Miyerkules, Pebrero 21, 2024

Kababata (Part 1) Ala-ala ng Kabataan 1

 


Kababata (Part 1)

Ala-ala ng Kabataan 1

 

John Mark

Nasa harapan ako ng maliit na salamin namin na nakasabit sa dinging, nagsusuklay ako at tinitingnan ang sarili kung mayos na ang itsura ko. Ngayong araw ang alis namin papupuntang Maynila para mag-aral. College na ako at gusto kong kumuha ng Medecine. Pangarap kong maging Doctor kahit na noong bata pa ako, pero hindi ako sigurado kung papayagan ako ng aking sponsor na mag-doctor. Depende pa iyon sa kanya.

Ako nga pala si John Mark o JM sa mga kaibigan ko, pero Mark ang tawag sa akin nina Mama. 17 years old na ako, moreno at may katangkaran din naman dahil nasa 5’10 na ang height ko. Dito kami nakatira sa isang isla sa dulong Norte, malayo sa Maynila, pero maipagmamalaki ko naman dahil sobrang ganda at tahimik. Sa pangingisda namin kinukuha ang aming kabuhayan. Ayaw ko sanang iwan ang aming isla kung saan ako lumaki at kung saan naroon lahat ng aking ala-ala, maganda man o pangit.

May kapatid ang aking ina na nakapag-asawa ng mayamang taga Maynila, pero hindi biniyayaan ng anak. Matagal na talaga akong gustong ampunin ng aking tiyahin na si Tiya Rosy, pero ayoko, hindi ko gustong mawalay sa aking mga magulang dahil sa mahal na mahal ko sila. Nitong nakaraang buwan lang ay nabalitaan namin na pumanaw na ang asawa ni Tiya Rosy dahil sa atake sa puso.

Nalaman ni Tita Rosy na nag-graduate na ako sa Senior high school at nag-alok ito na papag-aaralin ako sa Maynila at doon ako titira para may makasama daw siya sa bahay. Sa kagustuhan kong makatapos ng kahit anong kurso at sa pangarap kong maiahon sa kahirapan ang aking mga magulang ay walang pag-atubili akong pumayag. Ngayon nga ang araw ng aming alis.

“Maaaarkk! Hinihintay ka na ng Tatay mo, handa ka ba ba?” malakas na tawag sa akin ng aking Nanay.

“Bababa na po ‘Nay!” Tugon ko.

Parang ayaw kong magpaalam kay Nanay, parang hindi pa ako handa na mawalay sa kanila. Buong buhay ko kasi ay hindi man lang ako nawalay sa kanila. Excited ako dahil sa makararating ako ng Maynila, pero mas may lungkot rin dahil iiwan ko sila at malamang na matagalan bago ako makabalik.

Bumaba na ako, sinalubong ako kaagad ni Nanay at inayos ang kwelyo ng aking polo at pati ang aking buhok.

“Anak, mag-aral kang mabuti doon ha! Magpapakabait ka at umiwas sa mga bisyo. Balita ko ay maraming gumagamit ng bawal na gamot doon, iiwas ka sa mga ganong bagay ha! Palagi kang magdasal, sundin mo ang tiya mo ha. Basta magpakabait ka,” paalala ng aking Nanay.

“Kuya, pagbalik mo ay pasalubungan mo ako ng maraming candy at laruan ha,” bilin ng bunso kong kapatid, 7 years old lang siya.

“Kuya, baka pagbalik mo rito ay may asawa ka na ha,” wika ng kapatid kong si Christine na siyang sumunod sa akin, 12 years old pa lang siya at first year pa lang sa high school.

Pinipilit kong huwag tumulo ang aking luha, pero hindi ko na talaga napigilan pa, niyakap ko na lang sila ng mahigpit, lahat kami ay humihikbi.

“Tama na yan anak, baka maiwan tayo ng barko sa pier. Tayo na at malayo-layo rin ang pier,” sigaw ni Tatay.

Nasa labas na pala ng bahay namin ang aming sasakyan, nakisabay kami sa kumpare ni Tatay na maghahatid din sa pier. Natuwa ako dahil sa may makakasabay ako sa byahe dahil unang beses pa lang akong bibiyahe.

