Huwebes, Abril 3, 2025

Kababata (Part 15) Pag-amin ni Jonas

 


Kababata (Part 15)

Pag-amin ni Jonas


Narito po ang pagpapatuloy ng kwento nina JM at Jonas. Nakaligtaan ko lang i-post dahil akal ko ay na post ko na.  Salamat po. 

Jonas

Masayang-masaya kami ni Simon sa aming bakasyon sa isla nina JM. Naranasan naming mamuhay sa islang iyon na malayo sa kabihasnan, malayong-malayo sa buhay sa lungsod. Napakagandang experience iyon para sa amin ni Simon.

Nakaranas kaming mamingwit, ganon pala ang mamingwit, ang pain ay bulate. Tilapya, ayungin at biya ang karaniwang nahuhuli, tabang kasi ang ilog.

Isinama rin kami sa dagat ng Tatay ni JM, may motor at katig naman ang bangka kaya kahit na maliit ay hindi iyon magalaw. Hindi naman kami umabot sa laot kung saan sila nangingisda, ipinasyal lang talaga kami.

Ang pinaka-nasiyahan ako ay doon sa dalampasigan, nakikipaglaro sa mga bata at nakikipag-unahan sa panghuhuli ng maliliit na alimasag. Hindi ko talaga makakalimutan ang sayang dulot niyon sa akin, parang nagbalik ako sa pagkabata. Kaya ng papaalis na kami para bumalik na ng Maynila ay nalungkot ako, parang hindi ko na gustong bumalik pa ng Maynila at dito na lang manirahan. Pero hindi naman pwede dahil sa nag-aaral pa kami at naghihintay ang aking mga magulang sa akin.

Isang araw bago kami umuwi ay sinamahan ko pa si JM sa sementeryo, magpapalam daw muna siya sa magulang ni Jonas dahil sa matagal-tagal din niya iyong hindi nadalaw at nalinisan. Pangako daw niya iyon kay Jonas na palaging dadalawin at lilinisan na ginawa naman niya noon. Sa ngayon ay sa kapatid na lang daw niyang si Tintin ibinilin ang paglilinis sa puntod na iyon.

“’Nay, ’Tay, hindi ko pa po nakikita si Jonas, pero hindi po ako titigil hangga’t hindi ko siya nahahanap. Sa ngayon po ay busy pa po ako sa aking pag-aaral, pero nangangako po ulit ako sa inyo na hahanapin ko siya. Paalis na po kami bukas, huwag po kayong mag-alala, palagay ko po ay nasa mabuting kalagayan si Jonas, ramdam ko po iyon at sa palagay ko ay malapit lang siya sa tinitirhan ko sa Maynila,” wika ni JM na nangako uli sa magulang ni Jonas.

Ewan ko kung bakit nakaramdam ako ng lungkot para kay Jonas. Nagtatanong tuloy ako sa aking sarili kung bakit hindi man lang nito nadalaw ang puntod ng magulang. Maiintindihan ko pa noong bata pa siya, pero sa ngayon siguro ay nasa hustong gulang na ito.

Sa isiping iyon ay biglang humangin ng malakas, nangilabot ako. Nagkatinginan kaming tatlo nina Simon. “Naramdaman ninyo iyon?” tanong ko sa kanila.

Tango lang pareho ang isinagot ng dalawa. Nagsisiguro lang naman ako na hindi lang ako ang nakaramdam, kasi kung ako lang ay baka minumulto na ako. Hindi naman ako takot, dahil naniniwala naman ako na walang multo, noon iyon, hindi na ngayon. Kasi, sa bahay nina Jonas ay talagang nakaramdam ako ng malamig na hangin at yakap. Kinasasabikan ko nga ang ganong yakap, punong-puno ng pagmamahal.

Ihinatid uli kami ni Tatay Ramon sa pier, kasama rin si Edwin na naging mabuti na rin naming kaibigan.

“Edwin, basta, pag nagbago na ang isip mo at gusto mong magtrabaho na sa Maynila, sabihan mo lang kami ni JM. Siguradong maihahanap ka namin doon ng trabaho at baka mapagpatuloy mo pa ang pag-aaral mo. Salamat ha. Basta pangako, ipapasyal kita sa unang araw mo sa Maynila,” pangako ko kay Edwin.

May luha ang mata ni JM na yumakap sa ama, pinasasakay na kasi ang mga pasahero sa barko. Naluha rin ako sa pagpapaalam kay Tatay Ramon at Edwin, maging si Simon ay palihim pang nagpahid ng kanyang luha. Biniro ko nga siya. “Nahihiya ka pang makitang umiiyak eh ang pula ng mata mo at panay ang pahid ng luha.”

Napangiti siya. “Eh naiiyak talaga ako eh. Mag-ingat po kayo Tatay. Pakisabi kay Nanay na mag-ingat din, mag text ako sa kanya. Ikaw rin Edwin, magingat ka rin ha. Kasi naman hindi ka pa sumabay sa amin, alam ko naman na mabibigyan ka ng trabaho doon ng parents ni Jonas at ng tiya ni JM,” wika ni Simon na panay ang pahid ng luha.

“Wala kasing makakatulong sina Tatay, maliliit pa kasi ang mga kapatid ko. Hayaan mo, pag-iisipan ko rin. Sige na, ingat din kayo ha,” wika ni Edwin na niyakap kaming tatlo, pere-pareho kaming tumutulo ang luha. Napakahirap talaga sa lahat ang magpaalam.

-----o0o-----

May isang buwan pa ang bakasyon namin, boring dahil ngayon lang walang pa-liga ng basketball ang aming baranggay. Palagi rin naman kaming naglalaro nina Simon at iba naming ka teammate, pero iba pa rin yung liga, iba ang pakiramdam kapag nananalo.

Naisipan kong puntahan si JM sa bahay nila, wala rin lang akong magawa. Nasa labas ng bahay si Nora at nagwawalis sa harapan. Nauna siyang bumati sa akin.

“Hello Jonas, saan ang punta mo?” bating tanong sa akin ni Nora.

“Diyan sa inyo, nariyan ba si JM?” tanong ko.

“Nariyan sa may garden, nagdidilig ng halaman, naroon din si Simon.”

Natigilan ako, nakaramdam na naman ako ng inis, nakakawala sa mood ang nadinig ko buhat kay Nora. “Kanina pa ba siya?” tanong ko.

“Sino si Simon? Hmm hindi pa naman, may kailangan ka ba. Pumasok ka na,” wika ni Nora.

“Nora, madalas ba si Simon na napunta rito?”

“Simula ng dumating kayo galing ng isla ay oo, halos araw-araw nga eh. Isang lingo pa lang naman. Kahapon umalis sila, nag-malling, hindi ka ba kasama?”

Umiling lang ako, parang sumama ng konti ang loob ko. Gusto ko nang magtampo kay JM, hindi na siguro ako ang bestfriend niya. Kailangan ko na sigurong umaksyon, baka nalalamangan na ako ni Simon. “Nora, pasok na ako ha?”

“Sige lang.”

Pumasok na ako at dumiretso na sa may garden. Nakita ko ang dalawa na nagkakatuwaan, ang saya-saya nila, parang gusto ko nang huwag magpakita, kaya lang ay huli na, nakita na ako ni JM.

“Jonas, halika, may kailangan ka ba sa akin? Tatapusin ko lang ang pagdidilig ko,” si JM, kinakawayan ako na lumapit sa kanila.

“Hoy kayo ha, may lakad na naman ba kayo, nagsasarili kayo ha!” wika ko na may koting parinig.

“Hala, ano kaya iyon. Wala, pauwi na nga siya eh, tinawagan ng ng Mama niya. Saan lakad mo?”

“Tol una na ako, JM, baka mapalo na ako, kanina pa kasi ako pinapauwi ni Mama, siguradong may ipapagawa na naman sa akin. Sige ha,” paalam ni Simon.

Pagkaalis ni Simon ay kaagad kong sinita si JM. “Saan kayo lumakad kahapon, hindi naman ako sinabihan.”

“Nagpasama lang sa akin si Simon, may pinabili lang ang Mama niya sa grocery, eh naiinip ako dito sa bahay, kaya sumama na ako. Sandali lang naman. Sinong nagsabi sa iyo na lumabas kami, si Nora ano? Ang babae talagang iyon. Ano nga palang sadya mo?”

Tapos nang magdilig si JM, inaya niya akong doon na lang sa gazebo mag-usap.

“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, may kailangan ka ba?”

“Wala, masama bang dalawin ka? Manliligaw, ano pa!”

“Grabe namang panliligaw iyan, alas singo pa lang ng hapon.”

“Si Simon nga eh tanghaling tapat, buti nga ako at hapon.”

“Jonas ha, sinasakyan ko lang ang biro mo, baka isipin mo ay seryoso iyon. Ano nga bang kailangan mo?”

“Manliligaw nga! Seryoso ako, gusto talaga kita. Nag-aalala kasi akong maunahan ni Simon. May pag-asa pa ba ako o kayo na ni Simon?”

Hindi ko akalain na masabi ko iyon. Matagal ko nang gustong sabihin iyon, pero wala akong lakas ng loob. Siguro ay dahil sa takot, takot na mawala siya sa akin at mapunta kay Simon.

“Tumigil ka nga Jonas, wala akong panahon na makipag-lokohan sa iyo.”

“Hindi naman ako nakikipaglokohan sa iyo ah. Totoo ang sinasabi ko, ngayon lang kasi ako nagkalakas ng loob ng magtapat sa iyo, pero matagal ko nang nararamdaman ito, simula pa nang una tayong magkakilala. Malapit na kasi ang loob ko sa iyo, akala ko kasi noon ay gusto lang kitang maging kaibigan, pero ewan ko ba, nahulog na ako sa iyo.”

“Gagi ka talaga, pareho lang tayong lalaki ah, hindi pwede.”

“Hindi pwede pag ako, kay Simon, pwede. Lalaki rin naman si Simon ah.”

“Walang gusto sa akin si Simon, ano ka ba?”

“Alam ko na, nililigawan ka niya, matagal ko nang alam, inamin niya sa akin.”

“Kung totoo man ang sinasabi mo, ang sagot ko ay wala kang aasahan, wala kayong aasahan sa akin. Gusto kong magkaroon ng sarililng pamilya, saka alam mo ba ang sinasabi mo? Sa palagay mo ba ay papayag ang mga magulang mo sakaling patulan kita? Jonas, tumigil ka nga, hindi mo ako mapa-prank.”

“Hindi ito prank, totoo ang feeling ko.”

“Ibig mo bang sabihin ay hindi totoo ang feeling mo kay Estella at kay Myla? Lalaki ka Jonas at babae ang dapat sa iyo. Wala ako ng gaya sa kanila haha! Para kang sira.”

“Hindi mo ako mapipigil, hindi ka maagaw sa akin ni Simon.”

“Walang Simon. Oo, aaminin ko na, nagtapat nga sa akin si Simon, pero pinagbawalan ko na siya, wala rin siyang mapapala sa akin, lalaki din ako ano?”

“Tumigil ba siya, kanina lang eh sweet na sweet kayo. Siguro, kung hindi ako dumating ay hindi pa siya aalis.”

“Ewan ko sa iyo.” – si JM nag-walk out at bubulong-bulong.

“Kung hindi ko kayo nakita ni Myla sa abandonadong building, baka maniwala pa ako. Wala ka pa ngang sagot tungkol sa panty eh.”

Napatigil ako, pero napangiti. Alam ko, may feelings din siya sa akin, nag-aalangan lang umamin dahil sa kalokohan ko. Paano kaya niya nalaman yung sa abandonadong building? Nakow….!

“Sandali, huwag mo akong iwan dito!” Hinabol ko siya, ang bilis ng lakad, padabog na isinara ang pinto.

