Everything I Have
(Chapter 5)
By: Joemar Ancheta
(From: hotpinoyparkzonestories)
Naging mabilis ang
mga pangyayari, hindi ko napaghandaang gapiin ang pagkabigla. Para akong
nalusaw na kandila. Sa pagkabigla ay hindi ko nagawang tumakbo o magtago. Nanatili
ako doong nakaluhod at yumuko. Mabilis na umeskapo si kuya Berto. Naiwan akong
parang walang magawa kundi hintayin ang paghahatol. Naramdaman ko na lamang ang
isang malakas na suntok na pinakawalan ni tatang sa aking bibig na dahilan din
para tuluyan akong matumba.
Hindi ako umiyak.
Hindi ko ramdam ang sakit kahit nalalasahan ko ang dugong galling sa aking mga
labi. Hinablot ni tatang ang sando kong itim at hinila niya ako pauwi sa bahay.
“Hindi ka talaga
magbabago, tang ina mong bakla ka. Makikita mo ngayon kung paano ko puputulin
ang pagiging binabae mo tarantado ka!”
Samyo ko ang amoy
alak niyang hininga. Alam kong malakas pa siya at hindi pa ginugupo ng
kalasingan kaya alam kong alam niya ang kaniyang ginagawa at sinasabi. Nakainom
ngunit hindi lango. Hindi ko nagawang sagutin siya. Ano naman kasi ang
sasabihin ko? Paano ko ipagtatanggol uli ang sarili kong hindi na nadala sa mga
sunud-sunod na kahihiyang ginawa ko. Kaya noon, wala kahit anong pagtutol o
kahit takot sa maaring gawin ni tatang sa akin. Dapat lang akong pahirapan,
kailangan kong lasapin ang bunga ng kabuktutang aking ginawa. Hindi ko nagawang
lumuha.
May mga
nakasalubong kaming mga tao habang hila-hila ako ni tatang ngunit nanatili
akong nakayuko. Wala akong mukhang iharap sa kanila kahit alam kong hindi nila
alam kung ano ang sadyang nangyari. Kinahihiya ko noon ang pagiging alanganin
ko, kinahihiya ko ang mga ginawa ko dahil lamang sa panandaliang ligayang hatid
ng laman. Anong nangyayari sa akin? Nasaan ang aking talino? Bakit hindi ko
nagawang gamitin ito para labanan ang mga tuksong dala ng aking pagiging
alanganin? Bakit pagdating sa tukso ng lalaki ay nagiging napakahina ko?
Pagkarating namin
sa aming kubo ay malakas akong tinulak ni tatang. Napasubsob ako sa sulok.
Hindi pa man ako nakakatayo nang bigla niya akong tinadyakan sa sikmura.
Nanlilisik ang mga mata ni tatang noon. Sinasabayan ng paulit-ulit niyang
pagmumura at pagkutya sa aking pagkasino.
“Bakla! Binabae!
Salot! Malas!“ Lahat ng masasakit na tawag sa katulad ko nasabi na niya. Ngunit
sa pagkakataong iyon tanggap ko ang lahat. Hinayaan ko siyang pahirapan ang
aking katawan na walang pagtanggi o kahit man lang luha. Iniisip ko noon,
kulang pa, kulang pa ang mga papanakit na iyon para tuluyang mabura ang mali kong
nakahiligan. Sana sa pananakit ni tatang na iyon ay tuluyan na ring mabago ang
takbo ng aking isip lalo na ng aking nararamdaman. Kinamuhian ko noon ang aking
pangkalahatan.
“Magsalita ka
ngayon! Ano! Tang-ina mong bakla ka! Hindi ka magdadahilan? Akala ko ba
matalino ka!”
“Sige lang po tang,
saktan niyo lang ako ng saktan! Kung gusto niyo akong patayin, gawin niyo lang,
hindi ko kayo sisihin dahil sawang-sawa na din akong mabuhay!” garalgal kong
tinuran iyon ngunit buo, matatag, sigurado.
Pagkatapos noon ay
isa uling malakas na suntok ang pinakawalan ni tatang. Nang biglang nakita ko
na lamang si nanang na nasa pagitan na namin ni tatang.
“Anong ginagawa mo
sa anak ko? Anong karapatan mong saktan siya ng ganyan!” pasigaw iyon ngunit
ramdam ko kung gaano nasasaktan ang isang inang makita ang anak na duguan ang
mukha.
“Bakit hindi mo
tanungin sa binabae mong anak kung ano ang ginagawa nila ni Berto sa silong ng
tulay!”
Nilingon ako ni
nanang ngunit yumuko ako. Tanda ng pag-amin, ng pagsuko at ng pagsisisi. Pati
siya ay hinihila ko sa kahihiyan.
“At dahil doon
sasaktan mo siya ng ganyan…anong gusto mong mangyari? Papatayin mo siya? Anong
karapatan mong pahirapan ang anak ko ng ganyan samantalang hindi ka naman
naging tunay na ama sa kaniya?”
“Nang, tama na po.
Kasalanan ko naman po lahat.”
