Gwapong Estranghero (Part 3)
Habang naliligo ang dalawa
ay siya namang dating ni Mang Pedring. Kaagad na ipinaahin ng miryendang kamote
ng asawa.
-----o0o-----
Sandali lang nagpahinga si
Mang Pedring, makaraan ang ilang sandali ay naligo na sila. Samantala, ang
dalawa ay lumabas ng bahay para magpahangin. Naupo sila sa bench na gawa sa
kawayan.
”Ang sarap dito ano,
mahangin, at presko ha! Hindi tulad sa Manila, polluted pati hangin,” sabi ni
Nomer.
”Masarap ang kwentuhan kapag
may iniinom,” wika ni Mang Pedring na may dalang isang bote ng lambanog, at
isang baso. Kasunod naman ang asawang si Aling Maring na dala ang inihaw na
tamban.
”Pedring, huwag mo namang
lalasingin ang mga bata ha,” paalala ni Aling Maring sa asawa.
”Hindi na sila mga bata Maring.
Mabuti nang paminsan-minsan ay maka-umpukan ko itong mga anak ko.”
”Tay... ano po ba iyan?’
tanong ni Nomer.
”Lambanog ito anak, ito ang
pangumahing inumin dito sa aming baranggay. Ikaw ba’y umiinom ha Nomer?”
”Paminsan-minsan lang po
’Tay, kapag may okasyon at hindi makaiwas. Pakonti-konti lang po naman,” tugon
ni Nomer.
Nagsalin ng katamtamang dami
ng alak sa baso si Mang Pedring at ininom, tapos ay muling nagsalin at inabot
naman kay Elmo. Huling tinagayan nito si Nomer.
Paikot ang tagayan habang nagkukuwentuhan,
karamihan naman ng topic ay sa kahirapan ng pamumuhay dito sa probinsyan nila
na nagkataong ang kanilang barangay ay tila isolated pa sa ibang barangay.
Habang unti-unting nauubos
ang inuming alak ay unti-unti ring ginagapi ng alak ang mag-ama, lalo na si
Nomer na hindi sanay sa inuming lambanog. Naging emosyonal na rin itong si Mang
Pedring habang nagkukuwento.
”Alam mo anak, Nomer,
natutuwa ako at napadpad ka rito sa lugar namin. Hindi ka maniniwala, bihirang
makita ko iyang anak ko na ngumiti, lalo na ang humalakhak. Hindi ko alam kung
nalulungkot siya o ano, wala naman siyang sinasabing problema sa amin. Pero
kanina, nakita ko kayo, nagkukulitan, nakita ko kayo na masayang masaya na
nagtatawanan habang nagbibiruan. Noon ko lang nakitang tumawa siya ng malakas,
yung bang humalakhak. Bihira iyon. Tila ba ano mang problema niya ay nawala
dahil sa iyo,” ang maluha-luhang kwento ni Mang Pedring.
”Itay naman, lasing ka na po.
Kung ano-ano na naman ang ikukuwento mo, baka maniwala si Nomer niyan,”
nahihiyang depensa ni Elmo.
”Totoo naman ang sinasabi
ko. Mahal na mahal ko ang anak ko, nag-iisa lang iyan. Sayang at hindi na siya
nasundan para man lang may nakasama sa paglaki. Kaya nga laking tuwa ko ng
makilala ka namin Nomer. Ituring mo na rin kaming mga magulang mo, Itinuring ka
na naming isa sa pamilya, anak din namin ni Maring.”
”Opo ’Tay, tatay at nanay ko
na po kayo, pangalawa kong magulang at kapatid ko na rin si Elmo, kuya niya
ako. Kaya dapat ay kuya na ang itawag niya sa akin. Pwede ba Elmo?”
Medyo nahihiya pang
napakamot sa ulo si Elmo bago sumagot, ”Walang problema, kung iyan ba ang gusto
mo eh kuya Nomer.”
”Marami sana kaming pangarap
sa aming anak Nomer, marami kaming gustong mangyari para sa kanya, kaya lang ay
heto, wala ni isang natupad. Mahirap lang kasi kami. Matalino ang anak ko, pero
hindi namin kinaya. Hiyang-hiya ako sa anak ko.”