-----o0o-----

Pag-sakay namin sa barko ay hiwa-hiwalay naman ang aming pwesto. Tinandaan ko na lang ang lugar ng aking kababayan. Hapon na ng makaalis ang barko. Mahaba pa ang aming lalakbayan kaya nahiga muna ako. Sa aking pag-iisa ay hindi ko maalis sa aking isipan ang aking kabataan. Marami akong alala noong aking kabataan. Parang kailan lang, naglalaro pa ako ng hubo at hubad at lumalangoy sa dagat.

-----o0o-----

Madalas ako sa dalampasigan, inaabangan namin ni Nanay ang pagdaong ng bangka ni Tatay para salubungin sila. Mangigisda kasi si Tatay. Dalangin namin ay maraming huli si Tatay para marami kaming maibenta sa palengke. Habang hinihintay ay naglalaro muna ako.

“Mark, huwag kang lalayo ha, darating na ang tatay mo!” paalala ni Nanay.

Hindi naman talaga ako lumalayo, hinahanap ko lang ang aking kababata, si Jonas. Kalaro ko siya at palagi kaming lumalangoy sa dagat ng hubo at hubad. Maliit pa kami, maliit pa rin ang pototoy, pareho lang kaming apat na taon at hindi pa nag-aaral.

Kapag-nasa dagat ay madalas naming paglaruan ang maliliit na alimasag na hinuhuli namin sa buhanginan, madalas ay nahuhuli namin iyon sa maliliit na butas sa buhangin. Kapag nagsawa na ay ang paghahabulan naman sa dagat ang aming ginagawa. Ihahagis lang namin ang aming t-shirt sa pangpang at sige na kami ng langoy, ang tawag sa amin ng mga tao roon ay mumuniting sireno.

Parehong mangingisda ang tatay ko at tatay ni Jonas at magkaibigan pa silang matalik. Kwento nga ay hindi sila mapaghiwalay noong bata pa sila.

“Jonas, sasama ka ba sa inay mo sa pagtitinda sa palengke?”

“Oo JM, ikaw ba. Sama ka rin sa nanay mo para doon tayo maglaro.”

“Sige Jonas, magkita na lang tayo roon ha, babalik na ako ke Nanay, nakita ko na kasi ang bangka ni Tatay, malapit na siya.”

Tumakbo na ako at masayang sinalubong si Tatay. Si Tatay, kahit pagod na pagod sa magdamag na pangingisda ay tuwang tuwa na nakikita akong sumasalubong sa kanya, ako pa lang kasi ang anak nila noon, wala pa sina Dodong at Tintin. Kaagad nito akong kakargahin at hahalikan sa pisngi.

“Tay, marami ka bang huli. Makabibili ba ako ng maraming lollipop?” masaya kong bati kay Tatay.

“Bibilhin nating lahat ang tindang lollipop sa palengke hehehe. Ang itim-itim mo na anak, lumangoy ka na naman ano?”

“Opo Tay, kalaro ko po si Jonas.”

Madami ngang huli si Tatay, iba-ibang klaseng isda, pero ang pinaka-paborito ko sa nahuhuli niya ay ang matang baka. Masarap iyon. Masarap magluto si Nanay ng paksiw. Kung minsan ay piniprito na lang iyon ni Nanay para ulamin namin.

Tulong si Nanay at tatay sa pagbubuhat ng maliit na banyera at isasakay na kaagad sa tricycle para dalhin na sa palengke. Doon na lang niya pipiliin at ayusin ang mga isda. Pinipili rin ni Nanay ang magagandang isda para naman sa aming pang-ulam.

Syempre kasama ako ni Nanay, usapan kasi namin ni Jonas na magkikita. Nauna na pala siya doon at pagbaba pa lang namin ay sinalubong na ako nito.

“Ayun! Kaya gusto mong sumama ay maglalaro ka lang, akala ko ba ay tutulungan mo ako dito.”

“Nay, maliit pa ang kamay ko, mahirap humawak ng isda, dumudulas. Nay, laro lang kami dito,” paalam ko kay nanay na hinayaan na lang ako.

“Marami bang huli ang tatay mo JM?” tanong sa akin ni Jonas.

“Oo, isang banyera din Jonas. Sigurado, ibibili ako ni Nanay ng paborito kong candy at tsokolate. Hayaan mo at bibigyan kita pag-nagkita uli tayo.”

“Promise ha!”

“Oo naman Syempre, bestfriend kita eh,” sagot ko naman.

“Halika sa banda roon JM, manghuli tayo ng salagubang.”

“Meron na ba non ngayon?”

“Meron na, may nakita na ako kangina eh.”

Kaming dalawa lang ang palaging magkalaro, para bang hindi kumpleto ang araw namin kapag hindi kami nagkikita at nakakapaglaro. Ang sarap kasi ng buhay namin noon, wala kaming iniintindi kundi ang maglaro.

-----o0o-----

Madaling naubos ang tindang isda ni Nanay. Gaya ng dati ay dadaan muna siya sa malaking tindahan doon at mamimili ng kung ano-anong kailangan sa bahay, kape, asukal, sabong panglaba, mantika, at bigas at tinapay. Hindi rin niya nakakalimutan na ibili ako ng gusto kong tinapay na pande coco, tsokolate na chocnut at lollipop. Tuwang tuwa ako at iki-kiss ko pa siya dahil sa tuwa. Mahal na mahal ako ni Nanay talaga.

Pagdating sa bahay ay magluluto naman siya ng aming tanghalian, si Tatay ay tulog pa dahil sa wala siyang tulog sa laot. Kahit gusto ko nang puntahan si Jonas sa bahay nila ay hindi naman ako papayagan, kumain daw muna ako.

Ang gagawin ko naman ay dudungaw ako sa bintana namin, baka kasi si Jonas naman ang siyang pumunta sa bahay namin, pero wala. Nalulungkot ako kapag ganoon. Panay ang buntong hininga ko.

“Ano ka ba naman Mark, panay na naman ang buntong hininga mo. Maligo ka kaya muna,” wika sa akin ni Nanay. Napansin kasi na naiinip ako kaya nagbubuntong hininga.

“Naligo na po ako sa dagat Nay.”

“Anong klaseng paligo iyon ay alat ang tubig sa dagat. Tingnan mo nga ang balat mo at nag-aasin-asin na. Hindi ka ba nahihiya niyan kay Jonas. Palaging bagong paligo at mabango,” sabi ni Nanay.

Tama si nanay, ang alat nga ng balat ko. Tumakbo ako ng poso at nagbomba ng aking pampaligo. Sinabon kong mabuti ang aking katawan, naghilod pa ako gamit ang batong panghilod. Natawa ako hehehe, ang dami ko na palang libag.

Pagkatapos ko ay nagbihis na rin ako kaagad. “Halika nga rito. Tingnan mo ang sarili mo, ang pogi-pogi mo na. Kahawig ka na ng tatay mo, pogi oh. Pa kiss naman diyan.”

Lumapit naman ako kay Nanay at pinupog ako ng halik sa pisngi, sa leeg sa ilong. Tuwang-tuwa sa akin.

“Pogi po ba ako talaga ako Nay? Kaya ba nagustuhan mo si Tatay ay dahil pogi si Tatay?”

“Pogi talaga ako, kaya nga pinikot na ako ng Nanay mo eh, kasi may nililigwan akong iba,” sabi ni Tatay na nasa likod na pala namin.”

“Neknek mo, Itinanan mo nga ako bigla eh, kasi natakot ka dahil sa may nanliligaw sa aking mayaman, natakot kang iyon ang piliin ko,” sabi naman ni Nanay.

“Ano po ba ang pikot at tanan Nay? Tay?” kunot ang noo kong tanong sa kanila.

“Huwag mo nang intindihin iyon anak, nagbibiruan lang kami ng Tatay mo. Ramon, ikaw bay kakain na o maliligo muna?”

“Maliligo muna ako, kelangan ay mabango muna ako. Halika at sabay na tayo, ang lansa ng amoy mo. Tara na at sundan na natin itong si Mark, ang laki-laki na nito o, binata na e wala pang kapatid.”

Ewan ko kung anong nangyari kay Nanay, para bang yung mga babae sa palengke, ang aalembong, ang kiri hihihi.

“Hoy Ramon, huwag ka ngang magsalita ng ganyan sa harap ng anak mo!”

“Asus… binata na ang anak mo, hehehe. Naintindihan mo na iyon anak di ba?”

“Ang alin po?”

“Wala anak, joke lang naman. Gusto mo ba ay may kapatid?”

“Opo tay, yung marami, para may kalaro na akong iba.”

“Sige anak, bibigyan ka namin ng kapatid, marami hehehe.”

-----o0o-----

Nagmamadali ako sa pagkain, gusto ko na kasing maglaro, baka hinihintay na ako ni Jonas. Natagalan pa kasi ang pagkain namin dahil sa nagharutan pa sina Nanay at Tatay sa pagpaligo, ginutom tuloy ako..

“Anak, Mark, dahan-dahan sa pag-subo, baka mabulunan ka,” wika ni Nanay.

“JM! JM!” sigaw sa pangalan ko buhat sa labas.

“Si Jonas na iyon.” Lalo kong binilisan ang pagsubo, sinaway naman ako ni Tatay.

“Anak, papasukin mo muna, huwag kang magmadali, pakainin mo na muna at baka gutom pa,” ani Tatay.

Tumalima naman ako kaagad. “Jonas halika muna sa loob, bukas ang pinto, kumakain pa kami. Kain ka raw muna sabi ni Tatay at Nanay,” wika ko na nakadungaw sa bintana.

Nakita ko namang pumasok na si Jonas sa aming bakuran, tuloy-tuloy na ito sa loob at direcho sa lamesa at dumulog na sa pagkain. Binigyan naman siya ni Nanay ng pinggan.

“Hindi pa ba kayo kumakain?”

“Kumain na po, pero naamoy ko sa labas ang ulam ninyo, amoy masarap hihihi,” nakangiti si Jonas habang nagsasalita. Napangiti rin si Nanay dahil sa papuring nabanggit ni Jonas.

-----o0o-----

Pagkakain ay hindi muna kami pinayagan ni Nanay ng maglaro sa labas, kaka-kain lang daw namin at konting pahinga muna, baka daw lumaki ang binti namin dahil doon mapupunta lahat ng aming kinain. Syempre naniwala naman kami.

May kinuha ako sa bulsa, yung chocnut, binigyan ko si Jonas ng isa, (malaki pa ang chocknut noon hindi gaya ngayon). “Dito na natin kainin, para hindi sila humingi hihihi.” Nagtawanan kami at nag apir. Binigyan ko rin siya ng isang lollopop. Nang maubos ay bumaba na kami.

Naabutan namin ang iba naming kalaro na naglalaro ng tumbang preso, yung may lata sa gitna at patutumbahin gamit ang tsinelas at habang nakatayo ang lata ay kailangam may mahabol ng taya ang kahit na sino sa kalaro para siya namang ang maging taya. Basta iyon yun hehehe.

Syempre, ang bagong sali ay siya munang taya, pero dalawa kami, si Jonas na lang daw ang tataya.

Hindi ko talaga pinatatamaan ang lata para hindi matumba, para makahuli ng bagong taya si Jonas.

“Hoy JM, parang ang lalim-lalim ng iniisip mo. May gumugulo ba sa isipan mo? Naaalala mo ba kaagad ang magulang at mga kapatid mo ha?”

Nagulantang ako sa aking pagmumuni muni ng may kumausap sa akin. Yung mga kababayan ko na kasabay ko kangina sa jeep. Hindi ko napansin nang lumapit sa akin.

“Hindi ka pa ba nagugutom, kami ay kakain na, alas-otso na kaya.”

“Hala, nalimutan ko na ang oras, wala naman kasi akong relo. Aba, kayo ba’y nakakain na. May baon naman ako, ipinagbalot ako ni Nanay.”

“Abay hindi pa nga. Ay hale, sabay sabay na tayo, doon na lang tayo kumain sa lugar namin para sabay sabay tayo.

 

 

Itutuloy…………

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...