Hinawakan ko si
nanang. Ayaw kong sa kaniya maibubunton ni tatang ang galit niya sa akin.
“At kinakampihan mo
siya gano’n?”
“Anak ko siya, kung
may problema ka sa anak ko, sabihin mo sa akin at ako ang didisiplina. Maliban
na lang kung naging tunay kang ama sa kaniya. Sana hayaan kitang gawin ang
lahat ng gusto mo.”
“Siya at ang ama
niya ang sumira sa buhay natin. Sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha ng
binabaeng iyan ay hindi ko maalis sa isip ko ang gagong ama niyan. Hindi ganito
ang buhay natin ngayon kung hindi sa baklang ‘yan kaya bago ko mapatay,
palayasin mo siya.”
“Wala siyang
kasalanan sa mga nangyari. Huwag mo siyang sisihin kung bakit nagkakaleche ang
buhay natin. Kung may dapat sisihin sa mga nangyari ay ako at ang sarili mo.
Huwag mong ibunton sa anak ko ang kahirapan ng buhay natin.”
“Umalis ka diyan,
hindi pa kami tapos magtuos ng binabae mong anak!”
Nakita kong lalong
tumindi ang galit ni tatang. Siguro dahil nakita niyang sa pagkakamali kong
iyon ay may isang taong dumidipensa sa akin. Pakiramdam niya ay pinagtutulungan
siya. Kinuha ni tatang ang kawayang ginagamit namin sa pagbukas ng bintana sa
aming kubo. Nakaramdam ako ng kakaibang takot sa maaring gawin niya sa akin.
Hindi ako nagpatinag. Wala akong balak kumaripas ng takbo tulad nang ginagawa
ko noong bata pa ako.
“Umalis ka na anak.
Bilisan mo.”
Nakita kong gustong
agawin ni nanang ang hawak ni tatang na pamalo ngunit mas malakas si tatang sa
kanya.
“Umalis ka na muna,
anak, susunod ako.”
Paulit-ulit na
sinisigaw ni nanang na kailangan ko ng umalis. May kasamang pagsusumamo ang
kaniyang boses kahit alam kong hirap na hirap na siyang pigilan si tatang. Nakailang
hakbang palang ako para sundin ang kagustuhan ni nanang nang narinig ko ang
parang malakas na pagbagsak sa gawa sa kawayan naming sahig. Nakita ko si
nanang na duguan ang bibig na nakasalampak.
Hindi ko na tinuloy
ang paghakbang. Mabilis kong binalikan si nanang ngunit isang malakas na palo
ang tumama sa aking tagiliran. Hindi ko na alintana ang sakit niyon, kung aalis
ako, hindi ko puwedeng iwan si nanang. Siya na lamang ang natitira kong
kakampi. Siya na lang ang alam kong nagmamahal sa akin. Hanggang sa mabilis si
nanang na nahawakan ang dulo ng kawayan. Hindi niya ito binibitiwan. Kahit
halos maiwasiwas siya ni tatang. At nang ayaw talagang bitiwan ni nanang ang
pamalo ay kitang kita ko kung paano sipain ni tatang si nanang.
Sa nakita kong lantarang
pananakit niya sa ina ko ay hindi ko na napigilan ang silakbo ng galit na
matagal ko ng kinimkim. Tanggap kong saktan niya ako ng saktan ngunit hindi ang
taong nagbigay ng buhay sa akin, hindi ang ina kong siyang natitirang
nagmamahal sa akin. Nang lumapit si tatang kay nanang para muli itong saktan ay
mabilis kong dinepensa ang katawan ko para hindi na niya muling masaktan pa ang
ina ko. Ang suntok na sana dadapo sa mukha ni nanang ay sa dibdib ko tumama.
Nang itinaas niya ang pamalo ay mabilis kong hinawakan ang kaniyang mga kamay
at pinilit ko iyong maagaw sa kanya. Natumba kaming dalawa. Naagaw ko ang
pamalo sa kanya at itinapon sa malayo.
“Lumalaban ka na
tang-ina mo ha! Lumalaban ka na!”
“Hindi po ngunit
utang na loob huwag si nanang. Ako na lang!”
“Sige tignan natin
kung hanggang saan ang kaya mo ngayon!”
Mabilis niyang
hinablot ang itak na nakaipit lamang malapit sa aming hagdanang kawayan. Nang
una, hindi ako nakaramdam ng takot dahil siguro naniniwala akong hindi kaya ni
tatang na pumatay ng tao. Kahit kabado ako ay naniniwala akong tinatakot lang
niya kami ni nanang. Nakita ko sa mukha ni nanang ang takot. Bigla siyang
tumayo sa gitna namin at pilit niya akong tinago sa kanyang likod.
“Umalis ka diyan
kung ayaw mong pati ikaw ay tatamaan sa akin.”
Pasigaw iyon.
Walang mababanaag na kahinaan. Hindi lang siya nananakot. Oo nga’t may
pagbabala ngunit ramdam kong kaya niya akong saktan at tagain. Ngunit ayaw
umalis ni nanang sa harapan ko.
“Nang alis na tayo
dito.” Paanas kong sinabi kay nanang. Hinila ko si nanang at umatras kami.
Pababa sa hagdan. At nang malapit na kami sa pintuan ay saka ko naramdaman ang
malakas na sipa na siyang tuluyang dahilan ng pagkakabitaw ko kay nanang.
“Umalis kang
mag-isa mo bakla ka! Huwag na huwag kang papakita sa amin kahit kailan!”
Kitang-kita ko kung
paano niyapos ni tatang si nanang sa leeg nito.
“Sasama ako sa anak
ko. Hinding-hindi ko siya hahayaang aalis na hindi niya ako kasama.”
Nakita ko ang
pagtulo ng luha ni nanang. Alam kong sa sandaling iyon ay hirap na hirap na
siya sa mga pasakit na kaniyang pinagdadaanan. Gustong gusto ko siyang ilayo sa
mga pasakit na iyon ngunit paano?
“Hindi ka aalis!”
“Aalis ako! Kasama
ng anak ko!”
Lalong dumiin ang
pagkakayapos ni tatang sa leeg ni nanang at nakita kong halos bigtiin na niya
ito. Siniko ni nanang si tatang. Namumula na ito dahil sa hindi makahinga
ngunit lalong diniinan ni tatang ang pagbigti sa kanya. Hindi na ako nag-aksaya
ng panahon pa. Lumapit ako at pilit kong tinanggal ang bisig ni tatang na nakapulupot
sa leeg ni nanang ngunit isang malakas na sipa ang kaniyang pinakawalan.
Bumangon ako.
Kinagat ko ang bisig ni tatang at kahit ano pang gagawin niya sa akin ay hindi
ko tinanggal ang pagkagat ko doon. Sa tuwing sinisipa ako o kaya ay dinadagukan
ay lalo kong dinidiin ang ngipin ko sa kanyang mga braso.
Lumuwag ang
pagkakapulupot niya sa leeg ni nanang at ilang sandali pa ay tuluyan ng
nakawala at hinila ko palayo kay tatang. Nakita kong tinaas ni tatang ang kamay
na may hawak na itak. Umatras ako at nawalan ako ng panimbang. Napaupo ako.
Dumausdos ako paatras. Kailangan kong lumayo dahil nakikita ko sa mga
nanlilisik na mga mata ni tatang na kaya niya akong patayin.
Nang itaga na niya
sa akin ang itak ay mabilis na pinalo ni nanang ang balikat niya. Ngunit tumama
parin ang itak sa bisig ko. Dumaloy ang dugo. Hindi tumigil si nanang sa
kapapalo kay tatang sa katawan nito at nang harapin ni tatang si nanang at
naagaw nito ang pamalo mula sa kanya ay alam kong si nanang ang sasaktan niya.
Mapatay na muna niya ako bago niya masaktan si nanang. Wala akong pakialam sa
dumudugo kong bisig. Mali na kung maling patulan ang tinuturing kong ama mula
nang ako’y nagkamalay ngunit hindi siya naging tunay na ama sa akin.
Naipon sa dibdib ko
ang masidhing galit. Inin-in ng isip ko ang matinding pagkamuhi sa kaniya at
ngayon na pisikal na kaming sinasaktan ng ina ko ay wala ng naiwan pang
katiting na respeto. Tuluyang nilamon ng matinding emosyon ko ang mga
pinag-aralan ko. Wala na din ako noon sa katinuan. Hindi ako makapapayag na
wala akong magagawa para ipagtanggol ang ina ko sa kahit anumang kapahamakan
kaya bago niya mapalo o kaya mataga si nanang ay pinakawalan ko ang isang
malakas na sipa. Dahil sa lakas niyon ay napaupo siya. Nabitiwan niya ang itak
at alam kong kung hahayaan kong muli niya itong makuha ay hindi na kami
pakakawalan ng nanang kong buhay. Mabilis si nanang na pulutin ang itak ngunit
nakuha ni tatang ang pamalo.
“Wala kang utang na
loob! Papatayin kita, tang ina mo!” Bago siya makabangon ng tuluyan at maipalo
sa akin ang kawayang hawak ay isang malakas na sipa uli ang pinakawalan ko.
Bumulwak ang dugo sa dibdib ni tatang. Nabitiwan ni nanang ang hawak niyang
itak at nagulat din ako sa aking nasaksihan. Parang bigla akong bumalik sa
aking katinuan. Nanginig ang buo kong katawan at parang dumilim ang aking
pangingin.
Ilang sandali pa’y
basa na ng dugo ang damit at shorts ni tatang. Tumama ang likod niya sa
nakausling bareta at tumagos hanggang sa kaniyang dibdib. Tinaas ni tatang ang
kamay niya habang nakatingin kay nanang. Humihingi kay nanang ng tulong ngunit
nanatiling nakatayo si nanang at ‘di pa rin bumabalik sa katinuan dahil sa
pagkagulat. Napaluhod ako. Hindi ko alam ang aking gagawin. Sising-sisi ako sa
aking nagawa.
Itutuloy……..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento