Biyernes, Nobyembre 17, 2023

Mini Series From Other Blog # 11 - The Captain and The First Mate (Part 2) By: Aero Bradley Meade (From: Pinoy Gay Love Story)

 


The Captain and The First Mate (Part 2)

By: Aero Bradley Meade

(From: Pinoy Gay Love Story)

 

Namatay si Doc, at dahil sa wala siyang nakilalang kamag-anak ay sa akin niya iniwan lahat ng kanyang naipundar. Dahil doon ay natulungan ko ang aking mga magulan na maipa-ayos ang aming bahay.

Nagkita na rin kami in Enzo, hindi para magpaliwanag kung bakit hindi siya nakipagkita nung mga nakaraan araw kundi ang sabihin may iba na siya.

Hindi ko alam ang gagawin ko noon, kahit na may pera na ako nun ay napakalaki pa din ng kulang sa buhay ko, tinulungan ako ng mga kaibigan ko na maiayos ang pananaw ko sa buhay at pinilit ko na maging maayos para maisakatuparan ang mga plano ko. Ayokong malulong sa mga bisyo dahil sa hindi ako namulat sa ganung mga bagay at alam ko na ayaw ni Doc na maging ganun ang buhay ko. Naging masama ang ugali ko hindi dahil sa gusto ko lang, kundi dahil sa mga taong nagreject sa akin. Nung mga pagkakatong yun ay mas lalo kong naramdaman ang pagkawala ni Doc. Kung nandyan kasi sya ay hindi ako magiging ganun dahil ayaw ni Doc na maging ganun ako, pero nangyari na ang mga nangyari at alam ko nung mga panahong yun na merong kailangang magbayad sa kalungkutan na nararamdaman ko.

-----o0o-----

Nag-enroll ako sa UST nun bilang med student, gusto ko kasing pantayan yung narating ng mga kapatid ko. Ang Kuya ko kasi ay naka-graduate sa La Salle sa pamamagitan ng scholarship at ang Diko ko naman ay nakapagtapos sa Ateneo na iginapang ng mga magulang ko. Gusto kong patunayan sa mga magulang ko noon na nagkamali sila sa akin dati, gusto ko ipakita na kinaya ko ang apat na taon sa college at lalong mas kakayanin ko ang pag-aaral ng medicine. Kung dati ay hindi o bihira akong pumunta sa mga family gatherings ay sinisigurado ko na inaattendan na namin ang lahat ng ito, nabago ang tingin sa amin ng mga tao at mga kamag-anak namin at kailanman ay hindi na kami nakarinig ng kahit na anong negative mula sa kanila.

Pagkatapos nun ay inisa-isa ko na sila, sinimulan ko ito kay Karl, inalam ko ang modeling agency nilang dalawa ni Enzo at kinaibigan ko ang mga may-ari at head nito, binayaran ko sila para tanggalin nang pakonti-konti ang mga project ni Karl hanggang sa mawalan na sya ng project, dahil dito ay nagtaka si Karl kung bakit nawalan siya ng project sa kabila ng in demand status niya sa mga advertisers at advertising agencies. Nakita ko kung gaano nalungkot si Karl at natuwa ako na sa wakas ay naramdaman din niya kung ano ang pakiramdam ko nung naging sila ni Enzo. At hindi pa dun natatapos ang paghihiganti ko sa kanila, nalaman ko kung sino ang naging tulay para maging mag-on sila Enzo at Karl, at ito ang pinsan ni Karl at housemate nila sa condo na inuupahan nila na si Von.

Gwapo at malaki ang katawan ni Von, isa syang part time model pero ibang agency naman sya. Nagtatrabaho bilang consultant sa isang realty company si Von. Kinaibigan ko sya at hindi nagtagal ay nahulog ang loob nya sa akin at nagpanggap ako na ganun din sa kanya. Pero isang palabas lang ito para sa akin, para mas mapalapit ako kina Enzo at Karl. Mas mapapadali kasi ang mga plano ko kung mas malapit ako sa kanilang dalawa, mas napapadalas ang pagpunta ko sa condo nila at ang paglabas-labas naming apat. Dito ay nakita ko kung gaano nila kamahal ang isa’t isa at mas lalo akong nainis sa mga nakikita ko, sa tuwing kakain kami ay sinisigurado ko na makukuha ko ang atensyon ni Enzo para magselos si Karl at hindi nagtagal ay na-master ko na ito hanggang sa umuuwi kaming apat na naiinis si Karl kay Enzo dahil sa napapako ang atensyon sa akin ni Enzo.

Hindi ko na pinaabot sa punto na tanungin ako ni Von kung pwede maging kami, ipinaalam ko sa kanya na hanggang magkaibigan lang kami at hindi kami pwedeng maging magpartner. Natanggap naman ni Von yun at hindi siya nagalit sa akin, sa halip ay naging mas close pa kami nang dahil dun. Nung mga panahong iyun ay alam ko na “hooked” na sa akin si Enzo kaya madalas kaming magkita at lumabas kahit na sila pa din ni Karl. Ginawa ko ang lahat para mahulog si Enzo sa akin at nagtagumpay ako, may pagkakataon pa na mas pinipili niya na makasama ako kesa kay Karl.

Madaming projects si Enzo nung mga panahong yun at ipinatanggal ko ang lahat ng ito sa agency. Kahit na tutol sila dito dahil sa laki ng mawawalang kita ng agency sa pag-aalis nila ng project kay Enzo. Tinapatan ko ang kikitain ng agency sa mga projects na aalisin nila kay Enzo at dinagdagan ko pa ang babayaran ko para hindi sila magdalawang isip na gawin ito. Ginawa naman nila na alisin ang mga projects ni Enzo at nalungkot sya. Dahil dito ay mas nagconfide sya sa akin, alam ko kasi na walang magagawa si Karl dito samantalang ako ay marami ang kaya kong gawin. Sinabi ko kay Enzo na tutulungan ko sya na magkaroon ulit ng mga project, habang naghihintay ay babad sa gym si Enzo dahil sa inassure ko sya na magkakaroon sya ng madaming projects.

Dahil sa mga koneksyon na meron ako ay naibalik ko ang mga projects ni Enzo at nadagdagan pa ito. Simula nun ay palagi na silang nag-aaway ni Karl kaya palaging nakikipagkita sa akin si Enzo para magsabi ng mga hinaing niya sa relasyon nila ni Karl. Ipinaramdam ko sa kanya na lagi akong available para sa kanya at dahil dun ay nahulog na nang tuluyan si Enzo sa akin.

Bukod kay Enzo ay naging abala din ako sa pag-aaral sa school, naging masaya ako sa panahong nilagi ko habang ako ay nag-aaral ng medisina, doon ko nakilala si Max at si Justin na naging inspirasyon sa akin na balang araw ay magiging katulad ko din, pero alam ko naman na malayong-malayo ang estado naming dalawa ni Max at kung merong love story na para sa akin ay sigurado ako na hindi ito kasing tamis nung sa kanila ni Justin. Alam ni Max ang lahat ng mga nangyayari sa akin at alam ko na kailanman ay hindi siya nagkulang ng mga paalala sa akin bilang isang kaibigan.

Naninimbang ako sa mga nangyayari sa amin ni Enzo, may part kasi ng utak ko na parang nakokonsensya sa mga ginagawa ko at meron din namang part sa akin na masaya ako, dahil dun ay madalas akong mapunta sa dalawang sikat na lounge sa Newport at sa isang lounge ko nakilala si Rex. Si Rex ay isang bartender. Nakilala ko siya dahil lagi ko syang natyetyempuhan na nakaduty at siya ang palaging gumagawa ng mga drinks ko. Nabaitan kasi ako kay Rex at nakita ko ang sarili ko sa kanya nung nagsisimula pa lang ako noon sa college.

Mas matangkad sa akin si Rex at malaki ang built ng katawan niya, hindi naman ganun ka-defined ang katawan niya pero banat naman sya sa trabaho kaya makisig din syang tignan. Sa lahat ng empleyado doon ay sigurado ako na si Rex ang pinakagwapo sa lahat. Kung hindi nga lang sya naka-uniform ay mapagkakamalan mo syang customer at hindi empleyado.

Nagkakalabuan na sila Enzo at Karl at hindi nagtagal ay nagkahiwalayan sila. Natuwa ako sa nangyari sa kanila at sa isip ko ay panigurado na sa akin babalik si Enzo, hindi ako nagkamali at ito na nga ang nangyari. Sinabi ko na lang kay Enzo na ‘wag namin madaliin ang lahat at pumayag naman sya. Alam kasi niya na magiging kami din pagkatapos ng ilang buwan pero hindi ito nangyari dahil sa pinaasa ko lang din siya kagaya ng ginawa niya sa akin dati. Doon ay parang nakaganti na ako sa kanya sa lahat ng sakit na binigay niya sa akin noon. Halos magmakaawa si Enzo sa akin noon at pinagbigyan ko siya. Pinasakay ko siya na kami pero hindi na ako ganun ka-attached sa kanya. Ipinakita ko din kay Karl kung ano yung dapat na sa akin dati pa, na kung hindi siya nanghimasok sa amin ay malamang na matagal na akong masaya.

Tuwing Biyernes ay nagpupunta ako sa lounge kasama ang ilang mga kaibigan, dito ay mas lalo akong napalapit kay Rex. Mabait na tao si Rex at hanga ako sa determinasyon na meron sya. Madami din akong nalaman sa kanya dahil sa madalas na pagpunta ko dun. Nalaman ko na nag-aaral pala siya dati sa isang sikat na school na para sa mga marine o seaman. Natigil lang sya sa pag-aaral dahil sa kailangan niyang suportahan ang pamilya niya, iniwan na kasi sila ng tatay nila. Pero mas lalo akong humanga sa kanya dahil sa pagmamahal niya sa tatay niya kahit iniwan sila nito, na iba sa akin dahil sa hindi nga kami iniwan ng papa ko pero nabuo ang sama ng loob ko sa kanya nung mga panahong itinataguyod ko ang sarili ko imbis na siya ang nagtataguyod sa akin. Ibang klase na tao si Rex at madami akong natutunan sa kanya na hindi ko pa nalalaman dati. Responsable at mabait na anak si Rex at umasa ako na balang araw ay matutulad din ako sa kanya.

Habang tumatagal ay naging magkaibigan na kami ni Rex, tinulungan ko siyang makapag-aral muli dahil sa isang taon na lang ay makakagraduate na din siya at sayang naman kung hindi niya ito matapos. Ayoko naman kasi na habambuhay na lang siya dun sa lounge habang ang mga kapatid niya ay titulado na at siya ay hindi pa. Nagkunwari ako na ikukuha ko siya ng scholarship at umupa ako ng tao na kunwari ay kakausap sa kanya. Ayoko kasi na malaman niya na sa akin manggagaling ang lahat dahil sigurado ako na hindi niya ito tatanggapin, kaya itinago ko ito sa kanya. Pati allowance ay nilakihan ko na din dahil sa titigil na sa pagtatrabaho si Rex para makapagfocus siya sa pag-aaral niya, para kahit papaano ay matulungan pa din niya ang Mama niya at ang mga kapatid.

Nakapag-enroll si Rex bago pa naman dumating ang pasukan kaya nilagi niya muna yung natitirang buwan para sa trabaho. Nagpasalamat sa akin si Rex dahil tinulungan ko daw siyang makahanap ng scholarship, ipinangako ni Rex sa akin na hinding-hindi niya ako papahiyain sa taong hinihingian ko ng scholarship para sa kanya, na gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para makagraduate. Kung alam lang ni Rex nung mga panahong yun na ako ang nagpapaaral sa kanya ay malamang hindi niya ito tatanggapin. Ayoko din kasi magkaroon siya ng utang na loob sa akin. Gusto ko lang tumulong sa kanya dahil ang mga katulad niya yung mga taong hindi masyadong nabigyan ng oportunidad na makapag-aral pero gagawin ang lahat makabalik lang dito.

Napapansin din ni Enzo na palagi akong lumalabas na hindi siya kasama. Sinasabi ko na lang na biglaan ang mga lakad ko kaya hindi ko na siya naisasama o naii-nform man lang. Dahil sa sobrang pagmamahal ni Enzo sa akin nung panahong iyun ay hindi siya nagagalit sa akin, at sa tuwing nag-aaway kami na kahit kasalanan ko ay hindi ako nagso-sorry sa kanya, bagkus siya pa ang nagso-sorry sa akin. Iba na ang naging estado namin ni Enzo simula nung pinaikot niya ako. Alam ko na ramdam niya na parang ginagantihan ko siya pero dahil sa pagmamahal niya sa akin ay hindi na niya ito naisip pa.

Minsan ay nagpunta ako sa lounge at dahil masama ang panahon kaya hindi nakapunta ang mga kaibigan ko kaya napagpasyahan ko nang umuwi ng maaga. Sakto namang lumakas ang ulan nung pauwi na ako ng past 8 PM. Nagpasundo ako sa driver at sinabi naman niyang on the way na siya. Dahil sa tagal niya ay lumabas na ako ng lounge at naghintay sa lobby. Dito ay binati ako ni Rex na pauwi na nung mga oras na yun, dahil sa lakas ng ulan ay hindi din siya nakaalis agad kaya nagkakwentuhan muna kami.

Halos isang oras na ang lumipas at medyo humina na ang ulan. Tinawagan ako ng driver at sinabi na baha yung dadaanan nya, nakatira pa kasi ako nun sa San Lazaro na malapit sa school. Wala naman akong ibang magawa kundi maghintay na humupa ang baha, sinabihan ko na lang ang driver na bumalik na lang sa bahay at baka mapahamak pa siya sa baha. Sinabi ko na lang na magtataxi na lang ako kahit na malayo ang bahay. Narinig ito ni Rex at inaya niya ako sa kanila, para naman daw makilala ko ang pamilya niya at ang mga kapatid niya. Sinabi din niya na birthday ng Mama niya nun at gusto daw akong makilala para daw makapagpasalamat sa akin dahil sa “hinanap” ko ng scholarship si Rex. Dahil ayoko din naman na mapahiya si Rex ay sumama ako sa kanya. Sa Mandaluyong din nakatira sila Rex na malapit lang sa bahay ng magulang ko.

Pagdating namin sa kanila ay rinig ko na ang kantahan ng mga bisita nila, ramdam ko na masayang masaya sila, ito kasi yung pakiramdam na hindi ko na yata alam dahil sa mga nangyari sa akin. Bago pa man kami makarating sa kanila ay sinabi sa akin ni Rex na; “Pasensya na sa bahay namin ah, maliit lang yun, tsaka nilakasan ko na loob ko na maisama kita kasi gusto ka talaga makilala ni Mama.”

“Ano ka ba hindi naman ako ganun, tsaka ok lang yun, salamat din kasi ininvite mo ko dito sa inyo, para naman makatawa naman ako ng totoo,” ang sagot ko sa kanya at nagtawanan kaming dalawa.

Pagdating namin sa bahay nila ay masayang-masaya silang nagkakantahan. Puro mga kamag-anak din nila Rex ang mga kapitbahay nila kaya pamilya talaga sila doon sa lugar nila. Naalala ko ang bahay namin na minsang naging masaya para sa akin. Bigla akong sinalubong ng Mama ni Rex at niyakap niya ako dahil sa pasasalamat niya sa akin sa “paghanap” ng scholarship para sa anak niya.

“Wala po yun, kaibigan ko naman po yang si Rex eh, natural lang po na tulungan ko sya, sorry nga po pala wala akong dalang regalo,” at napangiti ako sa Mama ni Rex.

“Ay ok lang yun, ikaw naman, wala yun, basta nandito ka at nakilala ka namin ok na yun anak,” ang sabi ng Mama ni Rex sa akin.

Ramdam na ramdam ko ang mainit na pagtanggap sa akin ng pamilya ni Rex, nakilala ko din yung dalawang nakababatang kapatid ni Rex. Panganay kasi si Rex sa tatlong magkakapatid na lalaki na parang katulad sa amin, bunso nga lang ako. Kahit ang mga pinsan at mga kamag-anak ni Rex ay mainit din akong tinanggap, pinapakanta nila ako sa videoke at pinagbigyan ko naman sila, nung una ay pinipigilan sila ni Rex na pakantahin ako dahil sa nahihiya siya sa akin pero dahil sa hindi naman ako killjoy ay pumayag na din ako.

Tuwang tuwa sila habang kumakanta ako, at dahil doon ay naramdaman ko yung saya na totoo. Doon lang ulit kasi ako nakatawa ng bukal sa puso ko. Simula kasi nung mawala si Doc ay hindi ko na nagawang makatawa pang muli nang totoo. Nung panahong iyun ay naramdaman ko ang pamilya ni Rex na tanggap na tanggap ako at iyun marahil ang nagdulot sa akin ng kaligayan na doon ko lang ulit naramdaman. Pagkatapos kong kumanta ay kinausap ako ni Rex.

“Pasensya ka na ha? Napakanta ka pa tuloy”

“Hindi, ok lang yun, nag-enjoy ako, ang saya dito sa inyo, sana nga ganito din sa bahay,” ang sagot ko kay Rex.

Nahalata nya na malungkot ako deep inside kaya inaya niya ulit ako sa loob ng bahay nila. Matagal din ang nilagi ko kina Rex. Nagsimula kasing umulan ulit simula nung dumating kami sa kanila at panigurado ay hindi na ako makakauwi sa amin. Tinawagan ko ang mga tao sa bahay at sinabi nila na baha pa din ang dadaanan pauwi ng bahay. Kahit na pwede naman akong umuwi sa bahay namin na malapit kina Rex ay hindi ko na ginawa, nung panahong yun, kasi ay mas pipiliin ko pang matulog sa motel ’wag lang umuwi sa bahay namin.

Nang dumating ang alas dose ng madaling araw ay nag-uwian na ang mga bisita nila Rex. Tumulong ako na magligpit bilang respeto sa kanila. Pinigilan ako ng Mama ni Rex dahil sa nahihiya siya sa akin at bisita daw ako. Nang magpaalam na ako sa kanila ay pinigilan ako ni Rex, wala na daw akong masasakyan dahil sa ang mga daanan ng jeep at taxi sa kanila ay baha na. Sinabi din ng Mama ni Rex na delikado kung uuwi pa ako sa amin dahil sa malakas ang ulan at kung baka ano pa ang mangyari sa akin sa daan.

“Dito ka na lang matulog sa amin, may double deck naman kami sa kwarto,” mungkahi si Rex,

“Ok lang ba? Naku sorry ha naging asikasuhin pa tuloy ako sa inyo,” ang sagot ko na narinig ng Mama ni Rex.

“Ay hindi, pag kaibigan ng mga anak ko, anak na din ang turing ko, hindi ka na ibang tao sa amin anak kahit ngayon ka lang namin nakilala,” ang sabi ng Mama ni Rex sa akin. Natuwa ako sa narinig ko at napangiti.

“Oo nga Kuya Aero, dito ka na lang matulog,” ang sabi ng pangalawang kapatid ni Rex na si Aldrin.

Natuwa ako sa mga nangyari sa akin nung panahong yun, sila Rex kasi kahit hindi sila mayaman noon ay willing silang i-offer kung anuman ang meron sila. Merong dalawang kwarto sa bahay nila Rex, magkasama silang tatlong magkakapatid sa isang kwarto at ang Mama naman nila ay sa isang kwarto. Nung gabing yun ay natulog ang dalawang kapatid nya sa kwarto ng Mama niya at kaming dalawa ay natulog ng magkatabi. Nung una ay ayaw pa nya ako tabihan kasi daw baka hindi ako sanay ng may katabi. Dahil sa nakikitulog lang ako ay nakakahiya naman kung magdedemand pa ako sa kanila kaya sinabi ko na lang kay Rex na ayos na ayos lang sa akin na magtabi kami sa kama.

Pinahiram din nya ako ng mga damit na pangtulog pero nahiya siya nung tanungin niya ako kung may pamalit ako na underwear. Pinakita ko sa kanya na meron akong dalang extrang underwear at iba pang kailangan katulad ng toothbrush na nasa bag ko. Nasanay kasi ako na magdala para sa mga emergency na pangyayari kagaya ng biglaang sleepovers katulad nito.

Hindi kami agad nakatulog ni Rex dahil sa nagkwentuhan muna kami hanggang sa nakatulugan na namin ang isa’t isa. Hindi ko maipaliwanag pero komportable ang pagtulog ko sa kanila nung panahong yun, malamang siguro na pagkasama mo yung taong pinagkakatiwalaan mo ay mahihimbing talaga ang tulog mo. Hindi ko din alam ang paliwanag pero yun ang naramdaman ko nung magising ako.

Halos sabay lang kami na nagising ni Rex at lumabas na kami ng kwarto at nakita ko na naghahanda na ng almusal ang Mama ni Rex. Sobrang touched ako sa ipinakitang hospitality ng pamilya ni Rex sa akin, naramdaman ko kasi na parte ako ng pamilya nila at hindi bisita. Bago umalis ay nagpasalamat ako sa kanilang lahat at sinabi ko sa sarili ko na isang araw ay makakaganti din ako sa pagtanggap nila sa akin at sa kabutihan na ipinakita nila sa akin.

-----o0o-----

Alalang-alala si Enzo na naghintay sa bahay na makarating ako. Pagbukas pa lang ng pinto ay siya na ang bumungad sa akin. Sinabi ko na lang na pagod ako at tumuloy na ako sa kwarto ko. Pagkatapos kong maligo ay nakatulog na si Enzo sa higaan ko. Natuwa din ako sa kanya kahit papaano dahil sa ipinakita nyang concern sa akin. Tumabi ako sa kanya at tumalikod at nakatulog na ako. Paggising ko ng bandang hapon ay wala na si Enzo sa tabi ko. Nag-iwan na lang sya ng note na agad ko ding itinapon pagkatapos basahin. Hindi ko pa din makalimutan yung saya na naramdaman ko nung nakila Rex ako, kumpara sa tinitirhan ko na kasama ko lang ang dalawang kasambahay at isang driver ay puno ng lungkot ang tinitirhan ko.

Pagkatapos nun ay balik na ulit ako sa mga ginagawa ko, sa school at sa pagiging kunwariang partner kay Enzo. Dahil sa ipinapakita ni Enzo sa akin ay hindi ko minsan maiwasan na matuwa sa kanya. Sa kabila kasi ng mga nangyari sa amin ay ramdam ko naman na mahal na niya ako. Pero hindi ko pa din maialis sa akin na hindi ko siya gantihan sa sakit na dinulot niya sa akin. Kahit na papaano ay may natitira pa din naman akong pagmamahal sa kanya at kung minsan ay nagiging mabait ako sa kanya.

Sa tuwing naaalala ko ang mga pangyayari nung birthday ng Mama ni Rex ay hindi ko maiwasan na mapangiti. Kaya naisip ko na padalhan sila ng grocery at pera. Malaki kasi yung bakanteng lote sa gilid nila Rex at sa tingin ko ay pwede naman nila itong rentahan para gawan ng sari-sari store at karinderya. Masarap kasi magluto ang Mama ni Rex na nagtatrabaho bilang cook sa isang canteen sa isang eskwelahan na malapit sa kanila. Dahil sa daanan ng tao ang lugar nila Rex ay sa tingin ko ay kikita sila ng malaki kung ang Mama nya ay magtatayo ng tindahan at karinderya. Pagkatapos mamili ng mga grocery na kakailanganin nila at para sa tindahan ay pinadeliver ko ito. Nagbigay din ako ng pera na pantayo nila ng tindahan at karinderya at ang bayad sa upa ng pepwestuhan nila. Naglagay na lang ako ng isang note na kung para saan ang pera at ipinadala ko sa isang tao na para hindi nila malaman na sa akin ito nanggaling. Ibinalita sa akin nung nagdeliver na tuwang-tuwa ang Mama ni Rex nung matanggap nya ang lahat ng pinadala ko sa kanila kahit na nagtataka sya kung bakit sila nakatanggap ng ganun. Kung tutuusin ay kulang pa yun sa lahat ng kabutihan na ipinakita nila sa akin at masaya ako na napasaya ko ang Mama nya.

Hindi naputol ang communication namin ni Rex na nagsimula na ng pagbalik nya sa school. Kitang-kita ko ang kaligayahan sa kanya na nakakapag-aral na sya ulit. Nakutuban din niya na ako yung nagpadala sa kanila nung mga grocery at pera. Pati na yung scholarship na meron siya ay nakutuban din niyang sa akin lang ito nanggaling. Itinanggi ko ito dahil sa alam ko na ibabalik lang ni Rex sa akin ang lahat ng yun dahil sa nahihiya na daw sya sa akin dahil sa sobra-sobrang tulong na binibigay ko sa kanya. Sinabi ko na lang sa kanya na kung ako man yung nagpadala ay aaminin ko din naman, pero nagmatigas ako at napanindigan ko na hindi ako yung nagpadala kahit na alam ko na huling-huli na ako ni Rex.

“Aero, kahit hindi mo aminin nararamdaman ko na ikaw yun. Sobrang salamat sa iyo, nabago na nang tuluyan ang buhay namin. Balang araw, makababayad din ako sa iyo,” ang tinext sa akin ni Rex.

Sa totoo lang ay hindi ako umaasa ng kapalit sa pagtulong ko kay Rex at sa pamilya niya at ayokong mangyari yun. Deserving kasi silang tulungan at anytime na kailangan nila ng tulonh ay hindi ako magdadalawang isip na ibigay iyon sa kanila.

Makalipas ang ilang buwan ay naging successful ang itinayong business ng Mama ni Rex. Nagsimula na din silang maghulog para sa tricycle nila na ginagamit nilang service sa tuwing mamimili ang Mama niya ng mga kailangan sa tindahan at sa karinderya at kung hindi naman ito ginagamit bilang service ay pinapasada ito ng Tito niya. Tuwang-tuwa ako dahil sa alam ko na kailanman ay hindi na babalik sa dating estado ng buhay sila Rex.

Kahit hindi aminin sa akin ni Enzo ay alam ko na mahal pa din niya si Karl, hindi naman kasi ganun kadaling kalimutan ang isang tao lalo na kung nagkaroon kayo ng relasyon, pero alam ko din na mahal na ako ni Enzo kaya nahihirapan siyang hiwalayan ako. Doon nabuo sa akin ang ideya na hiwalayan ko si Enzo para masaktan ko sya, para naman maiparamdam ko sa kanya yung sakit na ibinigay niya sa akin noon. Minsan ay nakita ko silang dalawa sa SM North Edsa na magkasama, nagtaka ako dahil sa alam ko ay wala na silang communication. Nilapitan ko silang dalawa at kinompronta.

“Ano ‘to?” ang sabi ko sa kanilang dalawa. Sinigurado ko na makikita nila ang galit ko.

“Ah wala nagkasalubong lang kami,” ang sagot ni Enzo sa akin. Hindi alam ni Enzo ang ikikilos niya nung panahong yun.

“’Wag kang mag-alala, nagkasalubong lang talaga kami. Tsaka wala akong balak bawiin si Enzo sa iyo,” ang sagot ni Karl. Nahalata ko na naiinis siya sa akin kaya sinamantala ko ang pagkakataon na makaharap sya.

“Bawiin? Oo nga pala, bago maging kayo ni Enzo dapat kami eh, kaso umepal ka kaya yun, sorry,” ang sabi ko kay Karl.

“Ah, ok lang, nasa iyo naman na si Enzo eh, so masaya ka na niyan for sure, di ba?” ang sabi ni Karl habang tinignan ako nang masama.

“Anong ibig mong sabihin?” ang sagot ko sa kanya at tinignan siya ng diretso. Hindi na mapakali si Enzo dahil sa alam na niya namumuo na ang tensyon sa pagitan naming dalawa ni Karl.

“Masaya, nasa sayo na yata ang lahat eh, may pera ka, nasa sa iyo na si Enzo, uulitin ko, masaya ka ba talaga?” ang sabi ni Karl sa akin. Dito ay nanggigil na ako sa kanya.

“Anong sabi mo? Baka gusto mong kainin yang tanong mo sakin? Pipiliin mo yung mga salitang bibitiwan mo kapag kaharap mo ko, hindi mo alam ang kaya kong gawin,” at nginitian ko si Karl na may halong pang-aasar.

Pagkatapos nun ay inawat kami ni Enzo at umalis na kaming dalawa. Inis na inis ako kay Enzo nung mga oras na yun, pakiramdam ko kasi sinadya talaga nilang magkita ni Karl. Dahil sa gigil ko sa kanya ay pinagsalitaan ko siya ng kung anu-ano at hindi ko siya pinasakay sa sasakyan. Sinabi ko din sa bahay na huwag siyang papapasukin kapag pumunta siya.

Gustong-gusto ko nang hiwalayan si Enzo nung mga oras na yun dahil sa alam ko na masasaktan siya pag ginawa ko iyun. Pagkatapos ng dalawang araw ay pinuntahan ko si Enzo sa labas ng bahay nila at dito ay hiniwalayan ko na siya. Dinahilan ko ang naging pagkikita nila ni Karl at sinabi ko na malamang ay pinagtataksilan niya ako. Naiyak si Enzo dahil sa ginawa ko at halos magmakaawa siya na ’wag kaming maghiwalay. Pero buo na din ang loob ko na makipaghiwalay sa kanya. Bukod sa gusto kong maramdaman niya ang sakit na naramdaman ko noon ay nakokonsensya din ako dahil sa hindi ko na siya ganun kamahal at gusto ko na din tapusin ang ilusyon na binuo ko.

Sinabi na lang ni Enzo na hindi sya susuko sa akin at hindi na ako kumibo at umalis na. Sa totoo lang ay akala ko magiging masarap sa pakiramdam ko na makita syang ganun pero hindi din pala. Alam ko na mali ang ginawa ko pero ninais ko na mangyari yun para malaman ni Enzo ang pakiramdam ng iniwan at para hindi na niya gawin yun sa iba. Sa ilang buwan na pagkukunwari ko na mahal ko siya ay alam ko sa sarili ko na naging masaya din naman ako sa piling ni Enzo, pero may mga plano ako na dapat kong isakatuparan kaya mas naging importante sa akin na makapaghiganti kesa sa maging masaya na kasama siya.

Pagkatapos ng nangyari sa amin na hiwalayan ni Enzo ay mas napapadalas ang pagkikita at pagsasama namin ni Rex, marahil ay gusto niya pa na mas makilala namin ang isa’t isa at maging mabuting magkaibigan. Inamin niya sa akin na may nililigawan siya na schoolmate niyang babae, pero sabi nya ay hindi daw siya gusto nito. Wala akong naramdaman na kahit na ano dahil sa alam ko na pagkakaibigan lang ang meron sa amin ni Rex. Inencourage ko na lang siya na maghanap na lang siya ng iba, tutal gwapo at matangkad naman siya at hindi imposible na magustuhan siya ng babaeng liligawan niya.

Masaya din ako na magkaroon ng isang kaibigan na katulad niya kahit na alam niya na bisexual ako. Ni minsan ay hindi ako trinato na iba ni Rex at kahit minsan ay hindi ako nakaramdam ng pagkainip sa kanya nung mga panahong magkasama kami. Dahil sa pagiging busy namin pareho sa school ay napagkasunduan namin na lagi kaming magbobonding tuwing biyernes. Dito ay pumupunta kami ni Rex sa mga lugar sa Manila katulad ng Intramuros, Luneta Park, Chinatown at iba pang pasyalan. Naging hingahan ko din si Rex sa lahat ng mga saloobin ko at siya yung taong unang nakakaalam ng mga bagay na sa isang kaibigan ko lang ipinagkakatiwala.

Nakasanayan na namin gawin ito ni Rex sa loob ng ilang buwan at masaya ako na nagawa namin ang mga bagay na ‘yun. Madalas kaming kumain sa labas ni Rex sa tuwing gumagala kami. Hindi na namin alintana yung mga matang nakatingin sa amin parati. Iba kasi ang nabuong samahan namin ni Rex at kung minsan ay hindi maiwasan na paghinalaan kami na magkarelasyon lalo na ng ibang mga bisexuals at gays. Kahit na ganun ay mas lalong naging matatag ang pagkakaibigan naming dalawa. Alam ko naman na straight si Rex at malayo na mabuo ang pagtitinginan namin sa isa’t isa. Kung mangyari man yun ay ayoko na si Rex ang maging susunod na magmamahal sa akin. Pag hindi kasi naging successful ito ay panigurado ay mawawala din ang pagkakaibigan namin. Para sa akin, importante si Rex sa buhay ko at ayoko na mawala siya sa akin.

Dahil na din sa pananabik ko sa isang pamilya ay mas napapadalas ang pagpunta ko sa kanila. Ramdam na ramdam ko kasi ang pagmamahal ng isang pamilya kapag nasa kanila ako. Natutuwa din ako na parang may mga nakababatang kapatid ako sa katauhan ng mga kapatid ni Rex. Alam ko na may dahilan kung bakit ko nakilala si Rex at ito ang magbigay sa akin ng kaligayahan na makukuha ko lamang sa isang pamilya.

Isang umaga ay pumunta si Enzo sa bahay at gusto nyang magkabalikan kami. Pero nagmatigas ako na ’wag na siya balikan sa kabila ng pagsusumamo nya. Kahit na pagkakaibigan ay tinanggihan ko, ipinakita ko sa kanya ang isang side ko na hindi pa niya nakikita. Pinagbawalan ko na din sya na pumunta ng bahay, dito ay nagalit si Enzo sa akin dahil sa sinaktan ko sya.

“Tama nga si Karl, masama ka talaga,” ang sabi ni Enzo sa akin.

“Bakit? Sino ba nag-udyok sa akin para maging ganito ako, hindi ba ikaw din? Pinaasa mo ko, nung mga panahong kailangan kita nasaan ka? Hindi ba naglalandian kayo ni Karl? Masakit di ba Enzo?” ang sagot ko sa kanya. Hindi agad nakakibo si Enzo.

“Sorry.” At niyakap ako ni Enzo. Bigla akong kumalas at umalis sa kinatatayuan namin at sinabing; “Male-late na ko.”

Lumabas na ako ng bahay at umalis na. Habang nasa sasakyan ay nakita ko na lumabas na din si Enzo at nagpupunas ng luha niya. Nakaramdam din ako ng awa para kay Enzo, marahil, nagmahal lang talaga siya nung sila pa ni Karl kaya hindi naging kami noon. Pero mas nangibabaw sa akin yung galit sa kanya at sinabi ko sa sarili ko na deserve niya yung sakit na nararamdaman niya nung mga panahong yun.

Hindi sumuko sa akin si Enzo. Matindi ang persistence ni Enzo at alam ko na hindi niya ako susukuan. Sinabi ko na lang na balikan na lang niya si Karl dahil sa sila naman talagang dalawa ang nagmamahalan, pero talagang matigas si Enzo at hindi niya ako pinakinggan. Hindi ko na din pinapansin ang bawat tawag at text niya sa akin dahil sa ayoko na siyang bigyan ng false hopes na magkakabalikan pa kami.

-----o0o-----

Pagkalipas ng isang taon ay malapit nang grumaduate si Rex. Masaya ako para sa kanya dahil abot kamay na niya ang pangarap. Matataas ang mga grades ni Rex at nagkaroon pa siya ng honors nung grumaduate siya. Kahit na naging busy ako sa school ay talagang hinahanapan ko ng panahon si Rex. Gusto ko kasi ay palagi akong nandoon sa mga pagkakataon na gusto niyang kasama ako.

Kahit na isang taon na ang lumipas ay hindi pa din tumitigil si Enzo. Nabawasan na din ang galit ko sa kanya, at dahil dun ay tinanggap ko ang alok ni Enzo na maging magkaibigan kami.

Sa loob ng isang taong mahigit na nakilala ko si Rex ay halos nabago na din ang pananaw ko sa buhay. Nabawasan ang galit ko sa mundo. Naging totoo ang kasabihan na minsan ang kailangan mo lang sa buhay ay isang tao, yung isang tao na palaging magpapasaya sa ’yo sa lahat ng oras, at iyun ang nakita ko kay Rex. Inaamin ko na nahuhulog na din ang loob ko kay Rex, pero hindi ko ito hinayaang lumaki pa dahil sa panigurado ay aasa ako dito at ayokong masira ang pagkakaibigan naming dalawa.

Dahil sa may mga trainings pa na kailangang gawin si Rex bago siya makasakay ng barko, ay tuloy pa din kami sa mga ginagawa namin kagaya ng paglabas-labas tuwing Biyernes at pagpunta sa bahay nila. Naging routine na sa akin ang paglabas namin ni Rex at naging outlet ko na din ito ng kaligayahan. Pakiramdam ko napakaswerte ko na naging kaibigan ko siya at alam ko sa sarili ko na walang makakapantay kay Rex sa buhay ko. Madalas akong sabihan ni Rex na umuwi ako sa amin. Para kasi sa kanya, importante ang pamilya at kahit kalian, ang pamilya daw ang mga taong hinding-hindi ka iiwan. Madalas sabihin sa akin ni Rex yan sa tuwing nakikita niya sa akin ang nabuong galit ko sa pamilya ko.

Alam ko na gusto lang ni Rex na mabuo nang tuluyan ang pagkatao ko sa pamamagitan ng pagpapatawad, pero hindi ko pa din maramdaman ito sa sarili ko kaya hindi ko pa ito magawa noon.

Minsang nasa galaan kami ni Rex ay kwinento nya sa akin ang tungkol sa “The Captain and The First Mate”.

 

 

Itutuloy……

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...