“Anong nangyari? LQ na naman?” tanong ni Nora na nakita pala ang paginarte ni JM.

“Ang arte kasi ng alaga mo eh!”

“Maarte talaga iyon kapag sa iyo, alam ko naman ng gusto ka nun eh. Nung una kayong mag LQ, palaging malungkot, ikaw kasi. Hayun nakasingit si Simon. Ingat ka, baka talaga talunin ka nun!”

“Kanino ka ba kakampi? Sa akin o kay Simon?”

“Sa iyo syempre!”

“Sabihan mo ako ha, kapag napunta rito ang lalaking iyon.”

“Oo ba, basta ikaw. Basta ba i-shout out mo ako kapag nagla-live ka hehehe. Isali mo naman ako sa tiktok dance mo hehehe.”

“Oo ba, sige, gagawa tayo ng tiktok dance. Basta, yung usapan natin ha hehehe.”

-----o0o-----

John Mark

Ayihhhhhhhhhhhh! Nakakainis talaga itong si Jonas. Kinikilig tuloy ako. Shet. Ano ito, nababakla na yata ako.

Totoo kayang gusto niya ako? Kasi ako ay matagal na, akala ko ay gusto ko lang siya dahil sa kahawig siya ni Jonas na kababata ko, pero kahit pala hindi siya iyon ay gusto ko na rin. Selos na selos nga ako nung sila pa ni Estella, tapos nagkaroon pa ng Myla, at may nangyari sa kanila. Akala ko kasi ay wala siyang feeling sa akin eh. Buti na lang at hindi ko kaagad ibinaling kay Simon ang feelings ko haayyyyyy,

Makababa na nga, makapag-tsismisan na lang kay Nora hehehe.

Bumaba ako at nagdiretso sa kusina, nagkunawari akong iinom lang ng tubig. Alam kong naroon si Nora para magluto ng aming hapunan, siguradong tsitsika iyon hehehe.

“Hoy, maarte! Ano naman at nag-inarte ka kay Jonas?”

“Nora ha, huwag mo akong sinasabihan ng ganyan, isusumbong kita kay Tiya.”

“Magsumbong ka, isusumbong din kita na nililigawan ka ng dalawang gwapo.”

“Hoy! Tumigil ka nga! Anong nililigawan ang sinasabi mo riyan?”

“Totoo naman ah, bakit ka namutla. May LQ ba kayo ni Jonas na naman?”

“Wala kaming LQ, hindi siya nanliligaw. Pareho kaya kaming lalake.”

“Eh hindi ba pwedeng magmahalan ang dalawang lalake, bagay naman kasi kayo eh.”

“Hindi ako bakla Nora, para kang tanga.”

‘Hoy lalake! Hindi ako tanga, malakas lang ang pakiramdam ko. Gusto mo rin siya eh, umamin ka na. Halata ka naman eh, sobra kang excited kapag kasama mo si Jonas kesa kapag si Simon ang kasama mo. Saka halata ka tol. Ako pa!”

Ibang klase talaga itong si Nora, walang preno ang bibig. Pero totoo naman ang sinasabi niya, mas matimbang talaga sa akin si Jonas, kasi naman, wala lang ebidensya, pero siya talaga si Jonas na kababata ko, na bestfriend ko, at siguro, noon ko pa siya gusto, kahit mga bata pa kami.

“Gusto mo rin siya ano. Huwag mong isipin na pareho kayong lalaki. Para sa akin, kung saan ako liligaya. Kung kay Jonas ka liligaya, ay bakit mo sisikilin ang damdamin mo. Ano bang inaalala mo?”

“Matatanggap ba kami ng parent niya, saka ng parents ko? Baka nga itakwil pa ako eh. Baka pati si Tiya ay hindi na ako papag-aralin, may pangarap pa ako Nora, kay wala munang love.”

“Sa atin lang naman Mark ha, gusto mo rin ba si Jonas?”

Napatango ako, nabigla ako at hindi ko na mabawi. “Nora ha, walang ibang dapat na makaalam ng inamin ko sa iyo ha, lalo na kay Jonas. Kahit na sino rito, sikreto lang natin ito.”

“My mouth si sealed,” tugon ni Nora na umarte pa na isiniper ang bibig.

Masarap naman kasing kausap si Nora. Alam kong may malasakit siya sa akin, alam kong hindi na iba ang turing niya sa akin, parang kapatid na. Sila lang din kasi ang napagsasabihan ko rito ng problema, nahihiya pa rin kasi ako kay Tiya. Kasi naman, minsan lang kaming magkausap ng matagal.

-----o0o-----

Nag-shower na ako, matutulog na kasi ako. Paglabas ko ng banyo ay nag-ring naman ang aking CP, si Simon. Napaka sweet talaga ng kaibigan kong ito, alam ko naman ang sasabihin niya, “Goodnight, sweet dreams” hehehe, gabi-gabi iyon.

“Hello Simon! Ano aten?”

“Wala naman, gusto ko lang madinig ang boses mo bago ako matulog. Mahihirapan kasi akong makatulog kapag hindi ako nakapag-goodnight sa iyo eh hehehe. Matutulog ka na ba?”

“Katatapos ko lang mag-shower, magpatuyo lang ako ng buhok, matutulog na ako. Ikaw ba?”

“Okay, sige na, goodnight, sweet dreams, bye!”

“Goodnight”

Pagkababa ko ng phone ay si Jonas naman.

“Hello!”

“Hello JM, sinong kausap mo, busy kasi ng tawagan kita.”

“Ah wala, si Tiya, bakit?”

“Galit ka pa ba, hindi ako makakatulog kapag galit ka.”

“Ang kulit mo kasi, pero hindi na ako galit.”

“Eh bakit ka nga ba nagalit? Matutulog ka na ba, labas ka,usap tayo.”

“Hala, anong oras na kaya?”

“9 pa lang naman, sige na, gusto ko ay nakikita kita kapag kausap kita.”

“Eh di video call tayo?”

“Gusto ko personal, sige na please!,”

Ewan ko ba, ang hirap tanggihan ng lalaking ito. “Sige na nga, magbihis lang ako, kalalabas ko lang kasi ng banyo, nag-shower na ako.”

“Okay, hintayin kita sa may gate ninyo, see you.”

-----o0o-----

Pinapasok ko na siya, baka kasi kung anong isipin ng mga kapit-bahay namin kapag sa labas kami nag-usap.

“Anong pag-uusapan natin?”

“Wala namang importante, gusto ko lang magkwento ka noong bata pa kayo ni Jonas. Anong klaseng bata si Jonas.”

“Bakit ka ba naging interesado kay Jonas na kababata ko.”

“Hindi ba, nakwento ko na sa iyo na nananaginip ako palagi nang bata pa ako, pero hindi ko malaman kung sino ang batang iyon na nasa aking panaginip. Hindi kaya ikaw ang isa sa batang iyon?”

“Ano ba exactly ang napapanaginipan mo?”

“Yung nasa dalampasigan ako at kalaro ko ang isang bata. Hindi ko alam kung bakit sa dalampasigan. Masaya ako, para bang noong nasa isla pa tayo at nakikipaglaro sa ibang bata roon. Tapos naglalaro tayo kasama ng ibang bata, tumbang preso at kung ano-ano pa. Wala akong natatandaan na nakipaglaro ako sa ibang bata sa labas ng aming bahay ng ganong laro, oo hindi talaga ako naglaro ng ganon.”

Inabot kami ng hanggang eleven ng gabi sa pagkuwentuhan. Lahat ng alaala ko ng aming kabataan ni Jonas na kababata ko ay ikinuwento ko kay Jonas na kaibigan ko ngayon.

 

 

Itutuloy………………

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa Babuyan at Manukan (Part 13)

  Sa Babuyan at Manukan (Part 13)   Kuya Zaldy’s POV Hindi ako dalawin ng antok, naisip ko si Mikel. Ngayon lang parang luminaw ang ak...