Miyerkules, Marso 20, 2024

Series From Other Blog # 19 - Everything I Have (Chapter 10) By: Joemar Ancheta (From: hotpinoyparkzonestories)

 


Everything I Have (Chapter 10)

By: Joemar Ancheta

(From: hotpinoyparkzonestories)

 

Hindi ko alam kung paano ko siya simulang kausapin. Yun bang ayaw mo sanang sirain ang mood ng isang tao lalo pa’t may favor siyang ginagawa para sa ’yo.

“Baby, tulungan mo naman akong iayos ang mga pinamili ko oh, heto bumili ako ng ice cream mo saka yung paborito mong chocolate cake.”

Hindi ako sumasagot. Hindi ako kumilos. Parang walang narinig.

“Aba, suplado.” tatawa-tawa niyang sinabi. Kumanta-kanta siya habang mag-isa niyang nililigpit ang mga pinamili. Parang sa tingin niya ay ayos lang ang lahat. Pagkaayos niya sa mga pinamili sa Ref at sa cabinet ay muling nagpasuyo.

“Bumili pala ako ng isda baby, nami-miss ko na kasi yung fish sweet and sour na luto mo. Ipagluluto mo ako ha?”

“Magluto ka ng lalamunin mo!” mabigat ang pagkakasabi ko.

“Galit? Ha ha! Paano kung masusunog ko na naman? Masasayang lang.” parang hindi siya tinamaan.

“Masasayang lang? Di ba, kayong mga mayayaman hindi ninyo alam ang salitang sayang? Meron nga diyan, makasama lang niya ang kalaguyo niya sa ibang bansa ay kaya niyang lumiban sa kaniyang klase at handa niyang i-drop lahat ang mga subjects niya.”

Tumingin siya sa akin. Parang gusto niyang magtanong ngunit ramdam kong pinigilan lang niya ang sarili. Kumuha siya ng platito. Naglagay siya ng cake doon. Ibinalik at kumuha siya ng kopita, nagsalin doon ng ice-cream. Ibinalik niya sa Ref ang ice cream. Nakangiti pa ring lumapit sa akin dala ang kopitang puno ng ice cream. Inabot niya iyon sa akin ngunit hindi ko tinanggap.

“Binasa mo mga text sa akin? Bhie, kailan mo pa naging ugali ang makialam sa celphone ko na hindi ka nagsasabi?”

“Mula no’ng nagbago ka. Mula noong nakita ko kayo ni Joey sa isang restaurant na gusto kong lumabas tayo ngunit mas pinili mong makipagkita sa kaniya.”

“Anong nangyayari sa iyo?” nilapag niya sa mesa ang ice cream.

“Ang tanungin mo ay anong nangyayari sa atin. Sino si Joey sa buhay mo? Bakit lagi kayong magkasama na pumupunta sa Houston at anong karapatan niya sa buhay mo para ipa-drop ang mga subjects mo.”

“Baby naman, Joey is…. He’s my friend, a family friend.”

“Sinungaling!”

“Bakit ka pa nagtanong kung hindi ka rin lang naman pala maniniwala sa isasagot ko.”

“Dahil hindi iyon ang totoo. Maiintindihan ko naman kung kausapin mo ako sa magandang paraan e, at hindi dadaanin sa pagsisinungaling at pagtatago tungkol sa kaniya.”

“Bhie, makinig ka sa akin. Gusto kong…”

“Anong kalokohang makikinig ako sa iyo! Ikaw ang makinig sa akin dahil unang-una ikaw ang gumagawa ng katarantaduhan. Anong nagustuhan mo kay Joey ha? Dahil ba mas guwapo siya, mas maganda ang katawan, mas magaling sa kama, mas matalino! Anong mayroon siyang wala ako? Mayaman siya katulad mo at napapagod ka ng gastusan ako? Kung iyon ang dahilan, sabihin ko sa iyong kaya kong mabuhay ng wala ang mga binibigay mo sa akin. Ikaw ang nagpumilit na bigyan ako kahit ilang beses na akong tumanggi dahil nga parang naiinsulto ako. Kahit ayaw ko ay pinagbigyan kita. Kaya kong magtrabaho para sa sarili ko.”

Umupo siya. Tumingin siya sa akin. Nangingilid ang mga luha. Parang gusto niyang magsalita ngunit sa tuwing bumubuka ang kaniyang bibig ay hindi niya tinutuloy ang sasabihin hanggang tuluyan na lang siyang yumuko.

“Bakit hindi ka sumagot! Bakit hindi mo sabihin sa akin na ayaw mo na sa akin at may bago ka na. Bakit kailangan pa sa Houston ninyo gawin ang mga bagay na puwede naman ninyong gawin dito. Hindi mo naman kailangang i-drop ang mga subjects mo para lamang maiwasan ninyo ako ng tuluyan e.”

Umiling siya at tuluyan ng bumagsak ang kaniyang mga luha.

“Hindi ko kailangan ang luha mo Gerald, ang kailangan ko ay ang sagot mo.”

“Ano pa ba ang gusto mong sasabihin ko, bhie? Anong silbing sagutin kita kung sarili mo lang naman na conclusion ang pakikinggan mo? Nagtatanong ka nga pero ang paratang mo ay ang totoo na sa paningin mo. Napakasakit lang sa akin na tuluyang nilamon ng pagseselos mo ang pagmamahal mo sa akin. Hinayaan mong sirain ng paghihinala ang dapat ng buong tiwala mo sa akin at ng pagmamahal ko sa iyo. Nagseselos ka ba kay Joey?”

“Selos, marahil, ngunit mas akmang sabihing natatakot akong pinagpapalit mo na ako. Hindi ako magkakaganito kung wala akong nakita at nabasa. Hindi mababawasan ang tiwala ko kung ang dating ginagawa mo noon ay hindi nagbago. Kahit hindi mo sa akin aminin, Gerald, naramdaman ko ang maraming pagbabago.”

“Bhie, hindi natin hawak ang lahat na nangyayari. Sa ayaw at sa gusto natin ay may magbabago, may mawawala, may naiiwan man ngunit hindi natin kayang panatilihin iyon. Ngunit iisa lang ang alam kong hindi nagbago o nabawasan, iyon ay ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi din totoong ipinagpalit kita kay Joey, please lang naman bhie, makinig ka sa akin.”

“Nakikinig naman ako ah. Sinasagot naman kita.”

“Nakikinig ka nga pero hindi mo naman ako iniintindi.”

“Intindihin kita para malaya mong gawin ang gusto mo. Mani

niwala ako sa iyo para puwede mo lang akong paikutin ng paikutin.” “Saan mo dinala ang talino mo, bhie? Sa tingin mo ba, kung mahal ko si Joey mag-aaksaya pa ba ako ng panahong magpaliwanag sa iyo? Di ba mas madali sanang makipaghiwalay sa iyo at sabihin ayaw ko na kaysa sa magpaliwanag sa iyo na sa tingin ko naman ay sarado ang utak mong pakingggan ako. Mainit ang ulo mo ngayon, babalik na lang ako kung kailan handa ka ng tumanggap sa mga paliwanag ko. Wala kasing mangyayari sa mga sasabihin ko kung galit ka dahil mas pinapairal mo ang kung ano sa paniwala mo ay tama. Ang taong galit, kahit wala na sa rason ay ipagpipilitan ang alam niyang tama kahit mali na siya. Tawagan mo ako kung handa ka ng makipag-usap sa akin. Yung alam mo na kung kailan ka magsalita at kung kailan ka sa akin makinig.”

Tumalikod na siya. Hindi ko alam kung anong pumasok sa aking kademonyohan o nainsulto lang ako sa ginawa niyang pagtalikod na hindi pa niya nasasagot ang mga tanong ko kaya pagtalikod niya ay buong lakas ko siyang itinulak pabalik sa kama. Napahiga siya. Hinawakan na lamang niya ang ulo niya at mina-masamasahe. Huminga siya ng malalim. Paulit-ulit. Parang gusto niyang ilabas lahat ang namumuong galit sa kaniyang dibdib.

“Huwag mo akong talikuran at huwag kang umalis na hindi mo sinasagot ang mga tanong ko. Alam kong gusto mong umalis dahil ihahanda mo ang mga gamit mo dahil may flight kayo ni Joey.”

“Ang pagpunta ko ba sa Houston bukas kasama ni Joey ang pinagkakaganyan mo? Ang paghihinala mo ba sa amin ni Joey? Ang pagpapadrop ba ni Joey sa mga subjects ko? Ang kawalan mo ba sa akin ng tiwala at sa tingin mo ay tama lahat ang iyong iniisip? Ang pagseselos mo ba sa kaniya! Sabihin mo sa akin kung ano ba talaga ang problema bhie! Ipamukha mo sa akin kung ano ba talaga ang ayaw mo at lahat, lahat lahat ng gusto mo ay gagawin ko ihinto mo lang ang ganiyang ugali mo dahil kung may isang bagay na ayaw kong mawala sa iyo o sa relasyon natin, iyon ay pagkawala ng tiwala at respeto natin sa isa’t isa. Kapag iyon ang nawala hihilain nito pababa ang pagmamahal natin sa isa’t isa hanggang gawin tayong magkaaway imbes na sana ay nagmamahalan. Irespeto mo ako pati ng sasabihin ko kung gusto mong irespeto ko din pati ang lahat ng maling ginagawa mo at bintang sa akin ngayon. Ang sakit kasi na pinagbibintangan ka ng wala ka namang ginagawang masama. Ang hirap ng pinagbibintangan ka na hindi mo alam kung paano mo patutunayang mali ang hinala dahil hindi ka naman pinakikinggan. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon? Ngayon, magpakatotoo ka sa akin, sabihin mo kung ano ang problema mo para hanapan ko ng solusyon. Please lang bhie, sa lahat ng ayaw ko ay ang mag-aaway tayo sa simpleng dahilan. Ayaw kong magkaroon ng mitsa ang relasyon natin sa wala namang kadahi-dahilan.”

“Lahat, Gerald lahat ng binanggit mo. Ayaw ko ang pagpunta mo sa Houston kasama si Joey, naghihinala ako sa inyo, ayaw kong i-drop mo ang mga subjects mo, nawalan na ako ng tiwala dahil sa pagsisinungaling mo at oo! Nagseselos ako sa inyo!”

“Sige, hindi ako aalis dito. Kung iyon ang gusto mo, mananatili ako sa tabi mo. Hindi ako sasama kay Joey sa Houston at walang pupunta doon. Masusunod ang hiling mong hindi ko i-drop ang mga subjects ko at para mawala ang hinala mo at pagseselos, ngayon din ay ihaharap ko si Joey sa iyo, mag-usap kayo. Kung iyon lang ang paraan para muli mo akong pagkatiwalaan. Lahat ng gusto mong itanong ay siya ang sasagot. Hindi ka naman naniniwala sa sasabihin ko di ba?” Lumabas siya. Kinuha ang celphone niya. Nagdial at tinawagan niya si Joey.

Ilang minuto pa ay dumating na si Joey. Hindi ko alam kung paano ako magsimula sa pagtatanong. Para kasing sa ginawa palang niyang pagtawag sa kaniya at iharap sa akin ay tuluyan na akong naniwalang wala ngang namagitan sa kanila ngunit parang tinutulak parin ako ng pride ko. Napasubo na kaya kailangan na lang harapin. Isa pa, gusto ko din naman malaman ang totoo.

“Alam ko ang tungkol sa inyo ni Gerald. Iginagalang ko iyon. May asawa ako’t anak kaya kung anuman ang iniisip mong namamagitan sa amin ni Gerald, gusto kong tanggalin mo iyon sa isip mo.”

“Bakit kayo pumupunta ni Gerald sa Houston? Sa anong dahilan?”

“Kung gusto mong malaman ang totoo ngayon, I’m sorry but I am not the right person to reveal it. In due time, malalaman mo din. Iyon kasi ang pakiusap sa akin ng mga taong kasangkot. Kailangang ilihim muna ang lahat pero sinisigurado kong malalaman mo din. Ang sigurado ko ay hindi sang-ayon si Gerald sa pagpunta-punta niya sa Houston, kung maari, hindi niya sana gustong iwan ka dito ng matagal. Kailangan niyang gawin ito sa ayaw niya’t sa gusto para sa Daddy niya at para sa iyo din.”

“Bakit kailangan niyang i-drop ang mga subjects niya?”

“Dahil hindi na niya naasikaso ngayon ang pag-aaral niya. Hindi siya ang may gusto sa lahat ng ito. Sinusunod niya lang ang tama at dapat niyang gawin. Kaya sana, hayaan mong pumunta siya ng Houston. Ako ang nakikiusap sa iyo at kung narito lang ang Daddy niya, siguradong makikiusap siya sa iyo na hayaan mo muna siyang harapin muna ang dapat harapin dahil nahihirapan na din ang Daddy niya sa sitwasyon ngunit dahil mahal niya ang anak niya ay pilit niyang iniintindi ang lahat. Puwedeng siya na lamang ang pupunta doon dahil naroon naman ang Daddy niya kung ikinakasama mong isipin na kami ang magkasama. Huwag mo lang siyang pigilan ang pagpunta niya doon dahil naroon na ang Daddy niya at mas maiging ako ang hindi pupunta kaysa sa siya mismo.”

“Sigurado kang malalaman ko din ang lahat ng dahilan pagdating ng panahon?”

“Makakaasa ka. Kung ayaw mong tuluyang mawala sa iyo si Gerald, magtiwala ka sa kaniya dahil hindi iyan gagawa nang hindi mo magugustuhan. Sinabi niyang handa niyang ibigay at isuko lahat ng meron siya. Masuwerte kang nakatagpo ng katulad niya at huwag kang gagawa ng mga bagay na ipagsisisi mo kung hahayaan mong lamunin ka ng pagseselos at pride.”

Hinatid ko sila sa Airport. Yumakap siya sa akin ng sobrang higpit, nagpasalamat siya sa ibinigay kong pang-unawa. Tama naman siya. Kung nagmahal ka, kailangan mong magtiwala dahil magkakambal ang dalawang ito sa kahit anong relasyon. Ngunit ang dalawang linggo ay naging higit isang buwan. Sobrang na-miss ko siya ng husto kahit lagi kaming magka-chat at nagkakatawagan. Iba parin talaga iyong nayayakap ko siya, nahahalikan, naaamoy at kasama sa lahat ng mga gawain sa bahay. Nami-miss ko siya ng husto. Sobrang nami-miss ko na siya.

Dumating siya, dalawang Linggo bago ang kaniyang kaarawan. Dahil wala na siyang pasok at hindi na nag-aaral ay hinahatid-sundo na lamang niya ako. Pag-uwi ko ay naroon siya sa bahay. May pagkain lagi ngunit hindi siya ang nagluluto. Nag-oorder na lamang sa labas. Nagtataka lang ako dahil lagi siyang may dalang backbag. Ayaw niyang buksan ko ang laman no’n at kahit saan siya magpunta, dala niya ang bag na iyon kahit pa mag-CR lang siya. Hindi na ako nag-usisa, hindi na rin ako nagsimula pang mag-isip ng maaring maging mitsa ng pagdududa. Tama na yung andiyan siya. Sapat na yung masaya ako sa kaniya.

Siya ang nang-gigising sa akin sa umaga dala ang breakfast na dinaanan lamang sa mga bukas na restaurant sa umaga. Sabay kaming kakain dahil gusto niyang binebeybi daw niya ako ngayong hindi na siya nag-aaral. Sobrang spoiled ako sa kaniya. Pagkatapos naming mag- agahan ay ihahatid ako sa school. Susunduin pagkatapos ng aking klase at sabay kaming mamasyal hanggang sa dinner.

Bago siya umaalis sa gabi kinakantahan muna niya ako hanggang makatulog ako, kukumutan, dadampian ng halik sa labi. Sasabihin ang paulit-ulit niyang sinasabi na mahal na mahal niya ako at ako ang buhay niya. Papatayin ang ilaw at maririnig ko na lamang ang busina at ingay ng kaniyang sasakyan palayo.

Nasanay ako sa ganoong set-up. Paano na lang ang buhay ko kung mawala siya sa akin? Nasanay na akong kasama siya at pinagaan at pinasaya niya ang puno ng lungkot, pagdurusa at pagdarahop na buhay ko. Hanggang dumating ang kaniyang kaarawan. Isang nakakagimabal na katotohanan ang aking nasaksihan. Isang katotohanang noon ay gusto kong tapusin at takasan!

 

 

Itutuloy…..

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...