Biyernes, Pebrero 23, 2024

Kababata (Part 2) - Alaala ng Kabataan 2

 


Kababata (Part 2)

Alaala ng Kabataan 2

 

John Mark

Kasalakuyan akong naglalayag sakay ng isang barko patungong Maynila upang tuparin ang aking pangarap. Nagpapasalamat ako at may nagmagandang loob sa akin at sa aming pamilya para tuparin ang napakatayog kong pangarap. Sana lang ay maisakatuparan ko iyon sa takdang panahon.

Sa akin paglalayag, ay hindi ko maiwasan ang isipin ang mga naiwan ko sa aming isla, ang aking mga magulang at dalawang kapatid na siguro ay umaasa rin at nananalangin na matupad ko ang aking misyon.

Hindi rin maalis sa aking isipan ang alaala ng aking kabataan, ang aking mga kalaro, ang aking pakikibaka sa aking paglaki. Isa sa hinding-hindi ko talaga makakalimutan ay si Jonas, ang aking kababata, ang aking bestfriend, ang aking kalaro at kasama-sama sa araw-araw. Kung baga ay sanggang dikit kami, kung nasaan siya ay naroon ako, magkakampi, hindi nagiiwanan kahit sa away.

Opo, bata pa man kami, apat, papuntang limang taon ay napapa-away na kami, away bata lang naman, pero nagkakasakitan pa rin. Wala kaming inaatrasang away, kahit marami pa sila. Karaniwan ay nagkakaroon din kami ng pasa sa katawan. Pero bale wala lang sa amin, basta dapat ay ipagtanggol namin ang isa-at isa.

Minsan ay para din naman kaming matanda kung mag-isip, nagiging seryoso din kami. Naisipan naming mamayabas isang hapon at doon ay napag-usapan namin ang mga bagay-bagay pag-laki namin.

“JM, anong gusto mo paglaki mo,” tanong ni Jonas.

“Ako, gusto ko maging isang doctor, para kapag nagkasakit sina Tatay at Nanay ay ako ang gagamot sa kanila. Saka gusto ko na ibili si Tatay ng malaking-malaking bangka, para kapag marami siyang nahuling isda ay malaki ang paglalagyan niya,” wika ko na namimilog ang mata at ang nguso. “Ikaw ba?”

“Alam mo JM, para kasing ang hirap ng mangarap, kasi anak lang tayo ng mahirap. Gustohin man natin na makatulong sa magulang ay parang ang hirap. Kung mayaman lang sana tayo ay walang problema.”

“Naku Jonas, libre naman ang mangarap, walang bayad kaya tinatayugan ko na. Malay naman natin, baka swertehin ang parents natin.”

“Sana nga. Siguro, paglaki natin, magiging mangingisda din tayo, sunog ang balat sa araw at amoy malansa gaya ng tatay natin.”

“Eh bakit ba kaagad mong iniisip ang ganon. Malay mo naman, may nakatadhana na para sa atin, maghintay lang tayo. Pero tayo, pangarap ko sa atin ay hindi tayo magkakalayo, mananatili tayong mag bestfriend forever,” sabi ko.

“Oo naman, walang makapag-hihiwalay sa atin. Mangako tayo, walang iwanan, palagi tayong magtutulungan. Kung sakaling maging mayaman ako, hindi kita kalilimutan, promise ko iyan sa iyo,” sabi ni Jonas.

“Promise ko rin sa iyo, ikaw lang ang magiging bestfriend ko, wala nang iba. Walang iwanan ha. Sakali mang kailangan nating magkalayo, baka kasi paglaki natin ay makapagtrabaho tayo sa malayo ay wala ring limutan, Mangako tayo na hindi natin kalilimutan ang bawat isa,” sabi ko.

Nag-pinky promise pa kaming dalawa at nagyakapan. Hinubad ko ang aking kwintas na binigay sa akin ng aking lolo na namatay na. Isa iyong ngipin ng malaking buwaya na napatay nila. Isa raw iyong anting-anting na maglalayo sa akin sa kapahamakan kahit na saan ako magpunta.

“Jonas, para talagang hindi mo ako makalimutan, saan ka man mapadpad, ibibigay ko sa iyo itong aking kwintas. Anting-anting ito ng aking lolo na ipinamana sa akin. Kapag suot daw ito ay maililigtas sa kapahamakan ang may suot nito. Sa iyo na ito at sana huwag mong huhubarin,” wika ko sabay suot sa kanyang leeg.

“Salamat JM,” wika ni Jonas na hawak-hawak ang palawit na ngipin ng buwaya.

“JM, ito lang ang maibibigay ko sa iyo, para naman hindi mo rin ako makalimutan,” sabi ni Jonas.

Hinubad niya ang isang pulseras na palagi rin niyang suot sa kanyang kamay. Ang pulseras na iyon ay gawa sa kung anong buto na may kulay pula at itim.

“Sabi ng Inay ko, ang pulseras daw ito ay magtataboy sa kung ano mang sakit ang pwedeng dumapo sa may suot nito. Hindi mo ba napapansin na hindi ako nagkakasakit?”

“Oo nga Jonas, pansin ko rin iyon. Maraming salamat ha. Basta mag-iingat pa rin tayo at huwag kalilimutan ang ating sumpaan. Halika, mamitas pa tayo ng bayabas at iuwi natin. Baka magsigang si Nanay bukas. Masarap na ulam ang isdang sinigang sa bayabas.” Sabi ko.

Matapos makapamitas ng maraming bayabas ay naglakad na kami pauwi, palubog na rin kasi ang araw at baka hinahanap na kami ng mga magulang namin. Magkaakbay pa kami na naglalakad at masayang umaawit ng kanta ng Ereaserhead yung may lyrics na “Oh Diyos ko, ano ba naman ito? Di ba tut tut-tut….”

-----o0o-----

Ang sarap talaga ng buhay ng mga bata, walang inaalalang problema pero may mga pangarap sa buhay. Kung pwede lang na hindi na tumanda.

Ganon kami ni Jonas sa araw-araw, laro sa dagat, laro sa palengke, mamitas ng kung ano-anong prutas, manghuli ng salagubang at makipaglaro sa mga kapwa namin bata. Masisigla kami noon dahil sa larong karsada ang nilalaro namin, hindi tulad sa kasalukuyang panahon na puro cellphone, computer, gadget ang hawak ng mga kabataan.

Sino pa bang mga bata ngayon ang naglalaro ng patintero, ng luksong baka, ng taguan, ng habul-habulan na ang mahuli ay taya. Marami kaming laro kaya ang mga bata noon ay masisigla.

Pero ang buhay ay sadyang mahiwaga. Hindi alam kung anong darating sa kinabukasan, tulad ng nangyari sa pamilya nina Jonas.

Nagtungo ang inay at itay niya sa katabing bayan isinama nila si Jonas, sakay sila ng habal-habal. Sa kasawiang palad, habang mabilis na tumatakbo ang sinakyang nilang habal-habal sa mataas na bahagi ng daan at pag-liko ay may isang kotse namang paparating. Sa Pag-iwas ng driver na mabangga ay sa bangin naman sila tumilapon. Patay kaagad ang driver at ang magulang ni Jonas. Sa kabutihang palad ay ligtas si Jonas, walang malaking pinsala itong natamo maliban lang sa konting galos sa binti at braso. Himalang nakaligtas siya.

“Yung kotse naman na nakasalubong nila ay hindi sila pinabayaan. Kaagad na tumawag ng saklolo. Kaagad namang nai-ahon ang mga naaksidente.

Sa Lamay ay naroon ang mag-asawang muntik nang makabanggaan ng habal-habal at sila ang gumastos sa pagpapalibig sa magulang ni Jonas.

Pumunta kami sa bahay nina Jonas para makidalamhati at makiramay. Kaagad kong niyakap ang umiiyak na si Jonas.

“JM, paano na ako ngayon, nag-iisa na ako, wala na akong inay at itay.”

Maging ako at sina Tatay ay napaiyak na rin, awang-awa sa umiiyak kong kababata.

“Hindi Jonas, narito kami nina Nanay at Tatay. Sa amin ka muna titira,” sabi ko na nakatingin sa aking magulang, pulang-pula ang mga mata at patuloy na umaagos ang luha.

Tumango naman si Tatay at niyakap si Jonas. “Oo anak, sa amin ka muna, kaibigan kong matalik ang iyong ama, magkatulong kami sa pangingisda, kaya marapat lang na kupkupin ka na namin.” Wika ni Tatay.

“Ituturing ka naming tunay na anak. Magkaibigan kayong matalik ng aking anak at hindi ka namin pababayaan.”

Sa aming pag-uusap ay sumabat ang isang parang mag-asawa, ang sabi ay sila ang muntik ng mabangga ng sinakyang habal-habal nina Jonas.

“Mawalang galang na po sa inyo. Siguro ay kayo ang pwede naming kausapin tungkol sa batang naulila. Wala raw kasi itong ibang kamag-anak dito,” wika ng lalaki.

“Tungkol po saan ang gusto ninyong pag-usapan natin?” tanong ni Tatay.

Pinalayo muna niya ako at usapang matanda raw ito. Hindi ko na alam kung ano pa ang pinag-usapan nila. Pagkatapos ay tinawag nila si Jonas. Matapos ang pag-uusap ay nakita kong umiiyak na naman si Jonas. Nilapitan ko siya at nagtanong ako.

“Doon tayo mag-usap sa loob JM.” Aya niya sa akin. Nagpaalam ako kina Tatay at tumango naman sila tanda ng pag-sang-ayon. Sila raw muna ang bahala sa burol.

“Ano ang pinag-usapan ninyo?” tanong ko kaagad.

Tumitig muna siya sa akin ng makahulugan, tumulo uli ang luha sa mga mata. “JM, gusto nila akong ampunin, isasama daw ako sa Maynila para sa kanila na tumira. Papag-aaralin daw ako at aalagaan na parang tunay nilang anak. Wala daw silang anak at gusto daw nila talagang mag-ampon na,” kwento ni Jonas.

“Anong isinagot mo?”

“Wala pa, hindi ko pa alam ang isasagot. Tinanong ko naman sina Tita, ang sabi nila ay ako daw dapat ang magpasya, buhay at kinabukasan ko daw ang nakataya at ayaw nilang manghimasok.”

“Ganon ba. Ikaw, sa palagay mo, ano ang magiging desisyon mo?”

“Hindi ko pa alam JM, naguguluhan ako. Naiisip kasi kita, hindi ba may pangako tayo na walang iwanan?”

“Huwag mo muna akong isipin Jonas, ang sarili mo lang muna. Ako may mga magulang pa, ikaw wala na, kaya unahin mo ang sarili mo. Mukha namang mabait yung mag-asawa at mayaman pa siguro, nakita mo, nakarating dito na dala ang kotse nila. Ibig sabihin, nakasakay din sa barko ang sasakyan nila.”

“Pero papano ang promise natin.”

“May pangalawa pa naman tayong promise ah. ‘Di ba, napag-usapan natin na kapag nagkalayo tayo huwag tayong maglilimutan? Basta ba hindi mo ako kalilimutan ay okay na iyon.”

“Ayaw mo na ba akong makasama?”

“Hindi sa ganon Jonas, ayaw ko ring may maiiwan sa ating dalawa. Kaya lang ay ang bukas mo ang mahalaga sa aking ngayon. Dapat siguro ay magpasya ka na kung ano ang gugustuhin mo.”

“Pagkalibing na lang nina Inay at Itay. JM, marami nga palang salamat dito sa kwintas mo, siguro kung hindi mo ito ibinigay sa akin at hindi ko suot. Marahil pati ako ay wala na rin, baka nasawi din ako sa aksidente. Salamat ha.”

“Walang anoman Jonas, kaya huwag mong tatanggaalin sa katawan mo iyan ha, palagi mong isusuot. Pangalawang buhay mo na iyan, kaya ingat ka palagi.”

“Oo JM.”

“Tahan na, huwag ka nang umiyak, namumugto na ang mga mata mo.”

-----o0o-----

Pagkalibing ng magulang ni Jonas ay ipinatawag sina Nanay at Tatay sa aming Barangay. Tungkol daw iyon kay Jonas at sa gustong mag-ampon rito. Sumama ako para malaman kung ano at bakit ipinatawag pa sina Tatay at Nanay.

Pagdating namin doon ay naroon na si Jonas at ang mag-aswang gustong umampon sa kanya. Hinihintay na lang nila ang aming kapitan para mag-usap. Habang hinihintay ay inaya muna ako ni Jonas na lumabas para mag-usap. Nagpaalam din kami kina Nanay at sa mag-asawa.

“May pasya ka na ba kaya pinatawag ni kapitan sina Nanay?”

“Oo JM. Sasama na ako sa kanila. Naisip ko na malaki pa akong pasanin ng nanay at tatay mo kung sa inyo pa ako titira. Ayokong maging pabigat sa magulang mo,” wika ni Jonas.

“Hindi ka naman magiging pabigat. Tutulong tayo sa kanila, magtitinda tayo sa palengke, maglilinis ng bahay. Basta tutulong tayo sa kanila.”

“Kahit na pa. Syempre mag-aaral tayo, gusto ko rin naman na makapagtapos kahit na high school lang para hindi naman ako maging tanga pag-laki ko. Malaking gastos din iyon.”

“Magtatrabaho tayo.”

“Anong trabaho naman ang alam natin, mga bata pa tayo.”

Hindi na ako kumibo dahil sa nararamdaman ko na buo na ang pasya ni Jonas. Nakapag-pasya na siya at hindi na mababago iyon sa pakiusap ko. Tama rin naman ang rason niya.

“Basta Jonas, huwag mo akong kalilimutan ha. Habang suot mo iyan ay maaalala mo ako. Gayon din ito, kapag nasa bisig ko ito ay ikaw palagi ang maaalala ko.”

“Promise, hindi kita kalilimutan.”

Muli ay nag-pinky promise na naman kami.

Pinatawag na siya dahil naroon na raw ang kapitan namin.

May pinapairmahan lang papel kina Nanay at Tatay si Kapitan, pati na rin sa mag-asawang aampon. Hindi ko na inalam kung ano pa ang laman noon, hindi na kasi ako pinapasok pa sa loob dahil sa bawal daw ang bata.

“Kelan daw ang alis ninyo,” tanong ko.

“Bukas na daw eh. Pinaghahanda na nga ako ng mga dadalhin ko.Huwag na daw akong kadala ng maraming gamit dahil sa ibibili na lang daw nila ako pagdating sa Maynila.”

“Ganon ba? Agad-agad naman.”

“Oo nga eh. Samahan mo muna ako sa bahay. Doon ka na muna matulog para makapag-usap pa tayo ng mahaba-haba,” aya ni Jonas.

“Sige, magpapaalam ako kina Tatay,” sang-ayon ko.

“Sige anak, samahan mo muna si Jonas. Hayaan mong mag-usap kayo ng mahaba-haba, pero doon muna tayo sa bahay para makapag-hapunan muna kayo,” wika ni Tatay na nadinig pala ang pinag-uusapan namin kasama ang mag-asawa.

“Bukas, maaga ka naming susunduin Jonas ha, dapat ay naka-ready ka na pagsundo namin sa iyo,” sabi ng babae.

-----o0o-----

Sa bahay nina Jonas ay sinabi ko na wala nang iyakan, na dapat ay masaya kami pareho dahil sa may maganda na siyang kinabukasan. Lahat nang aming pinagkwentuhan ay ang mga masasayang araw namin habang naliligo sa dagat, nanghuhuli ng maliit na alimasag, ang pamamayabas at ang paglalaro kasama ang ibang bata.

Tawanan kami ng tawanan habang nagkukuwentuhah, parang walang aalis, parang walang maiiwan.

Tinulungan ko siyang mag-empake, binigyan kasi siya ng aampon sa kanya ng paglalagayan ng mga dadalhin niya.

Kokonti naman ang damit niya at karamihan ay luma pa, kaya namili naman kami ng bago-bago pa at maayos. Wala pa naman kaming sapatos pareho, kaya ibinigay ko na lang sa kanya ang bago kong tsinelas na de kipit, kasi ang tsinelas niya ay may perdible na sa ilalim, nagkatawanan nga kami eh.

Yung larawan ng kanyang mga magulang ay kanya ring dinala, iyon na lang daw ang natitirang alaala niya sa kanyang magulang. Bago kami natulog ay nagbilin siya sa akin.

“JM, mangako ka uli sa akin, yung puntod nina Tatay at Nanay, sana iyong lilinisan. Kapag undas, sana ay dalawin mo rin at alayan ng kandila at bulaklak para sa akin, kasi baka matagalan na ako bago makabalik sa ating isla.”

“Huwag kang mag-alala Jonas. Hindi ko kaliligtaan iyon. Malapit lang naman ang puntod ng nanay at tatay mo sa puntod ng lolo ko eh, siguradong malilinis at madadalaw ko iyon, promise, cross my heart.”

“Salamat talaga JM. Isa pa, ipinagbilin ko na rin ito sa Nanay mo, itong aming dampa, sana ay maalagaan din, kasi, sakaling makauwi ako dito ay may matutuluyan pa rin ako. Marami akong alaala sa bahay na ito.”

“Makaka-asa ka Jonas, lahat ng bilin mo ay hindi ko kalilimutan. Mag-ingat ka roon ha. Matulog na tayo at gigising ka pa ng maaga.”

Maaga kaming gumising ni Jonas kinabukasan. Dinalhan kami ni Nanay ng almusal dahil sa wala naman kaming kakainin dito. Handa na siya bago pa man dumating ang sundo niya. Nang makita ko ang kotseng paparating ay palihim na akong umalis, hindi na ako nagpakita pa kay Jonas. Alam kong hinahanap niya ako, pero hindi ako nagpakita. Naroon lang naman ako sa hindi kalayuan, sinisilip ko siya. Nang hindi na talaga ako makita ay yumakap na lang siya kay Nanay at alam kong may sinabi siya rito.

Malayo na ang sasakyan ng bumalik ako, hindi na halos kita pa ang sasakyan nila.

“Babay Jonas, huwag mo akong kalilimutan, magpakabait ka diyan babay!” Sigaw ko sa pag-aakalang madididnig pa niya ang sinasabi ko, iyak ako ng iyak. Hanggang sa pagdating sa bahay ay hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak.

Inalo naman ako ni Nanay at sinabing magkikita pa kami. Naniwala naman ako sa sinabing iyon ni Nanay.

 

 

Itutuloy…………

1 komento:

  1. Magjajakol sana ako pero wag na lang pala. Tulo ang luha ko eh.

    TumugonBurahin

Sa Babuyan at Manukan (Part 13)

  Sa Babuyan at Manukan (Part 13)   Kuya Zaldy’s POV Hindi ako dalawin ng antok, naisip ko si Mikel. Ngayon lang parang luminaw ang ak...