Miyerkules, Marso 27, 2024

Kababata (Part 13) - Sa Isla

 


Kababata (Part 13)

Sa Isla

 

John Mark

Bakasyon na namin, pinayagan ako ni Tiya na dalawin ang pamilya ko sa isla. Sumama sa akin sina Simon at Jonas. Gusto daw nilang maranasan ang manirahan sa isla na malayo sa kabihasnan. Hindi nakasama si Eduard dahil sa may biyahe daw ang pamilya niya sa Boracay naman. Matagal na pala nilang plano iyon at ngayon lang natuloy.

Sakay na kami ng barko at naglalayag na sa kalagitnaan ng dagat. Mahaba-habang lakbayin ang patungo sa isla, aabutin kami ng mahigit na isang araw na paglalakbay.

Excited ang dalawa, ngayon lang pala sila nakasakay ng barko. Kayat habang maliwanag pa ay sa may gilid kami tumambay para tanaw ang karagatan, baka nga naman makakita kami ng lumalangoy at naglalarong mga dolphins.

Tahimik ang dagat, walang masyadong alon kaya naman panatag ang aking kalooban. Mabuti kasi ang panahon at walang bagyong inaasahan. Hindi pa naman kasi panahon ng bagyuhan.

Nang gumabi na ay nanatili na lang kami sa aming higaan at doon na lang nagkwentuhan, sa economy lang ang kinuha naming ticket kahit na kaya naman nilang magbayad ng cabin, sadya kong pinaranas kung paano magbiyahe ang pangkaraniwang tao.

Marami akong kinuwento sa kanila, mga lugar na aming pupuntahan, mga lugar na nagpapaalala sa akin, magagandang alaala simula ng aking kabataan hanggang sa ako ay magbinata. Lalo lang naman silang na-excite at sabik na sabik na makarating na sa aming patutunguhan.

Early morning ng umalis kami kahapon at ngayon ay tanghaling tapat na, malapit na kami sa daungan. Mula sa daungan ay sasakay pa uli kami ng malaking bangka o kasko papunta naman sa aming isla, mga isang oras at kalahati lang naman iyon.

Pagdaong namin sa pier ay picturan kaagad ang dalawa, kitang kita sa kislap ng kanilang mga mata ang paghanga sa bagong kapaligiran nakikita nila.

Pinagmamasdan ko si Jonas, gusto ko kasing masaksihan kung anong magiging pakiramdam niya pagbaba namin ng barko. Mukhang wala naman, para talagang bago lang nakarating sa lugar na ito. Siguro dahil sa bago lang talaga nakarating dito. Kung sabagay, pangalawang beses ko pa lang namang narating ang lugar na ito.

Bumaba na kami, nagtawag ako ng magbubuhat para sa aming kagamitan, madami kasi kaming dalang bagahe, mga pasalubong sa aming pamilya at sa kapitbahay. Siguradong pupuntahan kami ng mga kapit bahay para makipagkwentuhan at sumalobong. May isang malaking kahon na pinadala sa amin si Tiya, mga lumang damit daw na minsan lang nitong nasuot at ipamigay daw sa kapitbahay namin.

Halatang-halata na ngayon lang makakarating sa aming isla ang dalawa, tuwang-tuwa tuloy ang ibang sakay ng bangka at may naligaw daw na taga-Maynila sa amin.

Pagdaong namin sa pantalan ay naroon na sina Tatay at Dodong para salubungin kami, si Nanay naman daw ay naiwan kasama si Tintin at naghahanda ng aming kakainin. Siguradong parang may handaan doon dahil sa dudumugin kami ng mga kapitbahay.

“Aba naman, ang dami pala ninyong dala-dalahan. Mabuti na lang at nahiram ko ireng jeep ng aking kumpare. Sa dami ng mga kahon na iyan eh hindi kakasya sa tricycle kung iyon ang nahiram ko. Hala sakay na, magsiksikan na lang kayo.

Gaya ng aking inaasahan ay marami ng tao sa labas ng aming bahay, para bang may darating na sikat na artista. Sadyang ganon sa amin, kaya naman kapag may dumarating ay kailangan na may ipakain o ipainom man lang sa kanila. Hindi naman sila mapili, biscuit lang na nasa lata ay katalo na. Mas marami pa nga ang dinadala nilang pagkain tulad ng mga kakanin, isda at kung ano-ano pa. Iyon din naman ang pagsasalu-saluhan ng mga naroon.

Bawat isa naman ay nakangii at nag-welcome sa aking bisita, ang mga kabataang babae ay panay ang hiyawan, tatlo ba namang makikisig na binata ang dumating, kaya pati ireng aking kapatid na si Tintin ay tila kiti-kiting mahiyain pagkakita sa aking bisita.

