Everything I Have
(Chapter 12)
By: Joemar Ancheta
(From: hotpinoyparkzonestories)
Nagmahal ako,
binigyan laya ko ang sarili kong magmahal muli pagkatapos ng mga unos na
nangyari sa akin sa nakaraan. Akala ko iyon na ang tama para sa akin. Iyon na
ang pagmamahal na noon ko pa hinahanap. Lagi akong nagpapasalamat noon sa Diyos
dahil pinagkalooban niya ako ng Gerald na magmamahal sa akin at hiniling kong
sana manatili siya sa aking buhay. Ngunit kung sana kinakausap tayo ng Diyos at
binagbabawalan tayo sa una pa lang na mali ang taong ating inaangkin. Kung sana
sasabihin niyang isang malaking kasalanan ang pinasok ko dahil incest ang aking
ginagawa ngunit hinayaan niyang mangyari ang lahat at ako ang tanging
makakadiskubre kung saan ang mali sa relasyon namin.
Ito ba ang kapalit
ng pagiging sobrang perfect ng aming relasyon? Ngayon ay pinapanalangin ko sa
Diyos na sana ay tuluyan ng mabura ang pagmamahal ko kay Gerald. Sana ay
tuluyan ko na ding makalimutan ang lahat ng nangyari. Kung ang lahat ng sana ay
maging makatotohanan. Kung sana lahat ng hiling natin ay kayang gawin sa isang
kisapmata.
Nananatili sa puso
at isipan ko si Gerald. Umiiyak ako sa tuwing naaalala ko siya. Kahit saan ako
mapatingin sa loob ng apartment, ay parang nakikita ko siya. Sa kusina habang
kinakantahan niya ako habang nagluluto, sa CR kung naglalambing siyang
magpahilod ng likod o ang hindi na din mabilang na mga paglalambingan na minsan
ay nagiging mas mapusok pa at nagtatapos sa pagtatalik. Sa sala kung nanonood
kami ng pelikula at nakasandig siya sa aking balikat, sa hagdanan na madalas
naming paghahabulan papunta sa kuwarto, sa loob ng kuwarto na siyang laging
saksi sa aming matinding pagmamahalan.
Lahat ng mga
ibinigay niya sa akin. Kung lahat ng ibinigay niya ay ibabalik ko sa kaniya,
siguradong wala na halos maiwan sa akin mula paa hanggang ulo. Alam kong
imposibleng makakalimutan ko siya ngunit iyon ang kailangan kong pag-aralan at
gawin. Kailangan kong kalimutang lover ko siya, kailangang tuluyang mabura ang
pagmamahal ko sa kaniya at ang maiwan ay ang katotohanang, magkapatid kami.
Higit isang oras pa lamang ako sa apartment ay kumakatok na si Gerald sa
pintuan ng apartment. Alam kong may susi siya kaya ginamit ko ang isa pang
padlock sa loob para hindi siya makapasok. Hindi ko siya kayang harapin. Hindi
pa ako handang humarap sa kaniya bilang kapatid kaya imbes na pagbuksan ko siya
ay pinatay ko ang ilaw para maitaboy siya’t umuwi na sa bahay nila. Ngunit
dinig ko sa labas ang kaniyang mga pagmamakaawa.
“Parang awa mo na bhie,
kausapin mo ako. ano bang problema? Anong nangyari sa pag-uusap ninyo ni Daddy
dahil siya din ay hindi masabi sa akin kung alin nga ba ang mali at
pinahihirapan mo ako ng ganito ngayon.”
Kung sana madali
lang sabihin na hindi na puwedeng ituloy namin ang nasimulan dahil magkapatid
kami. Ngunit hindi sa akin dapat manggaling ang lahat. Hindi ko alam ang buong
kuwento at dahil ang ama namin ang dahilan ng lahat ng pagkakamaling ito ay
siya ang dapat magsabi sa anak niyang inaruga niya at naging madali ang buhay.
Gusto kong maramdaman niya ang hirap na ayusin ang gusot naming magkapatid.
Gusto kong sisihin din niya ng husto ang sarili na ang dalawang anak niyang
lalaki ngayon ay nagkarelasyon dahil sa kabuktutang ginawa niya sa kaniyang
kabataan. Nais kong maramdaman niya ang nararamdaman ko ngayon. Iiwas ako
hanggang makakaiwas at alam kong titigil din siya kung malaman niyang
magkapatid kami.
“Hindi ako aalis
dito bhie hangga’t ayaw mong makipag-ayos sa akin. Kung may sinabi siya sa iyo,
sana sabihin mo sa akin dahil wala namang gusot ang hindi naayos sa mabuting
pag-uusap.”
Naisip ko, hindi na
kayang ayusin ng mabuting pag-uusap ang relasyon naming dalawa bilang kami. Isa
itong pagkakamali na dapat ay tapusin na at hintayin ang tamang panahon kung
kailan matatanggap na ng puso na ang nangyari ay dala lamang ng isang
pagkakamaling hindi dapat pinagpapatuloy pa kundi nararapat lamang na wakasan
at pagdating ng panahon ay muling sisimulan kung tuluyan ng naglaho ang
kakaibang sigaw ng aming mga puso.
Kung malalaman niya
ang lahat, siguradong katulad ko, tatakas din siya, gustong kalimutan ang
nasimulan at mandidiri siya sa mga nangyari sa amin. Alam kong darating din
siya sa puntong tulad ng ginagawa ko ngayong pagtakas at pagtalikod.
“Baby naman, kung may
sinabi man si Daddy sa iyo, kailangan bang ako ang nahihirapan? Hindi ko alam
kung ano ang mga sinabi niya sa iyo kung bakit ka nagkakaganyan ngunit gusto
kong gamitin mo ang utak mo, makinig ka sa puso mo, wala akong ginagawa na
kasalanan sa iyo para pahirapan mo ako ng ganito. Pagbuksan mo ako, pag- usapan
natin ang problema. Hindi ako aalis hangga’t hindi mo ako kinakausap, bhie.”
Umiiyak na din ako.
Alam kong nahihirapan siya. Ganoon din naman ako. Ang isa sa mga pinakamasakit
na bahagi ng relasyon ay ang nagmamakaawa sa iyo ang taong mahal mo. Ang
pinakamasakit ay ang mahal mo pa ang isang tao at mahal ka pa din niya ngunit
may mga dapat isaalang-ala at alam mong mali nang ipagpatuloy ang nasimulang
dahil.
Bakit kami? Bakit
siya ang minahal ko ng ganito at bakit ako ang minahal niya? Bakit nahihirapan
kami ngayong harapin at tanggapin ang katotohanan. Paulit-ulit kong tinanong
ang Diyos kasabay iyon ng pagluha. Habang siya ay nagmamakaawang sagutin ko
siya at kausapin, ako naman ay nagmamakaawa din sa Diyos na sana ay umalis na
lang muna siya at pabayaan na muna niyang lilipas ang lahat.
Habang siya ay
nakikiusap na pagbigyan kong mag-usap kami ay nakikiusap din ako sa Diyos na
huwag na niyang pahirapan pa ang sarili niya at ako. Sa ama namin siya
magtanong dahil kapwa lang naman kami biktima ng mga pangyayari sa nakaraan na
wala naman kaming kinalaman.
“Please, kung mahal
mo ako at kung mahalaga pa ang pinagsamahan natin, kahit bigyan mo lang ako ng
ilang minuto para makapag-usap tayo dahil hindi ko kayang mabuhay ng wala ka.
Ikaw lang ang nagiging lakas ko para lumaban… parang awa mo na bhie, kausapin
mo ako.”
May kasama ng iyak
at hikbi ang kaniyang pagmamakaawa at lalo na akong nanghihina na parang nananaig
na ang awa ko sa kaniya at pagmamahal ngunit idinaan ko na lang din sa pagluha.
Umakyat na ako sa taas at doon ko tuluyang inihagulgol ang kanina ay tahimik
kong pagluha. Kinuha ko ang headphone, binuksan ko ang laptap at pinilit kong
iwaglit sa isip kong naroon siya. Gusto kong dugasin ang tainga ko ngunit hindi
nito kayang lokohin ang aking utak at ang sakit ng nararamdaman ko. Oo nga’t
hindi ko siya naririnig ngunit dinig na dinig siya ng aking puso at alam kong
hindi siya tumitigil sa pagmamakaawa na harapin siya.
Kinabukasan, kahit
hindi man ako nakatulog pa ay kailangan ko ng bumangon. Tinignan ko ang orasan,
time to take a bath na dahil may pasok pa ako sa school. Next week na ang
finals namin at after 2 months, clinical intership ko na at kapag pumasa ay
magiging ganap na akong doctor. Iyon ang pilit kong ipinasok sa isip ko,
harapin ang pangarap at tuluyan munang iwaglit ang usaping puso.
Malapit na ako sa
finish line, babalikan ko na si nanang at harapin naming dalawa at lalasapin
ang bunga ng aking pagsisikap. Gusto kong ipamukha sa ama ko na kaya kong
itaguyod ang buhay naming mag-ina ngunit bakit si Gerald, si Gerald at si
Gerald parin ang nangingibabaw. Hindi ako nakatulog magdamag dahil kay Gerald…
paano kami ni Gerald… paano ko harapinn ang buhay na wala na si Gerald… na
hindi na kami ni Gerald kundi magkapatid na lang.
Paulit-ulit lang na
si Gerald ang paikot-ikot sa isip ko kahit pilit kong ipinapaunawa sa aking
sarili na tapos na ang kuwentong pag-ibig namin dahil kapatid ko, kadugo’t kalaman
ko ang lalaking minahal ko ngunit ang diyaskeng puso ay ayaw tumigil sa
pagtibok… ang utak ay ayaw maniwalang magkapatid kami… ayaw sumuko… ayaw
lumimot at tanging pagluha… pag-iyak… paghagulgol ang tanging kauuwian sa pilit
kong pagpapakatatag.
Wala akong ganang
bumangon, walang ganang kumain, walang ganang maligo ngunit kailangan kong
kumilos dahil sa isang nabitiwang pangako kay nanang. Hindi ngayon ang tamang
panahon ng pagsuko. Ngayon pa na kilala ko na ang ama kong pagpapamukhaan ko na
kaya din naming umahon ng kahit wala pa siya.
Paglabas ko sa
pintuan ay naroon pa rin si Gerald. Ginamit niyang unan ang mga kamay niya sa
pagtulog. Nakita ko ang sasakyan niya sa di kalayuan. Naisip kong mahusay nga
siyang magpaawa kasi puwede din lang naman siya sa loob ng Lexus niya matulog.
Kailangan ko siyang daanan kaya pagtaas ko pa lamang ng paa ko ay bigla siyang
bumangon at hinawakan ang paa ko.
“Please bhie, huwag
kang pumasok na hindi tayo mag-uusap.”
“Ako ang nakikiusap
sa iyo. Tigilan na natin ito. Tanungin mo ang Daddy mo kung ano ang problema at
huwag ako ang guluhin mo.”
Pilit kong
tinanggal ang pagkakahawak niya sa binti ko at nang matanggal ko ay tinangka
kung lumayo ngunit nahawakan niya uli ang isang paa ko hanggang dumausdos siya.
“Please naman bhie,
kahit ilang minuto lang. Huwag ka naman sanang maging makitid dahil hirap na
hirap na ako.”
Bumangon siya at
niyakap niya ako. Mahigpit na mahigpit iyon at alam kong kung hahayaan ko lang
ay tuluyan nitong matutunaw muli ang binuo kong pader sa pagitan namin.
Nanalangin ako sa Diyos na sana bigyan niya ako ng lakas na paglabanan ang
lahat. Nilayo ko ang katawan niya sa katawan ko. Mas malakas ako sa kaniya kaya
madali lang sa aking ilayo siya. Nakita ko ang nag-uunahang luha sa kaniyang
pisngi. Nakita ko ang sobrang pagmamakaawa ng kaniyang mga mata. Nakikusap ang
mga iyon.
Biglang parang
pumusyaw siya. Parang nanghihina. Napaluhod at bigla na lang napasubsob. Gusto
ko siyang tulungan ngunit pumasok din sa isip kong kasama iyon ng pagdradrama
lang niya. Pagtalikod ko ay may humintong sasakyan at nagmamadaling lumabas si
Joey.
“Anong nangyari sa
kaniya? Bakit hindi mo siya tulungan?” galit at aburidong tanong ni Joey ngunit
hindi ko na pinansin.
Binilisan ko ang
paglakad at sakto namang may dumaan na jeep. Pinara ko iyon at kasabay ng
pag-upo ko sa likod ay tinanaw ang pagbuhat ni Joey kay Gerald kasabay ang
masaganang pagbuhos na naman ng pinigilan kong luha.
Pagsapit ng hapon
ay hindi nagpakita si Gerald kaya pagkakataon ko na din iyon na mag-empake at
makalipat na ng tirahan. Magbed spacer na lang muli ako. Babalik ako sa dati
kong trabaho at iwan ang mga gamit na ibinigay ni Gerald sa akin. Gusto kong
makalimot ng mabilisan. Gusto kong maayos ang buhay ko at kapag darating na
yung panahong magkikita kaming muli ay tanggap na ng puso at isip kong
magkapatid lang kami.
Nag-iwan ako ng
sulat sa kaniya. Ganito ang laman ng sulat:
Gerald, Hindi dapat sa akin manggaling ang balitang
sumira sa ating nasimulan. Magtanong ka sa daddy mo dahil siya ang dahilan ng
lahat ng kamaliang ito. Nakikiusap ako na hayaan mo na muna akong lumimot. Alam
kong kailangan mo din ito. At kapag malaman mo ang lahat ay siguradong ikaw din
ay nangangailangan ng panahong mag-isip at lumimot. Magkikita parin tayo at
sana kapag dumating ang panahong iyon ay kapwa natin tanggap ang katotohanan.
Maraming salamat sa lahat ng mga naitulong mo. Masakit man sanang banggitin
dito ngunit totoong sa iyo ko lang naramdaman ang tunay na pagmamahal,
pagmamalasakit at pagpapahalaga. I do appreciate that you give me everything
you have at sobrang nagpapasalamat ako sa lahat-lahat. Minahal din kita at alam
kong naramdaman mo din iyon pero sana ipagdasal natin sa Diyos na sa susunod
nating pagkikita ay ibang pagmamahal na ang mamamayani sa ating puso. Masakit
man pero kailangan nating gawin ang kung ano ang tama sa mata ng Diyos at ng
tao at kung ano din ang dapat para sa atin. Para sa akin, hindi masamang
minahal kita ngunit nagiging masama na lamang ito sa paningin ko ngayon kung
ipagpapatuloy pa natin ang nasimulan. Hayaan mo na muna ako nagyon. Huwag mo na
muna akong gambalain pa. Magpapaalam muna ako ngayon at sana pagdating ng
panahon kung kailan handa na tayong harapin ang lahat ay makikita ko pa rin ang
mga ngiti mo sa labi. Patawarin mo ako kung nasaktan kita pero gusto kong
malaman mo na hindi ka nag-iisa sa
sakit na iyan kundi ako din, kasama mong pinaglaruan ng pagkakataon.”
Mario…
May mga araw na
hinihintay ako sa gate ni Gerald. Hinahabol niya ako. humihingi ng pagkakataong
mag-usap kami. Ngunit mas malakas ang mp3 ko sa tainga at mas mabilis akong
maglakad palayo. Kung hihintuan man niya ako gamit ang Lexus niya ay mas
magaling akong sumakay sa mga paparating na jeep. Hindi ko siya binigyan ng
pagkakataon. Hindi ko din hinayaang malaman niya kung saan ako nakatira.
Mas lalo na akong
nainis nang isang araw ay ang ama ko ang nakita ko sa gate na nag-aabang. Isang
mayamang tao na naroon at naghihintay sa pinabayaan niyang anak. Ngunit tulad
ni Gerald bigo din siyang kausapin ako. Minsang pinatawag din ako ng aming
Dean, ang Campus President na harapin ang ama ko ngunit kung talagang ayaw ay
hindi mapilit. Hindi pa ako handang harapin sila. Katulad ng hindi niya pagharap
sa responsibilidad niya sa akin. Katulad ng 25 years niyang pagpabaya sa akin.
Gusto kong
maramdaman din niya ang hirap ng alam mong may anak ka ngunit hindi mo kayang
abutin. Katulad kong may amang mayaman ngunit hindi niya ako nakayang tulungan
ng hinihila ako palabas ng bahay kapag nakikipanood, hindi din niya alam ang
hirap nang nagtitinda ng gulay para makapag-aral o masunog ang balat at
maglublob sa putik para lamang sa baryang kikitain para mabuhay. Hindi pa sapat
iyon. Hindi pa niya natutumbasan ang hirap na pinagdaanan ko noon.
Hanggang tuluyan na
silang sumuko. Pati si Gerald ay hindi ko na nakikita pa at hindi na din
nagsasabi pa ang kinaibigan kong guwardiya namin sa campus kung nakita niya si
Gerald o ng pinagtataguan kong ama ko. Ibig sabihin ay tuluyan na silang
napagod pagkatapos ng halos tatlong buwang paghingi sa akin ng panahong
makipag-usap. Ngunit hindi ganoon kadali ang tatlong buwang iyon sa akin.
Nakikita kong
nalulungkot ang ama kong nabigo na kausapin ako. Humahagulgol ako sa tuwing
nakikita kong nahihirapan na si Gerald. Nang huling nakita ko ay pumayat na ito
ng husto. Ako man din ay pumayat dahil sa wala na din akong ganang kumain at ‘di
na rin nakakatulog dahil kahit anong pilit kong takasan ang lahat ay parang
multong hindi matahimik at gabi-gabi akong dinadalaw. Mahal ko siya. Sa kabila
ng pagiging magkapatid namin, mahal na mahal ko parin siya hindi bilang kapatid
kundi isang karelasyon. Parang hindi ko magawang pandirihan ang mga ginawa
namin noon bagkus ay sobrang nami-miss ko parin ang kaniyang mga yakap at
halik.
Bakit ganito! Bakit
hindi ko siya kayang iwaglit! Anong sumpa ito sa akin! Anong naging kasalanan
ko at kailangan kong mahirapan ng ganito? Hanggang isang court summon ang
natanggap ko. Inanyayahan akong maging saksi sa pagkamatay ng aking ama. Ako
lang daw ang tanging saksi ng mangyari ang krimen. Muling binuksan ang kaso ni
nanang. Muling pinag-aralan at isang sikat na abogado ang may hawak sa kaniyang
kaso. Pumasok sa aking isipan ang aking ama. Siya nga ba ang nagpabukas sa kaso
namin?
Itutuloy…..
EVERYTHING I HAVE
13
11:48 AM
series
CHAPTER 13 -----
EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta
* * * * * * * * * * Umuwi ako sa aming
probinsiya. Sa pag-uwi kong iyon ay taglay ko ang maraming mga katanungan. Muli
kaming nagkita ni ate Champagne na tuwang- tuwa nang makita ang sobrang
pagbabago sa aking hitsura. Lumabas na daw ang tunay kong kaguwapuhan at panis
ang ibang naglalabasang mga artista sa akin. Hindi siya makapaniwala na ako na
yung dating nagtitinda lang ng gulay sa tapat ng parlor niya na hindi marunong
magsukli. Napaiyak siya lalo na nang malaman niyang ilang buwan na lamang ay
tuluyan na akong magtatapos sa medicine at magiging ganap na doctor na kapag
naipasa ko ang board. Tanging buong pusong pasasalamat ang sinasabi ko sa taong
unang nagturo sa akin isulat ang pangalan ko at magsukli. Nang wala si nanang
noong graduation ko ay siya ang tumayong magulang ko at nang nakulong na si
nanang ay sa kaniya ako tumira at itinuring akong hindi iba sa kaniya. Kahit
saan ako dadalhin ng aking mga paa at kahit pa nasa tugatog na ako ng tagumpay,
hindi ko makakalimutan ang mga taong naging tuntungan ko para umangat.
Napag-isip-isip kong hindi na masamang hayaan ang ama kong bumawi siya sa mga
pagkakasala niya kay nanang. Kung mapapatawad ni nanang ang ama ko ay sino ba
naman ako para hindi din siya patawarin. Nang bigla na kasing hindi nagpakita ang
ama ko at si Gerald ay nakadama ako ng kakaibang kalungkutan. Sobrang
naramdaman kong parang lahat sa buhay ko ay dumating na’t kumpleto ngunit
nawala lang na parang bula. Masyadong sinara ng galit ang tama kong pag-iisip.
Masyado pinakitid ng mga masasakit na karanasan ang aking utak at dahil sa
mabilis na pagdagsa ng katotohanan, nakalimutan kong maging bukas sa mga
katotohanan at harapin iyon ng buong tapang. Ngunit ang susi ay na kay nanang.
Kung anuman ang desisyon niya ay siyang masusunod. Kinabukasan ay nagkausap
kami ng abogado ni nanang na ayaw sabihin kung sino ang nagbayad sa serbisyo
niya. Kilala siyang abogado sa Pilipinas at alam kong kahit hindi niya aminin
ang ama ko ang tumulong. Self defence daw ang kailangan naming palabasin sa
korte. Gusto niya akong kausapin bago humarap sa husgado para mapag-aralan ang
mga bagay na maglalabas sa katotohanang ipinagtanggol lang ni nanang ang buhay
niya at ako. Wala ng ibang saksi sa pagkakataong iyon kundi ako lamang at ang
tanging alam ng mga tao sa amin ay hindi ako ampon ni tatang kundi anak niya
ako kaya alam nilang sasabihin ko lang kung ano ang aking nakita. Paliwanag ng
abogado sa akin ay kailangan naming mapatunayan sa hukuman na self defence
lamang lahat at nang marinig niya ang tunay na kuwento ay sinabing si nanang
ang tumulak kay tatang dahil sa walang tigil na pambubugbog sa akin at nakita
naman ng mga kapit-bahay at ang kapitan naming noon ang duguang mukha ko at ang
mga galos ni nanang at ang putok din nitong labi habang si tatang ay tanging
ang tusok sa dibdib niya ang tanging sugat. Ibig sabihin ay hindi namin
pinagtulungan kundi gusto lang ni nanang na ipagtanggol ako at pagtulak niya ay
para lamang matigil ang maaring pagpatay sa akin at hindi niya aakalaing
maaring ikamatay iyon ng aming ama. Mahusay ang pagpapaliwanag niya sa kin.
Sabi ng abogado... “To prove self-defense, you and your nanang must show with
clear and convincing evidence, that first, she is not the unlawful aggressor.
Second, there was lack of sufficient provocation on her part; and lastly, she
employed reasonable means to prevent or repel the aggression. It is
well-settled that once your nanang had admitted that he inflicted the fatal
injuries on the deceased, it was incumbent upon her, in order to avoid criminal
liability, to prove the justifying circumstance claimed by her with clear,
satisfactory and convincing evidence. We cannot rely on the weakness of the
prosecution but on the strength of our own evidence. Alam kong malaki ang
chance nating mailabas ang nanang mo sa kulungan. Pag-aralan mo lang sabihin ng
diretso ang lahat.” Sinamahan ako ni ate Champagne. Biro nga niya na siya daw
ang magiging cheerer ko sa korte. Pagkatapos ng court hearing ay nagkaroon kami
ng pagkakataong mag- usap ni nanang. Naluluha siya ng sinabi ko ang tungkol sa
aking pag-aaral at ilang buwan na lamang ay matatapos na ako. “Salamat anak at
hindi mo ako binigo. Pero saan ka kumuha ng pera pambayad sa abogado natin?”
Hindi ako nakapagsalita. Noon ko naisip na hindi nagpakilala ang ama ko sa kaniya
at tanging abogado lamang ang kumakausap sa kaniya. Kung sasabihin ko ngayon na
nagkita kami ng ama ko at ikuwento sa kaniya ang lahat, baka nanaisin na lang
niyang makulong muli. Gusto ko na siyang lumaya at makasama siyang muli. Kung
darating ang panahong magharap sila ng ama ko, mabuting ayusin na muna nila ang
kanilang problema bago ko sila harapin at alam kong ayaw magpakilala ng ama ko
sa kaniya dahil gusto niyang mailabas muna sa kulangan si nanang bago sila
magharap. Nirespeto ko ang gustong mangyari ng ama ko. “Ang importante nang ay
makalaya ka na dito at muli na tayong magkasama. Gusto kong sa graduation ko ay
ikaw na ang naroon. Iyon ang tanging pangarap ko, ang masaksihan mong naabot ko
na ang pangarap nating mag-ina.” Muli kong nakita ang luha ni nanang. Umiiyak
siya sa saya dahil ang mga luhang iyon ay may kasamang ngiti. Masaya ang
kaniyang mga mata kahit may kasama iyong mga luha. “Salamat, anak. Hindi mo ako
binigo.” Sapat na ang luha ni nanang para lalong mahugasan ang mga kasalanan ng
ama ko sa amin. Ang mga ngiting iyon ang nagbukas sa puso ko sa kung anuman ang
kuwento sa kanila ni nanang. Bago kami nagkahiwalay muli ay ipinakilala ko si
ate Champagne kay nanang. Nilahad ko ang buong kuwento mula nang tinuruan niya
akong magsulat hanggang sa siya ang umampon na sa akin nang makulong siya.
Lubos din ang pasasalamat ni nanang. At dahil sa kailangan kong bumalik sa
Manila dahil sa nalalapit na ding mga exams ko ay kay ate Champagne ko siya
ipinagkatiwa. Bago ako lumuwas ng Manila ay iniwan ko ang address at celphone
number ko kay Ate Champagne para mapuntahan niya ako o matawagan kung anuman
ang magiging hatol kay nanang. Halos dalawang buwan pa ang nagdaan at dalawang
buwan na rin lang graduation ko na nang sinabi ng roommate ko na may bisita
akong dumating. Nagmadali akong pumasok sa kuwarto at nakita ko nga si nanang
at si ate Champagne na naghihintay sa akin. Lumaya na si nanang. Mas naunan
pang tumulo ang luha ko kaysa sa magsalita sa mga sandaling iyon dahil hindi na
dapat pang tanungin. Hayun na at kaharap ko na si nanang. Nangyari na ang isa
sa mga pinaka-asam asam ko. “Anak, laya na ako.” maluha- luhang salubong ni
nanang. Sobrang saya ko ay nayakap ko at naipaikot-ikot si nanang. Hindi ko
talaga maipaliwanag ang saya ko para sa aming ina. Ngayon ay malaya na siya at
nakamit ko na ang isa sa mga pangarap ko na mailabas siya sa kulungan ngunit
bigla akong natigilan. Parang ang lahat ay nagiging maayos na ngunit alam kong
laging may puwang sa puso ko. Parang may mali. Parang hindi buo ang kasiyahan
ko. “Nang, may sasabihin po sana ako kung sino po talaga ang tumulong sa iyo
para lumaya.” “Anak, kilala ko na kung sino. Siya ang sumundo sa amin ni
Champagne. Kaya ako narito ngayon para bigyan mo ako ng pagkakataong ikuwento
ang totoong nangyari sa amin. Gusto kong ikuwento sa iyo ang lahat na hindi ko
din alam dati ngunit hindi ko isinara ang puso kong makinig sa paliwanag ng
daddy mo sa akin. Iyon ang gusto niyang ipaliwanag sa iyo ngunit hindi mo siya
binigyan ng pagkakataong.” “Nang, ano ba kasi talaga ang tunay na kuwento sa
inyong dalawa ng ama ko?” “Nagsilbi akong katulong sa kanila noon. Niligawan
ako ng Daddy mo at nirespeto niya ako hindi bilang katulong kundi isang babaeng
dapat mahalin. Mabait ang lolo mo dahil galing din siya sa hirap hanggang sa
naging yumaman at napangasawa niya ang lola mo. Ang dati ng mayaman na lola mo
ang malupit at matapobre. Naging patago ang relasyon naming ng Daddy mo noon at
tanggap niya ako kahit ano pa ang kapintasan ko. Sabi nga niya, matalino daw
ako kung sana ay nakapag-aral. Nang una, natatakot akong mahalin siya, guwapo
na, mayaman at matalino pa na noon ay dalawang taon pa magtatapos na din siya
sa pag-aaral niya. Isang taon naming itinago ang aming relasyon hanggang hindi
namin napigilan ang aming mga sarili at may nangyari. Naulit pa iyon ng naulit
hanggang hindi na ako dinatnan ng buwanan kong regla at doon na nagsimula ang
lahat ng problema.” “Problema? Dahil mahirap kayo at walang pinag-aralan kaya
nang magkabukuhan na ay ayaw harapin ni Daddy ang nangyari sa inyo.” sabat ko
sa seryoso niyang paglalahad. “Iyon ang dati kong kinuwento sa iyo anak para
wala ng mas mahaba pang kuwento pa. Hindi ko kasi akalain na magkikita kayong
mag-ama. Ang totoo niyan ay ipinaglaban niya ako sa mama niya. Tanggap ako ng
papa niya pero isinusuka ako ng mama niya. Sobrang pagpapahirap ang ginawa sa
akin kapag wala ang daddy mo. Naawa ang daddy mo at inilipat ako sa isang
apartment. Nangako siyang babalikan niya ako doon kahit ano ang mangyari.
Nag-iwan siya ng panggastos ko. Ang mali niya ay hindi siya nagpaalam sa akin
na pumunta siya ng ibang bansa para daw sa kaniyang pag-aaral. Alam niya kasing
kapag ipaliwanag niya ay hindi ko kayang intindihin kung ano iyon pero sana man
lang alam ko na pumunta siya ng ibang bansa. Naghintay ako ng isang buwan,
dalawang buwan at ng pangatlong buwan ay dumating ang mama niyang may dalang
mga litrato ng daddy mo kasama ang isang babae. Pinalabas ng lola mo na asawa
iyon ng ama mo at hindi na niya ako babalikan pa. Masakit ang loob ko noon kaya
kahit pa nangako akong hihintayin ko siya ay tinalikuran ko na lamang ang lahat
at ang tanging alam ko ay niloko lang ako ng Daddy mo. Pinaasa at pinahintay
niya ako sa wala. Umuwi ako sa bahay at dahil sa galit ng mga magulang ko ay tinakwil
nila ako. Noong panahon namin, kung nabuntis ka, isa na iyong napakalaking
kahihiyan at mas magiging doble pa kung nabuntis ka at wala kang maiharap na
ama ng pinagbubntis mo. Pinalayas ako. Wala na akong ibang matakbuhan noon
maliban kay tatang mo. Ipinagtapat ko sa tatang mo na noon ay naunang
kasintahan ko kaysa sa daddy mo. Nang una ay gusto niyang ipalaglag ka namin at
kapag natanggal ka ay pakakasalan niya ako. Tanggap daw niya ang nangyari sa
akin ngunit hindi niya kayang makita niyang buhay ang bunga ng pagtataksil ko
sa kaniya. Sinabi kong isisilang kita isa pa, anim na buwan ka na noon sa
sinapupunan ko at hindi na ligtas sa akin na ipalalaglag kita kaya wala siyang
nagawa kundi tanggapin ka na lang. Umalis kaming dalawa sa aming baryo at nagpakalayo-layo.
Napadpad kami sa lugar kung saan ka lumaki at walang nakakikilala sa amin.
Ipinagpalit ng tatang mo ang buo niyang pamilya sa akin ngunit sa pagdaan ng
panahon ay nagiging mainitin na ang ulo niya hanggang nagiging manginginom na
at iresponsable. Galit siya sa iyo. Sa tuwing nakikita ka niya ay bumabalik sa
kaniya ang katotohanang nagtaksil ako. Nagalit din ako sa iyo dahil sa tuwing
nakikita kita ay parang naiisip ko ang daddy mo na nagpaasa at nanloko sa
akin.” Napabuntong hininga ako. “Totoo bang nag-asawa ng iba si Daddy?”
“Nalaman ko na lamang sa kaniya ang buong katotohanan nang magkita kami nang
lumaya ako at sinundo ako sa atin. Humingi lang siya ng tulong sa mommy niya na
bisitahin niya ako para malaman ang kalagayan ko ngunit pinalabas ng mommy niya
na nag-asawa na siya ng iba para mapaglayo niya kami at nagkuwento din siyang
sumama na ako sa ibang lalaki at kaya hindi na niya ako naabutan pa sa
apartment. Umuwi daw ang daddy mo para hanapin ako ngunit wala na nga ako sa
apartment. Sinundan niya ako sa aming baryo ngunit nakaalis na kami ng tatang
mo doon. Alam kong hindi siya nagsinungaling anak dahil kilala niya ang mga
magulang ko at mga kapatid. Kilala niya ang buhay sa aming baryo. Tumagal daw
siya doon ng dalawang buwan ngunit dahil hindi na ako bumalik at dahil alam
niyang sumama na ako sa tatang mo ay wala na siyang ibang magawa kundi bumalik
na lang sa Manila. Wala siyang kasalanan anak. Naging biktima lang tayo ng mga
pagkakataon. Biktima ng maling simula. Pupunta siya ngayon dito para hingin ang
tawad mo. Anak, alam kong hindi naging maganda ang paglaki mo. Naghirap ka,
nasaktan, dumaan ng mga pagsubok. Ngunit nakaraan na iyon anak. Matalino ka at
alam kong alam mo ang gusto kong ipakahulugan sa iyo. Pakinggan mo ang puso mo.
Napatawad ko na siya anak. Puwede pa tayong magsimulang muli. Sana kalimutan na
natin lahat. Niyakap ko si nanang. Humahagulgol ako. Nakaramdam ako ng
pagsisisi dahil hindi ko siya binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. “Oo nang,
handa na akong makinig sa kaniya. Gusto ko ding humingi ng tawad sa nagawa ko
sa kaniya sa mga nakaraang buwan.” “Anak, gusto niyang magpaliwanag ng tungkol
sa inyo ni Gerald. Gusto niyang ilahad ang buong kuwento sa inyong dalawa dahil
alam niyang kapwa na kayo nahihirapan. Alam na ni Gerald ang lahat at ikaw na
lamang ang hindi pa nakakaalam. Sana bago magiging huli ang lahat, makinig ka
sa ama mo. Alam kong hanggang ngayon nalulungkot ka parin. Palayain mo ang puso
mo, matuto kang makinig sa paliwanag ng iba.” Sasagot pa lamang sana ako nang
may kumatok sa pintuan. Bukas ang pintuan ngunit nagbigay pugay lang na naroon
siya at nakikinig. Lumingon ako at nakita ko si Daddy. Nakangiti sa akin at
mabilis ko ding sinuklian iyon ng buo at mapang-unawa kong ngiti. Pinalaya ko
ang aking puso, kumilos ang aking paa at tumakbo ako papunta sa kaniya. Niyakap
ko siya ng mahigpit na mahigpit. Muling bumulwak ang aking luhang puno ng
pag-asa at saya. Hinayaan kong mamutawi ng aking labi ang matagal ko ng gustong
itawag sa kaniya… ”Daddy!”
EVERYTHING I HAVE
14
11:50 AM
series
C H A P T E R 14 -
EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta
* * * * * * * * * *
Hinayaan kong maramdaman ng matagal ang yakap ng isang ama. Kaytagal kong
gustong maramdaman iyon. Simula ng bata pa ako at hindi ko naranasang hawakan
ng isang tunay na ama. Pumikit ako. Gusto kong punan ang pagkukulang na iyon sa
aking pagkatao at pagmulat ko ay nakita ko ang mukha ni nanang. May ngiti sa
labi na mula pagkabata ay hindi ko iyon nakita sa kaniya. Masaganang luha din
ang umaagos sa kaniyang pisngi na parang ang dating asiwa at pagod niyang mukha
ay naging kalmado at tuluyang nabura ang hirap na kaniyang dinanas. Tumingin
ako kay Daddy at tumingin din siya sa akin. Nang makita ko ang basa niyang mga
mata at ang pamumula nito ay alam kong pinipigilan lamang niya ang pagbagsak ng
kaniyang luha hanggang nakita ko ang mahina niyang pagtawa. “Kaytagal kong
pinangarap na mabuo ko ang pamilya ko. Ito ang pangarap ko na dati ay akala ko
tuluyan ko ng hindi pa makakamit. Oo nga’t nasa akin na lahat ng yaman at luho
sa mundo ngunit laging may kulang. Laging may iniisip akong akala ko hindi ko
na kayang abutin at dahil kay Gerald muling nabuo ang pamilya ko.” “Dad, alam
nab a ni Geral na magkapatid kami?” “Gusto kong ilahad sa iyo ang buong kuwento
anak.” Sinuklay-suklay niya ang buhok ko na para parin akong bata sa kaniyang
paningin. “Sige po, makikinig ako.” bumitaw ako sa kaniya. Hinila ang isang
upuan at umupo ako doon. Umupo din siya sa tapat naming mag-ina. Nanatiling
lumuluha si Ate Champagne dahil sa kaniyang mga naririnig at nakikita. Sobra
siyang nadala sa mabilis na pagkabuklat ng kuwento ng aking buhay. “Ang
ipinakita ni lola mo kay nanang mo noon na kasama ko sa litrato ay ang mommy ni
Gerald. Matalik ko siyang kaibigan mula pagkabata ko dahil kaibigan ng pamilya
namin ang pamilya niya. Kung may taong nakakaalam sa buong kuwento namin ng
nanang mo, walang iba kundi ang mommy ni Gerald. Nagkaklase kami sa Elementary,
High School hanggang College at nakasama ko siya sa ibang bansa para sa aming
international practicum. Nagpadala ako ng mga pictures namin sa lola mo na
hindi ko naisip na gagamitin niya iyon bilang panira sa binitiwan kong pangako
kay nanang mo. Naniwala ang nanang mo sa kasinungalingan noon ng mommy ko.” Huminto
siya. Napailing saka niya itinuloy. “Sumalangit sana ang kaluluwa ni mommy.
Hayun nga, nang binalikan ko ang nanang mo sa apartment ay wala na siya doon at
nang sinundan ko siya sa purok nila ay hindi ko na siya naabutan dahil ayon sa
mga magulang niya, sumamang nakipagtanan sa iba. Hindi parin ako naniwala noon.
Alam kong mahal ako ng nanang mo at hindi niya magagawang sumama sa ibang
lalaki. Dahil walang nakakaalam kung saan sila nagpunta ay sinikap kong
hintayin ang pagbabalik niya. Lagi kong ipinapanalangin ang kaniyang pag-uwi.
Naghintay ako ng dalawang buwan doon na kahit anong galit ng mommy ko ay wala
akong pakialam basta ang lagi kong iniisip ay sana man lamang ay maipaliwanag
ko sa nanang mo kung ano ang totoo. Ngunit nabigo ako hanggang naisip kong
maaring masaya na siya sa piling ng kaniyang sinamahan at dala ng pagkabigo,
bumalik ako ng Manila. Halos isang taong wala akong ginawa kundi maglasing,
mambabae, magwaldas ng pera, bumiyahe sa ibang bansa para makalimutan ko lang
ang nanang mo. Hanggang kinausap ako ng mommy ni Gerald at binuksan niya ang
mga mata ko. Hindi niya ako iniwan. Kahit mahirap ay ipinaramdam niya sa akin
na hindi natatapos ang buhay sa pagkabigo sa pag-ibig. Kung buhay man ang
pag-ibig kailangan hindi ka mamatay sa pag-ibig. Dapat marunong kang mabuhay ng
dahil sa pag-ibig.” “Naging kayo ng Mommy ni Gerald Dad? Ibig sabihin ay
magkapatid kami ng ama ni Gerald?” tanong ko. Ngunit sa sulok ng aking isip ay
nagdadasal akong sana hindi kami magkapatid. Sana ay hindi matuldukan ang
pag-iibigan namin dahil hanggang sa sandaling iyon ay siya parin ang laman ng
aking puso. “Hanggang pagkaraan ng isang taon ay naging maganda muli ang takbo
ng buhay ko. Pinagsikapan iyon ng mommy ni Gerald. May boyfriend noon ang mommy
ni Gerald ngunit napabayaan niya at nagkulang siya sa oras doon sa boyfriend
niya ng dahil sa akin. May nangyari sa kanila noon ng boyfriend niya hanggang
dahil sa kaseselos ng boyfriend niya sa akin at dahil hindi naman ako kayang
iwan ng mommy ni Gerald na wala pang pumapalit kay nanang mo sa puso ko ay
naging madalas ang kanilang pag-aaway. Hanggang isang araw ay hindi na
nagpakita ang boyfriend niya at nalaman na lamang niyang ikinasal na siya sa
ibang babae. Ilang lingo din lang mula noon ay nalaman niyang buntis siya
ngunit paano pa niya ipapanagot iyon sa boyfriend niyang may asawa ng iba.”
“Ang ibig niyong sabihin Dad, anak ng ibang lalaki si Gerald? Hindi ko kapatid
si Gerald?” napatayo ako sa kinauupuan ko. Naglulundag ako at parang sa
sandaling iyon ay bigla akong nakahinga ng maluwag, tuluyang naglaho ang
lungkot sa puso ko at lahat ng mga aalahanin ng isip ko ay biglang nawala.
Napayakap ako kay ate Champagne. Paulit ulit kong sinabi na habang lumuluha ako
na hindi ko kapatid si Gerald.. Nanginginig ang labi ko at gusto kong isigaw sa
buong mundo na hindi ko kapatid ang taong sobra kong minahal. Ilang minuto din
akong napapalundag hanggang napaluhod ako sa katatawa na may kasamang luha. Mga
luhang hinayaan kong umagos sa aking mga mata. Luhang dala ng hindi ko
makayanang supilin na ligaya. “Makikinig ka pa ba sa buong kuwento anak?”
tanong ni Dad na noon ay napapaluha na rin sa nakikita niyang ligaya sa akin.
Si nanang din ay napatawa sa nakita niyang kakaiba kong reaksiyon.. Tahimik
akong umupo ngunit pangiti-ngiti. Ngunit sadyang hindi ko talaga mapigilan ang
tumawa ng tumawa ng tumawa hanggang lahat sila ay nakitawa na din. “Sige po.
Okey na ako Dad, ituloy niyo na.” “Dahil sa natatakot ang mommy ni Gerald sa
istrikto niyang pamilya at dahil alam kong hindi na ako babalikan pa ng nanang
mo, pinakasalan ko ang mommy niya para kapag maisilang si Gerald ay may
masasabi siyang daddy. Hindi mahirap mahalin ang katulad ng Mommy ni Gerald.
Natupad ang gusto ng aming mga pamilya. Naging mabuting maybahay ang nanay ni Gerald
at walang ibang nakakaalam sa buong pagkatao ni Gerald kundi ako lamang at ang
mommy niya. Hindi namin iyon sinabi kay Gerald dahil gusto kong mahalin niya
ako bilang tunay na ama at iyon din kasi ang tanging paraan ko para lahat ng
mga pagkukulang ko sa iyo ay Gerald ko maibigay. Basta ang alam ko may anak ako
sa nanang mo. Gusto kong gumawa ng mabuti sa anak ng iba, ipadama ang tunay na
pagiging ama para makinig din ang Diyos sa panalangin ko na sana kung sinuman
ang umako sa iyo ay ituring ka din bilang isang tunay na anak niya. Gusto kong
sa pamamagitan ng lubos na pagmamahal ko sa mommy ni Gerald at kay Gerald ay
ganoon din ang gagawin ng kung sinuman ang pumalit sa akin sa puso ng nanang
mo. Ngunit nalaman kong hindi pala ganoon ang nangyari. Sobrang napahirapan ka
ng husto ngunit gusto kong lahat ng iyon ay mabubura na ngayong magkakasama na
tayong lahat anak.” “Nasaan na ngayon ang Mommy ni Gerald?” paninigurado ko
lamang kahit naikuwento na sa akin ng yaya ni Gerald ang tungkol sa nangyari sa
mommy niya. “Namatay sa sakit na kanser. Ngunit bago siya namatay ay hiniling
niya sa akin na tanggapin ko si Gerald kahit sino pa siya at irespeto ang lahat
ng gusto niya dahil nais niyang maging masaya ang anak niya. Gusto niyang mabuo
ang buhay ng anak niya na naayon sa gusto nitong mangyari. Basta wala siyang
sinasaktan ay hayaan ko daw na magiging masaya siya. Sinikap ko namang mabago
ang pagkatao niya ngunit sadyang lalaki ang gusto. Dahil sa pagkatao niyang
ganun ay napilitan akong magbasa ng mga libro, mag- internet tungkol sa ganoong
pagkatao para lalo ko pa siyang maintindihan. Hanggang naliwanagan ako at
hinayaan siyang magiging masaya sa pinili niyang buhay. Nang dumating ka sa
buhay niya ay nakita ko ang pagpupursigi sa kaniyang mag-aral. Naging masaya
ang bawat araw niya hanggang hiniling ko sa kaniyang mag-usap tayong dalawa.”
“Tulad ko, hindi din ba alam ni Gerald ang lahat ng kuwentong ito?” “Wala
siyang alam anak. Nalaman na lamang niya ang buong kuwento nang inuwi siya sa
bahay ni Joey na hinang- hina. Kinabukasan no’n ay nag-usap kami. Hindi naging
malaking isyu sa kaniya ang katotohanang hindi ko siya anak dahil ayon sa
kaniya, higit pa sa tunay na anak ang naramdaman niya mula sa akin at kahit pa
nalaman niyang hindi ko siya tunay na anak ay hindi nagbago ang pagtingin at
pagmamahal niya sa akin. Ang tanging hindi niya natanggap ay ang bigla mong
pagtalikod sa kaniya. Lahat ng paraan ginawa namin para mapaliwanagan ka ngunit
sadyang nagiging mailap ka. Ipinagkait mo sa kaniya ang pagkakataong
magpaliwanag. Hindi mo siya binigyan ng pagkakataong marinig ang kaniyang
hinaing. Hanggang sa siya na mismo ang nag-ayos sa kaso ng nanang mo para
makalayo. Iyon ang tangi niyang inatupag dahil alam niyang kapag makalaya ang
nanang mo at muli kaming magkasama ay iyon ang magiging susi para makinig ka sa
akin. Sabi niya sa akin na hayaan kong gawin niya iyon para sa akin, sa nanang
mo at higit sa lahat ay sa iyo. May mga gabing nakikita ko siyang umiiyak.
Napakalakas ng kaniyang iyak. Ilang gabi ding isinisigaw ang pangalan mo.
Nasaktan siya ng sobra sa pagkawala mo lalo pa’t hindi niya masabi sa iyo ang
kaniyang niloloob. Iyon bang lahat ng gusto sana niyang sabihin ay hindi niya
masabi sa iyo at naiipon lang sa dibdib niya. Wala siyang ganang kumain ngunit
sa pakiusap ko ay pinipilit niyang gawin. Ako ang nagbibigay ng pag-asa sa
kaniya para mabuo ang kaniyang buhay at lagi kong sinasabing magkakasama din
kayong dalawa. Ang laging sagot niya ay… “Sana nga po Dad. Lahat, lahat ng
meron ako kaya kong ibigay sa kaniya. Lahat ng meron ako ay hindi ako
magdadalawang isip na ihandog sa kaniya dahil alam kong siya ang aking buhay.
Ito na lang ang alam kong huling maibigay sa kaniya at ito lang ang alam kong
kailangan niya sa ngayon, ang mabuo ang pamilya niya. Yung muli kayong
magkakasama, kayo, si nanang at siya. Masaya na ako kapag mangyari iyon kahit
hindi na niya ako babalikan pa.” Napaluha ako. parang bumabalik sa akin ang
kaniyang pagmamakawa noon sa pinto na mag-usap kami. Ang paghahagulgol niyang
paghingi sa akin ng awa na sana hawak-kamay naming lutasin kung anuman ang
problema. Umiiyak ako dahil sa mga ginawa ko. Hindi niya dapat pinagdaanan ang
ganoong sakit. Hindi siya dapat nasaktan ng ganoon. Naramdaman ko ang hirap na
pinagdadaanan niya dahil ako man din ay ganoon ang sakit na piunagdaanan. Ang
pagkakaiba nga lamang ay alam niyang hindi kami magkapatid pagkatapos ng gabing
nagmakaawa sa akin at ako, ang tanging pumipigil sa akin na kausapin siya ay
dahil gusto kong makalimutan ang pagmamahal ko sa kaniya dahil ang pagkakaalam
ko ay kapatid ko siya. “Nasaan po siya ngayon Dad?” tanong ko. “Nasa bahay.
Matagal ka niyang hinihintay. Gusto kong mula ngayon sa bahay na kayo titira.
Iyon ang gusto ni Gerald. Iyon ang hiling niya. Anak, mahal mo pa ba siya?”
“Opo Dad. Mahal na mahal ko siya. Pinigilan ko lang dahil ang alam ko kadugo ko
siya. Gusto ko naman sanang magkita kami kung kailan handa na sana akong
humarap sa kaniya bilang kapatid at hindi bilang karelasyon ngunit dumaan na
ang ilang buwan Dad pero siya parin ang mahal ko at hindi nagbago iyon kahit
sinikap kong isipin na magkapatid kami. Mabuti na lamang po at hindi ngunit
nasaktan ko na siya. Napahirapan ko na siya ng hindi ko naman sinasadya.”
“Masakit sana na isiping nagkaroon ako ng dalawang lalaking anak na hindi
nasunod ang damdamin sa ibinigay ng Diyos nilang pagkatao ngunit kahit
baliktarin pa ang lahat at kahit ano pa ang gagawin ko ay hindi ko
matatalikurang anak ko kayo. Mainam ng magkaroon ako ng anak na katulad niyo
ngunit matalino, hindi masamang tao at naipagmamalaki kaysa magkaroon ng anak
na straight ngunit magiging sakit lang ng ulo at kaaway ng lipunan.” “Kumusta
na po si Gerald ngayon?” Napabuntong hininga si Daddy. Tumingin siya sa akin at
biglang tumulo ang luha. Alam kong may hindi siya sinasabi. “Ayusin mo na ang
mga gamit mo anak. Uuwi na tayo sa bahay. Naghihintay sa atin si Gerald.
Matagal na niyang hinihintay ang pagkakatong ito. Matagal na niyang inaasam na
magkakasama tayong lahat.” “Bakit hindi niyo sinasagot ang tanong ko? Kumusta
na po si Gerald?” Yumuko siya at humagulgol. Kung napigilan niya ang pagluha
kanina, ngayon ay hindi na niya nakayanan pa at natakot ako. Alam kong may
hindi magandang nangyari.
EVERYTHING I HAVE
15
11:53 AM
series
C H A P T E R 1 5 ║----- EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta
* * * * * * * * * * Pagkababa namin sa mga
ilang gamit namin ni nanang sa sala ng bahay ay hinanap ko kaagad si Gerald.
Namimiss ko na siya ng husto. Ngayon ko gustong bumawi sa kaniya. Gusto kong
punan ang ginawa kong pagpapahirap sa kaniyang kalooban. Ang ilang buwan niyang
pag- iyak. Ang hindi ko pakikinig sa kaniyang mga pakiusap sa akin. Ang
kaniyang pagmamakaawang hindi ko tinugon. Sa kabila pala ng paglayo ko sa
kaniya ay wala naman siyang ibang ginawa kundi ang ayusin ang pamilya ko. Siya
ang dahilan kung bakit ko nahanap at nakilala ang ama ko. Siya din ang gumawa
ng paraan para lumaya si nanang sa kulungan. Siya din ang humiling na dapat ay
magkakasama na kaming buong pamilya sa iisang bahay. Lahat na ay ginawa niya sa
akin. Lahat na ng meron siya ay buong puso niyang ibinigay kapalit man niyon ay
ang sobrang pagpapahirap ko sa kaniyang kalooban. “Nasaan si Gerald yaya?”
tanong ko nang makita ang yaya niyang pababa sa hagdanan. “Nasa kuwarto po niya
Sir. Puntahan niyo na lang. Diretso ho kayo dito at kakaliwa kayo.” Halos
liparin ko ang hagdanan at nang buksan ko ang pintuan ng kuwarto niya ay nakita
ko siyang tulog habang nakaupo sa may ulunan niya si Joey. Lumapit ako sa
kaniya at pinagmasdan siya. Hindi na siya ‘yung dating Gerald na makulit nang
makilala ko siya sa library… ang guwapong Gerald na humahablot sa notebook ko…
ang makisig na Gerald na tiga hatid-sundo ko, ang mala-Adonis na Gerald na
kumakanta habang nagluluto ako at mapagmahal kong baby na siyang minahal ko ng
husto. Pumayat siya ng husto. Mapusyaw at kalbo. Tulog siya nang dumating ako
at ang pagkakita ko sa ganoong sitwasyon ang tuluyang nagpahina sa akin. Hindi
ko naisip na madatnan ko siya sa ganoong kalagayan. Wala sa isip kong may sakit
siya at bago ako nakapagsalita ay tumulo na ang aking luha. Hinila ako ni Joey
sa labas ng kuwarto. “Ako ang family doctor nila. Ito din ang dahilan kung
bakit kami pumupunta ng Houston. Ayaw niyang mag-alala ka sa sakit niya. Gusto
niyang manatili siya sa iyo katulad nang nakilala mo siya. Pinipilit niyang
makipagkita sa iyo kahit inaatake na siya ng halos hindi niya makayanang sakit.
Hindi ko siya mapigil na puntahan ka kahit maysakit siya kaya nga lagi niyang
dala ang mga gamot niya kahit saan kayo magpunta. Lahat ay gusto niyang gawin
para sa iyo. Hindi niya inisip ang sarili niya. Ang laging sinasabi niya kapag
nasa Houston kami ay lahat ng ginagawa niya ay para sa iyo. Gusto niyang
gumaling para sa iyo. Ayaw niyang mamatay siya dahil hindi niya kayang iwan
ka.” Nangingilid ang luha ni Doctor Joey. “Wala na ba siyang pag-asang
gumaling, Dok?” humihikbi kong tanong. “Malapit ka ng maging doctor. Alam kong
nagkakainitindihan tayo kung sasabihin ko sa iyong Grade IV na ang tumor niya.
Which means the tumor grows very aggressively and it so impossible to treat
lalo na ay kumalat na din ang cancer cells sa utak niya nang maipakita namin sa
Anderson Cancer Center dahil alam kong iyon ang pinakamahusay na hospital ng
cancer sa buong mundo. Sa tuwing umaalis kami noon ay lagi niyang nirereklamo
ang sakit ng pagkakalayo ninyo hindi ang sakit na nararamdaman niya. Ngunit
kailangan niyang gawin iyon para humaba pa ang buhay niya at magkasama kayo.
Puno siya noon ng pag-asa. Lahat ay ginagawa niya gumaling lamang siya ngunit
nang iniwan mo siya, tuluyan na rin niyang pinabayaan ang sarili na parang wala
nang ganang ituloy pa ang kaniyang laban. Mas nagiging pursigido pa siya sa
kaso ng nanang mo kaysa sa pagpapagamot niya dahil ayon sa kaniya, gusto niyang
iwanan ka ng isang buong pamilya at masaya na siyang mamatay kung makita niyang
nagiging buo na kayo.” “Bakit hindi niyo sinabi sa akin ang lahat ng ito noong
nag-usap tayo dok?” di ko mapigilan ang di mapahagulgol. “Hiling niyang hindi
mo na dapat pang malaman ang kondisyon niya dahil nga pursigido siyang magpagaling.
Tiwala at buo ang pag-asa niyang gagaling siya dahil sa pagmamahal mo. Ayaw
niyang mag-isip ka ng iba kundi ang pag-aaral mo lang dahil alam niya kung
gaano iyon kahalaga sa iyo. Gusto niyang mapanatili mo ang iyong konsentrasyon
sa pag- aaral.” “Dok,hindi ko alam ang gagawin ko kung tuluyan na siyang mawala
sa akin.” “Gano’n din siya sa iyo. Ngayon lang ako nagkaroon ng pasyenteng
kahit sa gitna ng kaniyang paghihirap ay mas iniisip niya ang para sa mahal
niya. Lagi kong naririnig na isinisigaw niya ang pagmamakaawa niya sa Diyos at
ganito ang laman ng lagi niyang panalangin… “Diyos ko, ibalato mo na sa akin
ang buhay ko para sa baby ko. Kunin mo na lahat lahat ng kahit pa talino ko,
lahat ng material na bagay na mayroon ako…ng kahit anong magandang kinabukasan
para sa akin huwag lang ang buhay ko dahil hindi ko kayang maihiwalay sa taong
mahal ko. Hindi ko siya kayang iwan Diyos ko.” “Bakit hindi nakinig ang Diyos?
Bakit hinayaan niyang naghihirap parin siya?” pasigaw ko na iyong nasabi. “May dahilan
ang Diyos kung bakit niya ginawa ito sa inyo. Hindi mo man ngayon nakikita
dahil nauuna ang galit at pagdadalamahati mo ngunit sa pagdaan ng buwan o taon,
malalaman mong may dahilan din ang Diyos sa pagdating ni Gerald at ang tuluyan
din niyang paglaho sa buhay mo.” “Anak!” boses ni Daddy sa likod ko. “Dad,
bakit ganon? Bakit ito ang kapalit ng pagkabuo natin. Daddy ayaw kong mamatay
si Gerald. Hindi ko kakayaning mawala siya sa atin. Bakit siya pa Dad? Bakit
hindi niyo ito sinabi sa akin?” “Dati tinanong ko na rin ang Diyos tungkol
diyan ngunit sa pagdaan ng araw ay natanggap ko na lalo na nang nakausap ko si
Gerald at buong puso na rin niyang tinanggap ang kapalaran niya. Walang may
gustong mamatay si Gerald anak. Napakabuti niyang tao. Kayanin natin ang
maaring pagkawala niya sa atin kahit gaano pa iyon kasakit. Hindi ko alam kung
bakit siya ngunit ayon sa kaniya, siya ang binigyan ng Diyos ng ganoong
karamdaman dahil alam ng Diyos na sa ating lahat, siya ang pinakamatatag at
siya din ang kailangang maghintay sa taas. Hindi ko sinabi ito sa iyo dahil sa
kahilingan niya. Gusto kong gawin mo ang kaisa-isa niyang hiling sa ating
lahat. Walang luluha sa harap niya. Walang magpapakita ng awa, walang
magpapakita ng kahinaan. Irespeto natin ang kagustuhan niyang iyon. Alam kong
hindi mo kaya iyon ngunit nakikiusap akong kayanin mo tulad ng pagsasakripisyo
niyang hindi niya hinayaang maapektuhan ka sa kaniyang karamdaman. Anak, hiling
niya iyon na alam kong mahirap mong gawin ngunit kailangan nating ibigay sa kaniya.
Kung hindi mo pa kaya, pumunta ka muna sa kuwarto mo, isigaw mo doon ang sakit
ng loob mo. Iiyak mo doon ang paghihirap ng kalooban mo at pagbalik mo sa
kuwarto niya, lahat ng naipon diyang sakit ay kaya mo ng pigilin kung nasa
harap mo na siya. Ganyan ang ginagawa ko anak bago ko siya harapin.” Ginawa ko
ang hiling ni Daddy. Nagbasag ako sa sobrang pagsisisi ko sa mga nagawa ko sa
kaniya. Sinuntok- suntok ko ang dibdib ko. Sumigaw ng ubod ng lakas. Lumuha,
humagulgol, umiyak ng umiyak ngunit hindi ko kayang ubusin ang sakit. Naroon
iyon na parang bukal na pabalik-balik. Parang dagat na hindi maubusan ng tubig.
At noon alam kong hindi ko maipapangakong kaya kong magpakatibay sa harap ng
taong nasaktan ko ngunit nanatiling tapat sa kaniyang pangako. Kinahapunan ay
kinatok ako ni Dok Joey sa kuwarto ko. Gising na daw si Gerald at kailangan ko
ng ihanda ang aking sarili sa muli naming pagkikita. Kailangan ko daw patatagin
ang loob ko. Hindi ko alam kung paano ko gawin ang hiling niya. Hindi ako
makakapangakong kaya kong labanan ang pagluha. Pagpasok ko ay nakita ko siyang
nakasandal sa unan. Taglay nito ang kakaibang ngiti. Walang nakikitang
paghihirap sa kaniyang mukha. Maaliwalas ang kaniyang pagkakangiti sa akin at
nang mabungaran niya ako ay itinaas niya ang dalawang kamay at isinigaw niya
ang katagang… “Hey baby ko!” Mabilis akong lumapit sa kaniya at niyakap ko
siya. Pilit kong pinigilan ang pagluha. Niyakap din niya ako. Mahina ang
kaniyang pagkakayakap ngunit sinikap niyang higpitan iyon. Tumuloy ang pag-
agos ng aking luha ngunit ayaw kong ipakita iyon kaya panakaw kong pinusan iyon
sa aking kamay at tinagalan ang pagkayakap ko sa kaniya nang di niya makita ang
basa kong mga mata. “Patawarin mo ako. Hindi ko po alam kung papaano ako babawi
sa iyo bhie. Sorry…. Sorry…Sorry. “Shhhh! Tahan na bhie. Huwag mo ng itago ang
pag-iyak mo dahil alam kong umiiyak ka. Iyakin ka kayang baby ka.” pilit niyang
pinasaya ang pag-uusap ngunit kahit kailan hindi ko nakitaan ng pagkatuwa ang
nangyayaring ito sa amin. “Sorry na po talaga!” tuluyan ng yumugyog ang balikat
ko. “Sa pagmamahal hindi kailangan ang salitang patawarin dahil kung tunay kang
magmahal kasama nito ang pagtanggap mo sa kabuuan ng mahal mo hindi lamang ang
kaniyang mga kalakasan bagkus mas dapat pang mahalin ang kaniyang mga kahinaan
nang malaman mong siya at katulad mo ding nagkakamali.” “Salamat baby. Paano
kaya ako babawi sa iyo?” “Sige simulan mo ng bumawi ngayon. Gusto kong ituring
mo ako katulad ng dati, iyong baby mong malakas at walang sakit. Gusto kong
lagi kang nakatawa o nakangiti. Sige, puntahan natin sina nanang at daddy sa
garden sa may pool. Sabayan natin sila sa hapunan. Matagal na akong hindi
nakakalabas at ngayong nandito ka na ay gusto kong gawin muli ang dati nating
ginagawa.” Napakasaya ng hapunang iyon sa akin. Katabi ko ang mahal ko at
kaharap ko ang nagkabalikang mga magulang ko. Wala ni isa sa amin ang bumanggit
tungkol sa karamdaman niya. Tanging mga masasayang alaala naming dalawa ang
naging paksa at ang mga nakaraan nina nanang at daddy din ang paminsan-minsan
ay tinatanong ni Gerald. “Nang, bukas po baka darating na po yung magtuturo sa
inyo sa mga basics ng pagbabasa at pagsusulat. Huwag po sana kayo mainsulto
pero kailangan po ninyo iyon lalo na kapag gawin kayong Manager ni Daddy sa isa
sa mga shops niya. Nabayaran ko na din kaya huwag na kayong tumanggi pa.”
nakatawang balita ni Gerald. “Gano’n ba? Salamat anak. Iyan talaga ang gusto
kong gawin.” Tumitig ako kay Gerald. Naisip kong bakit lumikha ang Diyos ng
katulad niya at kukunin din siya kaagad sa amin. Napakalupit naman ng kapalaran
na kung sino pa ang may mabuting kalooban ay sila pa ang maagang kinukuha ng
Diyos. Ayaw kong lumuha kaya kinuha ko ang tubig sa harapan ko at inubos ko ang
laman niyon. Nagkatabi kami sa pagtulog ni Gerald. Nakayakap ako sa kaniya
magdamag at sa tuwing nagigising siya ay haharap siya sa akin at hahalikan ang
labi ko sabay sabihing…”Baby naghihilik ka!”… kahit hindi naman. At kung
sakaling makatulog ako at matanggal ang braso kong nakayakap sa kaniya ay
magmamaktol na parang bata. Titigil lamang siya kung muli kong hihigpitan ang
pagyakap sa kaniya. Kinabukasan ay maaga niya akong ginising. Kailangan daw
magpalit na ako at huli na ako sa intership ko. Pagkaligo ko ay nasa kusina na
siya at hinihintay niya ako para sabayan ng agahan. Kahit medyo mahina na siya
ay pilit parin siyang sumasama na ihatid ako sa clinic na pinag- iinternan ko
at pagdating ng hapon ay naroon din siya para sunduin ako. Masayang-masaya siya
sa tuwing sasakay na ako at yayakapin niya sabay sabing…”Yeyyyyy dito na mahal
kong baby!” Pagkaraan ng dalawang linggo ay kinausap ako ni Doctor Joey.
“Bumubuti ang kalagayan niya. Parang lalo siyang nagiging malakas sa ngayon
hindi katulad ng wala ka sa tabi niya. Kailangan lang nating maghanda dahil
magiging palagian na ang pag-atake ng sakit niya. Pero kung titignan mo siya
ngayon, parang lalo siyang lumakas at sumigla. Tignan mo nga naman talaga ang
nagagawa ng pag-ibig ano?” nakangiting balita niya sa akin. Dalawang linggo
pagkatapos naming kumain ng hapunan. Sinabi niyang pupunta na kami sa kuwarto
para manood ng paborito naming mga Romantic Comedy movies. “Bhie, pasuyo
lumabas ka muna dito sa kuwarto kahit ilang oras lang. please!” Alam kong may
mali at inaatake siya ng sakit niya. “Bhie, hindi kita iiwan dito lang ako.
Sandali at kukunin ko ang mga gamot mo.” “Ayaw kong makita mo ako sa ganitong
sitwasyon kaya parang awa mo na. umalis ka na muna hahhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!”
alam kong hindi na niya makayanan ang sakit ng kaniyang ulo. Namumula ang buong
mukha niya. Hawak niya ang ulo at umiikot-ikot na siya sa kama niya na may
kasabay na pagsipa. Umiiyak lang akong nakamasid sa kaniya. Pilit kong pinainom
ng gamot niya ngunit sumuka lang siya ng sumuka. Pinakalma ko siya. “Baby, huminga
ka ng malalim. Hinga ng malalim at kahit sandali lang ay tumigil ka. Kaya mong
pigilan yan baby, Please.” Kinagat niya ang labi niya. Tumingin siya sa akin
namumula ang mga mata at may mga luha sa gilid nito. Naawa ako sa kaniya dahil
alam kong sobrang sakit na ngunit kailangan niya akong sundin. Tinurok ko ang
injection sa kaniya at pagkatapos no’n habang hinihintay naming umepekto ang
naiturok sa kaniya ay niyakap ko siya ng mahigpit. Alam kong masakit na masakit
ang ulo niya at nagsusuka dala ng kaniyang sakit at hinayaan ko lang na
masukahan niya ako basta hindi ko siya iiwan. Hindi ko siya kayang iwang
mag-isa. Pagkaraan ng ilang saglit ay humina na ang kaniyang pagkakayakap sa
akin at alam kong makakatulog na siya. Muli kong pinagmasdan. Alam kong kahit
ano ang gawin ko, kahit pa doctor ako ay tanging Diyos na lamang ang
makakatulong sa kalagayan niya. Sana maawa ang Diyos sa amin. Sana bigyan niya
kami ng himala. Kahit sa buong buhay namin ay ngayon lang niya kami mabalatuhan
ng kaniyang himala. Dalawang linggo pa bago ang aking graduation ay niyaya ko
siyang lumabas kami. Dinala ko siya sa restaurant na unang pinangdalhan niya sa
akin. Muling bumalik sa alaala niya ang araw na naroon kaming dalawa. Lahat ng
aming mga napagdaanan at pagkaraan ng isang oras ay tinawag na ang pangalan ko
para alayan ang taong mahal ko ng isang kanta. Muli kong kakantahin ang kantang
inalay niya sa akin. May boses din naman ako hindi nga lang katulad ng ganda ng
boses niya ngunit alam kong mabibigyan ko ng hustisya ang buong kanta.
Pumailanlang ang intro ng “Everything I Have” at habang kinakanta ko ay
bumabalik ang lahat sa akin. Hindi ko napigilang hindi maiyak habang kinakanta
ko iyon lalo pa’t nakangiti ang mahal kong nakamasid sa akin. Katulad ko,
umiiyak din siya. Alam kong iyak iyon ng sobrang kaligayahan dahil sa kabila ng
pagsubok, buo parin kaming dalawa. If I could be the perfect man in your eyes I
would give all I'm worth to be a part of your life I could promise the world
but it's out of my hands I can only give you everything I have Alam kong ako
ang pinakamalaking bahagi ng buhay niya. May mga pagkakamali man ako ngunit
alam kong dama niyang sobrang mahal na mahal ko din siya. Hindi ko nga lang
kayang ibigay at dugtungan ang buhay niya ngunit kung sana puwede lang ibalato
sa kaniya ang kalahati ng buhay ko ay ginawa ko na para sabay din kaming
magbabalik sa hiram naming buhay. Kung sana puwede kong ibigay ang bawat
kalahati ng aking hininga ngunit ang kaya ko lang ibigay ay kung anong meron
ako. Siya… lahat lahat ng sa kaniya ay ibinigay niya sa akin. I never dreamed I
could ever feel the way I do I hope and pray I will always be enough for you I
can only do my best I have to trust you with the rest Dumating siya sa buhay ko
at hindi ko inaakalang makakatagpo ako ng taong kakaiba kung magmahal. Ang
taong bumuo sa aking pagkatao. Umaasa ako at nananalangin na sana sapat na ako
para sabihin niyang naging masaya siya sa mundo. Dinadalangin ko na nawa’y
naging kumpleto siya sa pagmamahal ko. Inaasahan kong hihintayin niya ako kung
saan man siya tutungo at doon ay muli naming ipagpapatuloy ang naudlot naming
pag-iibigan. Habang narito pa siya, gagawin ko ang lahat para mapaligaya siya.
Hindi ako perpekto ngunit sisikapin kong maging ganoon sa kaniya at ang mga
hindi ko man magawa ay alam kong siya na ang pupuno. Parang hindi ko na kayang
ituloy ang kanta. Sobrang mabigat na ang dibdib ko at hindi na ako makahinga.
Napaupo ako at yumuko na lamang sa kaiiyak nang biglang may tumuloy sa lyrics
ng kanta… I promise I will hold you through the changes and fears when life
seems unclear and when I can't be right there with you I know there’s an angel
by your side Siya ang nagtuloy sa lyrics na iyon ng kanta. Nakangiti siya
habang kinakanta niya ngunit bumabagtas ang luha sa kaniyang pisngi. Alam kong
nanghihina siya ngunit pinipilit niyang umakyat ng stage habang kinakanta iyon.
at nang matapos ang lyrics na iyon ay hinawakan niya ang kamay ko at pinisil.
Sa sandaling iyon, wala kaming pakialam sa mga naroon at nanood. Ang tanging
mahalaga ay ang sasabihin ng taong mahal ko at hindi ang iisipin ng iba. Hindi
ko alam kung hanggang kailan na lang siya sa piling ko at gusto kong iparamdam
ang pagmamahal ko sa kaniya sa alam kong tama lang para sa katulad niya. Hindi
ko siya ikakahiya at wala na akong pakialam pa sa sasabihin ng iba. Sa harap ng
madaming tao, habang ang lahat ng mata ay nakatutok sa amin ay hinalikan ko
siya sa labi. Hiyawan ang mga naroon. Pumapalakpak. Ang ilan ay may mga luha sa
kanilang mga mata. Nadala sila sa madamdamin naming pagkanta. At ilan sa mga
naroon na kasabay naming umiyak ay mga kakilala niyang nakakaalam sa kalagayan
ng taong kayakap ko… ang mahal kong malapit ng bawiin ng langit sa akin. Sa
pagdaan ng araw ay lalong nagiging madalas na ang pag-atake ng sakit ni Gerald.
Namalagi na si Doktor Joey sa bahay na katulong ko sa pag- aasikaso sa kaniya.
Sa tuwing nakikita kong namimilipit siya sa sakit ng ulo at nagsisigaw siya
habang mahigpit niya akong niyayakap ay parang ako ang nasasaktan. Sinasabayan
ko iyon ng pagdarasal na sana huwag na siyang pahirapan pa ng Diyos dahil sa
katulad ni Gerald na kabutihan ang ginawa niya sa buong buhay niya ay hindi
niya deserve ang ganoong pagpapahirap. Kung maari lang na ipasa niya ang sakit
na nararamdaman niya. Tanging yakap ko at halik sa kaniyang noo ang tangi kong
magawa. Noon ko din napag-isip-isip na kahit gaano ka pala kagaling na doctor
ay may mga sakit ding hindi mo kayang gamutin at ang lalong napakasakit sa akin
ay wala akong magawa sa karamdaman ng taong sobra kong minahal. May mga gabing
nahuhuli ko siyang may ka-chat at mga litrato ko ang naka- share. Hindi ko alam
kung ginagamit niya ang mga pictures ko sa pakikipagchat ngunit hinayaan ko na
lamang siya dahil nakikita ko namang nawiwili siya sa ginagawa niya. Bigla niya
akong gigising sa umaga, kukuhanan ng pictures sa ilang mga anggulo.
Tatanggalin niya ang damit ko at tuwang tuwa siyang kunan ako na tanging boxer
short lang ang suot ko. I- upload niya iyon sa Facebook account niya o kaya ay
i-share sa kung sinuman ang ka- chat niya. May mga sandali ding nagtatawagan
sila ng ka-chat niya at nagulat na lamang ako ng bigla niyang ipinasa sa akin
ang celphone niya. “Bhie, kausapin mo siya, kaibigan ko yan sa Houston. Sa
kanila ako namamalagi noong nagpapagamot ako doon. Bryan ang pangalan niya.”
Para kay Gerald kakausapin ko naman at makipagkuwentuhan ngunit ginagawa ko
lang iyon dahil parang natutuwa siyang nakikinig sa usapan namin ng kaibigan
niya. Tuwang-tuwa siya kung nakikita niyang natatawa ako sa jokes ni Bryan. May
iba akong nararamdaman sa ginagawa niyang iyon ngunit hinayaan ko na lang gawin
niya ang lahat na makapagpapasaya sa kaniya. Dumating ang araw ng graduation
ko. Mahinang-mahina na si Gerald ngunit pinilit parin niyang sumama para makita
daw niya akong aakyat sa entablado at tanggapin ang diplomang noon ko pa
pinangarap na makamit. Lahat nasa kamay ko na. Lahat ng pangarap ko ay nasa
akin na, maliban sa taong mahal ko. At siya… siya pa na pinakamalahaga sa lahat
ng aking pangarap ang alam kong napipintong mawawala sa akin. Pagkatanggap ko
ng diploma ko ay itinaas ko iyon at nakita ko ang pagtayo niya at
pagpapalakpak. Nasa mukha niya ang kakaibang saya. Napapaluha siya sa kakatawa.
Masayang-masaya ang baby ko sa aking pagtatagumpay. Pababa na ako sa entablado
at babalik sa aking upuan ng bigla na lang siyang nakitang natumba sa upuan
niya. Nang makalapit ako sa kaniya ay buhat na siya ni Daddy na walang malay.
Lahat kami ay natakot. Ako man din ay humahagulgol na, pero alam kong buhay
siya at nawalan lang ng malay. Isa iyon sa mga simtomas na malala na nga ang
tumor niya, ang pagkawala ng malay. Dinala na namin siya sa hospital ngunit
ilang sandali pa ay nagpilit na siyang lumabas para daw sa makaattend siya ng
party sa bahay
EVERYTHING I HAVE ending
11:55 AM
series
HULING
KABANATA ----- EVERYTHING I HAVE -----
By: Joemar Ancheta
* * * * * * * * * * Nakipag-usap lang siya
sandali sa mga bisita at hiniling niya sa akin na ihatid na siya sa kuwarto
niya dahil pagod na pagod na siya at gusto na niyang matulog. “Bhie,” hinawakan
niya ang kamay ko. Tumitig siya sa akin. Nakangiti. “Lahat ay nakamit mo na.
Lahat ay naibigay ko na. Lahat ng meron ako, nasa sa iyo na. Pagod na akong
lumaban ngunit masaya akong nasaksihan ko ang lahat ng iyon. Kung anuman ang
mangyari sa mga susunod na araw, gusto kong magpakatatag ka. Alam kong
nahihirapan ka na ding nakikita ako lalo na kapag inaatake ako ng sakit ko. Mas
lalo kasing masakit sa aking nakikita kang hindi alam ang gagawin sa tuwing
tinatamaan ako ng karamdaman ko. Mangako ka sa akin na buksan mo lang ang puso
mo na wala na ako. May darating sa iyo at alam kong mamahalin ka niya tulad ng
pagmamahal ko.” “Hindi ko kaya. Kahit wala ka na, gusto kong ikaw lang ang huli
kong mamahalin.” “Bata ka pa bhie, gusto kong ienjoy mo ang buhay mo. Huwag
kang matakot magmahal. Oo nga’t masasaktan ka ngunit kasama iyan kung nagmahal
ka. Kakambal ng ligaya ang sakit sa pag-ibig. Lahat kailangan sumubok sa
pag-ibig. Hindi mo alam kung magiging masaya ka o magiging malungkot, wala ka
ding alam kung magtatagumpay ka o mabibigo kung hindi mo subukang magmahal.
Subukin mong magmahal bago mo malalaman ang kahihinatnan. Ang mahalaga sa
pag-ibig ay ang sumubok kang magmahal at ngumiti, hindi yung sumuko ka na agad
na hindi pa sumusubok.” “Ngunit bhie, ikaw lang ang mahal ko, wala ng hihigit
pa sa iyo, wala ng makakagawa sa mga nagawa mo sa akin.” “Hindi ko naman
sinasabing may papalit sa akin kung saan mo ako ilalagay sa buhay mo.
Mananatili ako doon. Ngunit subukan mo lang buksan ang ibang bahagi ng puso mo
para sa iba. Maaring may darating na magbibigay sa iyo ng hindi man katulad ng
ginawa ko ay ibang nakakatuwang pagtatapos naman ng pag- ibig ang hatid nito sa
iyo. Matatahimik ako’t masisiyahan kapag makita ko na sa kabila ng masakit na
karanasan at pagtatapos natin ay muli kang magmahal at binuksan mo ang puso mo
sa bagong darating.” Gusto ko mang tumanggi sa sinabi niya ngunit hindi ko na
siya kinontra pa. Itinaas ko ang kumot niya. Hinagkan sa labi at muli kong
pinalaya ang luha ng pagdadalamhati. “Kung may darating hayaan mong magiging
handa muna ang puso ko’t isipan bago ko harapin ang bagay na iyan. Ngunit
pangako kong bubuksan ko ang puso ko sa iba.” “Huwag kang mangako bhie… sumumpa
ka!” pagkasabi niya niyon ay nakita ko ang mabilis na pagpunas niya sa kaniyang
luha na umagos sa kaniyang tainga. Alam kong masakit din sa kaniyang palayain
ako ngunit alam niyang iyon ang dapat at tama. “Sumpa ko iyan sa iyo bhie.
Sumpa ko ‘yan.” Kinabukasan ay hinawakan niya ang kamay ko. Pinikit niya at
minulat ang mga mata. Kinabahan na ako sa nakita kong reaksiyon niya. Alam ko
ng mangyayari iyon sa kaniya. “Bhie, anong oras na? Bakit mo pinatay ang ilaw
sa kuwarto?” Niyakap ko siya. Mahigpit na mahigpit. Hindi ko alam kung paano ko
sasabihing pati kurtina sa kuwarto niya ay nakabukas at sumisilip na ang sinag
ng araw sa kaniya. Hindi ko na naman napigilan ang lumuha dahil alam kong ilang
oras na lamang ay mamaalam na siya sa akin. “Bhie, magsalita ka naman.” “Umaga
na baby. Nakabukas ang bintana mo at maliwanag ang araw.” garalgal kong sagot.
Sobrang sakit sa aking makita siya sa ganoong kalagayan. Hindi ko kayang
pigilin ang umiyak. “Alam ko na. Naiintindihan ko na. baby, huwag mo akong
iwan. Gusto kong nahahawakan kita para kahit hindi na kita makita ay alam kong
nariyan ka lang sa tabi ko. At kung sakaling hindi na kita marinig, kung
sakaling hindi ko na kayo makikilala pa at hindi na din ako makapagsalita,
gusto kong yakapin mo lang ako. Gusto kong ihatid ako ng yakap mo hanggang sa
huli kong hininga. Mahal na mahal kita. Naging buo ang buhay ko dahil sa iyo at
sinumpa mo sa akin, sana gawin mo para sa ikaliligaya mo din. Hihintayin kita
bhie. Alam kong muli tayong magkakasama at hihintayin kita doon.” Niyakap ko
siya… “Mahal na mahal kita! Salamat sa lahat lahat. Ikaw ang gumawa ng paraan
para makamit ko lahat ng pinangarap ko. Ikaw na pinakamahalaga sa akin ang
tuluyan pang mawawala ngunit gusto kong malaman mo na ikaw ang pinakamalaking
bahagi ng buhay ko. Hinding-hindi kita makakalimutan.” Ilang oras pa ay
dumating na lahat ang kinatatakutan ko. Tama ang sabi niya kagabi, pagod na
siya sa pakikipaglaban. Gusto na niyang magpahinga at hiniling ko sa Diyos,
taimtim akong nanalangin na ibigay na niya ang hiling ng baby kong magpahinga.
Hanggang nawala na ng tuluyan ang kaniyang pandinig, hindi na niya maikilos ang
kalahating bahagi ng katawan, hindi na din siya makapagsalita at kahit hindi
niya ako marinig ay kinakantahan ko siya ng Everything I Have… paulit-ulit,
hindi ako nagsasawa kahit pa pinapaos na ako. Lumuluhang nakamasid lang sa amin
si Nanang at Tatang. Nakahiga kaming dalawa sa kama niya. Nakaunan siya siya sa
isang braso ko. Nakadantay ang isang braso niya sa akin habang yakap ko siya.
Paulit-ulit akong kumakanta at alam kong iyon ang gusto niya hanggang
naramdaman ko huminga siya ng ubod ng lalim, nanginginig siya na parang
giniginaw at tuluyang nanigas. Mas hinigpitan ko ang yakap ko sa kaniya.
Itinigil ko ang pagkanta, humagulgol ako at para maibsan ang naipong pagdadalamhati
sa dibdib ko ay buong lakas kong isinigaw ang pangalan niya….
“GERAALLLLLLLLLDDDDDDDDD” Sa burol walang patid ang pagdating ng mga gustong
makita siya. Hindi ko siya iniwan. Lagi ako sa tabi ng kaniyang kabaong. Hindi
ko pansin ang ikot ng lahat. Hindi ko din pansin ang pagdating at pag-alis ng
mga nakidalamhati. Masyado akong natamaan sa pangungulila. Akala ko kasi kaya
ko na. Akala ko din matatanggap ko ang pagpanaw niya pero hindi pala ganoon
kadaling tanggapin ang sakit na iwan ka ng mahal mo dahil kailangan na niyang
mauna. Ako din ang huling umalis sa libing. Nagpaalam na sina nanang at tatang.
Sinabi kong susunod na lamang ako dahil gusto kong magpaalam kay Gerald ng ako
lang at siya ang nasa sementeryo. Nakidalamhati ang langit. Bumuhos ang ulan.
Biglang may nagpayong sa akin. Lumingon ako at isang gwapo at matipunong lalaki
ang nakita ko. Mas matangkad si Gerald ngunit hindi sila nagkakalayo ng
hitsura. Ngumiti siya sa akin. Nakatingin lang ako sa mukha niya. Nagtataka.
Madaming gusting itanong. “Ako nga pala si Bryan. Kaibigan ni Gerald. Yung
nakausap mo sa celphone from Houston? Ibinilin ka niya sa akin. Sana hayaan
mong tulungan kitang bumangon muli.” “Kailan ka pa dumating dito?” “Nang araw
na namatay siya, hindi ko na siya naabutan pero sa celphone nakapangako ako sa
kaniyang ako ang mag-aalaga’t titingin muna sa iyo. Sana maging bukas ka sa
pagdating ng mga pagbabago sa iyong buhay. Hindi ako nagmamadali. Handa akong
maghintay. Basta nandito lang ako hanggang handa ka na muling humarap sa bagong
yugto ng buhay.” Hindi na ako nagsalita. Naalala ko ang sumpa ko kay Gerald.
Pinaghandaan niya lahat. Ibinigay niya ang lahat ng mayroon siya. Inakbayan ako
ni Bryan nang tumalikod kami sa puntod ni Gerald. Babalik ako. Hindi siya
mawawala sa aking alaala. May natatangi siyang lugar sa puso ko't buong buhay.
Walang sinuman ang papalit sa kaniya doon ngunit may nakalaan paring bahagi ng
puso ko sa iba. Iyon ang binitiwan kong sumpa sa kanya. Hindi ako magsasawang
bisitahin siya sa kaniyang libingan kasama ang kaibigan niya… kasama ng
lalaking pinagkatiwalaan niya para sa akin.
wakas................
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento