Everything I Have
(Chapter 14)
By: Joemar Ancheta
(From: hotpinoyparkzonestories)
Hinayaan kong
maramdaman ng matagal ang yakap ng isang ama. Kaytagal kong gustong maramdaman
iyon. Simula ng bata pa ako ay hindi ko naranasang hawakan ng isang tunay na
ama. Pumikit ako, gusto kong punan ang pagkukulang na iyon sa aking pagkatao at
pagmulat ko ay nakita ko ang mukha ni nanang. May ngiti sa labi na mula
pagkabata ay hindi ko iyon nakita sa kaniya. Masaganang luha din ang umaagos sa
kaniyang pisngi na parang ang dating asiwa at pagod niyang mukha ay naging
kalmado at tuluyang nabura ang hirap na kaniyang dinanas.
Tumingin ako kay
Daddy at tumingin din siya sa akin. Nang makita ko ang basa niyang mga mata at
ang pamumula nito ay alam kong pinipigilan lamang niya ang pagbagsak ng
kaniyang luha hanggang nakita ko ang mahina niyang pagtawa.
“Kaytagal kong
pinangarap na mabuo ko ang pamilya ko. Ito ang pangarap ko pa dati na akala ko
ay tuluyan ng hindi makakamit. Oo nga’t nasa akin na lahat ng yaman at luho sa
mundo, ngunit laging may kulang. Laging may iniisip akong akala ko hindi ko na
kayang abutin at dahil kay Gerald muling nabuo ang pamilya ko.”
“Dad, alam na ba ni
Gerald na magkapatid kami?”
“Gusto kong ilahad
sa iyo ang buong kuwento anak.”
Sinuklay-suklay
niya ang buhok ko na para pa rin akong bata sa kaniyang paningin.
“Sige po, makikinig
ako.”
Bumitaw ako sa
kaniya. Hinila ang isang upuan at umupo ako doon. Umupo din siya sa tapat
naming mag-ina. Nanatiling lumuluha si Ate Champagne dahil sa kaniyang mga
naririnig at nakikita. Sobra siyang nadala sa mabilis na pagkabuklat ng kuwento
ng aking buhay.
“Ang ipinakita ni
lola mo kay nanang mo noon na kasama ko sa litrato ay ang mommy ni Gerald.
Matalik ko siyang kaibigan mula pagkabata ko dahil kaibigan ng pamilya namin
ang pamilya niya. Kung may taong nakakaalam sa buong kuwento namin ng nanang
mo, walang iba kundi ang mommy ni Gerald. Magkaklase kami sa Elementary, High
School hanggang College at nakasama ko siya sa ibang bansa para sa aming
international practicum. Nagpadala ako ng mga pictures namin sa lola mo na
hindi ko naisip na gagamitin niya iyon bilang panira sa binitiwan kong pangako
kay nanang mo. Naniwala ang nanang mo sa kasinungalingan noon ng mommy ko.”
Huminto siya.
Napailing saka niya itinuloy.
“Sumalangit sana
ang kaluluwa ni mommy. Hayun nga, nang binalikan ko ang nanang mo sa apartment
ay wala na siya doon at nang sinundan ko siya sa purok nila ay hindi ko na siya
naabutan dahil ayon sa mga magulang niya, sumamang nakipagtanan sa iba. Hindi
parin ako naniwala noon. Alam kong mahal ako ng nanang mo at hindi niya
magagawang sumama sa ibang lalaki. Dahil walang nakakaalam kung saan sila
nagpunta ay sinikap kong hintayin ang pagbabalik niya. Lagi kong
ipinapanalangin ang kaniyang pag-uwi. Naghintay ako ng dalawang buwan doon na
kahit anong galit ng mommy ko ay wala akong pakialam basta ang lagi kong
iniisip ay sana man lamang ay maipaliwanag ko sa nanang mo kung ano ang totoo.
