Lunes, Agosto 5, 2024

Kwento ni Ambeth (Part 20) - Ligawan

 


Kwento ni Ambeth (Part 20)

Ligawan

 

Pagpasok ko ng aming silid ay naroon na sa silid si Justine. Himala, tahimik, hindi man lang ako binati. Sa isip-isip ko ay mabuti naman. May dala akong kakanin na sadya kong itinago para pasalubong kina Kuya at Rolly, sa close friend ko dito na si Rexy at kay Erwin kapag nagkita kami sa school. Syempre, mero din para kay Justine. Hindi ko naman siya pwedeng makalimutan dahil roommate ko siya. Bumaba na ako para ibigay kay Kuya ang pasalubong ko at tinungo ko rin ang silid nina Rexy, mabuti at naroon siya. Nakipag-kwentuhan pa ako sa kanya sandali, baka may bagong tsismis eh hahaha.

Balik ako sa aking room, kaagad kong nakita si Justine na may nginunguya, may kinakain. Kinabahan ako, baka kasi nilantakan na ang kakaning kong uwi.

-----o0o-----

“Yummy! Ang sarap talaga, thank you Ambeth ha. Paborito ko talaga ang kakanin na ito,” wika ni Justine na panay ang ngasab at nilantakan na nga ang kakanin na pasalubong ko. Para naman talaga sa kanya ang isang balot at akin naman yung isa pa. Pero akala ko ba ay hindi ako pansin.

“Hala, kinain mo iyan? Panis kaya iyan!” biro ko. Tiningnan ko kung may itinira, meron naman. At least hindi niya kinuha lahat.

“Hayaan mo na, laman tiyan din. Saka hindi naman lasang panis, masarap nga eh. Ikaw ha. Parang hindi mo ako roommate, inuna mo pang bigyan ang iba. Ano ba ako sa iyo?” Drama ni Justine.

“Ikaw kaya ang hindi nambati. Talaga namang para sa iyo iyan. Nakita mo, mas madami at dalawang klase pa, samantalang ang ibinigay ko kay kuya at kay Rexy at isang klase lang,” sabi ko naman.

“Ibig bang sabihin ay mahal mo ako?”

“Anong sinabi mo? Manigas ka uy, Ikaw ang aking masamang panaginip. Ubusin mo na iyan kung kaya mo. Meron pa ako dito. Para bukas na ito,” sabi ko.

Lumapit siya sa akin at kinuha ang isa pang balot at siya na raw ang magtatago. “Ang sweet mo talaga, mwah,” wika niya sabay halik sa pisngi ko.

Nahawakan ko ang pisngi na hinalikan niya. “Justine ano ka ba? Para kang sira!” kunwari ay galit ako. Ang hindi niya alam ay kinilig ako.

“Asus, galit daw… nag blush ka nga eh. Gusto mo naman talaga. Ano… yung kabila naman.” Akala ko ay nagbibiro lang, pero nagulat ako dahil sa hinalikan talaga ako sa kabila kong pisngi. Siguro ay lalo akong nag-blush.

“Hoy, magtira ka mamaya, baka hindi ka na makakain ng hapunan,” paalala ko.

“Oo nga ano,” sagot niya at tumigil na sa pagkain at itinago na ang natira, pati na rin ang isang balot pa na sana ay para sa akin naman. Hindi na bale, me isa pa naman akong balot para kay Erwin. Baka magkita kami bukas.

-----o0o-----

Sa pagdaan ng mga araw, may napapansin akong pagbabago sa aking roommate na si Justine. Parang tahimik lang siya, hindi na siya tulad ng dati na kapag nakita na ako ay agad akong bubuskahin, aasarin, bibiruin. Pero iba na ngayon. Naninibago ako, parang hindi na siya si Justine. Tuloy ay naisip ko na baka may dinaramdam, baka may problema. Hindi na ako nakatiis, miss ko na ang Justine na una kong nakilala, kaya nagtanong na ako.

“Justine… may problema ka ba? Bakit ang tahi-tahimik mo? Naninibago ako sa iyo,” tanong ko. “May sakit ka ba? Hindi kaya na matanda ka? Bakit hindi ka magpatingin sa isang albularyo,” wika ko pa.

“Wala akong problema, wala rin akong sakit. Ano ka ba naman Ambeth? Sala ka sa init, sala ka sa lamig. Kapag nag-ingay ako, galit ka, ngayon naman na tahimik ako, iba naman ang iniisip mo,” tugon ni Justine.

“Naninibago kasi ako sa iyo. Hindi ka naman dating ganyan. Hindi ako sanay na tahimik ka.”

“Ahh, gusto mo yung inaasar ka, yung kinukulit ka palagi, ganun ba?”

“Hindi naman sa ganon. Ah basta, mas gugustuhin ko na yatang maingay ka. Pang therapy ko iyon eh, yung bang nae-exercise ang vocal chord ko, miss ko iyon… promise,” sabi ko. Totoo naman, mas buhay ako kapag ganun siya hindi yung para kaming nasa sementeryo na sobrang tahimik.

“Ayaw mo ba nun, hindi na kita inaasar? Pinipilit ko na ngang baguhin ang ugali ko eh, tapos gusto mo pala ay inaasar ka. Ayoko na ng ganun, gusto ko yung ano na… yung…”

“Yung ano? Bakit hindi mo ituloy. Ano yung gusto mo?” pilit kong tinatanong sa kanya, pero ayaw na, tinalikuran na lang ako.

Ano kayang nangyayari sa taong ito? Baka nga namatanda na. Siguro ay itawag ko kay Nanay para mapatawas. Pwede kasi kahit malayo, basta may larawan. I send ko yung picture niya para ipakita sa albularyo sa barangay namin, magaling iyon. Nakakapagbalik iyon ng nawawalang bagay. Nag-message na nga ako kay Nanay para ipatawas itong si Justine.

Kaagad naman nakapag-reply si Nanay makalipas lang ang isang araw ay ang sabi ay wala naman daw. Pero ang sabi ay tila may malaking problemang pang-sarili. Maari daw sa pamilya, sa pera o sa puso. Hala… sabi ko pati ba naman mga problema ay nahuhulaan ng isang albularyo? May ganon ba? Paki-comment naman hehehe.

-----o0o-----

Isang umaga ay iba ang gising ko, hindi ko maipaliwanag, para bang kinakabahan ako na hindi ko mawari. Basta, hindi ako mapakali. Pumasok pa rin ako.

Kahit papano ay naging kalmado ang pakiramdam ko, nawala na sa aking isipan ang kaba o takot na naramdaman ko kanina. Nag-focus ako sa mga itinuturo nang aming professor.

Pagsapit ng lunch break ay kasabay ko uling kumain si Erwin. Pero sa uwian ay hindi na siya sumabay dahil sa may laro daw sila ng barkada ng basketball, hinatid naman niya ako hanggang sa gate.

“Sige na, tatawid na ako, salamat ha. Galingan mo,” sabi ko pa sabay talikod. Alam kong tumalikod na rin siya. Basta na lang ako tumawid na hindi ako tumitingin kung may nagdaraang sasakyan, huli na nang makita kong may mabilis na tumatakbong sasakyan, Nalito ako, narinig ko na lang na may nagsigawan,

Hindi ko na alam ang sumunod na pangyayari, natauhan na lang ako ng may isang lalaking nakayakap sa akin na nang aking tingnan ay si Justine pala. Gusto kong tanungin kung anong nangyari at bakit siya narito, kaya lang ay may isang lalaking sumigaw, “Nagpapakamatay ka ba? Kung nagpapakamatay ka, huwag kang mangdamay!”

Galit ang driver ng sasakyan. Nanghingi naman ako ng sorry.

“Pare, alam mo namang “school zone” ito at bawal ang magpatakbo ng mabilis. Kung tutuusin, kung may pulis dito ay dapat kang hulihin eh at ma-penalize. Nakita mo ba yung signage…”School Zone, no over speeding”, ang laki-laki hindi mo nakita?” sabi ni Justine.

Hindi na nakipagtalo ang driver at pinatakbo na lang ang kanyang sasakyan papalayo.

“Salamat Justine ha, kung wala ka ay baka may pinagkalagyan na ako. Maraming-maraming salamat, utang ko sa iyo ang buhay ko,” wika ko.

“Asus! Halika na at sabay na tayo,” sabi niya. Naglakad na kami, napalingon pa ako sa may likuran ko, nakita kong naroon si Erwin, nakita siguro ang pangyayari.”

Sa bahay ay kaagad akong pinainom ng tubig ni Justine. Ramdam ko ang pag-aalala niya sa akin. “Uliuli naman Ambeth ay mag-iingat ka sa pagtawid-tawid sa karsada. Tingnan mo nga iyan, muntikan ka na. Ano ba ang iniisip mo, si Erwin. Nakita kong ihinatid ka sa may gate ng school ninyo,” sabi ni Justine.

“Wala naman akong iniisip, nabigla lang ako sa pagtawid talaga. Alam mo Justine, kaninang umaga ay talagang iba na ang pakiramdam ko, yung bang kabado ako na wala naman dapat na ika-kaba. Siguro ay babala iyon ano?”

“Pwede, pero baka naman nasobrahan ka na sa kape, pansin ko eh kape ka na sa umaga at sa gabi, nagkakape ka pa rin, baka nasosobrahan ka na. Bawas-bawasan mo ang pagkakape ha, hindi pa nga nagiging tayo eh…”

“Hah! Ano iyon?” tanong ko, may hindi ako masyadong naintindihan na sinabi niyang huli, halos pabulong kasi.

“Wala! Sabi ko ay magiingat ka palagi. Mabuti na lang at napadaan ako sa unibersidad ninyo,” wika ni Justine.

“Bakit ka nga ba napadaan. Me susunduin ka ba na nililigawan mo?”

“Meron sana, inaabangan ko nga eh. Kaya lang uunahin ko pa ba iyon ay nakita kong nasa panganib ka. Mabuti na lang at alerto ako at nahatak kita.”

“Oo nga ano. Malas mo naman at nung babae, nang dahil sa akin eh na-purnada pa ang panliligaw mo,” sabi ko.

“Hindi naman, nakapuntos nga ako eh hehehe. Nga pala Justine, bukas eh hindi ako uuwi sa amin, Daanan kita sa unibersidad ha, samahan mo naman ako sa Cubao, may bibilhin lang ako sa mall,” aya sa akin ni Justine.

Ayihhhh hihihi, parang tumambol na naman ang dibdib ko. Ewan ko ba? Para kasing yung pagbabago ni Justine ay may ibig sabihin, tapos aayain pa ako na parang magde-date na kami, Kinikilig ako hihihi.

-----o0o-----

Paglabas ko ng 3PM Friday ay naroon na sa labas ng gate si Justine, nakaabang na sa akin. “Diretso na ba tayo, hindi na ba tayo daraan sa dorm?” tanong ko.

“Ikaw, gusto mo ba?” tanong ni Justine.

“Oo sana eh, para naman makapagpalit ng damit at makapag-pa fresh ng konti. Maaga pa naman eh,” sabi ko.

“Oo nga, makapaghilamos na din at makapag-sepilyo,”

To cut the story short, fresh looking na kami ni Justine. Ang gwapo talaga ng kumag na ito. Paglabas namin ay naroon si Erwin at nagdeliver pala ng beer kay Kuya. Binati niya kami. “Saan ang lakad ninyo? May date ba kayo ni Justine Ambeth?” bating tanong ni Erwin.

Si Justine ang sumagot, “Oo, first date namin ni Ambeth.”

Nakita kong lumamlam ang tingin ang mga mata ni Erwin, parang nalungkot na hindi ko mawari. Parang may kumurot din sa aking dibdib, hindi ko alam kung awa o ano. Itinanggi ko naman ang sinabi ni Justine. “Hindi no, nagpasama lang at may gustong bilhin para sa nililigawan.” Ewan ko kung maniniwala siya. Iyon naman ang totoo.

Sa mall ay para kaming mag-jowa na namamasyal, naka-akbay pa siya sa akin. Noong una ay gustong hawakan ang kamay ko, inalis ko lang, inakbayan na lang ako at hinayaan ko na lang. Inaya ako na kumain, pero sinabi kong mamaya na lang dinner.

Lakad uli kami. Tingin-tingin ng mga naka-display na paninda hanggang sa makarating kami sa may sinehan. Inaya akong manood ng sine at siya raw ang taya. “Akala ko ba ay may bibilhin ka?” tanong ko.

“Mamaya na. Manood na lang muna tayo. Tamang tama o, Nagpapapasok na ng manonood at gusto ko talagang panoorin ang pelikulang iyan,” sabi ni Justine. Wala na akong nagawa dahil pumila na siya sa bilihan ng ticket.

Bago kami pusok ay bumili muna siya ng popcorn at softdrinks. Kaagad naming naubos ang popcorn at softdrinks, tahimik na kaming nanood. Maganda naman ang pelikula, drama-love story ang tema. Medyo focus na ako sa panonood ng may humawak sa aking kamay, ginagap niya ang palad ko at pinagsalikop. Bumilis ang tibok ng puso ko, napahinga ako ng malalim. Hinayaan ko lang na magkaholding hands kami habang nanonood, para tuloy talaga kaming mag-jowa.

May kasunod pang ginawa si Justine na talaga naman napaka-sweet. Hinawakan niya ang ulo ko at ihinilig sa kanyang balikat. Ang sweet talaga. Pero ang hindi ko akalain ay ang halikan niya ako sa aking labi. Ang hindi ko maintindihan sa aking sarili ay kung bakit hindi ko siya pinigilan, bagkos ay hinayaan ko lang na angkinin ang aking labi hanggang sa tugunin ko na ang halik. Nawala na kami sa sarili. Nang medyo lumiwanag ang screen ay natauhan ako bigla at kumalas sa pakikipag-halikan.

“Baka may makakita sa atin. Tama na Justine.” Sabi ko na parang habol ang hininga sa pagsasalita.

“Tayo na ha,” ang sabi ni Jusine.

“Anong tayo na, bakit?” kunwari ay hindi ko alam ang gusto niyang sabihin.

“Tayo na, mag-jowa na tayo,” tugon niya.

“Hah! Jowa agad! Hindi ka pa naman nanliligaw eh.”

“Hindi pa ba panliligaw ang ginagawa ko? Ang laki na nang ipinagbago ko ah, hindi na kita inaasar at ang sweet ko na palagi sa iyo,” sabi niya.

Kaya pala malaki ang pinagbago, panliligaw pala iyon. Hindi ako sumagot, hindi rin tumanggi. Ang totoo ay nagkakaroon na rin ako ng pagtatangi sa kanya, kaya lang ay ganon din ang nararamdaman ko kay Erwin, hindi ko gusto na mamili sa kanilang dalawa.

“Ano Ambeth, tayo na ha?” muling sabi ni Justine.

“Teka muna Justine, isipin ko muna. Ayaw ko munang makipag-relasyon, kasi hanggang ngayon ay may nararamdaman pa rin ako sa aking ex. Gusto ko munang tuluyang akong makalimutan siya,” dahilan ko.

“Sa ex mo ba o kay Erwin?”

Hindi ako makasagot, ang totoo ay iyon naman talaga ang isa pang dahilan. Tumahimik na siya at hindi na umimik. Mabuti na lang at natapos na ang palabas. Inaya pa niya akong kumain, pero sinabi ko nang kay Kuya na lang kami kumain para makatipid. Siya daw naman ang taya, pero hindi pa rin ako pumayag. Ayaw ko namang gastusan na niya ako ay hindi pa naman kami.

Umuwi na kami, nakasabay pa namin si Rexy. Ewan ko ba, nagkakataong nakakasabay ko si Rexy kapag may kasama ako dito sa Cubao.

Sa karinderya na lang kami kumain nina Justine at Rexy. Nang nasa silid na kami ay tahimik lang din si Justine. Kinaumagahan ay nagpaalam siya na uuwi na raw sa kanila.

Hindi na ako nagtanong, alam kong malungkot siya dahil sa hindi ako pumayag na maging kami. Hindi ko naman siya ni-reject, hindi pa lang kasi ako ready na makipag-relasyon.

Lunch time ng Sabado, gulat ako ng madatnan ko si Erwin na nakaupo katabi ni Rolly. Ngayon na lang kasi siya nagawi sa karinderya ni Kuya para kumain, ang huli ay noong kasama niya si Sonny. Na miss kong bigla si Sonny.

Matapos kaming kumain ay nagpaalam pa sa akin na kung pwedeng tumambay sa aming silid, pahihindian ko ba naman siya. Hindi naman siya nagtagal, gusto lang pala akong ayain na lumabas. Ang tuwa ko ng sa Luneta park niya ako dinala. Sa totoo lang, matagal ko na talagang gustong magpasyal doon, mabuti na lang at doon kami nagpunta.

Feeling ko ay naging bata uli ako, paslit pa kasi ako ng ipasyal ako doon nina Nanay. Nilibot talaga namin ang parke at panay ang kuha namin ng picture. Nang medyo napagod na kami ay napadaan kami sa isang nagtitinda ng miryenda, bumili kami at saka naupo muna sa isang bench na naroon at doon na kumain. Habang kumakain ay nabanggit niya ang nangyari kahapon.

“Alam mo, nagpapasalamat ako at walang nangyari sa iyo kahapon, kasi kung meron ay masisisi ko ang aking sarili. Mabuti na lang at naroon pala si Justine. Hindi na kita nilapitan, alam kong ligtas ka na kasama si Justine,” sabi ni Erwin.

“Oo nga, ang laking pasalamat ko kay Justine, utang ko sa kanya ang pangalawa kong buhay. Ang tanga ko kasi, bigla na lang akong tumawid na hindi tumitingin sa daan. Naging aral naman iyon sa akin.

“Hindi naman sa nanghihimasok ha Ambeth, nanliligaw ba sa iyo si Justine? O baka naman kayo na.” tanong ni Erwin.

Hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong na iyon ni Erwin. Dapat ko pa bang sabihin na”Oo”? Pero kapag itinatwa ko naman ay… bahala na nga, totoo naman na nagtapat siya eh. “Nagpaparinig, hindi direkta, pero may sinabi siya na ang intindi ko ay nanliligaw. Pero hindi pa ako handa na makipag-relasyon, Hanggat may natitira pa kasi akong feeling sa ex ko ay hindi muna ako iibig sa iba. Hindi ko naman siya ni-reject, hindi pa lang talaga ako handa.”

“Ganon ba? Ibig bang sabihin ay pwede rin akong manligaw sa iyo?”

Napatingin ako sa kanya na tila nagtatanong ang mga mata.

“Alam ko naman ang isasagot mo, actually, nauna na ang sagot. Pero gaya ni Justine, sana ay hayaan mo pa rin na manligaw din ako. Alam mo, una pa lang tayong nagkita ay nagkagusto na ako sa iyo eh,” sabi ni Erwin.

“Erwin, marami namang babae, sa ganda mong lalaking iyan, alam kong magkakandarapa silang sagutin ka. Bakit ako. Tinanong ko rin kasi iyan kay Justine.”

“Mahirap naman kasing turuan ang puso kung sino ang mamahalin. Ikaw ang itinibok ng puso ko, wala na akong magagawa. Sabi mo nga, minahal ka dati ng ex mo, kaya lang… alam mo na. Ako, magiging tapat ako sa iyo, promise.

“Maraming salamat ha, pero sabi mo nga ay alam mo na ang magiging sagot ko, hayaan mong maghilom muna ang sugat sa puso ko, at kapag ready na ako, sana ay matanggap mo din ang magiging desisyon ko.”

“Oo, maghihintay ako, sana ako ang piliin mo. Kung sakali, ikaw ang una kong makaka-relasyon.”

Napangiti lang ako. Grabe talaga, hindi ko alam na masyado na palang mahaba ang aking buhok,

Papadilim na ng umuwi kami ni Erwin. Hinatid ako hanggang sa tapat lang ng karinderya ni Kuya. Umakyat na ako, papasok na ako ng aming silid nang hatakin ako bigla ni Rexy. “Halika nga friend at mag-usap tayo sandali. Kahapon si Justine ang ka-date mo, ngayo naman ay si Erwin. Sister, ang haba ng hair mo, nakakainggit ka na talaga, dalawang pogi at machong papable ang nagkakagusto sa iyo,” wika ni Rexy.

Hindi na ako nakatanggi, magbibihis pa sana ako, pero nahatak na niya ako at naikulong sa kanilang silid. Mabuti at wala roon si Louie, ang kanyang roommate.

Marami siyang tanong tungkol kina Erwin at Justine, pero wala akong sinabi, tahimik lang ako at itinatwa ko ang panliligaw nila sa akin. Mahirap na, baka isipin pa ng dalawa na ipinamamalita ko ang pangliligaw nila. Paano na kaya kug mag-deny naman sila.

Iniba ako ang usapan, tinanong ko kung saan siya galing kahapon nang makasabay namin siya ni Justine.

“Rexy, pangalawang beses ko na ikaw na nakakasabay na nasa Cubao ka rin. Saan ka ba nagpupunta, huwag mong sabihin na nanood ka na naman diyan sa sinehan sa may gateway ha. Ano ba talaga ang nangyayari doon ha?”

“Gusto mong malaman? Sumama ka sa akin minsan,” sagot ni Rexy.

“Hala, ayoko. Magkwento ka na lang kung anong ginagawa mo roon.”

“Gusto mo ba talaga? Sige, ikwento ko sa iyo, may resibo pa para maniwala ka hehehe.”

 

 

 

 

>>>>>Itutuloy<<<<<

3 komento:

  1. Wala po akong alam sa mga Albularyo kahit taga bulacan ako ha ha ha! Wala na po bang pag-asa ang mga Team Earnest hi hi hi! Gusto ko din malaman ang detalye sa buhay ni Earnest at ang ganap sa kinakasama nya at iba pa. ;-)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. tama, sana may pov ni ernest at nung steve na karelasyon nya

      Burahin

Gupit

  Gupit   “Mauro… may kilala ka bang barbero? Yung pwedeng mag-home service?” tanong ko sa kasama ko sa bahay na si Mauro. Kuya meron....