at manang-mana kay Sir James; at ang 9
na taong bunso naming si Carl Miller, Jr. na syempre, kamukhang-kamukha ko at
manang-mana naman sa akin. At itong dalawang supling din ang siyang dahilan sa
lubos na kaligayahan at pagpapasalamat ng mommy ko dahil sa wakas, nabigyan ko
rin siya sa matagal niya nang inaasam-asam at minimithi na hindi lang isa,
kundi dalawang malalakas, makukulit, at makikisig na mga apo. Sa dalawang
batang iyan imiikot ang buhay naming lahat. Ngayon ko lang napagtanto ang
kahulugan ng ipinahiwatig sa akin ni Sir James sa panaginip kung bakit dapat
akong matuwa; dahil sa pamamagitan ng mga anak namin, natupad ang aming
pinapangarap na magsama at hinding-hindi maghiwalay, hindi man bilang
magkasintahan kungdi bilang magkapatid. Dahil dito, at kahit ano pa man ang
mangyari, mananatiling buhay sa puso’t isip ko ang minamahal at nag-iisang –
idol kong si Sir... WAKAS
Posted by Pinoy Gay
Story at 8:07 AM Email ThisBlogThis!Share to TwitterShare to
FacebookShare to Pinterest 5 comments:
dadymaxAugust 7,
2014 at 2:30 PM
Napuyat ako kakabasa
sa book 1 and 2. Ganda, lahat ng lines sapul,. Best regards nalang sa author at
sana makagawa pa siya ng gay theme story nga pero makabuluhan at kakapulutan ng
aral.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento