Biyernes, Marso 8, 2024

Series From Other Blog # 19 - Everything I Have (Chapter 6) By: Joemar Ancheta (From: hotpinoyparkzonestories)

 


Everything I Have (Chapter 6)

By: Joemar Ancheta

(From: hotpinoyparkzonestories)

 

Naging parang napakabilis ng pangyayari. Nawala ako sa aking sarili. Tulala ako na parang sa sobrang paninisi ko sa aking sarili ay wala na akong ibang iniisip kundi ang nangyaring hindi ko sinasadya. Napatay ko si tatang at ngayon ay parang biglang tumigil ang pag-ikot ng aking mundo. Parang hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para ibalik ang buhay niya. Kung sana muli kong ibalik ang buong pangyayari, sana hinayaan ko na lang na saktan ako ni tatang. Sana din ay inilayo ko na lang si nanang doon nang hindi ko siya nakikitang pinagbubuhatan ni tatang ng kamay. Anong silbi ng aking luha? Makakaya kaya niya itong ibalik ang buhay ni tatang? Anong silbi ng aking mga hagulgol, kaya niya kaya akong iligtas sa kulungan? Anong silbi ng aking pagsisisi, kaya ba nitong linisin ang tatahakin kong landas tungo sa aking pagtatagumpay?

“Nang… patawarin mo ako. Hindi ko ho sinasadya alam niyo po iyon. Ayaw ko lang kasing makitang sinasaktan ka. Hindi po ako lumaban ng ako ang sinasaktan niya pero hindi ko na po kayang pigilan ang lahat ng nakita kong kayo na ang pinapalo niya. Nang… ano ang gagawin ko? Nang… patawarin mo ako!” humahagulgol kong pagsusumamo kay nanang. Malakas na malakas ang hagulgol na iyon.

“Anak,” si nanang. Hinawakan niya ang duguan kong pisngi. Puno ng luha ang mga mata. Wala akong nakitang galit doon. Katulad pa rin ng mga mata niya nang unang pambubugbog sa akin ni tatang at gabi na ako umuwi. Ganoon na ganoon ang kaniyang mga titig.

“Ngayon, hayaan mong babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa iyo noong bata ka pa lang. Gusto kong sundin mo lahat nang sasabihin ko. Magmula ngayon, tanggalin mo sa isip mo na wala kang kasalanan at aksidente ang lahat ng nangyari ngunit imbes na ikaw ang sumipa o kaya ay nanlaban kung bakit natusok si tatang mo diyan ay ako ang aako. Ako ang magsasabing sumipa sa kaniya ng ubod ng lakas.”

“Nang, ayaw ko, hindi ko hahayaang kayo na walang kasalanan ang makukulong sa nagawa ko. Nang, hayaan ninyong ako ang haharap dahil ako naman talaga ang nagkasala. Saka menor de edad pa ako Nang, hindi pa ako makukulong.”

Umiiyak ako. Hindi ko kayang gawin ang pinapakiusap niya sa akin.

“Anak, sabihin na nating hindi ka nga makukulong anak ngunit habang-buhay na ikakabit sa pangalan mo na ikaw ay mamamatay tao, paano ang pangarap mo, paano ang mga pangarap ko sa iyo? Kung hahayaan kong mangyari iyon, tuluyang mawawala ang magandang kinabukasan mo at tuluyan mo ding pinatay ang pangarap ko sa iyo. Alam ko, matalino ka at alam kong kahit wala ako ay kaya mong itaguyod ang pag-aaral mo. Nanaisin kong makulong anak basta ang kapalit nito ay may marating ka. Iyon ang pinakamahalaga sa akin. Gusto kong may mararating ka. Matanda na ako, bata ka pa. Mas maraming oportunidad na naghihintay sa iyo at lahat ng iyon ay masasayang lang kung ikaw ang haharap dito samantalang ako, kahit nasa labas lang ay sa tingin mo ba may pag-asa pang mababago ang buhay ko? Ikaw, kung ikaw ang nasa labas, sigurado may pagbabago. Maraming mga pagbabago na puwedeng makakatulong din sa akin para makalaya at muli tayong magsasama.”

Naintindihan ko ang mga gusto niyang sabihin. Kaya ng utak kong intidihin ang gustong ipakahulugan ni nanang sa akin. Kaya kahit masakit para sa akin ay nakinig ako dahil alam ko at naniniwala akong ang ina ang mas nakakaalam para sa kabutihan ng anak.

“Basta ipangako mo sa akin anak na magiging maayos ka. Gusto kong makatapos ka ng pag-aaral mo. Alam kong kaya ng talino mong iahon ang sarili mo. Naniniwala ako sa sarili mong kakayahan. Matatahimik ako sa kulungan kung alam kong pinagpapatuloy mo pa ring makamit ang iyong pangarap. Bata ka palang noon nakaya mo ng itaguyod ang sarili mo, mas kampante ako at mas bilib ako sa iyong kakayahan ngayon. Sige na anak. Patay na ang tatang mo. Wala na tayong ibang magawa ngayon kundi harapin ito. Hindi na natin kayang ibalik pa ang buhay niya.”

Lumabas si nanang sa bahay, bumalik siyang kasama na ang kapitan namin. Dumami ang mga tao. Pinagkaguluhan kami ng buong baryo. Maraming espekulasyon ngunit alam ko ang buong katotohanan. Naroon lang ako, nawawala sa sarili, nagmamasid at tuluyang ipinaubaya kay nanang ang lahat alinsunod sa kagustuhan niyang mangyari. Nilinis ang bangkay ni tatang. Naiburol. Nailibing. Dinala si nanang sa kulungan. Nagsimula ang paglilitis. Nasistensiyahan. Naiwan akong mag-isa ngunit alam kong balang araw, kapag may sapat na akong pera, tutulungan ko siyang mailabas at sana hindi pa magiging huli ang lahat. Ang lahat ng iyon ay parang kisapmatang nangyari na ang tanging nagawa ko ay ang lumuha ng lumuha ng lumuha.

Mag-seseventeen na ako noon ngunit parang tuluyan ng hinubog ng sari-saring dagok ang buhay ko. Tanging mga teachers ko na siyang naniniwala sa aking kakayahan ang nag-udyok sa akin para tapusin ang pag-aaral at nang mahimasmasan ako ay ang naging motivation kong lumaban ay ang pangako ko kay nanang. Iyon ang laging nagpapalakas sa akin. Gusto kong balang araw ay mailabas ko siya sa kulungan. Gusto kong ialay sa kaniya ang diplomang kaniyang hinangad na makamit ko. At ipinapangako ko iyon sa kaniya.

Nagtapos akong Valedictorian. Maraming mga scholarship offers na colleges at university sa aming lugar ngunit sa tulad kong may mataas na pangarap ay mas malayo pa doon ang gusto kong marating. Sa lahat ng mga paghihirap kong iyon ay hindi ako iniwan ni Ate Champagne. Siya ang tumayong pangalawang nanay at tatay ko. Siya ang walang sawang sumusuporta sa akin dahil alam niya kung gaano ako kadeterminadong magtagumpay. Ako na rin lang daw ang kamag-anak niya matapos siyang palayasin ng mga makikitid niyang mga magulang. Dama niya ang mga sakit na pinagdadaanan ko. Dahil sa galing siya sa pinanggalingan ko at gusto niya akong tulungan ng walang kapalit. Sino pa ba kasi ang para sa mga alanganin kundi ang kapwa alanganin din maliban sana sa pamilya.

Gusto kong mag-enroll noon sa University of the Philippines sa kursong Medicine. Hindi ako kinontra ni ate Champagne bagkus sinosuportahan niya kung ano ang gusto ko dahil naniniwala siya sa aking kakayahan. May mga kabigan daw siyang makakatulong sa akin sa Manila. Hindi agad ako nakapag enroll dahil August ang UPCAT. Halos 60,000 kaming applicants noon sa pagiging oblation scholar at halos 18% lang ang pumapasa. Tinulungan ko si ate Champagne sa kaniyang parlor. Tinuruan niya ako manggupit hanggang pati mga baklang mga kabataan ay ako na ang hinanahanap para manggupit sa kanila. Ngunit hindi ako kumilos na parang parlorista. Kumilos ako na isang tunay na lalaki at hindi ko na hinayaan pang mahulog ang loob ko sa kahit sino. Takot na akong magmahal dahil laging may kaakibat itong hindi maganda sa aking buhay. Gusto kong makamit ang mga pangarap namin ni nanang.

Pagdating ng February ay nalaman ko na ang result ng UPCAT ko. Hindi ako magkamayaw sa saya noong nalaman kong Top 2 ako sa lahat ng mga nag-eksamenn at dahil doon ay nakapasok ako LU I INTARMED students. Ang INTARMED ay ang pinaiksing taon na pag-aaral ng medisina. Dalawang taon na Pre-medical course at limang taon sa kursong medisina at ang limang taon na ito, apat na taon ang sa medicine at isang taon sa clinical internship. Doon sa 50 na lalaki at 50 na babae ay mamimili naman sila ng 40 na applicants na magiging full scholar. Kasama sa scholarship program ang libreng tuition, book allowance, transportation allowance at iba pang mga incentives. Natapos iyon na ako ang pang-limang may pinakamataas na puntos sa lahat ng mga exams at interviews. Noon, alam kong abot-kamay ko na ang mga pangarap. Nakahandang tulungan ako ni ate Champagne ngunit hindi ko iniasa sa kaniya ang lahat-lahat dahil sa tuwing vacant ko ay puwede din akong magtrabaho para sa iba ko pang gastusin at pangangailangan.

Bago ako pumunta ng Manila para simulan ang pagkamit ng pangarap namin ni nanang ay may iniabot siya sa akin. May bilin siyang alam kong siyang magpapalakas sa aking pakikibaka.

“Anak, habang nasa Manila ka at nag-aaral, huwag mo akong isipin dito sa kulungan dahil maayos naman ako dito. Basta maniwala kang muli tayong magkakasama. Alam kong darating ang panahong mailalabas mo din ako dito at handa akong maghintay kung kailan iyon. Ipagdadasal ko ang iyong kaligtasan at pagtatagumpay. Huwag mo sanang kalimutang mahal na mahal kita. Huwag mo ng hayaan na muli kang sirain ng iyong pagkatao. Sana may natutunan ka na sa mga nangyari sa iyo. Gamitin mo bilang aral iyon sa iyo anak. Gamitin mo ang mga nangyaring iyon para umiwas at harapin kung ano ang tama at dapat. Ibibigay ko ang picture ng ama mo sa iyo dahil hindi natin alam na baka isang araw ay magkikita kayong dalawa. Wala na akong balita pa sa kaniya ngayon ngunit gusto kong aminin sa iyo na minahal din ako ng ama mo. Nadama ko iyon. Damang-dama ko iyon ngunit dahil hindi siya naging matatag sa pangako niya sa akin kaya tayo ngayon ang nagkakahiwa-hiwalay. Alam kong matagal pa bago tayo muling magkita ngunit gusto kong wala kang ibang iisipin kundi ang pag-aaral mo. Kasama mo ang mga dasal ko at mag-iingat ka doon.”

Lumuluha si nanang noon. Umiiyak din ako ngunit sa pagbabalik ko. Sa muling pagkikita naming ay sisiguraduhin kong ang lahat ng iniliuha niya at paghihirap ay mahahalinhinan ng mga ngiti at halakhak.

Naging mabilis ang paglipas ng panahon. May mga crushes ako, madaming madami ngunit binusog ko na lamang ang mga mata ko. Hindi ko na hinayaan pang muling mahulog ako na magiging sanhi lang ng pagkasira ko. Itinuon ko ang lahat sa aking pag-aaral at pagtratrabaho. Tatlong taon na lamang matatapos na ako noon sa medicine nang may lumapit sa akin. Nasa shelves ako noon ng library at abala sa pagreresearch at pag-aayos ng mga librong binasa ko nang may lumapit sa akin.

“Hi, excuse me, could you find this book for me and bring this in that table.”

Boses pa lang ulam na. Nang lumingon ako ay napako na ng tuluyan ang tingin ko sa kaniya. Ganoon din siya sa akin na parang hindi rin kaagad nakapagsalita. Dumikit ang paningin niya sa akin mukha. Nakita ko ang kaniyang paglunok. Nagrehistro ang kaniyang kabuuan sa akin. Sa tangkad kong 5’9 ay matangkad pa siya sa akin ng bahagya. Alam kong halos kaedad ko din lang siya. 23 years old na ako noon. Makinis ang balat ngunit hindi din siya maputi. Tamang kulay ng pinoy. Maiksi at sunod sa uso ang napatayong buhok niya. Maliban sa mga napapanood kong mga gwapo sa TV ay ngayon lang ako nakakita ng malapitan ng totoong guwapo sa paningin ko. Guwapong may kakaibang dating sa akin at lahat ng lakas kong lumaban at umiwas ay hinigop ng kaniyang mala-adonis na mukha.

Sumemplang ang aking talino. Yumuko ang aking mga paniniwala at nanikluhod ang aking pagmamatigas na hindi na, hindi na muling matatamaan sa sibat ni kupido. Ngunit naroon si nanang. Naroon ang pangaral ni nanang na siyang nagpabalik sa akin sa katinuan.

“Are you okey?” tanong ng naguguluhan ding estranghero.

“Yeah, am fine.” sarkastiko kong sagot.

“Could you find the books listed in this paper and bring it there?” tinuro niya ang kaniyang upuan.

“Who do you think I am?” naguguluhan kong tanong.

“A librarian. You’re one of them, yeah?” nakangiti ngunit nahihiya niyang balik-tanong.

“No! What makes you think that I am one of them naman?”

“Kasi, your polo is the same with their uniform.”

Tinignan ko ang mga suot ng mga librarian na uniform at sinipat ko ang suot ko. Hindi naman parehong-pareho ngunit halos magkatulad.

“Am sorry but am not one of them. Hindi din ako mahilig makipag- usap sa stranger.”

“Gerald here.”

Nilahad niya ang palad. Nakikipagkamay.

“Paano mo naman nalamang interesado ako na makilala kita?”

Tumaas ang isang kilay ko. Hindi ko tinanggap ang pakikipagkamay niya.

“Sabi mo, you’re not talking to stragers, so I presumed na kung sabihin ko ang pangalan ko sa iyo, hindi na ako stranger sa ’yo at puwede na tayong mag-usap. Napaka-ironic kasi kanina mo pa ako kinakausap, tapos ngayon mo lang sasabihing ‘di ka nakikipag usap sa di mo kilala?”

Tumalikod na ako. Nanalangin ako. “Diyos ko, ilayo mo na naman ako sa tukso.” Usal ko sa Diyos. Para sa akin isa siya sa mga tuksong handa akong sirain. Paglabas ko sa library ay may tumapik at humawak sa balikat ko. Lumingon muli ako.

“Hey, hindi ba kabastusan yung ginawa mo sa loob?” Makulit nga ang isang ito.

“Look, I am not interested. ‘Di mo ba nakita na iniwan kita doon. That means, hindi ako interesado.”

“Interesado sa ano?” napapangiti siya.

“Sa iyo?”

“Look pare, am just here offering friendship. Makulit akong tao.”

“And I am not interested having friend. Tama na yung collections kong friends. As of now, wala akong planong magdagdag.”

Tumalikod na ako. Mabilis siyang humabol at hinarang ako.

“Wait. Galit ka ba sa mundo o galit ka lang na may nakakaungos sa kaguwapuhan mo!”

“Hindi ka lang pala makulit, mayabang ka pa. Sa tingin mo mas guwapo ka sa akin?”

“Kaya ka nga insecure di ba? Kaya ayaw mo makipagkilala sa akin dahil mas guwapo ako sa iyo?”

“Look, wala akong panahon. Busy akong tao. Books ang hinahanap mo kanina di ba? Bakit ako ngayon ang kinukulit mo?”

“Kasi nga I find you more interesting than books.”

Nambola pa ito. Hinawi ko siya. Binilisan ang paglakad ngunit mabilis niyang hinila ang notebooks ko na nakaipit lang sa aking kilikili. Parang batang gusto pa yatang makipag-agawan.

“You’re so immature!”

“Ibabalik ko ito kung sasabihin mo sa akin ang pangalan mo.”

“Hindi ka na nakakatuwa.”

“Pero natutuwa ako sa iyo!” sagot niyang parang masayang-masaya sa ginagawa niya.

“Okey. I’ll tell you my name but promise me na hindi mo na ako uli guguluhin pa.”

“Okey. Promise ibabalik ko notes mo at babalik na din ako sa library kasi my stuffs are still there.”

“I’m Mario.” Seryoso kong pakilala.

“As in Super Mario? Mario what?”

“Bautista. Mario Bautista.”

“I am Gerald. Gerald Lopez.”

Nilahad niya ang kamay niya. Bilang isang taong may pinag- aralan ay tinanggap ko na lamang ang kaniyang kamay. Nang magkadaop-palad na kami ay naramdaman kong may kakaiba siyang pisil. may init, may kahulugan.

At sa kaniya, sa kaniya ako muling natutong magtiwala at magmahal. Sa kaniya muling umikot ang mundo ko. Siya ang dahilan ng lahat ng meron ako dahil lahat, lahat lahat ay siya ang dahilan kung anong meron ako.

 

 

Itutuloy…….

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix

  Ang Aming Commandant (Part 1/2) By: Felix   Matagal na ang karanasan kong ito, pero hindi ko ito makalimut-kalimutan. Kasi una ko it...