Lunes, Pebrero 26, 2024

Series From Other Blog # 19 - Everything I Have (Chapter 2) By: Joemar Ancheta (From: hotpinoyparkzonestories)

 


Everything I Have (Chapter 2)

By: Joemar Ancheta

(From: hotpinoyparkzonestories)

 

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Huli sa akto na walang maisip na paliwanag. Iyon bang wala kang kawala kundi tumahimik at hintayin ang paghusga kundi man ang tuluyang hatulan. Parang nangangatal ako noon sa hiya. Hindi ko alam kung ano ang una kong gagawin.

“Tang-ina! Anong ginagawa mong kababuyan?”

Lumapit si tatang sa akin. Tinaas ko ang short ko at agad kong dinampot ang magazine. Tinago ko iyon sa likuran ko na parang nahimasmasan sa mahabang pagkahimbing.

“Wala ho.” pagsisinungaling ko kahit alam kong nakita niya. Alam ko namang nakita na niya ngunit nagtanong pa siya kaya iyon lang ang alam kong isagot.

“Tignan ko nga yang tinatago mo. Akin na ‘yan! Huwag mong hintaying magalit pa ako sa iyo.”

Tumingin ako sa kaniya noon. Gusto kong tantiyahin muna kung ano ang gagawin ni tatang mula pagkabata ko, ngayon ko lang siya nakita na ganoon ang tingin niya sa akin.

“Wala ho ‘to. Hiniram ko lang po ito. Hindi po akin.”

Sa katulad kong kahit sukol na ay gumagawa parin ng paraan para maabsuwelto, ngunit nang nagsimula na siyang magbilang ay alam kong kahit anong gawin kong pagtanggi ay titignan at titignan niya iyon. Yumuko ako. Inabot sa kaniya ang magasin na puno ng mga hubad na kalalakihan.

“Ano tong… tang-ina, bakla ka? Ano? Sumagot ka hayop ka, anong ibig sabihin nito ha? Binabae kang animal ka!”

Kung may isang salitang kinaiinisan kong marinig noon ay ang sabihan akong bakla o binabae. Oo nga’t alam kong ganoon ako at nararamdaman ko iyon, ngunit iyon ang unang pagkakataong narinig kong tinanong ako at tinawag na bakla na para bang para sa akin ay isang nakapalaking kahihiyan at pagtapak sa aking pagkatao. Isa pa, bakit mula pagkabata ko naririnig ko ng tinatawag ako ng hayop ka… animal ka! Tapos ngayon kinabitan na ng buong binabae kang animal ka?

Tumingin ako sa mukha ni tatang noon. Galit siya. Galit na galit at naghihintay siya ng isasagot ko. “Lalaki po ako, tang,” mahina kong sagot.

Tuluyan ng tumulo ang aking luha, umiiyak ako sa takot. At sa isang iglap ay isang malakas na suntok sa panga ko ang pinatikim ni tatang sa akin.

“Sige, tarantado ka, lumaban ka. Ipakita mo sa akin na lalaki ka gago!”

Hinawakan niya ang leeg ko at hindi ako makahinga sa sakal niya sa akin. Pakiramadam ko ay napakatagal ng pagkakasakal niya sa akin na wala ng naiipon pang hangin sa aking baga. Nalulunod na ako at umiinit na ang buo kong mukha sa pamumula. Luha, sipon at laway na ang lumalabas sa akin at dahil kung hahayaan ko pang tatagal ang pagkakasakal sa akin ni tatang ay tuluyan na akong malagutan ng hininga. Tinutulak-tulak ko ang dibdib niya. Nagmakaawa ang luhaan kong mga mata at pinilit kong magsalita para magmakaawang tanggalin na niya ang kamay niya sa aking leeg ngunit tanging laway lang at ungol ang lumalabas sa akin.

Pinilit kong tanggalin ang kamay niyang nakasakal sa akin ngunit malakas ang kaniyang mga daliri. At tanging malakas na tadyak sa kaniyang sikmura ang alam kong paraan para makahinga akong muli. At nang nabitiwan niya iyon ay parang napakahalaga sa akin ang bawat paghinga. Nahuli ng pang-amoy ko ang kaniyang amoy alak na hininga. Nakainom siya. Napaluhod ako sa pagkahina kasabay ng sunud-sunod ding pag-ubo. Ngunit hindi pa ako nakakabawi sa panghihina ay isang malakas na sipa naman ang pinakawalan ni tatang sa aking tadyang, isa pa sipa sa aking mukha na tinamaan ang aking bibig dahilan para dumugo at sumabog iyon. napasadsad ako sa gilid ng aming kubo at nakita ko ang pagtulo ng dugo mula sa aking bunganga pabagsak sa yari sa kawayan naming suwelo.

Doon na ako natakot ng husto. Naisip ko ng lumayo doon at nang palapit muli si tatang sa akin ay sinikap kong tumayo at kumaripas ng takbo. Dinig na dinig ko ang kaniyang sigaw.

“Tang ina kang bakla ka. Magpakalalaki ka kung ayaw mong patayin kita. Nag-iisa kang anak hayop ka tapos bakla ka pa. Kung hindi ka pa magpakalalaki tangina mo, ako ang papatay sa iyo. Hindi ko pinangarap na magkaroon ako ng baklang anak gago ka!”

Noon ay gusto kong lumayo. Doon sa hindi ko marinig ang panlalait niya sa aking pagkatao. Tumakbo ako ng tumakbo papunta sa ilog hanggang nakarating ako sa may kakahuyan. Nagpahinga ako sa silong ng isang sampalok at doon ay parang tao na kinausap ko ang punong iyon. “Bakit gano’n sila? Nang gumawa ako ng tama, nagsisikap para makapag-aral sa sarili kong kayod, nagbigay ng karangalan sa school at napromote mula Grade four to Grade six, yung pagiging mabuti kong anak, yung pagiging masipag ko’t maasahan sa lahat ng gawaing bahay? Bakit hindi nila napansin iyon? Bakit hindi ako nakita man lang?

Ngayong nakagawa ako ng isang kasalanang hindi ko naman sinasadya ay ngayon ako napansin? Sabi ng teacher ko, kapag daw nagagalit ang mga magulang namin sa amin ay mahal na mahal daw nila kami. Sa pananakit ni tatang sa akin kanina, sa sobrang galit niya sa akin? Ibig bang sabihin no’n ay mahal na mahal niya ako? Simbolo ba ng pananakit na iyon ang pagmamahal sa akin?

Umiyak ako ng umiyak. Naiinis ako sa sarili ko. Sana hindi ko na lang ginawa iyon. Sana lang pinilit ko na ang sarili kong tumingin sa mga pictures nina Rosana Roces, Amanda Page at iba pa. O sana, hindi na lang nagpadala sa kalibugan. Nagsisisi ako. Kung galit ako sa ginawa sa akin ni tatang, mas nagagalit ako noon sa sarili ko dahil ako mismo ay hindi ko tanggap na magiging ganoon ako. Takot akong tanggapin iyon. Ayaw ko… ayaw ko at ayaw ko kung ano ang umuusbong sa akin.

Dumaan ang oras at maggagabi na, nagugutom na din ako. Nagsimula nang lamunin ng dilim ang liwanag. Naglabasan na ang mga lamok. Noon ko lang naranasang umupo si silong ng kahoy at inabot ng gabi. Natatakot akong umuwi ngunit wala akong ibang mapuntahan. Natatakot din ako dahil bigla kong naalala ang mga kuwento ng mga kalaro ko tungkol sa puno ng balete na tanaw lang sa kinauupuan kong puno ng sampalok. Tumatayo ang mga balahibo ko sa nililikha ng utak kong mga haka-hakang may white lady daw doon, may kapre, may paring pugot ang ulo at lumilipad sa ere, may madreng lawit ang dila, may babaeng malaki na may kargang sanggol na duguan ang mga mata at dahil hindi ko na makayanan pa ang takot ay bigla akong napatakbo palayo doon sa lugar na iyon at ang tanging alam kong puntahan ay ang aming munting kubo.

Nauuhaw ako, nagugutom at pinapapak ng lamok ngunit natatakot parin ako sa mga suntok ni tatang. Alam kong gabi na noon. Matagal na kasi ang paglatag ng dilim at halos lahat ng mga ilaw ng mga kapit-bahay namin ay nakapatay na din. Ngunit bukas pa ang gasera sa aming bahay. Narinig kong parang may lumabas sa bahay. Sinilip ko at si nanang na parang hindi mapakali at nang alam kong ako ang kaniyang hinihintay ay lumabas na rin lang ako sa pinagtataguan ko.

“Nang…” garalgal kong boses na parang naiiyak ngunit nangangatog din ako sa takot. Paano kung katulad din siya ni tatang na papaluin lang ako? Paano kung panigan niya si tatang imbes na ako?

“Diyaske kang bata ka! Saan ka nagpunta?”

“Nang, si tatang po kasi!” tuluyan ng umagos ang mga luha ko. Hindi ko na kasi kayang pigilan dahil parang kahit mataas ang boses ni nanang nang sinabi niya iyon ay alam kong hinihintay niya ang pag-uwi ko at hindi siya makatulog nang wala ako.

“Kumain ka na ba? Saan ka nagtago? Ano ba kasi ang ginawa mo?”

“Nang, kasi…” hindi ko kasi alam kung alin ang uunahin kong sagutin. Kung yung una at pangalawang tanong madali lang sagutin, ang hindi ko kayang ipaliwanag ay ang pangatlo.

“Pumasok ka na sa loob at nang makakain ka na muna dahil may natira pa naman na kakanin na naibulsa ko para sa iyo kanina sa lamay. Mahugasan narin natin ang mga sugat mo at pagkatapos ay mag-usap tayo sa labas dahil baka magising ang tatang mo.”

Nang nililinis na ni nanang ang sugat ko sa mukha ay lalo akong napaluha. Nakaramdam ako na parang kahit pala papaano ay may kakampi parin ako, na kahit paano ay may nagmamahal pa rin pala sa akin sa kabila ng aking pagkatao? Naisip kong bakit sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon ko lang naramdaman kay nanang na mahal niya ako? Maghapon lang akong nawala.

“Halika sa labas at mag-usap tayo ha? May mga sasabihin ako sa iyo.”

Sumunod ako sa kaniya.

“Anak...” Napatingin ako sa kaniya. Hindi ko inaasahang matatawag niya ako ng anak. Napakatagal kong hinintay na isa sa mga magulang ko ay matawag nila ako ng ganoon. “Gusto ko lang malaman mo na hindi mo tunay na ama si tatang mo. Nabuntis ako ng amo ko nang nag-katulong ako sa isang mayamang pamilya, boyfriend ko noon ang tatang mo. Dahil tatanga-tanga ang nanang mo at puro paglalaba lang, pamamalantsa ang alam at paglilinis ay hindi niya inako ang responsibilidad niya sa iyo. Nagpagamit ako sa kaniya dahil sa sobrang guwapo ang ama mo. Nabaliw ako sa kaniya. Lahat ibinigay ko hindi dahil mayaman siya kundi dahil minahal ko siya.

Ngunit sino namang amo ang papatol sa no read, no write lang na kasambahay? Sino ang aakong nakabuntis ng hamak lang na katulong? Pinalayas ako at ang masakit ay hindi ka pa tinanggap bilang anak niya.” Napatingin ako kay nanang. Nakaramdam ako ng awa lalo na ng nakita ko ang dalawang butil ng luha na umagos sa kaniyang pisngi. Tinignan niya ako. Tinitigan ng husto at saka niya ako niyakap. Yumuyugyog ang kaniyang balikat.

“Anak, sa tuwing nakikita kita ay naalala ko ang ama mo. Guwapong-guwapo pero ang galit ko sa kaniya ay napunta sa iyo lalo pa’t magkamukhang-magkamukha kayo. Parang bumabalik kasi ang ginawa niyang pagtalikod at pagpapalayas sa akin ng kaniyang mga magulang na ni hindi man lang ako pinahalagahan ng ama mo. Dahil ba mahirap lang ako? Binalikan ko ang tatang mo, inako niya ang responsibilidad na dapat ay sa ama mo. Ngunit habang tumatagal ay lalo siyang nag-iiba sa ating dalawa.

Kung sana alam kong hindi bukal sa loob niyang tanggapin ang nangyari ay malayong nagpakasal ako sa kaniya. Kahit sana anong kahihiyan pa ang sabihin ng tao sa akin ay sana binuhay na lang kitang mag- isa. Hindi ko alam kung makitid lang ang tatang mo o sadyang dinamdam niya ang nangyari sa amin kaya hanggang ngayon ay wala ka pang kapatid. Kanina nang hindi kita naabutan dito at nang nakita ko ang dugo sa suwelo natin at ilang oras na nawala ka ay parang himatayin ako sa kaiisip kung nasaan ka.

Bigla kong naramdaman ang kahalagahan mo sa akin. Anak, patawarin mo ako kung madami ang naging pagkukulang ko sa iyo. Nang di kita makita dito sa paligid ay alam kong binugbog ka ng tatang mo at nagsimulang naramdaman ko na…”

Hinintay ko ang susunod niyang sasabihin. Gustong-gusto kong margining iyon ngunit tumigil siya. Tumingin ako sa kaniya.

“Anong naramdaman niyo, nang?” Muli niyang niyakap ako at hinalikan sa aking batok.

“Anak, mahal na mahal kita… naramdaman kong hindi ako kumpleto kung hindi kita nakikita dito.”

Tuluyan na din akong napahagulgol. Naintindihan ko ang lahat at naawa ako kay nanang. Sa unang pagkakataon ay natulog ako sa tabi niya. Nang kinumutan niya ako ay alam kong sa mahabang panahon ay nahanap ko na ang puso ni nanang. Alam kong may kakampi parin ako sa aking buhay. May nagmamahal parin sa akin.

Nagsimula ding hindi naging maganda ang trato ni tatang sa akin. Lagi niya akong bibulyawan. Wala akong nagagawang tama ngunit sa tuwing sasaktan niya ako ay si nanang ang laging pumapagitna. At kung ganoon na ay si tatang ang umaalis. Tatlong araw bago ang graduation ko ng Grade six ay tinanong ko si nanang tungkol sa tunay kong ama.

“Mayaman sila anak. Mayaman na mayaman. Nakuha mo ang kaniyang tangkad at guwapo. Kung siguro sa Manila ka din nakatira, siguradong magiging katulad mo din siya ng kutis.” Nakangiting kuwento ni nanang sa akin.

“Ano hong pangalan niya nang? Siguro matatanggap niya ako kung makita niya ako ngayon.”

“Iyan ang huwag na huwag mong gagawin dahil ayaw kong mapagdaanan mo ang ginawa sa akin. Tama ng ako na lang ang winalang-hiya at binastos ng pamilya niya anak. Wala silang puso at kaluluwa. Hinding-hindi ka nila matatanggap kaya magsumikap ka para sa sarili mo. Wala kang ibang aasahan ngayon kundi ang sarili mong kakayahan.”

Hindi na ako nagsalita pa dahil may nakita akong pag-iimbot at sakit ng loob kay nanang ngunit ipinapangako ko sa aking sarili na pagdating ng araw, ipapamukha ko kung sinuman ang tunay kong ama na pagsisisihan niyang ginawa niya sa amin. Nagtapos ako ng Elementary. Hindi ako nakakuha ng parangal dahil walang maidonate na kahit ano ang pamilya ko. Matalino ako ngunit wala akong pera ngunit alam kong babawi ako at sapat na sa akin na sa araw ng aking pagtatapos ay hindi ako nag-iisa sa aking upuan. Naroon si Nanang sa tabi ko. Proud na proud na nakatapos ang anak niya. Lumuluha siya ng abutin ko ang una kong diploma.

Ngunit alam kong hindi lang dalawa o tatlo ang iaabot ko sa kaniya. Pangarap kong iahon siya at darating ang araw na haharap kaming dalawa ng aking ama para ipamukha kung ano ang narating nang pinabayaan niyang anak at inalipusta niyang babae. At nang ako ay nasa high school na ay siya namang pagdagsa ng sunud-sunod na pagsubok sa buhay naming mag-ina. Isang karumal-dumal na trahedya ang nangyari sa aming pamilya. Iyon na din ang panahon na pilit kong nilabanan ang mali kong nararamdaman kasama ng pagkapahiya, pagkabigo at ang tunay na mapait na mga karanasan ng mga tulad kong alanganin.

 

Itutuloy…….

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...