Linggo, Marso 17, 2024

Series From Other Blog # 19 - Everything I Have (Chapter 9) By: Joemar Ancheta (From: hotpinoyparkzonestories)

 


Everything I Have (Chapter 9)

By: Joemar Ancheta

(From: hotpinoyparkzonestories)

 

Kung nasanay tayong binigyan ng sapat na oras ay ninanais nating mas higit pang panahon ang ibibigay sa atin. Kung hindi man higit pa doon sa dati, gusto natin na sana walang magbago. Kung nakaramdam tayo ng pagmamahal, gusto nating manatili ang init ng pagmamahal na iyon sa bawat sandali hanggang sa tayo ay nabubuhay. Kadalasan ay naghahanap pa tayo ng higit pa sa dati niyang ipinaparamdam. Tama ngang walang tayong kakuntentuhan. Hindi tayo marunong makuntento sa kung ano ang meron tayo at kayang ibigay ng ibang tao lalo pa sa taong pinag uukulan natin ng pagmamahal.

Nagiging palagian na ang paglabas ni Gerald sa ibang bansa. Ang dati’y palagiang pagtawag niya kung nasa labas siya ng bansa ay naging tawag na lamang kapag matutulog na siya hanggang pati good night niya minsan ay nawala na din. May karapatan akong magtampo ngunit hindi ko ginawa. May mga pagkakataong gusto ko siyang tanungin ngunit mas pinili ko munang manahimik. Ngunit minsan, kahit gaano mo kagustong magsawalang-kibo na lamang ay lalabas at lalabas ang tunay mong niloloob.

Kapag umuuwi siya ay may mga dala-dala pa rin naman siyang pasalubong sa akin ngunit napansin kong pinipilit niya na lang maging masaya kapag kasama niya ako at may mga pagkakataong bigla na lamang siyang aalis na parang nagmamadali.

“Nagiging madalas yata ang pagpunta mo ngayon sa Houston, Texas. Huwag mong sabihin na may negosyo pa kayo do’n.”

“Pasensiya ka na. May mga pinapaasikaso kasi si Dad do’n at sana huwag na natin pag-usapan pa ang tungkol dito.”

“Nagtataka lang ako kasi in almost two months ay tatlong beses ka ng pabalik-balik do’n. Iba na talaga kapag mayaman. Baka naman may ibang dahilan kaya ka do’n pumupunta. Pati studies mo tuluyan mo ng napababayaan.”

“Bhie naman, di ba sabi ko, huwag na natin pag-usapan pa ang tungkol dito?” Hinawakan niya mga kamay ko. Tumitig siya sa aking mga mata. Sinalubong ko ang mga iyon. Nakita ko doon ang pakiusap. Ang pagsusumamong huwag ng mag-ungkat ng mga bagay na pwedeng pagtalunan.

“Okey, fine.” Tumayo ako. Pinigilan ko na lang ang bunganga kong mag-usisa pa dahil alam kong kahit anong pilit ko ay hindi rin niya ako sasagutin. Nag-isip ako ng iba pang puwedeng pagkaabalahan para mailayo na ang usapan tungkol sa madalas niyang pang-iwan sa akin dito sa Pilipinas.

“Hmnnn… sige, ipagluluto na lamang kita.”

Hinintay ko siyang sundan niya ako sa kusina ngunit hindi siya sumunod. Nami-miss ko na yung habang nagluluto ako ay kinakantahan niya ako. Mga sandaling sinanay niya ako sa kakaiba niyang pagsinta. Inisip ko na lamang na baka pagod lang siya. Malapit na akong makapagluto at inaayos ko na ang mesa para tawagin siya nang nagmamadali siyang bumaba.

“I really have to go. May susundo na sa akin dito.” Balisa ang kaniyang mukha.

“Akala ko ba kakain ka dito. Nagluto pa naman ako ng paborito mong menudo.”

“Sige. Tikman ko na lang.”

Pagkuha niya sa tinidor, tumunog muli ang cellphone niya.

“I’m sorry bhie. Kailangan ko ng umalis. I love you!”

Nilapag niya ang sana ay isusubo na niyang niluto ko at pagkatapos niya akong dampian ng halik sa labi ay nagmamadali na siyang lumabas. Sinundan ko siya at sinilip sa may bintana. Hindi yung driver niya ang sumundo sa kaniya, bagong mukha. Mas matanda lang siguro sa akin ng lima hanggang pitong taon ngunit guwapo din at maganda ang katawan. Bumaba iyon at pinagbuksan siya sa likod ng kotse.

Hindi iyon mukhang driver lang niya dahil sa pananamit at kilos, isa itong maykaya at edukadong tao. Bumalik ako sa kusina. Tinitigan ko ang niluto ko. Kanina lang nakaramdam ako ng gutom ngunit ngayon ay parang wala na akong ganang kumain. Binalik ko na lang ang mga plato sa lagayan. Nilagay ang ulam sa Ref at pumasok na lang ako sa kuwarto. Nabuo ang takot, nabawasan ang tiwala at sunud-sunod ang aking buntong-hininga.

Kailangan kong malaman ang totoo. Oras na malaman kong niloloko lang niya ako ay magtutuos kaming dalawa. Sinubukan kong tawagan siya sa kaniyang celphone ngunit nakapatay na ito. Lalo akong naghinala. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala na akong ganang gumawa ng kahit ano. Ang tanging nasa isip ko ng panahong iyon ay ang makausap siya. Hindi ko na kasi gusto ang nararamdaman ko at kailangan kong malaman kung nasaan siya at sino ang sumundo sa kaniya. Napakabigat ng dibdib ko sa mga sandaling iyon. Parang sasabog ngunit hindi ko alam kung anong emosyon ang naroon? Galit? Pag- aalala? Selos? Takot na iwan ako’t masaktan? Anong buhay mayroon uli ako kung tuluyan na siya sa akin na mawala? Paano ang pagmamahal ko sa kaniya. Paano ako?

Tuluyang binagtas ng luha ang aking mga pisngi, umiiyak ako. Sa unang pagkakataon ay iniyakan ko ang isang lalaki. Nasasaktan ako sa mga maaring mangyari kahit pilit kong pinauunawa na lahat ay mga kutob lamang, Kinuha ko ang cellphone ko. Muli ko siyang tinawahan ngunit nanatiling nakapatay ito. Hindi ako sumukong tawagan siya ng tawagan ngunit hindi niya binubuksan ang celphone at ang labas, magdamag akong hindi nakatulog sa takot na inaagaw na si Gerald sa akin.

Kinabukasan ay hindi ko din siya nakita sa campus namin. Nagiging palagian na ang pagliban niya sa kaniyang mga klase. Tuluyan na nga niyang napapabayaan ang kaniyang pag-aaral. Napapabuntong-hininga ako. Kapag nasa library ako at nakaupo sa dating tagpuan namin ay parang lalo akong pinapatay kapag naaalala ko ang mga dapat sana ay masaya naming nakaraan. Tinatamaan ako ng kakaibang lungkot kapag nadadaanan ko ang tambayan namin sa may canteen. Kahit sa gate kapag lumalabas ako sa campus namin ay nami-miss ko ang kaniyang mga sitsit o kalabit at sinasabayan niya akong maglakad hanggang sa apartment na nirerentahan niya para sa akin.

Dadaan kami ng makakainan o kaya ay lalabas kami at doon na magdidinner sa paborito naming restaurant. Pinipigilan ko lang ang muling maiyak. Pilit kong pinaiintindi sa sarili ko na bakit ako iiyak kung wala pa naman akong pinanghahawakan na ebidesiyang may iba nga siya.

Hanggang sa dumating ang pang 14th monthsary namin. Alam kong kahit minsan ay hindi niya nakakaligtaan ang araw na iyon. Tumawag siya sa akin nang maaga at binati niya ako ng happy 14th monthsary. Sandali nga lang ang tawag na iyon at alam kong pupuntahan niya ako kinagabihan. Sa akin siya matutulog dahil nakasanayan na namin na kapag mga ganoong araw ay magdamag kaming magkasama.

Inagahan kong nagluto ng mga paborito niya. Bumili na rin ako ng maiinom naming alak, hinanda ko na ang aming kuwarto at alam kong sa bandang alas siyete ng gabi ay darating na siya. Siguradong may surpresa na naman iyon na dadalhin para sa akin. Ngunit alas-otso na ay hindi parin siya dumating. 8:30 nang may kumatok sa pintuan ko na at nang buksan ko ay isang lalaki na may dalang box ng chocolate at may kabigatang gift. May maliit ding note--- “I tried to come but I can’t personally give you this gift for some complexities. Babawi ako. Happy 14th monthsary baby.”

Hindi ko alam kung bubuksan ko ba ang gift niya sa akin o ibalik na lang sa pinagbigyan niya. Ngunit sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong maging matatag. Buhayin ang tiwala dahil kung sasabayan ko siya sa mga ganitong pagkakataon. Kung hindi ako magpakatatag para sa aming dalawa at aawayin baka lalong maging kumplikado ang lahat. Binuksan ko ang binigay niyang gift. Isang laptop. Nilapag ko ito sa mesa. Alam niyang iyon ang isa sa mga gusto kong mabili. Iyon ang gusto kong sana ay magkaroon ako balang araw dahil kailangan ko din iyon sa aking pag-aaral.

Ngunit nang mahawakan ko iyon at hindi siya ang nagbigay ay parang wala akong ganang buksan pa iyon. Hindi ko naman kailangan ang kung anu-anong material na bagay kung wala din lang ang taong mahal ko. Hindi ko na napigilan pa ang aking mga luha nang ibalik sa ref ang lahat ng aking inihanda. Dinala ko na lang ang chocolates at ang binigay niyang bagong laptop sa aking kuwarto. Pinatay ko na ang ilaw at kahit nasaktan ako ay pinilit kong makaidlip. Kahit napakahirap akong dalawin ng tulog sa sakit ng loob ay pilit kong inisip na mahal parin niya ako. Hindi niya ako bibigyan ng ganoong kamahal na regalo kung hindi niya ako mahal.

Hindi pa ako ganoon katagal nakatulog nang naramdaman kong may yumakap sa akin ng mahigpit at basa ang leeg ko. Si Gerald lang ang alam kong may duplicate ng susi sa bahay at pabango niya ang naamoy ko. Ngunit umiiyak siya. Humahagulgol siya habang yakap niya ako.

“I’m sorry baby. I’m so sorry kung nagiging marami na akong pagkukulang sa iyo. Hindi ko ginusto. Hindi ko din sinasadya.”

Bumangon ako.binuksan ko ang ilaw para makita siya. Nakapantulog lang ito. Gulo ang buhok na parang nagmadali lang makahabol. Umiiyak siya.

“May problema ba?” tanong ko.

Ngunit imbes na sagutin ako ay hinila niya ako sa kama at niyakap ng sobrang higpit.

“Hindi ko kayang magkakalayo tayo. Hindi ko kayang iwan ka ngunit parang iyon ang mangyayari bhie. Mahal na mahal kita at gusto kong tandaan mo iyon kahit ano pa ang mangyayari.”

“Hindi kita maintindihan.”

“Alam ko na mahirap mong intindihin ang lahat. Hayaan mo na. Ayaw kong pati ikaw ay maaapektuhan kung anuman ang problema ko ngayon. Halika nga dito at nami-miss kitang yakapin.”

Pinunasan niya ang kaniyang mga luha. Pinilit niyang ngumiti. Sinipat ko ang oras sa dinding. Mag-aalastres na pala ng madaling araw. Humiga na rin ako sa tabi niya. Niyakap niya ako. hinalikan ko ang labi niya at muli kaming nakatulog na may ngiti ako sa labi. Mahal niya ako.

Kinaumagahan ay nagluto ako ng almusal namin pagkatapos naming masayang sinet-up ang regalo niyang laptap sa akin. Masaya kaming nagsalo noon at nang matapos kaming kumain ay sinabi niyang siya na ang magliligpit sa aming pinagkainan. Bumalik ako sa kuwarto at nakita ko ang celphone niya. Naalala ko ang lalaking sumundo sa kaniya noon. Kung totoo ang kutob ko, maaring hindi siya nagbura sa inbox niya at tiwala din siyang hindi ko pinakikialaman ang celphone niya. Pagkakataon ko na din iyong malaman kung sino ang lalaking iyon.

“I don’t allow you to go out today. Stay in your room and take a rest.”

“Tomorrow meet me around 6:30 in the same place dahil ayaw mo naman akong puntahan kaya mas mainam na doon na lang tayo sa dating pinagtagpuan natin. Take Care.”

Tinignan ko ang sent items niya pero empty iyon. pero sa call register niya, sila ang laging nagtatawagan ng Joey na iyon. Joey ang pangalan ng ipinapalit sa akin. Pero kulang pa ang nakuha kong imporamasyon. Kulang pa para ipamukha ko sa kaniya ang ginagawa niyang kalokohan. Kaya pala sinabi niyang hindi siya puwedeng makipagkita dahil pinagbawalan siya at nagpuslit lang ito nang madaling araw na para makita ako. Pagdating niya sa kuwarto ay nakangiti siyang yumapos sa akin.

“Maligo ka na baby, sama na ng amoy mo.” Biro niya sa akin habang hinahalikan niya ang braso ko.

“Mamaya. Bhie, labas naman tayo mamayang 6:30?” gusto ko lang siyang huliin. “6:30? Bakit hindi na lang ngayon? Kasi ‘di ako nakauwi so kailangan kong umuwi ng 5 mamaya para hindi magalit si Daddy kasi ‘di ako nagpaalam sa kaniya kagabi. Baka pagalitan ako kung gagabihin pa ako ng uwi.”

Nagsisinungaling na siya sa akin. Naisip kong sundan siya ng 6:30 kung saan sila magkikita ng lalaking iyon. Ngayon ko malalaman ang lahat. Pinasundan ko ang sasakyan niya. Kahit magbayad ako ng magkano basta malaman ko lang kung ano ang ginagawa niya. Sa kaniya naman galing ang pera na ginagastos ko dahil pinahinto niya akong magtrabaho kaya gagamitin ko din sa pag-iimbestiga tungkol sa kinalolokohan niya ngayon.

Dumaan sa bahay at sa malapit sa gate na lang ng subdivision ako naghintay gamit ang inarkilahan kong taxi. Kalahating oras lumabas na muli ang sasakyan niya kasama ang driver niya at pinasunod ko sa taxi ang kanilang sasakyan. Huminto sa isang class na restaurant at nang alam kong nakapasok na siya ay sumunod na din ako pero sumilip muna ako. Kitang-kita ko ang pagyakap ng lalaki at ang pagtapik naman ni Gerald sa likod ng lalaki at umupo na sila. Mabuti na lamang at nakatalikod si Gerald sa pintuan kaya hindi niya nakita ang pagpasok ko. Medyo magkakalayo kasi ang mga mesa kaya hindi ko marinig ang kanilang usapan.

Pumuwesto ako sa medyo tago sa kanila ngunit makikita ko ang mga reaksiyon ng kanilang mga mukha. Seryoso ang kanilang pag-uusap. Nilapit ng guwapong lalaki ang upuan niya kay Gerald at may nilabas itong papel. Matagal nilang tinignan ang papel na iyon at habang nagsasalita ang lalaki at titig na titig si Gerald sa kaniya na parang interesado siya sa lahat ng sinasabi ng lalaki. Hanggang nakita ko na lamang na iniabot ng lalaki ang panyo kay Gerald at nagyakapan silang dalawa. Mahigpit ang yakap na iyon at dahil hindi ko na kaya pang makita sila ganoong tagpo ay umalis na ako. Umiyak ako sa kuwarto ko nang gabing iyon.

Bakit naglilihim si Gerald sa akin? Bakit kailangan niyang magtago sa akin. Kung nagmahal naman siya ng iba maliban sa akin ay mas mainam sanang ipagtapat niya nang hindi ako nasasaktan ng ganito. Tumawag siya ng gabing iyon para magsabi ng good night ngunit hindi ko siya magawang tanungin o sabihin tungkol sa pakikipagkita niya kay Joey. Ayaw kong isipin niyang minamanmanan ko na ang bawat kilos niya. Kaya ko pa namang tiisin ang lahat. Kaya ko pang magtiis hanggang siya na mismo ang magsabing hiwalay na kami.

Ngunit kung patuloy niya akong paglilihiman at patuloy siyang makikipagkita sa lalaking iyon ay mabuti pang sabihin ko na din sa kaniya ang aking nalalaman. Dumalaw siya kinabukasan. Medyo nakaramdam ako ng panlalamig mula sa kaniya. Parang laging hindi siya mapakali at malalim ang iniisip. Kung may tatawag ay pumupunta siya sa banyo, isasara ang banyo at doon siya makipag-usap bagay na hindi naman niya ginagawa dati. Basta tahimik lang siya habang niyayakap niya ako. Tahimik lang siyang hinahalikan ako na parang malayo ang iniisip.

“May iniisip lang ang baby mo ha? Hayaan mong yakapin lang kita.”

Ako man din ay tahimik din lang pero naroon ang pagpupuyos ng damdamin. Galit ako sa ginagawa niyang paglilihim. Maraming tawag sa kaniya at pabalik-balik siya sa banyo. Gusto kong makita at mabasa ang inbox niya. Parang iyon lang kasi ang tanging paraan para malalaman ko kung sino ang kausap niya at katext. Nang bumaba siya at nakitang walang laman ang refrigerator na pagkain ay nagpaalam siya sandali para maggrocery lang daw. Hindi na niya ako pinasama dahil abala ako sa pagrereview.

Nagpalit siya ng short at nakita kong pitaka lang niya ang hinugot niya doon. Naiwan ang celphone niya. Pagkaalis na pagkaalis niya ay nakita kong si Joey ang madalas niyang kausap sa celhphone. Nabasa ko din ang isang text na ganito ang laman. “See me na lang sa airport bukas. Baka aabutin tayo ng 2 weeks sa Houston kaya better if you just drop all your subjects, Afterall, baka matatagalan na tayo doon sa next visit natin kaya mas magandang malinis ang record mo sa school.”

Si Joey pala ang lagi niyang kasama kapag pumupunta siya ng Houston. Siya pala ang dahilan kung bakit hindi na siya nakakatawag kapag nasa ibang bansa na siya. Hindi ko napigilan ang pag-agos ng aking luha. Nanginginig ang buo kong katawan. Parang gusto kong magwala. Hindi ko na mapapalampas ang lahat. Hindi ko kayang maging martir. Magtutuos kami ng Gerald na ito pagbalik niya. Hinanda ko na lahat ang aking sasabihin. Hindi ko na kayang kontrolin ang galit ko at kung may kailangang tapusin ay tapusin na kaysa sa tatagal ako sa ganitong kalagayan. Kung sa kaniya ay madali lang sirain ang pag-aaral niya, ako, hindi ko kayang gawin iyon. Higit isang taon na lang doctor na ako. Hindi ako makapapayag na siya ang dahilan na hindi ko matapos ang nasimulan ko. Ngayon niya makikita kung sino si Mario. Kailangan kong malaman ang buong katotohanan tungkol sa Joey na ito.

 

Itutuloy…..

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...