Huwebes, Marso 28, 2024

Kababata (Part 14) - Ang Lumang Bahay Ni Jonas at Ang Mga Larawan

 


Kababata (Part 14)

Ang Lumang Bahay Ni Jonas at Ang Mga Larawan

 

Jonas

Masaya kaming naglalaro sa dalampasigan, nanghuhuli kami ng maliliit na alimasag at inipon namin sa isang lalagyan. Nakakatuwa kasi, ibang feeling ang naramdaman ko, para akong naging bata. Para bang minsan ay ginawa ko ito noon pa.

Nang wala na kaming makitang maliliit na alimasag ay lumangoy na kami. Ganoon din ang feeling ko, may kung anong tila alaalang hindi ko naman malaman, sobrang labo. Marahil ay nasabik lang ako, lumaki kasi akong hindi nakapaglaro ng ganito.

Nakipaglaro kami ng habulan sa mga batang naroon, palagi namang kuletal itong si Simon, walang binatbat sa amin ng mga bata.

Habang masaya kaming naglalanguyan ay nagkaingay naman sa hindi kalayuan.

“JM, ano yung mga iyon, ang daming bangka,” ang nadinig kong tanong ni Simon.

“Mga mangingisda iyon, ganitong oras sila dumarating at halos sabay-sabay. Halina kayo at tayo’y mag-usyoso, kapag marami silang huli ay siguradong maambunan tayo,” sabi naman ni Simong.

Nakatanaw lang ako at mabagal na naglalakad habang ang dalawa ay tumatakbo na. Heto na naman, parang may gumugulo na naman sa aking utak. May mga pumapasok ng alaalang hindi ko mawari. Pilit kong iniisip kung ano ba talaga iyon, nakaramdam ako ng panlalabo ng mga mata ko. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Ang huli kong namalayan ay natumba na ako.

Hindi naman ako totally nag-blackout, may naririnig akong naguusap, o nagsisigawan, pero hindi ko naman talaga alam o naiintindihan. May naramdaman akong nagbabangon sa akin, tapos ay may nagpainom na sa akin ng tubig. Medyo luminaw na ang paningin ko, Nakita kong nakaupo sa buhangin si JM at kandong ako sa likuran.

“Ano bang nangyari? Akala ko ay kasunod ka lang namin ni Simon!” wika ni JM.

“Oo, nasa likoran ninyo ako. Hindi ko alam, lumabo ang aking paningin, tapos… nag colapase na lang ako basta. Bago iyon ay ewan ko ba, may kung anong pumapasok sa aking isipan, pero hindi ko naman maunawaan, tapos yun na, natumba na ako. Hindi naman talaga ako walang malay, nakakarinig ako ng ingay, alam ko na natumba ako, pero ahhhh ayaw ko nang isipin, sumasakit lang ang ulo ko,” wika ko.

“Tara na, uwi na tayo para makapagpahinga ka na. Napagod ka yata sa kalalaro.” Aya ni JM.

“Ano yang dala mo?” tanong ko.

“Ah isda at pusit, pinabibigay kay Tatay, bilin daw nito, hindi siya nagpa-laot ngayon eh. Tara na ng maluto na ito ni Nanay,” wika ni JM.

-----o0o-----

Tahimik lang akong naglakad kasunod nina Simon at JM, hindi pa rin maalis sa isipan ko ang nangyari kanina. Bakit ba naman kasi kung ano-ano ang pumapasok sa aking isipan.

“’Tay! “’Nay!”

Nagulat ako sa biglang sigaw ni JM, tinatawag ang kanyang ama at ina.

“Pinabibigay ni Mang Cadio Tatay, bilin daw ninyo,” dinig kong wika ni JM, kausap ang ama. Ako naman ay nagtungo sa silid upang kumuha ng twalya ay bihisan, magbabanlaw na ako. Sumabay na rin ang dalawa sa banyo pagkakitang papunta ako sa may poso.

Sandali lang naman kaming naligo, wala nang harutan dahil sa gusto ko munang magpahinga.

-----o0o----

John Mark

Nakakakaba naman itong si Jonas, akala ko’y kung ano nang nangyari, bigla ba namang nahimatay. Ano ba talaga ang naiisip niya? Haay naku. Siguro napuyat lang kagabi, hayaan ko na lang munang matulog, gigisingin ko na lang pag kakain na.

“May nangyari daw sa dalampasigan kanina, wika ng kumare ko? Ano ba ang nangyari?” tanong ni Nanay.

“Ang bilis talaga ng balita dito, nauna pa sa akin. Wala naman hong masama, medyo natalisod lang si Jonas, lampa kasi iyon eh hahaha,” tugon ko kay Nanay na may halong biro.

“Ssshhhh, huwag ka ngang magsalita ng ganyan, madinig ka, magalit pa sa iyo.”

“Joke lang naman ‘Nay.”

“Alam mo anak, parang ayaw kong maniwala na hindi siya yung Jonas na kalaro mo noong mga bata pa kayo, siyang-siya kasi. Lumaki lang siya, pero pareho pa rin ang features ng mukha niya, saka yung gawi niya kapag naglalakad. Kaya lang ay wala siyang alam tungkol dito sa isla, saka para talagang bago lang nakarating dito.”

“Oo nga po Nanay, Nay, mamaya puntahan namin yung dati bahay nina Jonas, kung siya nga iyon, siguro naman kahit papano ay may matatandaan siya. Nalilinisan po ba iyon?”

“Oo naman, lingo-lingo ay pinalilinisan namin iyon kay Tintin at Dodong. Pagpunta nga ninyo ay magwalis-walis kayo ng konti ha. baka marami na ring alikabok.”

“Opo ‘Nay.”

-----o0o-----

Alas dos ng hapon na magtungo kami sa bahay ng kababata kong si Jonas. Habang naglalakad kami ay nakasalubong namin ang dati naming kalaro sa patintero noong mga bata pa kami.

“Tol JM, si Jonas na ba ang kasama mo? Ang laki na at ang gwapo. Akala ko nga ay lalaki iyang bansot eh, pero mas matangkad pa sa akin haha. Tol! Kumusta ka na,” bati na isa pa naming kababata na si Edwin.

Hindi kaagad nakasagot si Jonas, nagulat dahil kilala siya nito. Para namang nainsulto si Edwin dahil sa blankong reaksyon ni Jonas.

“’Tol, ganyan na ba talaga ang ugali kapag napupunta ng Maynila?” may hinampong wika ni Edwin.

“’Tol, pasensyan na, hindi naman sa ganon. Ka-kasi hi-hindi kita kasi kilala eh, nagtataka nga ako kung paano mo nalaman ang pangalan ko. Pasensya na ‘tol. Jonas nga ako, ikaw si…” tugon ni Jonas na inaabot ang kanyang kamay para makipag-kamay at makipag-kilala.

Hindi naman inabot ni Edwin ang kamay nito, hindi pa rin makapaniwala na hindi na siya nito kilala. Ako na lang ang sumalo.

“’Tol Edwin, pasensya na, hindi nga siya si Jonas na kababata natin, ibang Jonas siya, kaklase ko sa Maynila. Alam ko na parang nainsulto ka, na napahiya dahil hindi ka kaagad na pinansin, pero maniwala ka, hindi siya iyon,” paghingi ko ng pasensya at pagpapaliwanag.

“Tol, sorry ha, akala ko kasi ay ikaw yung kababata namin. Sorry talaga,” wika ni Edwin na inaabot ang kamay para kamayan si Jonas.

“Okay lang. Maging si JM ay inakala ngang ako si Jonas na sinasabi mo. Walang problema, pasensya ka na rin dahil sa hindi ako nakapag-react kaagad ha! Mabait ako at hindi suplado hehehe,” tugon ni Jonas na nakipag-kamay na rin.

“Saan ang punta ninyo?” tanong ni Edwin.

“Inutusan ako ni Nanay na puntahan ang bahay ng kababata natin, magwalis-walis daw ako at baka maalikabok na. Sige ha, puntahan mona namin iyon,” sabi ko.

“Ah. Eh daan kayo dito pagka-galing ninyo roon ha. Mag-miryenda muna tayo, nagluluto si Nanay ng maruya, baka hindi pa nakaka-tikim ng maruya ang kaibigan natin.” Anyaya ni Edwin.

“Sige ‘Tol.”

“Asahan ko kayo ha, ingat.”

Nang makalayo-layo na kami ay nagtanong si Jonas. “Sadya bang kahawig ko ang Jonas na sinasabi ninyong kababata ninyo?”

“Kahit papano naman ay may nagbago, magandang lalaki kasi yung Jonas na kababata namin at talagang malaki ang hawig sa iyo, mas gumuwapo ka nga lang. Syempre lumaki na rin, pero hindi talaga halos nagbago ang looks ninyo. Sana lang ay may larawan kaming natago, pero wala eh.”

“May ganun pala ano? Bihira iyon ah,” sabad ni Simon.

“Hayan na ang bahay,” turo ko sa kanla. Naka-padlock ang pinto, kinuha ko ang susi sa bulsa ko at binuksan. Binuksan ko rin ang bintana para may liwanag na pumasok, gusto kong makita kung ano ang magiging reaksyon ni Jonas pagkakita sa bahay.

Nagpagala-gala ang mga mata ni Jonas, bawat sulok ng bahay ay kanyang nilapitan. May larawang ng kanyang magulang na nakaipit sa may salamin ng aparador, pinakatitigan iyon. Kupas na ang larawan kaya halos nabura na ang mukha.

Gusto ko nang maniwala na hindi nga talaga siya si Jonas na bestfriend ko at kababata, hindi man lang niya kasi natandaan kung sino ang nasa larawan.

Binuksan niya ang aparador, may ilan pa palang natitirang damit doon si Jonas, pero sa kalumaan ay nagkaroon na ng mantsa. Sinuyod niya ang buong kabahayan, para bang nag-ocular inspection siya, pero wala naman akong napansin na may pagbabago sa kanyang kilos. Hindi nga siya si Jonas.

Wala naman masyadong alikabok, konting walis lang at pagkatapos ay nag-aya na akong umalis. Isinara ko na uli ang mga bintana at ikinandado ang pintuan.

Dumaan kami sa bahay nina Edwin, nakakahiya naman kung hindi kami dadaan lalo na at nagtampo ng hindi kaagad nabati ng inaakala nitong kababata namin.

“Akala ko nakalimutan na ninyong dumaan eh. Pasok kayo, pasensya na at maliit lang ang bahay namin,” wika ni Edwin.

“Tumigil ka nga diyan Edwin, parepareho lang naman halos ang bahay natin ah, sino bang mayaman sa atin,” wika ko naman.

“Dulog na kayo, kanina ko pa ihinanda itong miryenda, maruya nga lang. Pag-pasensyahan na ninyo itong konting nakayanan namin ha, alam ko naman na bihira kayong makakain ng ganire,” wika ng Nanay ni Edwin.

“Naku Nay, hindi po kami mapili, lalo na at bukal sa loob ang paanyaya,” wika naman ni Jonas.

“Ay oo nga, kamukha mo nga si Jonas namin dine, ala, hindi kaya kambal kayo hahaha. Kung narito lang siguro si Jonas ay magugulat iyon. Hala, kain na muna at may hahanapin lang ako sa aking aparador,” paalam ng nanay ni Edwin.

Kumain na sila, maruya at mainit na kapeng barako ang nasa hapag. Sinabayan na rin sila ni Edwin.

“Magtatagal ba kayo dine?” tanong ni Edwin. Kasi eh dapat maipasyal muna natin sila dine, isama nating mamingwit doon sa ilog at maligo doon sa talon. Ay pagkaganda roon Jonas.” Wika ni Edwin.

“Gusto ko iyon JM. Edwin, kailan tayo mamingwit? Kaya lang wala akong bingwit.” Sabi Jonas.

“Huwag kang mag-alala, maraming bingwit si Tatay. Kahit dito kina Edwin, marami rin,” sabi ko.

“Mga bata, sandali, tingnan ninyo ito, buti at nakita ko, naitago ko pala. Larawan ito nung mag-birthday si Edwin, narito kayo ni Jonas Mark.” – ang nanay ni Edwin na hawak ang isang larawan.

Pinagkalipunpunan namin ang larawan. Ako na ang humawak. Inisa-isa ko ang mga batang naroon, halos lahat kaming magkakalaro ay nasa larawan, magkatabi kami ni Jonas na nasa tagiliran naman ni Edwin habang kumakain ng pansit.

“Jonas, makikilala mo kaya rito sa larawan si Jonas na kababata namin?” tanong ko. Inabot ko kay Jonas ang larawan, hinayaan namin na siya lang ang tumingin, hindi namin pinakialaman.

Inisa-isa niyang tingnan ang nasa larawan. Naghihintay naman kami sa sagot niya.

“Ano, hula lang naman eh,” sabi ko.

Sa halip na sumagot ay may kinuha si Jonas sa likoran ng kanyang short na maong. Wallet niya, dala pala niya ang kanyang wallet. Tapos ay may kinuha siya sa wallet, alam kong larawan niya iyon noong bata pa siya. Inilapag niya sa lamesa ang picture ni Edwin at itinabi ang picture niya.

Hindi maikubli ang pagkamangha sa mga mata at reaksyon nina Edwin at Nanay nito. Hindi sila makapaniwala sa malaking pagkakahawig ni Jonas na kababata namin at Jonas na kaharap nila ngayon.

“Ikaw ba itong bata sa larawan Jonas?” tanong ng Nanay ni Edwin.

“Ako po iyan, kaya ko po inilabas ay para ikumpara sa larawan na ito,” sagot ni Jonas na itinuturo ang imahe ni Jonas sa larawan. “Ito ba ang Jonas na kababata ninyao JM?”

“Siya nga,” tugon namin ni Edwin.

“Hindi nga ako magtataka na mapagkamalan ninyo akong si Jonas dito, malaki nga po ang pagkahawig namin, ang hindi ko lang masiguro ay kung may kakambal ako. Pero kung may kakambal ako ay bakit parehong Jonas ang ipinangalan sa amin?” tanong ni Jonas.

Walang makasasagot sa tanong na iyon ni Jonas, sana nga lang ay narito rin ang nanay ni Jonas na kaklase ko at nanay ni Jonas na kababata ko. Pero wala na, wala nang magpapatotoo dahil sa matagal ng patay ang mga magulang ni Jonas.

Umuwi kami na naguguluhan si Jonas, nakiusap pa siya sa Nanay ni Edwin na kung pwede ay mahiram ang larawang iyon. Pumayag naman ang Nanay ni Edwin. Ipapakita daw niya iyon sa Kanyang Mama at magtatanong na rin.

-----o0o-----

Jonas

Kinilabutan ako pagpasok ko sa bahay ng sinasabi ni JM na Jonas na kababata niya. Parang may malamig na hangin na sumaboy sa aking mukha, hindi lang ako nagpahalata kay JM.

Habang inililibot ko ang aking mga mata sa paligid ay para bang may naka-bantay sa akin, habang nilalapitan ko at tinitingnan ang bawat sulok ng bahay ay feeling ko ay may nakabuntot sa akin. Ayaw kong matakot, nakakahiya kasi at sabihan akong duwag. Alam ko namang patay na ang nakatira dito dahil nakwento na iyon sa akin ni JM.

Pagtapat ko sa apardor ay may nakaipit na larawan sa may salamin, bagaman at kupas na ay hindi maikakailang larawan iyon ng mag-asawang nakatira dito dati kasama ang anak na sa sobrang labo ay hindi na makita ang mukha. Para bang may yumakap sa akin, napahalukipkip tuloy ako, para kasing ang sarap damihin ng yakap na iyon.

Hindi naman kami nagtagal doon, wala naman palang masyadong lilinisan, konting alikabok lang.

Nag-aya nang umalis si JM, bago kami umalis ay palihim ko uling tinungo ang apardor at kinuha at itinago ko ang larawang naroon. Muling isinara ni JM ang mga bintana at ikinandado na rin ang pinto.

Dumaan kami sa bahay nina Edwin, ang bago kong nakilalang kababata rin ni JM. Sadyang ipinaghanda kami ng miryenda, maruya daw iyon, saging na ipinirito daw na may galapong. Hindi ko naman alam kung ano ang galapong, basta kumain na lang ako dahil sa masarap siya na nilagyan ng patamis na gatas na malapot.

Habang kumakain kami ay may ipinakita sa amin isang larawan ang nanay ni Edwin. Larawan daw iyon na kuha noong birthday ni Edwin kasama ang mga kalaro. Pinahanap naman sa akin ni JM sa lalarawang sinasabi nilang kababata.

Laking gulat ko dahil kahit na may kaliitan ng mukha ng nasa larawan ay kaagad kong nakita ang aking sarili. Nagtanong tuloy ako sa aking sarili kung ako ang nasa larawan. Hindi ko muna sinagot ang pinahahanap sa akin, Ang ginawa ko ay kinuha ko ang aking wallet na nagkataong nasa likod pa pala ng aking suot na short at kinuha ang larawan. Aking pinagtabi ang dalawang larawn, laking gulat nila ng makitang magkamukha ang itinuturo kong batang lalaki birthday picture ni Edwin sa dala kong larawan. Maging sila ay nagulat at ang sabi ay baka daw may kakambal akong nawalay sa amin.

Hindi ko pinaniwalaan ang sapantahang iyon dahil kung may kambal ako, bakit pareho ang aming pangalan. Nakiusap ako sa Nanay ni Edwin na hiramin ang larawan iyon, may gusto akong itanong sa aking Mama pagbalik namin nang Maynila.

Nagpaalam na rin kami, sa halip na umuwi na kami sa bahay nina JM ay inaya pa muna kami na mamayabas daw, sumama rin sa amin si Edwin. Masaya naman kami sa pamamayabas, ang daming bunga at walang may-ari ng puno. Sabi ko ay napaka-mahal ng bayabas sa Manila, dito ay nagkakanlalaglag lang ang bunga sa puno.

Masayang masaya kami ni Simon kahit papaano ay nawala sa aking isipan ang naramdaman ko kanina sa bahay nina Jonas.

-----o0o-----

Habang pauwi na kami bitbit ang maraming bayabas na napitas namin na nakalagay sa isang supot na sadyang binitbit ni Edwin. Excited ako habang naglalakad, pinaguusapan kasi namin ang pamimingwit namin sa ilog. Magdadala na raw kami ng bigas at asin dahil sigurado raw na may iiihaw kami. Si JM na ang nagprisintang magdala ng bigas at kaldero samantalang si Edwin na daw ang magdadala ng ibang gagamitin, pati na rin tubig na inumin.

Sandali lang ang excitement na iyon, dahil pagdating namin ng bahay ay naalala ko na naman ang ganap kanina lang.

-----o0o-----

Sa aking pagtulog ay nanaginip na naman ako. Sa pagkakataong ito ay naalala ko ang aking panaginip, yakap daw ako ng isang babae at isang lalaki na hindi ko naman nakikita ang mukha dahil nakasubsob ang aking mukha sa may tiyan ng babae. Wala naman siyang sinasabi kundi magpakabait daw ako at mag-aral na mabuti. Matutupad daw ang aking mga pangarap. Tapos ay wala na, nagising na ako dahil sa ginigising na ako ni JM. Maaga daw kaming lalakad papuntang ilog para mamingwit.

 

 

 

Itutuloy………………

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...