”Tay naman. Wala akong
hinanakit ni katiting, naunwaan ko po kayo ni Nanay. Huwag na nating pag-usapan
ang bagay na iyon, nakakahiya kay Kuya Nomer.”
”Hindi anak, patapusin mo
ako sa aking sasabihin. Baka si Nomer ang maging tulay para sa katuparan ng mga
pangarap mo, ng pangarap namin para sa iyo. Nasabi niya sa amin ni Maring na
pwede ka niyang bigyan ng trabaho sa kanilang opisina at makapag-aaral ka pa
kung nanaisin mo. Anak... nakikiusap kami na pumayag ka na, huwag mo namang
sayanging ang pagkakataon. Nanghihinayang din kasi kami sa iyong talino, alam
kong magtatagumpay ka at ikatutuwa namin iyon, hindi ba Maring.”
”Tama ang tatay mo anak.
Kung ang inaalala mo ay ang magiging kalagayan namin habang wala ka ay huwag
kang mag-alala, malakas pa naman kami, bata pa kami. Ikaw ang inaalala namin,
wala kaming magandang bukas na kayang ialay sa iyo. Ikaw na ang gumawa ng
maganda mong kinabukasan, sa tulong ni Nomer.”
”Itinataboy na ba ninyo ako
”Nay... ’Tay? Ayaw n’yo na ba akong kasama?”
”Hindi anak. Hindi naman
kalayuan ng Maynila dito sa ating bayan, madadalaw mo naman kami at
mapupuntahan ka rin namin doon. Ang gusto lang naman namin ay maging maganda
ang kinabukasan mo. At oo... pati na rin kami. Alam naman namin na pangarap mo
ring mai-ahon kami sa kahirapan. Alam naming na matutupad mo iyon. Konting tiis
lang na mawalay ka sa amin at kami rin naman ay magtitiis dito. Anak, tanggapin
mo na ang alok ni Nomer, alang-alang sa amin at sa iyong sarili na rin.”
madamdaming wika ni Aling Maring.
Napatingin si Elmo kay Nomer,
na hindi napigilang tumulo ang luha habang nagdidiskusyon ang mag-pamilya.
Nakaramdan kasi ito ng awa sa mga magulang ni Elmo na itinuturing na nitong
pangalawang magulang.
”Elmo, tama naman sina Nanay
at Tatay, ako... bilang panganay mong kapatid ay handa kang tulungan. Ano pa at
naging kapatid kita, kung hindi kita matutulungan. Huwag kang mag-alala, kung
gusto mo ay dadalawin natin sila dito buwan-buwan o kahit lingo-lingo pa. Alam
mo bang gusto ko ring manirahan sa ganitong lugar?” wika ni Nomer.
Matamang nag-isip si Elmo,
tinimbang-timbang ang mga sinabi ng magulang at na kanya ring isipan. ”Sige
’Nay... ’Tay... malalaman ninyo ang aking desisyon bukas. Siguro ay tapusin na
natin ang usapang ito at Tatay, ubusin na nating itong alak, nilulumot na kasi
ang baso mo eh hehehe.” patawa ni Elmo na may tumutulong luha, naawa na rin
kasi sa kanyang mga magulang.
Hindi na nila inubos pa ang
lambanog na ininom, nahihilo na raw si Nomer kaya pinagpahinga na muna nila
ito.
”Paano ba iyan! Hindi pa nga
tayo naghahapunan, inuna pa kasi ang alak eh,” wika ni Aling Maring.
”Aba... ay ikaw ay maghain
na at ng makakain na muna tayo bago matulog. Ito raw mga bata ay mamimingwit pa
bukas ng umaga ah,” sambit ni Mang Pedring.
Sa nadinig ay tila nawala
ang hilo ni Nomer, na excite na naman. ”Talaga ba Elmo, mamimingwit tayo at
mamamangka bukas ng umaga. Gisingin mo ako ng maaga ha!”
”Oo Kuya, akala ko ba ay
nahihilo ka na, mukhang mas may tama pa ako ng alak sa iyo eh hahaha, excited
masyado.”
”Hoy! Tama na iyan, parine
na kayo at kumain na. Kung kayo ay mamimingwit bukas Elmo, lutuin mo na yung
itinira kong tapang baboy at siya ninyong baunin. Dapat ay marami kayong
mahuling ayungin ha, yung malalaki,” sabad ni Aling Maring.
-----o0o-----
”Kuya... gising ka pa?”
tanong ni Elmo kay Nomer.
”Uhmm, oo. Bakit?”
”May itatanong lang ako,
kung bibigyan mo ba ako ng trabaho sa kompanya ninyo, ano namang trabaho ang
ibibigay mo sa akin. high school lang ang tinapos ko,” sabi ni Elmo.
”Nakagamit ka ba ng
computer?”
”Hindi Kuya, wala sa aming
paaralan computer noon eh.”
”Ganun ba? Okay lang ba sa
iyo kung mag-janitor ka muna?”
”Walang problema kuya, kahit
ano, basta may sweldo,” tugon naman ni Elmo na pabiro.
”Magkano naman ang
ine-expect mong sweldo bilang janitor?”
”Siguro mga 30K isang buwan
hehehe. Joke lang kuya. Kung ano ang nababagay na sahod ng isang janitor, alam
ko namang pinakamababang trabaho iyon sa isang opisina.”
”Kahit anong trabaho, basta
marangal. Sa Manila nga, maraming nangangalakal, yun bang namamasura para
ibenta. Kahit ganun iyon, marangal naman.”
”Alam ko kuya, gaya din
naming magsasaka, mababang uri ng hanap-buhay.”
”Nagkakamali ka diyan Elmo.
Iginagalang ko ang mga magsasaka dahil kung hindi sa kanila, gutom ang aabutin
ng maraming tao kaya huwag mong maliitin ang pagsasaka, dapat mo pa ngang
ipagmalaki, ikarangal.”
”Hindi ko naman talaga
minamaliit, pero iyon ang tingin sa amin ng marami. Kuya, masaya ka ba dito?
Kung pamimiliin ka, saan mo gustong tumira, sa syudad na kinalakihan mo o sa
lugar na gaya ng sa amin?’
”Nasanay akong manirahan sa
syudad Elmo, pero hindi naman nangangahulugan na hindi ako titira sa ganitong
lugar. Wala akong pipiliin, kasi gusto ko pareho, yung may tirahan ako sa syudad
at may tirahan ako sa probinsaya tulad ng sa inyo. Ang swerte mo nga eh, may
probinsya ka, ako wala, taal na sa Maynila ako ipinanganak at parehong
taga-roon ang aking mga magulang. Siguro sasabihin ko kay Mama at Papa na
bumili ng lupa dito. Marami akong magagawa rito, magpaplano ako ng pwede kong
gawin para matulungan ang mga magsasaka dito sa barangay ninyo, dito sa bayan
ninyo.”
”Kuya, tama ka. Mura pa ang
mga lupain dito at maraming nagbebenta para tumira sa ibang lugar.”
”Ibig mo bang sabihin ay
pumapayag ka nang sumama sa akin sa Maynila. Pangako, pagtutulungan nating
paasensuhin ang pagsasaka dito sa bayan ninyo.”
”Hinfi pa ako decided,
konting pilit pa hehehe. Tulog na tayo,”
”Anong oras tayo aalis bukas
Elmo, gisingin mo ako ha.”
”Oo, huwag kang mag-alala.”
-----o0o-----
Kaagad na nakatulog si Elmo,
may mahihina ng hilik na lumalabas sa kanyang bibig.
Samantala, ay hindi naman
makatulog si Nomer, sobrang excited sa lakad bukas. Ganon kasi ito kapag masydaong
nae-excite, hindi makatulog. Tumagilid siya ng higa nakaharap kay Elmo.
Napagmasdan na naman niya ang binata na itinuturing na niyang nakababatang
kapatid.
Pinanood niya ang mabining
pagtaas-baba ng dibdib niya dahil sa paghinga, ang pag-galaw-galaw ng labi
habang mahinang naghihilik na tila napakasarap halikan, ang maamo niyang mukha
ang maganda niyag pangangatawan na sadyang kaiingitan ng kalalakihan.
Napatingin din siya sa gitnang bahagi ng katawan niya, para bang may
nagbubulong na haplusin iyon. Kanya na sanang idadampi ang palad sa ibabaw ng
pagkalalaki niya ng matauhan siya at tila nagising sa pagkaka-idlip.
”Ano ba ang nangyayari sa
akin. Hindi ako bading para gawin ang ganon,” wika ng kanyang isipan.
Subalit malakas ang hatak ng
kung ano sa kanya na gustong yakapin ang binata, ang napaka=seksing si Elmo na
katabi niya sa pagtulog. Ipinatong na lang niya ang isang braso sa bandang
dibdib ni Elmo hanggang sa makatulog na ito.
-----o0o-----
Nasa kasarapan na ng
pagtulog si Elmo nang parang may mabigat na nakadagan sa may dibdib niya.
Nagmulat siya ng mata at nakita na tila nakayakap na sa kanya ang estrangherong
itinuring na niyang kapatid. Nilingon niya ito, napaka-payapa ng pagtulog nito,
”Napaka-gwapo mo talaga Kuya
Nomer. Hindi ako magtatakang maging ang gaya kong lalaki ay mahaling sa iyo, sa
labi mo pa lang ay pamatay na. Nakakainggit ka Kuya, bukod sa gandang lalaki ay
mayaman ka pa, ano pa ba ang mahihiling mo kung nasa iyo na ang lahat. Hindi
niya namalayan na hinalikan na niya ito sa noo at saka yumakap na rin at muling
nakatulog.
Nagising lang siya sa
pagtilaok ng alagang tandang sa kanilang bakuran. Alas kwatro na iyon ng umaga.
Kahit medyo antok pa ay bumangon na siya, nagmumog at naghilamos sandali bago
nagpadingas ng apoy para maglaga ng kapeng barako. At habang hinihintay iyong
kumulo ay pumasok muna ng kubeta para umihi at dumumi. Saktong labas niya ng
kobeta ay kumulo na ang nilalagang kape.
Nagsaing na rin siya at
pagkatapos ay niluto ang tapang baboy na babaunin nila ni Nomer sa pamimingwit.
”Nomer, gising na, lalakad
na tayo,” Ginising na niya ang tulog na tulog pang si Nomer, niyugyog pa niya
para magising ng tuluyan. Bigla naman nitong bangon ng mapagtantong si Elmo
pala ang gumigising sa kanya.
”Aalis na ba tayo?”
”Oo, hanggat maaga pa. Pero
magkape muna tayo. Nagprito ako ng saging. Ihahanda ko lang itong babaunin
natin,” sabi ni Elmo.
-----o0o-----
Napaka-makabuluhan ng
bakasyong iyon para kaya Nomer. Marami itong nalaman sa pamumuhay ng mga taga
barangay sa bayang iyon nina Elmo. Natutu siyang sumakay ng kalabaw, mamangka,
mamingwit, sumakay ng kabayo at magtabas ng damo. Mahirap pero para rito ay
napaka-gandang karanasan na hindi naranasan ng karamihan sa syudad.
Marami itong nabuong plano
para matulungan ang mga naninirahan sa bayang iyon. Alam nitong hindi tatanggi
ang mga magulang dahil talaga naman nagkakawang-gawa ang magulang nito. Plano
niyang magtayo ng paaralan para makapag-aral ang mga kabataan na hindi
maipadala sa bayan ang mga anak para makapag-aral. Gusto rin nitong magkaroon
man lang ng clinik doon at magtalaga ng isang doctor at nurse at magdala ng
expert para magturo ng tamang pagtatanim, gulay man o palay. Marami pang plano
itong naiisip, at gusto nitong maisakatuparan iyon.
-----o0o-----
Gabi, bago sunduin si Nomer,
nagpulog ang mag-pamilya. Hinayaan na lang ni Nomer ang tatlo at hindi na ito
nakisali pa.
”’Tay, ’Nay... mami-miss ko
kayo. Hindi kasi ako sanay na malayo sa inyo eh.”
”Mami-miss ka rin namin
anak. Pero kaya naming tiisin ang pangungulila sa iyo basta sigurado naman
namin na para iyon sa ikabubuti mo. Huwag mo kaming alalahanin dito. May
tutulong sa akin sa bukid, yung kumpare ko na Ninong mo. Nangako siya sa
tutulungan ako sa pagpapalay,” wika ni Mang Pedring
”Mabuti naman pala kung ganon.
Pero paano kapag nagkasakit ang isa sa inyo, sinong mag-aasikaso?”
”Ano ka ba naman anak. Kung
ano-ano kasi ang iniisip mo. Ang dapat mong gawin ay ipagdasal mo kami na ilayo
sa sakit at sa ano mang sakuna, hindi yung kung ano-ano. Guguluhin talaga niyan
ang isipan mo. Malakas pa si Tatay at Nanay mo.” turan ni Aling Maring.
”Tay... Nay... nangako naman
si Kuya Nomer na dadalasan namin ang pag-uwi-uwi dito. Madalas pa rin tayong
magkikita. Basta ingatan ninyo ang sarili ninyo ha,”
”Ikaw rin anak. Pagbutihin
mo ang pagtatrabaho mo ha, maging masunurin ka sa magiging boss mo, Galingan
mo. Alam ko namang kayang-kaya mo kahit na anong ipagawa sa iyo. Sundin mo ang
kuya mo at ang mga magulang nito. Huwag mo kaming bibigyan ng ikapapahiya namin
sa kanila.”
”Magtiwala kayo sa akin, at
pangako, ang lahat ng kikitain ko ay ipadadala ko sa iyo.”
”Naku anak, ilaan mo na lang
iyon sa pag-aaral mo. Kumikita pa naman kami rito. Hindi kami magugutom dito
dahil maraming gulay at palay dito. Me ilog pa na pwede naming pagkunan ng
ulam. Ang dami nating manok at kambing na pwedeng katayin at ipagbili.”
”Payakap naman Tatay, Nanay
huhuhu.” hiling ni Elmo habang humahagulgol.
Lahat ng kadramahan sa
pagitan ng pamilya ni Elmo ay nakita at nadinig ni Nomer, Maging ito ay
napaluha. ”Napaka-swerte talaga ng isang pamilyang buo at nagmamahalan. Kami
man ay masaya at buo, ang kaibahan lang nila sa amin ay busy palagi sina Mama
at Papa sa negosyo kaya hindi kami palagiang nagkakasama. Okay na rin sa akin
dahil sa hindi naman nila ako napababayaan,” wika ng isipan ni Nomer.
”Nakabasta na ba lahat ng
dadalhin mo bukas ha anak,” tanong ni Aling Maring sa anak na si Noel.
”Opo inay. Hindi na rin
naman ako pinagdala pa ni Kuya ng maraming damit, bibigyan daw niya ako ng
damit niya na hindi na nasusuot. Sigurado raw kasya iyon sa akin dahil halos
magkasing katawan kami,” tugon ni Elmo.
Namg makita ni Aling Maring
si Nomer ay ito naman ang pinaalalahanan niya ”Nomer, anak, ikaw na ang bahala
sa baby namin ha, Alam mo eh wala naman siyang alam sa Maynila, baka maligaw
baga hehehe.”
”Si nanay talaga. Syempre,
pag-aaralan ko. Saka ipapasyal daw muna ako ni Kuya roon para matutunan ko ang
pasikut-sikut sa Maynila. Saka ang tanda ko na eh bine-baby pa ako.
Makakabuntis na nga ako ng balo eh hehehe.”
”He! Tumigil ka. Ayoko ng
ganyang biro,” pagalit na wika ni Aling Maring.
”Elmo, Nomer, halina muna
kayo sa labas at tayo’y magkwentuhan muna,” Wika ni Mang Pedring.
”Pedring! Ano ka ba? Aalis
na sila bukas, maglalasing na naman kayo.”
”Tuba lang ito mahal
ahiiiiiii hahaha,” wika ni mang Pedrig na may paglalambing sa asawa.
-----o0o-----
Sakay ng kotse ay walang
kibo si Elmo na nakatanaw sa dinaraanan. Napansin iyon ng Mama ni Nomer na si Consuelo.
”Bago ka lang bang nakalabas ng bayan ninyo Elmo?” tanong ni ma’am Consuelo.
”Opo ma’am Consuelo. Wala
naman po kasi akong pumuntahang ibang lugar eh,” nahihiyang tugon ni Elmo.
”Haaay naku Elmo. Sinabi ko
nang Mama ang itawag mo sa akin eh. Anak na kita. Itinuring ng Nanay at Tatay
mo na anak itong anak namin kaya nararapat lang na ituring ka rin naming tunay
na anak,” wika ni ma’am Consuelo.
”Ako rin, Papa na ang
itatawag mo sa akin. Hindi Sir Delfin ha. Papa.” wika naman ni Sir Delfin.”
”Opo Mama, Papa. Maraming
salamat po. Nangangako po ako sa inyo na magpapakabait ako at pagbubutihan ko
ang trabahong ibibigay sa akin ni Kuya Nomer.”
”Tama iyan anak. At heto pa,
sa pasukan ay mag-eenroll ka na sa kolehiyong gusto mo. Ang sabi sa akin ng
kuya Nomer mo ay pangarap mo raw maging guro para may magturo sa inyog
baranggay. Maganda ang layunin mong iyan. Ayaw mo bang maging doctor. Sabi ng
Nanay mo ay gusto mo rin daw maging doctor.” wika ni Sir Delfin.
”Naku, kahit po gusto ko ay
hindi ko na po siguro kaya. Masyadong matagal po ang pagdo-doctor, tama na po
ang maging guro ako para makapaglingkod ako kaagad sa mga kababayan ko. Saka 22
na po ako ngayon, kung doctor pa ang pag-aaralan ko ay 30 na akong mahigit ay
hindi pa ako nakakatapos hehehe.”
”Matalino siya Papa, puro
medalya nga ang nakasabit sa dinding ng silid niya eh, saka salutatorian siya
ng elementary at high-school. Magaling pang kumanta hehehe,” sabad ni Nomer.
”Kuya naman eh, nagbibiro
lang po si Kuya Nomer.”
”Pwes, magdo-doctor ka, ako
na ang sasagot ng tuition mo. Huwag nang mangatwiran pa. Ayoko ng
nangangatwiran. Kung tutuusin, kulang pang kabayaran sa pagliligtas mo sa anak
ko na papag-aralin ka, kaya final na iyon. Kumikita pa naman ang kopanya namin
at hindi kawalan iyon sa amin, naintindihan mo ba?” wika ng papa ni Nomer.
”Opo.”
Makaraan ang mahaba-habang
pagbibiyahe ay nakarating na rin sila sa bahay nina Nomer.
”Ito po ba ang bahay ninyo
Mama? Papa? Para palang palasyo, ang laki!”
”Pangkaraniwan lang iyan
dito sa Maynila iho. Nomer, ikaw na ang bahala sa kapatid mo ha, at
magpapahinga na muna kami. Magpahinga na rin muna kayo. Bukas, ipasyal mo naman
muna siya. Manood kayo ng sine. Kailangan mo nang pumasok sa Lunes, marami ka
na raw pending na trabaho sa opisina mo.”
”Opo Mama, Sige po, mauna na
kayo at ipakikila ko lang muna sa mga kasambahay natin si Elmo at ililibot ko
sa paligid nitong bahay. Baka pati dito sa bahay ay maligaw pa ito hehehe.”
”Oo nga kuya, parang
nakalilito. Ang daming pinto, ang daming silid.”
”hahaha. Masasanay ka rin.
Halika muna sa itaas, at ituturo ko ang magiging silid mo, pati na ang silid
nina Mama at silid ko.”
Itutuloy..............
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento