Martes, Nobyembre 14, 2023

Mini Series From Other Blog # 11 - The Captain and The First Mate (Part 1) By: Aero Bradley Meade (From: Pinoy Gay Love Story)

 


The Captain and The First Mate (Part 1)

By: Aero Bradley Meade

(From: Pinoy Gay Love Story)

 

Naging bitter ako sa pag-ibig nung nasa college pa lang ako. Hindi kasi ako kasing swerte ng iba, isa akong bisexual na hindi tanggap sa pamilya at hindi din nabiyayaan ng halos perpekto na panlabas na anyo, hindi din naman sobrang pangit o butt ugly na tinatawag, hindi lang talaga ako ganun ka-attractive, kumpara sa mga kapatid ko, ako ang ugly duckling sa pamilya, noon.

Napakalaking insecurity ko ang aking ilong dati, medyo pango kasi ako at meron akong drooping eyes, bukod dun ay ayos naman na ang natitira pang body parts sa akin. Matangkad naman ako sa height na 6’ at kahit na hindi ako ganun kagwapo ay meron naman akong mabuting pag-uugali at marunong akong makisama.

Alam ng pamilya ko ang pagiging bisexual ko, kahit na hindi ko sabihin ay alam ko na ramdam naman nila, kahit na kumikilos naman ako sa dapat kong ikilos ay alam ko na alam din ng pamilya ko kung ano ang pagkatao ko. Hindi nila ganun katanggap ito, alam naman natin dito sa bansa natin na kelan lang naman naging open ang publiko sa konsepto ng third sex. High school pa lang ako ay ramdam ko ang pagtutol nila sa naging preference ko, dahil dun ay hindi ako naging paboritong anak ng magulang ko, o yung tipong palaging sinasama kapag may mga special occasions. Tanggap ko naman kahit papaano, kahit ako naman ay ayokong magbigay ng sakit ng ulo dala ng pagiging bisexual ko lalo na sa pamilya ko, sa dalawa kong kuya at sa mga magulang ko. Itinuon ko ang mga frustrations ko sa pag-aaral, baka dito kasi ay mag-excel ako at mapansin din ako ng mga magulang ko. Pero hindi umayon sa akin ang lahat at ito ang nagtulak sa akin para magbago.

Tawagin nyo na lang ako sa nickname ko na Aero, ako ay 26 na taong gulang at masayang nagtatrabaho sa isang ospital dito sa Taguig. Noon ay inggit na inggit ako sa kaibigan kong si Max, ang sumulat ng kwentong “The Fall Back”. Para sa akin ay halos perpekto ang buhay ni Max at kami ay total opposite kaya siguro mas lalo kaming naging malapit na magkaibigan. Alam ko kasi na kailangan ko ng kaibigan na katulad ko na dadamay sa akin, at ito ay nahanap ko sa katauhan ni Max. Dati ay naiinggit ako sa tuwing nagkikita sila ni Justin sa school, umaasa na balang araw ay may “Justin” din na para sa akin.

Halos hindi ako makapag-aral ng college dati, ang pangalawang kuya ko kasi ay nasa 5th Year pa lang nung mag-uumpisa pa lang ako pumasok sa college. Paborito kasi ng mga magulang ko yung kuya kong pangalawa o diko kaya ginawan nila ng paraan makapag-aral lang sya sa Ateneo. Hindi ko maiwasan na mainggit sa kanya, kahit kasi na hindi naman kami ganun kayaman ay talagang naigapang nila ang pag-aaral niya sa Ateneo. Inasam ko noon na makapag-aral ng Nursing sa UST pero inamin sa akin ng Mama ko na wala kaming budget para doon at kahit na malungkot ay tinanggap ko ito. Kung tutuusin ay alam ko naman na kaya nila akong igapang kung sa UST ako nag-aral lalo na’t may naghihintay sa akin na 50% scholarship doon, naging salutatorian kasi ako nung high school at ito ang naging offer sa akin noon. Gusto nila ako pag-aralin sa isang nursing school na malapit sa bahay namin sa Mandaluyong, pero hindi ako pumayag dahil sa nakapasa din naman ako sa UP Manila at alam ko na doon ay kayang kaya na nila ako pag-aralin dahil sa nasa Bracket E ang pamilya namin nung inassess kami ng UP, hindi ko maintindihan kung bakit parang ginigipit ako sa amin, pakiramdam ko ay parusa ito sa akin sa pagiging bisexual ko, kahit na masakit para sa akin ay pinilit kong hanapan ng ibang rason pero wala akong ibang nakita.

Dahil dun ay nagpasya akong umalis na lang sa amin at itinaguyod ko ang sarili ko bilang isang working student. May halong paglalayas na din pero ang gusto ko lang nung mga panahong yun ay makapag-aral. Sobrang hirap nung una kong pinasukan, sa isang fast food chain ako nagtrabaho bilang service crew, hindi kasi ako nakaranas ng ganito noon kaya siguro naging mahirap ito sa akin.

Ipinangutang ko sa mga kaibigan ko ang pangrenta ko sa boarding house at para sa iba pang gastusin nung unang buwan ko sa trabaho, alam naman natin na hindi pwede mag-advance ng sahod kaya nauwi ako sa ganung paraan. Nang makuha ko ang sahod ko ay unti-unti kong binayaran ang mga kaibigan ko kahit na wala nang halos matira sa akin, para sa akin kasi importante yung tiwala na meron sila sa akin kaya kahit kailan ay hindi ako sumira sa tiwalang ibinigay ng mga kaibigan ko sa akin. Noon ay halos nag-ii-skip na ako ng meals para lang mapagkasya ko ang pera ko. Kahit na pinababalik na ako sa amin ay nagmatigas ako na wag nang bumalik, para kasi sa akin, ayoko nang umasa sa pamilya ko, ayokong umuwi sa bahay nang walang naipagmamalaki, at mas lalong ayokong umuwi ng bahay dahil ayokong makita nila na sumuko ako sa laban na pinili ko.

Mahirap ang first semester para sa akin. Literal kasi na lumalagari ako sa pagtatrabaho at pag-aaral. Nung panahon na yun ay wala na akong pakialam sa pamilya ko, basta ang alam ko ay kailangan kong itaguyod ang sarili ko, alam ko sa sarili ko na kailangan kong makagraduate. Hindi ko na nakita ang sarili ko na ngumiti kung minsan, at dahil doon ay sumama ang tingin ko sa mundo, na kahit pala ang pamilya ko ay kaya akong isantabi.

Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ang pagtatrabaho sa fast food chain o hahanap na lang ako ng ibang trabaho. Pagod na pagod kasi ako palagi at minsan ay hindi na ako nakakakain. Nag-alala din ako para sa sarili ko na baka magkasakit ako at maagang mamatay, pero sabi ko sa sarili ko na bahala na, kung mamamatay man ako ng maaga ay at least lumaban ako.

Dumating din naman ang swerte sa akin, naghahanap yung isang doktor sa school ng isang research assistant. Nag-apply ako sa kanya kahit na wala pa akong masyadong alam sa mga research. Siguro dahil sa awa ay tinanggap din nya ako. Tuwang-tuwa ako nang tinanggap ako ni Dr. Devanadera. Malaki kasi sya magpasahod at dahil sa awa na din ay magaan lang ang trabaho na ibinigay nya sa akin. Kumukuha lang ako ng mga data na kailangan nya sa PGH at sa RITM, ibang-iba ito kesa sa trabaho ko sa fast food chain.

Mas nagkaroon ako ng oras sa sarili ko at sa pag-aaral dahil sa twice a week lang ako kung mangolekta ng mga data. Pinahalagahan ko ang trabaho ko at nakita naman ito ni Doc at natuwa siya sa akin, dahil sa naging close din kami ay kwinento ko sa kanya ang buhay ko. Sobrang awang-awa sa akin si Doc at naiyak siya sa mga kwinento ko, simula noon ay nangako siya na siya na ang magiging father figure ko at ituturing niya akong anak. Doon na din nya ako pinatira sa condo unit niya at sinagot na niya ang lahat ng kailangan ko. Masaya ako na minsan sa buhay ko ay merong tumanggap sa akin ng buong-buo, nakahanap ako ng pamilya at isang ama kay Doc.

Simula noon ay mas naging magaan na sa akin ang buhay, kahit na nagkakausap kami ng pamilya ko ay pinili ko pa ding panindigan ang desisyon ko. Simula nung umalis ako sa amin ay hindi na ako muling bumalik dioon, alam ko kasi masasaktan lang ako kapag nakita ko sila, maalala ko ang mga sakit na idinulot sa akin at ayoko nang pagdaanan ulit yun.

Wala sa isip ko noon na ma-inlove. Pinahahalagahan ko kasi ang pag-aaral ko at ayokong masira ito, gusto ko kasi ipakita sa pamilya ko na nagkamali sila sa akin, na hindi man lang nila ako binigyan ng pagkakataon na patunayan ang kakayanan ko, malamang natabunan na yun ng pagiging bisexual ko. Alam ko naman na mahal nila ako, pero hindi ko ito nakita sa paraang gusto ko. Pero may ibang balak para sa akin ang tadhana na hindi ko inasahan.

Isang sopresa sa buhay ko si Enzo. Nakilala ko si Enzo sa birthday party ng isa sa mga kaibigan ko nung nagnunursing pa lang ako. Gwapo si Enzo, maputi, matangkad at almost perfect. Teen model sya noon sa mga fashion show kaya maganda ang katawan nya. Nag-aaral sya noon sa FEU at medyo intimidated ako sa kanya kasi kahit papaano ay halata mong may kaya ang pamilya nya kumpara sa akin na isang working student lang. Ang alam ko ay straight si Enzo dahil sa alam ko na may girlfriend siya noon. Madaling pakitunguhan si Enzo. Hindi sya namimili ng kausap at friendly sya. Kahit na sinong babae man o bisexual ay hindi maiiwasang mainlove sa kanya, bukod kasi sa maganda nyang panlabas na anyo ay maganda din ang kalooban nya.

Dahil sa mas napapadalas ang pagkikita namin ni Enzo dahil sa mga common friends namin ay naging magkaibigan din kami. Aksidente kong nalaman na isa din siyang bisexual dahil nahuli ko siya na minsang gumagamit ng isang social networking site para sa mga bisexual at gay. Kahit na nahihiya siya ay inamin niya sa akin ang tunay niyang pagkatao, pagkatapos nun ay inamin ko din sa kanya ang pagkatao ko at dito ay nakita kong relieved si Enzo dahil sa inamin ko sa kanya. Natuwa siya dahil hindi na nya kailangan itago ang tunay nyang pagkatao sa akin. Sinabi ko sa kanya na safe sa akin ang secret niya at kailanman ay hinding hindi ito lalabas. Hindi din kasi masyadong tanggap ang naging preference ni Enzo sa pamilya niya kaya nakarelate ako sa kanya at iyun ang mas lalong nagpalapit sa aming dalawa.

Pinahalagahan ko ang pagkakaibigan namin ni Enzo sa loob ng ilang taon, simula nung makilala ko sya nung first year pa lang ako, hanggang sa umabot ako sa fourth year ng nursing at malapit na grumaduate. Inaamin ko naman na nahulog na nang tuluyan ang loob ko sa kanya, pero pilit ko itong nilalabanan dahil sa ayokong umasa sa isang bagay na alam ko ay malabo namang mangyari. Nakilala ko din yung iba nyang kaibigan na ibang model at mas lalo akong nainsecure sa sarili ko. Doon ko din nakilala si Karl, yung kasamahan na model ni Enzo na sa tingin ko ay may gusto sa kanya.

Dahil sa malalim na ang pagkakaibigan namin ni Enzo ay parang nabuo din ang malalim na pagtitinginan namin sa isa’t isa. Hindi ko din inasahan ito dahil sa tingin ko ay malayo na magustuhan ako ni Enzo dahil hindi naman ako attractive kumpara sa mga kilala nyang iba, pero natuwa din ako dahil sa meron pa palang mga tao na hindi tumitingin sa panlabas na anyo, na mas daig pa din ng mabuting kalooban ang panlabas na anyo, dahil dun ay nagkaroon ako ng pag-asa na meron pa palang willing na magmahal sa isang katulad ko na good for nothing.

Dumating kami sa point na parang may nararamdaman na kami sa bawat isa at sinabi nya na subukan naming i-workout ito. Pumayag ako dahil sa mahal ko si Enzo at gusto ko namang maranasan kung ano ang pakiramdam ng mahalin at magmahal. Kahit na alam ko na sumuong ako sa isang bagay na hindi ko alam ang kalalabasan ay pinilit kong maisakatuparan ang napag-usapan namin ni Enzo, umasa ako na isang araw ay magiging mag-on din kami officially at maipagmamalaki niya ako bilang partner niya.

Dahil kay Enzo ay nakalimutan ko na naging mabilis na ang panahon at ako ay gagraduate na sa nursing, dahil din kay Enzo ay nabawasan ang nabuong galit sa akin sa pamilya ko. Inimbita ko sila sa graduation ko at umattend naman sila. Dito ay naramdaman ko ang pamilya ko, na mahal din pala nila ako sa kabila ng mga bagay na hindi nila naiparamdam sa akin noon. Nakilala din ng pamilya ko si Enzo bilang kaibigan ko at naging maganda naman ang unang pagkikita nila. Umattend din si Doc at naipakilala ko sya sa pamilya ko. Nung speech ko nung graduation ay mas nagpasalamat ako kay Doc dahil sya ang halos bumuhay sa akin simula nung umalis ako sa amin. Kung hindi dahil sa kanya ay malamang patay na ako dahil sa hindi ko kakayanin ang mga bagay na hinarap ko noon kung wala siya, sobrang laki ng utang na loob ko sa naging tatay-tatayan ko na si Doc na kahit anong sabihin niya ay susundin ko, alam ko kasi kailanman ay hindi niya ako ipapahamak.

Simula noon ay mas naging maliwanag ang tingin ko sa buhay, totoo pala na pagkatapos ng dilim ay may liwanag pa din na naghihintay para sa akin sa kabila ng lahat ng hirap na pinagdaanan ko para lang makagraduate sa college ay maganda pa din pala ang kinalabasan ng lahat ng pagsusumikap ko. Mas lalong tumindi ang pagtitinginan namin ni Enzo at alam ko na konti na lang ay tatanungin na nya ako kung kami na ba. Ayoko naman kasi na sa akin manggaling yun dahil baka hindi pa handa si Enzo para dito, kaya matiyaga akong naghintay sa kanya.

Pagkatapos ng board exam ay nagfull time na ako sa pagtulong para sa pag-polish ng research ni Doc bilang isang proofreader, dahil sa ilang buwan na lang ay ipepresent na nya ito sa Washington sa US. Naging smooth naman ang lahat at natapos din namin ang research, nasopresa ako ng ipina-appointment ako ni Doc sa US Embassy para makakuha ng Visa, gusto nya kasi akong isama habang ipinepresent nya ang research na pinaghirapan namin sa loob ng mahigit na apat na taon. Nakakuha naman ako ng US Visa at isinama ako ni Doc sa Washington, bago yun ay maayos kaming nagpaalaman ni Enzo at doon ko nakuha ang unang halik ko sa kanya, isang senyales na mahal na din nya ako.

Naging successful ang presentation ng research ni Doc sa Washington, dahil sa tuwa nya ay tinanong nya ako kung anong reward daw ba ang gusto ko, sinabi ko na yung pagtulong niya sa akin noon nag-aaral pa lang ako ay sobra-sobra nang reward para sa akin ’yun, pero dahil mapilit si Doc ay hindi niya tinanggap yun at nagpumilit siya na bigyan ako ng isang bagay na gustong-gusto ko, at ang gusto ko ay mapa-ayos ang ilong at ang drooping eyes ko. Pangarap ko na kasi dati pa, na maging matangos ang ilong ko at maging maganda ang mga mata ko, alam ko na sobra ito para sa isang hiling pero ito talaga ang pinapangarap ko noon pa, ayoko na ulit kasi maranasan yung lahat ng panunukso sa akin noon at para na din maging deserving ako para sa paningin ni Enzo.

Pumayag si Doc sa hiling ko at kinausap niya yung kaibigan niyang reconstructive surgeon, pumunta pa kami sa Los Angeles para sa gagawing operasyon sa akin. Umabot sa isang linggo ang pag-analyze sa features ng mukha ko para bumagay ang rhinoplasty (repair ng ilong) at ang blepharoplasty (repair ng talukap ng mata) para daw hindi ganun kahalata ang gagawin sa akin at para magmukhang natural. Nakaisip kami ni Doc ng isang ploy para ipalabas na ako ay naaksidente at nabasag ang ilong ko at kailangan itong ayusin, alam ko kasi na tututol ang pamilya ko kung sasabihin ko na ipapaayos ko lang, kaya naisip namin na gumawa ng isang excuse para mas maging katanggap-tanggap ang pagbabago sa akin.

Pagkatapos ng operasyon ay nagustuhan ko ang ginawa sa akin, natural na natural lang ang itsura ng ilong ko at ng mga mata ko. Panigurado ay mas magugustuhan ako lalo ni Enzo dahil sa konting pagbabago sa akin. Kahit na matagal na kami sa US ay constant pa din ang communication namin ni Enzo kahit na umabot kami ni Doc ng isang buwan doon.

Pag-uwi namin ni Doc sa Pilipinas ay agad akong binisita ng mga magulang ko dahil nag-alala din sila sa “aksidente” nung nasa US pa kami, natuwa ako dahil sa nagustuhan nila ang ilang pagbabago sa mukha ko. Pero hindi ko mahagilap si Enzo nung mga panahong yun dahil busy daw sya sa mga fashion shows at pictorials na may commitment siya. Tanggap ko naman ito, pero sabik ako na ipakita kay Enzo ang ilang pagbabago sa akin dahil alam ko na matutuwa sya at magugustuhan nya ito pero hindi kami nagkita agad at umabot sa dalawang linggo na hindi pa kami nagkikita at sinabi nya na nasa Cebu daw sila ng mga kaibigan nya, umalis sya ng walang pasabi at medyo nainis ako dito, pero dahil sa alam ko naman ang pagkatao ni Enzo na outgoing palagi ay natanggap ko din naman.

Hindi ko inaasahan na biglang magdedecline ang kalusugan ni Doc. Matagal na pala niyang alam na may Non-Hodgin’s Lymphoma siya pero hindi niya ito sinabi sa akin, para daw kasi sa kanya ay nag-uumpisa pa lang ang buhay ko at ayaw naman daw niya na maging pabigat sa akin. Nag-iyakan kaming dalawa ni Doc dahil sa malubha na ang kalagayan niya nun, mas lalo akong naiyak dahil sa ayoko pang mawala si Doc sa buhay ko, minsan ay masinsinan kaming nagkausap ni Doc at ito lang ang mga sinabi nya sa akin,

“Aero, I have lived an extraordinary life, nagkaroon ako ng pamilya at ikaw na naging anak ko, naging maganda ang career ko at nakapunta ako sa mga lugar na gusto ko, nagawa ko yung mga bagay na gusto ko, dun pa lang matagal nang solved ang buhay ko, wala na kong hihilingin pang iba, nung dumating ka sa akin, pakiramdam ko, ikaw yung anak na binigay niya sa akin, kaya sobrang saya ko kasi for once, nakumpleto ang lahat sa buhay ko. Ikaw, nag-uumpisa pa lang ang buhay para sa iyo, anak. Habang nandito ako ay hinding-hindi mo maibabalik ang pagmamahal mo sa pamilya mo, kaya hanggang dito na lang ako. At ang gusto ko ay bumalik ka sa inyo at humingi ka ng tawad sa parents mo. Huwag kang malulungkot pag nawala na ako, alam mo kung gaano ako kasaya sa buhay ko at yun ang gusto kong isipin mo. Mawawala man ako physically, pero ikaw kailanman hindi kita makakalimutan, titignan pa din kita kung nasaan man ako mapupunta, I love you son” ang sabi ni Doc at hindi ko na napigilang mapahagulgol.

Ipinangako ko kay Doc na mabubuhay ako sa paraang gusto niya para sa akin at iyun ang pinanghawakan niya bago siya mawala. Dahil sa isang forbidden child si Doc, meaning anak sa labas ay walang kumilala sa kanya na mga kamag-anak, kaya ako ang nag-asikaso sa kanya nung nawala sya. Tinulungan ako ng mga magulang ko sa pag-asikaso ng lahat. Tinatawagan ko si Enzo para puntahan niya ako pero busy pa din daw sya sa mga commitments niya dito sa Manila. Nalungkot ako kasi kahit na malapit lang siya sa akin ay napili niyang tiisin ako at kung kalian naman na kailangan na kailangan ko siya ay wala naman siya, pero hindi ko masyadong naramdaman ang bigat nito dahil sa tinulungan ako ng pamilya ko.

Hiniling ni Doc na macremate sya at isaboy ang abo nya sa dagat. Sinunod ko ito at sobrang sakit sa akin na mawala si Doc, pero naalala ko ang pangako ko sa kanya na ipagpapatuloy ko ang buhay ko na masaya kahit wala na sya, ang importante ay iyung mga pinagsamahan namin na kailanman ay hinding-hindi ko makakalimutan. Dahil sa walang kinikilalang kamag-anak si Doc ay sa akin niya ipinamana ang lahat lahat ng meron siya, sa isang iglap nabago ang buhay ko at ng pamilya ko. Hindi ko inasahan ang ipinamana sa akin ni Doc, pinarenovate ko ang bahay namin sa Mandaluyong para sa pamilya ko at ako na ang sumusustento sa kanila, gusto ko kasi ipakita sa kanila na kahit na hindi naging maganda ang mga nangyari sa amin noon ay nandito pa din ako bilang anak at hindi ko sila pababayaan.

Ipinakita ko sa lahat na ibang iba na kami kumpara sa dati, sa ilang kamag anak namin na nagmaliit sa amin at sa mga taong nakagawa ng mali sa pamilya namin ay sinigurado ko na titiklop ang mga palong nila pag nakita na nila kung gaano na kami kaiba simula noon.

Halos tatlong buwan kong hindi nakita si Enzo, alam ko na alam nya ang mga nangyari sa akin habang wala siya kaya sumama ang loob ko sa kanya dahil sa iniwan niya ako nung mga panahong kailangan ko siya, hindi man niya nasabi ang dahilan niya pero nakukutuban ko na kung bakit hindi siya nagpapakita sa akin nung mga panahong yun. Binigyan ko ng pagkakataon si Enzo na ipaliwanag ang lahat pero iba pala ang pakay nyang sabihin nung nagkita kami, gusto niyang ipaalam sa akin na sila na ni Karl. Sobrang nalugmok ako nung malaman ko ito mismo kay Enzo, pinaasa niya ako at niloko, dahil dun ay sobra akong nagalit sa kanya at kay Karl at sinabi ko sa balang araw na pagsisihan nilang dalawa ang ginawa nila sa akin, na babalikan ko silang lahat na hindi nagmahal sa akin, na isang araw ay sila naman ang iiyak at ako naman ang tatawa, hindi ko namamalayan na nagiging ibang tao na ako at bumalik din sa akin yung nabuong galit ko sa pamilya ko, pakiramdam ko kasi ito ang ugat kung bakit hindi ako kayang mahalin ng ibang tao.

Hindi ko alam ang gagawin ko noon, kahit na may pera na ako nun ay napakalaki pa din ng kulang sa buhay ko, tinulungan ako ng mga kaibigan ko na maiayos ang pananaw ko sa buhay at pinilit ko na maging maayos para maisakatuparan ang mga plano ko. Ayokong malulong sa mga bisyo dahil sa hindi ako namulat sa ganung mga bagay at alam ko na ayaw ni Doc na maging ganun ang buhay ko. Naging masama ang ugali ko hindi dahil sa gusto ko lang, kundi dahil sa mga taong nagreject sa akin. Nung mga pagkakatong yun ay mas lalo kong naramdaman ang pagkawala ni Doc. Kung nandyan kasi sya ay hindi ako magiging ganun dahil ayaw ni Doc na maging ganun ako, pero nangyari na ang mga nangyari at alam ko nung mga panahong yun na merong kailangang magbayad sa kalungkutan na nararamdaman ko.

 

 

Itutuloy…………..

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...