Martes, Agosto 29, 2023

Nasibak Ni Insan Dos (Part 38) By: Firemaker JD

 


Nasibak Ni Insan Dos (Part 38)

By: Firemaker JD

 

Nakikinig lang si Mac sa kwentuhan ng mga kaibigan nang may mapansin siya sa gilid ng highway. "Hala! May nasiraan yata," sabi ni Mac sa katabing driver.

"Nako, sir. Hindi. Tingnan niyo yun oh," sabay turo ng driver sa dalawang tao na nasa gilid ng kotse. "Nagtutukaan yata," sabi pa ng matanda sabay tawa.

Natawa at napailing na lang rin si Mac at umiwas ng tingin. Siya ang nahiya para sa dalawa. Na-curious naman ang mga nasa likuran kung bakit nagtatawanan ang dalawa sa harapan.

"Anong meron?" tanong ni Jed sa kabarkada.

"Wala. Wala!" si Mac.

"Fuck! Look! May nagmo-MOMOL sa kalsada!" natatawang sabi ni Nico pagkalagpas ng kanilang van sa nakatigil na kotse.

"Get a room!" sigaw ni Nico sabay sara ng kanyang bintana.

Tawang-tawa naman ang mga kasamahan nito. Muling sumulyap si Migs sa nakaparadang kotse at naaninag nga nito ang bulto ng kalbong lalaki. "S-s-si Ace ba yun?" bulong ni Migs sa kanyang sarili. Kinurap-kurap pa niya ang kanyang mga mata pero dahil sa bilis ng pagmamaneho ng driver ay mabilis na lumayo ang kanilang sasakyan sa nakaparadang kotse. Hindi niya tuloy makumpirma kung si Ace nga ang nakita.

-----o0o-----

Agad na naghiwalay ang mga katawan nina Jude at Ace nang makarinig sila ng sigaw mula sa dumaang kotse. Medyo namumula pa si Jude at mainit-init ang pisngi. Medyo nahiya siya sa lantarang gawi nilang dalawa ni Ace. Habang si Ace naman ay nakangiting naksulyap pa rin sa bulkan ng Mayon.

"Thank you ha. Dinala mo ako dito. This is one of the best Christmas for me," si Ace kay Jude.

"Well, sa haba ba naman ng binyahe mo from Manila to Bicol, dapat lang na mabisita mo ‘to," sagot ni Jude sabay ligpit ng mga hinain na almusal. "Sa byahe na lang natin to kainin," yaya ni Jude sa binata.

Tumango lang si Ace at saka tinulungan si Jude mag-ligpit.

"Saan na ba tayo pupunta?" tanong ni Ace nang muli silang makasakay ng kotse.

"Sa Daraga Church muna tayo," sagot ni Jude. Muli silang nagbaybay papunta na sa Daraga.

"Hanggang kailan ka ba dito?" tanong ni Ace kay Jude.

"After New Year na ako uuwi ng Manila," sagot ni Jude.

"Ayaw mo bang sumabay sa akin pabalik ng Manila?" tanong ni Ace. "Para makatipid ka na rin," habol pang sabi ni Ace sa binata.

"Nakabili na ako ng tiket e," natatawang sagot ni Jude.

Napakamot na lamang si Ace sa kanyang batok. "Okay. I guess, I'll see you in Manila na lang," sabi ni Ace sa binata. Babalik na kasi si Ace sa Manila kinabukasan at dumating raw ang kanyang magulang mula sa ibang bansa.

"Yes. Ilang days na lang rin naman," sagot ni Jude.

"Ipapakilala sana kita kina Mommy," biglang sabi ni Ace.

"Ha? Seryoso ka?" tanong ni Jude sa binata.

"Yes! Why not? Pinakilala mo naman ako sa parents mo, sa kapatid mo, pati nga sa mga pinsan mo," si Ace. Natawa naman si Jude.

"E wala naman akong choice. Bigla kang dumating," sagot ni Jude.

Napakunot-noo naman si Ace. "Parang nagsisisi ka ah," sabi ni Ace.

"Hindi naman. Okay ka naman e. At least, may katulong ako mag-alalay kay Papa," nangingiting sabi ni Jude.

"Well, I really adore your family. Yung closeness ninyong magkapatid. Yung relationship mo with your parents," ani Ace. "Growing up, hindi ko naranasan yan from them," dagdag pa ng binata na ang tinutukoy ay ang mga magulang.

Medyo nalungkot si Jude sa mga kwento ni Ace. Pero natuwa rin siya dahil unang beses mag-open up ni Ace sa kanya. Marahan niyang hinawakan ang kamay nito na nasa kambyo.

Napalingon naman si Ace sa katabi. Nakatingin ito sa labas pero hawak-hawak nito ang kanyang kamay. Napangiti si Ace sa ginawa ng binata.

-----o0o-----

"Welcome to Daraga Church," sambit ni Lucas sa mga bagong kaibigan pagkapark nila ng van. Tanaw na tanaw nila ang bulkang Mayon mula sa viewing deck.

"Woooow!" sambit ni Jed.

Manghang-mangha naman ang apat sa ganda ng simbahan at tanawin mula rito. Medyo maraming tao na nagsisimba dahil Araw ng Kapaskuhan.

"Guys, may nakita ako dun Sili ice cream. Try natin," si Nico.

"Yan bagay yan sa ‘yo. Para mawala hang-over mo," sarkastikong sabi ni Migs.

"Sikat rin dito yung dragon fruit ice cream," sabi ni Lucas.

"Gusto ko yun! Dali, puntahan natin," nakangiting sabi ni Jed sabay hablot sa kamay ni Lucas. Magkahawak-kamay tuloy ang dalawa habang papunta sa nagbebenta ng ice cream. Natulala lamang si Lucas habang nakatingin sa magkahawak-kamay nila ni Jed. Medyo nahihiya siya dahil sa dami ng tao at pwedeng makakita sa kanila. Pero masarap sa pakiramdam. Masarap ang pakiramdam ng may ka-holding hands.

"Okay lang yan," biglang bulong ni Mac kay Lucas. Napatingin si Lucas kay Mac at agad na binawi ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak ni Jed.

"Bakit?" tanong ni Jed kay Lucas.

"Ah eh. K-kukunin ko lang sana yung panyo ko," pagsisinungaling ni Lucas sabay aktong hinahanap ang kanyang panyo sa kanyang mga bulsa. "Shit! Nasaan yung panyo?" bulong ni Lucas sa kanyang sarili. Mukhang naiwan niya yata sa van.

Nakatingin lang si Jed sa binata habang kinakapa ang mga bulsa. "Nawawala panyo mo?" tanong ni Jed.

Napangiti ng mapakla si Lucas sabay tango. Nanlaki ang mga mata ni Lucas at kasabay nito ang paninigas muli ng kanyang katawan nang muling lumapit si Jed sa kanyang harapan. Hinugot nito ang panyo sa bulsa ng kanyang shorts. Mas lalong lumakas at bumilis ang kabog ng kanyang puso. "Gamitin mo muna ‘to," alok ni Jed sabay punas ng pawis sa noo at mukha ni Lucas. Hindi makagalaw si Lucas sa kanyang kinatatayuan. Para siyang nasa pelikula na nagslow motion ang mga taong nakapaligid sa kanila habang pinupunasan siya ng pawis. Para tuloy silang magkasintahan.

"O-o-okay na. Salamat," tanging sagot ni Lucas sabay lakad papunta sa bentahan ng ice cream. Napangiti na lamang si Jed at sumunod na sa probinsyano.

-----o0o-----

"Dito na lang tayo mag-park. For sure, puno na yung parking lot sa taas," sabi ni Jude kay Ace nang marating na nila ang simbahan. "Konting lakad lang naman. Pero paakyat nga lang," sabi pa ni Jude.

"It's okay," sagot ni Ace sabay hinto ng makina ng kotse. Agad naman nagsilingunan ang mga taong naroon. Tila ngayon lang sila nakakita ng tulad ni Ace. Sino ba ang hindi mapapatingin sa tindig at karisma ng binata? Kahit na naka-black shirt lang ito at blue jeans ay ibang klase pa rin ang kagwapuhan ni Ace. Maputi kasi ito, matangkad, kalbo. Kung hindi artista o model, mukhang basketball player siya sa PBA.

Napakamot na lamang si Jude sa kanyang ulo. "Baka mapagkamalang PA pa ako ni Ace ah," sa isip ni Jude.

Ilang sandali pa ay nakisabay na ang dalawa sa mga naglalakad papuntang simbahan. Medyo nailang naman si Jude dahil pinagtitinginan pa rin si Ace ng mga tao. "Artista ba yun?" narinig pa niyang sabi ng babae na sumabay maglakad sa kanilang dalawa.

"Parang. Pero walang bodyguard e. Baka hindi," sagot ng isa pa.

"Ang bango, friend," kinikilig pang sabi ng isa.

"May girlfriend bang kasama?" tanong pa ng isa.

"Mukhang wala," sagot ng isa.

Biglang nagulat na lamang si Jude nang akbayan siya ni Ace sa balikat. Agad naman niyang inalis ang braso nito. "Ace, anong ginagawa mo?" tanong ni Jude.

"Baka mawala ako e. Mas okay na nasa tabi lang kita," sagot ni Ace, nakangiti.

"Maraming tao," naiilang na sabi ni Jude.

"E ano naman? Wala naman masama sa pag-akbay. Ano bang gusto mo, akbay o holding hands?" nakangiting tanong ni Ace sa katabi.

Wala nang nagawa si Jude nang akbayan muli siya ni Ace. Panigurado na hahawakan ni Ace ang kanyang kamay kung tatanggi pa siya sa pag-akbay ng binata. Medyo namula tuloy ang pisngi niya nang makita ang mga ekspresyon ng mga babaeng kasabay nilang maglakad.

"Ang gandaa!" puri ni Ace nang makita na ang kabuoan ng simbahan. Agad na silang pumasok sa loob upang magdasal. Magkatabing lumuhod ang dalawa.

"Lord, ang hiling ko lang ngayon Pasko ay ang matamis na oo ng aking katabi," dasal ni Ace.

Mahina lang pero rinig na rinig ito ni Jude na napatigil sa pagdarasal. Napatingin siya sa katabi. Medyo kinilig siya na ewan. Pero nabigla si Jude nang mapansin nito na nakatitig rin pala kay Ace ang katabi nitong bading.

"Kuya, ako ba yang nasa dasal mo o si kuyang naka-grey?" walang prenong tanong ng bading kay Ace.

"Ah eh..." si Ace na napakamot na lang sa kanyang ulo. Natawa na lamang si Jude nang marinig ang dalawa.

-----o0o-----

"Ang sarap nun!" puri ni Nico sa natikmang ice cream.

"Pasok na tayo sa simbahan?" tanong ni Lucas sa magkakaibigan.

"Pwede," sagot ni Mac.

"Pero ang daming tao. For sure, masikip sa loob," angal agad ni Migs.

"Bro, ayun nga ang masarap dun. Masikip sa loob. Mainit-init pa," birong sabi ni Nico.

"Tangina mo, Nico," tanging sagot ni Migs sa kaibigan.

"Meron akong alam na short cut papasok ng simbahan. Halika!" yaya ni Lucas sa apat.

Agad naman sumunod ang apat kay Lucas. Sa gilid sila ng simbahan dumaan upang makapasok sa loob. Hindi nga sila nagkamali. Maraming tao ang nagsisimba ngayong araw. Pinagmasdan ni Mac ang loob ng simbahan.

"Ayos ba, bro?" tanong ni Lucas sa bagong kaibigan. Napangiti naman si Mac sabay tango. "First time mo dito, diba?" tanong ni Lucas kay Mac.

"Oo.." sagot ni Mac.

"Make a wish. Sabi kasi ng matatanda, kapag unang beses mong tumapak sa simbahan, humiling ka at paniguradong magkakatotoo," kwento ni Lucas.

"Talaga ba?" ulit ni Mac. Tumango lang si Lucas. Tumingin si Mac sa altar. Huminga siya ng malalim sabay hawak sa pendant niyang singsing. "Sana kasama kita rito ngayon," bulong ni Mac sa kanyang sarili sabay pikit ng kanyang mga mata. "Sana makita kita, Jude. Sana napatawad mo na ako sa mga nagawa ko sa iyo," dasal ni Mac.

"Bro, tara na. Naiiihi na ako e," yaya ni Nico sa kaibigan. Tumango lang si Mac sabay tingin muli sa altar. Dahil sa maraming tao ay sumiksik palabas ang limang binata.

-----o0o-----

"Ano na, kuya? Ako ba o si kuyang naka-grey ang dinadasal mo? Kasi kung ako, yes na yes na agad," malanding sabi ng bakla.

Napailing na lamang si Jude at muling yumuko para magdasal nang biglang may naamoy siyang pamilyar na pabango. Muli siyang suminghot upang amuyin iyon. Agad niyang minulat ang kanyang mga mata upang tignan kung sino ang may suot ng pabango. Lumingon siya kung saan nagdaan ang taong iyon. Pero hindi niya makita kung saan nanggagaling ang amoy.

"Syempre dito sa kuyang naka-gray," sagot ni Ace sabay akbay kay Jude.

"Aaaayyy! Bakit kayo ganyan? Paano naman kameng mga sawing-palad?" nagiinarteng sabi ng bading.

"Miss, don't you worry. Darating din ang para sa iyo," tanging sabi ni Ace sabay tayo mula sa pagkakaluhod. Inalalayan na rin niya si Jude upang makatayo ito. "Paano ba yan, una na kame.." paalam ni Ace.

"Ano ba yan? Puro bading naman ang nakikita nating gwapo ngayon," inis na sabi ng babaeng nakasalubong nila Jude. Sila rin yung magkakaibigan na kasabayan rin nila kanina.

"Sayang nga e. Ang bango-bango pa naman nung isa. Ang laki pa ng muscles sa biceps. At ang dibdib! " kinikilig pang sabi ng isa.

"Oo nga e. Pero nakita mo ba yung nakasunod na lalaki, akala mo naman aagawin yung jowa niya. Kung makatitig sa atin," simangot na sabi ng isa.

"Maputi lang naman siya," sabi pa ng isa. Napalingon si Jude kung saan nanggaling ang mga babae. Nagbabakasakaling makita niya kung sino yung tinutukoy ng magkakaibigan. Pero hindi siya nagtagumpay.

"Ano ba yang hinahanap mo?" tanong ni Ace nang mapansin niyang hindi mapakali si Jude.

"Ah. Wala naman. Halika na, balik na tayo sa kotse," yaya ni Jude sa binata.

-----o0o-----

Sa hindi kalayuan ay naroon ang limang binata at nakikibanyo sa isang tindahan. "Una na ako sa van," sabi ni Mac sa mga kasama.

"Sige, sunod na lang kame," sagot ni Jed.

"Sama na ako, Mac," sabi ni Migs sa kabarkada. Habang naglalakad ay biglang napalingon si Migs sa isang banda. Napansin niya ang bulto ng isang kalbong lalaki. Matipuno ito kung kaya agaw pansin sa kanyang paningin. Sinusulyapan niya kung lilingon ba ito upang makita niya sana kung gwapo ito.

"Ano bang tinitingnan mo dyan?" tanong ni Mac nang mapansin niya na abala si Migs sa pagsipat ng kung sino man.

"Ah wala," pagsisinungaling nito. Nakarating na sila ng van nang biglang masipat ni Migs ang gilid ng mukha ng binatang kalbo. Ngunit agad itong tumalikod at naglakad palayo. "Fuck, si Ace ba yun?" agad na pumasok sa kanyang isipan. Agad namang binuksan ni Migs ang kanyang IG upang icheck ang profile ni Ace. Walang bagong post.

"Bro, magkakasama ba sila Kuya Mickey sa Baguio?" tanong ni Migs sa kaibigan.

"Oo. Bakit?" sagot ni Mac.

"Kasama ba dun si Ace?" tanong ni Migs.

"I don't know. Paki ko ba dun?" maangas na sagot ni Mac.

"Bakit ba?" tanong ni Mac.

"Wala, wala!" sagot ni Migs. Agad naman tinignan ni Migs ang profile ng kuya ni Mac na si Mickey. May post ito sa Baguio nung Christmas eve. Wala si Ace sa mga pictures. Napakamot si Migs. Chineck naman niya ang profile ni Amanda, ang ex girlfriend ni Ace. May post ito pero wala rin si Ace sa mga litrato. Agad naman niyang chineck ang profile ni Jude. Ngunit walang post ito na bago.

"Excited na ako mag-ATV!!!" sigaw ni Nico pagkapasok ng van. "Tumigil ka nga," iritang sita ni Migs sa kabarkada.

-----o0o-----

Ilang sandali pa ay nakabalik na sila ng kotse ni Ace. "Grabe yun, andaming tao," si Ace na nagpapalamig sa aircon.

"Meron ka bang dalang towel?" tanong ni Jude.

"Nasa duffle bag. Bakit?" si Ace.

"Hubarin mo yang damit mo. Pawis na pawis ka oh," sita ni Jude.

"Kuya, huwag po!" birong sabi ni Ace.

"Alam mo, Ace. Ang corny mo pala ano? Kaya siguro nagsusuplado ka na lang," alaska ni Jude sa katabi.

"Ay grabe siya," sabi ni Ace sabay hubad ng t-shirt. Pumwesto siya upang mapanusan ni Jude ang basa niyang likod. "Saan na tayo next?" tanong ni Ace kay Jude.

"Gusto mo na mag-ATV sa Mayon?" tanong ni Jude.

"Sigeee!" excited na sagot ni Ace. Natawa lang si Jude sa reaksyon ng binata. Ngayon na niya nakikilalang lubos si Ace. Nagsimula nang magmaneho si Ace papunta sa Mayon.

"Gusto mo ba magpicture sa Cagsawa Ruins?" tanong ni Jude kay Ace.

"Oo naman. Para naman may remembrance ako dito," sagot ni Ace sabay kurot sa pisngi ni Jude.

Napangiti lang si Jude. "Hindi ka na ba babalik dito?" pabirong tanong ni Jude.

Napangiti si Ace. "Syempre, babalik ako dito. Pero dapat, boyfriend na kita," mayabang na sagot ni Ace.

"Wow! Ang lakas talaga," sagot ni Jude sa binata.

"Aba! Swerte ka kung ako maging boyfriend mo. Kaya kitang ipagdrive mula Manila to Bicol. Kahit balikan pa," sabi pa ni Ace.

"Yessss! Sige, sige. Iko-consider ko yan," si Jude.

Inabot muli ni Ace ang kamay ni Jude sabay halik dito. "Please do. Consider me," biglang seryosong sabi ni Ace sa katabi.

Napalunok si Jude at muling umiwas sa usapang pag-ibig. Muling tumahimik ang loob ng kotse. Nakatanaw lang si Jude sa labas at muling pumasok sa kanyang isipan ang naamoy niya sa simbahan. Panigurado pabango iyon ng dating kasintahan. Huminga siya ng malalim at winaglit agad ang iniisip. "Hindi si Mac yun," sabi pa niya sa sarili.

Muling huminga ng malalim si Jude at sinulyapan ang katabi. Ang gwapong mukha nito ang sumilay sa kanyang mga mata, sabay tingin sa magkahawak na kamay nila ni Ace. Mainit ang palad nito, malambot, pero may pakiramdam na proteksyon.

Muling inilapit ni Ace ang kamay ni Jude sa kanyang labi. Sinundan naman ito ng tingin ni Jude. "I love you," sabi ni Ace.

-----o0o-----

"Ay sorry sir. Closed po kame dahil Pasko ngayon," sabi ng nagbabantay sa ATV.

"Sige na kuya. Lima naman kameng gagamit," sabi ni Lucas.

"Wala talaga e. Try niyo dun sa Cagsawa. Alam ko bukas sila," sabi ng bantay.

"So?" tanong ni Jed kay Lucas.

"Sarado daw sila ngayon e. Pero meron pa. Kaya lang sa Cagsawa yun," si Lucas sa magbabarkada.

"Eh di dun na lang tayo," yaya ni Mac sa mga kaibigan. Muli silang bumyahe papunta sa Cagsawa Ruins.

-----o0o-----

Nagpapark na si Ace sa parking lat sa Cagsawa. Ruins. "Dun muna tayo sa picturan," yaya ni Jude sa binata. Tumango lang ito.

"Kuya, papicture po," sabi ni Jude sa isang lalaki.

"Sige po, pwesto na po kayo," sagot ng lalaki.

"Ay solo lang po siya," sagot ni Jude. Kumunot naman ang noo ni Ace at hinila si Jude papunta sa spot kung saan sila magpoposing.

"Sige po. Posing na po kayo. Kunwari kakainin mo si kuya," sabi ng lalaking taga-picture.

"Ano po? " tanong ni Jude na biglang ikinatawa ni Ace.

"Masarap naman ako ah!" patol ni Ace.

"Bwiset ka talaga!" sagot ni Jude.

"Nganga po," sabi pa ng lalaki.

"Jude, buka mo pa daw," pang-aasar ni Ace.

"Eto na," si Jude sabay nganga.

"Oh yeah!" malakas na ungol ni Ace. Napalingon tuloy ang mga naroon.

"Sige, ibang pose naman," sabi ng lalaki. Nakailang posing rin ang dalawa. May mga tricks pa yung lalaking photographer. "Last pose na po," sabi nung lalaki.

Tumabi si Ace kay Jude. "Ano, tatayo lang tayo?" tanong ni Jude.

"One, two, three," bilang ng kumukuha ng litrato. Nang biglang hinalikan ni Ace ang uluhan ni Jude. Kuhang-kuha tuloy sa litrato ang ginawa ni Ace at ang reaksyon ni Jude.

 Napangiti na lang yung lalaking kumuha ng picture habang isinosoli ang telepono ni Ace. "Patingin akooo!" sabi ni Jude habang inaabot ang cellphone ng binata.

"Teka lang. Tinitignan ko pa e," si Ace kay Jude.

"Uyy may sili ice cream dito. Gusto mo itry?" si Jude. Tumango naman si Ace at pumunta sila sa isang tindahan.

-----o0o-----

"Wow! Heto na yung Cagsawa?" tanong ni Jed kay Lucas pagkababa ng van.

"Oo, ang ganda ‘di ba?" sagot ng probinsyano.

"Let's take photos," yaya ni Migs kay Mac.

"Ayoko," sagot ni Mac. Balak niya sanang bumalik dito kasama si Jude. Hindi siya kukuha ng litrato nang hindi kasama ang dating nobyo. "Dito na lang ako sa loob ng van," sagot pa ni Mac sa mga kasama.

"Sir, open ko lang aircon?" tanong ng matandang driver.

"Nako, huwag na po. Mahangin naman," sagot ni Mac. Tumango lang ang matanda at binuksan ang bintana.

"Hoy, Ruben!" tawag ng matandang driver sa kakilala.

"Kamusta ho?" sagot nung kakilala pagkalapit nito.

"Ayos naman. Kamusta ang raket dito? Paskong-Pasko narito ka," sabi ng driver nila. Ayaw man pakinggan ni Mac ang usapan ng dalawa ay wala siyang magawa kundi makinig na lang sa kwentuhan ng dalawa.

"Ay! Ayos lang naman. Swerte ko nga! Ang laki ng tip ng magjowang nagpalitrato kanina! Parehas lalaki! Kay gugwapo pa naman," kwento nung kakilala.

"Ay talaga ba? Iba na talaga ang panahon ngayon," sabi ng driver nila.

"Ganoon na talaga! Mas okay na yun, hindi naman sila nang-aagrabyado. Nakatulong pa sila," sagot naman ng isa.

"Tama, tama," sagot ng driver. Hindi namalayan ni Mac na tumatango ang kanyang ulo bilang pag-sang-ayon sa kausap ng kanilang driver. Napangiti na lamang si Mac.

"Kuya, puntahan ko na lang sila doon," paalam ni Mac.

"Sige, sir," sagot ng matanda.

"Magandang araw ho," bati naman ng kausap ng driver nila. Ngumiti lang si Mac at bumaba na ng sasakyan. Muli niyang naisip ang kwento ng photographer. Iniimagine niya na siya at si Jude sana yun. Walang pakielam sa sasabihin ng ibang tao. Hangga't wala silang inaapi ay malaya silang magpakita ng pagmamahal nila sa isa't isa. Huminga siya ng malalim, nagmasid-masid sa paligid. Gusto niyang makita yung kinu-kwento ng kaibigan ng driver nila. Gusto niyang inggitin sana ang sarili niya.

"Mac! Bro, sumama ka na sa photos namin," yaya ni Nico sa kaibigan.

"Ayoko, bro. Next time," sabi ni Mac habang tumitingin-tingin sa paligid at nagmamasid ng dalawang lalaki na magkasama.

-----o0o-----

"Ang sarap nito ah," ani Ace habang sinisimot ang inorder na sili ice cream. "Pero mas masarap ka," pabulong na sabi ni Ace kay Jude.

Agad naman tinulak ni Jude si Ace. "Corny mo talaga," napapangiting sabi ni Jude.

"Halika na! Baka marami nang nakapila sa ATV," yaya ni Jude sa binata.

-----o0o-----

"Sige mga sir, talikod kayo. Tingin po kayo sa Mayon sabay taas niyo po mga kamay n’yo," utos ng photographer. Sumunod naman ang apat habang nanunuod lang si Mac sa mga kaibigan.

-----o0o-----

Naunang lumabas si Jude ng tindahan habang nagbabayad si Ace ng mga kinain. Habang nagtitingin ng souvenirs ay biglang humangin ng malakas. Muli niyang nalanghap ang pamilyar na pabango. Narito ang may-ari ng pabango. Kaamoy niya talaga si Mac. Hindi siya nagkakamali. Paborito niyang amoy iyon ng dating nobyo. Humangin muli ng malakas at mas naamoy ni Jude ang mabangong amoy. Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Bigla siyang kinabahan. Lumakas ang tibok ng kanyang puso. Bumilis ito na para siyang hinahabol. Napahawak siya sa kanyang dibdib.

Napatingin si Jude sa mga bagong dating na nagpapapicture sa medyo kalayuan. Nakatalikod ang mga ito sa kanyang gawi kung kaya hindi niya maaninag kung sino ang mga iyon. Pero ramdam niyang isa sa mga iyon ang may suot ng pabangong katulad ng sa dating nobyo.  Sisilipin niya lang kung sino sa kanila ang may kapareha ng pabango ni Mac. Pasimpleng lumapit si Jude sa magkakaibigan na nagpapakuha ng litrato. Napalunok ng tuyot si Jude. Mas lumalakas ang amoy ng pabango habang papalapit siya sa mga binata. Yung katabi nga ng photographer ang kaamoy ni Mac. Mas lumapit pa siya rito at pinagmasdan ang likuran ng binata.

"Pwede," sabi ni Jude sa sarili. Muli siyang huminga ng malalim. Hindi na niya napigilan ang sarili na hindi tukuyin kung sino ito. "Excuse me," sabi ni Jude sabay tapik sa malapad na balikat ng binata.

 

 

Susundan……

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...