Kababata (Part 8)
Simon Loves JM
John Mark
Shet! Hinalikan
niya ako, shet! Ano itong nangyayari sa akin, bakit gusto ko ang nangyari,
naggagalit-galitan lang ako para hindi maging obvious na nagustuhan ko.
Nagseselos daw siya
kay Simon, maging sa kaibigan namin at kaklaseng sina Eduard at Kent. Bakit
kaya.
Hinahaplos ko pa
ang labi ko na nilapatan ng labi niya, hindi ko naman talaga kiniskis, kunwari
lang. Gusto kong hindi kaagad mabura ang halik na iyon. Nanatili akong
nakasandal lang sa gate at hindi kumikilos. Bahagya kong binuksan ang gate at
sinilip ko siya kung nakaalis na. Wala akong nakita, nagpalinga-linga pa ako at
tinanaw ang bahay nila.
“Bulaga! Sinong
sinisilip mo diyan, ako ba?” wika ni Jonas na bigla na lang lumitaw, naroon pa
rin pala siya sa gilid at hindi pa umuuwi, hindi ko siya nakita kaagad dahil sa
kanilang banda ako nakatingin at hindi sa kabilang side.
“Ha. Ano ka! May
nadinig akong katok, akala ko ay may tao. Bakit nariyan ka pa?” sagot at tanong
ko.
“Anong oras ang
punta ni Simon?” tanong ni Jonas.
“Walang eksaktong
oras, basta sabi ko ay sa umaga. Siguro ay 10 siya darating, tanghaling
gumising iyon kapag walang pasok eh,” tugon ko
“Bakit mo alam?”
“Kwento niya. Sige
na, alis ka na at may gagawin pa ako, Lakad na, tatanawin kita habang papalayo
ka.”
Umalis na nga siya,
palingon-lingon pa at tinitingnan kung sinusundan ko nga siya ng tingin. Nakatanaw
pa rin siya sa akin habang papasok na ng gate ng kanilang bahay. Pagkapasok
niya ay tuluyan ko nang isinara ang aming gate.
-----o0o-----
Wala pang nine ng
umaga ay dumating na si Simon, may dala siyang bag. Nagdala na raw siya ng
extrang pamalit, sabon at twalya. Halos kasunod lang din si Jonas, may dala
ring bag.
Inaya ko na sila sa
gym. Dalawa naman ang treadmill doon kaya pinauna ko na lang silang dalawa. Ako
naman ay nag-warm up sa pamamagitan ng simpleng excercises tulad ng stretching,
jumping jack, push-ups at sit-ups.
Nang makitang
nahihirapan akong mag-sit up ng walang nakahawak sa aking mga paa ay
nagprisinta muna si Simon na mag-assist sa akin. Nakasimangot naman si Jonas.
Nakakatuwa hehehe.
Parang
nagpapaligsahan ang dalawa, pagalingan. Ako naman ngayon ang nasa treadmill
habang si Simon ay nasa stationary bike at si Jonas ay nagbubuhat na ng
barbell.
May ibang equipment
doon na hindi ko alam ang pangalan at kung paano gamitin. Naguunahan pa ang
dalawa para ako ay turuan. Halos dalawang oras din kaming nagpapawis. Dinalhan
pa kami ni Nora ng maiinom at sandwich.
“Wow ha, ang haba
ng hair mo John Mark hehehe,” biro ni Nora.
“Nora ha, ayaw ko
ng ganyang biro!” babala ko kay Nora.
“Mark, may bisita
ka pala. Mabuti naman at nagagamit ang gym na iyan, matagal na walang gumamit
niyan,” sabi ni Tiya Rosy.
“Tiya, mga kaibigan
ko po, dito rin po sila sa village, kilala mo na naman po si Jonas, siya po si
Simon, malapit lang din po dito ang bahay nila.”
“Magandang umaga
po, naki gym po kami, gusto kasi ni JM na magpaturo kung paano gamitin yung mga
equipment,” wika ni Simon.
“Maraming salamat
ha, natutuwa ako at meron ng mga kaibigan sa lugar itong pamangkin ko. Siya,
maiwan ko na kayo. Nora, dito na natin sila pakainin ha, magluto ka ng marami.
Mga iho, dito na kayo mananghalian ha.” Wika ni Tiya.
-----o0o-----
Balik ang samahan
namin sa dati. Tuwang-tuwa naman sina Allysa, Alma, Eduard at Kent. Malaki
naman ang ipinakitang pagbabago ni Jonas, Hindi na siya umaasa sa akin sa mga
assignment. Marunong na siyang maghati-hati ng oras para sa kanyang mga
activity.
Paminsan-minsan ay
hindi namin siya nakakasama sa ibang lakaran dahil sa kanyang pagmo-model. Yung
pag-gawa niya ng content ay binawasan din niya ng konti, minsan nga ay isinama
pa kami. Nakasama na rin niya kami sa kanyang pagsasayaw sa tiktok. Minsan na
nag-live siya ay isinali niya ako. Nakakatuwang maraming nagko-comment ng
positive. Meron din bashers, hindi mawawala, pero hindi na iyon iniintindi pa
ni Jonas.
Kapag may time, ay
nakapaglalaro pa rin naman kami ng basketball kasama si Simon, kung minsan
naman ay si Simon lang. Kahit na naman kami hindi madalas na nagkikita ni Simon
dahil sa iba ang kanyang paaralan ay palagi naman kaming nakapagbi-video call
sa messenger.
Naging malambing sa
akin si Jonas, kahit na sa harap ng iba naming kaklase ay nilalambing niya ako,
hindi siya nahihiya, tuloy ay tinutukso ako nina Allysa kung kami na raw.
“Kayo naman,
nilalagyan naman ninyo ng malisya ang ginagawa niya eh, talaga namang malambing
yung tao.” Sabi ko sa kanila
“Malambing talaga,
pero sa iyo lang, at sa ex niya,” sabi naman ni Allysa.
“Hayaan n’yo,
sasabihin ko kay Jonas na lambingin din kayo hahaha. Grabe kayo.”
Nanatiling matatag
na ang aming samahang magkakaibigan sa school maging sa mga barkada namin sa
village.
-----o0o-----
Bakasyon na naman,
sa group chat na lang kami nagkakausap ng iba namin ka group sa school. Naging
busy naman kami sa aming village. Si Jonas ay lalong naging busy, nagso-shoot
siya ng content, dalawang beses isang lingo. Sa modelling stunt naman ay palagi
din siyang kinukuha kaya bihira na namin siyang makasama sa game namin sa
basketball. Gusto raw niyang makadami ng content para sa kayang social media
account para pagdating ng pasukan ay may maipalabas siya.
Nagkaroon ng liga
sa aming village, syempre, kasali ang aming team. Active naman si Jonas, sa team,
nakalalaro na siya ng regular sa aming practice. Nag-adjust daw siya ng oras
para makasali sa tournament.
As usual, si Myla
ang aming muse. Noon ngang parada ay napakaganda ni Myla. Ang team naman namin
ang may pinakamaraming taga-suporta, tambak kasi ang magagandang lalaki sa
aming team hehehe. Ewan ko ba kung bakit nagkasama-sama ang magagandang lalaki
sa aming team, pati na ang aming coach ay gwapo, macho kahit nasa edad 40
mahigit na.
Present palagi sa
laro namin si Myla, hindi siya lumiliban, nagsasama pa madalas ng kasama para
mag cheer sa amin sa tuwing may laro kami. Sa kabutihang palad ay palagi kaming
panalo.
May napapansin lang
ako, palagaing nakadikit kay Jonas itong si Myla, pinupunasan pa talaga ng
pawis kapag nasa bench, panay ang bigay ng tubig, in short, asikasong-asikaso.
Tila nagugustuhan naman ni Jonas ang ginagawang iyon ni Myla. Medyo naiinis na
rin ako, kasi nababawasan din ang pag-asikaso sa akin naman ni Jonas. Nakasanay
ko na rin kasi kaya parang hinahanap-hanap ko na. Mabuti na lang at narito si
Simon.
Noong gabing iyon
ay panalo na naman kami, isang laro na lang at makakasama na kami sa semi
finals. Dahil maganda ang naging laro namin ay nag-blowout ang aming coach at
manager. May hinanda pala ang aming manager sa kanilang bahay para ipakain sa
amin manalo man o matalo Hindi nakasama si Jonas dahil kailangan daw makausap
niya ang kanyang manager sa pagmo-model niya. Nauna na siyang umalis.
Malayo-layo na siya ng makita kong lumitaw sa isang sulok si Myla at kaagad na
lumapit sa naglalakad na si Jonas, holding hands kaagad sila.
Sa isip-isip ko ay
heto na naman si Jonas, nagsisinungaling na naman dahil lang sa babae. Ano ba
naman na magsabi siya ng totoo na gusto din niya si Myla. Alam naman namin na
patay na patay sa kanya ang babaeng iyon.
Pagkakain ay umuwi
na rin ako kaagad para makapag-pahinga, sinabayan naman ako ni Simon.
“Mukhang malungkot
ka ah, dahil ba wala si Jonas?”
“Hoy Simon, ano
yang sinasabi mo? Bakit naman ako malulungkot kung wala siya.”
“Eh kasi, pansin ko
eh masaya ka kapag kasama mo siya, malungkot ka naman kapag wala siya.”
“Nakow, ikaw talaga
lahat napapansin. Ikaw lang ang may sabi nun, sa akin ay wala lang.”
“Napansin ko kasi
na panay ang dikit ni Myla sa kanya at akala ko din ay may intindihan na kayo
ni Jonas kaya malungkot ka kapag nakikita mo sila na nag-uusap at kung minsan
ay naghaharutan.”
“Simon, lalaki ako,
lalaki rin si Jonas, hindi pwedeng maging kami at walang bakla sa aming
dalawa.”
“Ako sa aking
palagay, hindi ako bakla. Eh Bakit nagkakagusto ako sa iyo.”
“Hah, ulitin mo nga
ang sinasabi mo?”
“Totoo, hindi ko
nga alam kung bakit. Hindi ko rin alam kung paano nagsimula at kelan. Basta,
nararamdaman ko na nagkakagusto ako sa iyo,” ang maiyak-iyak na pag-amin sa
akin ni Simon.
“Simon, may
pinagsabihan ka na bang iba sa sinasabi mong iyan sa akin?”
Umiling lang siya.
“Mabuti kung gayon,
kasi mahirap na, baka mapagkamalan tayong mga bading niyan, baka pandirihan
tayo ng mga kaibigan natin. Saka alam kong nagbibiro ka lang.”
“Hini ako
nagbibiro, totoo ang sinasabi ko. Hindi naman ako umaasa na magugustuhan mo rin
ako, ang mahalaga ay masabi ko sa iyo. Huwag mo naman sana akong iiwasan.
Na-fall ako eh, kung mali man ay kasalanan ko.”
“Alam mo Simon,
hanggang maaga, kung totoo ang sinasabi mo ay siguro dapat mo nang iwaksi, baka
dahil sa palagi lang tayong magkasama ngayon. Mawawala rin iyan. Ibaling mo sa
babae ang damdaming ganyan, kasi hindi ko matutugunan.”
“Alam ko,
nagbabaka-sakali lang naman ako. Baka kasi mabaling balang araw ang atensyon mo
sa akin at hindi kay Jonas.”
“Wala akong
nararamdaman kay Jonas, magkaibigan lang kami, tayo, magkakaibigan at mahal ko
kayong lahat. Ganon naman ang magkakaibigan, ‘di ba? Nagmamahalan?”
“Alam ko, pero sana
naman ay hayaan mo na lang akong mahalin ka, pwede ba. Hindi ako naghihintay na
mahalin mo rin. Basta, ako na lang ang bahala sa aking feeling sa iyo,walang
ibang makakaalam kundi ako.”
Naghiwalay kami ni
Simon na may bigat sa aking dibdib. Ramdam ko na tunay ang pinagtapat niya sa
akin. Matagal ko nang nararamdaman iyon dahil sa mga kilos niya. At ako, totoo
naman talaga na may feelings ako kay Jonas. Umasa rin ako na magkakagusto siya
sa akin dahil na rin sa atensyong ipinagkakaloob niya sa akin nitong mga
nagdaan araw simula ng magkahiwalay sila ni Estella.
Hindi naman mahirap
mahalin itong si Simon, mabait siya, mapagmahal, gwapo at magaling makisama.
Nasa kanya na ang katangian hinahanap ng mga babae. Ewan ko lang kung bakit sa
akin siya nagkagusto.
-----o0o-----
Nanalo kami nung
huling laban, kaya pasok na kami sa semi finals. Matagal-tagal din kaming hindi
lalaro, practise lang kami paminsan-minsan.
Isang araw ay
nagtungo ako sa court, may laro daw ang isa sa sinasabi nilang baka makalaban
namin sa semi finals. Nakita kong naroon din si Jonas. Lalapitan ko sana siya
nang makita kong nilapitan siya ni Myla. Napahinto ako at pinagmasdan ko na
lang muna sila. Maya-maya at tumayo na sila at umalis.
Ewan ko ba,
naisipan kong sundan sila ng lihim. Malayo-layo na ang nalalakad nila, palagi
pang sa medyo madilim sila naglalakad. Narating nila ang isang tila
inabandonang bahay na hindi pa natatapos na gawin, tila kinulang sa budget at
hindi na tinapos.
Pumasok sila roon,
hindi na naman ako sumunod pa sa loob at doon na lang sa labas. Nagtataka naman
ako kung bakit hindi pa ako umalis gayong wala naman na akong makikita pa sa
labas kung may gagawin man silang hindi maganda. Maya-maya ay nakarinig ako ng
mga ungol. Maaring wala pa nga akong karanasan, pero alam ko naman ang klase ng
ungol na iyon. Ano pa ba ang dapat kong asahan. Hindi ko na kinaya pa, nilisan
ko na lang ang lugar na iyon, mas masasaktan ako kapag nakita ko pa ang
ginagawa nila.
Nang mga sumunod na
araw ay palagi pa rin naman kaming magkasama, maliban na lang kung may iba
siyang ginagawa, gaya ng modelling niya at sa account niya sa social Media.
Kumikita siya doon kaya hindi ko siya hinahanapan ng mahabang oras.
Hindi rin ako
nagpapahalata sa kanya na may nalaman ako sa kanya. Wala naman akong dapat
ipagtampo o ikagalit dahil sa wala naman kaming ugnayan maliban sa magkaibigan
kami. Sa ilang araw na wala kaming laro ay palaging si Simon ang aking
nakakasama. Nalilibang ako at nawawala sa aking isipan si Jonas.
Dumating ang
semi-finals, ang team namin ang nanalo. Kelangan nang tapusin ang liga dahil sa
malapit na naman ang pasukan. Mabuti na lang at natapos ilang araw bago
magpasukan. At gaya ng inaasahan, ang team namin ang pinalad na mag-champion.
Si Simon ang naging hero namin. Gumawa naman lahat, pero siya ang nakapuntos ng
marami, pangalawa si Jonas at pang-apat lang ako sa pinakaraming nagawang
puntos. Hindi ako masyadong nakapuntos, dahil sa hindi ako ganahang maglaro
dahil sa ilang beses ko pa ring nakikitang biglang nawawala ang dalawa ni Myla
at Jonas bago ang championship.
-----o0o-----
Back to school,
masayang nagkita-kita ang aming grupo, walang katapusang kwentuhan ang
nangyari. Nakakatuwa talaga itong si Edward, komedyante pa rin. May isa pang
rebelasyon akong nalaman buhat kay Allysa, sila na pala ni Kent, hindi raw siya
tinantanan nito sa panliligaw, nagtiyaga raw ito. At dahil sa tiyaga ay tuluyan
na ring nahulog ang loob niya sa aming kaibigan.
“Ikaw Eduard, baka
ayaw lang ninyong sabihin sa amin, kayo na ba ni Alma?” biro ko.
“Naks ha, hindi ko
siya type,” sabi ni Alma.
“Mas lalo namang
hindi kita type, ang type ko ay yung hindi masyadong maganda para sigurado
akong ako lang at wala nang iba,” wika naman ni Eduard.
“Buti naman at
inamin mong maganda ako at hindi bagay sa iyo.” Sagot ni Alma.
“Hala, kayong
dalawa, huwag magsalita ng patapos, baka sa bandang huli ay kayo rin.” Sabi ko.
“Hindi rin,” sabay
na wika ng dalawa ni Alma at Eduard.
“E kayong dalawa ni
Jonas, inseparable kayong dalawa. Wala lang sa amin kung kayo ang
magkagustuhan, ganon talaga, uso ngayon ang ‘BL’,” wika ni Kent.
“Anong BL?” tanong
ko.
“Boys’ Love.
Parehong lalaki, nagkagustuhan,” sagot ni Kent.
“Alam n’yo… bagay
kayong dalawa eh. Kapag naging kayo, suport ko kayo pareho,” sabi ni Allysa.
“Kami rin,” chorus
pa ng tatlo nina Kent, Eduard at Alma.
“Tumigil nga kayo
at baka may makarinig na iba sa pinag-uusapan natin,” sansala ko sa kanila.
Ewan ko kung bakit tahimik lang si Jonas. “Hindi kelan man magkakatotoo ang
sinasabi mo dahil hindi kami pumapatol sa kaparehong gender. Isa pa, may nobya
na uli si Jonas, ayaw pa lang niyang sabihin sa atin, pero ako, alam ko
hehehehe.” Dugtong ko pa.
“Totoo ba Jonas?”
“Aba, ewan ko
diyan. Baka siya ang meron.”
-----o0o-----
Uwian na,
kanya-kanya na kaming lakad dahil iba-iba naman ang aming uuwian. Ang iba nga
ay sa dorm lang umuuwi.
“JM, hindi muna
kita isasabay ngayon ha, pupunta kasi ako sa aking manager, gusto raw akong
makausap, may trabaho raw yatang ibibigay sa akin.”
“it’s okay, wala
namang problema sa akin eh.,”
Patalikod na sa
akin si Jonas nang may humintong sasakyan sa tapat namin at saka bumukas ang
bintana. “Pauwi na ba kayo? May dala ka bang sasakyan Jonas. Kung wala ay
sumabay na lang kayo sa akin,” anyaya ni Simon.
“May sasakyan
siyang dala, pupuntahan daw yung manager niya. Buti at dumating ka, malilibre
ako sa pasahe at hindi pa mahihirapang sumakay,” sabi ko na kaagad ding sumakay
sa unahan ng kotse katabi ni Simon. “Kita na lang tayo bukas, Jonas, ingat ka.”
Walang sagot mula sa kanya, para siyang natulala.
Hindi pa kami umuwi
kaagad, nagtuloy pa kami sa Cubao para maglakad-lakad at kumain. First day pa
lang naman ng klase at hindi pa regular ang klase kaya naman nakapanood pa kami
ng sine. Alas nuwebe na kami nakauwi.
Nagpahinga ako
sandali at pagkatapos ay nag-shower. Paglabas ko ay tumunog ang aking CP, Si
Jonas ang tumatawag, hindi ko iyon sinagot. Nang tingnan ko ang aking cp
ay may notification na ilang beses
siyang nag-miss call sa akin at may sampu yatang messages. Hindi ko na
pinag-aksayahan pang basahin. Sasabihin ko na lang bukas na naka-silent ang
phone ko dahil sa nanood pa kami ng sine hehehe. Manigas siya. Hindi na muling
tumawag si Jonas, hindi na rin nag text.
Kinaumagahan,
nag-message si Simon, tinatanong ako kung gusto ko raw sumabay. Sinabi kong oo.
Dadaanan daw niya ako bandang 8:00, nine kasi ang una naming subject kaya bago
mag nine ay nasa eskwelahan na ako.
Nasa tapat na ng
aming bahay ang kotse ni Simon, pasakay na ako ng dumating naman ang kotse ni
Jonas, bumusina siya. “Sa kanya ka ba sasabay?” tanong ni Jonas.
“Oo, sinabihan kasi
niya ako na dadaanan ako at pumayag akong sumabay sa kanya. Sige Jonas, magkita
na lang tayo sa School.”
Itutuloy………………
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento