Kababata (Part 10)
Panaginip
Jonas
Hindi na ako
nakatanggi pa ng lapitan ako ni Myla at ihatid ko lang daw siya sa hospital sa
may Mabuhay Rotonda. Isinakay ko na para lang wala ng ano pang diskusyon. Sa
isang intersection ay inabutan kami ng stop light. Hindi ko naman akalain na
magkatabi pa ang aking sasakyan sa sasakyan ni Simon. Nagkatitigan pa kami ni
JM, nagpatay malisya na lang ako na kunwari ay hindi ko siya napansin kaya sa
unahan na lang ako tumingin. Hindi ko pa alam kung ano na naman ang irarason
ko. Hindi ko pa nga naiisip kung paano magpapaliwanag sa panty na nakita niya
sa compartment ng aking kotse. Tapos ay heto na naman. Mahihirapan na akong
magpaliwanag na wala talagang namamagitan sa amin ni Myla.
Nagbago daw ang
isip ni Myla at sa Cubao ko na lang daw ihatid, sana lang ay hindi nakita ni JM
na hindi kami tumuloy sa hospital, kundi sa Cubao.
Habang nabyahe ay
naging malikot ang kamay ni Myla, kahit anong gawin kong sansala ay ayaw tumigil,
hindi mapigilan. Lalaki lang ako at natutukso, kaya humantong na naman kami sa
isang hotel sa Cubao. Madaling araw na ako nakauwi ng bahay.
Kahit pagod at
malalim na ang gabi ay hindi ako dalawin ng antok, si JM pa rin ang iniisip ko
at ang aking nagawang kasalanan. Maaring hindi ko pa kasalanan ang nagawa ko sa
kadahilanang wala naman kaming relasyon, pero bakit nagi-guilty ako.
Hindi lang din ako
makatulog, ay nagbukas na lang ako ng CP at nag-browse ng FB. May bagong post
akong nakita buhat kay JM. Nang aking tingnan ay isa iyong larawan ng pulseras
na gawa sa kung anong bagay na may kulay pula at itim. Mayroon pa siyang
nakasulat, binasa ko.
Isang
alala buhat sa aking kababata na matagal na matagal na hindi ko nakikita.
Simbolo ito na malayo man kami sa isa at isa ay hindi kami maglilimutan,
mananatili kaming mag-bestfriend. Sana ay hindi mo nga ako nakalimutan. Kasi
nanatili ka sa aking puso at isipan
Sino kaya ang
tinutukoy niyang kababata na sobra yata niyang pinahahalagahan?
Pinagmasdan kong
mabuti ang pulseras, kung aking iisipin ay wala itong halaga, subalit naitago
niya ng matagal at magpasa-hanggang ngayon ay nakatago pa rin. Gaano kaya
kahalaga ang pagkakaibigan nila? Sino kaya ang tinutukoy niya at bakit hindi
niya hanapin? Gaano kaya sila katanda ng magkahiwalay?
Nakatitig pa rin
ako sa pulseras na iyon. Hindi ko naman alam kung bakit ako interesado sa
pulseras na iyon. May tila mahiwagang pangyayari na bumabalot sa bagay na iyon.
May kung anong pumapasok sa aking isipan na hindi ko naman maunawaan. Para bang
may kaugnayan ako sa pulseras na iyon, pero bakit? Ano naman ang magiging
kaugnayan ko sa bagay na iyon na ngayon ko lang nakita.
Sumasakit na ang
aking ulo sa kaiisip. Bakit? Siguro ay kailangan kong kausapin si JM para
itanong ko kung sino ang tinutukoy niyang kababata. May kaba akong
nararamdaman, baka kasi kilala ko kung sino man iyon.
-----o0o-----
Kinabukasan ay
kaagad akong tumungo sa bahay nina JM. Hindi na ako tumawag dahil sa baka hindi
lang ako sagutin gaya nung isang araw.
“Nora, gising na ba
si JM?”
“Hala! Kanina pa
iyon umalis kasama ni Simon. Nadinig kong nagpaalam sa Tiya niya na may lakad
daw sila ni Simon, road trip daw at maagang-maaga sila umalis. May kailangan ka
ba sa kanya?”
“Ganun ba! Hah eh,
wala naman, may itatanong lang sana ako.”
“Sandali Jonas, may
hindi ba kayo pagkakaunawaan ni Mark? LQ ba kayong dalawa, kasi nitong
nakaraang araw ay parati na lang siyang parang malungkot at walang ganang
kumain. Kapag tinatanong ko naman kung may problema eh wala lang daw, naalala
lang daw ang pamilya niya sa isla.”
“Wala, hindi ko
alam. Saka bakit naman LQ eh magkaibigan lang kami.”
“Ganun na rin iyon.
Pero kwidaw ka ha, palagi silang magkasama ngayon ni Simon, palagi pang magka-chat.
Saka dinadalaw niya palagi si Mark. Hala, baka maunahan ka pa eh kayo ang unang
naging magka buddy-buddy. Sa iyo pa naman ako boto. Pero syempre, kung saan
masaya ang aming si John Mark ay masaya na rin kami. Mahal din kasi namin ang
batang iyon.”
Hindi na ako
sumagot pa. Nagpaalam na lang ako. Pero sa aking kalooban ay masamang-masama na
ang loob ko sa sinabing iyon ni Nora.
Parang lambot na
lambot ako pagdating ko ng bahay, kaagad akong nahiga sa aking kama at muling
binuksan ang aking CP at tiningnan ko ang post ni JM.
“Si Nora, baka may
alam siya tungkol sa pulseras. Bakit ba hindi ko kaagad na naitanong sa kanya?”
wika ko sa sarili.
Daglian uli akong
bumangon at tinungo ang bahay nina JM. Mabuti na lang at si Nora uli ang
nagbukas ng gate.
“Oh Jonas, bakit ka
bumalik?”
“Nora, may gusto
lang akong itanong sa iyo tungkol dito.”
Ipinakita ko kay
nora ang post ni JM sa FB at pinabasa pa ang sinabi niya sa post na iyon.
“Iyan siguro ang
matagal na niyang hinahanap. Itinatanong nga sa amin kung may nakita kaming
pulseras. Ang akala nga namin ay mamahaling pulseras, at baka pagbintangang
kami ang kumuha. Pero ng sabihin niyang ano lang iyon, buto ng kung anong
halaman ay nawala na ang kaba namin. Iyan nga siguro yung hinahanap niya, sabi
kasi niya ay pula at itim ang kulay. Mabuti at nahanap na pala niya. Mahalaga
daw sa kanya iyan eh.”
“Bakit daw?”
“Halika sa loob at
mahabang kwento. Mainit dito hehehe.”
“Wala ba si Tita?”
“Wala, nasa
opisina. Halika upo ka. Ganito kasi, ayon ito sa kwento niya nung hinahanap pa
niya ang pulseras na iyan ha, sana nga ay natandaan ko lahat.
“Ganito kasi, may
kababata siya, kalaro palagi, hindi ko na maalala ang pangalan nung bata, basta
blah blah blah. (Basahin na lang ang mga naunang chapter hehehe”
“Kwintas na may
palawit na pangil ng buwaya? Iyon daw ba ang ibinigay niya sa kaibigan bago ito
umalis?” tanong ko.
“Oo, sabi niya ha.
Anting-anting daw iyon. Hindi ko naman alam kung para saan, hindi ko na maalala
eh, tagal na rin kasi.”
“Grabe pala Nora
ano, sayang na pagkakaibigan. Paano kaya sila magkikita. Bakit hindi niya
hinahanap.”
Nagkibit balikat na
alang si Nora. Malaman na hinahanap niya iyon, hindi lang talaga pinagsasabi.
“Teka nga Jonas,
bakit ka ba interesado?”