Ngunit nabigo ako hanggang naisip kong maaring masaya na siya sa piling ng
kaniyang sinamahan at dala ng pagkabigo, bumalik ako ng Manila. Halos isang
taong wala akong ginawa kundi maglasing, mambabae, magwaldas ng pera, bumiyahe
sa ibang bansa para makalimutan ko lang ang nanang mo. Hanggang kinausap ako ng
mommy ni Gerald at binuksan niya ang mga mata ko. Hindi niya ako iniwan. Kahit
mahirap ay ipinaramdam niya sa akin na hindi natatapos ang buhay sa pagkabigo
sa pag-ibig. Kung buhay man ang pag-ibig kailangan hindi ka mamatay sa
pag-ibig. Dapat marunong kang mabuhay ng dahil sa pag-ibig.”
“Naging kayo ng
Mommy ni Gerald Dad? Ibig sabihin ay magkapatid kami sa ama ni Gerald?” tanong
ko. Ngunit sa sulok ng aking isip ay nagdadasal akong sana hindi kami
magkapatid. Sana ay hindi matuldukan ang pag-iibigan namin dahil hanggang sa
sandaling iyon ay siya parin ang laman ng aking puso.
“Hanggang pagkaraan
ng isang taon ay naging maganda muli ang takbo ng buhay ko. Pinagsikapan iyon
ng mommy ni Gerald. May boyfriend noon ang mommy ni Gerald ngunit napabayaan
niya at nagkulang siya sa oras doon sa boyfriend niya ng dahil sa akin. May
nangyari sa kanila noon ng boyfriend niya hanggang dahil sa kaseselos ng
boyfriend niya sa akin at dahil hindi naman ako kayang iwan ng mommy ni Gerald
na wala pang pumapalit kay nanang mo sa puso ko, ay naging madalas ang kanilang
pag-aaway. Hanggang isang araw ay hindi na nagpakita ang boyfriend niya at
nalaman na lamang niyang ikinasal na ito sa ibang babae. Ilang lingo din lang
mula noon ay nalaman niyang buntis siya ngunit paano pa niya ipapanagot iyon sa
boyfriend niyang may asawa ng iba.”
“Ang ibig niyong
sabihin Dad, anak ng ibang lalaki si Gerald? Hindi ko kapatid si Gerald?”
napatayo ako sa kinauupuan ko. Naglulundag ako at parang sa sandaling iyon ay
bigla akong nakahinga ng maluwag, tuluyang naglaho ang lungkot sa puso ko at
lahat ng mga aalahanin ng isip ko ay biglang nawala. Napayakap ako kay ate
Champagne. Paulit ulit kong sinabi na habang lumuluha ako na hindi ko kapatid
si Gerald.
Nanginginig ang
labi ko at gusto kong isigaw sa buong mundo na hindi ko kapatid ang taong sobra
kong minahal. Ilang minuto din akong napapalundag hanggang napaluhod ako sa
katatawa na may kasamang luha. Mga luhang hinayaan kong umagos sa aking mga
mata. Luhang dala ng hindi ko makayanang supilin na ligaya.
“Makikinig ka pa ba
sa buong kuwento anak?” tanong ni Dad na noon ay napapaluha na rin sa nakikita
niyang ligaya sa akin.
Si nanang din ay
napatawa sa nakita niyang kakaiba kong reaksiyon.. Tahimik akong umupo ngunit
pangiti-ngiti. Ngunit sadyang hindi ko talaga mapigilan ang tumawa ng tumawa ng
tumawa hanggang lahat sila ay nakitawa na din.
“Sige po. Okey na
ako Dad, ituloy niyo na.”
“Dahil sa natatakot
ang mommy ni Gerald sa istrikto niyang pamilya at dahil alam kong hindi na ako
babalikan pa ng nanang mo, pinakasalan ko ang mommy niya para kapag maisilang
si Gerald ay may masasabi siyang daddy. Hindi mahirap mahalin ang katulad ng
Mommy ni Gerald. Natupad ang gusto ng aming mga pamilya. Naging mabuting
maybahay ang nanay ni Gerald at walang ibang nakakaalam sa buong pagkatao ni
Gerald kundi ako lamang at ang mommy niya. Hindi namin iyon sinabi kay Gerald
dahil gusto kong mahalin niya ako bilang tunay na ama at iyon din kasi ang
tanging paraan ko para lahat ng mga pagkukulang ko sa iyo ay kay Gerald ko
maibigay. Basta ang alam ko may anak ako sa nanang mo. Gusto kong gumawa ng
mabuti sa anak ng iba, ipadama ang tunay na pagiging ama para makinig din ang
Diyos sa panalangin ko na sana kung sinuman ang umako sa iyo ay ituring ka din
bilang isang tunay na anak niya. Gusto kong sa pamamagitan ng lubos na
pagmamahal ko sa mommy ni Gerald at kay Gerald ay ganoon din ang gagawin ng
kung sinuman ang pumalit sa akin sa puso ng nanang mo. Ngunit nalaman kong
hindi pala ganoon ang nangyari. Sobrang napahirapan ka ng husto ngunit gusto
kong lahat ng iyon ay mabubura na ngayong magkakasama na tayong lahat anak.”
“Nasaan na ngayon
ang Mommy ni Gerald?” paninigurado ko lamang kahit naikuwento na sa akin ng
yaya ni Gerald ang tungkol sa nangyari sa mommy niya.
“Namatay sa sakit
na kanser. Ngunit bago siya namatay ay hiniling niya sa akin na tanggapin ko si
Gerald kahit sino pa siya at irespeto ang lahat ng gusto niya dahil nais niyang
maging masaya ang anak niya. Gusto niyang mabuo ang buhay ng anak niya na
naayon sa gusto nitong mangyari. Basta wala siyang sinasaktan ay hayaan ko daw
na magiging masaya siya. Sinikap ko namang mabago ang pagkatao niya ngunit
sadyang lalaki ang gusto. Dahil sa pagkatao niyang ganun ay napilitan akong
magbasa ng mga libro, mag-internet tungkol sa ganoong pagkatao para lalo ko pa
siyang maintindihan. Hanggang naliwanagan ako at hinayaan siyang magiging
masaya sa pinili niyang buhay. Nang dumating ka sa buhay niya ay nakita ko ang
pagpupursigi sa kaniyang mag-aral. Naging masaya ang bawat araw niya hanggang
hiniling ko sa kaniyang mag-usap tayong dalawa.”
“Tulad ko, hindi
din ba alam ni Gerald ang lahat ng kuwentong ito?”
“Wala siyang alam
anak. Nalaman na lamang niya ang buong kuwento nang inuwi siya sa bahay ni Joey
na hinang- hina. Kinabukasan no’n ay nag-usap kami. Hindi naging malaking isyu
sa kaniya ang katotohanang hindi ko siya anak dahil ayon sa kaniya, higit pa sa
tunay na anak ang naramdaman niya mula sa akin at kahit pa nalaman niyang hindi
ko siya tunay na anak ay hindi nagbago ang pagtingin at pagmamahal niya sa
akin. Ang tanging hindi niya natanggap ay ang bigla mong pagtalikod sa kaniya.
Lahat ng paraan ginawa namin para mapaliwanagan ka ngunit sadyang nagiging
mailap ka. Ipinagkait mo sa kaniya ang pagkakataong magpaliwanag. Hindi mo siya
binigyan ng pagkakataong marinig ang kaniyang hinaing. Hanggang sa siya na
mismo ang nag-ayos sa kaso ng nanang mo para makalaya. Iyon ang tangi niyang
inatupag dahil alam niyang kapag makalaya ang nanang mo at muli kaming
magkasama ay iyon ang magiging susi para makinig ka sa akin. Sabi niya sa akin
na hayaan kong gawin niya iyon para sa akin, sa nanang mo at higit sa lahat ay
sa iyo. May mga gabing nakikita ko siyang umiiyak. Napakalakas ng kaniyang
iyak. Ilang gabi ding isinisigaw ang pangalan mo. Nasaktan siya ng sobra sa
pagkawala mo lalo pa’t hindi niya masabi sa iyo ang kaniyang niloloob. Iyon
bang lahat ng gusto sana niyang sabihin ay hindi niya masabi sa iyo at naiipon
lang sa dibdib niya. Wala siyang ganang kumain ngunit sa pakiusap ko ay
pinipilit niyang gawin. Ako ang nagbibigay ng pag-asa sa kaniya para mabuo ang
kaniyang buhay at lagi kong sinasabing magkakasama din kayong dalawa. Ang
laging sagot niya ay… “Sana nga po Dad.
Lahat, lahat ng meron ako kaya kong ibigay sa kaniya. Lahat ng meron ako ay
hindi ako magdadalawang isip na ihandog sa kaniya dahil alam kong siya ang
aking buhay. Ito na lang ang alam kong huling maibigay sa kaniya at ito lang
ang alam kong kailangan niya sa ngayon, ang mabuo ang pamilya niya. Yung muli
kayong magkakasama, kayo, si nanang at siya. Masaya na ako kapag mangyari iyon
kahit hindi na niya ako babalikan pa.”
Napaluha ako.
parang bumabalik sa akin ang kaniyang pagmamakawa noon sa pinto na mag-usap
kami. Ang paghahagulgol niyang paghingi sa akin ng awa na sana hawak-kamay
naming lutasin kung anuman ang problema. Umiiyak ako dahil sa mga ginawa ko.
Hindi niya dapat pinagdaanan ang ganoong sakit. Hindi siya dapat nasaktan ng
ganoon. Naramdaman ko ang hirap na pinagdadaanan niya dahil ako man din ay
ganoon ang sakit na pinagdaanan. Ang pagkakaiba nga lamang ay alam niyang hindi
kami magkapatid.
Pagkatapos ng
gabing nagmakaawa sa akin at ako naman ay pinipigilan ang sariling kausapin
siya sapagkat gusto kong makalimutan ang pagmamahal ko sa kaniya. Ang pagkakaalam
ko kasi ay kapatid ko siya.
“Nasaan po siya
ngayon Dad?” tanong ko.
“Nasa bahay.
Matagal ka niyang hinihintay. Gusto kong mula ngayon sa bahay na kayo titira.
Iyon ang gusto ni Gerald. Iyon ang hiling niya. Anak, mahal mo pa ba siya?”
“Opo Dad. Mahal na
mahal ko siya. Pinigilan ko lang dahil ang alam ko kadugo ko siya. Gusto ko
naman sanang magkita kami kung kailan handa na sana akong humarap sa kaniya
bilang kapatid at hindi bilang karelasyon ngunit dumaan na ang ilang buwan Dad
pero siya pa rin ang mahal ko at hindi nagbago iyon kahit sinikap kong isipin
na magkapatid kami. Mabuti na lamang po at hindi ngunit nasaktan ko na siya.
Napahirapan ko na siya ng hindi ko naman sinasadya.”
“Masakit sana na
isiping nagkaroon ako ng dalawang lalaking anak na hindi nasunod ang damdamin
sa ibinigay ng Diyos nilang pagkatao ngunit kahit baliktarin pa ang lahat at
kahit ano pa ang gagawin ko ay hindi ko matatalikurang anak ko kayo. Mainam ng
magkaroon ako ng anak na katulad niyo ngunit matalino, hindi masamang tao at
naipagmamalaki kaysa magkaroon ng anak na straight ngunit magiging sakit lang
ng ulo at kaaway ng lipunan.”
“Kumusta na po si
Gerald ngayon?”
Napabuntong hininga
si Daddy. Tumingin siya sa akin at biglang tumulo ang luha. Alam kong may hindi
siya sinasabi.
“Ayusin mo na ang
mga gamit mo anak. Uuwi na tayo sa bahay. Naghihintay sa atin si Gerald.
Matagal na niyang hinihintay ang pagkakatong ito. Matagal na niyang inaasam na
magkakasama tayong lahat.”
“Bakit hindi niyo
sinasagot ang tanong ko? Kumusta na po si Gerald?”
Yumuko siya at
humagulgol. Kung napigilan niya ang pagluha kanina, ngayon ay hindi na niya
nakayanan pa at natakot ako. Alam kong may hindi magandang nangyari.
Itutuloy…..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento