Idol
Ko Si Sir – Book 2 (Part 7) Finale
By:
Mikejuha
(From:
Pinoy Gay Love Story)
Isang liham ang
nakita kong isiniksik sa bulsa ng aking knapsak, nang aking basahin ay para
akong biglang nawalan ng lakas pagkatapos kong basahin ang sulat niya. At imbis
na bumalik ulit sa higaan, dinampot ko ang knapsack, dali-daling tinungo ang
cabinet, at kumuha ng mga malilinis na damit. Kinolekta ko na rin ang mga
ala-alang itinatago at dali-daling naligo. Hindi ko na nagawang magpaalam sa
mommy, at parang kidlat na dumeretso na ng terminal pabalik sa lugar nina Tatay
Nando, umaasang magkita pa kami ni Sir James.
-----o0o-----
Mag-aalas onse na ng tanghali nung makarating ako sa lugar. Sumalubong
kaagad sa akin si Anton at hindi magkamayaw sa kasisigaw “Carl! Carl! Wala na
si Kuya, iniwanan na niya tayo!” Pakiwari ko’y huminto ang takbo ng mundo,
natulala, hindi makakilos sa kinatatayuan. Nabitiwan ko bigla
ang dala-dalang bag at animoy puputok ang dibdib sa sobrang sakit na
naramdaman. Biglang nagblackout ang paningin. Inalalayan na lang ako ni Anton
at tinapik-tapik ang likod, pinaupo at pinainom ng tubig.
Nung tiningnan ko na
ang bangkay ni Sir James, hindi ko na napigilan ang humagulgol. Parang ako lang
ang nag-iisang tao sa paligid, sumisigaw, niyayakap-yakap ang bangkay, at tila
sinisisi. “James, ba’t di mo sinabi? Bakit di mo sinabi James? Wala naman akong
nagawang kasalanan sa iyo ah? Bakitttttttt?!!!”
Nung mahimasmasan,
kinausap ako ni Tatay Nando at nalaman kong mag-aalas 6 na ng umaga sa araw
ding iyon nila nalamang patay na si Sir James. “Nagtaka nga kami dahil hindi na
ito naghapunan kahapon lang, nung araw na umalis ka, at may mga inihahabilin na
kay Anton na kung anu-ano. Akala namin, nagbibiro kaya hindi na namin binigyan pansin. Ngunit nung
hindi na rin kumain ng agahan kanina, iyon na pala.”
Parang dinurog ang
puso ko sa narining at hindi maiwasang sisihin ang sarili. “Marahil, kung hindi
lang ako umalis, nagsama pa kami, at nanjan sana ako sa tabi niya hanggang sa
kaniyang huling hininga. Sana, naipadama ko pa na mahal na mahal ko siya,” sabi ko sa sariling
punong-puno ng panghihinayang. Naalaala ko ang mga luhang nakitang tumulo sa
mga mata niya nung umalis na ako. At napagtanto ko na narinig niya nga ang mga
binubulong ko sa kaniya, ngunit marahil ayaw niyang makita akong masaktan kapag
dinamayan ko siya, pinabayaan na lang niya akong umalis.
“Bakit ’Tay, ’di n’yo po ba alam ang kalagayan niya?” ang tanong kong
halatang may hinanakit.
“Napansin namin yung pananamlay niya, ang pagpayat, pamumutla at ang
pag-atake ng pagkahilo at minsan, pagsusuka. May mga
panahon din na bigla na lang ‘yan nawawalan ng malay o babagsak. Ngunit ang
sabi naman niya kasi sa amin ay ‘wag mag-alala at ordinaryong hilo lang daw
yun, at may mga gamot naman siya. Hindi naman namin akalain na malala na pala ang kalagayan niya.”
Maya-maya, dumating na rin si Maritess. Pinasundo pala siya ni Tatay Nando.
Halos dalawang taon ding hindi kami nagkita ni Maritess. Simula kasi nung
makapagtapos ng kursong Education, nakapagturo kaagad siya sa syudad. Malaki
rin ang ipinagbago niya. marahil dahil sa klase na rin ng trabaho, kuminis ang
balat, marunong nang magdala ng damit at at tumingkad ang ganda. Hindi pa
halata ang dinadala niya sa sinapupunan, siguro nasa 3 to 4 months lang. Naka-shades
at halatang nag-iiyak.
Sinalubong ko siya
at niyakap. Nung hinahaplos-haplos ko ang likod niya, lalong humahagulgol na
tila humugot ng lakas sa akin. Inaamo-amo ko at pinayuhan na buksan ang isipan
at tanggapin ng maluwag ang mga pangyayari. Hinatid ko siya sa harap ng bangkay
at iniwanang mapag-isa doon. Sa hapon din na iyon inilibing na namin si Sir
James. May habilin daw kasi kay Anton na kung may mangyari man sa kaniya, ay
kaagad siyang ilibing. Gusto ko mang magprotesta dahil sa marami din namang
nagmamahal sa kaniyang mga estudyante, kapwa guro sa dating tinuturuan, mga
sponsors ng project niya sa malaking syudad kasama na dito ang mommy, na sana
ay gusto pa siyang makita. Ngunit wala na rin akong magawa kung yun ang habilin
niya.
Kung gaano kabilis
ang pagpanaw ni Sir James, halos ganun din kabilis ang paghatid sa kaniya sa
huling himlayan. Nung inilagay na ang bangkay sa kabaong, napansin kong hindi
nila dinamitan ng pang-itaas. Tinanong ko si Anton kung bakit.
“Isa ito sa mga
nabanggit niya sa akin Carl nung huli ko siyang makausap sa kwarto niya, na
kung sakaling ililibing daw siya, wag siyang bihisan ng pang-itaas. Akala ko
nga biro lang e. Sundin nalang natin.” and paliwanag ni Anton.
Biglang pumasok sa
isip ko ang mga katagang binitiwan niya nung maghiwalay kami ng isang buong
taon na walang komuniklasyon at tinanong ko siya, “Paano mo ipaparamdam sa akin
na mahal mo pa rin ako; na wala pa ring nagbago sa iyo sa sunod nating
pagkikita?”
“Huhubarin ko ang
pang-itaas kong damit!”
“Kahit sa gitna ng
maraming tao?” pag-follow up ko. “Oo, kahit sa gitna ng maraming tao!”
“Promise?”
“Promise!”
Tinupad nga niya
iyon nung magkita kami ulit sa harap pa ng klase niya. Akala ko nga, hindi niya
na gagawin iyon dahil nagka-klase siya e. Ngunit sadyang pursigido siyang
panindigan ang sinabi. Gusto niya kasing ipakita din ang marka sa dibdib niya
gawa ng pagkudlit nun bago kami magdesisyong maghiwalay pansamantala ng isang
taon. At nakuha ko na ang ibig niyang sabihin, kung bakit ayaw niyang damitan siya
ng pang-itaas sa burol niya. Kaming dalawa lang ang nakakaalam.
Alas singko ng hapon
sa araw ding iyon inihatid si Sir James sa huling hantungan niya. Halos buong
baranggay ang di magkamayaw sa pagtulong sa lahat ng preparasyon sa burol.
Kahit ang mga tao sa mga karatig baranggay ay nandun din, naki dalamhati. Pati
na ang mga estudyante niya at ilang mga madre sa dating tinuturuan na nakaalam
ay walang pag-aatubiling umakyat sa bulubundoking lugar, makiramay lang at
makihatid. May mga nag-abuloy ng pera, kung anu-ano gaya ng mga alagang manok,
baboy, pananim na gulay, prutas. Lahat ng tao sa baranggay ay nakiramay at
nagluksa. Halos kulang na lang na gawan nila ng rebolto si Sir James.
Ako, si Anton,
Dodong, at ilang mga matatalik na kaibigan ang naka-assign na bumuhat sa
kabaong. Handa na ang lahat na buhatin ang kabaong nung hinubad ko ang t-shirt
at isinaksak ang dulo nito sa likurang bulsa ng jeans at hinayaang nakalaylay
iyon. Nagtaka ang iba pa naming mga pallbearers. Tila naintindihan ni Anton ang
dahilan ng paghubad ko ng damit at hinubad na rin niya ang t-shirt niya. At
sumunod na rin si Dodong, at lahat na ng mga pallbearers.
Nung makita ng iba
pang mga kalalakihan ang ginawa namin at sa maaring pagintindi nila sa
kaugnayan nun sa hubad na pang-itaas ni James, nagsihubaran na rin sila ng mga
t-shirts. Habang buhat-buhat namin ang kabaong niya at naglalakad patungong
sementeryo, patuloy naman ang pag-agos ng luha ko. Halos hindi pa rin matanggap
ng isipan na wala na siya; na buhat-buhat ko pa ang kabaong niya. Nung sa wakas
ay inilatag na ang kabaong sa hukay, hindi na nakayanan ng katawan ko ang
sobrang tension, lungkot, pagod, at kakulangan ng tulog. Nawalan na ako ng
malay. Inagapan kaagad ako nina Anton, Tatay Nando at Dodong.
Gabi na nung makauwi
kami ng bahay. Mabigat pa rin ang kalooban at tila disoriented sa panibagong
set-up na biglang naglaho ang mahal sa buhay. Dumeretso ako sa kwarto ni James.
Nahiga sa banig at unan na huli niyang ginamit at kung saan nakita kong dumaloy
ang mga luha niya nung huli ko siyang iniwan. Tila nawalan ng kulay ang mundo.
Ang dating kwarto na kung saan ilang ulit naming ipinadama sa isa’t-isa ang
wagas ng pag-iibigan ay mistulang nagluluksa din. Hinagod ng mga kamay ko ang
papag sa paligid ng hinigaan ko. Hinanap-hanap ng mga paa ko ang init ng mga
paang dati ay nakahanda lang sa mga dantay ko. Ngunit wala na ang mga ito.
Walang humpay ang pagtagos ng aking luha...
Nasa ganung ayos ako nung biglang pumasok si Anton. “Carl, may ipapakita
ako sa iyo!”
“Ano yun, Anton?” Ang tanong ko.
“Halika, samahan mo ako.” Kinuha muna ni Anton ang
flashlight at dinala niya na ako sa may harapan ng bahay, may mga 60 metro ang
layo galing sa bungad nito.
“Heto, kagabi
itinanim ni Kuya James tong mangga at ang sabi niya, ipakita ko daw sa iyo.
Tinulungan ko nga siyang maghukay jan dahil groggy na siya nun e, halos hindi
na makayanan ang sarili. Sinabihan ko nga na magpahinga na lang muna dahil
naduduwal, at nagsusuka pa nga. Kaso, ayaw paawat. Dapat daw niyang magawa muna
ito saka na siya magpahinga. Kaya, tinulungan ko na para matapos kaagad.
Awang-awa nga ako sa kaniya, e. Pagkatapos naming maghukay, may inilagay siyang
box at saka itinanim na yang mangga. Ipakita ko lang daw sa iyo to at alam mo
na ang gagawin.”
“Salamat Anton, salamat at kahit papanu, nanjan ka, umalalay kay Kuya James
mo.”
Pinakawalan ni Anton sa akin ang isang titig na animoy nagpapahiwatig ng
pagdamay, ng pang-unawa. “Mahal na mahal ka ni Kuya James Carl. Hanggang sa
huling sandali ng kaniyang buhay, ikaw pa rin ang nasa isip niya.”
Sinuklian ko lang siya ng tango at pilit na ngiti. Nung makaalis na si
Anton, dali-dali akong naghanap ng karton kung saan ko inilagay ang mga alaala
namin ni Sir James, kasama na ang white gold bracelet na kahawig na kahawig ng
ibinigay ko sa kaniya at yung wristwatch. Inilagay ko rin ang damit at pantalon
na sinuot ko nung gabing nagkudlit kami ng aming mga balat. Bago ko isinara ang
box, gumawa ako ng sulat.
Dear James,
Pangako ko sa iyo, susundin
ko ang mga bilin at mga inihahabilin mo sa akin. Habang may buhay pa ako,
aalagaan ko ang pagmamahalan natin. Susundin ko ang lahat ng mga payo mo. At
dito sa itinanim mong puno, dito ako huhugot ng lakas, dito kita hahanap-hanapin
sa mga oras na kailangan ko ng masasandalan, o kaya kung kailangan kong i-share
ang mga tagumapay. Dito, ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Salamat sa
pagdating mo sa buhay ko. Salamat sa mga masasayang ala-ala. Pinaghiwalay man
tayo ngayon ng tadhana, saksi ang punong itinanim mo sa nararamdaman ko para sa
iyo: mahal na mahal kita. Habang pumipintig pa itong puso, ikaw palagi ang
hahanap-hanapin nito.
Hintayin mo ako, James. Sa
kabilang buhay, hindi na tayo paghihiwalayin pa.
Carl
Idinampi ko ang sulat sa mga labi ko bago ito inilagay na sa box. Binalikan
ko ang punong itinanim ni James at hinukay ulit iyon. Pinatay ko ang flashlight
na bigay ni Anton at hinayaang ang sinag na galing ng bahay ang siyang
magsilbing ilaw. Gamit-gamit ang pala, hinukay ko ng
marahan ang puno ng seedling ng mangga at inilipat pansamantala. Pagkatapos,
hinukay ko naman ang box na siyang ibinaon ni Sir James. Nung makapa na ng mga
kamay, hinugot ko iyon. Umupo ako sa gilid ng pinaghukayan, inilagay sa
kandungan ang box, pinagmasdan, niyakap-yakap at idinadampi-dampi sa mga labi.
May ilang minuto din ako sa ganung ayos. Bago ko ibinalik muli ang box,
sinulatan ko ang labas nito, “James Loves Carl”. Tapos, kinuha ko ang box ko at
sinulatan ko din, “Carl Loves James”.
Hinubad ko ang
t-shirt, kinuha ang swiss knife sa bulsa at kinudlitan ang upper part ng chest
kung saan nandun ang marka nung dati naming pagkudlit. Ipinapatak ang dugong
dumadaloy sa dalawang boxes. Masakit, mahapdi, ngunit tiniis ko. Pagkatapos,
pinagdikit ko na ang dalawang boxes gamit ang masking tape bago ibinalik muli
sa hukay, tinakpan ng lupa at sa ibabaw nun ibinalik na rin sa pagtanim ang
mangga. Sa buong gabi na iyon, sa dating kwarto namin ni James ako
nagmu-mukmok. Pakiwari ko
napakabagal ng oras, napakalamig ng gabi.
Kung ang dating
ingay ng mga nocturnal na mga hayop at ang mga nagkikiskisang dahon gawa ng
pagbugso ng hangin ay naririning ko, sa gabing iyon tila nakakabingi ang
katahimikan, nakakabagot, di malaman ang gagawin, at ang larawang nasa isip ay
ang maamong mukha ni Sir James, tila nanjan lang siya, abot-kamay, napakalapit.
Ngunit, sa loob lang ng isipan ko.
Maya-maya at marahil
ay bunga na rin ng sobrang lungkot sa di matanggap-tanggap na bilis ng
pangyayari, bigla na lang akong bumangon at tinungo ang sementeryo, di alintana
ang nakakapanindig-balahibong lamig ng simoy ng hangin at ang nakakapangilabot
na ungol ng mga aso. Naupo ako sa gilid ng puntod niya, parang baliw na
nakikipag-usap, ibinubuhos ang lahat ng hinagpis at sama ng loob. Hanggang sa doon na rin ako nakatulog.
Sa panaginip ko nagpakita si Sir James. Animoy napakasaya niya,
napakapayapa at tila nababalot ang buong katawan ng kaaya-ayang liwanag.
Inakbayan niya ako at pinayuhan na ’wag nang malungkot dahil ang paglisan niya
ay may dahilan. Pagkatapos ay itinuro niya sa akin ang dalawang batang lalaking
masayang naglalaro sa ilalim ng puno ng mangga; ang isa ay kahawig na kahawig niya
at ang isa naman ay kahawig na kahawig ko. “Sila ay tayong dalawa, Carl. Masaya
ako, dapat ay ganun ka rin.”
’Yun ang eksenang tila buhay na buhay na naiwan sa aking isipan. Nagising
ako nung tumama na sa mga mata ko ang sikat ng araw. “Umaga na pala. Akala ko
ay totoo ang lahat.” bulong ko sa sarili nung matanto na panaginip lang pala
ang tagpong iyon. “Marahil, yung puno ng mangga ay yun ang itinanim niya at
lumaki na. Ngunit bakit naging bata ulit kami?”
Nabalot man ng matinding kalituhan ang isip sa di maintindihang kahulugan
nun, tila nahimasmasan na rin ako na nakita siyang masaya at mapayapa.
Nagpaalam ako sa kaniya; idinampi ang mga labi sa tuktok ng krus sa may uluhan
ng kaniyang puntod at dumeretso na ng bahay kung saan ang buong pamilya nina
Tatay Nando ay nasa harap na ng hapag kainan, maliban lang kay Anton na
naghahanap sa akin. Bakas pa rin sa mukha nila ang tindi ng lungkot at hinagpis
na nadarama.
Kung dati nakikita ko ang saya nila at ang pagbibiruan kapag
nagkakasamasama sa hapag-kainan, sa umagang iyon, halos lahat ay tulala, hindi
makapaniwalang wala na ang isa sa itinuturing nilang haligi ng kanilang
pamilaya, ang tumatayong panganay at kuya, o halos pangalawang tatay na.
“Saan ka ba nagpunta, Carl? Hanap kami ng hanap sa iyo. Ayon si Anton,
pinuntahan ang kubo niya sa may tabi ng ilog nagbabakasakali na nandun ka.”
“Pasensiya na po, ’Tay. Hindi ho ako makatulog kaya naisipan kong lumabas.”
“Saan ka naman nagpunta?”
“Sa puntod po ni Sir James. Doon na rin po ako nakatulog.”
“Susmaryosep!”
Sambit ni Nanay Narsing. “Mabuti na lang at walang masamang naniyari sa iyo.
Mag-ingat ka rito Carl baka mapahamak ka, magagalit ang Mommy mo sa amin.
Atsaka... tibayan mo ang loob mo. Lahat tayo naapektuhan sa pagkawala ni James.
Masakit ngunit wala na tayong magagawa pa. Sadyang ang nasa taas lang ang
nakakaalam kung bakit niya kinuha si James ng ganiyan kaaga. Kagaya mo mahal na
mahal din naming lahat ang batang iyon. Ngunit ipaubaya na lang natin ang lahat ng nasa taas.”
“Pasensiya na po, ‘Nay. ‘Di na po mauulit.” Namuo na naman ang mga luha ko
at dumaloy sa pisngi. “Naisip ko lang kasing samahan si Sir James, parang ‘di
ko kasi mapatawad ang sarili nung pumanaw siya na di ko man lang nadamayan
hanggang sa huli niyang hininga. Nasa tabi niya na sana ako noon, ngunit umalis
pa’t umuwi ng syudad. Kaya naisip ko na kahit sa paraang iyon, maipadama ko sa
kaniya ang labis kong pagsisisi.”
Hindi na rin napigilan ng lahat ang tumulo ang mga luha nila, at pilit na
pinigilan ang paghagulgol.
“O, e, nandito na pala si Anton. Anton! Halika na, nandito na si Carl!” ang
pasigaw na tawag ni Tatay Nando, pagputol na rin sa napakalungkot na tagpo.
“A, nandito na nga si Carl!” sagot naman ni Anton “May nakakakita kasi sa
kaniya na patungo na raw dito, kaya dumeretso na ako. Saan ka ba nanggaling
Carl?” tanong ni Anton sa akin.
“Jan lang,” ang
matamlay kong sagot.
Naupo si Anton sa hapag. Matamlay, halos ayaw nang
maglagay ng pagkain sa plato. Tinikman ko lang ang tuyo at sumubo ng dalawang
kutsarang kanin, nanatiling nakaupo, nakiramdam, at naghintay na matapos silang
lahat sa halos hindi magalawgalaw rin nilang pagkain.
“Kumain ka ng marami, Carl para ka lumakas.” payo ni Tatay Nando.
“Tama na po iyon, Tay, wala pa po akong gana.” ang sagot ko naman
Tahimik ang lahat
nung biglang sumingit si Dodong. “Paanu yan, Nay e di na matutuloy ang kasal
nina Ate Maritess at Kuya James?”
Nagtinginan ang
lahat kay Maritess. Nung
tiningnan ko siya. Nakita ko sa mga mata ang sobrang paghihinagpis. “Magre-resign
na lang po ako sa tinuturuan ko, ‘Nay, ‘Tay,” ang malungkot niyang sabi.
“Bakit naman?” ang
tanong ni Nanay Narsing.
“Syempre...” hindi
kaagad naituloy ni Maritess ang sasabihin, nasamid sa sobrang pagpigil sa
pag-iyak. “Tatanggalin din naman nila ako dahil bawal ang mabuntisan.” At
tuluyan na siyang humagulgol. “Atsaka, hindi ko na po kaya ang mga tsismis ng
mga tao, ng mga kasamahan ko sa trabaho,” dagdag niya.
Parang tinusok ang
puso ko sa nararamdamang paghihirap ng kalooban ni Maritess. Naalala ko bigla ang habilin ni Sir James sa akin. “...hihilingin ko sa iyo na kung
sakaling matapos bigla na ang buhay ko, alagaan mo si Maritess at ang magiging
anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang
mga pangangailangan...”
Hindi ko maintindihan ang sarili nung biglang pumasok iyon sa isip, at tila
may nag-udyok sa akin na magsalita. “A, e. ‘Tay, ‘Nay,
ituloy na lang po natin kaya ang kasal. Kung papayag po kayo at si Maritess,
ako po ang tatayong groom ni Maritess,”
Nagtinginan silang lahat sa akin sa pagkabigla, nagtataka kung bakit nasabi
ko ang ganun. Ako man ay halos di makapaniwalang lumabas sa mga bibig ko ang
mga katagang iyon. Nilingon nina Tatay Nando at Nanay Narsing ang isa’t-isa,
nag-salubong ang kanilang mga titig, bakas ang pagkalito ngunit tila nag-uusap,
habang si Maritess ay biglang tumayo at tumakbo papuntang kwarto niya.
Hindi kaagad
nakapagsalita nina Tatay Nando at Nanay Narsing. “A... e... Carl, sigurado ka
ba jan sa sinasabi mo? Napakamaselang bagay ang sinabi mo at ang pagpapakasal
ay hindi isang pagkaing pwedi mong isubo at iluwa pag inaayawan mo na. Isa pa,
ang nagpapakasal ay dapat nagmahalan.” Sabi ni Tatay Nando at tumango-tango
naman si Nanay Narsing.
“Tay, hindi lahat ng
nagpapakasal ay nagsimula sa pag-iibigan. Marami ring mga kasong nagsimula sa
pangangailangan, yung iba ay sa kaugalian o kultura. Yung iba ay sa paniniwala. Hindi mahirap mahalin si
Maritess, ’Nay, ’Tay. Maganda, matalino, at higit sa lahat, napakabait.
Napakarami na pong dumaang babae sa mga kamay ko nung estudyante pa lang sa
syudad at nakita ko na ibang-iba si Maritess sa kanila. Alam ko yan dahil
sinusubaybayan ko ang pagpapaaral ng mommy sa kaniya, sa mga natamong honors niya
sa school, sa mga activities na ini-initiate niya. Hangang-hanga
ako sa kaniya. Pati nga ang mommy ay hangang-hanga sa kasipagan at
determinsayon niya e.”
“Kahit na buntis siya?
Paano na lang ang mommy mo? Papayag kaya siya?”
“Hindi po kasalanan ni Maritess ang mabuntis, ‘Tay. At hindi po niya
kasalanan ang mamatay ang taong nakabuntis sa kaniya. At tungkol sa mommy,
kilalang-kilala ko siya. Lahat handang ibigay nun sa akin. Lalo na kung
mag-aasawa na ako at kay Maritess pa. Biniro pa nga niya ako isang beses na
ligawan daw si Maritess eh. Tsaka, gustong-gusto na nun ang magkaapo. Magtiwala
po kayo.”
“Kung ganun, bakit
di natin itanong kay Maritess?”
Sinundan ni Nanay Narsing si Maritess sa kwarto niya. Maya-maya,
lumabas si Nanay. Umiiling-iling.
“Ano po ba ang sabi
ni Maritess, ‘Nay?”
“Ayaw niya.
Nahihiya, sobra-sobra na daw ang pagtulong mo sa amin, Carl.”
“Ok, ako na ang kakausap sa kaniya” Pinuntahan ko siya sa kwarto. Nung
mag-usap na kami, pakiwari ko, bumabalik ang pagka-chickboy nung estudyante pa
lang ako; nung pakawala pa sa buhay at kahit sinu-sino ang nililigawan, kahit
na guro. Ngunit sa sitwasyon na iyon kay Maritess, animoy naging seryoso akong
nanligaw, kumbaga, ang mga sinasabi ay galing sa puso, kinumbinse si Maritess
sa kahalagahan ng pagsilang at pagpalaki niya ng baby nila ni James na may
tatay na nakikita. Ginawa kong batayan ang sarili, sa paglaki kong walang ama
dahil namatay din ito nung maliit pa ako, ang hirap na naranasan ko nung lumaki
na walang amang gumagabay; ang sakit ng paghahanap ng pagmamahal ng isang ama,
ang pag-iyak ko sa tuwing nakikita ang mga kalaro na sinusundo ng mga daddy
nila, o kasama nila sa pamamasiyal.
“Kung ayaw mong magpakasal sa akin dahil hindi mo ako mahal, kahit para sa
baby mo na lang, sa baby nyo ni James. Maawa ka sa kaniya,” ang sabi ko.
“Bakit mo ginawa ito, Carl? Para ba sa akin o para kay James?”
“Pareho, at para na rin sa bata. Bakit, hindi mo ba ako kayang mahalin?”
Hindi siya kumibo. “Hindi sa ganun, Carl. Lahat ng babae ay nangangarap na
makapag-asawa ng lalaking kagaya mo. Nasa iyo na ang lahat, hitsura, yaman,
talino, sipag, at higit sa lahat, kabaitan.”
“So...?”
“Hindi ko alam.
Hindi ako bagay sa iyo. At... kamamatay lang ni James”
“Tess, Sabado ang
gustong kasal ni James. At sigurado ako, na pag itinuloy natin iyon, matutuwa siya.
I swear.”
“Sinabi ba niya yan
sa iyo?”
Sinabi niya na
alagaan ko kayo, na alalayan ko kayong mag-ina sa mga pangangailangan ninyo. At
alam mo, kagabi, nanaginip ako kay Sir James. Masaya siya, mapayapa. At sinabi niyang
may dahilan daw ang lahat. Ayaw niyang sa pagpanaw niya ay malungkot tayo,
Tess.”
Hindi na siya kumibo, at tumulo na lang ang luha. Niyakap ko siya. Tuluyan
na siyang humagulgol sa mga braso ko. Lumabas kaming
dalawa ng kwarto. “Tay, Nay, tuloy po ang kasal sa Sabado!”
Tila nabuhayan ng loob
ang lahat sa di inaasahang narinig. Ang napakalungkot na tagpo ay biglang tila
nabigyang buhay at nakapagbigay ng ngiti sa mga labi ng bawat isa sa pamilya.
Nagpalakpakan sa tuwa ang mgakakapatid na sina Anton, Dodong, Clara, at
Letecia. Agad naming tinungo ni Maritess ang puntod ni James at ipinaalam ang desisyon.
Bumulong ako,
“James, alam kong ikaw ang nagtulak na gawin ko ang desisyon na ito. Nandito
kami upang hingiin ang iyong basbas. Sana, masaya ka sa desisyon naming ito ni
Maritess. Bigyan mo kami ng palatandaang wala kang pagtutol sa gagawin namin.”
Pagkatapos na
pagkatapos kong sabihin iyon, naramdaman kong animoy may malamig na hihip ng
hanging marahang humampas sa kinatatayuan namin. “Naramdaman mo iyon?” tanong
ko kay Maritess.
“Ang ano?” sagot niya.
“Malamig na hangin na tila biglang umihip!”
“Oo Carl, naramdaman ko!” Tila biglang tumalon-talon ang puso ko sa galak.
“Nararamdaman kong
payag si James na magpakasal tayo Maritess! Payag siya!” ang masaya kong sigaw
habang yakap-yakap na si Maritess.
Dumating ang araw ng
kasal. Dahil sa hindi pa natapos ang 9 na araw na padasal para kay James,
napagdesisyonan ang pamilya na gawing simple lang ang okasyon at sa kapilya ng
baranggay na lang idaos pagbigay respeto kay Sir James. Walang mga espesiyal na
taong imbitado, maliban na lang sa mga piling-pili kong kaibigan. Wala ring
magagarang damit pangkasal, o mga groom’s men at bride’s maids. Casual lang ang
lahat. Kumbaga, tila isang ordinaryong okasyon lang. Ang kapitan ng baranggay
ang Ninong sampu ng mga kagawad. Ngunit dahil sa nalaman din ng buong
baranggay, marami pa rin ang nag-attend. Marahil iyon ay dahil ang pagdiriwang
ay may kinalaman sa akin, na anak ng main donor at siyang nagpapatayo ng school
nila sa baranggay, at sa kagustuhan na rin nilang makibahagi sa importanteng
bagong yugto na iyon sa buhay namin ni Maritess.
Sinadya kong hindi
ipaalam kay mommy ang okasyon. Nais ko kasing sorpresahin siya at upang hindi na rin siya makaka-reklamo
pa. Ang
mommy kasi, kapag ganiyang may okasyon, gusto lahat naka-plano at perpekto.
Ayaw niya yang mga last-minute o rush na activities. Ganiyan siya ka-organize.
At ina-anticipate ko na hindi siya papayag sa ganung napaka-rush na kasalan.
Kaya, nung pinasundo ko siya, pinasabihan ko na lang na may importanteng urgent
na nangyari sa baranggay at sa school. Nasa loob na ang lahat ng kapilya at
tinatanong na ng pari kong may hahadlang. Siya namang pagpasok ng mommy, na
rugged na rugged ang dating, naka-faded maong, t-shirt at sneakers. At sa
kalituhan sa nakitang tagpo, sumigaw “Hintay!” at tumakbo diretso sa harap ng
altar at ng pari, hinawakan niya ako sa balikat at tila hindi pansin ang maraming
taong nakatingin sa kaniya,
“Carl, ano ito?
Huhuhuhu! Ano ba itong ginawa mo sa buhay mo, Carl! Ano itong ginawa mo sa
akin? Huhuhuhu!”
“A... ehem! Mrs.
Miller, ituloy pa po ba natin ang kasal?” pag interrupt ng pari.
“HINDI!!” ang
mabagsik at umalingawngaw na bulyaw ng mommy, tila hindi pa rin pansin ang mga
taong nakatingin.
Nag-react ang mga
tao sa pagkabigla. Bulungan, at tila may commotion sa loob ng simbahan. Nung
biglang mapansin na ng mommy ang ingay nga mga tao at ang mga mata nilang lahat
na nakatutuk sa kaniya, tila bigla ding nahimasmasan at binuhusan ng malaming
na tubig.
“HINDI! HINDI po ako hahadlang. Ituloy nyo na po padre! Paki-dalian nyo
lang! Huhuhu!” ang sabing tila nahihiya, sabay talikod patungo sa upuang
inireserba para sa kaniya.
Tawanan ang mga tao. At nung binigkas na namin ni Maritess ang salitang
“Oo” sa isa’t-isa, palakpakan ang mga tao. Ngunit lalong
lumakas ang tila pagrerebeldeng iyak ng mommy. “CARL! HUHUHUHUHU!!!”
Hanggang sa natapos
ang kasal at binati na kaming dalawa ni Maritess ng mga tao. Binati din ako ni
Ricky, ang best friend ko sa College na inimbitahan ko. “Bro, bakit ka ba
nagbago?” ang pasimple niyang bulong.
“Anong bakit ako
nagbago?” Bulong ko rin.
“Kasi... e... wala na akong kakampi ngayon.”
“Anong walang kakampi, di ko maintindihan?”
“Kasi... lalaki na ang hinahanap ko ngayon, tol!”
“’Wag kang magbibiro
ng ganiyan, tado ka!”
“Totoo, tol. Nagkatuluyan kami nung sekyu ng skul. Heto nga o, may kissmark
pa siyang pabaon sa akin,” at pasekretong itinuro niya ang kaniyang leeg.
“Gago ka pa rin talaga hanggang ngayon!” sabay batok sa kaniya.
Tawanan na lang kaming dalawa. Hindi pa rin kumibo ang mommy. Nung kainan
na, bigla na lang siyang tumayo at nagsimulang magsalita. “Excuse
me everyone! Nandito po ako ngayon sa inaakalang may problema dito sa baranggay
at kailangan ang tulong ko. Ngunit ito pala ang nadatnan ko, ang ikasal ang kaisa-isa kong anak, at
sigurado ako na pakana na naman niya ito. Simula nung maliit pa yan, palagi na
lang akong nauutakan niyan. Palagi akong halos aatakehin sa puso, lalo na kapag
ipinatatawag sa school dahil sa pambobugbog niyan ng kaklase, o paglalagay ng
thumb tax o pandikit sa upuan ng teacher, o kung anu-ano pang mga kalokohan.
Ngayong nagbago na, heto, muntik na naman akong mamatay sa atake. Hindi ako
tutol sa kasal. Ang gusto ko lang sana ay... hindi man lang niya ako tinimbrehan
para naman makapag-makeover ako! Huhuhu! Ni wala akong dalang
extra na damit, amoy pawis ako, ni wala man lang make up o kahit na lipstick.
Ni wala akong dalang videocam! Imagine kasal ng kaisa-isa kong anak at... hindi
ako maganda! Huhuhu!”
Tawanan ang lahat.
“Nung umuwi yan ng bahay, nagsuggest sa akin yan na mag-tour kami... Tapos,
bigla na lang naglaho di man lang nagpaalam? At dito pala napunta at heto kasal
na, ni ho, ni ha, wala? Palagi nalang akong naiisahan niyan.”
Tiningnan niya ako na may pagbabanta sa kaniyang mga mata. “Naka-book
na ang tour natin sa Europe at ako ang dapat na masusunod ngayon. Itutuloy natin
ang scheduled tour natin.”
Napakamot ako ng
ulo. “Mommy naman, kakakasal ko lang, mag-honeymoon pa kami ni Maritess.”
“At bakit? Hindi ba
pweding doon na kayo mag-honeymoon sa Europe?”
Tawanan, palakpakan
ang lahat. Pagkatapos ng celebrasyon, nagpunta ulit kaming lahat sa puntod ni
Sir James kasama ang mga bisita, at nagbaon ng kaunting pagkain, alay sa kaniya.
Kung dati nababalot sa sobrang lungkot at pighati ang tagpo sa libingan niya,
sa pagkakataong iyon ay tila tanggap na ng lahat ang pangyayari ng maluwag sa
dibdib. Ikini-kwento ko rin sa mga tao ang panaginip ko kay Sir James; na
nakita kong masaya siya, at na ayaw niyang makitang malungkot ang lahat.
Maluha-luha pa rin yung iba, lalo na ang mommy na nanghinayang sa sobrang
galing ni Sir James. Inilatag namin ang pagkain sa ibabaw ng puntod, at
nag-alay na rin ng dasal. Naki-cooperate din ang panahon. Ang mainit na sinag
ng araw ay bahagyang tinatakpan ng ulap, may pabugso-bugsong katamtamang hangin
na siyang nagbigay ng preskong pakiramdam.
Napapansin ko na rin
ang awit ng mga ibon, ang mga berdeng dahon ng puno at halaman na nakapaligid,
tila nagpapahiwatig ng kasayahan nila sa tagpong iyon, at ang mga ngiti sa mga
mukha ng bawat taong dumalo.
“James, salamat sa lahat. Alam kong masaya at mapayapa ka sa kinaroroonan
mo ngayon.” ang bulong ko.
Nag honeymoon nga kaming mag-asawa sa Europe; ang pag-alaga ng itinanim ni
Sir James na puno ay inihahabilin ko pansamantala kay Anton. Habang nasa
honeymoon kami ni Maritess, hindi naman magkamayaw ang mommy sa pagsa-shopping
ng kung anu-ano para sa magiging apo niya, at sa plano niyang pag-i-schedule
uli ng kasal namin ni Maritess pagbalik ng Pilipinas; isang engrandeng kasal na
base sa plano at pangarap ng mommy ko para sa akin. Natuloy din iyon, at sa
pagkakataong iyon, natupad din ang gusto niya: na mapaghandaang maigi at makita
siyang maganda sa kasal ko.
Sampung taon ang
nakalipas at marami na ring nagbago. Kung ang baranggay nina Tatay Nando na dati ay napakahirap tahakin, walang
koryente at tubig ay may sementadong kalsada na nagdugtung nito sa kabihasnan,
at madali na siyang puntahan. may koryente na rin, tubig at naabot na ng signal
ng mobile phones. Ang dating bahay nina Tatay Nando ay
pinagawa ko; konkreto, may second floor, at ginawan ko pa ng extension para sa
amin ni Maritess. Doon na rin kami nanirahan.
Sa pamilya nina
Tatay Nando, si Anton ay isa nang negosiyante, nagkatuluyan din at napangasawa niya
si Ester, ang unang naging kaibigan niyang babae at biniyayaan sila ng dalawang
anak; si Dodong ay nakapagtrabaho sa abroad bilang isang engineer; si Clara ay
nagtuturo na rin sa Baranggay School na dating pinamunuan ni Sir James,
samantalang ang bunsong si Letecia ay magtatapos na sa kursong komersyo sa
darating na graduation.
At dahil sa
pagpapakasal namin ni Maritess, masayang-masaya sina Tatay Nando at Nanay
Narsing. Nawalan man sila ng isang James sa pamilya, may kapalit naman ito, sa
pagkatao ko. Dahil sa isang guro, si Maritess na ang namumuno sa eskwelahang
sinimulan ni Sir James. Kung nuon ay nagsimula lang ito sa non-formal classes,
naging isang private non-stock, non-profit elementary/high school na ito na
sinusuportahan pa rin ng mga non-government organizations, na syempre
kinabibilangan ng mommy ko.
Malaki na rin ang
puno ng manggang itinanim ni Sir James. Namumunga na, at napakatamis ng mga
bunga nito. At batay sa nais ni Sir James, ito ang nagsilbing pinaghuhugutan ko
ng lakas, ang nilalapitan ko sa mga panahon ng kalituhan, kalungkutan at
kagipitan. Kadalasan din, sa ilalim ng lilim nito ko dinadala ang pamilya ko at
doon nagpi-piknik, nag-iihaw, o nakikipaglaro sa mga bata. Alam ko na habang
may buhay pa ako, hinding-hindi ko na pweding malimutan pa si Sir James.
Hindi lang dahil sa
puno ng mangga na itinanim niya para sa akin, kungdi dahil na rin sa dalawang supling
namin ni Maritess na siyang nagbibigay kulay sa aming pagsasama at nagbuo ng
buhay at pagkatao ko: ang 10 taong gulang na si James Miller na kahawig na
kahawig at manang-mana kay Sir James; at ang 9 na taong bunso naming si Carl
Miller, Jr. na syempre, kamukhang-kamukha ko at manang-mana naman sa akin. At
itong dalawang supling din ang siyang dahilan sa lubos na kaligayahan at
pagpapasalamat ng mommy ko dahil sa wakas, nabigyan ko rin siya sa matagal niya
nang inaasam-asam at minimithi na hindi lang isa, kundi dalawang malalakas,
makukulit, at makikisig na mga apo.
Sa dalawang batang
iyan imiikot ang buhay naming lahat. Ngayon ko lang napagtanto ang kahulugan ng
ipinahiwatig sa akin ni Sir James sa panaginip kung bakit dapat akong matuwa;
dahil sa pamamagitan ng mga anak namin, natupad ang aming pinapangarap na
magsama at hinding-hindi maghiwalay, hindi man bilang magkasintahan kungdi
bilang magkapatid. Dahil dito, at kahit ano pa man ang mangyari, mananatiling
buhay sa puso’t isip ko ang minamahal at nag-iisang – idol kong si Sir...
-----WAKAS -----
Ilang ulit kong
binasa ang book 1 and 2. Ganda, lahat ng lines sapul,. Best regards nalang sa
author at sana makagawa pa siya ng gay themed story nga, pero makabuluhan at
kakapulutan ng aral.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento