Miyerkules, Oktubre 11, 2023

Mini Series From Other Blog # 9 - Idol Ko Si Sir (Part 3) By: Mikejuha (From: Pinoy Gay Love Story)

 


Idol Ko Si Sir (Part 3)

By: Mikejuha

(From: Pinoy Gay Love Story)

 

“Ok, then, good luck, Mr. Miller and tomorrow, you should be here at 7am with the signed waiver. Someone will pick you up to drop you to your assignment.”

Kinabukasan, wala pang alas syete nandun na ako sa school, dala-dala ang waiver at ang kakaunting personal na gamit sa isang knapsack base sa instruction sa akin ni Prof Fuentes. Sinundo nga ako at inihatid sa lugar. May mahigit apat na oras din ang biyahe at dahil sa dumating na kami sa kung saan makitid at mahirap ang daan papasok, naglakad pa kami ng halos dalawang oras. Puro malalaking kahoy, mahahabang damo, kawayan at pataniman ng niyog ang nadadaanan namin. Tumawid din kami ng dalawang maliliit na ilog, at umakyat sa isang matarik na burol. Halos mawalan na ako ng ulirat sa hirap ng paglalakad at dinaanan namin. Hingal-aso ako nung makarating.

“Sa wakas!” sigaw ko sa sarili.

-----o0o-----

Maaliwalas ang bahay ng adoptive family ko, yari sa kawayan, at ang atip ay nipa. Dahil nasa bukid, halaman at kahoy ang mga nakapaligid, at sa buong lawak na saklaw pa ng paningin ay makikita ang mga puno ng niyog. Napakapresko ng hangin at pakiwari koy napaka-simple ng pamumuhay ng mga tao.

Sinalubong kami ng mag-asawang nasa edad mahigit kwarenta at mga anak nila, “Kumusta, Carl, welcome. Huwag kang mahihiya sa amin at isipin mong tunay kang bahagi ng pamilya. Tawagin mo akong Tatay Nando, at heto naman si Nanay Narsing mo,” ang sabi ni Tatay Nando habang nag-handshake kami at pagkatapos ay si Nanay Narsing naman.

“Heto ang mga anak namin, si Anton, 16 ang edad, si Dodong, 14, si Clara, 11, at ang bunso, si Letecia, 9. Yung panaganay namin, si Maritess ay nasa syudad pa, nag-aaral kasi ng kursong Education, at nagsa-summer class para hindi masiyadong mabigat ang subjects niya sa darating na semester” pagpapaliwanag ni Tatay Nando habang isa-isa kong kinamayan ang mga adoptive brothers and sisters ko.

Sa nakikita kong anyo nila, naiisip ko kaagad na sanay sila sa mabibigat na trabaho. Madungis at gusgusin ang mga suot, at sunog ang mga balat, naka-paa lang sina Anton at Dodong at mapapansin ang makakapal na kalyo sa kanilang mga paa. Kitang-kita sa mga mukha nila ang galak at paghanga sa postura ko. Siguro dahil sa pananamit, kinis at mestisong balat at tangkad. Kaya pati na rin mga kapitbahay, lalo na mga bata ay naki-usyoso. Akala nila siguro artista ang nakita nila.

“Ah, mga kapitbahay, eto pala si Carl Miller, estudyante ni James. Dito siya titira sa bahay ng mga dalawang buwan at tutulong sa mga gawain dito,” ang pagpapakilala sa akin ni Tatay Nando sa mga kapitbahay.

“Magandang araw po sa inyong lahat” Pag-greet ko sa mga nakapaligid at nag-uusyosong mga kapitbahay. Sumiksik sa isip ko na itanong kung bakit nila kilala si Sir James. Ngunit hindi ko na lang itinuloy. “Siguro may contact lang sila dahil sa assignment ko na to,” sabi ko na lang sa sarili.

Nung magpaalam na ang guide ko pabalik sa school, pumasok kami ng bahay kung saan naka-hain na ang pananghalian. Pagpasok pa lang ay sala na kaagad kung saan nandun na rin ang kusina sa may dulo. Walang mga upuan at lamesa. Bago kumain, napansin ko ang kakaiba nilang nakasanayan. Sa isang maliit na planggana, may tubig at dun sila naghuhugas ng kamay, halos sabay-sabay hanggang sa ang tubig ay magkulay brown na. Para akong nandiri at nagdadalawang-isip kung maghugas din ng kamay dun.

Ngunit naalala ko ang instruction ni Prof Fuentes na dapat akong mag-adapt sa kanila. Naisip ko rin na baka ma-offend sila kung hindi ako maki-sali. Kayat kahit alam kong madumi na ang tubig na hinuhugasan ng kamay ko, pilit kong iwinaksi iyon sa isipan. Kamayan habang kumakain sa ulam na inihanda, tinolang native na manok, inihaw na isdang matabang, at ginataang gabi. At dahil sa walang lamesa, sa papag kami kumain. Ibang-iba ang lasa ng kanilang luto kesa sa mga pagkaing na-oorder sa restaurant o nakasanayan ko na. Medyo matabang at walang betsin. Dun ko natikman ang talagang tunay at sariwang lasa ng niluluto; walang preservatives, walang artificial flavors, o additives.

“And sarap pala dito!” sabi ko sa kanila habang kitang kita ko ang sarap na sarap nilang pagsubo.

Nangiti na lang si Tatay Nando. “Bukas, tayong mga lalaki, alas-kwatro pa lang, gising na dahil marami pa tayong gagawin,” sabi ni Tatay Nando habang kumakain pa kami.

Sa unang gabi ko ay ramdam ko na ang hirap ng pagsubok. Feeling ko nasa ibang mundo ako. Walang koryente, walang TV, walang radyo, walang internet o texts messages man lang, at higit sa lahat, walang sigarilyo. Para akong mababaliw. Naninibago din ang katawan ko sa higaang kawayang sahig na nilalatagan lang ng banig. Mangiyak-ngiyak ako sa hirap. Naka-idlip lang ako ng bahagya at namalayan ko na lang na gising na ang lahat. Kahit mabigat ang katawan, pinilit kong bumangon at sumama kina tatay Nando sa gawain sa niyogan na pinagkakatiwala sa kanila, sa paghahakot ng niyog, pagbabalat, pagbibiyak, hanggang sa pagpatuyo nito gamit ang pugon. At dahil hindi sanay ang katawan sa ganung klaseng bigat na gawain, sa pakiwari koy hindi matapos-tapos ang trabaho, napakabagal ng oras at napakainit.

Nanginig at sumakit ang buo kong katawan, naligo sa pawis, kumirot ang sikmura, at humapdi ang balat. Kinabukasan at sa sunod pang mga araw, ganun pa rin ang routine. Gusto ng bumigay ng katawan ko. Ngunit pinilit ko ang sariling labanan ang mental at physical na epekto nun sa akin. Ginawa ko ang lahat para matuto at maka-adapt sa ganung klaseng pressure. Sa ilang araw lang, nakabisado ko rin ang routine at takbo ng trabaho. Kahit ang nakakatakot na pag-akyat ng puno ng nyog ay nagawa ko na rin. At hindi naman ako nabigo sa ipinamalas na sipag at determinasyon dahil natuwa sa akin sina Tatay Nando at mga foster brothers ko. Nasaksihan nila kung paano ko sila sinabayan sa trabaho kahit hirap na hirap ako, kung paano ako nag-adapt sa pamumuhay nila.

Halos araw-araw, yun ang routine namin. Kung hindi naman, nagbubungkal ng lupang taniman, o nag-aararo, o kaya’y nag-iigib ng tubig-inumin isang kilometro ang layo. Napag-alaman ko na kung bakit nila pinag-igihang doblehin ang volume ng pagko-copra nung season na iyon. Ito ay dahil kailangan nila ng pantustos ng tuition fee ng panganay nilang anak na si Maritess na nasa college na at ang iba ay pambayad sa utang. Dahil pa nga dito, sinakripisyo na rin nila pansamantala ang pag-aaral nina Anton at Dodong.

Kapag nakatapos na si Maritess saka na ulit sila mag-aaral, at susuporta na rin si Maritess sa pag aaral nila kapag siya naman itong makapagtrabaho. Ngunit dun lubusang naantig ang puso ko nung magkasakit ang bunsong si Letecia at kailangang dalhin sa ospital. Wala silang pambayad at kahit nandun na sa mismong ospital ang bata ay hindi pa rin maasikaso ng duktor dahil sa walang maipakitang pambayad ang mga magulang. Iyak ng iyak si Nanay Narsing at Tatay Nando at nagmamakaawa sa mga duktor ng hospital. Parang dinurog ang puso ko sa tagpong iyon. Buti nalang nandun ako at may dalang pera at inako ko ang pagbayad.

Ayaw sanang tanggapin nina Tatay Nando ang offer ko dahil mahigpit daw ang bilin ni Sir James na huwag tatanggap ng pera galing sa akin. Subalit, inisist ko na ako ang bahalang mag explain dahil sa emergency naman ang sitwasyon na iyon. Abot-langit ang pasasalamat ni Tatay Nando sa akin nung gumaling na si Letecia.

“Alam mo, Carl, kalusugan ang puhunan namin sa buhay. Kahit ganito lang kami, masaya na kami huwag lang magkasakit ang isa sa amin. At napaka-swerte pa rin namin dahil sa hindi sakitin ang pamilya ko, ngayon lang ito nangyari. Sa hanapbuhay naman, kahit papanu, may lupain kaming tina-trabaho, tinataguyod, at nakakain ng tama. Basta ‘wag lang talagang magkasakit, ‘yun lang ang hiling ko. At malaki rin ang pasasalamat ko dahil biniyayaan kaming mag-asawa ng mga masisipag, mababait, at masunuring mga anak. Sila lang ang maipagmamalaki ko.”

Tumayo ang balahibo ko sa narinig. Hindi ko akalaing sa kabila ng tindi ng kahirapan nila, magawa pa ring magsabi ni Tatay Nandong maswerte sila. Ang nasabi ko nalang sa sarili, “Napaka selfish ko... heto ang isang taong halos magpakamatay na sa hirap at tindi ng trabaho makamit lang ang kapiranggot na pera, ang laki na ng pasasalamat sa klase ng buhay nilang natamo. Ngunit ako, heto, kabaligtaran. Nasa akin na sana ang lahat ngunit hindi ko man lang nakita ang kahalagahan ng mga ito.”

At ang isa pa ring binitiwan niyang salitang tumama sa puso ko ay ang pagka-proud niya sa mga mga anak niya. “Ako kaya? Naging proud din kaya ang Mom ko sa akin sa kabila ng pagiging pasaway ko?” Hindi ko na napigilang tumulo ang luha. Sa dalawang buwang pagtira kina Tatay Nando ko na-experience ang masasabing tunay na kahulugan ng buhay, ang pagsisikap, ang magbanat ng buto, ang danasin ang gutom at suungin ang anu mang pisikal na hadlang para lang makakain ng tatlong beses sa isang araw at maitaguyod ang ang mga pangangailangan ng wala ni konting pag-aatubili o hinaing sa kabila ng lahat ng hirap.

Inaamin ko na sa experience na yun, nagbago ang paningin ko sa buhay at sa mga bagay-bagay. Naintindihan ko na ng lubusan ang kahalagahan ng pagsisikap, ang pagsasakripisyo, at ang sarap ng pakiramdam sa kahit maliliit na tagumpay kapag itoy nakamit sa malinis at pinaghirapang paraan, o sa pagharap ng mga pagsubok, at malampasan ang lahat. At naintindihan ko na rin kung bakit sa kabila ng paghihirap ng isang tao ay kaya pa rin niyang humarap sa mundo na puno ng pag-asa at magsabing “napaka-swerte ko pa rin sa buhay.”

Higit sa lahat, naintindihan ko na rin na hindi sa dami ng pera o karangyaan, o bisyo at droga mahahanap ang tunay na kaligayahan. Tumulo ang luha ko nung araw na makumpleto ko ang task na ibinigay sa akin ni Sir James at kailangan ko nang magpaalam Kina Tatay Nando, Nanay Narsing, Maritess, Anton, Dodong, Clara, at Letecia. Hindi ko lubos maipaliwanag ang nararamdaman. Masakit dahil kahit sa napakaiksing panahon ay naging parte na rin sila ng buhay ko, naging close kami sa isa’t isa, nagsama sa hirap at mga pagsubok at sumuporta sa bawa’t hirap na sinuung.

At marami akong natutunan sa kanila na hindi ko natutunan sa loob ng eskwelahan. Ngunit sa kabilang daku, may saya din sa puso dahil babalikan na ulit ang mundo ko na may malaking pagbabago sa paniniwala at pananaw sa buhay, baon-baon ang mga natutunang magagandang aral. “’Tay, ‘wag po kayong mag-alala, bibisitahin ko po kayo dito. Hindi maaaring hindi ko babalik-balikan ang lugar na to kung saan ko natutunan ang tunay na kahulugan ng buhay,” ang paniguro ko kay Tatay Nando bago ko sila inisa-isang akapin.

Tinahak ko muli ang makikitid at matarik na daan pabalik. At sa pagkakataong iyon, hindi ko na nararamdaman pa ang hirap at pagod na naranasan sa unang pagtahak ko doon. Kung tumibay man ang loob at pananalig ko sa buhay, tila ganun din ang katawan ko. Ang paulit-ulit na naglaro sa isipan ay ang mga katagang binitawan ni Sir James sa akin. “Napaka-swerte mo sa buhay, Carl... Count your blessings, be happy, and be a positive contribution to the humankind.”

Sa unang pagkakataon naramdaman ko sa puso ang peace of mind at inner satisfaction. Napakagaan ng pakiramdam. At lalo akong humanga sa kaniya. “Tama ka, Sir James, napaka-swerte ko sa buhay. At napaka swerte ko rin na nagkaroon ng isang guro na katulad mo. Promise ko sa iyo na sa paghaharap nating muli, bagong Carl Miller na ang makikita mo, puno ng determinasyon at pagsisikap, puno ng kabuluhan, puno ng pagpapahalaga at pagpursige sa buhay.”

-----o0o-----

Nung magkita kami ulit ni Sir James, hindi na sa Conference Room kung hindi sa bago niyang office sa Student Affairs. Nung pumasok ako, nakaupo na siya sa sofa, kagalang-galang ang dating sa suot niyang long sleeves na kulay brown, yellow-and-black tie, slacks, at itim na sapatos, kabaligtaran naman ng sa akin na white t-shirt at faded na maong na may mga butas-butas. Napansin ko rin ang bagong gupit at makintab niyang buhok. Sa loob-loob ko, “Shitttt! Hanep ang dating ni idol!”

Umupo ako sa isang upuan sa harap niya, medyo kinakabahan, hindi maipaliwanag ang sobrang saya at excitement. Abot-tenga ang binitiwang ngiti niya sa akin at nang iniabot niya ang kamay, “Wow, ang gara ng office mo James, este, Sir! Iba ka talaga!” ang biro ko at biglang hablot ang kamay niya upang magdikit ang mga katawan namin.

Natawa lang si Sir habang tinugon ang mahigpit kong yakap, halos madikit na ang labi niya sa pisngi ko sa sobrang higpit ng yapos ko sa kaniya. Tinapik niya ang likod ko at kinuha na ang report, binasa, umupo ulit sa sofa at tumango-tango. Hindi ko na iniisip pa kung ano man ang grade na ibigay niya sa akin. Ang mahalaga, nagawa ko ng maayos ang task at ibinuhos ko ang best ko. Pero syempre, excited pa rin ako sa magiging comment niya, pinaghirapan ko yata yun.

“I’m impressed! Excellent job, excellent report, excellent presentation, excellent insights!” Ang sabi niya sabay abot ng kamay pag-congratulate sakin. Para akong lumutang sa ere nung marinig ang comment na yun.

“Thank you, Sir! I really put my heart in it.”

“Yeah, and I can feel it, still alive and throbbing!” Tumawa siya at tumingin sa akin. Ngunit natulala na ako at nakatingin na lang sa kaniya sa sobrang tuwa. Pakiramdam ko na-hypnotize ako sa sobrang ‘di makapaniwala sa nakitang saya niya sa ginawa ko at sa ‘di maipaliwanag na attraction at excitement sa sobrang pagka-miss sa kaniya.

“Dati tini-terrorize ako neto pero ngayon, napakabait na sa akin at tinitingala ko na sa sobrang taas ng respeto ko,” ang bulong ng utak ko. Napansin niya yata na para akong tulala.

“Hey, I’m kidding ok? Didn’t you get my joke?” ang pabiro niyang tanong, sabay angat ng palad sa harap ng mukha ko para i-check kuniyari kung gumagana ang paningin ko.

Natawa na rin ako sa ginawa niyang iyon. “I know you tried your best, Carl. Nakikita ko sa sunog at puno ng rashes mong balat at mukha, at pagpayat mo,” sabi pa niya, sabay binitiwan ang malutong na tawa. “And I hope that this won’t just be in the papers, Mr. Miller. I expect to see a different Carl Miller this time, mature, responsible.”

Nahinto siya ng bahagya. “Kumusta na pala sina Tatay Nando, Nanay Narsing, Anton, Dodong, Clara, at Letecia?”

“Kilala mo silang lahat?” ang tanung kong naguluhan, di makapaniwalang kabisadong-kabisado niya ang buong pamilya.

“Oo naman. Sila ang umampon sa akin. Nung paslit pa lang ako at namatay ang mga magulang ko. Walang kamag-anak ang mga magulang ko dito, kaya, dahil matalik na kaibigan ng nanay si Nanay Narsing, inampon ako ng pamilya niya. Mabait sila sa akin at itinuturing nila akong tunay na anak. At ngayong nakapagtrabaho na ako, sumusuporta na rin ako kahit papano sa pagpapaaral sa panganay nilang si Maritess. Yan ang kwento ng buhay ko. Lumaki akong mahirap at nagbanat ng buto. Kaya nung malaman ko na anak mayaman ka at spoiled brat at that, na-challenge ako na ipakita sa iyo ang ibang mukha ng buhay na naranasan ko, na naranasan ng marami ngunit hindi mo nakita, para mamulat ka sa kahalagahan ng kung ano man ang meron ka na pinaghirapan pang makamit ng iba.

At kung naghirap ka sa dalawang buwan na pananatili mo kina Tatay Nando? Ako, buong buhay, yan ang mundong ginagalawan ko.”

“Ang tindi din pala talaga ng karanasan mo, ano?”

“Oo. At laking pasalamat ko na sa ganung klaseng buhay ako namulat. Dahil dito, naging matatag ang pagkatao ko, ang paninindigan, ang karanasan. Kaya kahit saan ako itapon, mabubuhay ako. At higit sa lahat, sa kanila ko natututunan ang pagpapakumbaba, ang patas na pagsuong sa mga hamon sa buhay, ang sipag at tyaga, ang pagpapahalaga sa trabaho at sakripisyo para makamit ang minimithi, lahat ng iyan utang ko sa kanila.”

“Kaya pala ang galing mo, James. Kaya’t idol talaga kita, sobra! Kahit noon pa mang pinag-iinitan mo ako, idol na kita talaga e. Nainis lang ako sa iyo noon dahil hindi mo ako pinapansin, hehehe,” ang pag-amin kong medyo nahihiya.

“Hahahaha! Sobrang pansin nga kita e kaya kita dinidikdik. Kumbaga, parang isa kang mamahaling gem na kailangang ipolish ng ipolish para lalabas ang buong kinang.”

“Wow naman! Ang lalim! Gem pala ha, ganiyan ako ka-especial?”

“Dahil gusto kong mabago ang baluktot mong pananaw at nang sa ganun, pwede na akong makipag-bonding sa iyo.”

“Hahahaha! Hindi mo kaagad sinabi. E ‘di sana hindi ka na nahirapan,” sagot kong biro din sa kaniya.

“E, at least, naranasan mo kung papanu makagat ng ahas, ang habulin ng putakte, ang pagsisipsipin ng mga lamok at linta ang dugo, ang umakyat ng puno ng n’yog, ang gumamit ng itak at lagari, ang mag-araro at magbungkal ng lupa, at higit sa lahat, ang kumain ng tipaklong!”

“Hahahaha!” Sabay kaming nag tawanan. “Maalala ko pala, ba’t ‘di man lang sina Tatay Nando nagbanggit na dun ka pala sa kanila lumaki?”

“Syempre, inexplain ko sa kanila. Alam nila lahat ang buhay mo, at ang kahalagahan ng task na iyon para sa iyo. Alam ko, naawa sila sa iyo ngunit wala silang magawa. Alam din kasi nila na hindi ka matututo kapag ang turing nila sa iyo ay bilang isang espesiyal na bisita. Kaya labag man sa kalooban nila, pinabayaan ka talaga nilang magbanat ng buto at maki-hati sa mga trabaho.”

“Ganun ba? Naisahan mo na naman ako James e. Andami mo talagang pakulo. Iba ka talaga, idol! So... flat 1.0 na ba ang grade ko?” biro ko.

Ngumiti siya sabay tingin sa akin. “Hindi malayo Carl, ‘di malayo.”

At nakamit ko nga ang gradong “1.0” sa subject ni Sir James. Kagaya ng ipinangako ko sa sarili, ibinuhos ko lahat ng effort at talento sa pag-aaral. Syempre, inspired. At upang mapalapit pa rin kay Sir James na Dean na ng Student Affairs, sumali at naging active ako sa iba’t-ibang college clubs. At ang pinakamalaking karangalan na nakamit ko sa taon na yun ay nung ibinoto ako ng mga estudyante bilang presidente ng student council. Sa buong taon, naging consistent number one din ang pangalan ko sa honor’s list. Kung dati ang bakanteng oras ko ay iginugugol sa barkada at lumalabas halos gabi-gabi at nag-iinum o nakikipag pot session, sa panahon na iyon, mga gawain sa school at pag-paplano ng mga projects an ikabubuti sa mga estudyante at paaralan ang pinagkakaabalahan ko.

Pati ang paninigarilyo ay tuluyang tinalikuran ko na rin. Namangha ang lahat sa ipinamalas kong pagbabago. Naging matindi din ang team-up namin ni Sir James, siya bilang head ng student affairs at ako bilang student leader. Naging mas involved at participative ang mga estudyante sa mga activities at issues, at impressed ang administration sa daming projects na nagawa namin sa school. At lalo pa akong ginanahan sa mga ginagawa dahil sa magagandang feedback at commendations na natanggap. At sa mga kapwa ko estudyante, ako ay kanilang hinahangaan at iniidolo. Ok na sana ang lahat.

Ngunit may isa pa akong issue na hindi masettle-settle at mabigyan ng paraan kung paano ma-resolve: ang nararamdaman ko para kay Sir. Hindi ko alam kung kaawaan o sisihin ang sarili. Simula nung mabago niya ang paningin ko sa buhay, humanga na ako ng sobra sa kaniya to the point na hindi ko na siya maiwaglit sa isipan. Gabi-gabi o sa panahong ako’y nag-iisa, siya plagi ang laman ng utak ko. At ang nagpapatuliro sa akin ay kung bakit ko nararamdaman sa kaniya ang isang bagay na dapat ay nararamdaman ko lang para sa isang babae.

Maraming katanungan ang sumiksik sa isipan ko. “Bakit si Sir James pa? Kontento na lang ba ako sa ganito; na kinakalimutan ang sarili? Paano naman ang kaligayahan ko? Kailangan ko bang magsakripisyo at kalimutan ang sarili upang maiwasan ang maaring mangyaring hazzles, madamay si Sir, at masira lahat ang mga magagandang gawain at simulain naming dalawa sa school? Paano kung may nararamdaman din si Sir para sa akin at hindi na lang ako gagawa ng hakbang? At kung halimbawang gagawa man ako ng hakbang para sa nararamdaman ko at ma-frustrate lang, hindi kaya lalo lang akong masaktan at masira ang tiwala niya at ng mga tao sa akin?”

Oo, nakikita ng mga tao ang ngiti ko sa mga achievements na nakamit at pakikisama ko sa kanila. Ngunit ang hindi nila nakikita ay ang hinagpis at sigaw ng puso ko. Masakit, at sobrang sakit na sa mga pagkakataong kaming dalawa lang ni Sir ang magsama, magtawanan, o magkwentuhan ng kung anu-anong bagay, ang kalooban koy sumisigaw na sana, mayakap o kaya’y maipadama man lang sa kaniya ang damdamin ko. Minsan, ang ginagawa ko na lang sa mga pagkakataong parang sasabog na ako sa halong pagkalito at lungkot sa gitna ng usapan namin, mag-excuse ako niyan at pupuntang CR. At doon ko ipapalabas ang ngitngit sa sarili.

Marahil ay nagtataka din siya kung bakit may mga pagkakataong bigla nalang akong nalulungkot. At kapag nagtanong nag-aalibi nalang ako na masakit ang ulo, sikmura, ‘di maganda ang pakiramdam. Minsan din, may mga oras na gustong-gusto kong mapag-isa. Pupunta na lang ako niyan sa likod ng main school building, uupo sa ilalim ng malaking puno at dun magmumuni-muni na parang gago. “Ganiyan talaga siguro kapag na-in-love ka at sa isang ganito pang klaseng… Ahhhh! Shiiittttt! Ang hirap tanggapin! Nakababaliw!” ang sigaw ko sa sarili. Napansin din ng kaibigan kong si Ricky na mayroon akong itinatago kaya’t palagi niya akong niyayayang lumabas.

Last day na ng second semester nun nung parang ‘di ko na talaga makayanan at nasumpungan kong sumama kay Ricky. Nag-bar kami, umorder ng beer. Medyo nag-init na ang pakiramdam ko nung mag-open si Ricky ng topic. “’Tol, buti naman at pinagbigyan mo ako ngayon. Ang tagal na rin nating ‘di nakapag-bonding. Na-miss ko na ang ganito ah!”

“Oo ako nga din eh. Sensiya ka na. Gusto ko sana kasi ma-maximize ang time ko para sa mga projects.”

“Naintindihan ko naman yun, ‘tol. Pero, mag-enjoy ka naman paminsan-minsan. Remeber, ‘all work and no play makes Carl a dull boy’, hehehe. Bata pa tayo. I-enjoy natin ang buhay.”

“Nag-eenjoy din naman ako sa work ko eh. Kaso...”

“Kaso, ano...?” Mukhang na-excite si Ricky nung ‘di sinadyang nabanggit ko ang salitang ‘kaso...’.

“Oh, come on, Carl. Huwag kang magkunwari ‘tol, in love ka ano? Sino? Sino ang tangnang swerteng babaeng iyan, ha?”

“’Yan na nga ang problema tol eh...”

“Putsa, kala ko ba hindi ka namomroblema sa babae. Sa gandang lalaki mong yan? Matalino, mayaman, campus idol, kilabot ng mga chicks, ng mga koleheyala, ng mga guro, ng mga madre, ng mga kung anu-ano pa? Anong pinoprob----“

“Lalaki siya ‘tol.” ang casual kong pagkasabi pag cut sa kaniya. Parang malaglag si Ricky sa inuupuan sa reaksyon niya.

 

 

Itutuloy…..

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...