Everything I Have
(Chapter 15)
By: Joemar Ancheta
(From: hotpinoyparkzonestories)
Pagkababa namin sa
mga ilang gamit namin ni nanang sa sala ng bahay ay hinanap ko kaagad si
Gerald. Nami-miss ko na siya ng husto. Ngayon ko gustong bumawi sa kaniya.
Gusto kong punan ang ginawa kong pagpapahirap sa kaniyang kalooban. Ang ilang
buwan niyang pag-iyak. Ang hindi ko pakikinig sa kaniyang mga pakiusap sa akin.
Ang kaniyang pagmamakaawang hindi ko tinugon. Sa kabila pala ng paglayo ko sa
kaniya ay wala naman siyang ibang ginawa kundi ang ayusin ang pamilya ko. Siya
ang dahilan kung bakit ko nahanap at nakilala ang ama ko. Siya din ang gumawa
ng paraan para lumaya si nanang sa kulungan. Siya din ang humiling na dapat ay
magkakasama na kaming buong pamilya sa iisang bahay. Lahat na ay ginawa niya sa
akin. Lahat na ng meron siya ay buong puso niyang ibinigay kapalit man niyon ay
ang sobrang pagpapahirap ko sa kaniyang kalooban.
“Nasaan si Gerald
yaya?” tanong ko nang makita ang yaya niyang pababa sa hagdanan.
“Nasa kuwarto po
niya Sir. Puntahan niyo na lang. Diretso ho kayo dito at kakaliwa kayo.”
Halos liparin ko
ang hagdanan at nang buksan ko ang pintuan ng kuwarto niya ay nakita ko siyang
tulog habang nakaupo sa may ulunan niya si Joey. Lumapit ako sa kaniya at
pinagmasdan siya. Hindi na siya ‘yung dating Gerald na makulit nang makilala ko
siya sa library, ang guwapong Gerald na humahablot sa notebook ko, ang makisig
na Gerald na tiga hatid-sundo ko, ang mala-Adonis na Gerald na kumakanta habang
nagluluto ako at mapagmahal kong baby na siyang minahal ko ng husto. Pumayat
siya ng husto. Mapusyaw at kalbo.
Tulog siya nang
dumating ako at ang pagkakita ko sa ganoong sitwasyon ang tuluyang nagpahina sa
akin. Hindi ko naisip na madatnan ko siya sa ganoong kalagayan. Wala sa isip
kong may sakit siya at bago ako nakapagsalita ay tumulo na ang aking luha.
Hinila ako ni Joey sa labas ng kuwarto.
“Ako ang family
doctor nila. Ito din ang dahilan kung bakit kami pumupunta ng Houston. Ayaw
niyang mag-alala ka sa sakit niya. Gusto niyang manatili siya sa iyo katulad
nang nakilala mo siya. Pinipilit niyang makipagkita sa iyo kahit inaatake na
siya ng halos hindi niya makayanang sakit. Hindi ko siya mapigil na puntahan ka
kahit maysakit siya kaya nga lagi niyang dala ang mga gamot niya kahit saan
kayo magpunta. Lahat ay gusto niyang gawin para sa iyo. Hindi niya inisip ang
sarili niya. Ang laging sinasabi niya kapag nasa Houston kami ay lahat ng
ginagawa niya ay para sa iyo. Gusto niyang gumaling para sa iyo. Ayaw niyang
mamatay siya dahil hindi niya kayang iwan ka.”
Nangingilid ang
luha ni Doctor Joey.
“Wala na ba siyang
pag-asang gumaling, Dok?” humihikbi kong tanong.
“Malapit ka ng
maging doctor. Alam kong nagkakainitindihan tayo kung sasabihin ko sa iyong
Grade IV na ang tumor niya. Which means the tumor grows very aggressively and
it so impossible to treat lalo na ay kumalat na din ang cancer cells sa utak
niya nang maipakita namin sa Anderson Cancer Center dahil alam kong iyon ang
pinakamahusay na hospital ng cancer sa buong mundo. Sa tuwing umaalis kami noon
ay lagi niyang nirereklamo ang sakit ng pagkakalayo ninyo hindi ang sakit na
nararamdaman niya. Ngunit kailangan niyang gawin iyon para humaba pa ang buhay
niya at magkasama kayo. Puno siya noon ng pag-asa. Lahat ay ginagawa niya
gumaling lamang siya ngunit nang iniwan mo siya, tuluyan na rin niyang
pinabayaan ang sarili na parang wala nang ganang ituloy pa ang kaniyang laban.
Mas nagiging pursigido pa siya sa kaso ng nanang mo kaysa sa pagpapagamot niya
dahil ayon sa kaniya, gusto niyang iwanan ka ng isang buong pamilya at masaya
na siyang mamatay kung makita niyang nagiging buo na kayo.”
“Bakit hindi ninyo
sinabi sa akin ang lahat ng ito noong nag-usap tayo dok?” di ko mapigilan ang
di mapahagulgol.
“Hiling niyang
hindi mo na dapat pang malaman ang kondisyon niya dahil nga pursigido siyang
magpagaling. Tiwala at buo ang pag-asa niyang gagaling siya dahil sa pagmamahal
mo. Ayaw niyang mag-isip ka ng iba kundi ang pag-aaral mo lang dahil alam niya
kung gaano iyon kahalaga sa iyo. Gusto niyang mapanatili mo ang iyong
konsentrasyon sa pag- aaral.”
“Dok,hindi ko alam
ang gagawin ko kung tuluyan na siyang mawala sa akin.”
“Gano’n din siya sa
iyo. Ngayon lang ako nagkaroon ng pasyenteng kahit sa gitna ng kaniyang
paghihirap ay mas iniisip niya ang para sa mahal niya. Lagi kong naririnig na
isinisigaw niya ang pagmamakaawa niya sa Diyos at ganito ang laman ng lagi
niyang panalangin… “Diyos ko, ibalato mo
na sa akin ang buhay ko para sa baby ko. Kunin mo na lahat lahat ng kahit pa
talino ko, lahat ng material na bagay na mayroon ako… ng kahit anong magandang
kinabukasan para sa akin huwag lang ang buhay ko dahil hindi ko kayang
maihiwalay sa taong mahal ko. Hindi ko siya kayang iwan Diyos ko.”
“Bakit hindi
nakinig ang Diyos? Bakit hinayaan niyang naghihirap parin siya?” pasigaw ko na
iyong nasabi.
“May dahilan ang
Diyos kung bakit niya ginawa ito sa inyo. Hindi mo man ngayon nakikita dahil
nauuna ang galit at pagdadalamahati mo ngunit sa pagdaan ng buwan o taon,
malalaman mong may dahilan din ang Diyos sa pagdating ni Gerald at ang tuluyan
din niyang paglaho sa buhay mo.”
“Anak!” boses ni
Daddy sa likod ko.
“Dad, bakit ganon?
Bakit ito ang kapalit ng pagkabuo natin. Daddy ayaw kong mamatay si Gerald.
Hindi ko kakayaning mawala siya sa atin. Bakit siya pa Dad? Bakit hindi niyo
ito sinabi sa akin?”
“Dati tinanong ko
na rin ang Diyos tungkol diyan ngunit sa pagdaan ng araw ay natanggap ko na
lalo na nang nakausap ko si Gerald at buong puso na rin niyang tinanggap ang
kapalaran niya. Walang may gustong mamatay si Gerald anak. Napakabuti niyang
tao. Kayanin natin ang maaring pagkawala niya sa atin kahit gaano pa iyon
kasakit. Hindi ko alam kung bakit siya ngunit ayon sa kaniya, siya ang binigyan
ng Diyos ng ganoong karamdaman dahil alam ng Diyos na sa ating lahat, siya ang
pinakamatatag at siya din ang kailangang maghintay sa taas. Hindi ko sinabi ito
sa iyo dahil sa kahilingan niya. Gusto kong gawin mo ang kaisa-isa niyang
hiling sa ating lahat. Walang luluha sa harap niya. Walang magpapakita ng awa,
walang magpapakita ng kahinaan. Irespeto natin ang kagustuhan niyang iyon. Alam
kong hindi mo kaya iyon ngunit nakikiusap akong kayanin mo tulad ng
pagsasakripisyo niyang hindi niya hinayaang maapektuhan ka sa kaniyang
karamdaman. Anak, hiling niya iyon na alam kong mahirap mong gawin ngunit
kailangan nating ibigay sa kaniya. Kung hindi mo pa kaya, pumunta ka muna sa
kuwarto mo, isigaw mo doon ang sakit ng loob mo. Iiyak mo doon ang paghihirap
ng kalooban mo at pagbalik mo sa kuwarto niya, lahat ng naipon diyang sakit ay
kaya mo ng pigilin kung nasa harap mo na siya. Ganyan ang ginagawa ko anak bago
ko siya harapin.”
Ginawa ko ang
hiling ni Daddy. Nagbasag ako sa sobrang pagsisisi ko sa mga nagawa ko sa
kaniya. Sinuntok-suntok ko ang dibdib ko. Sumigaw ng ubod ng lakas. Lumuha,
humagulgol, umiyak ng umiyak ngunit hindi ko kayang ubusin ang sakit. Naroon
iyon na parang bukal na pabalik-balik. Parang dagat na hindi maubusan ng tubig.
At noon alam kong hindi ko maipapangakong kaya kong magpakatibay sa harap ng
taong nasaktan ko ngunit nanatiling tapat sa kaniyang pangako. Kinahapunan ay
kinatok ako ni Dok Joey sa kuwarto ko. Gising na daw si Gerald at kailangan ko
ng ihanda ang aking sarili sa muli naming pagkikita. Kailangan ko daw patatagin
ang loob ko. Hindi ko alam kung paano ko gawin ang hiling niya. Hindi ako
makakapangakong kaya kong labanan ang pagluha.
Pagpasok ko ay
nakita ko siyang nakasandal sa unan. Taglay nito ang kakaibang ngiti. Walang
nakikitang paghihirap sa kaniyang mukha. Maaliwalas ang kaniyang pagkakangiti
sa akin at nang mabungaran niya ako ay itinaas niya ang dalawang kamay at
isinigaw niya ang katagang… “Hey baby ko!”
Mabilis akong
lumapit sa kaniya at niyakap ko siya. Pilit kong pinigilan ang pagluha. Niyakap
din niya ako. Mahina ang kaniyang pagkakayakap ngunit sinikap niyang higpitan
iyon. Tumuloy ang pag- agos ng aking luha ngunit ayaw kong ipakita iyon kaya
panakaw kong pinusan iyon sa aking kamay at tinagalan ang pagkayakap ko sa
kaniya nang di niya makita ang basa kong mga mata.
“Patawarin mo ako.
Hindi ko po alam kung papaano ako babawi sa iyo bhie. Sorry… Sorry… Sorry.
“Shhhh! Tahan na
bhie. Huwag mo ng itago ang pag-iyak mo dahil alam kong umiiyak ka. Iyakin ka
kayang baby ka.”
Pilit niyang
pinasaya ang pag-uusap namin, ngunit kahit kailan hindi ko nakitaan ng
pagkatuwa ang nangyayaring ito sa amin.
“Sorry na po
talaga!” tuluyan ng yumugyog ang balikat ko.
“Sa pagmamahal
hindi kailangan ang salitang patawarin dahil kung tunay kang magmahal kasama
nito ang pagtanggap mo sa kabuuan ng mahal mo hindi lamang ang kaniyang mga
kalakasan bagkus mas dapat pang mahalin ang kaniyang mga kahinaan nang malaman
mong siya ay katulad mo ding nagkakamali.”
“Salamat baby.
Paano kaya ako babawi sa iyo?”
“Sige simulan mo ng
bumawi ngayon. Gusto kong ituring mo ako katulad ng dati, iyong baby mong
malakas at walang sakit. Gusto kong lagi kang nakatawa o nakangiti. Sige,
puntahan natin sina nanang at daddy sa garden sa may pool. Sabayan natin sila
sa hapunan. Matagal na akong hindi nakakalabas at ngayong nandito ka na ay
gusto kong gawin muli ang dati nating ginagawa.”
Napakasaya ng
hapunang iyon sa akin. Katabi ko ang mahal ko at kaharap ko ang nagkabalikang
mga magulang ko. Wala ni isa sa amin ang bumanggit tungkol sa karamdaman niya.
Tanging mga masasayang alaala naming dalawa ang naging paksa at ang mga
nakaraan nina nanang at daddy din ang paminsan-minsan ay tinatanong ni Gerald.
“Nang, bukas po
baka darating na po yung magtuturo sa inyo sa mga basics ng pagbabasa at
pagsusulat. Huwag po sana kayo mainsulto pero kailangan po ninyo iyon lalo na
kapag gawin kayong Manager ni Daddy sa isa sa mga shops niya. Nabayaran ko na
din kaya huwag na kayong tumanggi pa.” nakatawang balita ni Gerald.
“Gano’n ba? Salamat
anak. Iyan talaga ang gusto kong gawin.”
Tumitig ako kay
Gerald. Naisip kong bakit lumikha ang Diyos ng katulad niya at kukunin din siya
kaagad sa amin. Napakalupit naman ng kapalaran na kung sino pa ang may mabuting
kalooban ay sila pa ang maagang kinukuha ng Diyos. Ayaw kong lumuha kaya kinuha
ko ang tubig sa harapan ko at inubos ko ang laman niyon. Nagkatabi kami sa
pagtulog ni Gerald. Nakayakap ako sa kaniya magdamag at sa tuwing nagigising
siya ay haharap siya sa akin ay hahalikan ang labi ko sabay sabihing…”Baby
naghihilik ka!”… kahit hindi naman.
At kung sakaling
makatulog ako at matanggal ang braso kong nakayakap sa kaniya ay magmamaktol na
parang bata. Titigil lamang siya kung muli kong hihigpitan ang pagyakap sa
kaniya. Kinabukasan ay maaga niya akong ginising. Kailangan daw magpalit na ako
at huli na ako sa intership ko. Pagkaligo ko ay nasa kusina na siya at
hinihintay niya ako para sabayan ng agahan. Kahit medyo mahina na siya ay pilit
pa rin siyang sumasama na ihatid ako sa clinic na pinag- iinternan ko at
pagdating ng hapon ay naroon din siya para sunduin ako.
Masayang-masaya
siya sa tuwing sasakay na ako at yayakapin niya sabay sabing…”Yeyyyyy dito na
mahal kong baby!”
Pagkaraan ng dalawang
linggo ay kinausap ako ni Doctor Joey. “Bumubuti ang kalagayan niya. Parang
lalo siyang nagiging malakas sa ngayon hindi katulad ng wala ka sa tabi niya.
Kailangan lang nating maghanda dahil magiging palagian na ang pag-atake ng
sakit niya. Pero kung titignan mo siya ngayon, parang lalo siyang lumakas at
sumigla. Tignan mo nga naman talaga ang nagagawa ng pag-ibig ano?” nakangiting
balita niya sa akin.
Dalawang linggo
pagkatapos naming kumain ng hapunan. Sinabi niyang pupunta na kami sa kuwarto
para manood ng paborito naming mga Romantic Comedy movies. “Bhie, pasuyo
lumabas ka muna dito sa kuwarto kahit ilang oras lang. please!”
Alam kong may mali
at inaatake siya ng sakit niya. “Bhie, hindi kita iiwan dito lang ako. Sandali
at kukunin ko ang mga gamot mo.”
“Ayaw kong makita
mo ako sa ganitong sitwasyon kaya parang awa mo na. umalis ka na muna
hahhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!”
Alam kong hindi na
niya makayanan ang sakit ng kaniyang ulo. Namumula ang buong mukha niya. Hawak
niya ang ulo at umiikot-ikot na siya sa kama niya na may kasabay na pagsipa.
Umiiyak lang akong nakamasid sa kaniya. Pilit kong pinainom ng gamot niya
ngunit sumuka lang siya ng sumuka. Pinakalma ko siya.
“Baby, huminga ka
ng malalim. Hinga ng malalim at kahit sandali lang ay tumigil ka. Kaya mong
pigilan yan baby, Please.”
Kinagat niya ang
labi niya. Tumingin siya sa akin namumula ang mga mata at may mga luha sa gilid
nito. Naawa ako sa kaniya dahil alam kong sobrang sakit na ngunit kailangan
niya akong sundin. Tinurok ko ang injection sa kaniya at pagkatapos no’n habang
hinihintay naming umepekto ang naiturok sa kaniya ay niyakap ko siya ng
mahigpit. Alam kong masakit na masakit ang ulo niya at nagsusuka dala ng
kaniyang sakit at hinayaan ko lang na masukahan niya ako basta hindi ko siya iiwan.
Hindi ko siya kayang iwang mag-isa.
Pagkaraan ng ilang
saglit ay humina na ang kaniyang pagkakayakap sa akin at alam kong makakatulog
na siya. Muli kong pinagmasdan. Alam kong kahit ano ang gawin ko, kahit pa
doctor ako ay tanging Diyos na lamang ang makakatulong sa kalagayan niya. Sana
maawa ang Diyos sa amin. Sana bigyan niya kami ng himala. Kahit sa buong buhay
namin ay ngayon lang niya kami mabalatuhan ng kaniyang himala.
Dalawang linggo pa
bago ang aking graduation ay niyaya ko siyang lumabas kami. Dinala ko siya sa
restaurant na unang pinangdalhan niya sa akin. Muling bumalik sa alaala niya
ang araw na naroon kaming dalawa. Lahat ng aming mga napagdaanan at pagkaraan
ng isang oras ay tinawag na ang pangalan ko para alayan ang taong mahal ko ng
isang kanta. Muli kong kakantahin ang kantang inalay niya sa akin. May boses
din naman ako hindi nga lang katulad ng ganda ng boses niya ngunit alam kong
mabibigyan ko ng hustisya ang buong kanta.
Pumailanlang ang
intro ng “Everything I Have” at
habang kinakanta ko ay bumabalik ang lahat sa akin. Hindi ko napigilang hindi
maiyak habang kinakanta ko iyon lalo pa’t nakangiti ang mahal kong nakamasid sa
akin. Katulad ko, umiiyak din siya. Alam kong iyak iyon ng sobrang kaligayahan
dahil sa kabila ng pagsubok, buo parin kaming dalawa.
If I could be the perfect man in your eyes I would give
all I'm worth to be a part of your life I could promise the world but it's out
of my hands I can only give you everything I have.
Alam kong ako ang
pinakamalaking bahagi ng buhay niya. May mga pagkakamali man ako ngunit alam
kong dama niyang sobrang mahal na mahal ko din siya. Hindi ko nga lang kayang
ibigay at dugtungan ang buhay niya, ngunit kung sana puwede lang ibalato sa
kaniya ang kalahati ng buhay ko ay ginawa ko na para sabay din kaming
magbabalik sa hiram naming buhay. Kung sana puwede kong ibigay ang bawat
kalahati ng aking hininga ngunit ang kaya ko lang ibigay ay kung anong meron
ako. Siya… lahat lahat ng sa kaniya ay ibinigay niya sa akin.
I never dreamed I could ever feel the way I do I hope
and pray I will always be enough for you I can only do my best I have to trust
you with the rest.
Dumating siya sa
buhay ko at hindi ko inaakalang makakatagpo ako ng taong kakaiba kung magmahal.
Ang taong bumuo sa aking pagkatao. Umaasa ako at nananalangin na sana sapat na
ako para sabihin niyang naging masaya siya sa mundo. Dinadalangin ko na nawa’y
naging kumpleto siya sa pagmamahal ko. Inaasahan kong hihintayin niya ako kung
saan man siya tutungo at doon ay muli naming ipagpapatuloy ang naudlot naming
pag-iibigan. Habang narito pa siya, gagawin ko ang lahat para mapaligaya siya.
Hindi ako perpekto ngunit sisikapin kong maging ganoon sa kaniya at ang mga
hindi ko man magawa ay alam kong siya na ang pupuno. Parang hindi ko na kayang
ituloy ang kanta. Sobrang mabigat na ang dibdib ko at hindi na ako makahinga.
Napaupo ako at yumuko na lamang sa kaiiyak nang biglang may tumuloy sa lyrics
ng kanta…
I promise I will hold you through the changes and fears
when life seems unclear and when I can't be right there with you I know there’s
an angel by your side.
Siya ang nagtuloy
sa lyrics na iyon ng kanta. Nakangiti siya habang kinakanta niya ngunit
bumabagtas ang luha sa kaniyang pisngi. Alam kong nanghihina siya ngunit
pinipilit niyang umakyat ng stage habang kinakanta iyon. at nang matapos ang
lyrics na iyon ay hinawakan niya ang kamay ko at pinisil. Sa sandaling iyon,
wala kaming pakialam sa mga naroon at nanood. Ang tanging mahalaga ay ang
sasabihin ng taong mahal ko at hindi ang iisipin ng iba. Hindi ko alam kung
hanggang kailan na lang siya sa piling ko at gusto kong iparamdam ang
pagmamahal ko sa kaniya sa alam kong tama lang para sa katulad niya. Hindi ko
siya ikakahiya at wala na akong pakialam pa sa sasabihin ng iba. Sa harap ng
madaming tao, habang ang lahat ng mata ay nakatutok sa amin ay hinalikan ko
siya sa labi. Hiyawan ang mga naroon. Pumapalakpak. Ang ilan ay may mga luha sa
kanilang mga mata. Nadala sila sa madamdamin naming pagkanta. At ilan sa mga
naroon na kasabay naming umiyak ay mga kakilala niyang nakakaalam sa kalagayan
ng taong kayakap ko… ang mahal kong malapit ng bawiin ng langit sa akin.
Sa pagdaan ng araw
ay lalong nagiging madalas na ang pag-atake ng sakit ni Gerald. Namalagi na si
Doktor Joey sa bahay na katulong ko sa pag-aasikaso sa kaniya. Sa tuwing
nakikita kong namimilipit siya sa sakit ng ulo at nagsisigaw siya habang
mahigpit niya akong niyayakap ay parang ako ang nasasaktan. Sinasabayan ko iyon
ng pagdarasal na sana huwag na siyang pahirapan pa ng Diyos dahil sa katulad ni
Gerald na kabutihan ang ginawa niya sa buong buhay niya ay hindi niya deserve
ang ganoong pagpapahirap. Kung maari lang na ipasa niya ang sakit na
nararamdaman niya sa akin.
Tanging yakap ko at
halik sa kaniyang noo ang tangi kong magawa. Noon ko din napag-isip-isip na
kahit gaano ka pala kagaling na doctor ay may mga sakit ding hindi mo kayang
gamutin at ang lalong napakasakit sa akin ay wala akong magawa sa karamdaman ng
taong sobra kong minahal. May mga gabing nahuhuli ko siyang may ka-chat at mga
litrato ko ang naka-share. Hindi ko alam kung ginagamit niya ang mga pictures ko
sa pakikipagchat ngunit hinayaan ko na lamang siya dahil nakikita ko namang
nawiwili siya sa ginagawa niya. Bigla niya akong gigisingin sa umaga, kukuhanan
ng pictures sa ilang mga anggulo. Tatanggalin niya ang damit ko at tuwang tuwa
siyang kunan ako na tanging boxer short lang ang suot ko.
I-upload niya iyon
sa Facebook account niya o kaya ay i-share sa kung sinuman ang ka-chat niya.
May mga sandali ding nagtatawagan sila ng ka-chat niya at nagulat na lamang ako
ng bigla niyang ipinasa sa akin ang celphone niya. “Bhie, kausapin mo siya,
kaibigan ko yan sa Houston. Sa kanila ako namamalagi noong nagpapagamot ako
doon. Bryan ang pangalan niya.”
Para kay Gerald
kakausapin ko naman at makipagkuwentuhan ngunit ginagawa ko lang iyon dahil
parang natutuwa siyang nakikinig sa usapan namin ng kaibigan niya. Tuwang-tuwa
siya kung nakikita niyang natatawa ako sa jokes ni Bryan. May iba akong
nararamdaman sa ginagawa niyang iyon ngunit hinayaan ko na lang gawin niya ang
lahat na makapagpapasaya sa kaniya. Dumating ang araw ng graduation ko.
Mahinang-mahina na si Gerald ngunit pinilit pa rin niyang sumama para makita
daw niya akong aakyat sa entablado at tanggapin ang diplomang noon ko pa
pinangarap na makamit. Lahat nasa kamay ko na. Lahat ng pangarap ko ay nasa akin
na, maliban sa taong mahal ko. At siya… siya pa na pinakamalahaga sa lahat ng
aking pangarap ang alam kong napipintong mawawala sa akin.
Pagkatanggap ko ng
diploma ko ay itinaas ko iyon at nakita ko ang pagtayo niya at pagpapalakpak.
Nasa mukha niya ang kakaibang saya. Napapaluha siya sa katatawa.
Masayang-masaya ang baby ko sa aking pagtatagumpay. Pababa na ako sa entablado
at babalik sa aking upuan ng bigla na lang siyang nakitang natumba sa upuan
niya. Nang makalapit ako sa kaniya ay buhat na siya ni Daddy na walang malay.
Lahat kami ay
natakot. Ako man din ay humahagulgol na, pero alam kong buhay siya at nawalan
lang ng malay. Isa iyon sa mga simtomas na malala na nga ang tumor niya, ang
pagkawala ng malay. Dinala na namin siya sa hospital ngunit ilang sandali pa ay
nagpilit na siyang lumabas para daw sa maka-attend siya ng party sa bahay
Itutuloy…..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento