Martes, Nobyembre 21, 2023

Mini Series From Other Blog # 11 - The Captain and The First Mate (Part 3) Finale By: Aero Bradley Meade (From: Pinoy Gay Love Story) (This is Based on True Story)

 


The Captain and The First Mate (Part 3) Finale

By: Aero Bradley Meade

(From: Pinoy Gay Love Story)

(This is Based on True Story)

 

Naging matalik kaming magkaibigan in Rex. Kahit na busy kami pareho ay nagagawan namin ng paraan na magkita at magbonding sa pamamagitan nang pamamasyal at kung ano-ano pa.

Minsang nasa galaan kami ni Rex ay kwinento niya sa akin ang tungkol sa “The Captain and The First Mate”.

Merong isang cargo vessel noon na ang lulan lang ay puro lalaki. Dahil sa palaging sila-sila lang ang mga crew na magkakasama ay nabuo ang malalim na pagkakaibigan sa kanilang lahat. Mas malalim ang naging pagkakaibigan ng kapitan ng barko na si Captain Sawyer at First Mate Jones. Dahil sa lagi silang magkasama sa deck ng barko ay mas napalapit sila sa isa’t isa at mas naging mabuting magkaibigan sila. Madalas silang magkwentuhan tungkol sa buhay nila at ito ang mas nagpalapit sa kanila dahil sa ilang similarities sa buhay nila.

Pareho silang may girlfriend na naghihintay sa kanila, at mahal na mahal nila ang mga girlfriend nila. Minsan habang nakadaong ang barko ay binisita nila ang girlfriend nila. Hindi nila alam na iisa lang pala ang girlfriend nila, na pareho silang naloko. Dahil dito ay nagpang-abot silang dalawa at nagkasapakan. Nawala ang pagkakaibigan nilang dalawa at kinamuhian ang isa’t isa. Dahil sa hindi alam ng management na may nabuong alitan sa kanilang dalawa ay pinagsama pa din sila sa parehong cargo vessel kasama ang parehong crew dahil sa maganda ang samahan nila nung muli silang umalis at dahil dun ay mas naging efficient ang biyahe nila kaya natuwa ang management at ginawa silang isang team.

Kahit na ayaw na nilang dalawa na magkasama pang muli ay pinili nilang isantabi ito para sa ikakabuti ng lahat. At dahil sa walang nakakaalam sa nangyari sa kanila ay naging civil silang dalawa at nangpanggap na maayos sila. Pero napansin ng mga crew na hindi na sila nag-uusap sa tuwing nasa deck sila, kaya nagtaka sila, hindi nagtagal ay nalaman ito ng mga crew pero nagkibit balikat lang sila dahil sa alam nila na away magkaibigan lang iyon at hindi magtatagal ay magkakaayos din ang dalawa. May mga pagkakataon na nagkakatinginan silang dalawa hanggang sa nagsorry si Captain Sawyer dahil sa ayaw nyang tuluyang mawala ang pagkakaibigan nilang dalawa.

Dahil sa pagkakaibigan nila ay nagkapatawaran silang dalawa at sinabi nila na kailanman ay hindi na sila mabibiktima ng pag-ibig. Ipinangako din nila sa isa’t isa na ‘wag magpapakasal habang ang isa sa kanila ay single pa. Simula noon ay bumalik na sa dati ang pagiging magkaibigan nila, pero hindi nila alam na pareho na pala silang nahuhulog sa isa’t isa. Pilit nila itong nilabanan pareho dahil sa ayaw nila na mahulog sa isang bagay na hindi naman dapat, kaya nagkaroon ng distansya sa kanila, pero alam nilang pareho na ang isa’t isa lang ang meron sila kaya hindi naging madali ang pag-iwas nila sa isa’t isa. Sinubukan nilang baguhin ang naging pakiramdam nila pero hirap silang labanan ito. Kahit na hindi nila sabihin ay ramdam nilang pareho na mahal na nila ang isa’t isa, pagmamahal na mas higit pa sa isang kaibigan, alam nila na mali ito pero wala silang magawa kundi sumunod sa nararamdaman nila.

Hanggang sa isang araw ay dumaan sila sa karagatan na halos nagyeyelo na sa sobrang ginaw at sa hindi inaasahang pagkakataon ay natrap ang barko nila sa naging yelo na dagat. Hindi ito inaasahan ng lahat dahil sa hindi sila nakakaranas ng ganung pangyayari noon, meron namang barko na malapit sa kanila na nagbigay sa kanila ng ilang dagdag na makakapal na damit. Napagkasunduan nila na matulog nang magkakatabi para makapag-generate ng body heat at hindi mauwi sa hypothermia ang crew nya. Dahil magkaibigan naman sina Captain Sawyer at First Mate Jones ay natulog silang dalawa sa kwarto ni Captain Sawyer. Dito ay masaya silang nagkwentuhang dalawa, bukod sa sinasabi ng isip ay iba naman ang narararamdaman ng puso, may ilang pagkakataon na natatahimik silang dalawa at nagkakatitigan, pero dahil sa bugso ng damdamin ay hindi na nila nalabanan at nangyari na ang isang bagay na pareho nilang ginusto.

Biglang hinalikan ni Captain Sawyer si First Mate Jones at may nangyari sa kanilang dalawa. Hindi nila pinagsisihan ito at ito pa ang naging daan para mas lalo nilang marealize ang nararamdaman nila sa bawat isa. Mahal na mahal nila ang isa’t isa at sila ay pumasok sa isang sikretong relasyon. Naging masaya sila sa una pero nabalot ng intriga ang pagiging couple nila nang merong makaalam sa mga crew at kumalat na ito sa buong team nila. Walang magawa ang dalawa kundi aminin sa lahat ang totoo, kahit na alam nila na hindi ito matatanggap ng lahat ay matapang nilang ipinagtapat ito sa lahat. Nalaman din ito ng management na kahit nasa gitna pa sila ng karagatan ay binigyan na sila ng warning dahil inappropriate daw yun at magkakaroon ng meeting pag nakabalik na sila sa Port.

Naging malungkot ang dalawa sa mga nangyari pero dahil dun ay mas naging matatag ang pagsasama nila, na hindi na nila kailangan pang itago ito sa mga tao, na nagmamahalan sila kahit na hindi sang-ayon ang lahat. Bago pa man makarating ng port ang barko ay nadisgrasya ito. Nagkabanggan sila ng isa pang cargo vessel nung kasagsagan ng isang bagyo, dahil sa zero ang visibility sa dagat nung mga oras na yun kahit na mataas ang precautionary measures nila ay bumangga pa din ito sa kasalubong na barko. Sakto ang mga lifeboats na nakalagay sa barko pero nasira ang karamihan dito dahil sa ito yung parte ng barko na natamaan ng matindi.

Walang magawa si Captain Sawyer kundi pagkasyahin ang mga crew niya sa mga lifeboats. Inuna nila ni First Mate Jones ang mga crew bago sila sumakay, pero dahil sa nakita nila na halos overloaded na ang mga lifeboats at pag sumakay pa sila ay lulubog na ito, ay nagpaiwan silang dalawa. Sumisigaw ang mga crew na sumakay na silang dalawa pero pinili nilang iligtas ang mga ito. Nakita ng mga crew kung paano naghawak ng kamay ang dalawa at nagyakapan, at yun na ang huling pagkakataon na nakita silang dalawa ng mga crew kasabay ng paglubog ng barko. Naluha ang mga crew sa ipinakitang pagmamahal sa kanila nila Captain Sawyer at First Mate Jones na sa kabila ng pangbabatikos nila ay pinili pa din na isalba silang lahat.

Nang magkaroon ng inquiry tungkol sa aksidenteng nangyari at sa “misconduct” o yung naging relasyon nilang dalawa, napili ng crew na ilihim ito sa lahat ng hindi nakakaalam, ayaw kasi nilang mawalan ng honor sila Captain Sawyer at First Mate Jones kaya pinagtakpan nila ang tungkol sa naging relasyon nilang dalawa at sinabi nilang isa lang itong biruan nung nasa barko pa sila. Kahit namatay silang dalawa ay masaya pa din ang crew para sa kanila, alam kasi nila na habambuhay na magkasama na sina Captain Sawyer at First Mate Jones sa kabilang buhay.

“Ang ganda ng kwento ano?” ang sabi ni Rex sa akin habang nakangiti.

“Saan mo naman narinig yang kwento na yan?” ang sagot ko sa kanya

“Nabasa ko lang, may isang note kasi na naiwan sa klase nung isang araw eh napansin ko may nakasulat binuksan ko para makita yung pangalan ng may-ari tapos yan pala yung nakalagay”

“Ah ganun pala,” ang sagot ko sa kanya.

“Sana nga ganyan din ang mangyari sa akin, yung isang magandang love story, pero syempre walang mawawala,” sabay tingin sa malayo ni Rex at natahimik kaming pareho. Pagkatapos nun ay kumain kami sa isang restaurant na naging paborito namin ni Rex. Sa Chinatown ito at kahit na minsan ay wala kaming maupuan ay matiyaga kaming naghihintay dito. Naging parte na ito ng routine namin ni Rex at alam ko na babalik-balikan ko ang lugar na ‘yun kahit na nasa barko na si Rex.

Nung birthday ko nung 2010 ay nagpunta ng madaling araw si Enzo sa bahay, siya yung unang tao na bumati sa akin at nagbigay ng regalo. Binigyan niya ako ng isang wristwatch bilang paalala daw na maikli lang ang buhay at kailangan nang gawin ang mga dapat gawin para maging masaya. Doon ay nakapag-usap din kami ng masinsinan, sinabi sa akin ni Enzo na susuko na siya sa akin, dahil sa alam naman daw nya na hindi ko na siya ganun kamahal.

At para daw magkaroon na ako ng ibang partner, sa kabila ng lahat ng nangyari sa amin ay gusto pa din ni Enzo na maging masaya ako. Hindi ko napigilang mapaiyak sa ginawa ni Enzo, sobrang natutuwa ako sa mga nangyari nun. Humingi din ako ng tawad sa kanya sa mga nagawa ko at dun pa lang ay parang lumuwag na ang dibdib ko. Hinikayat din ako ni Enzo na bumalik sa pamilya ko para daw tuluyan nang bumalik yung dating Aero na masayahin at mapagmahal. Nangako ako na gagawin ko yun sa tamang oras. Pagkatapos nun ay umalis na si Enzo at masaya akong natulog pero makalipas ang isang oras ay may tumatawag sa akin na anonymous number. Nang sinagot ko ito ay si Karl ang nasa kabilang linya.

Madali akong nagbihis at umalis ng bahay, pumunta ako sa sinabi na ospital ni Karl at nagkita kami. Dito ay nagkatitigan kami at lumapit ako at nagyakapan kami. Hindi na namin napigilan na umiyak pareho dahil sa aksidente na tinamo ni Enzo habang pauwi ito sa kanila. Nasa critical stage si Enzo nung mga oras na yun at hindi din ako mapakali. Dito ay nagkausap kaming mabuti ni Karl at humingi ako ng tawad sa kanya sa mga nangyari sa amin na hindi maganda, ito ang naging simula para maging maayos ang pakikitungo namin sa isa’t isa.

Na-comatose si Enzo ng ilang araw at ipinagdasal ko sa Kanya na aayusin ko ang lahat sa buhay ko maging mabuti lang ang kalagayan ni Enzo. Mabait ang Diyos at narinig niya ang mga panalangin ko. Makalipas ng limang araw ay nagkamalay na si Enzo at maswerte na walang nadamage sa spinal cord niya kaya hindi sya naparalyze.

Alam ni Rex ang nangyari kay Enzo at bumisita pa ito sa ospital, akala nila Enzo at Karl na kami na pero sinabi ko sa kanila na malabo na mangyari yun. Nang matapos ang pagbisita namin ni Rex sa ospital ay sabay kaming kumain sa dati naming kinakainan sa Chinatown, malungkot din ako nung mga panahong yun dahil sa matatapos na ang mga training ni Rex at aalis na sya. Pagkatapos namin kumain ay nagkausap pa kami. Malinaw na sa akin ang lahat nung mga oras na yun, na mahal na mahal ko si Rex at ayoko na mapalayo siya sa akin, pero sa kabilang banda, ayoko din na maging makasarili at ipagdamot ang pangarap niyang makapagbarko. Pakiramdam ko ay iiwan din ako ni Rex at yun ang ayokong mangyari. Hindi ko din inaasahan yung ipinagtapat sa akin ni Rex.

“Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ‘to sayo pero Aero, mahal kita, mas higit pa sa isang kaibigan at wala akong pakialam kung ano ka pa,” ang sabi ni Rex at tinitigan niya ako. Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko nung mga oras na yun.

“Nasasabi mo lang yan kasi sobrang close tayo,” ang sagot ko sa kanya at ngumiti ako.

“Alam ko sa sarili ko na mas higit pa sa kaibigan ang turing ko sayo, mahal na mahal kita, ikaw? Mahal mo ba ako?” ang sabi ni Rex at tinignan nya ako ng seryoso.

Hindi ako makapagsalita, may parte kasi sa akin na gusto kong ipagsigawan kung gaano ko sya kamahal at may parte naman na nagsasabi na ilihim ko ang nararamdaman ko kung ayaw kong masaktan muli. Pero hindi ko napigilan ang sarili ko at inamin ko din sa kanya ang nararamdaman ko.

“Oo Rex, mahal din kita, ikaw nagbalik sa akin nung ngiti na nawala sa akin noon, pero alam ko ako pa din ang masasaktan sa huli kaya huwag na natin tangkain na maging mag-on, ayos na yung alam natin na mahal natin ang isa’t isa,” ang sagot ko sa kanya at hindi ko maiwasan na mapaluha.

“Bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko sa iyo,” ang sagot ni Rex habang nanggigilid ang mga luha niya.

“’Wag na, Rex, kung alam mo lang, yung mga kagaya ko, hindi pwedeng mahalin ng mga kagaya mo,” ang sabi ko at tumayo na ako.

“Duwag ka nga, hindi ka totoong matapang, nagtatapang-tapangan ka lang, sobrang duwag mo,” ang sabi ni Rex habang naglalakad na ako palayo sa kanya.

“Bumalik ka sa inyo, baka dun mo mahanap yung dating Aero na kayang magmahal, hihintayin ko yun na mangyari,” ang muli pang sinabi ni Rex at ako ay nakalayo na.

Hindi ko na tinignan si Rex dahil sa ayoko siyang nakikitang umiiyak. Sa sasakyan ay hindi ko napigilang mapahagulhol. Hanggang sa bahay ay iniisip ko ang lahat ng sinabi ni Rex sa akin. Iniwan ko si Rex dahil natatakot ako na iwan niya ako pag sumakay na siya sa barko, gusto ko na matupad ni Rex ang pangarap niya na makaalis pero hindi ito matutupad kung papayag ako na maging kami, alam ko kasi na mas uunahin ako ni Rex kesa sa pangarap niya at ayoko namang mangyari yun dahil pangarap niya iyun para sa sarili nya at para sa pamilya nya.

Yung pakiramdam na palaging iniiwan ay iyun ang naramdaman ko. Ramdam ko na palagi na lang akong iniiwan ng mga mahal ko sa buhay. Pakiramdam ko kasi ay walang pwedeng magmahal sa akin bukod sa sarili ko, sa kabilang banda, maaaring totoo nga ang sinabi sa akin ni Rex na duwag ako, duwag ako na masaktan dahil alam ko na parte ito ng pagmamahal, isang bagay na ayokong sumugal. Siguro nga ay hindi ko pa kayang ibigay nang buo ang sarili ko kay Rex dahil sa pagmamahal na hindi ko maipadama sa pamilya ko na nakasakit sa akin kaya panigurado ay magiging disaster lang ang magiging relasyon namin ni Rex kung naging kami. Pinili ko na ayusin ko muna ang buhay ko para sa susunod na makaharap ko si Rex ay buo na ako, kung sakaling mahal pa din niya ako sa tamang panahon ay alam ko na buong puso ko syang mamahalin dahil sa wala na akong kinikimkim na galit kahit kanino.

Hindi ko pinutol ang communication namin ni Rex, pero hindi na kami nagkikita. Panigurado kasi ay mahihirapan ako na mag let go sa kanya pag umalis na siya. Alam ni Rex na kung handa na akong magmahal ay siya pa din ang pipiliin ko, at hiniling ko na sana ay mabigyan pa kami ng isa pang pagkakataon na maging masaya ang bawat isa, pero may mga pangarap pa kaming binubuo noon na kailangan naming harapin na mag-isa.

Minsan ay bumisita ako sa ospital at nakita ko si Karl na nag-aasikaso kay Enzo, kung tutuusin sila naman talaga dapat, masaya akong nanood sa kanilang dalawa at wala na akong nararamdaman sa kanilang dalawa bukod sa saya habang pinanonood ko sila. Binigyan ko na din sila ng “blessing” at nangako sila na hindi nila sisirain yung pangako nila sa akin na hindi sila maghihiwalay. Doon ko lang narealize na baka tama nga si Rex, na kailangan kong bumalik sa amin para mahanap ang sarili ko, yung dating ako na kayang magmahal, malamang ay naiwan ko ang dati kong sarili sa bahay namin, naghihintay na babalik ako balang araw. Halos mag-dadalawang taon na simula nung umuwi ako sa bahay, naisip ko na baka panahon na talaga na bumalik ako sa amin. Mahirap din kasi yung may kinikimkim na galit, dahil dun ay nawala ang kakayanan ko na magmahal ng totoo, yung walang pag-aalinlangan.

Bumalik ako sa amin nung birthday ng Mama ko, tinext nya ako na umuwi sa amin, kung tutuusin ilang birthdays na din ng pamilya ko yung hindi ko inaatendan, kaya naninimbang ako nung nasa labas na ako ng bahay namin. Naluha ako nung maalala ko yung masasaya naming sandali sa bahay namin, na kahit hindi kami sagana noon ay masaya kami kasi kumpleto kami, nabuo ang isang tanong sa akin, naging masaya pa din kaya ang pamilya ko nung nagkaroon na kami ng pera? Malamang hindi, kasi wala ako dun, ang bunso nilang anak ay kadalasang wala.

Pagpasok ko sa bahay ay rinig ko na ang usapan nilang lahat. Kumpleto sila pati ang mga sisters in law ko ay nandoon. Pagpasok ko sa dining area ay na-touched ako sa nakita ko, yung paborito kong plato ay nakalagay sa dining table na kahit hindi sila sigurado na pupunta ako ay nakahanda ito para sa akin. Dala ang regalo ko ay nanginginig kong binati ng happy birthday ang Mama ko at niyakap ko sya, niyakap din ako ng Mama ko at tuwang tuwa sya na pumunta ako, hindi din namin mapigilan na maluha pareho at kasabay ng pag-agos ng luha namin ay umagos din papalabas sa akin ang lahat ng sama ng loob na meron ako sa kanila.

Sa isang iglap ay isang yakap lang ang kailangan ko para mawala ang hinanakit sa akin. Niyakap nila akong lahat bilang pag welcome muli sa akin at masayang-masaya ako. Sa wakas ay masasabi ko na buo na ang pagkatao ko dahil sa nahanap ko na yung dating Aero na naiwan ko sa bahay namin. Na-realize ko na hindi pala totoong iniwan at isinantabi ako ng pamilya ko, ako pala yung umiwan at sinantabi ko sila dahil sa sama ng loob ko sa kanila noon. Nagkausap kami ng Mama at Papa ko nun, nalaman ko na araw-araw nila akong hinihintay na umuwi sa amin, na araw-araw ang plato at baso ko ay palaging nakahanda sa dining table kung sakaling umuwi ako. Doon ay humingi ako ng tawad sa mga magulang ko at ganun din sila sa akin, kung tutuusin nga ay hindi naman sila dapat na humingi ng paumanhin sa akin dahil sa alam ko naman na ako yung mali. Simula noon ay naging maluwag na ang dibdib ko at masaya na akong nakakatawa ng totoo, pero alam ko may kulang pa din sa buhay ko.

Ipinagpatuloy ko ang bagong buhay ko kasabay ng dati kong routine pero hindi pa din kami nagkikita ni Rex dahil sa naging mas busy sya dahil ilang araw na lang ay aalis na sya. Pero nagkita kami ng isang beses, isang araw bago sya umalis. Gusto ko din kasi na bigyan sya ng peace of mind bago umalis para naman ma-enjoy niya yung magiging journey niya sa pangarap niya. Sinabi ko sa kanya na nakita ko na yung dati kong sarili sa amin at natuwa siya sa narinig niya mula sa akin. Nangako kaming dalawa na tutuparin namin yung mga gusto namin sa buhay at sinabi ni Rex sa akin na hihintayin niya yung pagkakataon na kaya ko na siyang mahalin bilang isang partner. Naging masaya ang huling araw na magkasama kami ni Rex at hindi ako nakaramdam ng lungkot sa pag-alis nya. Madalas ko din binibisita ang pamilya niya bilang pagtupad ko sa isang pangako ko sa kanya na hindi ko iiwan ang pamilya niya, tsaka masaya ako na kasama sila kahit wala si Rex.

Hindi ko inaasahan na magiging bestfriends kami ni Karl, na sa kabila ng nangyari sa amin ay nabuo ang isang pagkakaibigan na hindi namin ipinilit pareho. Tuluyan na naming nakalimutan ni Karl kung ano man yung mga hindi magandang nangyari sa amin. Madalas akong ipakilala ni Karl sa mga co-models nya na mga bisexuals din kaya lang alam ko sa sarili ko na isang tao lang ang hinihintay ko. Gusto lang ni Karl at Enzo na maging masaya ako pero alam nila na sa isang tao ko lang mahahanap yung kaligayahan na gusto ko.

Makalipas ang siyam na buwan ay umuwi na si Rex. Kaya lang ay hindi na kami nagkita dahil busy ako sa duty sa ospital at dalawang linggo lang ang itinagal ni Rex dahil sa bigla siyang ipinatawag at nadeploy na agad. Hanggang telepono na lang kami ni Rex at kung minsan ay madalang pa dahil sa pareho kaming busy. Hanggang sa umabot ito ng isang buwan na hindi na kami nagkakausap dahil sa mahina ang signal ng telepono dahil sa iba ang ruta nila at hindi naman ako madalas na nag-oonline kaya hindi kami nagkakaabot. Ramdam na ramdam ko ang kawalan ni Rex at dahil dun ay napagpasayahan ko na mag-isang gumala tuwing biyernes at kumain sa mga kinakainan namin dati ni Rex. Parang kasama ko na din sya sa tuwing pupunta ako sa mga lugar na paborito naming puntahan. Naiiyak ako kung minsan pag naaalala ko si Rex, marahil ganun ko lang sya talaga ka-miss.

Makalipas ang tatlong taon simula nung umalis si Rex ay grumaduate na ako sa medicine. Masayang masaya ako dahil sa nakayanan ko ang lahat ng stress na kaakibat ng pag-aaral. Sa loob ng tatlong taon ay apat beses lang kami nagkita ni Rex at yung pagkikita naming yun minsan ay biglaan pa kaya hindi kami nagkakabonding ng matagal. Mas madalas kaming nagweweb chat ni Rex at dahil dun ay nabawasan yung pangungulila ko sa kanya. Tanggap ko naman na hindi ako priority ni Rex at kahit kalian ay hinding hindi ako hahadlang sa trabaho niya dahil yun ang pangarap niya noon pa lang. Masaya ako sa narating ni Rex na malayong-malayo na kung ano siya dati. Nakapagpatayo na din sila ng mas malaking bahay at may ilang sasakyan na din sila. Nakakapag-aral ang mga kapatid niya sa magagandang eskwelahan at kailanman ay hindi na sila maghihirap.

Minsan ay napunta ako sa lounge sa Newport na kung saan siya nagtatrabaho dati. Umaasa ako na baka makita ko yung dating Rex na nakilala ko doon, pero nakalimutan ko na malayo na pala ang narating ni Rex, malayong-malayo na baka pati yung nararamdaman niya sa akin ay naging malayo na din. Isang mapait na katotohanan na pilit kong tinanggap. Ayoko na kasi mag-expect nang kahit na ano, ang gusto ko lang ay maging masaya kahit single ako. Kung kelan naman na handa na akong magmahal ay wala naman na si Rex, siguro nga hindi na dadating yung panahon na yun para sa amin.

Pagkatapos ng board exam ay napagpasayahan ko na mamasyal sa ibang bansa na ako lang. Dahil sa hindi naman naputol ang communication namin ni Rex ay nasabi niya sa akin na uuwi sya nung buwan na yun na plinano kong umalis. Kahit na ganun ay tinupad ko pa din yung plano ko at umalis na mag-isa. Nagpa-book ako sa isang cruise dahil pangarap kong maka-experience nito. Alam ko na parehong kumpanya nila Rex ang cruise line pero malabo naman na makita ko sya dun kaya hindi ko na iniisip na magkikita kami dun. Dahil sa naka-roaming ako ay hanggang text lang kami ni Rex. Pagdating ko sa Florida ay may dalawang araw pa bago umalis ang cruise kaya namasyal muna ako. Kahit na pinili ko na umalis mag-isa ay alam ko na mas magiging masaya ako kung kasama ko si Rex, pero alam ko naman na malabo yun mangyari kaya hindi ko na masyadong inisip.

Sa tagal kasi na hindi kami nagkakasama ni Rex ay marahil nabawasan na yung pagmamahal niya sa akin dati. Maraming makikilala si Rex kaya hindi malabo na may magustuhan siyang iba. Kung tutuusin ay hindi naman mahirap mahalin si Rex at panigurado ako na kung sino man ang magiging partner niya ay magiging masaya sila pareho. Nung point na yun ay puro panghihinayang ang naramdaman ko. Panghihinayang na hindi ko man lang pinagbigyan si Rex na patunayan sa akin na magiging masaya kaming pareho bilang magpartner. Yung panahon na dapat ay pinili kong maging kami ay pinalagpas ko.

Madaming panghihinayang sa akin pero naisip ko na baka hindi din kami magiging masaya kung naging kami dati pa, puro galit pa kasi ang nasa puso ko nun kaya malamang ay hindi ko maibigay sa kanya yung pagmamahal na deserve niyang makuha sa akin. Kung hindi din nangyari ang mga bagay na na-realize ko, hindi ko malalaman kung ano ba talaga ang halaga sa akin ni Rex.

Nang makasakay na ako ng barko ay namangha ako sa ganda nito. First time ko kasi makasakay sa ganun at hindi ko inexpect ang ganda nito. Pagkatapos kong puntahan ang kwarto ko ay nilibot ko ang buong barko. Kinagabihan ay napili kong mag-stay sa deck. Dito ay nagkaroon ako ng pagkakataon sa sarili ko na makapag-isip. Masaya ako sa tinakbo ng buhay ko kahit na may mga parte na hindi maganda, ay napili ko na ‘wag ito kalimutan dahil sa ito ang bumuo sa akin. Yung mga pinagdaanan ko noon ay malaking bahagi ng buhay ko na hindi ko makakalimutan dahil sa kung hindi ko ito naranasan ay hindi ko makikita ang sarili ko ngayon na nakangiti.

Nang matapos ang cruise ay umuwi na ako sa Pilipinas. Marami akong masasayang alaala at nakakilala din ako ng ilang kaibigan habang nasa cruise. Nakalimutan ko na nasa Pilipinas na pala si Rex nung panahong yun. Pagdating ko sa bahay ay bumungad sa akin ang mga pasalubong ni Rex na nakalagay sa maliit ng kahon. Lahat ng paborito ko ay nakalagay dun. Hindi ito nakalimutan gawin ni Rex sa tuwing umuuwi sya. Ni kailanman ay hindi sya nakalimot sa akin. Kasama ng box ay ang number niya na may instruction na tawagan ko siya pag nakauwi na ako sa amin.

Tinawagan ko siya pagkabasa ko at nagkausap kami. Sinabi ni Rex na nasa Palawan silang pamilya at narinig ko ang saya nila na tinatawag ako habang magkausap kami. Nangako si Rex na bibisitahin na lang ako sa bahay nang sorpresa para naman daw may thrill at pumayag naman ako. Nang makarating naman na sa Mandaluyong sina Rex ay hindi nagkakatugma ang mga schedule namin kaya hindi kami nagpapang-abot. Minsan ay pumupunta sya sa bahay at ako naman ay kaaalis lang. Mukhang hindi talaga pinag-aadya ng tadhana na magkita kami.

Makalipas ang isang linggo ay hindi pa kami nagkikita ni Rex. Hanggang tawagan na lang kami at text. Isang gabi ay tinawagan ako ni Rex para makinig ng programa sa stasyon ng FM radio. Nagtaka ako dahil sa hindi naman sya nakikinig nito pero pinagbigyan ko pa din sya. Sikat ang DJ na yun at mas maaga ang timeslot niya kumpara ngayon. Natutuwa ako sa mga callers dahil hindi sila nahihiya na sabihin ang lahat kahit na alam nila na maraming nakikinig. Maya-maya ay may tumawag na pamilyar ang boses, at nang tanungin siya kung ano ang pangalan niya sinabi nyang Rex.

Nagulat ako dahil sa nakutuban ko na si Rex iyun, pero naisip ko na madaming Rex sa mundo at lalo na sa Pilipinas kaya malabong si Rex mismo yun. Pero mali ako dahil sa tumugma ang lahat ng impormasyon na sinabi ni Rex sa DJ na taga Mandaluyong siya at isa syang seaman. Doon ay nagconfess si Rex. Sinabi nya ang lahat lahat ng tungkol sa minamahal nya.

Minahal ko siya dahil sa siya lang yung taong tumanggap sa akin kahit na mahirap lang kami, ipinaramdam nya sa akin yung pagmamahal na walang tinitignan na estado sa buhay, kaya dun pa lang ay nasabi ko na sa sarili ko na siya na yung taong mamahalin ko dahil tanggap niya ang lahat ng kung ano ako. Siya lang yung minahal ko ng ganun, na kahit na mag-iba ang tingin sa amin ng ibang tao ay wala akong pakialam. Sa barko sobrang nangungulila ako sa iyo, yung mga salita mo lang yung nagpapalakas ng loob ko na lumaban sa buhay at ‘wag sumuko.

Sobrang hirap nang mapalayo sa iyo kaya tuwing bakasyon ko bukod sa pamilya ko ay ikaw ang gusto kong unang makita. Kahit na minsan ay hindi tayo nagkikita sa tuwing umuuwi ako, pinaghahawakan ko na lang yung pagkakataon na isang araw ay magiging tayo na at magiging masaya tayo bilang partners. Noon pa man alam mo na kung gaano kita kamahal pero alam ko na hindi ka pa handa noon kaya naghintay ako at maghihintay pa din ako kung sakali mang hindi ka pa handa pero gusto ko nang isugal ang chances ko sa iyo ngayon.

Hindi ko na kasi mapigilan ang sarili ko na ipakita kung gaano kita kamahal at ngayon na nandito na ako, hindi na kita pakakawalan.

Hindi ko akalain na masasabi iyon in Rex on air, napasigaw ang DJ sa tuwa. Naiyak ako sa mga sinabi nya. Dati kasi ang akala ko ay walang kayang magmahal sa akin ng totoo, na ang lahat ay laro lang, kung minsan ang pagmamahalan sa dalawang bisexual ay libog lang ang pinag-uugatan. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko ay meron pa palang isang tao na kayang maghintay kahit ilang taon ang lumipas. Akala ko noon ay mababawasan ang pagmamahal sa akin ni Rex o kaya ay magbabago ang tingin niya sa akin dahil sa tinanggihan ko siya dati at sa ilang taon na ang lumipas sa amin, pero mali ako, nakalimutan kong iba nga pala si Rex at masaya ako na sa wakas ay may taong nakalaan sa kagaya ko na kahit na may mga hindi magandang nagawa noon ay may naghihintay pa din na magandang bukas para sa akin.

Maya-maya pa ay nagsalita nang muli si Rex sa radyo.

Naalala mo ba yung kwento ko sayo noon, yung The Captain and The First Mate? At yung hiling ko na sana matulad ako sa ganun? Alam ko na ikaw yung First Mate na hinahanap ko. Hindi man ako isang Captain sa trabaho ay alam ko na Captain ako sa puso mo. Tara, ipagpatuloy natin yung kwento nila, this time yung version natin yung masaya hanggang huli. Ibibigay ko ang lahat ng magpapasaya sa iyo, sisiguraduhin ko na masayang magsisimula ang araw mo at matatapos ito ng may ngiti ka sa labi habang kasama mo akong matulog. Kung willing kang simulan na natin ng mas maaga, puntahan mo ko ngayon dito sa restaurant na paborito natin sa Chinatown, hihintayin kita. I love you so much my First Mate.

Napangiti ako sa mga sinabi in Rex. Habang kinakausap ng DJ si Rex ay parang nasa alapaap ang pakiramdam ko, nakangiti ako habang naluluha dahil sa mga sinabi ni Rex over the air. Bigla akong natauhan na naghihintay si Rex sa Chinatown at nagmadaling umalis ng bahay. Bago ako sumakay ng sasakyan ay tinext ko sya.

“On the way na ko, I love you too, Captain”

And the rest is history.

 

P.S. Gusto ko lang mag-thank you sa bestfriend kong si Max na tumulong mag-edit ng kwento ko sa kabila ng busy schedule namin sa ospital ay nagkaroon pa din sya ng time para i-ayos ang lahat para mas maging kaaya-ayang basahin. Thank you!

 

THE END

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...