Lunes, Pebrero 26, 2024

Kababata (Part 3) - Alaala ng Kabataan 3

 


Kababata (Part 3)

Alaala ng Kabataan 3

 

John Mark

Sa bahay nina Jonas ako natulog sa huling gabi niya sa isla. Matagal kaming nagkwentuhan, may tawanan din dahil sabi ko ay wala nang iyakan.

Maaga kaming gumising ni Jonas kinabukasan. Dinalhan kami ni Nanay ng almusal dahil sa wala naman kaming kakainin dito. Handa na siya bago pa man dumating ang sundo niya. Nang makita ko ang kotseng paparating ay palihim na akong umalis, hindi na ako nagpakita pa kay Jonas. Alam kong hinahanap niya ako, pero hindi ako nagpakita. Naroon lang naman ako sa hindi kalayuan, sinisilip ko siya. Nang hindi na talaga ako makita ay yumakap na lang siya kay Nanay ay alam kong may sinabi siya rito.

Malayo na ang sasakyan ng bumalik ako, hindi na hlos kita pa ang sasakyan nila.

“Babay Jonas, huwag mo akong kalilimutan, magpakabait ka diyan babay!” Sigaw ko sa pag-aakalang madididnig pa niya ang sinasabi ko, iyak ako ng iyak. Hanggang sa pagdating sa bahay ay hindi pa rin ako tumitigil sa pag-iyak.

Inalo naman ako ni Nanay at sinabing magkikita pa kami. Naniwala naman ako sa sinabing iyon ni Nanay.

-----o0o-----

Iyon ang huli naming pagkikita at pag-uusap. Simula ng umalis siya ay wala na akong nabalitaan pa sa kanya.

Matuling lumipas ang mga araw buwan at taon. Nagkaroon ako ng kapatid na babae tapos ay lalaki. Palagi ko sa kanilang ikinukwento ang pagkakaibigan namin ni Jonas. Sayang at wala man lang akong larawan na maipakita sa kanila.

“Kuya, ano na kayang itsura ng kaibigan mong iyon ano. Gwapo din kaya siya na kagaya mo?” wika ni Tintin ang kapatid kong babae habang nililinis namin ang puntod ng Nanay at Tatay ni Jonas, malapit na kasi ang undas.

Tinupad ko ang pangako ko sa kanya, palagi kong nililinisan at dinadalaw ang puntod ng magulang niya kapag dinadalaw ko ang puntod ni lolo.

Ang kanilang dampa ay maayos at malinis pa rin, pati halaman sa paligid ay naalagaan. Napagawa na iyon ni tatay dahil sa kalumaan at sa bagyo ay talagang nasisira din.

Ang pulseras na bigay niya sa akin ay hindi na magkasya sa aking pulsuhan, masyado ng maliit at hindi na talaga kasya. Nakakatuwa naman na noong bata ako ay talagang hindi ako sakitin, siguro ay may bisa talaga ang pulseras na iyon.

Napaisip talaga ako Kung anong itsura niya ngayon. Ang naalala ko sa kanya ay ang itsura niya noong bata pa. Parang pogi naman siya noon, pero ewan ko lang kung ano na ang ipinagbago ng kanyang itsura. Tumangkad ba siya, gumandang lalaki, haaay ang hirap ilarawan sa ngayon. Malamang ay hindi ko na siya makilala kapag nagkita kami. Sana lang ay makilala niya ako.

“Tintin, gwapo ba talaga ako, ‘yung walang biro ha, ‘yung totoo lang,”

“Gwapo ka talaga kuya. Ang dami ngang nagkakagusto sa iyo eh. Wala bang nagpaparinig sa mga kaklase mong babae sa iyo?”

“Meron naman, kaya lang ay parang ayaw kong maniwala eh. Bakit walang kumukuha sa aking mag-escort kapag may santa cruzan.”

“Wahhhh si kuya. Bakit… gusto mo ba? Ayaw mo naman eh, saka suplado ka raw, hindi namamansin. Iniisip nga nila kuya na baka bading ka eh hahaha.”

“Gagi, sinong nagsasabing bading ako at hahalikan ko.”

“Talaga lang ha, torpe ka naman. Tayo na, malinis na naman eh, uwi na tayo at papadilim na,” aya ni Tintin.

Habang naglalakad kami ay tanong pa rin ako ng tanong sa kapatid ko. “Halimbawa Tin, magsing edad tayo, tapos hindi nagkita ng higit 12 years, makikila mo pa ba ako?”

“Depende siguro kuya, kasi may mga taong halos hindi nagbago ang itsura ng lumaki, pero ikaw, sabi ni Tatay ay patpatin, uhugin, tapos ang itim-itim pa. Pero ngayon moreno ka na, hindi ka na negro. Baka hindi ka na nga makilala pa.”

Natahimik ako.

“Kuya… kapag nasa Maynila ka na, huwag mo kaming kalilimutan ha? Baka naman kapag nagkita uli tayo hindi mo na ako kilala.”

“Ano ka ba, nasa puso na kita at nasa aking utak, naka-drawing ka na kaya kahit wala akong larawan mo ay makikilala pa rin kita. Sino ba namang makakalimot sa itsurang iyan, pangit hahaha,” biro ko kay Tintin. Pinagkukurot niya ako.

Pagdating namin sa bahay ay nagsumbong kaagad kay Nanay. “Nanay, si Kuya, pangit daw ako.”

“Sinabi mo nga ba iyon Mark? Ibig sabihin ay pangit ako, kasi ay kamukha ko siya.”

“Joke lang iyon Nay. Ikaw ang pinaka-magandang Nanay dito sa isla at si Tatay naman ang pika-pogi.”

“Kasi kahawig mo si Tatay, wehhhhhhh. Si Bunso ang kahawig ni Tatay, pogi, di ba bunso.”

“Tama ka ate.”

“Tumigil na kayo, baka magkapikunan pa kayo. Maligo nga kayong dalawa at amoy sementeryo kayo.”

-----o0o-----

Sa aking pag-iisa ay nasa isip ko pa rin si Jonas, ang kanyang itsura sa ngayon at kung magkakakilala pa kami matapos ang mahabang panahong hindi namin pagkikita. Nasasabik pa rin ako sa kanya hanggang ngayon. May posibilidad na magkita kami sa Maynia dahil doon na ako magpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo, hinihintay ko lang ang aming graduation.

Sinwerto ako dahil yung kaisa-isahang kapatid ni Nanay ay nangakong papag-aaralin daw ako ng minsang dumalaw sa amin sa isla.

Hindi naman biro ang ginawa kong pagsisikap para makatapos man lang ng high school. Kapos kami sa pera kaya para matustusan ang pangangailangan ko ay sumasama ako minsan kay tatay sa pangingisda. Kahit na naman libre at walang bayad dahil sa public school lang ako nag-aral ay marami pa ring gastos dahil sa mga project na pinapagawa sa amin, tapos ay tatlo na kaming nag-aaral. Kawawa naman sina Tatay at Nanay sa pagtataguyod sa aming mga anak nila.

Nagpapaupa ako sa ibang nagsasaka, kung minsan ay sa palengke rin kung saan nagtitinda ng isda si Nanay. Awa ng Diyos at nakakaraos din kami.

Maipagmamalaki ko naman, pati sina nanay dahil consistent honor ako at naging salutatorian pa ng mag-graduate ng junior high at umaasa rin ako na sa pagtatapos ko ng senior high ay magkaroon ako ng honor.

Aaminin kong excited ako at nasasabik na makarating ng Maynila, una ay para talaga makapag-aral, panglawa, gusto ko ring makitang muli ang aking bestfriend.

Pero sa isang banda ay nalulungkot din ako dahil sa malalayo ako sa aking mga magulang at kapatid, kung nalungkot ako ng umalis si Jonas, higit siguro akong malulungkot sa paghiwalay ko sa aking pamilya. Inisip ko na lang na may goal akong gustong abutin, ang mabigyan ng maginhawang buhay ang aking magulang sa kanilang pagtanda ay mapag-aral ko ang mga kapatid ko sa kolehiyo, iyon ang nagsisilbing lakas ko para sa katuparan ng aking pangarap.

Natigil lang ang aking pagmumuni-muni ng abutin na ako ng antok. Matagal pa ang byahe namin, baka abutin pa kami ng isang buong maghapon bukas.

-----o0o-----

Sa wakas narito na kami sa pantalan ng Maynila. Nagready na ako sa pagbaba. Kinausap ko ang kababayan ko sa isla at nagpaalam na. May susundo daw sa akin. Ibinigay kasi ng aking tiya ang number niya at i-text ko raw siya pag dating ko ng pier.

Binigyan ako ng CP ni Tiya Rosy pati na rin sina Nanay na si Tintin ang gumagamit dahil sa hindi raw marunong gumamit si Nanay. Nag text na ako bago pa lang kami dumaong sa pier, maging kay Nanay ay sinabi kong malapit na ako.

Pagbaba ko ay nanibago ako sa paligid, ang daming tao at nakakakalito kung saan ako maglalakad. May nakita akong pangalan ko. Siguro ay ang sundo ko dahil ang sabi ni Tiya ay ipinasundo na raw ako sa kaniyang driver. Nilapitan ko na ang may hawak ng papel na may pangalan ko.

“Pangalan ko yang nasa papel, ako yan, ikaw ba ang susundo sa akin?”

Tumango ang lalaki at kaagad na kinuha ang aking dala-dalahan at pinasunod na ako sa kanya. Naka-park daw sa may labasan ang kanyang dalang sasakyan. Nakahinga na ako ng maluwag, totoo na ito, nasa Maynila na ako. Kaagad akong nag-text kay Tintin na sinaabing nasa kotse na ako ni Tiya.

Sandali lang naman at nasa bahay na ako ni Tiya Rosy. Hangang-hanga ako sa bahay niya, ang laki, parang mansion na nakikita ko sa video. Ang laki ng bakuran at maraming halaman. May swimming pool pa. Sayang lang at hindi nagkaanak, hindi rin nag-ampon. Matagal na naman niyang kinukuha si Nanay pero si Nanay ang aayaw, noon iyon noong nabubuhay pa ang asawa ni Tiya. Para daw kasing mahigpit itong kanyang bayaw.

Kwentuhan muna kami ng konti. “Tita, wala naman akong pasalubong sa inyo, alam naman ninyo ang buhay namin doon. Pero nagpadala naman sa inyo ng daing na pusit. Gusto raw ninyo iyon,” Wika ko.

“Okay lang, yung nanay mo kasi, ayaw pang dito manirahan eh ang laki-laki nitong bahay. Mabuti na lang at napilit kong dito ka papag-aralin.”

“Hindi kasi niya maiwanan ang aming isla. Saka si Tatay, hindi rin daw kayang manirahan dito.”

“Ang taas kasi ng pride niyang tatay mo. Tinutulungan ko na ngang bigyan ng puhunan eh ayaw. Hayaan ko nga. Halika, magpahinga ka muna. Ituro ko sa iyo ang kwarto mo.”

Umakyat na kami sa itaas. Ang daming silid. Isang napakagandang silid ako pinatuloy ni Tiya Rosy, ang laki, may TV pa at aircon. Hindi lang iyon, may sarili pang banyo, grabe, para akong hari nito. Mas malaki pa yata sa bahay namin ang silid ko ngayon.

At ang kama, ang laki, pwede kaming tatlong magkakapatid maluwag pa. Ang kutson ang lambot hayyyyy ang sarap pala ng buhay dito.”

“Mamaya Mark ay ipatatawag kita sa kasambahay para kumain. Mag-ayos ka na muna ng gamit mo at magpahinga, alam kong halos hindi ka naman nakatulog sa barko.”

“Opo tiya, salamat po.”

-----o0o-----

Nakatulog ako ng matagal-tagal, nagising lang ako sa katok sa pintuan. Tinawag ako para kumain na raw. Ipinakilala ako sa kanilang mga kasambahay, tatlo pala silang nagtatrabaho dito, pang-apat ang driver. Sa pagkain ay kasabay naming kumakain ang mga kasambahay at driver. Mabait naman pala talaga si Tiya, ewan ko lang kung bakit hindi nakasundo ni Tatay. Ay hindi pala si Tiya ang hindi kasundo ni Tatay kundi ang asawa niya.

“Bukas ay sasamahan kita, wala naman opisina bukas. Ipamimili kita ng mga gamit mo. Tapos sa lunes ay sasamahan kita para mag-inquire sa papasukan mong kolehiyo. Ano ba ang talagang gusto mong kurso.” Wika ni Tiya.

“Nakakahiya po eh, masyado pong magastos ang pangarap kong kuhanin.”

“Ano ba iyon, bakit hindi mo sabihin.”

“Gusto ko pong maging doctor.”

“Oh eh di magdoctor. Kung nagkaanak ako ay pagdodoctor din ang ipakukuha kong kurso. Syempre, mag-pre-med muna hindi kaagad doctor, ipakukuha so sa iyo ay ‘Occupational o Speech Theraphist’. May nagsabi sa aking magaling daw itong pre-med course na ito. Pwede ka nang magtrabaho kapag nakatapos ka ng ganito at malaking kita ha. Apat na taon lang ang bubunuin mo at kailangan din maipasa mo ang board exam. Kayang kaya mo yun dahil sa matalingo ka naman.

Pagkatapos kumain ay gusto ko sanang tumulong sa paghuhugas man lang ng kinanan, pero pinigilan naman ako ng mga kasambahay. Nag-usap pa kami ni Tiya sa sala, at pagkatapos ay umakyat na rin siya. Naiwan ako dahil sa kagigising ko lang din at hindi ako makakatulog kaagad. Nakipagkwentuhan pa ako sa driver at sa ibang kasambahay. Puring-puri nila si Tiya, pero hindi ang namatay nitong asawa, masyado raw masungit. Simula daw nang mamatay ang asawa ni Tiya ay kasabay na sila sa pagkain at hindi raw katulong ang trato sa kanila. May pinag-aaral din pala siyang anak ng driver sa college, kaya naman tapat silang lahat kay Tiya.

-----o0o-----

Hiyang-hiya ako kay Tiya Rosy, ang dami niyang binili para sa kin, sapatos, pantalon, polo, tshirt, brief. Binilhan din niya ako ng bagong cellphone. Ang laki ng binayaran niya sa credid card niya. Puro pa namang mamahalin ang pinagbibili niya sa akin. Ayaw ko sana, pero siya ang may gusto. Ipinatatapon na sa akin ang dala kong mga damit dahil sa hindi raw bagay sa kapogian ko. Natawa ako, nadinig ko na naman ang salitan Pogi.

Monday ay sa eskwelahan sa may ExpaƱa street niya ako sinamahan para mag-inquire naman para sa kukuning kong Kurso. Nang makita naman ang aking grade ay hindi na ako pinag-take ng entrance exam, enroll kaagad. Kaagad kong ibinalita kina Tatay ang lagay ko sa poder ni Tiya. Tuwang-tuwa naman sila.

Isang buwan pa bago ang pasukan. Sinabihan ni Tiya ang driver na ipasyal daw ako sa mga lugar dito sa Maynila para masanay daw ako, ma-familiarize sa paligid, kung saan sasakay kung magko commute, kung saan ang pasyalan. Basta ipasyal daw ako, halos isang lingo naming ginawa iyon, tuwang-tuwa naman ang driver dahil pati siya ay nakakapasyal. Bukod sa driver sa bahay ay may driver din pala siya sa opisina nila na siya ngayon ang nagpapatakbo.

Nang sumunod na linggo ay sinabi ko kay Tiya na dito na lang ako sa bahay. Tumulong ako sa pagdidilig ng halaman, sanay naman ako sa gawaing ganon, mas higit pa. Palagi din akong lumalangoy sa pool nila. Na miss ko kasi ang paglangoy sa dagat.

-----o0o----

Pasukan na, first day ng klase namin at pinahatid pa ako ni tiya sa Driver. Para tuloy akong anak ng mayaman hehehe. Excited na kinakabahan ako sa aking first day of class. Panibagong pakikisama na naman, paghahanap ng kaibigan. Mahirap para sa akin dahil sa galing akong malayong probinsya at sa isla pa. Promdi kung tawagin dito sa kamaynilaan.

Madali ko namang nahanap ang aking room assignment. Marami ng tao, may mga nagkukuwentuhan na. Sa dulo ako naupo, sa bandang huling row.

Doon ako pansamantalang pumuwesto sa wala pang nakaupo. Isa isa nang nagdaratingan ang mga kaklase ko, syempre iisa ang room namin at naka block section pa kami. May isang babae ang tumabi sa akin. Wow, maganda siya, maputi at sexy. Kaya lang ay likas akong mahiyain, torpe nga daw, sabi ni Tintin. Hindi ko ito pinansin, pero siya ay pinansin ako, una siyang nagpakilala, Para tuloy napahiya ako.

“Hi,” bati ng babae. “Ako si Allysa, bakante pa ba itong silya? Pwede bang dito na rin ako maupo?” sabi niya sa salitang english. Medyo natameme ako dahil sa hindi pa talaga ako ganon kagaling magsalita ng english, pero ang magsulat ay pwede akong ipanglaban sa essay wrting contest sa english hehehe.

“John Mark, Wala pa naman nakaupo diyan, saka hindi pa naman permanente ang seating arrangement natin,” wika ko in english din kaya lang pautal-utal hehehe. Nakipagkamay din ako sa kanya.

Wow! Ang lambot ng kamay, yayamanin hehehe hindi tulad ng sa akin na magaspang, kaya nga lalo akong nahiya ng makipagkamay sa kanya. Hindi naman siya suplada.

Wala pang professor na dumarating kaya maingay pa sa silid, kwentuhan pakilalahan. Isang lalaki ang nakakuha ng pansin sa aking, Matangkad din niya, halos sing tangkad ko, gwapo, maputi. Pinagmasdan ko siyang mabuti, kasi ay parang may similarity kay Jonas. Pero para ding hindi dahil maitim si Jonas eh ito ay maputi. Naputol ang pag-iisip ko ng dumating na ang una naming professor.

 

 

Itutuloy…………

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...