“Ewan ko ba, kasi
may kung anong… ah ewan. Mahirap ipaliwanag kung anong nasa damdamin ko. Basta.
Sige Nora at naabala kita, salamat ha.”
-----o0o-----
Kwintas na may
palawit na pangil ng buwaya. Bakit ba ako alisis? Bakit ba parang may naiisip ako
na hindi ko naman maisip. Ano ba itong gumugulo sa aking isipan.
Kailangan ko na
talagang makausap si JM, baka maloko na ako nito. Tinawagan ko na siya. Mabuti
na lang at sinagot niya ang tawag ko.
“Hello JM, saan
kayo?”
“Narito kami sa…
ano ngang lugar ito Simon? Caliraya daw dito sa Laguna,” sagot ni JM.
“Oo nadinig ko na.
Kelan ang balik n’yo?”
“Nagpaalam ako kay
Tiya na overnight kami, bukas na siguro, bakit?”
“Wala namang
importante, itatanong ko lang sana kung saan nakakabili ng pulseras na kagaya
ng naka-post sa FB mo. Maganda siya, gusto kong bumili. Saan mo binili?”
“Ah, hindi ko iyon
binili, binigay iyon ng kababata ko at bestfriend. Saka na lang tayo mag-usap
ha, medyo mahina rin kasi ang signal dito. Sige bye.”
Kaagad na siyang
nag-end ng call, hindi man lang ako nakapag-reply.
-----o0o-----
Inip na inip ako,
bore na bore. Tinawagan ko ang ibang kalaro ko sa basketball at inayang
maglaro. Lintik namang buhay ito, ni isa ay walang available.
Maghapon akong
nagmukmok sa bahay, inis na inis. Ayaw ko na sanang mag-isip tungkol sa kwintas
at pulseras, pero balik ng balik sa aking isipan.
Gabi na naman,
hindi ko na alam kung paano ako makakatulog kaagad. Bumaba ako at bumili ng
beer, baka pag nalasing na ako ay mawala na sa isipan ko ang tungkol sa kwintas
at pulseras. Tama ako nakatulog ako.
-----o0o-----
“Uuhhnnngggggggg
uhhhnnnnggggg uhhnnnnggggggggg, itayyyyyyy, inayyyyyyyyyyyyyy, itaaaaayyyyyyyyyyyyyyyy
tulonggggggggggg huhuhuhu tulongggggggggggggggg.”
“Jonas! Jonas!
Gising! Nananaginip ka!”
“Huh!” Biglang
bangon ko, nagisnan ko si Mama at Papa at inuuga ang katawan ko.
“Nananaginip ka
anak. Ano bang napanaginipan mo at sumisigaw at umiiyak ka sa pagtulog mo?”
Tanong ni Papa.
Kumunot ang noo ko.
Wala akong maalala. Umiling ako, kahit anong pilit ko ay wala akong maalala sa
napanaginipan ko. “Hindi ko maalala ‘Pa. Ano po ba ang isinisigaw ko?”
“Parang nahingi ka
ng tulong. Matulog ka na uli, uminom ka na muna ng tubig at magpalit ka ng
damit mo iho, basang basa ka ng pawis.”
“Opo Mama. Sige po,
matutulog na po uli ako.”
Bakit ganon, pati
ang aking panaginip ay hindi ko maalala. Parang marami akong alaala ni hindi ko
na maisip, parang nabura na sa aking utak. Ano ito?
-----o0o-----
Lunes, nagpaaga ako
ng paghahanda sa pagpasok. Sinadya kong unahan si Simon. Alam kong muli niyang
susunduin si JM. Matiyaga akong naghintay sa tapat ng gate nila para makita ko
siya kaagad.
Kalahating oras na
akong naghihintay, nakita ko na ang sasakyan ni Simon, susunduin na nga niya si
JM. Sa bandang likod ng aking kotse siya humimpil. Lumabas ako at kinatok ang
salamin sa tapat niya.
“Jonas, sa akin daw
uli sasabay si JM,” wika niya sa akin.
“Simon, please,
ngayon lang. Gusto ko lang makausap si JM, importante. Pagkatapos nito ay hindi
na ako makikipag-unahan pa sa iyo. May gusto lang akong malaman buhat sa kanya,
pwede ba?”
“Nakausap mo na ba
si JM?” tanong ni Simon.
“Hindi pa, pero
nakikiusap ako sa iyo, just this time, kung ayaw na talaga niyang sumabay sa
akin ay okay lang, hindi ko siya pipilitin. Pero ngayon ay makikiusap din ako
sa kanya.”
Sa puntong iyon ay
bumukas ang gate nina JM. Nagtaka pa siya kung bakit naroon ang aking kotse.
Nakita niya ako at lumapit na sa kotse ni Simon.
“Jonas, may usapan
kasi kami na susunduin niya ako, hindi ko naman kasi alam na dadaanan mo rin
ako. Baka kasi may susunduin ka eh.” Sabi ni JM.
Medyo nasaktan ako,
tinamaan ako sa sinabi niya.
“JM gusto lang
kitang makausap, habang nabyahe lang naman. Alam kong sa school ay mahihirapan
na kitang makausap ng sarilinan. Pwede ba, itong araw lang ito, sa susunod,
kung talagang ayaw mo nang sumabay sa akin ay wala akong magagawa, hindi kita
pipilitin. Please!”
Nagtinginan sina JM
at Simon, nag-usap ang kanilang mga mata, tumango si Simon. Naglakad siya
papunta sa aking kotse. Bukas na naman iyon kaya nakapasok na siya. Mabuti na
lang at sa unahan siya naupo.
Nagpasalamat na ako
kay Simon at tinungo na ang aking kotse. Nauna na siyang nagpatakbo ng kanyang
sasakyan.
Nag-start na ako ng
aking sasakyan, tahimik lang na nakaupo si JM. Nang umandar na ang kotse ay
saka pa lang siya nagsalita. “Ano ba ang gusto mong pag-usapan natin?”
“Yung tungkol sa
post mo, yung may picture ng pulseras na tila buto na may kulay itim at pula.
Pwede bang ikwento mo sa akin kung paano ka nagkaroon ng ganon?” wika ko.
“Hindi ba nasabi ko
na sa iyo na bigay iyon sa akin ng aking kababata matagal na, hindi ko iyon
binili,” tugon ni JM.
“Oo, alam ko, kaya
lang ay may hindi ako maintindihan, para bang apektato ako na hindi ko mawari.
Alam mo iyon, parang may biglang papasok sa akin isipan na may bahagi ako sa
pulseras na iyon, hindi ko lang masabi sa iyo kung papano, mahirap ipaliwanag,”
sabi ko naman.
“Pwede bang tumabi
muna tayo, doon tayo mag-usap sa..; hayun doon sa fastfood na iyon,” wika niya
na itinuturo ang isang fastfood restaurant.
“Pero baka ma-late
tayo,” sabi ko.
“Okay lang, kahit
hindi na tayo pumasok,” sabi naman niya. Kaya huminto kami sa restong iyon.
Nag-order naman kami para hindi nakakahiya na tumambay.
“Bigay sa akin iyon
ng aking kababata na bestfriend ko rin. Sapul pa ng mga bata kami, sapul na
makapaglaro kami sa labas ng bahay ay magkasama na kami niyon, alam mo ba ang
pangalan niya! Jonas din, katulad ng sa iyo. Sa laro, sa kapilyuhan, sa lahat
ng bagay ay kami ang magkasama, siguro masasabi kong higit pa ang pagtitinginan
namin sa tunay na magkapatid. Sa murang edad namin ay alam na namin ang
pagkakaibigan, ang tunay na pagkakaibigan.”
Sandali siyang
huminto, para kasing maiiyak siya habang inaalala ang nakaraan nila ng kaibigan
niya.
“Pero isang aksidente
ang naganap sa pamilya niya. Sakay sila ng habal-habal, kasama ang aking
kaibigan nang may masalubong silang isang kotse. Mabilis daw ang takbo ng
habal-habal at kurbada pa ang daan, sa kalituhan ng driver ay napagilid siya sa
pag-iwas sa kotse at nagtuloy-tuloy sa bangin. Namatay ang mga magulang niya
siya lang ang nabuhay.”
Muli siyang huminto
sa pagkukwento. Sinabi kong kumain muna at lumalamig na ang kape na inorder
namin, pero ayaw niya.
“Alam mo ba na wala
man lang tinamong matinding sugat si Jonas, yung kaibigan ko, kundi konting
gasgas at galos,hindi nga niya ininda iyon eh. Naniwala kasi siya na iniligtas
siya ng kwintas. Isang kwintas iyon na may nakapalawit na pangil ng buwaya. Ang
kwintas na iyon ay binigay ko bago ang aksidente bilang simbolo ng
pagkakaibigan namin na kahit kami magkahiwalay ay hindi namin kalilimutan ang
isa’t-isa. At para may maaalala din ako sa kanya ay ibinigay naman niya sa akin
ang pulseras na iyon na ipinost ko sa aking FB.”
“Matapos na
mailibing ang magulang niya ay inampon na siya ng mag-asawang siyang muntikanan
nang makabunguan ng habal-habal. Bilang ang mga magulang ko ang siyang pinaka-malapit
na kaibigan ng magulang ni Jonas ay sila ang kinausap. Umalis na sila kasama si
Jonas at mula noon ay hindi na kami nagkita pa.
“Siguro ay
itatanong mo rin kung bakit ngayon ko lang ipinost? Kasi ang akala ko ay
naiwala ko, matagal kong hinanap pero hindi ko na nakita. Inalis ko iyon sa
aking pulsuhan dahil maliit na at masikip na. Itinigago ko pero hindi ko na
maalala kung saan ko itinago kaya naghinala ako na naiwala ko na.
Nanghihinayang nga ako kasi ay alam kong hahanapin sa akin iyon ni Jonas kapag
nagkita uli kami.”
“Alam mo ba na
noong una kitang nakita, noong unang araw natin bilang magkaklase ay akala ko
ay ikaw na ang kaibigan ko? May hawig kasi kayo, malaki. Alam mo, kung may
nakita lang akong kwintas na suot mo na ibinigay ko sa kanya ay walang dudang
ikaw ang kaibigan ko, kaso wala eh. Lalo na nang magpakilala ka na. Nagkataong
Jonas pa ang pangalan mo, pero iba ang apleyido. Espiritu kasi ang apelyido ng
kaibigan ko at hindi Vergara, malayong maging ikaw si Jonas na kaibigan ko. Siguro
kung ikaw nga si Jonas ay alam kong matatandaan mo ako, pero hindi.
Nakinig lang ako sa
kwento ni JM, ngayon lang ako nagtanong. “Hinanap mo ba siya nang mapunta ka na
dito sa Manila?”
“Hindi ko alam kung
paano siya hahanapin eh, wala pa akong alam dito sa Maynila. Saka hindi ko alam
kung saan. Ngayon na marunong na akong mag FB ay hinanap ko sa social media,
pero wala eh. Kaya ipinost ko yung larawan ng pulseras, baka kasi makilala ng
nagbigay sa akin. Maraming comment, maraming nakakita, malay mo, isa na roon si
Jonas na kaibigan ko.
-----o0o-----
Matapos kaming
mag-usap ay tinungo na namin ang aming paaralan. Hindi na kami naka-attend sa
aming first subject. Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang tungkol sa
pulseras, at ngayon naman ay ang kwintas, Hayyyyyyyy, masisiraan ako ng bait
nito.
Itutuloy………………
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento