Martes, Agosto 29, 2023

Ang Waiter (Part 2)

 


Ang Waiter (Part 2)

 

Mula sa mall ay naisipan kong sunduin si Ryan sa kanilang eskwelahan. Malapit na naman matapos ang kanyang klase. Wala akong mapag-parkingang na malapit sa gate, kaya sa isang gilid ng karsada lang ako pansamantalang nag-park at naglakad na lang para sunduin siya. Saktong oras na ng tapos ng kanyang klase ay nag-aabang na ako. Hindi naman ako sa may gate tumambay, malayo-layo naman.

Panay ang tanaw ko dahil baka makalagpas sa aking paningin, Malayo pa sa gate ay tanaw ko na siya, may kasabay na isang babae. Pinagmasdan ko ang babae, naka uniporme itong puti kaya sa aking palagay ay nursing ang kurso nito. Paglabas nila ng gate ay medyo kumubli ako. Parang may kung anong tumusok sa aking dibdib ng paglabas nila ay kaagad na inakbayan ni Ryan ang babae. Sa klase ng tinginan nila at pag-uusap na tila nagbubulungan at syempre, dahil sa pumayag ang babae na akbayan ito ay napagtanto ko na may relasyon na ang dalawa. Maganda ang babae, makinis, yayamanin.

Gusto ko sanang sundan para malaman kung saan pupunta, pero hindi ko na lang itinuloy. Hindi ko naman sigurado kung may relasyon sila. Saka wala naman akong dahilan na magselos dahil sa wala naman kaming relasyon. Pero nasaktan pa rin ako, sobrang sakit. Nagpasya na lang akong umuwi.

-----o0o-----

Mabigat ang kalooban ko na binalikan ang aking sasakyan. Nagdiretso na ako sa condo, sa aking silid. Parang napakarami kong ginawa dahil sa pagod na pagod ang pakiramdam ko. Tinamad akong kumilos. Maging ang magpalit ng bihisan ay hindi ko kaagad na nagawa. Nagisip-isip ako tungkol sa amin ni Ryan.

Sobra akong umasa na magiging kami, matiyaga ko iyong hinintay. Umasa ako sa wala. Nag-isip ako kung ano ang aking gagawin. Kokomprontahin ko ba siya at susumbatan? Sisingilin ko ba siya sa mga kabutihan kong ginawa sa kanya? Mumurahin ko ba siya at sasabihan ng walang utang na loob?

Ahhhhhhhh. Ang hirap magpasya. Tinimbang-timbang ko ang ang aking gagawin. Hahayaan ko na lang ba kung anong gusto niya, tutal naman ay ako ang nag-offer na walang hinihintay na kapalit kundi ang pag-asang baka maging kami. Hahayaan ko na lang bang masira ang kanyang pangarap sa kanyang mga magulang?

Ang tagal kong nag-isip, at ang aking pasya ay una, ipagpatuloy ko lang sustentuhan ang kanyang pag-aaral hanggang sa siya ay matapos, nangako kasi ako sa kanya. Pangalawa ay simulan ko na ang kalimutan siya. Babae ang nararapat sa kanya. Hindi na ako aasa pa. Naging magkaibigan naman kami.

Pangatlo, maghanap ako ng taong magmamahal sa akin, kung lalaki ay yung hindi mapagsamantala at totoong mamahalin ako. At kung babae ay yung mauunawaan ako dahil sa gusto kong ipagtapat ang tunay kong pagkatao. Hindi pa naman ako naglaladlad, napanatili kong sikereto ang aking pagkatao.

Nakatulugan ko na ang mga isiping iyon, hindi ko na namalayan kung anong oras umuwi si Ryan. Nagising ako nang maramdaman kong may tumatapik sa akin. Parmulat ko ng mata ay si Ryan pala.

“Ryan? Ba-bakit?” tanong ko na parang nagugulumihanan.

“Pasensya ka na kung pumasok na lang ako basta at nagising kita. Kumakatok ako, pero hindi ka tumutugon kaya pumasok na lang ako. May dinaramdam ka ba? Bakit natulog ka na hindi nagpapalit ng damit?” usisa niya.

“Ha ah wala! Wala, Napagod lang ako sa trabaho kanina. Kaya pag-uwi ko ay nahiga ako kagad. Anog oras ka dumating? Anong oras na ba?” tanong ko.

“Kadarating ko lang, may ginawa kasi ako sa library, nag research ako sa isa naming project. Kumain ka na ba? Palagay ko ay hindi ka pa kumakain. Anong gusto mong kainin, ipagluluto kita,” wika ni Ryan na may pag-aalala.

“Ikaw, kumain ka na ba?”

“Oo eh, inabot ako ng gutom at kumain na sa school canteen. Ano, ipag-order na lang kita ng pizza o burger,” suhestyon niya.

“Noodles na lang siguro, hindi naman ako talaga gutom. Ako na lang, magpapalit lang ako ng damit,” wika ko.

“Ako na lang, tawagin kita kapag luto na. Lagyan ko ng egg ano?”

Tumango na lang ako. Pag-alis niya ay nasabi kong mahina na, “sinungaling!”

Hindi na ako nag-usisa pa. Bagaman at mahirap, ay sisimulan ko na siyang iwaglit sa aking puso at isipan. Hindi magiging kami. Mabuti na lang at nagpapakita pa siya sa akin ng concern. Kung sabagay, likas naman sa kanya iyon.

Unti-unti ay binabago ko ang aking pakikisama sa kanya, bawas ako ng konting atensyon sa kanya, hindi tulad dati. Hindi naman niya nahahalata dahil busy siya sa pag-aaral at pagtatrabaho.

-----o0o-----

Nagkadiprensya ang aking sasakyan, kinailangan kong magpunta ng talyer para patingnan. Araw iyon ng Sabado, iyon lang naman ang araw na pwede kong gawin ang ganong bagay. Mabuti nga at hindi ako itinirik sa karsada.

Hindi naman agarang magagawa sa casa ang aking sasakyan, iniwan muna doon at tatawagan na lang daw ako kapag naayos na. Kinailangan kong mag-commute ngayon. Naglalakad ako sa bangketa ng may makabungguan ako, alam kong hindi ko naman kasalanan dahil hindi naman ako ang bumungo. Bale wala lang naman sa akin dahil sa hindi naman ako nasaktan, kaya lang ay naisip kong baka mandurukot at sadya akong binunggo para madukutan ako. Ang naging reaksyon ko tuloy ay kapkapan ang aking bulsa sa harap at sa likod at baka natangay na ang aking CP.

“Sorry po, hindi ko po sinasadya. Saka hindi po ako mandurukot, sadya lang pong nagmamadali ako,” wika ng lalaking nakabundol sa akin.

“Hindi, hindi naman sa ganon. Sorry kung na-offend kita, sadya lang talagang iyon ang una kong naging reaksyon,” paliwanag ko naman.

“Alam mo, pamilyar ka sa akin. Parang nakita ko na ikaw,” wika ng lalaki.

Pinagmasdan ko rin siya, tiningnan kong mabuti at baka nga nagkita na kami. Wala naman akong matandaan.

“Ewan ko kung kayo iyon, nag-check-in na kayo sa inn na pinagtatrbahuhan ko. Noon iyong may bagyo. Ako po ang naghatid sa inyo sa inyong room.”

Pinagmasdan ko uli siya dahil may inn nga akong tinuluyan minsan inabot ako na bagyo sa daan. Parang siya nga iyon, lalo na nang banggitin niya ang pangalan ng inn. “Tama, ikaw nga iyon hahaha. Ang lakas naman ng memorya mo.” wika ko.

“Kasi po ay gwapo kayo hehehe. Saan po ang punta ninyo?” tanong ng lalaki. “Rom po ako,” sabi pa niya na inaabot ang kamay para makipag-kamay sa akin.

“Tawagin mo na lang ako sa pangalan kong Tyrone, wala ng Sir at Po. Pauwi na ako. Dinala ko diyan ang aking sasakyan sa casa. May pinapaayos kasi ako, kaya heto, magko-commute muna ako. Halika, mag-snack muna tayo at baka nakakaabala tayo sa naglalakad dito. Hayun may malabit palang McBee dito.”

“Naku, hindi na po sir, ah Tyrone pala.”

“Halika na, gusto kong makipagkwentuhan muna.”

Nang tanungin ko si Rom kung ano ang gusto ay burger lang daw, pero ang inorder ko sa kanya ay spaghetti at burger. Nang kumakain siya ay ang bilis niyang naubos ang pagkain niya, parang hindi kumain ng maghapon.

“Magsabi ka nga sa akin ng totoo, hindi ka pa nanananghalian ano. Sana sinabi mo para kanin at chicken ang inorder ko. Heto ang pera, umorder ka ng kaya mong kainin,” sabi ko.

“Pasansya ka na Tyrone, ang totoo ay hindi pa nga ako kumakain, kaya gutom na gutom ako. Kakapalan ko na ang mukha ko kasi, wala na akong perang ipambibili ng pagkain,” wika niya.

So ganun na nga. Nalaman ko sa kwento niya na nawalan pala siya ng trabaho at lumuwas ng Maynila at nagbabakasakaling makahanap ng maganda-gandang kita. Nakituloy siya sa isang malayong kamag-anak habang naghahanap pa ng trabaho, kaya lang ay minamalas at hindi makakita. Nagpaparinig na raw ang kamag-anak dahil sa wala siyang maibigay na pera. Nagpasya siyang umuwi na, kaso ay wala naman siyang pamasahe dahil naubos na. Ibinigay daw ang ibang pera sa kamag-anak parang bayad sa pagkain at pagtira niya doon.

“Kaya pala ang laki ng dala-dala mong bag. Saan ka ngayon pupunta?”

“Gusto ko nang umuwi, kaya lang wala akong pamasahe.”

“Hindi ka na maghahanap ng trabaho? Susuko ka na ba?”

“Wala naman akong magagawa na eh, wala na akong matutuluyan, wala pang perang panggastos.”

“Doon ka muna sa bahay. Alam mo bang kasama ko sa bahay si Ryan? Kilala mo siya ‘di ba?”

“Si Ryan, yung gwapo? Kilala ko po.”

“Sa bahay ko siya nakatira at nagtatrabaho bilang waiter at nag-aaral sa gabi. Ipinsok ko siya sa kompanyang pinagtatrabahuhan ko. Kaya mo bang mag-waiter?” tanong ko.

“Kayang-kaya ko, trabaho ko dati yun eh. Basta kahit ano, basta trabahong marangal,” wika pa ni Rom.

“Saan mo gusto, housekeeping o waitering?” tanong ko.

“Kahit anong bakante. Sana maipasok mo ako. Maraming salamat ha.”

“Walang anuman. Sakaling maipasok kita, ang pakilala ko ay inaanak kita ha. Saka huwag ka nang mag-aakit pa ng iba hehehe.”

Isinama ko na siya sa bahay. Wala pa si Ryan. Kung sabagay ay hindi ko na siya masyado pang iniintindi. Kasahog pa rin naman siya sa niluluto kong hapunan, pero hindi na gaya ng dati na palagi kong hinihintay. Ngayon ay hindi na gaano. Gusto ko nang alisin talaga siya sa aking puso.

Itinuro ko ang silid na tinutulugan ni Ryan. At doon ko naman siya pinag-stay sa guest room. “Ito yung guest room. Ikaw na muna ang mag-okupa dahil wala naman akong masyadong guest. Walang aircon iyan ha, electric fan lang.”

“Walang problema, ang swerte ko nga at may room pa ako, sa bahay nga namin ay siksikan kami, pati na sa tinuluyan ko dati dito. Salamat talaga, makagaganti rin ako sa iyo ng utang na loob dahil sadyang malaki na ang utang na loob ko sa iyo,” sabi ni Rom.

“Alam mo Rom, hindi binabayaran ang utang na loob, tinatanaw iyon. Sige na, magpahinga ka muna at magluluto ako ng ating hapunan.”

“Hindi pa ba hapunan yung kanina hehehe, ang dami ko nang nakain eh, sobrang gutom ko kasi,” wika niya.

“Miryenda lang naman ang kinain ko kanina, saka baka dito maghapunan si Ryan,” sabi ko.

“Tulungan na kita, magpalit lang ako ng damit.”

-----o0o-----

Kumakain na kami ng dumating si Ryan. “Tyrone! Narito na ako,” bungad ni Ryan. Ganon naman palagi ang sinasabi niya kapag dumadating na.

“Ryan, halika na, kumain na kami, akala ko kasi ay mamaya ka pa darating. Halika at may sorpresa ako sa iyo,” yaya ko kay Ryan.

Narinig ko na ang yabag niya papalapit sa hapag. “Rom? Ikaw nga ba iyan Rom?” hindi makapaniwalang sabi niya pagkakita kay Rom.

Mamaya na ang batian at kumustahan, maupo ka na at kumain,” wika ko kay Ryan.

Habang nakain ay hindi rin naiwasang magtanong ni Ryan. Ikinuwento naman niya ang lahat ng ikinuwento niya sa akin.

“Ang swerte mo Rom at si Tyrone ang nakabungguan mo, hayan may matitirhan ka na, magkakatrabaho ka pa.,” wika ni Ryan.

“Sobra! Para na akong tumama ng jackpot sa bingo. Pero mas swerte ka, biruin mo ngayon ay hindi lang trabaho ang napasukan mo, pati pag-aaral na din. Sana lang all hehehe. Joke lang Tyrone hehehe.” Wika ni Rom.

“Aba, gayahin mo si Ryan, nagsisikap. Kung kinaya niyang pagsabayin ang pagta-trabaho at pag-aaral, siguro naman ay kakayanin mo rin,” wika ko naman.

“Kaya ko rin naman. Working student din ako noong high-school. Kaso, kung mag-aaral pa ako ay wala akong maipapadalang sweldo kina Nanay. Mahal po ang matrikula at ibang gastusin sa pag-aaral.

“Wala ka naman gaghastusin dito, hindi naman kita sisingilin ng pagtira dito at pagkain mo, ang iintindihin mo lang ay yung iyong pag-aaral, gaya ni Ryan.” Sabi ko.

“Pag-iisipan ko muna. Napakabait mo. Yung kamag-anak ko ay pinatira nga ako, pero, nang wala na akong maibigay na pera ay iba na ang trato sa akin. Hayaan mo Tyrone, ako na ang bahala dito sa bahay, maglinis, magluto, magplantsa at maglaba ng damit mo. Yun man lang ay maiganti ko sa iyo. Maraming salamat,” maiyak-iyak na wika ni Rom.

-----o0o-----

Nagtulong na ang dalawa na maglinis ng kusina at maghugas ng aming kinanan. Pagkatapos ay maliligo lang daw si Rom dahil nanglalagkit na ang katawan.

Lihim kong kinausap si Ryan na huwag na lang sabihin pa kay Rom na ako nag nagbabayad ng kanyang tuition fee dahil sa ayaw kong maiinggit at kung ano pang isipin. Tumango lang naman siya.

May napansin lang ako kay Ryan. Parang tahimik siya at tila may problema. Naisip ko tuloy na baka nabuntis niya yung babaeng nakita kong akbay niya at nahihiya lang magsabi sa akin.

“Maiwan na kita rito Tyrone, pasok na ako sa kwarto at may-gagawin pa ako. Gusto kong tapusin na muna ang aking mga assignment para bukas ay magawa ko na ang dapat kong gawin dito sa bahay.”

“Goodnight!” wika ko.

“Goodnight din!,” tugon naman niya.

Pagpasok ni Ryan sa kanyang silid ay siya namang labas ni Rom. Tapos na palang maligo at nakabihis na. Fresh looking na ang binata. Gwapo rin pala siya, hindi pahuhuli kay Ryan. Matangos din ang ilong, medyo may kalakihan ang mata, pero bumagay naman sa hugis ng kanyang mukha, moreno at ang ganda ng pagkakaguhit ng kilay, parang idinrowing at halos magsalubong na ang dalawang kilay. Maganda rin ang katawan, flat ang tiyan na tila hindi kumakain sa sobrang flat.

“Halika dito Rom, nanonood pa ako palabas. May gusto ka bang panooring sine. May Nerflix, pwedeng mamili,” sabi ko. Pagkasabi ko niyon ay napalingon ako sa may silid ni Ryan, nakasilip siya. Sinara lang kaagad. Ewan ko kung bakit. May problema talaga siguro.

“Kahit na ano lang, yung pinapanood mo, yung gusto mo,” sabi niya.

“Korean movie ang pinapanood ko eh, mas maganda at hindi sigawan ng sigawan lang,” wika ko.

“Okay lang sa akin,” sabi naman niya.

Halos hindi naman namin naintindihan ang palabas dahil nag-uusap kami. Hindi ko tuloy nababasa ng mabuti ang subtitle.

“Ilang taon ka nga nga Rom?”

“ 20 na ako.”

“Graduate ka naman ng high school. Kung magka-college ka, anong kurso ang napili mo?”

“Education. Gusto kong magturo kaya pagti-teacher lang ang gusto kong pag-aralan. Mag-iipon na muna ako ng pangmatrikula bago ko isipin ang aking pag-aaral. Trabaho muna. Nangako kasi ako na ako ang sasagot sa pag-aaral ng aking kapatid. High school pa naman lang siya, graduating. Kaya siguro ay siya muna ang pag-aaralin ko.”

“Ang bait mo naman. Paano ka naman. Hindi mo ba iniisip ang sarili mo?”

“Hindi muna, ang mahalaga ay makatulong ako sa pamilya namin.”

“Eh paano kung magkaasawa ka na at magkapamilya na. Mag girlfriend ka na ba?”

“Kaya nga hindi ako nanliligaw eh, hindi ko na muna inisip ang manligaw, Kapag siguro napag-aral ko na ang kapatid ko at may trabaho na, siya naman ang tutulong sa amin. Ganun na lang ang inisip ko.”

Nakita ko na namang sumilip si Ryan, hindi ako nagpapahalata na nakita ko siya. Marahil ay nakikinig sa aming pinag-uusapan at hinihintay na matapos ang pag-uusap namin.

May iba pa kaming napag-usapan, bago ako nag-ayang matulog na.

-----o0o-----

Kinabukasan ay maaga akong gumising. Naabutan kong nagluluto si Ryan. “ Good Morning Rye, anong niluluto mo?”

“Nagsangag ako ng bahaw at eto, itlog lang at hotdog. May mainit ng tubig diyan sa thermos, baka gusto mo nang magkape.”

“Wow ha! Gusto ko iyan.”

“Good morning sa inyo,” bati naman ni Rom na kalalabas lang ng kanyang room. “Napasarap ako ng tulog. Ang sarap palang matulog na walang katabi hehehe. Sa bahay kasi ay tabi-tabi kami sa higaan, wala naman kaming kwarto hehehe,” sabi ni Rom.

Napansin ko na nag-iba ang mood ni Ryan. Parang napasimangot. Ano kayang nangyayari sa lalaking ito?

“Halika Rom, magkape ka na,” yaya ko. Napatingin naman sa akin si Ryan. “Luto na yata iyan Rye, halika na rito, sabay-sabay na tayong kumain.”

“Magbanyo lang muna ako Tyrone,” sabi naman ni Rom.

Naglagay na ng pinggan sa mesa si Ryan. Kumukuha siya ng kubyertos at tasa para sa kape ng lumabas ng banyo si Rom at kaagad na naupo sa aking tabi. Marahan naman inilapag sa aking tapat ang kubyertos at tasa na para sa akin at tila padabog naman ang pag-abot kay Rom.

“Ipagtimpla kita ng kape Tyrone, masarap akong magtimpla ng kape,” prisinta ni Rom. Napaismid naman si Ryan.

Tahimik lang kaming kumakain ni Rom samantalang ang ingay naman ni Ryan. Ang lakas ng tunog sa kanyang pinggan.

“Rom. Mamayang pagkakain ay samahan mo ako sa palengke ha. Wala na yatang laman ang ating ref,” sabi ko kay Rom.

“Ako na lang ang sasama sa iyo.” Sabi naman ni Ryan.

“Si Rom na lang, baka may gagawin ka pa para sa iyong klase. Gawin mo muna. Ilabas mo na lang yung lalabhan mo at tulong na lang kami ni Rom na maglaba pagbalik namin. Marami raw maruming damit itong si Rom.”

Ewan ko kung anong sinabi ni Ryan, parang bumubulong eh. Ano kaya ang problema talaga nito. Mamaya ay kakausapin ko nga.

-----o0o-----

Pagbalik namin ay napansin kong maayos na ang sala, parang umaliwalas. Paglabas ay naabutan namin na naglalagay ng liquid soap sa washing machine itong si Ryan. “Nakapaglinis ka na ba sa sala?” tanong ko.

“Oo, nilinis ko na rin ang kawrto mo at pati na sa akin. Nilalabhan ko na ngayon ang mga damit mo. Pasensya ka na Rom, hindi ko nasama sa paglilinis ang guest room. Saka hindi ko alam kung ano ang damit mong lalabhan,” wika ni Ryan.

“Ay ako nang bahala don. Sabi ko naman kay Tyrone na ako na ngayon ang gagawa ng mga gawaing bahay. Sana hinintay mo na lang ako,” wika naman ni Rom. “Saan ba pwedeng maglinis nitong isda Tyrone? Saka itong karne. Dapat kasi ay nahugasan na bago i-freezer,” – si Rom.

“Diyan lang din sa iang side, yung malalim ang sink. Marunong ka bang maglinis ng isda?” tanong ko.

“Sipsip!,” mahinang sabi ni Ryan, halos bulong na hindi maririnig ni Rom, pero narinig ko.

May problema talaga itong si Ryan.

 

 

May Karugtong……

 

1 komento:

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...