“Mga kalugal, amin munang ipapasok ireng mga dala-dala nila ha, at pagkatapos ay saka natin bulatlating kung may pasalubong ang mga batang ire.

Ating nang i-skip ang kaganapan kanina. Nagkainan na kami, kanin, isda at mga gulay na dala nila at pati na rin ang niluto ni Nanay, Pag-uwi naman nila ay may padala kaming mga biscuit na inilagay na talaga namin sa isang plastic bag bago pa namin ibinasta para hindi na magkagulo pa. Para tuloy kami namigay ng releif goods hehehe.

Amin na ring pinamili ang kababaihan sa mga damit na ipinamigay ni Tiya Rosy, magaganda pa naman at mukhang bago. Tuwang-tuwa naman ang aming mga kapit-bahay. Hindi rin maitago sa mukha ng dalawa ang kaligayahan, amazed na amazed ang dalawa pati na sa kung paano sila abyarin ng mga kapit-bahay.

Tahimik na ang bahay dahil sa gabi na rin. “Kuya, ang pasalubong ko,” wika ni Dodong na parang malungkot dahil akala niya ay nakalimutan ko na ang para sa kanya. Walong taon na siya ngayon at malaki na ang ipinagbago simula ng huli ko siyang makita. Lumaki na rin siya.

“Malilimutan ko ba naman ang pinakamamahal kong bunso, heto ha, isang kahon iyan, mga laruan galing sa kuya Simon mo at kuya Jonas mo, may malaki at maliit. Yung ibang hindi mo gusto ay ibigay mo na lang sa mga kalaro mo. May candy rin at lollipop na bilin mo sa akin, marami iyan, pero dahan-dahan lang ha at baka masira ang ngipin. Mamigay ka rin sa ibang bata ha, marami iyan,” sabi ko kay Dodong.

Tuwang-tuwa ang bunso namin, isang yakap lang naman at halik sa pisngi buhat sa kanya ay walang katumbas na saya ang dulot sa akin, gusto ko na ngang maiyak eh.

Tila naman hindi interesado itong si Tintin kung may pasalubong ako sa kanya o wala, pansin ko ay palipat-lipat ang tingin sa dalawa kong kaibigan.

“Hoy Tintin, kanino ka ba nakatingin, hindi mo ba itatanong kung may pasalubong sa iyo ang Kuya mo o wala? Ikaw ha, ang bata-bata mo pa para kumiri,” wika ni Nanay kay Tintin.

“Nanay naman eh, pinapahiya ako,” wika ni Tintin na pinamulahan ng mukha saka nagdadabog na pumasok ng kanyang silid.

“Tintin, ayaw mo ba ng pasalubong ko sa iyo?”

Labas naman uli ito at ipinulupot ang braso sa aking leeg. “Ano yun kuya, magtatampo talaga ako kapag wala kang pasalubong sa akin.”

“Eto o, mga damit iyan, mga bago iyan at hindi luma,” wika ko habang inaabot ang isang plastic bag na pinaglagyan ng damit niya.

Inabot lang niya ang bag at tumalikod na, walang sigla. “Hindi mo man lang ba titingnan ang laman niyan? Ayaw mo ba ng mga damit.”

“Kuya, gusto ko, pero doon na lang sa silid ko, masusukat ko ba naman ito diyan sa labas?”

Hinayaan ko na lang siya. Siguro ay may sampung minuto ang lumipas nang biglang nagsisigaw si Tintin, sa gulat namin ay napatakbo kami sa silid niya, pati na rin sina Tatay at Nanay para tingnan si Tintin at baka kung ano na ang nangyari.

Nagsisisigaw pa rin si Tintin kahit na naroon na kaming lahat sa silid hawak ang isang kahon.

“Kuya hahahaha! Kuya ayiiiiihhhhhhhhh hahaha, salamat kuya salamat uhmmmppppp tsup tsup tsup. Salamat dito ha.” Si tintin, tuwang-tuwa na pinaghahalikan ako sa pisngi at yakap ako ng mahigpit.

“Ano ba iyang Tintin, halos magiba na itong bahay sa katatalon mo? Ano bang nangyari sa iyo?” tanong ni Nanay na tila galit na.

“Nay, may bago na kong cellphone, pasalubong ni Kuya. Thank you kuya ha, maraming salamat talaga.” Walang pagsidlan ng tuwang wika ni Tintin.

“Hindi ako ang may bigay niyan, si Tiya Rosy. Nanay, meron din kayo, tingnan mo sa bag na may pangalan mo. Para daw palagi kayong magkausap ng kapatid mo.”

Nagmamadali ring pumasok ng silid si Nanay, paglabas ay patalon-talong din, hawak ang kahon ng bagong CP.

“Hoy Charing, umayos ka, may mga bisita tayo, isa ka pang patalon-talon diyan,” sabi ni Tatay.

“Masaya lang naman, inggit ka lang.”

“Asowssss, hindi naman ako marunong gumamit niyan.”

“Meron din naman kayo Tatay, galing din kay Tiya.”

“Ano ba yun?”

“Hayun o, mga imported iyan, mga regalo daw kay Tiya eh hindi naman siya umiinom, anim na malalaking bote po iyan, pero dahan dahan lang ang inom, sa tuwing may okasyon lang. Ito naman ay galing sa akin, cap, jacket at pantalon at tshirt hehehe.”

“Salamat anak ha, wala ka pa namang trabaho eh nakakapag-pasalubong ka na ng ganyan.”

“Inipon ko po sa allowance na binibigay ni Tiya, nalilibre naman po ako sa pasahe at sa pagkain dahil sa dalawang iyan. Ay sorry Simon, Jonas, nakalimutan ko na kayo hehehe.”

“Wala iyun, sadyang ganyan kapag bago lang nagkita, nakakatuwa nga eh, wala kaming ganyan sa bahay. Nakakainggit ka hehehe.” Wika ni Simon.

“Oo nga, inggit din ako,” segunda ni Jonas.

“Inggit kayo diyan. Gusto na ba ninyong magpahinga, ang layo ng ating biniyahe, hindi pa ba kayo napapagod?”

“Gusto lang namin magpalit ng damit, saan ba kami pwedeng mag-shower?”

“Hahaha, walang shower dito. Doon tayo sa poso, tabo at timba ang gamit natin, saka doon tayo sa labas hehehe. Pero magpahinga muna kayo at baka mapasma. Maya-maya ng konti naman. Sandali ha, maliit lang ang kwarto ko, at walang kama, papag lang. Dalawa lang ang kasya sa papag, kaya ang isa ay sa sahig na matutulog. Halina kayo at itu-tour ko kayo sa aming palasyo hehehe.

“Heto ang kwarto ko, banig lang ang latag sa papag, dito na kayong dalawa, tabi na lang kayo at ako dito sa ibaba, maglatag lang ako ng banig mamaya. Maraming lamok dito kaya magku-kulambo tayo. Sige na, magbihis na lang muna kayo ng short at sando, mamaya na tayo maliligo.”

Sabay-sabay na kaming nagpalit ng damit, pare-pareho naman kaming mga lalaki kaya hindi na kami nahiya.

“Tara, ituro ko muna yung kobeta. Ito ang kubeta, may drum diyan gamit pambuhos sa toilet bowl. Hiwalay ang banyo, doon ang banyo sa labas, naroon kasi ang posong de bomba. Labahan din iyon. Halikayo. Hayan, diyan tayo maliligo mamaya,”

“Ito naman ang kusina, at hapag kainan, kita na ang sala hehehe, kaya kapag nakain kami at may nagdaan diyan sa tapat ay inaalok din naming kumain. Syempre hindi naman sila kakain, ugali lang dito iyon. Kapag pinagbigyan ang anyaya eh di kumain, hindi kami nagdadamot dito hehehe. ‘Tay mangingisda ba kayo ngayon?”

“Bukas na anak, gusto ko munang makipagkwentuhan sa inyo ng matagal-tagal. Nagpatira na lang ako kay kumpare ng pang-ulam natin bukas.”

“Okay po ‘Tay. Bukas ng umaga, doon tayo sa dalampasigan, doon ako naglalaro ng maliit pa ako at nanghuhuli ng maliliit na alimasag. Gigising tayo ng maaga ha, kapag tinanghali kayo ng gising ay maiwan kayo rito.”

Inaya ko muna sila sa labas ng bahay at doon nagpahangin, mas maginhawa kasi roon, malamig ang hangin. Sandali pa ay naligo na kami, sabay sabay na uli, tuwang-tuwa sila habang bumobomba ng tubig, naghaharutan pa.

Matapos maligo ay inaya ko na silang matulog, gigising pa kasi kami ng maaga.

“Mark, sandali lang, may sasabihin lang ako sa iyo,” narinig kong tawag ni Nanay.

“Sandali lang po. Sandali lang ha, matulog na kayo, kakausapin lang ako ni Nanay.”

Tinungo ko na ang silid nina Nanay. “Bakit po.”

“Anak, kanina ko pa gustong itanong ito sa iyo. Ang laki ng ipinagbago niyang kababata mo simula ng mapunta ng Maynila, hindi na kami nakilala ah, sobra yatang naging suplado ah,” mahinang wika ni Nanay.

“’Nay, hindi siya yung Jonas na kababata ko, akala ko nga rin nung una eh, pero hindi.”

“Hah! Talaga ba? Kamukhang-kamukha eh, lumaki lang, pero siyang siya.”

“Oo nga po. Pero ‘Nay, atin lang muna ha, ‘Tay. Kasi may hinala akong siya nga ang kababata ko, tila nagkaroon lang siya ng amnesia at hindi matandaan ang nakaraan. Nanay, okay pa rin ba ang tirahan nila. Maayos pa rin ba?”

“Oo naman, palagi ngang nililinis namin iyon ni Tintin, saka ilang beses na rin na inayos iyon ng tatay mo, syempre, sa kalumaan ay nasisira din. Kung natuloy ang sinabi mong marami kang kasama, ay doon ko na rin sana kayo patutulugin eh, eh dalawa lang naman.”

“Isasama ko siya doon, kung talagng si Jonas siya na kababata ko ay baka maalala niya ang nakaraan. Tay, huwag na lang ninyong banggitin na kahawig siya ni Jonas ha. Baka maguluhan ang utak niya, kasi ay naguguluhan na rin siya sa sarili. Basta Nanay, mahabang kwento, saka ko na lang ikukwento sa inyo ng buo.”

Nagpaalam na ako kay Nanay at Tatay na matutulog na kami. Pagbalik ko ng silid ay nakatulog na ang dalawa, siguro ay dahil sa pagod.

-----o0o-----

Grabe ang tuwa ng dalawa kong bisita. Aliw na aliw sa paghabol sa maliliit na alimasag na kaagad namang nakapapasok sa maliit na butas ng buhangin, may dala pa talagang lalagyan at iniipon ang mahuli. Nang magsawa na at walang makitang gumagapang na alimasag ay naglunoy naman sa dagat. Parang mga bata, tuloy ay pinagtitinginan ng mga bata roon.

Magaling naman silang makibagay nakipaglaro pa ng habulan sa paglangoy sa mga bata, hindi naman sila umabot sa bibiilis lumangoy ng mga batang nakalaro nila. Ako naman ay pa-simple lang hinayaan ko silang mag-enjoy habang hinihintay pa namin ang mga mangingisda, sayang at hindi nangisda si Tatay.

“JM, ano yung mga iyon, ang daming bangka,” tanong ni Simon.

“Mga mangingisda iyon, ganitong oras sila dumarating at halos sabay-sabay. Halina kayo at tayo’y mag-usyoso, kapag marami silang huli ay siguradong maambunan tayo,” sabi ko sa dalawa.

“Hindi naman umaambon,” sabi ni Simon, tahimik lang si Jonas, tila may tinatanaw. Ano na naman kaya ang nasa isipan ng aking kaibigan?

“Ang ibig kong sabihin ay baka mabigyan tayo ng pang-ulam. Tara na.”

Halos tumakbo na kami ni Simon, pero nanatiling mabagal na naglalakad si Jonas.

“Ano bang nangyayari sa taong iyon.”

Parang nagkakatuwaan ang mga asa-asawa ng mga mangingisda, dinig na namin ang halakhakan ng mga iyon bago pa man kami sumapit. Kaya pala, para silang naka-jackpot na lahat. Marami silang huli. Tuwang-tuwa rin ang mga mamamakyaw dahil sa marami silang maibebenta sa palengke.

“Iba-iba pala ang nahuhuling isda rito JM. Tingnan mo, ang lalaki pa ng iba at may iba-iba pang kulay,” hangang-hangang wika ni Simon.

“Pugita iyon ‘di ba? Anong gagawin dun?”

“Kinakain yan, mahal iyan. Tuturuan kita kung ano-ano ang pangalan ng mga isda.”

“Para naman akong masyadong tanga niyan eh. Ako muna ang magsasabi, kapag hindi ko alam ay itatanong ko sa iyo.”

“Okay, sige.”

“Pusit. Ang lalaki ng pusit at iba-iba pang klase.”

“Tama ka, pero hindi ko rin alam kung ano-anong klase iyan, basta pusit.”

Nagkaroon ng komosyon sa ‘di kalayuan, nahinto kami at inalam kung ano ang nangyayari. “Naku! Naku! Yung binata, nahimatay yata!” Dinig kong sigaw ng isang ale.

“Mark, yung bisita mo, nahimatay,” wika ng isa naming kapitbahay.

Nagmamadali naming tinungo ni Simon ang pinagkakalipungpungan ng mga tao. Paglapit namin ay si Jonas nga. “Sandali po, sandali po. Pakilayo lang po muna, bigyan nating ng espasyo at baka hindi makahinga.” Sigaw ko. Nagsilayuan naman ang mga usisero.

Kaagad kong ibinangon si Jonas, may huwisyo naman siya. Nanghingi lang ako ng tubig sa mga naroon,. Mabuti naman ay may kaagad na nag-abot ng tubig sa akin at ipinainom ko kaagad kay Jonas. Nahimasmasan naman siya kaagad.

“Ano bang nangyari? Akala ko ay kasunod ka lang namin ni Simon!”

 

 

 

Itutuloy………………

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...